_Kung ano ang Teatro at pagkikita ni Tengteng Kamagong at Agong
Kadiliman._
--Si Kadiliman ay nakahampilas sa isáng _Bar_ at waring malainibay,
siyang pagdaan ni Tenteng Kamagong na nakabastipol tinawag ni
Kadiliman at ganito ang bati.
--Halika n~ga Kamagong.
--¿Ano ba Kadiliman tila nagdidilim ang pan~ganorin mo, ha?
--Hindi katalasan lamang ang pakli ni Kadiliman. ¿Bakit ba umalis ka't
di mo tinapos ang pagdidimite ko n~g cargo?
--Mangyari, ang sagot ni Kamagong, walang makatatangap n~g _cargo_
mong iyon.
--¿At bakit? ang sagot ni Kadiliman, na waring nagmamalaki.
--Sinong ulol ang tatangap n~g tatlong cargo, sa isang kapisanan?
--Mangyari iyon ang talagang ibig ko, at tan~gi sa roon walang
makapan~gan~gahás sa ating m~ga kasapi upang humawak n~g pagka
Presidente, pagka Secretario at pagka Tesorero; ¿Hindi ba talagang
mayroon? sa hindi inaasicaso. ¿Paanong ibig mong sabihin? Kaya
ginaganap ko n~g lahat, ang pagalít na sagot ni Kadiliman.
--¿Bakit hindi kapagkaraka'y ipinagbigay alam mo sa kapisanan na di
tumutupad ang Tesorero at Secretario n~g makapaghalal n~g iba't
sinarili mo?
--Hindi mo ba tantong bawal sa alin mang kapisanang mapísan ang
tatlong cargong iyan sa isang tawo? ¿Kung pumarito sa iyo ang fiscal
general at hin~gan n~g cuenta ang secretario ikaw ba ang
magpipirisintá n~g kasulatan? ¿Kung hin~gin sa iyo nang fiscal ang
linaw kung magkanong naiipong kwalta n~g samahan sa m~ga ambagang
ating nagawa? ¿Paanong gagawin mo? ang lanták ni Tenteng.
--Ipakikita kong lahat ang nariyan, ang sagot ni Kadiliman.
--¿Kung sabihin sa iyo n~g fiscal, na ginasta mo ang kalahati?
--Ipagpipilitan kong hindi, ang sagot ni Kadiliman.
--¿Maniniwala na ba sa iyo ang fiscal, na ikaw ay malinis sa
hinugasan, kung wala kang ipakitang katunayan? sa ang gawâin n~g
tatlo'y ibig mong kamkamin, dan~gan ang ikaw ay sabík sa tungkol,
dan~gan an~g kami yata'y ibig mon~g lokohin, dan~gan ang ikaw ay
napakamangmang; makita mo't ikaw din ang magsisisi pagdating n~g araw,
ang paala-ala ko sa iyong ito'y hwag mong masamain pagka't
mangyayaring ikaw ay mapaghimasukan n~g fiscal dahil sa ang gawa mong
iyan at ang kwaltang naiipon sa iyo ay hindi mo kualta kundi pilak n~g
marami, na dapat matanto n~g kapulun~gang namamahala, hindi n~g isang
tawong namamahala sa isang kapisanan; ganiyang lahat ang kapisanan,
tungkol n~g Presidente ang man~gulo sa lahat n~g bagay na kailan~gan,
tungkol n~g Secretario ang mag-in~gat n~g m~ga kasulatan n~g
kapisanan, tungkol n~g Tesorero ang mag-in~gat n~g kayamanan n~g
Kapisanan, kaya't ang tatlong tungkuling ito dapat sa tatlong tawo,
n~g upang lumiwanag ang pagsasamahán, ang Secretario na may tan~gan
n~g man~ga kasulatan siyang dapat na maka-alam nang kwaltang na sa
tagoan, dahil na siya ang may hawak n~g kasulatan, ang Secretario ang
dapat maghawak n~g kasulatan ó makaalam sa m~ga nangyayari sa
kapisanan, dahil na siya ang gumagawa n~g _acta_ at ang Tesorero ay
dapat magkaroon n~g kapanagutan sa kapisanan n~g itinatago niyang
kwalta, kung magkano man, ayon sa kasulatang taglay n~g Secretario na
kanyang pipilmahan; ang Presidente ó pinakapan~gulo n~g Kapisanan, ang
kailan~gang magsuri kung tama ó hindi ang inaanyo n~g dalawa niyang
katulong, kung sakaling hindi tama ang sino man dito, siyang bahalang
magpaliwanag sa m~ga kasapi, kung tamâ naman, ay pipilmá din siya sa
kasulatan sa ilalim n~g wikang _Visto Bueno_, sa makatwid ang
kahulugan: nasiyasat kong mabuti, dumating man ang fiscal mag reclamo
man ang kahit sino, maliwanag ka sa iyong tungkol, dahil na tatlo
kayong nananagot sa lahat n~g mangyayari; hindi ganitò ang gawa mo,
kundi tila ka, si Tiberio Cezar ang maibig ay dapat papangyarihin
hindi ka naman emperador. ¿Bakit ibig mong mag Empera-emperadoran? at
sa tagalog naman ibig mong mag Apô-Apô.
--Hinawakan ni Kadiliman ang paraskó n~g hiniebra at lalantakan si
Tenteng at sinabayan n~g wikang: naiingit ka yata.
--Hindi ako naiingít ang pailag na sagót ni Tenteng, kundi: ikaw na
ang Presidente, ikaw pa ang Secretario at ikaw pa man din ang
Tesorero, at kung dumating pa ang fiscal ibig mo pa manding pang
Apôan, baligtad ang bituka mo.
--Marahil isa ka sa nagsulsol sa kay Autor Hito; m~ga ingitero, ang
paismid na sabi ni Kadiliman.
--¿Bakit? ang patawáng tanong ni Tenteng.
--Buhay ko ang pinalabás sa Teatro noong ika 2 n~g Mayo, ang sagot ni
Kadiliman.
--¿Bakit, binangit ka ba?
--Hindi n~ga ang tugon ni Kadiliman, n~guni't katulad na katulad n~g
aking ugali ang asal ni Tio Agong sa obrang Apô-Apô na itinanghal.
--Hwag kang pahalata, ang pakli ni Tenteng; kaya't dingin mo't
ipaliliwanag ko sa iyo kung ano ang Teatro. Ang Teatro ay bahay aralan
n~g pag-uugali, at salaming mapananalaminan n~g nanonood, batyagin
mong magaling itong aking sasalitín: Kung ikaw ba'y may kalasin~gan na
waring namumun~gay ang mata mo, ikaw ay mauban, mapula ang m~ga puti
n~g matá mo at saka ka manalamin. ¿Hindi kayâ pan~git ang makikita mo
sa salamin?
--Mangyari, ang pabigláng sagot ni Kadiliman.
--Bien katoto: Ang pabiglá din namang sagót ni Tenteng, n~guni't ...
¿Sino sa inyong dalawa nang salamin ang may kasalanan, ikaw ba ó ang
salaming napalaminan n~g iyong pan~git na pag-uugali?
--Walâ kaming kasalanan kapwa, ang tugon ni Kadiliman.
--Humalakhak n~g tawa si Tenteng; sa bibig kita nahuli ang pasigaw na
sabi in Tenteng, Kamagong; e ... ¿Bakit mo kinagalitan si Hito?
Mangyari sinulsulan lamang siya n~g m~ga naiingit sa akin, ang
marahang tugon ni Kadiliman, tulad din naman sa pagsulsol ko na hwag
pasukin ang palabás ni Hito.
--Malî ang iyong akalà na iyan ay sinulsulan lamang, at idinugtong
pang sabi ni Tenteng, marahil ganyan ang gawa mo kung kaya ka
nagdamdam; n~g masabi ito ni Tenteng nilabnót ni Kadiliman ang kanyang
ulo't umuwing dalidali, lumakad na naman n~g patuloy si Tenteng na
humahalakhak n~g tawa.