Españang naliliguid n~g caramihang sundalong may fusil at nacalagay sa
dulo n~g fusíl ang bayoneta at nababalitì n~g mahigpít na abot síco.
Icawalong oras at sampong minuto n~g umaga n~g dumating si Rizal sa
haráp n~g Consejo de Guerra. Nalalarawan sa canyang mukhâ ang
cadalisayan n~g canyang púsô, ang catapan~gan n~g canyang dibdib, at
ang calinisan n~g canyang budhî. Lumin~gap siya sa magcabicabilâ.
Tinitigan niya bawa't nanonood. Napagkikilala sa canyang anyong hindî
siya nagugulat sa camatayan. Ang pananamít niya'y americana at salawal
na maitím, chaleco at corbatang putî. Mahusay na mahusay ang
pagcacasuclay n~g buhóc. Pinaupô si Rizal sa isáng bancong cahoy,
balitî rin n~g mahigpít na abot-síco at may m~ga sundalong bantay sa
caliwa't canan at sa licuran. Dinaíg pa niya ang lalong casamâsamaang
tulisán, ang lalong tampalasang mamamatay-tao. Dinin~gíg ni Rizal sa
loob n~g walompo at limang minuto ang pagbasa n~g "causang" laban sa
canya; pagcatapos ay binasa naman n~g fiscal na si Alcocer ang canyang
m~ga sumbóng, na sa catapusa'y hinihin~gî sa pan~galan n~g hárì sa
Españang patayin si Don Jose Rizal Y Mercado Alonso. N~g marin~gíg n~g
caramihang castilang doo'y nanonood ang maban~gís at catampalasanang
cahin~gîan ni Alcocer, nan~gagpacpacan n~g mainam at sa m~ga matá
nila'y bumúbuga ang galác n~g boong infierno. Pagdaca'y nagtindíg
namán si D. Luis Taviel de Andrade, at binasa ang canyang macatuwiran
at bayaning pagsasanggalang. Tinutulan n~g boong tapang ang m~ga
sumbóng n~g fiscal, inisaisang hinimay ang canyang m~ga sacdál,
ipinaliwanag na walang ano mang casalanan si Rizal, sinaysay ang
masun~git at dî wastong pag-uusig sa canya n~g m~ga caaway n~g
caliwanagan, at sa cawacasa'y sinabing lihis sa catowiran at sawî sa
m~ga cautusan ang cahin~gian n~g fiscal, na ipapatay ang canyang
ipinagsasangalang, at hinihin~gî niyang kilalanin ang pagca walang
casalanan nitó at bigyang calayaan. N~g matapos mabasa ang gayong
pagsasanggalang, walâ sino mang umimíc; ipinakilala sa caniláng
calamigang hindî nilá naibigan ang macatwirang pananalita ni teniente
Taviel de Andrade.
Tinanóng si Rizal cung mayroon siyang ibig sabihin, at ang guinawâ
nito'y ibinigay ang isáng casulatang kinatatalaan n~g m~ga
pan~gan~gatuwiran niya at pagsasanggalang sa canyang sariling catawán.
N~g araw ding iyón, ica 26 n~g Diciembre n~g 1896 ay inilagdà n~g m~ga
bumúbuò n~g Consejo de Guerra, ang hatol na siya'y patayín, at ang
pagbabayad n~g sandaang libong piso sa Estado.--Nan~gapifirma sa hatol
na iyon ang m~ga pan~galang sumusunod: José Togores, Braulio
Rodriguez, Manuel Reguera, Miguel Diaz Escribano at Santiago
Izquierdo.
N~g araw na sinabi na ica 26 n~g Diciembre n~g 1896, ay ipinadalá sa
Capitan General ang causa ni Rizal at pagtanggap nito'y caracaraca'y
ipinag-utos na ipadalá ang causa ring iyón sa Auditor General na si D.
Nicolás de la Peña. Kinabucasan, ica 27, inilagdâ nito ang canyang
pasiyá, na siya'y sumasang-ayon sa hatol n~g Consejo de Guerra, cayâ
n~gâ dapat na barilín sa lugar na magalin~gín n~g Capitan General.
Sacali't sumang-ayon itó ay dapat ipabalíc ang causa sa "capitan
instructor" at n~g siya ang magbigay alam cay Rizal n~g naguíng
cahatulan sa canya, sa oras na sa canya'y pagdadalá sa capilla.
Kinabucasa'y inilagdâ naman ni D. Camilo Polaviejo, Capitan General
n~g hucbó n~g m~ga castílà, ang canyang utos na ganitó ang saysay:
"Maynílà, 28 n~g Diciembre n~g 1898--Sangayon sa pasiyang na sa itaas,
pinagtitibay co ang hatol na lagdâ n~g caraniwang Consejo de Guerra
dito sa Plaza, at alinsunod sa hatol na iyo'y ipinárurusa sa salaring
si Jose Rizal Mercado ang siya'y patayin, bagay na gáganapín sa
pagbaríl sa canya sa icapitóng oras n~g umaga, icatatlompong araw
nitóng bowan, sa "campo" n~g Bugumbayan, tagláy ang m~ga pagtupad na
ipinagbibilin n~g cautusan--Sa catuparan nitó at iba pang nararapat,
ibalíc sa Juez instructor, capitan D. Rafael Dominguez--Camilo G. de
Palavieja.
* * * * *
Umagang umaga pa n~g ica 29 n~g Diciembre n~g 1896 ay naparoon na ang
capitang si don Rafael Dominguez sa Fuerza de Santiago upang ipagbigay
alam cay Rizal ang cahatuláng siya'y patayín.
Binasa n~g secretario cay Rizal ang cahatulang boô n~g Consejo de
Guerra, ang pasiya n~g Auditor na si Peña, at ang pagsang-ayon ni
Polavieja, sa cahatulan at sa pasiyáng iyón. Pumirma si Rizal, bilang
pagpapatotoong tunay n~gang sa canya'y ipinagbigay alam. Anang m~ga
nacapanood, ay hindî nalaguím camuntî man si Rizal sa pakikinig n~g
hatol na siya'y ipinapápatay at pumirmang hindî nan~giníg ang camay,
cung dî bagcos pang pinacagalínggalíng at liniwanagan ang m~ga letra
n~g canyang pan~galan at apellido.
At tulóy hinin~gî sa canyá ang halagang sandaang libong piso, na ayon
sa lagdáng hatol ay dapat niyang pagbayaran sa Gobierno n~g España;
sumagot si Rizal sa capitan Dominguez, na walâ siyang pag-áarì cung dî
ang canyang bahay, camalig at lúpà sa Dapitan, na pawang sinamsam na
n~g Gobierno--¿At iyang taglay pô ninyong m~ga hiyas?--ang tanong n~g
napacaganid na capitan. Nárito pô at inyong tanggapín. At ibinigay
n~gâ ni Rizal sa capitáng iyón, pagcatapos na matanggal sa
kinalalagyan, ang dalawang botones na guintô sa puños, at isáng
alfiler na guintô rin ang pinacatampóc na may anyong pukyutan, na ang
pinacacarayom ay pílac.
Namanhìc si Rizal, na mangyaring paparoonin lamang ang canyang ama't
iná, m~ga capatíd at ang casintahang si G. Josefina Bracken upang
siya'y macapagpaalam sa canila. Pagcatapos ay sumulat siya cay G.
Ferdinand Blumentritt n~g wicang alemán, ibinigáy ang sulat cay
capitan Dominguez, casabay n~g pamanhic na mangyaring ipadalá sa dapat
tumanggap.
Ang cahulugán sa wicang tagalog n~g sulat ni Rizal cay Blumentritt ay
itó:
"Herrn Prof Ferdin. Blumentritt:
"Minamahal cong capatíd: Patay na acó cung tanggapín mo itong aking
sulat. Babarilín acó bucas, sa icapitóng oras n~g umaga; n~guni't
walang malay-sala acó sa panghihimagsic.--Mamamatáy acóng payapà ang
aking budhî.--Paalam na acó, lalong magalíng at lalong minamahal cong
caibigan, at cailan ma'y huwag cang magsasapantahang gumawâ acó n~g
masamâ. Fuerza de Santiago, 29 n~g Diciembre n~g 1896--Jose
Rizal--Icumustá mo acó cay G. Rosa, Loleng, Conradito at Federico" (sa
tabing cahabaan n~g sulat ay nababasa naman itó:) "Iniwan co sa iyo
ang isáng libro, na aking hulíng pahimacás."
N~g magawâ ang lahát n~g ito'y dinalá si Rizal sa capillang inilagay
doon din sa fuerza de Santiago, at siya'y pinabantayan sa tatlong
sundalo at dalawang oficial, na pawang m~ga castílà, na ang
namiminuno'y si Don Juan del Fresno. Hindî siya kinalilin~gatan
susumandali man n~g m~ga bantay na iyón.
Agad dumatíng ang isáng paring castílà, capellan n~g regimiento n~g
artillería, at ang tan~gcâ niya'y cumpisalín si Rizal. Kinausap siya
nitó at sinabing pinasasalamatan niya ang gayong pagpapagal, n~guni't
isinasamong howag n~g magpacabagabag, sa pagca't hindî niya
kinacailan~gan. N~g magcagayo'y inutusan n~g arzobispong si Nozaleda,
na ang pumaroo'y ang m~ga jesuita, at nagsiparoon n~gâ sa canya si
párì Miguel Sederra, si párì Mata at si párì Luis Viza.
Samantala'y cumalat sa boong Filipinas at sa boong mundo n~g boong
cabilisán ang lagdang hatol na patayín si Rizal, bagay na totoong
ikinagalác at ipinagdiwang n~g m~ga fraile, n~g m~ga castila at n~g
m~ga lahing castílà, at ikinalungcot, at ipinagpighatî n~g m~ga
filipino n~g m~ga lahing filipino at n~g lahát n~g m~ga táong may
malilinis na calooban.
Nang mabalitaan sa lalawigang Tan~guay, na casalucuyang nakikibaca sa
m~ga castílà ang gágawing pagbaril cay Rizal sa umaga n~g ica 30 n~g
Diciembre, pagdaca'y humandâ ang tatlong daang cawal, at ang gayac ay
agawin si Rizal. Magsisiparito sa Maynílang walang dalang sandata cung
dî tiguiguisang puñal, man~gagsisitabí ang bawa't isá sa m~ga
sundalong paparoon sa Bagumbayan upang bumantáy sa pagbaril cay Rizal,
at sa isáng pinagcayariang hudyat ay sabaysabay na sasacsakin ang
sundalong catabí, aagawin ang dalang fusil nitó, at pagpipilitang
itacas si Rizal. N~g matantô ang gayong adhicâ n~g m~ga capatíd ni
Rizal, sinansalà nila ang m~ga macabayang iyón, sa pagca't inaacalà
niláng masasayang lamang ang maraming buhay na maaamís at walâ ring
cáraratnan.
N~g umaga n~g ica 29 n~g Septiembre n~g 1896 ay dinalaw si Rizal sa
kinalalagyang capilla ni Don Santiago Mataix, redactor-corresponsal
n~g páhayagang "Heraldo de Madrid". Náratnan niya si Rizal na tahimic,
walang ano mang agam-agam, na tila mandin sumasacanyang sariling
bahay. Tinanggap siya n~g boong cagandahan n~g loob, at sa pagca't n~g
maupô si Sr. Mataix ay tan~gantan~gan nito ang canyang sombrero,
kinuha ni Rizal ito't n~g upang ilagay sa lugar na dî macacasagabal.
Inacalà ni Mataix na huwag magambalà si Rizal sa paglilingcod sa
canya; n~guni't sumagót ang ating Mártir n~g masayáng
pananalitang:--Hindî pô mangyayari. Aco'y na sa aking bahay, cayâ
itulot pô ninyong aco'y gumanap n~g catungculang pagpapakitang loob sa
m~ga nagbibigay dan~gal sa akin n~g dito'y pagdalaw. At nagsalitaan
silá n~g m~ga bagaybagay tungcol sa dinaanang buhay sa camusmusan, sa
cabataan at sa pagbibinatâ. Sa cawacasa'y napatun~go ang salitaan
tungcol sa librong "Noli me tangere", at itó ang canyang sinabi:
"Hindî acó dating kilalá n~g marami. Pinagdarayaan acó n~g m~ga
cochero dito sa Maynílà at sinisigawsigawan nilá acó sa malabis na
pagsin~gíl, at pinaglalaruan acó patí n~g m~ga bangkero sa ilog Pasig.
Nalís aco't aking tinun~go ang Lóndres, at n~g naroroon na aco'y aking
natalós na pinag-uusig acó n~g boong galit n~g m~ga fraile; minumura
aco't linalait mulâ sa púlpito, sa confesionario, sa m~ga salitaan, sa
m~ga dahong limbag at sa m~ga libritong ipinamamahagui, hangang sa
pagcalooban n~g m~ga "indulgencia" ang bawa't bumasa n~g m~ga
libritong iyón. Nangyari n~gâ ang dapat cálabasan: bawa't isáng
sermón, isáng pan~garal sa confesionario, isáng pagdustâ sa akin ó
isang pagalimura sa m~ga dahong limbag ó librito ay isáng
pagpapailang-ilang n~g aking dan~gal sa m~ga matá n~g aking m~ga
cababayan at caláhì. Ilinalaking totoo n~g aking loob ang hindî
naglilicat na pag-alipustâ sa akin, sa pagca't sa gayóng gawâ nila'y
pinapupurihan nilá acó at ipinakikilala nila, at pinahahalagahan sa
daigdig ang m~ga librong aking kinathâ. N~guni't maniwalà pô cayó;
hubad na hubad acó sa carapatán upang aco'y pag-usiguin at alimurahin
n~g gayon; sino mang tunay na nacacakilala sa akin ay hindî acó
pinupuri at hindî acó papaguiguingdapatin papurihang barilín. Ang
tunay na m~ga pantás at ang magagalíng maglingcod sa tinubuang lúpà
ang binabaríl lamang.
Sacá hinarap ni Rizal si párì Faura, marunong na jesuitang director
n~g Observatorio Meteorológico sa Maynílà, at nagsalitâ:
Natatandaan pô ba ninyo ang inyong sinabi sa akin n~g inyong mámasid
ang maalab cong pagsasanggalang sa dan~gal at capurihán n~g aking
láhì? Nagcatotoo pô ang inyóng húlà, tunay pô cayóng profeta:
babarilín pô acó.
Pagcatapos ay humín~gî n~g papel, pluma at tinta at cumathâ n~g isáng
tulâ.
Icaanim na oras n~g umaga n~g kinabucasang ICATATLOMPO NG DICIEMBRE
n~g 1896 ay ipinahintulot na macapasoc sa capilla ang canyang iná,
m~ga capatíd at gayon din si G. Josefina Bracken. Niyacap silang lahat
n~g boong pagsinta, sila'y hinagcan at nagpaalam magpawalang hanggan.
--Lumigaya cayó--ani Rizal--at aco'y magpapahin~galay na.
Pagyacap ni Rizal sa capatíd niyang matandâ na si G. Neneng Rizal ang
ay bumulóng n~g ganito:--"Iligpít ninyo ang "cocinilla" co rito. Sa
ilalim n~g cocinilla'y may papel na nacaticlóp; in~gatan ninyo yaon
at tulà cong pahimacás. Cung patay na aco'y tingnan ninyo ang aking
zapatos at doo'y may sulat din acó."
--¿Anó n~gayon ang iyong icabubuhay?--ang huling tanóng ni Rizal cay
G. Josefina.
--Mabubuhay acó sa pagtuturò n~g inglés--ang sagót n~g caniyang
casintahan.
--At nagsalita pa sa canya n~g ilan sa wicang inglés, wicang hindî
natatanto n~g m~ga nagbábantay, at sumagot n~g matigás si G. Josefina
n~g macaalawang: "yes."
Tumatan~gis n~g dî ano lamang ang dalawang babae n~g humiwalay cay
Rizal, samantalang ito'y nananatiling payapà, na parang walang ano
mang nangyayari.
Pagdating sa labás, hinarap n~g boong galit ni G. Josefina ang m~ga
castilà, at sinigawan silá, casabáy n~g tadyác, alinsunod sa sabi n~g
castilang periodista na si Don Manuel Alhama:
--_¡Miserables! ¡Crueles!_ (¡M~ga waláng dan~gal! ¡malulupít!)--ani G.
Josefina.
Hindî namanglaw susumandalî man si Rizal sa boong panahong siya'y
nanagál sa capilla. Pati sa pagcain ay magalíng. Paano'y canyang
talastás na ang dugô niyang ibubuhos n~g m~ga castila'y maguiguing
malusóg na binhî sa icatútubos n~g Kinagisnang Lupà; paano'y magáganap
ang canyang mithing patotohanan sa boong daigdig na may m~ga
filipinong marunong maghayin n~g buhay sa dakilang altar n~g pagsinta
sa canyang m~ga caláhì.
Calugodlugod ang anyô n~g umaga. Sa silan~gana'y bagong sumusun~gaw
ang maningning na araw, walâ cahi't camunting alapaap ang lan~git na
dalisay na azul, at palibhasa'y lubhang maliwanag ang panahón,
natatanawang magalíng, mulâ sa Luneta, ang bundóc Mariveles at ang
Corregidor, ang pulô n~g Monja, pulô n~g Fraile at ang bundóc n~g
Maragundong.
Bihirà n~g panahóng iyon ang m~ga filipinong lumalacad sa m~ga daan
n~g Maynílà, palibhasa'y naghahari rito ang caban~gisan, ang cauhawan
n~g m~ga castílà, sa dugong caymangui. Hindî magcasiya halos sa m~ga
bilangguan ang dami n~g m~ga filipinong napipiit. Sa Monte de Piedad,
sa silong n~g Gobierno Civil, sa Bilibid, sa m~ga Cuartel n~g Veterana
at sa iba pang m~ga lugar ay nacapanghihilacbot magdaan; walang
naririn~gíg doon cung dî ang cakilakilabot na sigawan n~g m~ga
pinapalong nacabitin n~g abot-síco. Walang umaalin~gawn~gaw na balità
cung dî ang pagpapahirap at pagpatay sa m~ga filipino n~g m~ga
sundalong voluntario n~g m~ga veterana, n~g m~ga verdugong policía,
secreta at iba pa, sa udyóc n~g m~ga fraile.
N~g gabing sinundan n~g umagang pagbaríl cay Rizal, walang púsong
filipinong dalisay na hindî tumibóc sa habág at panghihinayang sa
pápataying apóstol n~g cagalin~gan at tan~ging patnugot sa
icararan~gal n~g bayang itó; walang dibdib n~g caymanguing hindî
tumahíp sa nin~gas n~g n~gitn~git n~g poot sa m~ga halimaw na dî
nan~gin~giming magbuhos n~g dugô n~g dakilang taong walang ibáng sala
cung dî ang pagcamacabayan.
¡Ah, at sino man sa m~ga nagpapanggap na ministro n~g isáng Dios--na
bucál n~g cagalin~gan, ulirán n~g pagcamahabaguin,--na
nan~gagpaparoo't parito sa panonod cay Rizal sa capilla'y walang
nábalinong mamag-itan sa Gobernador at Capitan General n~g Filipinas,
upang howag ituloy ang gagawing catampalasanang walang
mapaghalimbawaan n~g samâ!... ¡Hindî guniguní man lamang n~g m~ga
mababan~gís sa walang sandatang mailaban, na ang m~ga putóc na áamis
n~g mahalagáng buhay ni Rizal ay siyang magguguhò n~g canilang
capangyarihan sa Dulong Silan~ganang itó!...
Pagtugtog n~g icaanim na oras at calahatì n~g umaga'y handà na at
naroroon na sa capilla ang pulutóng n~g m~ga castilang sundalong
artillero, upang ihatíd ang tunay na Bagong Cristo sa Gólgota n~g m~ga
Mártir na filipino.
Nagpaalam si Rizal sa m~ga nan~gagbabantay sa canya, niyacap si G.
Josefina at humandâ sa paglacad sa camamatayan. Hindî napanood sa
gayong calaguimlaguím na pagpatay ang ama't ina at m~ga capatid ni
Rizal.
Binalitì na si Dr. Jose Rizal n~g abót-sicong mahigpít, at bago
pinalacad na tinutugtugan n~g m~ga trompeta at m~ga redoblanteng
tambor. Na sa pag-itan siya ni párì Estanislao March at ni párì José
Villaclara. Na sa tabí rin niya si D. Luis Taviel de Andrade, na
canyang defensor. Nacatunghay ang maliwanag na nóo, masayá ang mukhâ,
nanasnaw sa canyang m~ga lábì ang matimyas na n~gitî at banayad ang
lácad. Inanyayahan siyang sumacáy sa furgón n~guni't sumagót si Rizal
na siya'y may catatagang lacás upang macapaglacad. Sa unahán at
hulihán ni Rizal ay m~ga sundalong artillero ang sa canya'y bantáy.
Nagsasalita siya sa m~ga jesuitang hindî man lamang nan~gin~ginig ang
voces:
--Tinutun~go natin ang "Calvario Filipino"--ani Rizal sa m~ga jesuita
n~g sabing masayá--sa Calvario ring iyan inihandog ang mahahalagang
buhay ni párì Burgos, ni párì Gómez, at ni párì Zamorang pinaghandugan
co n~g walang cahulilip na pagsinta n~g kinathâ cong _Filibusterismo_.
Pagcatanaw niya sa dagat ay nagsalitâ uli:
--¡Pagcagandagandang umaga! ¡Maliwanag na maliwanag ang panahón!
¡Nátatanaw na magalíng ang Corregidor, ang Mariveles at ang m~ga
bundoc n~g lalawigang Tan~guay! Manacanacang nacapaglacad aco rito n~g
ganito ring umaga, na ang caacbay co'y ang aking pinan~gin~gibig na si
Leonor.
Idinâan si Rizal sa tabing calunuran n~g lunetang pampan~gin n~g dagat
na pinagdaraanan n~g m~ga carruaje cung nan~gagpapasial cung hapon, at
pagdating sa dulo'y saca ibinalic siya sa dacong guitnâ.
N~g dumatíng sa Luneta'y doroon na ang dalawang "Compañía" n~g
"Batallón de Cazadores expedicionarios número 7", isáng "Compañia" n~g
"Batallon de Cazadores n.o 8", isang "Compañia" n~g "Regimiento de
línea n.o 70", na pawang filipino; at isang "Compañia" n~g "Batallón
de Voluntarios", na tigsasandaang tao bawa't "Compañia," at may
casamang m~ga banda n~g música. Ang namiminunò sa lahat n~g yao'y ang
comandanteng si Don Manuel Gómez Escalante, na anác n~g abogadong si
D. Juan Gómez, na mestizong castilà at taga rito sa Maynilà. May
hinirang na si Comandante Gómez na walong sundalong siyang bábaril cay
Rizal.
N~g na sa pagbabarilan na si Rizal, siya'y nakiusap sa capitan n~g
infanteríang mag-uutos sa m~ga sundalo sa pagbaríl sa canyá, na siya'y
barilín n~g paharáp.
--Hindî mangyayari--ang sagót n~g capitan--ang útos sa akin ay
ipabaríl co cayó n~g patalicód.
--_Aco'y hindi naglilo sa tinubuan cong lupa at di rin aco nagtasil sa
naciong castila_--ang tutol ni Rizal.
--Ang catungculan co'y gumanáp n~g m~ga utos na aking tinanggap sa
aking púnò,--ang sabi naman n~g capitan.
--Cung gayo'y barilín ninyo acó cung paano ang inyong ibig--ang
mapanglaw na sagót ni Rizal.
At sacâ nagsalitâ n~g wicang tagalog sa m~ga sundalong bábaríl sa
canya:
--M~ga cababayan; howag ninyó acong babarilin sa ulo; patamain ninyo
ang bála sa tapat n~g púsò.
Nagpaalam sa canyang defensor at sa m~ga humatol sa canyang doo'y
caharap, na canyang kinamayan silá n~g mahigpít, at nagsalitâ sa m~ga
paring sa canya'y umaacbay.
--¡Pinatatawad co n~g taós sa púsò ang lahat!
Humaráp na cúsà sa dacong dágat, sa macatuwid ay tinalicurán niyá ang
pulutóng n~g m~ga sundalong sa canya'y bábaril. Ang pulutóng na ito'y
walóng sundalong filipino n~g regimiento núm. 70, na ang m~ga dalá'y
fusíl Remington. Sa licuran n~g pulutóng n~g m~ga filipino'y may isa
pang pulutóng na binubuò n~g walong sundalong castilang m~ga cazador,
na ang dala'y Mausser naman, sa pan~gan~ganib n~g m~ga punong castílà
na bacâ di bumaríl ang m~ga sundalong filipino sa capowa filipino....
Nacatindíg si Rizal, unàt ang catawan, tunghày ang ulo, nacalaylay ang
m~ga camay sa taguiliran n~g catawan, masayá ang mukhâ; hinihintay ang
pagbaril sa canya.
Nang sandaling iyo'y lumapit cay Rizal ang médico militar na si Sr.
Ruiz y Castillo, at nagsabi sa canya:
--Casama, ¿maitutulot pô ba ninyong cayo'y pulsuhan co?
Hindî sumagót si Rizal, n~guni't iniabot ang canyang canang camay.
Pinulsuhán siya at pagcatapos ay mulíng nagsalitâ ang médico militar:
--Mabuti pong totoò ang lacad n~g inyong pulsó.
Hindî rin sumagót si Rizal, cung di hiniguit lamang n~g cauntî ang
balicat.
[Larawan: Ang pagbaril ni Dr. Jose Rizal. Imp. de M Fernández. Paz,
447, Sta Cruz]
--Lumuhód pó cayó--anang capitan cay Rizal.
Hindî itó umimíc, n~guni't umilíng; sa macatuwíd ay aayaw.
Hindî nalao't nariníg ang tunóg n~g putóc n~g walong fusíl Remington,
casabáy n~g ganitóng malacás na sabi ni Rizal: _¡Consumatum est!_
Nakita n~g lahát na bigláng pumihit si Rizal at n~g huwag sa canyang
licód cung dî sa canyang dibdib tumamà ang m~ga bála, natimbuang
siyang patay na anyáng pataguilíd sa dacong canan, hindî pataob, cung
dî patihaya't ang mata'y nacatitig sa lan~git, "na walang m~ga verdugo
at m~ga mapang-apì; sa lan~git na hindî pumápatay ang pananampalataya,
at Dios ang siyang naghahárì." Namatay si Rizal sa balang pahatíd n~g
canya ring m~ga cababayang sundalo, tulad cay Cristong capuwâ m~ga
judio rin ang sa canya'y pumatay.
Nilapitan si Rizal ni D. Felipe Ruiz Castillo at ni D. José Luis y
Saavedra, at nakita nilang bangcay na n~gâ, n~guni't isá man lamang
bala'y walang tumámà sa ulo.
Umaalin~gawn~gaw pa ang walong sabaysabay na putóc n~g baríl ay
nagsigawan na n~g dî ano lamang n~g _¡Viva España!_ ang caramihang
lalaki't babaeng castílà at lalaki't babaeng lahing castílà na
nan~gagsisicsican sa Luneta; sigawang pagdaca'y sinagòt n~g pagtugtog
n~g "Marcha de Cádiz" n~g música n~g "batallón de Voluntarios", na ang
m~ga bumubuo'y pawang m~ga lahing castilà rin.
Dalidaling nilapitan n~g isáng castilang pintor ang bangcay ni Rizal
at kinunan niya n~g larawan.
Pagcatapos matugtog n~g música n~g m~ga voluntario ang "Marcha de
Cádiz", ipinag-utos n~g Comandante Gómez na humanáy ang m~ga sundalo
at man~gagdaang lahát sa tabí n~g bangcay ni Rizal, na nacatimbuang
n~g patihayâ at lumálan~goy sa canyang sariling dugô.
¡Lumiligaya na ang m~ga fraile! Hindî doblás sa namamatay ang
ipinatugtog sa canilang m~ga campanà, cung dî masayáng esquila n~g
pagdiriwáng! Nan~gagcacatuwâ ang m~ga castilà at ang m~ga lahing
castilà, ¡paano'y nan~gacagawâ na n~g lubháng malakíng "catapan~gan":
napatay na nilá ang isáng dakilang filipinong walang sandata! ¡isáng
filipinong hinahan~gaan n~g lahát n~g m~ga pantas sa ibabaw n~g lúpà!
Tinawag ni D. Camilo Polavieja, "bayaning" Capitan General sa
campanario n~g Palanyag, ang médico militar na si D. Felipe Ruiz, at
humin~gíng balità tungcol sa m~ga hulíng sandalî n~g buhay ni Rizal,
at itó ang isinagót:
--Guinoong General: ¡Hindî co pô mapag-ísip cung papaano't
mangyayaring matawíd n~g isáng tao ang gayong lubhang cakilakilabot na
sandalî, na dî man lamang nagbago ang caraniwang lacad n~g pulsó,
bagay na nagpapakilalang ang loob niya'y tiwasay na tiwasay at dî
nagugulumihanan n~g cahi't camuntì man.
Hinin~gî n~g m~ga magulang at m~ga capatíd ni Rizal ang bangcay nitô,
upang canilang mailibing, n~guni't hindî pumayag si Polavieja.
Nang makita ni Pilato[58], ni Anas[59] at ni Caifas[60], na m~ga papa
ó pontífice n~g m~ga judío, n~g m~ga sacerdote, escriba[61] at
fariseo[62], na patáy na ang canilang kinapopootang si Jesús, nagbawa
na ang canilang galit, binigyan na nilang capayapaan ang kinitlán nila
n~g hinin~gá, at ipinahintulot nila kay Joseph Arimathea at cay
Nicodemo[63] na mailibíng. Hindî gayon ang m~ga fraile at ang caniláng
m~ga alagád at cacampí, ¡pinag-usig n~g canilang galit si Rizal
hangang sa maipabaríl; hindî tinantanan n~g caniláng poot cahi't
bangcay na, pinabantayán labing limang araw ang libin~gan at malaon
n~g patáy ay kinagagalitan pa rin!
Datapuwa't nagtatagumpay ang catuwíran malaon ó madalî, at nagcacamit
parusa ang m~ga tampalasan hanggang sa caniláng m~ga anàc at inapó.
Binuhat n~g m~ga sundalong castilà ang bangcay ni Rizal, isinacáy sa
isáng "furgón"[64] at itó ang sa canya'y naghatíd sa pagbábaunan.
N~g makita niláng dinalá na sa pagbabaunan ang bangcáy ni Rizal,
nan~gagsiowî na sa caniláng bahay ang dî mabílang na m~ga nanood n~g
boong galác n~g sa canya'y pagbaríl, na pawang m~ga fraile, castilà at
m~ga lahing castilang dito inianac. Ang pinacamarami sa canila'y ang
m~ga babaeng castilà at m~ga babaeng lahing castilang dito inianac, na
ang suot nila'y ang lalong maririkít at mahahalagang damít at m~ga
hiyas, na ano pa't cawan~gis n~g guinágawâ n~g una n~g m~ga salaulang
babae n~g malupít na Roma, cung sila'y may ipinaggágalac na
ipinapápatay sa Coliseo.
Ibinaón n~g m~ga castilà si Rizal na waláng cabaong sa lupang canilang
hinucay sa libin~gan sa Pácò. Ang pinaglibin~gán cay Rizal ay ang
pinaglibin~gán din cay párì Burgos at na sa dacong caliwâ pagcapasoc
sa libin~gan n~g Pácò, sa dulo n~g pabilog na cútà ó pader, at sa daco
roon n~g cauntî sa pinaglibin~gan sa general Montoro.
Ipinakiusap n~g m~ga capatíd ni Rizal sa m~ga punong castilà na
mangyaring ipagcaloob na sa canilà ang "cocinillang" guinagamit n~g
caniláng culang palad na capatíd sa "fuerza de Santiago", n~g ito'y
nabibilangô pa roon, upang maguing alaala, at napahinuhod namán sa
caniláng pakiusap. Pagdatíng sa bahay, canilang hinanap ang casulatang
ipinagtagubilin n~g nasírà, at nasumpun~gan nilá ang isáng manipís na
papel, na mainam ang pagcacaticlópticlóp, na doo'y nababasa sa
maliliit n~guni't maliliwanag na letra, ang isáng tuláng wícang
castilà, na ang unang talata'y ganito ang saysay: ULTIMO PENSAMIENTO.
Ganitó ang tulang iyón sa wícà natin:
HULING CAISIPAN
¡Paálam na sintáng Lúpang-Tinubuan,
Pinacaíibig na báyan n~g araw,
Perlang mahalagá n~g dágat Silán~gan,
Edeng maligáyang sa ámi'y pumanaw!
Sa iyo'y handóg co n~g ganáp na tuwâ
Yaríng abáng búhay na lanta't dálità;
Maguíng dakílà ma'y iaalay rin n~gâ
Cung dahil n~g iyong icatitimawâ.
Ang nan~ga sa digmáng dúmog sa paglában
Handog din sa iyo ang caniláng búhay,
Hírap ay dî pansin at dî agám-agam
Ang pagcáparool ó pagtatagumpáy.
Bibitayá't dûsang pasákit n~g ban~gis
O pakikibacang lubháng mapan~ganib,
Hindî alumána, cung itó ang náis
N~g Baya't n~g madláng pinacaiibig.