XI

"ANÓ SABI IYÓN EH?"

Si Gerardo ay hindî santó. Anák din siyá ni Eva't ni Adán na kapwà

makasalánan.

Totóo ngâ na, para kay Gerardo, Báyan ang una at Báyan ang hulí; na,

ang pagkamakabáyan, hindî sa salita kundî sa gawâ, ay siyang damdaming

pinakamahalagá at nangangaibábaw sa boô niyang kataúhan. Totóo rin

namán na walâ siyang pinakamamahál na pangarap mulâ sa pagkabatà

kundî ang maihandóg ang iisa niyáng pusò sa dámbanà ng kanyáng lahì.

Dapwa't hindî dahil sa lahát nang itó, ay walâ nang maiisip si Gerardo

sa boô niyang búhay kundî "bayan." Maminsánminsán din namang masubukan

niyá ang kanyang sarili na nangangarap hindî sa kandúngan ng báyan,

kundî sa kandungan niyáng mga anáki'y tálàng nagantiantilaw sa lángit

ng Pilipinas... Katakátaká kayâ na ang Gerardong iyan ay maakit sa

bangóng humáhalimúyak ng isáng sampagitang nananariwà na gáya ni Elíng?

Oh, si Elíng!

Sa kanyáng hárap si Gerardo ay nagíging makátà, nagíging mangangarap,

at magiliwin sa mga bulaklák, paró-paró, tala, bítuin...

Ang mabaít niyáng pusò sa haráp ni Elíng ay kung bákit nagíging

manunuksó; ang mga payapa't maaamò niyáng sulyáp ay kung bákit nagíging

malilikot at mga magnanakaw!...

Silang dalawá ay malaon nang magkaibígan. Hábang lumaláon ang kanilang

pagkikilála, ay lalo at lálong nasasabík si Gerardo sa pagmalas sa

dilág ni Elíng, sa pagdiníg sa mga mahihiwagà't matatamís niyáng

salitâ, sa pagpúkaw sa mga ngiting mangbibíhag ng binibining yaon na

ipinaglihí yatà sa dako pa roon ng hinhín ni María Clara...

Nguni't hanggán diyán lang si Gerardo.

Hinahangaan niya ang ganda ni Elíng, dapwa't di pa sumasambá.

Siya lang ay natutuwâ, naiigáyang malásin ang himalâng yaon ng

Kalikasán.

Noong mangyari ang sigalót sa bahay-pamunùan, si Elíng ay nakaupô at

nanánahí ng isang panyô sa loob ng kanyáng tindáhan. Ang mukhâ niyáng

kaáya-áya, ay minsáng magníngning sa lugód, at minsáng mangulimlím sa

panglaw. Bakit? Ang kanyáng paningín ay láging nakapakò sa malayò,

bihírang mátigil sa tinatahî. Báwa't táong magdáan ay kinikilalang

mabúti malayò pa.

Si Elíng ay may ináantabayánan; hinihintáy niya ang pagdáan sa kanyáng

tapát noong mainit sa sínag ng Bagong Araw na kabatang-batà pa ay

bayani na. Para kay Elíng, ang binátang yaon na láging nahahandáng

ipáram ang lahat maitaguyod lang ang dinuduháging Matwíd, ang binátang

yaon na nagsanggálang sa dangál ni Julio na kanyáng amá, ay isa

nang Krísto na dápat niyáng igálang, mahalín, itángi, pagukúlan ng

báwa't paták ng kanyáng pagíbig, at paghandugán ng báwa't tibók ng

kanyáng pusò!

Hindî nainíp si Elíng sa pagaantáy kay Gerardo, na sínapantahà niyáng

sa paguwî mulâ sa presidencia ay dadáan sa tapát ng kanyáng tindáhan.

Malayo pa ay nakilála na ng binibini ang magílas na tindíg nang líhim

niyang kinakauláyaw sa kaibutúran ng kanyáng pusò.

--"Elíng!"--ang pagdaka'y ibinati ng binatà pagkalapít sa tindáhan.

--"Gerardo, halika sandalî!"

Si Gerardo'y lumapit at boong galak na kinamayan ang binibini na

noo'y singpulá ng gumámela, aywán kung dáhil sa pagaálaalang siya'y

lumábis sa kanyáng nápakalambíng na "Halíka!"

--"Ipagpatáwad mo, Elíng, ang pakikikamáy ko sa iyó ng kaliwâ."

--"Bákit? anóng mayroón ka sa iyóng kánan?"

Si Gerardo'y nagkúlay sagà.

Inakalà niya na isáng pagbubunyî sa saríli kung ipagtátapát ang

tunay na dáhil; kaya't ngumitì na lang at nasiyahan sa ísang

maráhang:--"Walâ!"

--"O, ay bákit at may tálì?"

--"Walâng ano man; nákagat lang akó ng putakté doon áh... sa púnong

bayábas nina Tikikò."

Si Elíng ay alangáng mapangitíng alangáng magálit. Alam niyá, gáya ng

pagkaálam sa kanyáng A. B. K,... na ang mga salitâng iyon ay isang

kimpál na kabulaánan. Hinagisan muna ang binatà ng isang tingin na

wari'y nagsísisigáw ng "Sinungaling itó ah!," bágo sumagót:

--"Putakté? ay bákit at may dugô?"

Si Gerardo'y lálong namulá.

--"Diyatà, Gerardo,"--ang dugtong ni Elena--"diyatà namá't iyán lang

ay ipagkákailâ mo pa sa akin?... Sapagka ba namá't ang tumátanong

ay...ah! siya nga palâ naman!... Isáng walâng kabuluháng gáya ko,

ay di ngâ nararápat..."

Ang binatang tigagál na tigagál sa mga salitâ ng kanyáng kaharáp,

ay walâng naihumá kundî isáng:--"Hindîng hindî, Elíng, oh, hindî ngâ!"

--"Súlong na, maaabála ka lang sa akin,"--ang patúloy ng binibinì na

may kahálong wari'y hinampó.

--"Patáwad, Elíng!... Binibirò lang kita.... Huwág mong damdamín ang

áking pagkukúlang... at sasabíhin ko na sa iyóng lahat!"

Isang ngitî, isang ngiting malambíng na 'kapilas ng langit' ang

nagpahiwátig kay Gerardo na ang pinangambahán niyang nagtampó ngang

túnay, ay nagtamputampúhan palâ lang.

--"Anó iyon? Sabihin mo na."

--"Isa lang muntíng súgat, Elíng."

--"Na namán!"--ang may padaóp kamáy pang sagót ng dalága, na animo'y

noon lang nabatíd ang nangyári kay Gerardo, gayóng sa katunáyan ay

nagmamaángmaángan siya.

Pagdaka'y kumúha ng isáng palanggána, isáng boteng may lamáng gamot

at saka isáng kahitang punô ng búlak at pangtalì ng súgat.

--"Gerardo"--ang bigkás ng binibinì;--"nakatupad ka na ng iyong

katungkúlan; bayaan mo namang tuparín ko ang ákin. Lilinisin ko ang

iyóng súgat."

--"Oh Elíng! Kay gandá ng iyong loób!... Dápwa't ikáw, mutyâ ng áking

báyan, linisin ang súgat ng isáng abâng dukhâ na gaya ko?..."

--"Kung anó-anó ang pinagsasabi ng Gerardong itó!"--ang tugón ng

dalága pagkatápos na máhagisan ang kaúsap ng isang napakalagkit na

títig.--"Tingnán ko nga ang iyóng kamay."--At umakmang aabutin ang

sugatáng kamay ni Gerardo na dalidali nitóng inaurong.

--"Huwag na, Elíng; maráming salamat."

--"O tingnán mo siyá!"

--"Hindî nábabagay. Bayáan mo ná't..."

--"Bayáang anó? hindi ba't tuwî kang magtatalumpatì ay

ipinangangaral mo na ang lahát ng táo ay dápat tumupád sa kanikaniláng

katungkúlan? Hindî ba't ito'y katungkúlan ko? Ako ba'y hindî táo sa

iyo? Hindî ba...."

--"Súkat na, Elíng, súkat na; dapwa't iyang mga sutlâ mong dalirì ay

di dapat marumhán ng...."

--"Diyatà nama't akó'y iyóng bibiguín?"

--"Oh! Hindî sa ibig kitáng biguín..."

--"Ah, ayóko ngâ nang maraming salitâ. Ipalínis mo sa akin ang iyong

súgat at tapús!"

Si Gerardo'y di na tumutol sa pagaala-álang baká ang ánghel na iyón

ay magtampó na namán.

Samantálang hinuhugásan ng binibinì ang kamáy ng binatà, itó nama'y

walang tahán ng panunuksó:

--"Oh Elíng! Sa pinakamalálim kong mga pangarap, sa pinakamaláyang

galáw ng aking gunitâ, kailán ma'y di ko nasumpungán ang anó mang

pahiwátig na sa áraw na itó ay áking mapapaláran ang pagkakáwang-gawâ

niyáng mga dalirì mong bawa't isá ay katumbás ng boô kong buhay!"

--"Palalò!"

--"Elíng, kaúsap mo yaring pusò!"

--"Sinungáling!"

--"Elíng, dinggín mo ang isáng katotohánan!"

--"Anó iyón?"

--"Isáng damdaming iniingat-ingátan ko at maláon ng tinitimpî-timpî?"

--"Sabíhin mo kung anó."

--"Huwág kang magagálit?"

--"Bakit kayâ akó magagálit?"

--"Tatanggapín mo?"

--"Anó sabi iyón eh?"

--"Ipangakò mo muna!"....

--"Na anó?"

--"Na iyong tatanggapín!"

--"Kung hindì masamâ'y... tatanggapín ko."

--"Elíng, iniíbig kita!"

--"Ha?"--ang pamangháng saló ng angkán ni Venus.

--"Iniíbig kitá!"...

--"Dáhan-dáhan, Gerardo! Ikáw ay magmunimuni."

--"Walang kailángan, kita'y kilaláng malaon na... Ako rin nama'y

kilalá mo: sumagot ka. Elíng, iniíbig mo ba akó?"

--"Ay! ang pusò ko, Gerardo, ay di na akin; kinusà ko siyang ihandóg

sa dápat kong mahalin; lumingap sa ibá ay di na mangyayári!"

Ang binata'y sandalîng napípi. Kinintalán ng isang títig ang bitúing

kauláyaw bago tumugón:--

--"Elíng, di ko mawatásan ang iyóng salitâ. Ibig mo bagáng sabihin

na ako'y walâ nang pag-asa?"

--". . . . . . ."

--"Iyon ba ang kahulugan?"

--"Aywán ko."

--"Aywán ko dáw!"

--"Abá!"

--"Wikà mo'y di na mangyayáring lumingap ka pa sa ibá? Anó ang

kahulugán at kangino tumutúkoy ang ibang iyan? Sa ákin kayâ, Elíng?"

--"Aywán ko!"

--"Si Elíng namán! Bákit mo kayâ pinamamáhay ang kalulwá ko sa

pangangambá?... Sagutín mo sana akó. Sa akin ba tumutúkoy?"

--"Hindî...."--ang wari'y walâ sa loob na sagót ng binibinì.

--"Oh, Elíng ko! At ang ibig mong sabíhin ay di ka na makalilíngap

kanino pa man, líban sa ákin?"

Isáng busilak na langit ang nabuksán kay Gerardo. Pagdaka'y hinawakan

ang kamay ni Elena at inalapit sa lumulundag niyang pusò.

--"Abá! hindî!... aywán ko! hindî!... abá!"--ang sunod-sunod na

pagbabangong-puri ng dalagang nagpúpumiglás.

--"Ah, Elíng! Huwág mo nang ikaít sa akin ang tibók niyáng iyong

pusò. Ipagtapát mo na! Hindî mo ba ako iniíbig, Elíng?"

Iláng sandalî na napipi ang binibinì. Walang maláang

isagót. Kundanga'y napasukol siyá kaagad! Gayón na lang ang kanyáng

pagsisisi. Manganí-nganíng kagatin ang tuksóng dilà na sa pamamagítan

ng isang "Hindî", ay isiniwálat ang boông líhim ng kanyáng pusò!

--"Elíng ko",--ang mulìng samô ng binatà. "Hindî mo ba ako iniíbig?"

Bulalakaw ng Pag-asa · 第 25 / 47 题