SA MG̃A SALITÂNG PANGTULAD (Ó COMPARATIVO)

G. ¿Anó ang _salitâng pangtulad_?

N. Salitâng pangtulad, yaóng nagpapakilala ng̃ katang̃ìán ng̃ isáng

pangdiwà kung ipaparis ó ihahalintulad sa kapuwà pangdiwà. Sa Wikàng

Tagalog itóng pangtulad ay may dalawáng urì: isá’y ang nagbabadyá

ng̃ pagkakatulad at ang ikalawá’y ang pagkakahigít.

G. ¿Alínalín ang mg̃a salitâng pangtulad sa ating wikà?

N. Marami pòng lubhâ, at náritó ang kanyáng pagkakábukódbukód:

sa pagkakatulad: _ga_ ó _gangga_, _para_ ó _gaya_, _magkapara_ ó

_magkatulad_, _sing_ ó _kasing_, at _magkasíng_; sa pagkakahigít:

_lalò_ at _pa_.

G. ¿Kailán ginágamit ang _ga_ ó _gangga_?

N. Ang _ga_ ay ginágamit kailan ma’t ibig sukatin ang lakí, taás,

liít, tigás ó anó man ng̃ isáng bagay kung ihahalintulad sa ibá,

hal.: itóng brilyante’y ga munggó ang lakí, ga bató ang tigás ng̃

kanyáng pusò, ga damak ang taás ng̃ tubig. Ang _gangga_ ay kawangkî

rin ng̃ _ga_ at íisá silá sa paggamit, bagamá’t ang talagáng kágamitán

niyá’y kung tumutukoy sa bilang na dalawá ó marami, hal.: ang mg̃a

gangganitóng gawâ ay siyáng inúugalì tuwî na ng̃ may masasamâng

budhî; ang mg̃a gangganiyáng tao ay siyáng mg̃a dakilà.

G. ¿Kailán dapat gamitin ang _para_ ó _gaya_?

N. Ginágamit ang _para_ ó _gaya_ kailan ma’t pinagpaparis ang isáng

bagay sa kapuwà bagay ng̃ walâng lámang̃an. Ang bagay na ipaparis

ay dapat ilagáy sa pangtukoy at ang pagpaparisan ay sa pang-arì at

ang _para_ ó _gaya_ ay dapat mahulí sa pangturing, hal.: Si Pelisa’y

magandáng para ni Mameng; akó’y mabuting gaya niyá; ang mg̃a matá

mo’y maniningníng na parang bituwín. Dapat alamíng ang _paris_ at

_tulad_ ay kawangkî rin ng̃ _para_ ó _gaya_.

Dapat ding matantô na, kung may _ka_ sa unahán, na sa madalìáng

sabi ay nagigíng kapara, kagaya, kaparis, katulad, at ang ibá pang

kasing-urì rin nitó gaya ng̃ kawang̃ís, kahambíng, kawangkî, kamukhâ,

kahalimbawà, kahalintulad, ay ginágamit ding maminsanminsan katulad

ng̃ _para_ ó _gaya_ lalòng lalò na kung hindî lubhâng mahabà ang

isáng kaisipán, hal.: Si Lucio’y katulad ni Fidel; ang pusà’y kaparis

ng̃ tigre. Lalòng angkáp kung gagamitin sa pagkakailâ ó kayâ’y

dagdagán sa una ng̃ _walâ_, hal.: Si Yoyong ay walâng kahalintulad

sa karunung̃an; si María’y walâng kahalimbawà sa kahinhinán.

G. ¿Kailán ginágamit ang _magkapara_ ó _magkatulad_?

N. Ang _magkapara_ ó _magkatulad_ at ibá pang gangganitó ay dilì

ibá’t nanggaling sa kapara, katulad, kaparis, atbp. na inangkapán

ng̃ _mag_. Ginágamit ang mg̃a itó sa mg̃a bagay na pinagpaparis

ng̃ walâng lámang̃an, na, ang mg̃a pinagpapara ay dapat ilagáy sa

pangtukoy at ang pangturing ay sa hulí, hal.: Si Petra at si María’y

magkapara ng̃ gandá; si Siso at si Mente ay magkatulad ng̃ dunong.

G. ¿Kailán ginágamit ang _sing_ ó _kasing_?

N. Ginágamit ang _sing_ ó _kasing_ kailan ma’t pinagpaparis ang isáng

bagay sa kapwà bagay nang walâng lámang̃an, at kailang̃ang ilagáy

sa pangtukoy ang pang̃alan ó bagay na ipaparis at sa pang-arì namán

ang ng̃alan ó bagay na pagpaparisan, hal.: ang mg̃a anák ni Lucio’y

singlakí ko, si Mateo’y kasingtaás ni Karlos. Kung tumutukoy sa

dalawá ó marami’y kailang̃ang ulitin ang unang pantíg ng̃ ugát ng̃

pangturing, hal.: ang mg̃a anák ni Lucio’y singlalakí ko, ang mg̃a

áso’y kasínglalakí ng̃ baboy.

G. ¿Kailán namán ginágamit ang _magkasíng_?

N. Ginágamit ang _magkasíng_ kailan ma’t ang mg̃a pinagpaparis ay

na sa pangtukoy at nagsasaád ng̃ dalawáng bagay na magkahalintulad

ó magkakapantáy, hal.: si Pedro at si Huan ay magkasingdunong, ang

anák mo’t ang anák ko ay magkasingbuti. Kung bumabanggít sa bilang na

dalawá ó marami ang bawà’t isá sa mg̃a pinagpaparis ay kailang̃ang

ulitin ang ikalawáng pantíg ng̃ _magkasíng_, at sa katagâng sabi’y

gawíng _magkakasíng_, hal.: ang mg̃a anák ko ay magkakasingbuti; ang

mg̃a kababayan mo’t mg̃a kababayan ko’y magkakasingtulad ng̃ ugalì.

G. ¿Paano ang gagawín kung ibig tumukoy ng̃ isáng ng̃alan ó bagay

na nakahihigít?

N. Sa tatlóng kaparaanáng sumúsunód:

1.--Ilagáy sa pangtukoy (ó nominativo) ang nakahihigít at sa panglayon

(ó acusativo) ang náhihigtán, hal.: si Andoy ay marunong kay Pedro;

ang áso’y mataás sa pusà.

2.--Ang ganitó ring ayos na pinang̃unahan lamang ng̃ _lalò_ ang

salitâng pangturing, hal.: Si Lucio’y lalòng mataás kay Huan; ang

manggá’y lalòng masaráp sa bayabas.

3.--Ang gayón ding ayos na nilagyán ng̃ _pa_ sa hulí ng̃ pangturing,

hal.: si Yoyong ay maputî pa kay Husé; ang araw ay magandá pa sa

buwán.

Balarilang Tagalog · 第 68 / 396 题