SI ELÍNG

Itó ang ngalan ng dalágang anák ni Julio. Magíng sa gandá, at magíng sa

katalinuhan man, si Elíng ay hindî maitatánging lubós sa mga bulaklák

ng kanyáng bayán.

Ang hiwágà, ang líhim ng kanyáng pagkamapanghalína ng--kanyáng

makapangyaríhang pagkamapanghalína--ay di nátin masusumpungán sa

dilág ng mukhâ, ni sa ningníng ng kanyáng útak, hindî.

Ang hiwagà at lihim na iyón, upáng mádamá, ay kailángang makipagkilála

kay Elíng; kailángang kaulayáwin siyá nang maláon; kailángang táwagan

ang kanyáng pusò; tarukín ang pagkamababà, ang pagkamasunúrin,

ang pagkagintô ng kanyáng loób; kailángang titígan ang mga títig

ni Elíng, ang mga títig niyáng nagpapakilála sa isáng kalulwáng

malambíng at mapangambáhin, isáng kalulwáng masintáhin at mahabagín,

isáng kalulwáng puspós ng línis, ng gandá at kahinhinán.

Náriyan ang líhim, ang hiwagàng bumibílot sa kataúhan ni Elíng. Náriyan

ang talàng nákikintál sa maalindóg niyáng noó. Náriyan ang kayamánang

maipagmámalakí ng kanyáng kadukhâan.

Si Elíng, mulâ sa pagkabatà, ay mahiligín sa pagaáral. Marúnong ng

kastilà, gayón din ng ingglés. Isang taón na siyá'y nagtirá sa Colegio

de Sta. Isabel, at dalawáng taón namán sa Dormitory School. Díto sa

hulí, siya ay nag-áral ng Nursing, ang mahúsay at tumpák na pagaalága

sa may sakít. Panggagáling sa Dormitory, siya'y tumirá sa Hospital

de San Pablo úpang isagawâ doon ang kanyáng napagarálan. May iláng

buwan din ang kanyáng nagúgol sa pagsasánay na ito, sa píling ng mga

amerikánang enfermera.

Nguni't hwág isiksík sa guniguní ng bumabása ang hinalà, na, sapagka't

naturang taga dormitory, at sapagka't maláong nákahalubílo ng mga

amerikana, si Elíng marahil ay pinanáwan na ng mga katutúbong kílos,

at mga katutúbong ugalì sa pananamít at pakikipagkápwà.

Hindi gumawî nang ganyán ang binibining itó; hindî siya pumapára sa

mga nagsalasalambáy diyáng miss, na di na nangíming ipailalim ang

pagka-pilipína sa kanilang pagaaméamerikanahan di lang sa gayák,

di lang sa kilos, kundí ang lalong kasákitsákit at kahináhináyang ay

patí ang budhi, ang kalulwa't mga paghakaka ay pinipilit na igáya't

ipabusabos sa mga dayuhang iyán.... na siyáng nagnákaw sa kalayáan ng

kaniláng báyan at untî-untîng humihigpít sa tanikaláng madalî ó malaon

ay siyáng ikabubulusók ng Kapilipinuhan sa bangín ng pagka-aba!...

Nasusuklám si Elíng sa mga bágay na ito, kaya't mahigpít na iniingátan

ang pagka-pilipína. Tandâ ng pag-iingat niyang iyan at paglayò niya

sa mga ugaling dáyo, ang kanyáng madalás na dî pagpanáog sa kaniláng

tindáhan, kapag ang dumudulóg doon ay mga amerikánong magagasláw. Ugali

ito ni Elíng, hindî sapagka't binubulag siya ng "prejuicio de raza"

(alalaong baga'y ang pagtingin sa kúlay ng balát at di sa kataúhan

ng isang táo,) kundî sapagka't ang kanyáng kahinhinán ay hindî

makababatáng malásin ang magagaspáng at mahahálay na kilos na

karaniwáng gawiîn dito ng di iilang amerikáno.

Si Elíng ngâ ay hindî kapára ng mga ibang dalaginding diyán,

na, pagkagát na nang dilím, ay nagpupuláhan ng damít sa loob ng

kanikaniláng kantina, nagkakapálan ng palábok sa mukhâ, nagdadamihan

at nagpapalalúan ng urì ng mga mister na sa kanila'y nakalilígid,

na anáki'y mga ásong kakáwkáw-káwkáw, aamóy amóy at didilà-dilà....

Si Elíng ay poót na poót sa mga asal na iyáng lubhâ nga namáng

nakaririmárim. Minsan siyáng manginíg sa gálit at minsáng mápaiyak

sa habág sa mga kadalága niyang halíng na halíng sa ganganyáng gawâ,

na kadalasán at sa tuwírang sabi, ay lumalabás na isáng malinaw na

pagtitindá ng dangál at púri!

Magsábi, kung hindî, iyáng mga kinasasadlakán ngayón ng pulà ng bálana.

Magsábi, iyáng mga nakátikim ng buhay-kantinéra sa áting mga

bayánbayán.

Ilán na sa kanilá, ang úpang mapawili lang sa tindahan ang isáng

amerikánong manglalásing, ay tutulútan nang sila'y kutyâ-kutyâin nitó

sa likód ng mga salitang "Sweetheart, give me a kiss!"?

Ilán na sa kanilá ang natulúyan na ngang mahagkán ng mga langó?

Ilán na sa kanilá ang ngayo'y kinikilabútan sa hiyâ sa ibang táo,

sapagka't sa ganitó ó gayóng gabí, silá ay náyapus ng mga ganitó ó

gayóng négro?

At humahanggá ba rito ang mga nangyayári?

Bakit at may mga kantinera diyang ngayo'y kaabra-abrasete ó kaya'y

kalúlan sa bagól ng mga itim? Maaáring, sapagká't narahiyô sa pilak ng

mga ito; dapwa't kadalasá'y sapagka't sa ganito ó gayong pagkakátaon

sa loob ng kantina, ay may isang milagrong nangyari!...

Mga sawîng pálad!...

May katwirang lumuhà ang isang Elíng dahil sa inyó!

Bulalakaw ng Pag-asa · 第 24 / 47 题