KAYAMANA’T KARALITAAN

Kinabukasan, sa gitnâ ng̃ pagkakamanghâ ng̃ boong nayon, ay nakituloy

sa bahay ni kabisang Tales ang manghihiyas na si Simoun na may

kasamang dalawáng batàán na may pasáng malalakíng takbá na nababalutan

ng̃ lona. Sa gitnâ ng̃ kaniyáng pagdadálitâ ay hindî nalilimutan

ni Tales ang magandáng ugalì ng̃ tagarito, kayâ’t nagugulumihanan

sapagkâ’t walâ siyáng sukat maíhandóg sa dayuhang yaón. Datapwâ’y

may tagláy nang lahát ng̃ bagay si Simoun, mg̃a alilà at kakanin,

at walâ siyáng nais kun dî ang manirahan ng̃ isáng gabí’t isáng

araw sa bahay na iyón, sapagkâ’t siyáng pinakamalakí sa nayon at sa

dahiláng nápapagitnâ sa San Diego at sa Tiani, mg̃a bayang inaakalà

niyang may maraming mámimili. Inusisà ni Simoun ang kalagayan ng̃

mg̃a daan at itinanóng kay kabisang Tales kung sukat na ang kaniyáng

rebolber upang makapagtanggól sa mg̃a tulisán.

--May mg̃a baríl na malayò ang abót--ang sabi ni kabisang Tales na

nátatang̃á.

--Hindî na páhuhulí ang rebolber na itó--ang sagót ni Simoun na

nagpaputók, na ang pinatamàán ay isáng punòng bung̃a na may dalawáng

daang hakbáng ang layô.

Námalas ni kabisang Tales ang pagkahulog ng̃ ilang bung̃a, ng̃unì’t

hindî umimík at nagpatuloy sa pag-íisíp.

Untî untîng dumadatíng ang mg̃a taong akay ng̃ kabantugán ng̃ mg̃a

hiyás na dalá ng̃ mag-aalahás: isá’t isá’y nagbabatìán ng̃ maligayang

paskó, nang̃ag-uusap ng̃ tungkól sa misa, mg̃a santó, masamâng ani,

ng̃unì’t gayón man ay gúgugulin ang kaniláng naiipon sa pagbilí ng̃

mg̃a bató at mg̃a bagay bagay na galing sa Europa. Balitàng balità

na ang mag-aalahás ay kaibigan ng̃ Capitan General at hindî magiging

isáng kalabisán ang pakikipagkilala sa kaniyá dahil sa mg̃a bagay

na bakâ mangyari.

Si kapitáng Basilio ay dumatíng na kasama ang kaniyáng asawa,

ang kaniyáng anák na si Sinang at ang kaniyáng manugang, na

nang̃ahahandâng gumugol ng̃ hindî bábabâ sa tatlóng libong piso.

Nároroon si Hermana Penchang upang bumilí ng̃ isáng singsíng na

brillante na ipinang̃akò niyá sa Birhen sa Antipolo; iniwan niyá sa

bahay si Hulî na isinásaulo ang isáng muntîng aklát na nábilí niyá

ng̃ dalawáng kualta sa kura; ang arsobispo ay nagbibigáy ng̃ apat

na pung araw na _indulgencia_ sa sino mang bumasa ó makading̃íg ng̃

pagbasa ng̃ aklát na iyón.

--¡Jesús!--ang sabi ng̃ mabaít na mapanata kay kapitana Tikâ--ang

kaawà-awàng batàng iyán ay lumakí ditong warì’y kabutíng itinaním

ng̃ tikbalang!.... May makálimáng pûng ipinabasa ko ng̃ malakás ang

aklát ng̃unì’t walâng náisaulo ni bahagyâ; warìng isáng buslô ang

ulo, na, punô lamang sámantalang nasa sa tubig. Marahil ay hindî

lamang dalawáng pûng taóng indulgencia ang aming tinamóng lahát,

sampû ng̃ aso’t pusà sa pakiking̃íg sa kaniyá.

Inihandâ ni Simoun sa mesa ang dalawáng takbá na kaniyáng dalá: ang

isá’y malakílakí kay sa isá.

--Marahil ay ayaw kayó ng̃ hiyás na _double_ ni batóng huwad

lamang.... Itóng ali--ang sabing tinukoy si Sinang--ay brillante

marahil ang ibig......

--Iyán ng̃â pô, mg̃a brillante at mg̃a matatandâng brillante, mg̃a

matatandâng bató ¿há pô?--ang sagót--ang magbabayad ay si tatay at

ibig niyá ang mg̃a matatandâng bagay, mg̃a bató sa una.

Kung gaano ang pagbibirô ni Sinang sa kakauntî at masamâ pang latín

na nalalaman ng̃ kaniyáng asawa ay gayón din namán ang sa maraming

latín na nalalaman ng̃ kaniyáng amá.

--Sadyâ ng̃â pông mayroon akong mg̃a hiyás na lubhâng matatandâ--ang

sagót ni Simoun, na inalís ang balot ng̃ muntîng takbá.

Yaó’y isáng sisidláng bakal, na patalím na kininis, at maraming

palamutìng _bronse_ at mg̃a matitibay at pasuotsuot na panará.

--Mayroon pô akóng mg̃a palamutì ng̃ liig ni Cleopatra, mg̃a sadyâng

tunay, na nákuha sa mg̃a pirámide, mg̃a singsíng ng̃ mg̃a senador at

mg̃a ginoong romano na nákuha sa mg̃a labíng muog ng̃ Cártago......

--Marahil ay ang mg̃a ipinadalá ni Anibal ng̃ matapos ang labanán

sa Cannes!--ang sabing walâng kaping̃asping̃as na birò at lipús

kagalakán ni kapitáng Basilio.

Ang mabuting ginoo natin, kahit na nakábasa ng̃ maraming kasulatan na

ukol sa matatandâng kapanahunan ay hindî pá nakákikita ng̃ mg̃a bagay

bagay ng̃ panahóng iyón dahil sa walâng _museo_ dito sa Pilipinas.

--May dalá rin akó ritong mg̃a mahahalagáng hikaw ng̃ mg̃a marang̃al

na babaing romana, na nákuha sa bahay liwaliwan ni Antonio Mucio

Papilino sa Pompeya......

Iginagaláw ni kapitáng Basilio ang kaniyáng ulo, na ang ibig sabihin

ay alám niyá ang mg̃a bagay na tinuran, at ninanasà niyáng mamalás

kaagád ang mg̃a mahahalagáng labíng iyón. Sinasasabi namán ng̃ mg̃a

babai na ibig niláng magkaroon ng̃ galing sa Roma, mg̃a kuwintás

na benenditahan ng̃ Papa, mg̃a _relíquias_ na nakapagpapatawad ng̃

mg̃a kasalanan na hindî na kailang̃an ang mang̃umpisál, at ibp.

Nang mabuksán ang takbá at maalís ang bulak na panakíp, ay námalas

ang isáng lalagyáng punô ng̃ singsíng, agnós, _guardapelo_, krus,

alpiler, at ibp. Ang mg̃a brillante na sinaglitán ng̃ mg̃a batóng may

sarìsarìng kulay ay kumíkináng at nagniningníng sa gitnâ ng̃ mg̃a

bulaklák na gintô na ibá’t ibá ang kulay, may gisuk na _esmalte_ at

may sarìsarìng liluk at kudyá.

Inalís ni Simoun ang bandeha at lumitáw ang isá namáng punô ng̃ mg̃a

kahang̃àhang̃àng hiyás na dapat ng̃ makasiyá sa pitóng binibini sa

pitóng araw na sa kinabukasan ay magdadaós ng̃ sayawang parang̃al

sa kanilá. Ang ayos ay sarìsarì, mg̃a pagkakasaglítsaglít ng̃ mg̃a

bató at perlas na anyông mg̃a hayuphayupang may mg̃a kulay bugháw at

balok na nang̃ang̃aninag; ang mg̃a sápiro, esmeralda, rubí, turkesa

at brillante ay magkakasamang anyông tutubí, paróparó, panilan,

pukyutan, uwang, ahas, himbubuli, isdâ, bulaklák, kumpól, at ibp.;

may sukláy na ayos diadema, gargantilya, pamutì ng̃ liig na perlas at

brillante, na dahil sa kagandahan ay hindî tulóy napigil ng̃ iláng

dalaga ang isáng pahang̃àng ¡inakú! at si Sinang ay napapalaták,

kayâ’t kinurót siyá ng̃ kaniyáng ináng si kapitana Tikâ, sapagkâ’t

bakâ lalòng mahalán ng̃ mag-aalahás ang daláng lakò. Patuloy pá rin

si kapitana Tikâ sa pagkurót sa kaniyáng anák kahit may asawa na.

--Hayan pô ang mg̃a brillante sa una--ang sabi ng̃ mag-aalahás--ang

singsíng na iyán ay inarì ng̃ princesa Lamballe, at ang mg̃a hikaw

na iyán ay sa isáng dama ni María Antonieta.

Ang itinurò’y iláng magagandáng brillante na kasinglakí ng̃ butil ng̃

maís, ang kintáb ay mang̃asúlng̃asul, mainam, na warìng tagláy pá

nilá ang mg̃a pang̃ing̃ilabot noong kapanahunang tinawag na “_mg̃a

araw ng̃ hilakbót_”.

--¡Ang dalawáng hikaw na iyán!--ang sabi ni Sinang na ang ting̃ín

ay sa kaniyáng amá at ipinagsasanggaláng ng̃ kamáy ang bisig na

nálalapít sa kaniyáng iná.

--Ibáng lalò pang matatandâ, ang mg̃a romana--ang sagót ni

kapitáng Basilio na sabáy ang kindát.

Inisip ng̃ mapanatang si Hermana Penchang na kung yaón ay ihandóg niyá

sa Birhen sa Antipolo ay pahihinuhod at ipagkákaloób ang kaniyáng

pinakamasidhîng hang̃ád: malaon ng̃ humihing̃î siyá ng̃ isáng

kababalagháng bunyág na kahalò ang kaniyáng pang̃alan upang huwag

nang mapawì ang pag-aalala sa kaniyá dito sa lupà, at pagkatapos ay

magtulóy sa lang̃it, gaya ni kapitana Inés ng̃ mg̃a kura, kayâ’t

itinanóng ang halagá. Ng̃unì’t tatlóng libong piso ang turing ni

Simoun. Ang matandâng babai’y _nag-angtanda_. ¡Susmariosep!

Inilahad ni Simoun ang pang̃atlóng lalagyán.

Punôngpunô ng̃ mg̃a orasán, kalupì, lalagyán ng̃ pósporo at mg̃a

agnós na pinamutihan ng̃ brillante at maninipís na mumuntîng larawang

esmalte.

Ang pang-apat ay siyáng kinalalagyán ng̃ mg̃a lagás na bató, at ng̃

buksán, ay isáng paghang̃à ang kumalat sa bahay; nápapalaták na mulî

si Sinang, kayâ’t kinurút siyá ng̃ kaniyáng iná, ng̃unì’t itó mán

ay nakabitíw din ng̃ isáng pahang̃àng ¡Sus María!

Hanggáng sa mg̃a sandalîng iyón ay walâ pang nakákikita ng̃ gayóng

karaming kayamanan. Sa kahóng iyon, na may balot na tersiopelong

bugháw na mang̃itímng̃itím, na may mg̃a halang, ay namamakás ang

katunayan ng̃ mg̃a pang̃arap sa “Isáng libo’t isáng gabí”, ang

pang̃arap ng̃ mg̃a salamisim sa kasilang̃anan. Mg̃a brillanteng

kasinglakí ng̃ mg̃a garbansos na nagkikinang̃ang nagtatapon ng̃ kisláp

na nakasisirà ng̃ matá, na warìng ibig matunaw ó mag-alab sa kintáb;

mg̃a esmeraldang galing sa Perú na ibá’t ibá ang tapyás at ayos, mg̃a

rubí sa India na mapupuláng warì’y paták ng̃ dugô, mg̃a sápiro sa

Ceylán na bugháw at putî, mg̃a turkesa sa Persia, perlas na makinis

ang balát, na ang ilan sa kanilá’y namúmulámulá, mang̃abóng̃abó

at maitím. Ang makabubulay ng̃ anyô ng̃ sisidláng iyon, ay yaóng

nakakita lamang sa gabí ng̃ isáng kuwitis na nagsabog ng̃ mumuntîng

liwanag na sarìsarìng kulay, na ang kináng ay nakapagpapalamlám sa

mg̃a walâng kupas na bituwin.

Warìng upang lalòng maragdagán ang pagkakamanghâ ng̃ mg̃a kaharáp

ay hinalòhalò ni Simoun ang mg̃a bató ng̃ kaniyáng kayumanggí at

mahabâng dalirì at warìng naiigaya sa tagintíng at sa pagdudulasang

warì’y paták ng̃ tubig na nagbibigáy kulay sa bahag-harì. Ang kináng

ng̃ gayóng maraming tapyás at ang kahalagahan nilá’y nakaaakit sa

mg̃a matá. Si kabisang Tales, na lumapit dahil sa nasàng makakita

namán, ay ipinikít ang mg̃a matá at lumayông biglâ na warìng upang

mapawì ang isáng masamâng akalà. Ang gayóng karaming kayamanan ay

warìng nakaaalipustâ sa kaniyáng kahirapan; naparoon ang taong yaon

na ipinagpaparang̃alan ang kaniyáng malakíng yaman sa kasunód pá

namán ng̃ araw na iíwan niyá ang bahay na iyon dahil sa kakulang̃án

sa salapî at sa sukat mag-ampón.

--Nárito ang dalawáng brillanteng itím na pinakamalakí sa lahát--ang

sabi ng̃ mag-aalahás--mahirap tapyasán, sapagkâ’t napakatitigás....

Ang batóng itó na may kauntîng kulay pulá ay brillante rin, gayón

din namán itóng berde na marami ang nag-aakalàng esmeralda raw.

Tinawaran na iyán sa akin, ng̃ anim na libong piso, ng̃ insík na

si Quiroga upang ibigáy sa isáng _señora_ na malakás ang kapit....

At hindî pá ang mg̃a kulay dahon ang pinakamahal sa lahát, kungdî

itóng mg̃a bugháw.

At ibinukód ang tatlóng bató na hindî namán lubhâng malalakí ng̃unì’t

lubhâng makakapál at mabuti ang pagkakatapyás, na may kauntìng kulay

bugháw.

--Kahit na mumuntî iyán kay sa mg̃a kulay dahon--ang patuloy--ay

ibayo ang halagá.

Tingnán ninyó itó na pinakamaliit sa lahát, na ang timbáng ay hindî

hihigít sa dalawáng kilatis, nábilí ko ng̃ dalawáng pûng libong piso

at ng̃ayó’y hindî ko maibibigáy ng̃ kulang sa tatlóng pûng libo.

Upang mabilí ko lamang iyan ay linakbáy ko pang sadyâ. Itóng isá

na nákuha sa mina sa Golconda ay tatlóng kilatis at kalahatì ang

timbáng at ang halagá’y higít sa anim na pûng libo. Tinatawaran sa

akin iyan ng̃ labing dalawáng libong _libras esterlinas_ nang Virrey

sa India, sa pamag-itan ng̃ isáng sulat na tinanggáp ko kamakalawá.

Sa haráp ng̃ gayóng karaming kayamanan na naipon sa kamáy ng̃

taong iyón, na palagáy na palagáy kung mang̃usap, ay nagdaramdám

ng̃ warì’y paggalang na may halòng sindák ang mg̃a nároroon....

Makáilang pumalaták si Sinang at hindî siyá kinurót ng̃ kaniyáng iná,

sapagkâ’t natutubigan marahil ó kayâ’y sa dahiláng inaakalà niyá

na ang isáng mag-aalahás na kagaya ni Simoun ay hindî magnanasàng

magtubò ng̃ limang piso pá, humigít kumulang, dahil sa isáng bulalás

na hindî napigil. Ang lahát ay nakating̃ín sa mg̃a bató, walâng

nagpapamalas ng̃ nasàng humipò, nang̃atatakot. Natitigilan silá dahil

sa pagkakamanghâ. Si kabisang Tales ay sa kaparang̃an nakatanáw at

iniisip na ang isá lamang sa mg̃a brillanteng iyon, ang pinakamuntî

marahil, ay sukat ng̃ maitubós sa kaniyáng anák, huwag maiwan ang

bahay at marahil ay maipagpagawâ ng̃ ibáng bukid.... ¡Dios! ¡diyatà’t

ang isá lamang sa mg̃a batóng iyon ay mahalagá pá kay sa tahanan

ng̃ isáng tao, sa ikaliligtás sa pang̃anib ng̃ isáng dalaga, sa

kapayapàan ng̃ isáng matandâ sa kaniyáng mg̃a hulíng araw!

At dahil sa warìng nahuhulàan ni Simoun ang kaniyáng iniisip ay

sinabi sa mg̃a kaharáp na magkakaanák na:

--At tingnán ninyó, tingnán ninyó; dahil lamang sa isá sa mg̃a

maliliit na batóng bugháw na itó, na warìng walâng kamalaymalay at dî

makasásamâ sa kang̃ino man, malinis na warìng buhang̃ing natanggal sa

lang̃it, sa isá lamang nitó na ihandóg sa ukol na panahón ay nagawâ

ng̃ isáng tao ang ipatapon ang kaniyáng kagalít, isáng magulang na

may inaampóng mg̃a kaanak, na warì’y nangguló sa bayan.... at dahil

sa isáng muntîng bató pang gaya nitó, mapuláng warì’y dugô ng̃ pusò,

gaya nang nasàng paghihigantí at kumikisláp na gaya ng̃ luhà ng̃

mg̃a ulila ay binigyang layà, ang tao’y nakauwî sa kaniyáng tahanan,

napagbalikán ng̃ amá ang kaniyáng mg̃a anák, ng̃ asawa ang kaniyáng

kabiyák ng̃ pusò, at marahil ay nailigtás ang isáng boong mag-aanak

sa isáng marálitang sasapitin.

At samantalang tinátapiktapík ang sisidlán:

--Mayroon akó dito, gaya ng̃ nasa tatagûan ng̃ mg̃a manggagamot--ang

patuloy sa wikàng tagalog na hindî tumpák--ang buhay at ang kamatayan,

ang lason at lunas, at sa isáng dakót na itó ay magagawâ ko ang

lunurin sa luhà ang lahát ng̃ tao dito sa Pilipinas!

Ang lahát ay sindák na nápating̃ín sa kaniyá sa pagkâ’t nabábatíd

niláng tunay ang sinasabi. Sa boses ni Simoun ay nápupuná ang isáng

kakaibáng ting̃ig at matalas na ting̃ín ang warì’y namumulás sa

kaniyáng salamíng bugháw sa matá.

Warìng upang maputol ang pagkakamanghâ ng̃ mg̃a taong iyón sa

pagkamalas sa mg̃a batóng nakita, ay itinaás ni Simoun ang bandeha at

inilantád ang ilalim na pinagtatagùan ng̃ _sancta sanctorum_. Mg̃a

sisidláng balát sa Rusia, na hiwáhiwaláy dahil sa mg̃a halang na

bulak ang siyáng pumúpunô sa káilalimang ang balot ay tersiopelong

mang̃abóng̃abó ang kulay. Lahát ay nag-aantáy na makakikita ng̃ mg̃a

kahang̃àhang̃à. Ináantáy ng̃ asawa ni Sinang na makakita ng̃ mg̃a

karbungko, mg̃a batóng nag-áapoy at kumíkináng sa gitnâ ng̃ kadilimán.

Si kapitáng Basilio ay nasa pintô ng̃ kabantugan; makakikita ng̃

bagay na may katuturán, bagay na katunayan, ang katawán ng̃ kaniyáng

mg̃a lagìng pinang̃arap.

--Ang pamuting itó sa liig ay kay Cleopatra--ang sabi ni Simoun at

maing̃at na kinuha ang isáng kahang lapád na ang ayos ay kalahatìng

buwán--isáng hiyás na hindî mahahalagahán, isáng bagay na nárarapat

lamang ilagáy sa mg̃a museo, sa mg̃a pamahalàang mayayaman lamang

nauúkol.

Yaón ay isáng warì’y kolyar na binúbuô ng̃ ibá’t ibáng palawít na

gintô na mg̃a ayos anitong uwang na kulay dahon at bugháw, at sa

gitnâ’y may isáng ulo ng̃ buitre na gawâ sa bató, na ang kilabot

ay katang̃ìtang̃ì, na nápapagitnâ sa dalawáng pakpák na nakabuká,

sagisag at hiyas ng̃ mg̃a harìng babai sa Ehipto.

Nang makita ni Sinang ay ikinimbót ang ilóng at ng̃umuwîng paalipustâ

na warì’y batà, at si kapitang Basilio kahi’t na may malakíng hilig

sa mg̃a lumàng arì ay hindî nakapigil ng̃ isáng ¡abá! na anák ng̃

hindî kasiyaháng loób sa nákita.

--Isáng mainam na hiyas na naing̃atang mabuti, kayâ’t mayroon nang

dalawáng libong taón ang tandâ.

--¡Psh!--ang sabing agád ni Sinang upang huwag mahulog sa tuksó ang

kaniyáng amá at nang huwag bilhín.

--¡Hang̃ál!--ang sabi nitó, na napigil ang kaniyáng hindî kasiyahang

loob na una--¿anó ang malay mo kung umalinsunod sa kolyar na iyan

ang kalagayan ng̃ayón ng̃ kabuhayan ng̃ tao? Sa pamag-itan niyan

marahil ay násilò ni Cleopatra si Cesar, si Marco Antonio...... iyan

ay nakáding̃íg ng̃ mg̃a panunumpâ sa pag-ibig ng̃ dalawáng lalòng

bantóg na bayani sa kaniláng kapanahunan, iyan ay nakáding̃íg ng̃

mg̃a banggít na lubhâng ayós at malinis na wikàng latín, at maanong

mágamit mo na lamang siyá!

--¿Akó? ¡ni hindî ko pá iyan tawaran ng̃ tatlóng piso!

--Kahi’t na dalawáng pû’y matatawaran, _gonga_!--ang sabing animo’y

may pagkabatid ni kapitana Tikâ--mabuti ang gintô at maaarìng gawíng

ibáng hiyas kung tunawin.

--Itó’y isáng sinsíng marahil ni Sila--ang patuloy ni Simoun.

Ang sinsíng ay maluwang, buô ang gintô at may isáng taták.

--Iyan marahil ang taták na itinitik sa mg̃a kahatuláng pagpatáy

noong siyá ang nag-uutos--ang sabing namumutlâ sa pagkatigagal ni

kapitang Basilio.

At tinangkâng siyasatin at hulàan ang ibig sabihin ng̃ taták,

dátapwâ’y kahi’t nagpilit at pinihit-pihit ay walâ siyáng nábasa,

sa dahiláng hindî siyá maalam ng̃ _paleografia_.

--¡Nápakalalakí ang dalirì ni Sila!--ang sabi tulóy--másusuot na ang

dalawáng dalirì ng̃ sino man sa atin; sinasabi ko na ng̃â, tayo’y

pumápauróng.

--Mayroon pa akóng mg̃a ibáng hiyas dito....

--¡Kung lahát ay kaayos niyan ay salamat!--ang sagót ni Sinang--ibig

ko na ang mg̃a bago.

Ang bawà’t isá’y pumilì ng̃ isáng hiyas, may kumuha ng̃ isáng

singsíng, may isáng orasán, may isáng guardapelo. Ang binilí ni

kapitana Tikâ ay isáng agnós na may kaputol ng̃ bató na nádiinan

ng̃ ating Poong Jesucristo sa ikatlóng pagkakadapâ; si Sinang ay

isáng hikaw at si kapitang Basilio ay ang talì ng̃ orasang pabilí

ng̃ alperes, ang mg̃a hikaw ng̃ babai na pabilí ng̃ kura at ibá pang

bagay na panghandóg: ang ibá namáng magkakaanak na taga Tiani ay

bumilí rin ng̃ hanggáng may ibibilí upang huwag máhulí sa mg̃a taga

San Diego.

Si Simoun ay namimilí rin namán ng̃ mg̃a lumàng hiyás, nakikipagpalitan,

kayâ’t dinalá roon ng̃ mg̃a mapag-impók na iná ang mg̃a hiyás na hindî

na nilá magamit.

--¿At kayó, walâ pô ba kayóng ipagbíbilí?--ang tanóng ni Simoun kay

kabisang Tales, dahil sa nákitang minamalas nitóng may tagláy na

inggít ang mg̃a pagbibilí at pagpapalitan.

Sinabi ni kabisang Tales na ang mg̃a hiyas ng̃ kaniyang anák ay

naipagbilí na at ang mg̃a nátitirá ay mg̃a walâng halagá.

--At ang agnós ni María Clara?--ang tanóng ni Sinang.

--¡Siyá ng̃â palá!--ang bulalás ng̃ lalaki, at biglâng kumináng ang

paning̃ín.

--Yaón ay isáng agnós na may brillante at esmeralda--ang sabi ni

Sinang sa mag-aalahás--na ginamit ng̃ aking kaibigan bago magmongha.

Si Simoun ay hindî sumagót; sinundán ng̃ ting̃ín si kabisang Tales.

Matapós mabuklát ang iláng kahón ay nátagpûán ang hiyás. Pinagmasdáng

mabuti ni Simoun, makáiláng binuksán at isinará; yaon ng̃â ang agnós

na suot ni María Clara noong pistá sa San Diego, na sa pagkahabág

ay ibinigáy sa isáng ketong̃in.

--Ibig ko ang pagkakaayos--ang sabi ni Simoun--¿sa magkano pô ninyó

pagbibilí?

Kinamot ni kabisang Tales ang kaniyang ulo, na hindî maalaman kung

anó ang gagawín, kinamot ang taing̃a at pagkatapos ay tuming̃ín sa

mg̃a babai.

--Naiibigan ko ang agnós na iyan--aní Simoun--¿ibig bagá ninyóng

ibigáy sa isáng daan...... limang daang piso? ¿Ibig ninyóng ipagpalít

ng̃ ibá? Pumilì kayó ng̃ inyóng ibig.

Si kabisang Tales ay walâng imík at nakamulalàng pinagmamasdán si

Simoun na warì’y alinlang̃an sa kaniyáng nádiding̃íg.

--¿Limang daang piso?--ang bulóng.

--Limang daan--ang ulit ng̃ mag-aalahás na nabago ang boses.

Kinuha ni kabisang Tales ang agnós at pinihitpihit; malakás na

tumítibók ang kaniyáng palipisan, ang kaniyáng mg̃a kamáy ay

nang̃ing̃iníg. ¿Kung huming̃î pá kayâ siyá ng̃ lalòng malakí?

Makapagliligtás sa kanilá ang agnós na iyon: ang pagkákataóng iyon

ay mainam at hindî na mangyayaring mulî.

Kinikindatán siyá ng̃ mg̃a babai upang ipagbilí na, tang̃ì lamang si

Penchang, na, sa pang̃ang̃ambang bakâ tubusín si Hulî, ay nagwikàng:

--Kung akó’y pakakaing̃atan ko iyang warì relikias.... ang mg̃a

nakakita kay María Clara sa kombento ay nagsasabing namalas niláng

payát na payát na hindî halos makapagsalitâ, kayâ’t inaakalàng

mamámatáy na banál.... Pinupuri siyá ni P. Salvi, sapagkâ’t siyá

niyang pinagkukumpisalan. Bakâ dahil doon kung kayâ hindî iyan

ipinagbilí ni Hulî at pinilì pa ang masanglâ siyá.

Ang pahiwatig na itó’y nagkakabuluhán.

Nakapigil kay kabisang Tales ang pagkaalaala sa kaniyáng anák.

--Kung ipahihintulot ninyó--anyá--ay tutung̃o akó sa bayan at

isasangunì ko sa aking anák; babalík akó rito bago magtakipsilim.

Nagkásundô silá sa gayón at pumanaw noon din si kabisang Tales.

Ng̃unì’t ng̃ nasa labás na siyá ng̃ nayon, ay nátanaw niyá sa malayò,

sa isáng landás na tung̃o sa kagubatan, ang prayleng nang̃ang̃asiwà

sa _hacienda_ at ang isáng taong nákikilala niyáng siyang kumuha ng̃

kaniyáng mg̃a lupaín. Ang pagkagalit ng̃ isáng lalaking nakakita

sa kaniyáng asawa na pumapasok na kaakbáy ng̃ ibáng lalaki sa isáng

silíd na lihim ay hindî papantáy sa sulák ng̃ galit ni kabisang Tales

sa pagkakakita sa dalawáng iyón na patung̃o sa kaniyáng bukid, sa

mg̃a bukid na kaniyáng ginawâ at inasahan niyáng maipamamana sa

kaniyáng mg̃a anák. Sa warì niyá’y nagtatawanan ang dalawáng iyón,

linilibák siyá sapagkâ’t walâng magawâ; pumasok sa kaniyáng alaala

ang sinabing: hindî ko ibibigáy kung dî sa dumilíg muna sa kanilá

ng̃ sariling dugô at ilibing sa kanilá ang asawa’t anák......

Nápahintô, hinaplós ng̃ kamáy ang noo at ipinikít ang mg̃a matá;

ng̃ mulîng dumilat ay nákitang namimilipit sa kátatáwa ang taong

iyón at sapol ng̃ prayle ang kaniyáng tiyan upang huwag pumutók sa

katuwâán; at pagkatapos ay nákita niyáng itinurò ang kaniyáng bahay

at mulîng nang̃agtawanan.

Naghumugong ang kaniyáng taing̃a, náramdamán sa kaniyáng palipisan

ang higing ng̃ isáng hagkís, ang ulap na pulá’y sumipót na mulî sa

kaniyáng paning̃ín, mulîng namalas ang katawáng bangkáy ng̃ kaniyáng

asawa’t anák at sa kapiling ay ang lalaki at ang prayleng nagtatawá

na pigil ang tiyan.

Nalimot niyá ang lahát, lumikô at tinung̃o ang landás na linalakaran

ng̃ lalaki at ng̃ prayle; yaon ang landás na tung̃o sa kanyáng

bukirín.

Si Simoun ay nabagót sa kaaantáy kay kabisang Tales sa gabíng yaón.

Nang mágisíng siyá kinabukasan ay nápunáng ang supot na katad na

kinalalagyan ng̃ kaniyáng rebolber ay walâng lamán; ng̃ kaniyáng

buksán ay nakakuha sa loob ng̃ kaputol na papel na kinababalutan

ng̃ agnós na may esmeralda at brillante at kinasusulatan ng̃ iláng

salitâ sa wikàng tagalog, na ang sinasabi ay:

“Ipagpatawad pô ninyo, ginoo, na kahi’t nasa aking bahay ay pagnakawan

ko kayó: ng̃unì’t ang pang̃ang̃ailang̃an ay siyáng nag-udyók sa

akin, ng̃unì’t iniwán kong kapalít ng̃ inyóng rebolber ang agnós na

pinakananasà ninyó. Kailang̃an ko ang armás at makikisama na akó sa

mg̃a tulisán.

Ipinagbibilin ko sa inyóng huwag ipagpatuloy ang inyóng lakad,

sapagkâ’t sa dahiláng walâ na kayó sa aking bahay, ay hihing̃án

namin kayó ng̃ malakíng tubós pag kayó’y aming nábihag.

Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere) · 第 20 / 78 题