Sampaloc, lunes á las 7 n~g gabi.»

Mabigát ang bagay na iyón: kilalá ni Linares ang ugali ni doña Victorina

at nalalaman niyá cung hanggang saan ang magágawa; cung pakiusapan siyá

n~g nauucol sa catuwira'y tulad sa cung magsaysay n~g nauucol sa

calinisan n~g puri't pakikipag capuwa-tao sa isáng carabinero n~g

Hacienda, pagca talagang may pacay na macakita n~g contrabando sa lugar

na tunay na wala; ang mamanhic ay waláng cabuluhán, magdaya'y lalo n~g

masamá; wala na n~gang sucat pagpapaliiran cung hindi maghamón n~g away.

--N~guni't ¿paano?--ang sinasabing nagpaparoo't paritong mag-isá;--cung

salubun~gin acó n~g masasamang pananalita? ¿cung ang canyáng asawa ang

aking maratnan? ¿sino caya ang macaiibig magpadrino sa akin? ¿ang cura?

¿si capitan Tiago? ¡Sinusumpa co ang oras n~g aking pagsunod sa canyang

m~ga hatol! ¡Daldál! ¿Sino ang pumipilit sa aking acó'y maghambóg,

magsabi n~g m~ga cabulastugán, magpakita n~g m~ga cayaban~gan! anó ang

sasabihin sa akin n~g guinoóng dalagang iyán ...? Dinaramdam co n~gayón

ang paguiguing secretario co n~g lahat n~g m~ga ministro!

Sumásaganitóng malungcót na pakikipagsalitaan sa sarili ang mabait na si

Linares n~g dumating si pari Salví. Ang catotohana'y lalo n~g payát at

namumútla ang franciscano cay sa dati, n~guni't nagníningning sa canyáng

m~ga matá ang isáng tan~gíng liwanag at sumusun~gaw sa canyáng m~ga labi

ang isáng cacaibáng n~gitî.

--¿Guinoong Linares, lubós naman ang pag-iisá ninyó?--ang ibinati at

saca tumun~go sa salas, na sa m~ga nacasiwang na pintô nito'y tumatacas

ang iláng tinig n~g piano.

Nag-acala si Linares na n~gumitî.

--¿At si don Santiago?--ang idinugtóng n~g cura.

Dumating si capitang Tiago sa sandali ring iyón, humalic n~g camáy sa

cura, kinuha niyá ang dalá nitóng sombrero at bastón n~gumin~giting

mabaít na mabaít.

--¡Pakinggán ninyó, pakinggan ninyó!--ang sabi n~g curang papasóc sa

salas, na sinúsundan ni Linares at ni capitan Tiago;--may dalá acóng

magagalíng na balita na aking sasabihin sa lahát. Tumanggáp acó n~g m~ga

sulat na galing sa Maynilà, na pawang nagpapatibay n~g sulat na dinalá

sa akin cahapon ni guinoóng Ibarra ..., sa macatuwíd, don Santiago, ay

wala na ang nacaháhadláng.

Si María Clara, na nacaupò sa piano sa guitnâ n~g canyang dalawáng

caibigang babae, umanyóng titindig, datapuwa't kinulang siyá n~g lacás

at muling naupô. Namutlâ si Linares at tinitigan si capitang Tiago na

ibinabà ang m~ga matá.

--Untiunting totoóng kinalúlugdan co ang binatang iyan,--ang

ipinagpatuloy n~g cura; n~g una'y masamà ang aking pagcápalagay sa canyá

..., may cauntíng cainitan ang ulo, n~guni't lubháng marunong umayos n~g

canyáng m~ga pagcuculang, na anó pa't hindi mangyaring macapagtaním sa

canyá ang sino man. Cung di n~ga lamang si padre Dámaso'y....

At tinudlà n~g cura n~g matuling pagsulyáp si María Clara, na nakikinig

n~guni't hindi inihihiwalay ang m~ga mata sa papel n~g música, bagá man

siya'y lihim na kinucurot ni Sinang, na sa gayóng paraa'y sinásaysay ang

canyáng catuwâan; sumayaw sana siya cung silá'y nag-íisá.

--¿Si padre Dámaso po?--ang tanóng ni Linares.

--Opo, si padre Dámaso, ang sinabi,--ang ipinagpatuloy n~g cura, na

hindi inihihiwalay ang tin~gín cay María Clara,--na palibhasa'y ...

inaama sa binyág, hindi niyá maitutulot ... n~guni't sa cawacasan,

inaacala cong humin~ging tawad sa canyá si guinoong Ibarra, bagay na

hindi co pinag aalinlan~ganang magcacahusay-husay na lahát.

Nagtindíg si María Clara, nagsabi n~g isáng dahilán at pumasoc sa

canyáng cuarto, na si Victoria ang casama.

--¿At cung hindi siyá patawarin ni padre Dámaso?--ang marahang tanóng ni

capitang Tiago.

Cung magcagayo'y ... si María Clara ang macacaalam ... si padre Dámaso

ang canyáng amáng caluluwa: n~guni't inaacala cong sila'y

magcacáwatasan.

Nang sandalíng yaó'y napakinggán ang yabág n~g m~ga paglacad at sumipot

si Ibarra, na sinusundan ni tía Isabel; ibá't ibáng m~ga damdamin ang

napucaw n~g pagdating niyáng iyón. Bumati n~g boong guiliw cay capitang

Tiago, na hindi maalaman cung n~gin~gitî ó iiyac, bumati cay Linares n~g

isáng malaking pagyucód n~g ulo. Nagtindíg si fray Salví at iniabot sa

canyá ang camáy n~g boong pagliyag, na anó pa't hindi napiguilan ni

Ibarra ang isáng tin~ging nagpápahalatâ n~g malakíng pagtatacá.

--Huwág po cayóng magtacá,--ani fray Salví;--n~gayón-n~gayón lamang ay

pinupuri co cayó.

Napasalamat si Ibarra at lumapit cay Sinang.

--¿Saán ca doroon sa boong maghapon?--ang itinanóng ni Sinang, sa

canyang pananalitang musmós;--tumátanong cami sa aming sarili at aming

sinasabi sa amin din: ¿Saán caya naparoon ang caluluwang iyáng tinubós

sa Purgatorio? At bawa't isá sa ami'y nagsasabi n~g ibá't ibáng bagay.

--¿At mangyayari bang maalaman cung anó ang sinasabi ninyó?

--Hindi, iya'y isáng lihim, n~guni't sasabihin co sa iyó cung tayo tayo

lamang. N~gayó'y sabihin mo sa akin cung saán ca doroon, upang maalaman

co cung sino sa amin ang nacahulà.

--Hindi, iyá'y isá rin namang lihim, n~guni't sasabihin co sa iyo cung

tayo tayo na lamang, sacali't itutulot n~g m~ga guinoóng itó.

--¡Mangyari bagá, mangyari bagá! ¡iyán palá lamang!--ani parì Salví.

Hinila ni Sinang si Crisóstomo sa isáng dulo n~g salas: natutuwâ siyáng

mainam na canyáng mapagtátalos ang isáng lihim.

--Sabihin mo caibigan sa akin, ang tanóng ni Ibarra;--¿nagagalit pa si

María sa akin?

--Aywán co, n~guni't ang wica niyá'y magalíng pa raw na siyá'y iyóng

limutin na, at bago umiiyac. Ibig ni capitang Tiagong siyá'y pacasal sa

guinoóng iyón, at gayón din si parì Dámaso, n~guni't hindi siyá

nagsasabi n~g oo ó aayaw. N~gayóng umaga, n~g icaw ay ipinagtatanong

namin, at sinasabi cong ¿baca nan~gin~gibig na sa ibá? sumagót siyá sa

aking: ¡cahimanawari! at saca umiyác.

Nalúlungcot si Ibarra.

--Sabihin mo cay Maríang ibig co siyáng macausap na camí lamang dalawá.

--¿Cayó lamang dalawá?--ang tanóng ni Sinang, na pinapagcunót ang m~ga

kilay at siyá'y tinitigan.

--Hindi naman lubós camíng dalawá lamang; n~guni't huwag sanang

náhaharap iyón.

--May cahirapan; n~guni't huwag cang mabahalà, sasabihin co.

--¿At cailan co malalaman ang casagutan?

--Bucas, pumaroon ca sa bahay n~g maaga. Aayaw si Maríang mag-isá cailan

man, sinasamahan namin siyá; isáng gabi'y natutulog si Victoria sa

canyáng siping, at sa isáng gabí namá'y acó; bucas ay sa akin tamà ang

pagsama sa canyá. N~guni't pakinggán mo, ¿at ang lihim? ¿Yayáo ca nang

hindi mo pa sinasabi sa akin ang lalong pan~gulo?

--¡Siya n~ga naman palá! doon acó doroon sa Los Baños, mamímili acó n~g

niyóg, sa pagca't ibig cong magtayô n~g isáng gáwaan; ang iyong tatay

ang aking mácacasama.

--¿Walâ na ba cung di iyán lamang? ¡Nacú ang isáng lihim!--ang bigláng

sinabi ni Sinang n~g malacás, na ang anyô'y ang sa narayaang

magpapatubô; ang boong isip co'y....

--¡Mag-in~gat ca! ¡hindi co itinutulot sa iyóng iwatawat mo ang lihim na

iyán!

--At hindi co naman ibig--ang isinagót ni Sinang na pinapan~gulubot ang

ilóng.--Cung isáng bagay man lamang na may caunting cahulugán, marahil

masabi co pa sa aking m~ga caibigang babae; datapuwa't ¡pamimilí n~g

m~ga niyóg! ¡m~ga niyóg! ¿sino ang macacaibig macaalam n~g tungcól sa

niyóg?

At nagdalidali n~g mainam na pagyáo at paghanap sa canyáng m~ga

caibigang babae.

Nagpaalam si Ibarra n~g macaraán ang iláng sandali, sa pagca't canyáng

nakitang walang salang pápanglaw ang pagpupulong na iyón; maasim na

matamis ang pagmumukhâ ni capitang Tiago, hindi umiimic si Linares at

nagmámasid, ang curang nagpapacunuwaring nagágalac ay nagsasalitâ n~g

m~ga cacaibáng bagay. Hindi na mulíng lumabás ang alin man sa m~ga

dalaga.

=LII.=

=ANG SULAT N~G M~GA PATAY AT ANG M~GA ANINO.=

Itinatagò ang buwan n~g madilím na lan~git; wináwalis n~g malamig na

han~ging palatandâan n~g pagdating n~g Diciembre ang iláng dahong tuyô

at ang alabóc sa makipot na landas na patun~gó sa libin~gan.

Nagsasalitaan n~g marahan ang tatlóng anino sa ilalim n~g pintuan.

--¿Kinausap mo ba si Elías?--ang tanóng n~g isáng tinig.

--Hindî, nalalaman mo n~g siyá'y may ugaling cacaibá at main~gat;

n~guni't inaacalà cong siyá'y cacampí natin; iniligtás ni don Crisóstomo

ang canyáng buhay.

--Caya acó pumayag,--anáng unang tinig;--¡ipinagágamot ni don Crisóstomo

ang aking asawa sa bahay n~g isáng médico sa Maynilà! Acó ang nacacaalam

n~g convento upang makipagliwanag sa cura n~g aming pautan~gan.

--At camí naman ang nacacaalam n~g cuartel, at n~g masabi namin sa m~ga

civil na may m~ga anác na lalaki ang aming amá.

--¿Maguiguing ilán caya cayó?

--Limá, cainaman na ang limá. Maguiguing dalawampo raw cami,--anáng

alilà ni don Crisóstomo.

--At ¿cung hindi lumabás cayóng magalíng?

--¡Sttt!--anáng isá, at hindi na umimic ang lahát.

Namamasid sa nag-aagaw n~g dilim at liwanag ang pagdating n~g isáng

anino na marahang lumalacad na ang bacod ang siyáng tinútunton;

manacánacang humíhintô na para mandíng lumílin~gon.

At may dahil n~ga namán. Sa dacong hulihán, na may dalawampong hacbang

ang puwang, may sumusunod na isá pang anino, lalong malakí at tila

mandín lalò pang anino cay sa náuna: totoong napacarahan ang pagyapac sa

lupà, at biglang nawawalâ, na anaki'y linalamon n~g lupa, cailán mang

humíhinto't lumilin~gon ang náuuna.

--¡Sinusundan acó!--ang ibinulóng n~g náuunang anino; ¿ang guardia civil

caya? ¿nagsinun~galíng caya ang sacristan mayor?

--Ang sabi'y dito raw magtátatagpô,--ang iniisip n~g icalawáng anino;

marahil may masamáng inaacalà caya inililihim sa akin n~g dalawáng

magcapatid.

Sa cawacasa'y dumating ang nan~gun~gunang anino sa pintùan n~g

libin~gan. Lumapit ang tatlóng aninong nan~gauna.

--¿Silá po bagá?

--¿Cayó po ba?

--¡Tayo'y maghiwahiwalay, sa pagca't sinúsundan acó nilá! Tátanggapin

ninyó bucas ang m~ga sandata at pagcágabi gágawin. Ang hiyáw ay:

«¡Mabuhay si don Crisóstomo!» ¡Lacad na cayó!

Nawalâ ang tatlóng anino sa licuran n~g m~ga pader. Nagtagò ang bagong

dating sa pag-itan n~g pintô at naghintáy na hindi umiimic.

--¡Tingnan natin cung sino ang sumúsunod sa akin!--ang ibinulóng.

Dumating ang pan~galawáng anino na nag-iin~gat n~g mainam at humintóng

parang nagtitin~gintin~gin sa paliguid niyá.

--¡Nahuli acó n~g pagdating!--ang marahang sinabi; n~guni't baca caya

man~gagbalic.

At sa pagcá't nagpasimulâ n~g pag ambóng nagbabalang tumagál, inisíp

niyang sumilong sa ilalim n~g pintùan.

At alinsunod sa dapat mangyari'y nabuglàan niyá ang isáng anino.

--¡Ah! ¿sino pô cayó?--ang itinanóng n~g bagong dating na ang tinig ay

sa matapang na lalakl.

--At ¿sino pô ba naman cayô?--ang isinagót n~g isá n~g boong

capanatagan.

Sandalíng hindi nan~gagsiimic; pinagpipilitan n~g isá't isáng makilala

ang canyáng caharáp sa pamamag-itan n~g anyô n~g tinig at sa

pagmumukháng naaaninagnagan.

--¿Anô po ba ang hinihintay ninyó rito?--ang tanóng n~g may tinig na

pagca lalaki.

--Na tumugtóg ang á las ocho upang aking macuha ang baraja n~g m~ga

patay, ibig cong manalo n~gayong gabí n~g salapi,--ang sagót n~g isá na

ang tinig ay caraniwan; at cayó namân, ¿anó't cayó po'y naparito?

--Sa ... gayóng ding dahil.

--¡Abá! ikinatutuwa co; sa ganyá'y hindi acó mag-iisá. May dalá acóng

baraja; pagcarin~gig co n~g unang tugtóg ay maglálagay acó sa canilá n~g

_aldur_; sa icalawáng tugtóg ay maglálagay namán acó n~g _gallo_; ang

m~ga barajang gumagaláw ay iyán ang m~ga baraja n~g m~ga patáy, na

kinacailan~gang agawin sa pamamag-itan n~g pananagâ. ¿May dalá rin po ba

cayóng baraja?

--¡Wala!

--¿At paano?

--Magaang; cung paano ang paglalagáy ninyó sa canilá n~g bangcâ;

hinihintay cong silá namán ang maglálagay n~g bangcâ sa akin.

--¿At cung hindi maglagáy n~g bangcâ ang m~ga patáy?

--¿Anó ang gagawin? Hindi pa ipinag-uutos na sapilitang magsúsugal ang

m~ga patáy....

Sandalíng hindi silá nag-imican.

--¿Cayó po ba'y naparitong may sandata? ¿Paano ang inyóng gágawing

pakikiaway sa m~ga patáy?

--Sa pamamag-itan n~g aking m~ga suntóc,--ang isinagót n~g pinacamalaki

sa canilá.

--¡Ah, diablo, n~gayón co naalaala! hindi tumátayâ ang m~ga patáy pagca

may higuít sa isá ang bilang n~g m~ga buháy, at tayo'y dalawá.

--¿Siyá n~ga po ba? n~guni't áayaw acóng umalís.

--Acó ma'y gayón din, nan~gan~gailan~gan acó n~g salapi,--ang isinagót

n~g pinacamaliit; n~guni't gawín natin ang isáng bagay: magsugál tayong

dalawá, at ang matalo'y siyáng umalís.

--Halá ...--ang isinagót n~g isá na may cauntíng samâ ang loob.

Pumasoc silá't humanap sa gayóng nag-aagaw n~g dilim at liwanag n~g

isáng lugar na lalong nauucol; hindi nalao't nacásumpong silá n~g isáng

baunang bató at doon silá naupô. Kinuha n~g pinacapandác sa canyáng

salacót ang baraja, at nagpanin~gas namán ang isá n~g fósforo.

Sa ilaw ay nagtin~ginan ang isá't isa, datapuwa't ayon sa pag-aanyô n~g

canícaniláng mukha'y hindi nan~gagcacakilalanan. N~guni't gayón man, sa

pinacamataás at tinig macalalaki ay makikilala natin si Elías, at sa

pinacamaliit ay si Lucas, dahil sa pílat niyá sa pisn~gí.

--¡Alsahín po ninyó!--ang winica nitó, na hindi nálilin~gat n~g

pagmamasíd sa caharáp.

Itinabí ang iláng butóng nakita sa ibabaw n~g libin~gang bató't saca

nag-_andar_ n~g isáng alás at isáng cabayo. Pinagsunodsunód ni Elías ang

pagpapanin~gas n~g fósforo.

--¡Sa cabayo!--anyá,--at n~g magcatanda'y nilagyán n~g isáng bun~gô n~g

tadyáng.

--¡Juego!--aní Lucas,--at sa icaapat ó icalimang _carta_ ay lumabás ang

isáng alás.

--Natalo cayó,--ang idinugtóng;--n~gayó'y pabayaan po ninyóng acó'y

mag-isáng humanap n~g pagcabúhay.

Umalís si Elías na hindi nagsabi n~g catagâ man lamang, at nawala sa

guitna n~g cadilimán.

Nang macaraan ang ilang minuto'y tumugtóg ang á las ocho sa relós n~g

simbahan, at ipinahayag n~g campana ang oras n~g m~ga caluluwa; n~guni't

hindi inanyayahan ni Lucas makipagsugál sa canyá ang sino man, hindi

tinawagan ang m~ga patáy, na gaya n~g iniaatas n~g pamahiin; ang

guinawá'y nagpugay at bumulóng n~g ilang panalan~gin, nagcruz n~g boong

cataimtimang tulad sa marahil guinágawa rin sa sandaling iyón n~g puno

n~g Cofradía n~g Santísimo Rosario.

Nagpatuloy ang pag-ambón sa boong magdamág. Pagca á las nueve n~g gabi'y

madilím na ang m~ga daan at wala n~g taong lumalacad; ang m~ga farol n~g

lan~gis na dapat ibitin n~g bawa't namamayan sa tapat n~g canilang

bahay, bahagya n~g nacaliliwanag sa pabilóg na isáng metro ang luwang:

tila mandin inilagáy ang m~ga ilaw na iyó't upang makita ang carilimán.

Naglálacad n~g paroo't parito sa magcabicabilang dulo n~g daang malapit

sa simbahan ang dalawáng guardia civil.

--¡Maguináw!--ang sabi n~g isá sa wicang tagalog na may puntóng bisayà;

hindi tayo macahuli n~g isá man lamang sacristan, waláng gágawa n~g

casiraan n~g culun~gán n~g manóc n~g alferez ... Nan~gadalà dahil sa

pagcápatay doon sa isá; nacayáyamot sa akin itó.

--At sa akin,--ang isinagót n~g isá;--sino ma'y waláng nagnanacaw;

datapuwa't salamat sa Dios at ang sabiha'y na sa bayan daw si Elías. Ang

sabi n~g alferez ay ang macahuli raw sa canyá'y máliligtas sa palò sa

loob n~g tatlóng buwán.

--¡Aa! Nasasaulo mo ba ang canyáng m~ga _señas_?--ang tanóng n~g bisaya.

--¡Mangyari bagá! ang taás ay matangcád ayon sa alferez, catatagán ayon

sa cay padre Dámaso; maiitím ang m~ga matá, catatagán ang ilóng,

catatagán ang bibíg, waláng balbás, maitim ang buhóc....

--¡Aa! ¿at ang m~ga tan~ging _señas_?

--Maitím ang barò, maitím ang salawal, mán~gan~gahoy....

--¡Aa! hindi macatatacas, tila nakikinikinita co na siyá.

--Hindi co siyá pagcacamal-an sa ibá, cahi't macatulad niyá.

Noli Me Tangere · 第 46 / 51 题