Ang balità ng̃ gayóng kasawìán ay dumatíng sa bayan; kinahabagán ng̃
ilán at kinibít na lamang ng̃ ibá ang kaniláng balikat. Walâng may
kasalanan sa pangyayaring yaón at ang sino ma’y walâng masisisi.
Ni hindî man namilíg ang teniente ng̃ guardia sibil; tumanggáp
siyá ng̃ utos na samsamín ang lahát ng̃ armás, at siyá’y tumupád
sa kaniyáng katungkulan; inuusig niyá ang mg̃a tulisán kailan ma’t
magagawâ ang gayón, at ng̃ bihagin si kabisang Tales ay linakad niyá
agad ang pag-uusig at inauwî niyáng balitî sa bayan ang limá ó anim
na taong bukid na kaniyáng pinaghinalàan, at kung hindî napasipót
si kabisang Tales ay sapagkâ’t walâ sa bulsá ni sa balát ng̃ mg̃a
hinuli na pinakaigihan sa palò.
Kinibít ng̃ uldóg na tagapang̃asiwà sa _hacienda_ ang kaniyáng
balikat. Walâ siyáng pakialám sa bagay na iyón; kagagawán ng̃
tulisán! at siyá’y tumútupád lamang sa kaniyáng katungkulan. Tunay
ng̃âng kung hindî siyá nagsumbóng ay hindî marahil sinamsám ang mg̃a
armás at hindî marahil nábihag si kabisang Tales: ng̃unì’t siyá,
si Fr. Clemente, ay kailang̃an niyá ang mag-ing̃at at ang Tales na
iyón ay may isáng ting̃íng warì’y humahanap ng̃ dakong patatamàan sa
kaniyáng katawán. Ang pagsasanggaláng sa sarili ay katwiran. Kung
may tulisán man ay hindî niyá kasalanan; hindî niyá katungkulan ang
umusig: katungkulan iyón ng̃ guardia sibil. Kung si kabisang Tales
ay namalagì sa kaniyáng tahanan at hindî naglibót sa kaniyáng mg̃a
lupàín ay hindî sana nábihag. Yaón ay isáng parusa ng̃ lang̃it sa
lahát ng̃ mg̃a lumalaban sa mg̃a utos ng̃ kaniyáng “corporación”.
Nabatíd ni Hermana Penchang, ang matandâng mapanatang pinaglilingkuran
ni Hulî, ang nangyari: bumigkás ng̃ dalawá ó tatlóng _susmariosep!_,
nag-angtandâ at nagsabing:
--Kung kayâ tayo pinadadalhán ng̃ Dios ng̃ ganyáng parusa, sa
kadalasán, ay dahil sa tayo’y makasalanan ó kayâ’y mayroon tayong
mg̃a kamag-anak na makasalanan na dapat sanang turùan natin ng̃
kabaitan, ng̃unì’t hindî natin ginawâ.
Sa pagsasabi nang “_kamag-anak na makasalanan_” ay si Hulî ang
tinutukoy; sa ganáng sarili ng̃ matandâ ay lubhâng makasalanan si
Hulî.
--Sukat ba namáng ang isáng dalagang maaarì ng̃ mag-asawa ay hindî
pá marunong magdasál! Jesús, anóng lakíng pagkakasala! ¿Dapat ba
namáng bigkasín ng̃ tunggák na iyón ang _Dios te Salve María_ ng̃
hindî humihintô sa _es contigo_, at ang _Santa María_ ay walâng
patláng sa _pecadores_, na gaya ng̃ ginagawâ ng̃ sino mang mabuting
kristiana na may takot sa Dios? Susmariosep! ¡Hindî nakaaalám ng̃
_oremus gratiam_ at ang sinasabi’y _mentibus_ at hindî _méntibus_!
Ang sino mang makakading̃íg sa kaniyá ay mag-aakalàng ang sinabi’y
_suman sa ibus_. Susmariosep!
At nag-aantandâng warì’y dî mápalagáy at nagpapasalamat sa Dios na
pinayagang máhuli ng̃ tulisán ang amá upang maalís sa pagkakasala
ang anák at mátuto ng̃ kabaitan, na alinsunod sa sabi ng̃ kura, ay
dapat taglayín ng̃ bawà’t babaing kristiana. At dahil dito’y kaniyáng
pinipigil, hindî pinadadalaw sa nayon upang kaling̃àin ang nunò.
Kailang̃an ni Hulî ang mag-aral, magdasál, basahin ang mumuntîng
aklát na ikinákalát ng̃ mg̃a prayle at gumawâ hanggáng sa mabayaran
ang dalawáng daan at limang pûng piso.
Nang maalamang tumung̃o si Basilio sa Maynilà upang kunin ang
salapîng naiipon at ng̃ matubós si Hulî sa bahay na pinaglilingkurán,
ay inakalà ng̃ babai na ang dalaga’y masasawî na at pakikiharapán
ng̃ diablo na mag-aanyông kagaya ni Basilio. ¡Kahit na nakaiiníp,
ay lubhâng makatwiran iyóng muntîng aklát na ibinigáy sa kaniyá
ng̃ kura! Ang mg̃a binatàng tumutung̃o sa Maynilà upang mag-aral,
ay nang̃aliligáw at nanglíligáw pá ng̃ ibá. At sa pag-aakalàng
inililigtás niyá si Hulî ay ipinag-uutos dito na basahing mulî’t mulî
ang aklát ni _Tandang Basio Makunat_ at pinapaparoon sa bahay-parì
upang makipagkita sa kura, na kagaya ng̃ babaing pinakakapuri ng̃
prayleng kumathâ.
Samantala namá’y nagsásayá ang mg̃a prayle; nanalo na silá sa usapín
at sinamantalá ang pagkakabihag kay kabisang Tales upang ibigáy sa
huming̃î ang mg̃a lupàín nitó na walâng muntî mang karang̃alan, ni
walâng kahiyâhiyâ. Nang dumatíng ang dating mayarì at nabatíd ang
mg̃a nangyari, ng̃ mákitang inaarì ng̃ ibá ang kaniyáng mg̃a lupaín,
yaóng mg̃a lupaíng nagíng sanhî ng̃ ikinamatáy ng̃ kaniyáng asawa’t
anák; nang matagpûang pipi ang kaniyáng amá, ang kaniyáng anák ay
naglilingkód na parang alilà, at tumanggáp pá ng̃ isáng utos, na
bigáy ng̃ tinintí sa nayon, upang alisín ang mg̃a lamán ng̃ bahay
at iwan itó sa loob ng̃ tatlóng araw, ay umupô si kabisang Tales
sa piling ng̃ kaniyáng amá at hindî man halos nang̃usap sa boong
maghápon.
X