Nang isáng umaga'y sa pangpang n~g ilog
ay may nakaupóng binatang malungkót:
itó ay si Osong;
kanyáng inaalíw ang dusa n~g loób
sa pagkákawalay kay Tuníng na irog.
At ang naglalaro sa kanyáng isipa'y
ang dilág ni Tuníng na gayón na lamang,
minsáng mapadagok;
minsáng mapan~giti at ipinagsaysay:
«¡Oh, anóng gandá mó, aking paraluman!...»
Subali't nabigláng nabakás ang lungkót
sa masayáng mukháng nagulap n~g lubós:
«¡Ay, palad na sawi!...
¡Oh, buhay n~g dukha!...» sunód na himutók,
«sa dusa ni Tuníng, ikáw ang managot ...
Kung akó'y mayama't sagana sa pilak
tatanuran siyá sa baníg n~g hirap,
hanggáng sa sumilang
n~g lubháng hinahon ang unang bulaklák
n~g aming pagsintáng dalisay at wagás....
¡Ay, Tuníng kong irog, di ko kasalanan
na sa iyóng dusa'y di ka madamayan;
ang karukhaan ko,
ang dapat sisihi't dapat managutan
at oh, anóng sakláp, dustáng kapalaran ...»
Sandalíng tumigil at kanyáng námalas
ang dalawáng ibong naba sa bayabas,
na sabáy umawit;
yaóng kanyáng dibdib ay halos mawalat
sa pananaghili sa ibong mapalad.
Saká nang magsiping n~g lubháng payapa
m~ga titig niyá'y di tumagál yata't
mulíng naghinagpís:
«Mapalad pa siláng may ganáp na laya
at hindi gaya kong may sumásansala ...
At kahi't mán silá'y walang pagaari
ginapas namá'y pawáng luwalhati;
dí gaya n~g taong
ang binabaníg má'y maraming salapi
ay lumuluha rin n~g dusa't pighati.
At ¿anó ang yamang sadyang hinahanap
sa akin n~g amá ni Tuníng kong liyág?
¡isáng talinhaga!
at di niya talos: sa Sangmaliwanag
ang puri n~g tao, ang mahál sa lahát.
Hangád niya'y pilak, kahi't man~gulimlim
ang dan~gál ni Tuníng na sinta ko't giliw;
wala sa gunitang
lalong mahalagá sa yaman mang alín
ang dan~gál n~g tao kung lubháng maningning.
¡Oh, taksíl na pita sa dan~gál at yaman,
ang nililikha mo'y laksang kamatayan;
kung hindi sa iyó,
disi'y kapiling ko si Tuníng n~g buhay
at kasalosalo sa pinggán n~g lumbay!...
¡Oh, buhay n~g buhay, Tuníng ko at lugód...
na sa karukhaan, ang sukal n~g loób
na ating sinapit;
libong kamataya'y masaráp pa irog
huwág lang mariníg ang iyóng himutók!...
Palasóng may lason ang nakákaanyo
n~g dusang sa dibdib n~gayó'y pumapako,
tuwing mabúbuklát
sa aklát n~g isip ang pagkasiphayo
n~g banál na layong núnukál sa puso.
At magmulá rito'y aking nakikita
sa baníg n~g hirap ay nagiisa ka;
waláng dumadamay,
at kung pumapasok ang mahál mong amá
sa iyóng pagdaíng ang tumbás ay mura.
Naririníg ko ring kanyáng inuulit
ang pagalipusta sa palad kong amís:
¡sa aba n~g dukha!...
at nananariwa sa puso ko't dibdíb
ang pagtabóy niyáng kapaita'y labis.
At námamalas ko, ang lubháng masakláp,
luhang mapapaít sa matá mo liyág,
di anóng gagawín
sa itó ay utos n~g masamáng palad
pawang pagtitiís ang gawíng kalasag.
Ibalita lamang sa tapát mong giliw
kung makaraan ká, sa gabíng madilím,
upang matalós ko
kung ano ang bun~ga n~g pagsinta natin
at kahi't malayo'y kapalaran ko rin.
At kung napapako ikaw sa dalita
higit pa sa riyan, itong umaaba
sa tapat kong puso,
at ang bawa't patak n~g perlas mong luha
ay timbang n~g buhay kung manaw sa lupa.
Dito napahinto't kanyang napanood
yaong isang kaban na tan~gay n~g agos,
at pinagsikapang
iyahon sa pangpang n~g upang matalos
na baka may lihim doong natutulos.
At ¡oh, anong gitla nang kanyang mamasdan
na bangkay n~g isáng bagong kasisilang!...
tuman~gis ang puso;
nagluksa ang dibdib at ipinagsaysay
na: «¡Baka n~ga itó, ang anak kong hirang!»
Kanyang ikinubli doon sa pangpan~gin,
pumasok n~g bayang may in~gat na lihim
at nakibalita;
sa tinanongtanong ay kanyang nalining
na ¡itinapon n~ga ang anak ni Tuning!...
Lalong nagibayo, lagablab n~g poot,
ang daing at sumpa'y di malagotlagot
«¡Inang walang puso,
Tuning na nagtaksil sa anak n~g irog
dapat kang mamatay, dapat kang matapos!
Diyata't masarap sa puso'y matamis
anak mo'y pataying sa ilog ihagis,
maturan na lamang
ikaw ay dalagang may puring malinis,
nang upang giliwin n~g bagong ninibig.....
¡Oh, taksil na sinta! ¡pusong magdaraya!
¡oh, han~gad sa yaman! ¡inang walang awa!
pananagutan mo,
sa harap n~g Diyos ang masamang gawa't
may araw din naman kaming mabababa!....»
At kanyang hinagkan ang bangkay n~g bunso
kasunod ang patak n~g luhang natulo,
«¡Oh, sawi kong supling!....
¡di ko kasalanan ang pagkasiphayo
managot ang iyong inang walang puso!...»
At kanyang kinalong n~g hanggang sa bayan
upang ipakuha n~g isang larawan;
subali't ang loob
ay di mapanatag kahi't bahagya man;
ang daing at sumpa'y walang katapusan....
[Larawan]