G. ¿Anó ang _salitâng pangtaás_?
N. Salitâng pangtaás ay siyáng nagpapakilala sa mg̃a pangturing
ng̃ kanyáng kataasán, hal.: Si Pedro’y mabuting mabuti, si Lucio’y
lubhâng marunong.
G. ¿Paano ang pagtatatág ng̃ mg̃a _salitâng pangtaás_?
N. Sa ibá’t ibáng kaparaanán:
_Una._--Ilagáy sa una ó hulí ang _lubhâ_ ng̃ salitâng pangturing,
hal.: Si Ricardo’y lubhâng mabuti, ó kayâ: Si Ricardo’y mabuting
lubhâ.
_Ikalawá._--Ilagáy ang _totoó_ sa una ó hulihán ng̃ salitâng
pangturing, hal.: Si Ricardo’y totoóng mabuti, ó kayâ: Si Ricardo’y
mabuting totoó. Maáarì rin itóng dalawahín at gawíng totoóng totoó,
hal.: Si Ricardo’y totoóng totoóng mabuti.
_Ikatló._--Ilagáy sa una ó hulihán ng̃ salitâng pangturing ang _dî
sapalâ_, hal.: Si Ricardo’y dî sapalâng mabuti, ó kayâ: Si Ricardo’y
mabuting dî sapalâ.
_Ikaapat._--Ilagáy sa una ó hulihán ng̃ salitâng pangturing ang _dî
hamak_, hal.: Si Ricardo’y dî hamak na mabuti, ó kayâ: Si Ricardo’y
mabuting dî hamak.
_Ikalimá._--Ulitin ó dalawahín ang salitâng pangturing na paglalakipin
sa pamamagitan ng̃ pang-anib (ó ligazón) na náuukol, hal.: Si
Ricardo’y mabuting mabuti; ang pag-áaral ay mahirap na mahirap.
_Ikaanim._--Ulitin ó dalawahín ang salitâng pangturing at pang̃unahan
ng̃ anyông _ka_ at _an_ ó _han_ sa hulihán, hal.: Si Ricardo’y
kábutibutihan; ang sampagita’y kagandagandahan sa tanáng bulaklák.
_Ikapitó._--Ang mg̃a salitâng ugát ó dalisay na inangkapán sa una ng̃
_nápaka_, hal.: Si Ricardo’y nápakabuti; ang sampagita’y nápakagandá.
_Ikawaló._--Ang mg̃a pangwatas ay may iláng pangtaás, na, ang ginagawâ
ay inúulit ang buông ugát na sining̃itan ng̃ _ng̃_, hal.: tawa ng̃
tawa, tawag ng̃ tawag, kain ng̃ kain.