TALABABA:

[259] May nangyari sa Calamba na gayon ding bagay.

[260] Sa "original" na wicang castila'y sinasabing "casáronse"

(napacasal silá) ó "cazáronse" (naghulihan sa pamamag-itan n~g

pan~gan~gaso), laro n~g salitang hindi magawa sa wica natin.

=XLIII.=

=MGA PANUCALA.=

Hindi niya pinansin ang sino man, tuloytuloy siya sa higaan n~g may

sakit, at saca niya hinawacan ang camay nito:

--¡Maria!--ang canyang sinabi n~g hindi maulatang pag-irog, at bumalong

sa canyang m~ga mata ang m~ga luha;--¡Maria, anac co, hindi ca

mamamatay!

Binucsan ni Maria ang canyang m~ga mata at tiningnan siya n~g tanging

pagtataca.

Sino man sa m~ga nacacakilala sa franciscano'y hindi na~ngaghihinala man

lamang na siya'y may taglay n~g gayong lubhang m~ga caguiliwguiliw na

damdamin; hindi inaacala n~g sino mang sa ilalim n~g gayong matigas at

magaspang na anyo'y may tangkilic na isang puso.

Hindi nacapanatili roon si pari Damaso, at umiiyac na parang musmos na

lumayo sa dalaga. Tinun~go niya ang "caida" upang doo'y maibulalas niya

ang canyang capighatian, sa lilim n~g m~ga gumagapang na halaman sa

durun~gawan ni Maria Clara.

--¡Pagcalakilaki n~g canyang pag-ibig sa canyáng inaanac!--ang sapantaha

n~g lahat.

Pinagmamasdan siya ni fray Salví na hindi cumikilos at hindi umiimic, at

nan~gan~gagat labi n~g bahagya.

N~g anyóng natatahimic na si pari Dámaso'y ipinakilala sa canya ni doña

Victorina ang binatang si Linares, na sa canyá'y magalang na lumapit.

Waláng imic na pinagmasdan siya ni pari Dámaso, mula sa m~ga paa hangang

úlo, inabot ang súlat na sa canya'y iniabot ni Linares, at binasa ang

lihim na iyóng anaki'y hindi napag-uunawa ang lamán, sa pagca't

tumanóng:

--¿At sino po ba cayó?

--Acó po'y si Alfonso Linares, na inaanac n~g inyóng bayáw ...--ang

pautál na sinabi n~g binata.

Lumiyad si pari Dámaso, mulíng minasdan ang binata, sumaya ang mukha at

nagtindíg.

--¡Aba, icaw palá ang inaanac ni Carlicos!--ang biglang sinabi at siya'y

niyacap; halica't n~g kita'y mayacap ... may ilang, araw lamang na

catatanggap co pa n~g canyang sulat ... ¡abá, icaw palá! Hindi catá

nakikilala ... mangyari baga, hindi ca pa ipinan~gan~ganac n~g aking

lisanin ang lupaing iyón; ¡hindi cata nakilala!

At pinacahihigpit n~g canyáng matatabang m~ga bisig ang binata, na

namúmula, ayawan cung sa cahihiyan ó sa pagcainís. Tila mandin nalimutan

n~g lubós ni pari Dámaso ang canyáng pighati.

N~g macaraan ang iláng sandali n~g pagpapakita n~g pagguiliw at

pagtatanong sa calagayan ni Carlicos at ni Pepa, tumanóng si pari

Dámaso:

--¡At n~gayon! ¿anó ang ibig ni Carlicos na gawin co sa iyó?

--Tila mandin may sinasabi sa sulat na caunting bagay ...,--ang muling

sinabi ni Linares n~g pautál.

--¿Sa sulat? ¿tingnan co? ¡Abá, siya n~ga! ¡At ang ibig ay ihanap catá

n~g isáng catungculan at isáng asawa! ¡Hmm! ¡Catungculan ...

catungculan, magaang; ¿marunong ca bang bumasa't sumulat?

--¡Tinanggáp co ang pagca abogado sa Universidad Central!

--¡Carambas! icaw pala'y isang picapleitos (mapang udyóc sa pag-uusapin)

datapuwa't wala sa iyong pagmumukha ... tila ca isang mahinhing dalaga,

n~guni't ¡lalong magaling! Datapuwa't bigyán catá n~g isang asawa ...

¡hm! ¡hmm! isang asawa....

--Padre, hindi po acó lubháng nagdadalidali,--ang sinabi ni Linares na

nahihiya.

Datapuwa't si pari Dámaso'y nagpaparoo't parito sa magcabicabilang dúlo

n~g caida, na ito ang ibinúbulong:--¡Isang asawa, isáng asawa!

Hindi na malungcot at hindi naman masaya ang canyang mukha; n~gayo'y

nagpapakilala n~g malaking cataimtiman at wari'y may iniisip.

Pinagmamasdan ni pari Salví ang lahat n~g ito mula sa malayo.

--¡Hindi co acalaing macapagbibigay sa akin n~g malaking capighatian ang

bagay na ito!--ang ibinulong ni pari Dámaso n~g tinig na

tumatan~gis;--datapuwa't sa dalawang casamaa'y dapat piliin ang

pinacamaliit.

At lumapit cay Linares at saca inilacas ang pananalita:

--Halica, bata,--anya:--causapin nata si Santiago.

Namutla si Linares at cusang napahila sa sacerdote, na nag-iisipisip sa

paglacad.

N~g magcagayo'y humalili naman sa pagpaparoo't parito sa caida si pari

Salví, na naggugunamgunam ayon sa dati niyang caugalian.

Isang tinig na sa canya'y nagbibigay n~g magandang araw ang siyang

nagpahinto n~g canyang capaparoo't parito: tumunghay at ang nakita

niya'y si Lucas, na sa canya'y bumati n~g boong capacumbabaan.

--¿Anó ang ibig mo?--ang tanong n~g m~ga matá n~g cura.

--Among, ¡aco po ang capatid n~g namatay sa caarawan n~g fiesta!--ang

sagot na cahapishapis ni Lucas.

Umudlot si pari Salví.

--¿At ano?--ang ibinulong na bahagya na marin~gig.

Nagpupumilit umiyac si Lucas at pinapahid n~g panyo ang canyang m~ga

mata.

--Among,--ang sinabing nagtutuman~gis,--¿naparoon po aco sa bahay ni don

Crisóstomo upang humin~gi n~g cabayaran sa búhay ..., ipinagtabuyan muna

aco n~g sicad, at ang sabi'y aayaw raw siyang magbayad n~g ano man, sa

pagca't nan~ganib daw siyang mamatay sa sala n~g aking guiliw at

cahabaghabag na capatid. Nagbalic po acó ó cahapon, n~guni't siya'y

nacapasa Maynila na, at nag-iwan n~g limang daang piso upang ibigay sa

akin, parang isang caawang-gawa, at ipinagbiling huwag na raw bumalic

aco cailan man! ¡Ah, among, limang daang piso sa aking caawa-awang

capatid, limang daang piso, ah! ¡among!...

N~g una'y pinakikinggan siya n~g cura na nagtataca at inuulinig ang

canyang pananalita, saca untiunting nasnaw sa canyang m~ga labi ang

isang lubhang malaking nagpapawalang halaga at pag-alipusta, sa

pagcamasid n~g gayong daya at paglambang, na cung nakita sana ni Lucas,

marahil siya'y tumacas at nagtumacbo n~g boong tulin.

--¿At ano ang ibig mo n~gayon?--ang itinanong na casabay ang sa canya'y

pagtalicod.

--¡Ay! among, sabihin po ninyo sa akin, alang-alang sa Dios, cung ano

caya ang dapat cung gawin; sa tuwi na'y nagbibigay ang among n~g

mabubuting m~ga hatol....

--¿Sino ang may sabi sa iyo? Hindi icaw tagarito....

--¡Nakikilala ang among sa boong lalawigan!

Lumapit sa canya si pari Salví na nanglilisic ang m~ga matá sa galit,

itinuro sa canya ang lansan~gan at saca sinabi sa gulat na si Lucas:

--¡Humayo ca sa iyong bahay at pasalamat ca cay D. Crisostomo na hindi

ca ipinabilanggo! ¡Lumayas ca rito!

Nalimutan ni Lucas ang canyang pagpapacunwari at bumulong:

--Abá ang isip co'y....

--¡Lumayas ca rito!--ang sigaw ni pari Salví na malaki ang galit.

--Ibig co po sanang makipagkita cay pari Dámaso....

--May gagawin si pari Dámaso ... ¡lumayas ca rito!--ang muling

ipinagutos n~g matindi n~g cura.

Nanaog si Lucas na nagbububulong:

--¡Isa pa naman ito ... pagca siya'y hindi nagbayad n~g magaling!...

Cung sino ang bumayad n~g magaling....

Nan~gagsidalo ang lahat, dahil sa malacas na catatalac n~g cura, pati ni

pari Dámaso, ni capitan Tiago at ni Linares....

--¡Isang walang hiyang hampas-lupa, na naparitong nanghihin~gi n~g limos

at aayaw magtrabajo!--ang sinabi ni pari Salví, na dinampot ang sombrero

at bastón at tinun~go ang convento.

=XLIV.=

=PAGSISIYASAT NG CONCIENCIA.=

Mahabang araw at malulungcot na m~ga gabí ang guinawang pagtatanod sa

ulunan n~g hihigán; nabinat si María Clara caracaracang matapos

macapagcumpisal, at wala siyang sinasalita, sa boong canyang

pagcahibang, cun di ang pan~galan n~g canyang ina, na hindi niya

nakikilala. Datapuwa't siya'y pinacaaalagaan n~g canyang m~ga caibigang

babae, n~g canyang amá at n~g canyang tía; nagpapadala n~g m~ga pamisa

at n~g m~ga limos sa lahat n~g m~ga larawang mapaghimala; nan~gaco si

capitan Tiagong maghahandog n~g isang bastong guinto sa Virgen sa

Antipolo, at sa cawacasa'y nagpasimula n~g untiunting paghibas n~g

lagnat n~g boong cahusayan.

Nangguiguilalas ang doctor de Espadaña sa m~ga cabisaan n~g jarabe de

altea at n~g pinaglagaan n~g liquen, m~ga panggamot na hindi binabago.

Sa laking pagcatuwa ni doña Victorina sa canyang asawa, isang araw na

natapacan nito ang cola n~g canyang bata, hindi niya nilapatan n~g

caugaliang parusang bawian n~g panglagay na n~gipin, cun di nagcasiya na

lamang na sa canya'y sabihin:

--¡Cung hindi ca pa naguing pilay, tatapacan mo pati n~g corsé!

--¡At hindi gumagamit n~g corsé si doña Victorina!

Isang hapon, samantalang dinadalaw ni Sinang at ni Victoria ang canilang

caibigan, nan~gagsasalitaan naman sa comedor ang cura, si capitang Tiago

at ang mag-anac ni doña Victorina, hanggang sila'y nan~gagmimirindal.

--Tunay n~gang aking dinaramdam n~g di cawasa,--ang sinasabi n~g

doctor;--at daramdamin din namang totoo ni pari Dámaso.

--¿At saan po ang sabi ninyong siya'y ililipat nila?--ang itinanong ni

Linares sa cura.

--¡Sa lalawigang Tayabas!--ang isinagot n~g cura n~g walang cabahalaan.

--Ang magdaramdam naman n~g malaki ay si María pagca canyang

nalaman,--ani capitang Tiago;--siya'y canyang kinaguiguiliwang parang

isang ama.

Tiningnan siya n~g pasuliyap ni fray Salvi.

--Inaacala co po among,--ang ipinagpatuloy ni capitang Tiago,--sa

nagbuhat ang lahat n~g sakit na ito sa sama n~g loob na canyang

tinanggap n~g araw n~g fiesta.

--Gayon din ang aking acala, at magaling po ang guinawa ninyo sa hindi

pagpapahintulot na siya'y causapin ni Guinoong Ibarra; siya sana'y lalo

n~g lumubha.

--At cung hindi sa amin,--ang isinalabat ni doña

Victorina,--sumasalan~git na sana si Clarita at nag-aawit na n~g m~ga

pagpupuri sa Dios.

--¡Amen Jesus!--ang inacala ni capitan Tiagong marapat sabihin.

--Inyo rin namang palad na hindi nagcaroon ang aking asawa n~g ibang may

sakit na lalong mataas ang uri, sa pagca't cung nagcagayo'y napilitan

sana cayong tumawag n~g iba, at dito'y pawang m~ga han~gal; ang aking

asawa'y....

--Aking inaacala, at ipinagpapatuloy co ang aking sinabi,--ang

isinalabat naman sa canya n~g cura,--na ang pagcapan~gumpisal ni María

Clara ang siyang pinagbuhatan niyong magaling na pagbabago n~g canyang

calagayan, na siyang sa canya'y nacapagligtas n~g buhay. Higuit sa lahat

n~g gamot ang isang concienciang malinis, at pacaunawaing hindi co

tinututulan ang capangyarihan n~g dunong, ¡lalong-lalo na ang dunong sa

cirugía! n~guni't ang isang malinis na conciencia'y ... Basahin ninyo

ang m~ga banal na libro, at inyong makikita cung gaano ang m~ga sakit na

napagaling sa pamamag-itan lamang n~g isang mabuting confesión.

--Ipatawad po ninyo,--ang itinutol ni doña Victorina na nag-init,--ang

tungcol diyan sa capangyarihan n~g confesión.... gamutin n~ga po ninyo

ang asawa n~g alférez n~g isang confesión.

--¡Isang sugat, guinoong babae,--ay hindi isang sakit na may

ikinapangyayari ang conciencia!--ang isinagot ni pari Salví, na may

halong poot;--gayon man, ang isang mabuting confesión ay macapaglalayo

sa canya sa pagtanggap n~g m~ga hampas na gaya n~g canyang m~ga

tinanggap caninang umaga.

--¡Sa canya'y marapat!--ang ipinagpatuloy ni doña Victorina, na parang

hindi niya narin~gig ang lahat n~g sinabi n~g pari Salví.--Napacawalang

bait ang babaeng iyan! Sa simbaha'y wala n~g guinagawa cung di masdan

aco, ¡mangyari bagá! siya'y isang babaeng walang capararacan;

tatanun~gin co na sana siya niyong linggo cung mayroon acong m~ga

tautauhan sa mukha, n~guni't ¿sino ang magcacapol n~g dumi sa sarili sa

pakikipag-usap sa taong walang uri?

Sa ganang sa cura, nama'y parang hindi niya narin~gig ang lahat n~g m~ga

caltáb na ito, at nagpatuloy:

--Maniwala po cayo sa akin, don Santiago; n~g malubos na gumaling ang

inyong anac ay kinacailan~gang makinabang búcas; dadalhan co siya rito

n~g viático ... inaacala cong wala siyáng ano mang dapat na

ipan~gumpisal, gayon man ... cung ibig niyang man~gumpisal n~g sandali

n~gayong gabi....

--Ayawan co,--ang idinugtong agád ni doña Victorina, na sinamantala ang

isang patlang n~g salitaan,--hindi co mapag-isip cung bakit may m~ga

lalaking nan~gagcacaroon n~g pusong mag-asawa sa gayong m~ga panggulat,

na gaya na n~ga n~g babaeng iyan; cahi't malayo'y namamasid cang saan

siya nanggaling; napagkikilalang namamatay siya n~g caingguitan;

¡mangyari baga! ¿gaano na ang sahod n~g isang alférez?

--Nalalaman na po ninyo, don Santiago, sabihin ninyo sa inyong pinsang

ihanda ang may sakit sa pakikinabang bucas; paririto aco n~gayong gabi

upang siya'y bigyang capatawaran sa mumunting casalanan....

At sa pagca't nakita niyang lamalabas si tía Isabel, pinagsabihan niya

ito sa wicang tagalog:

--Ihanda po ninyo ang inyong pamangkin sa pan~gun~gumpisal n~gayong

gabi; dadalhan co siya rito bucas n~g viatico; sa ganya'y lalong

madadali ang canyang paggaling.

--N~guni, Padre,--ang ipinan~gahas na itinutol n~g kimi ni

Linares,--baca po niya acalaing siya'y nan~gan~ganib na mamatay.

--¡Huwag po cayong mabahala!--ang sa canya'y isinagot na hindi siya

tinitingnan;--nalalaman co ang aking guinagawa: marami n~g totoong may

sakit ang aking inalagaan. Bucod sa roo'y sasabihin niya cung ibig niya

ó hinding makinabang, at makikita ninyong siya'y paooo sa lahat.

Ang unauna'y napilitan si capitan Tiagong sa lahat ay paoo.

--Pumasoc si tía Isabel sa silid na kinalalagyan n~g may sakit.

Nananatili sa hihigan si María Clara, namumutla, totoong namumutla; na

sa canyang tabi ang canyang dalawang caibigang babae.

--Cumain ca pa n~g isang bútil,--ang sa canya'y sabi ni Sinang n~g

paanas, at sa canya'y ipinakita ang isang butil na maputi, na kinuha sa

isang maliit na tubong cristal;--ang sabi niya'y pagca nacaramdam icaw

n~g tunog ó hugong sa tain~ga mo'y iyong ihinto ang panggagamot.

--¿Hindi na ba sumulat uli sa iyo?--ang tanong na marahan n~g may sakit.

--¡Hindi, marahil siya'y totoong maraming guinagawa!

--¿Hindi ba nagpapasabi sa akin n~g ano man?

--Walang sinasabi cung di canyang pagpipilitang siya'y alsan n~g

Arzobispo n~g excomunión upang....

Inihinto ang salitaan, sa pagca't dumarating ang tía.

--Sinabi n~g among na maghanda ca raw sa pan~gun~gumpisal, anac co,--ani

tía Isabel;--iwan ninyo siya at n~g magawa niya ang pagsisiyasat n~g

canyang conciencia.

--¡Diyata't wala pa namang isang linggong nacapan~gun~gumpisal

siya!--ang tutol ni Sinang,--¡Aco'y walang sakít, datapuwa't hindi aco

nagcacasala n~g lubhang malimit!

--¡Aba! ¿hindi ninyo nalalaman ang sabi n~g cura: nagcacasala ang banal

n~g macapito sa maghapon? Hala, ¿ibig mo bang dalhin co rito sa iyo ang

"Ancora", ang "Ramillete" ó ang "Matuwid na landas n~g pagpasa lan~git"?

Hindi sumagot si María Clara.

--Hala, hindi ca mapapagod,--ang idinugtong n~g mabait na tía upang

aliwin siya; aco na ang babasa n~g pagsisiyasat n~g conciencia, at wala

cang gagawin cung di mag-alaala n~g m~ga casalanan.

--¡Isulat mo sa canyang huwag na niya acong alalahanin!--ang ibinulong

ni María Clara sa tain~ga ni Sinang, n~g ito'y nagpapaalam na sa canya.

--¿Ano iyon?

--Datapuwa't nasoc ang tía at napilitan si Sinang na lumayo, na hindi

naunawa ang sinabi sa canya n~g canyang caibigan.

Inilapit n~g mabait na tía ang isang silla sa ilaw, naglagay n~g salamin

sa mata sa dulo n~g canyang ilong, binucsan ang maliit na libro at

nagsalita:

--Pakinggan mong magaling, anac co; pasisimulan co sa m~ga utos n~g

Dios; dadalan~gan co at n~g icaw ay macapaggunamgunam; cung sacali't

hindi mo naririn~gig na magaling ay sasabihin mo sa akin at n~g maulit

co sa iyo; nalalaman mo n~g sa icagagaling mo'y hindi aco napapagal

cailan man.

Nagpasimula n~g pagbasa, na ang tinig ay walang bagobago at anyong

humal, n~g m~ga pagdidilidili n~g m~ga bagay na ipinagcacasala. Siya'y

tumitiguil n~g matagal sa wacas n~g bawa't pangcat, upang mabigyang

panahon ang dalaga sa pag-aalaala n~g canyang m~ga casalanan at

pagsisihan.

Minamasdan ni María Clara ang alang-alang na walang tinutucoy. N~g

matapos na ang unang utos na "ibiguin ang Dios na lalo sa lahat n~g

bagay", hinihiwatigan siya ni tía Isabel sa ibabaw n~g canyang salamín

sa mata, at ikinatutuwa niya ang anyong pagca nagdidilidili at

nalulungcot. Banal na umubo, at pagcatapos n~g isang matagal na

paghinto'y pinasimulan ang pan~galawang utos. Bumabasa n~g taimtim sa

loob ang mabait na matandang babae, at n~g matapos ang pagbubulaybulay,

muling tiningnan ang canyang pamangkin, na untiunting ibinaling ang ulo

sa cabilang daco.

--¡Bah!--ang sinabi sa sarili ni tía Isabel; dito sa "huwag magpahamac

manumpa sa canyang santong pan~gala'y" hindi n~ga maaaring magcasala ang

abang ito! Lumipat tayo sa icatlo.

At ang pan~gatlong utos ay pinagmunglaymunglay at pinagwaring magaling

at binasa ang lahat n~g bagay na pinagcacasalanan n~g laban sa canya.

Muli na namang tiningnan niya ang higaan; datapuwa't n~gayo'y itinaas

n~g tía ang salamin, kinusot ang m~ga matá; nakita niyang dinala n~g

canyang pamankin ang panyo sa mukha at pinahid ang m~ga luha.

--¡Hm!--anya,--¡ejem! Minsa'y natulog ang caawaawang ito samantalang

nagsesermón.

At muling inilagáy sa dulo n~g canyang ilóng ang salamin niya sa mata,

saca sinabi sa sarili:

--Tingnan natin cung hindi siya gumalang sa canyang ama't ina, na gaya

n~g hindi niya pan~gin~gilin sa m~ga fiesta.

At binasa ang icapat na utos n~g tinig na lalong madalang at lalo n~g

pahumal, sa pagca't inaacala niyang sa gayong paraa'y lalo na niyáng

binibigyang cadakilaan ang canyang gawa, na gaya n~g canyang nakitang

inaasal n~g marami sa m~ga fraile: hindi nakakapakinig kailan man si tía

Isabel n~g pan~gan~garal n~g isang cuákero, sa pagoa't cung nagcagayo'y

pinapan~ginig naman sana niya ang canyang catawan.

Samantala'y macailang dinala n~g dalaga ang panyo sa canyang m~ga mata,

at lalo n~g napapakingan ang lacas n~g canyang paghin~ga.

--¡Pagcagalinggaling na caluluwa!--ang iniisip sa sarili n~g matandang

babae; ¡siya na lubhang masunurin at mapagpacumbaba sa lahat! Aco'y

nagcasala n~g lalong marami cay sa canya, gayon may hindi aco

nangyaring-mapaiyac n~g totohanan cailan man.

At pinasimulan niya ang icalimang utos, na lalong mahahaba ang paghinto

at lalong ganap ang pagcahumal n~g pananalita, cay sa n~g una, sacali't

maari pa, na sa pagsusumicap niyang mainam sa gayong gawa'y hindi niya

narin~gig ang paghagulhol na iniinis n~g canyang pamangkin. Sa isa

lamang pagtiguil na canyang guinawa, pagcatapos n~g m~ga pagcànilaynilay

tungcol sa pagpatay sa capuwa tao sa pamamag-itan n~g sandata, narin~gig

niya ang m~ga daing n~g macasalanan. N~g magcagayo'y humiguit sa pagca

dakila ang tinig, pinagpilitan niyang basahin ang nalalabing utos sa

anyong nagbabala, at n~g mapanood niyang patuloy rin ang pag-iyac n~g

caniyang pamangkin.

--¡Tuman~gis ca, anac, co, tuman~gis ca!--ang canyang sinabi, at siya'y

lumapit sa higaan:--cung gaano calaki ang iyong pagtan~gis ay gayon din

ang pagcadali n~g pagpapatawad sa iyo n~g Dios. Gamitin mo ang pighating

"contrición" sa pagca't lalong magaling cay sa "atrición." ¡Tuman~gis

ca, anac co, hindi mo nalalaman cung gaano ang aking galac na tinatamo

sa panonood co n~g iyong pag-iyac! Pagdagucan mo naman ang iyong dibdib,

huwag mo lamang calalacasan, sa pagca't may sakit ca pa.

Datapuwa't sa pagca't anaki'y mandin nagcacailan~gan ang pighati n~g

pag-iisa at n~g pagca walang nacamamalay, upang lumala, n~g makita ni

María Clarang siya'y nasubucan, untiunting tumiguil n~g pagbubuntong

hinin~ga, pinahid ang canyang m~ga mata, na walang sinasabing ano man at

hindi sumasagot sa canyang tía n~g cahi't cataga.

Ipinagpatuloy nito ang pagbasa, n~guni't sa pagca't huminto ang

pagtan~gis n~g sa canya'y nakikinig, lumipas ang caalaban n~g canyang

loob sa canyang gawa, at ang m~ga huling utos n~g Dios ay nacapag-antoc

sa canya at sa canya'y nacapaghicab, na ano pa't naguing malaking

casiraan sa pananalitang pahumal na nacayayamot na sa gayo'y nahihinto.

--¡Hindi co mapaniniwalaan cung hindi co makikita!--ang iniisip sa

sarili n~g matandang babae;--nagcacasalang tulad sa isang sundalo ang

batang ito laban sa unang limang utos n~g Dios, datapuwa't hindi cahi't

isang casalanang magaang man lamang mula sa icaanim hangang sa icasampo,

ano pa't tumbalíc sa amin! ¡Cung paano na ang lacad n~g daigdig n~gayon!

At nagsindi n~g isang candilang malaki sa Virgen sa Antipolo at dalawang

maliliit na candila sa Nuestra Señora del Rosario at sa Nuestra Señora

del Pilar, na canyang inihiwalay roon muna at inilagay sa isang suloc

ang isang garing na Santo Cristo, upang ipaunawang hindi dahil sa canya

caya isinindi ang m~ga candilang iyon. Hindi rin nacabahagui sa gayong

bagay ang Virgen sa Delaroche: siya'y isang taga ibang lupaing hindi

kilala, at hindi pa nacaririn~gig si tía Isabel n~g isa man lamang

himala na canyáng guinawa.

Hindi namin nalalaman cung ano caya ang nangyari sa guinawang; confesión

n~g gabing iyon; pinagpipitagan namin ang m~ga lihim na iyan. Mahabang

totoo ang cumpisal, at nahiwatigan n~g tíang mula sa malayo'y

binabantayan ang pamangkin, na hindi ikinikiling n~g cura ang canyang

tain~ga sa m~ga salita n~g may sakit, cung di nacaharap sa mukha ni

María Clara, at tila mandin wari ibig niyang basahin ó hulaan sa

pagcagagandang m~ga mata n~g dalaga ang m~ga pag-iisip.

Lumabas sa silid si parì Salvíng namumutla't nan~gin~gilis ang m~ga

labi. Sino mang macapanood n~g canyang noong nagdidilim at pigta n~g

pawis, mawiwicang siya ang nagcumpisal cay Maria Clara at hindi n~ga

narapat magcamit n~g capatawaran.

--¡Jesús, Maria, Josef!--ang sinabi n~g tía na nagcucruz;--¿sino ang

macatataroc sa calooban n~g m~ga kinabataan n~gayon?

=XLV.=

=ANG MGA PINAG-UUSIG.=

Tinatanglawan n~g isang malamlam na liwanag na inilalaganap n~g buwan at

umulusot sa malalagong m~ga san~ga n~g m~ga cahoy, ang isang lalaking

naglalagalag sa cagubatan, na maraha't mahinahon ang lacad. Manacanaca

at anaki baga'y n~g huwag maligaw, sumusutsot siya n~g isang tan~ging

tugtuguin, na ang caraniwa'y sinasagot n~g gayon ding sutsot sa dacong

malayo. Matamang nakikinig ang lalaki, at ipinagpapatuloy, pagcatapos,

ang paglacad na ang tinutunto'y ang malayong huni.

Sa cawacasan, n~g canyang maraanan ang libolibong m~ga nacahahadlang

cung gabi sa paglalacad sa isang gubat na hindi pa nalalacaran, siya'y

dumating sa isang maliit na puang na naliliwanagang ganap n~g buwan sa

icaapat na bahagui n~g canyang paglaki. Matataas na m~ga malalaking

batong buhay, na napuputun~gan n~g m~ga cahoy ang siyang nacababacod sa

paliguid, na ano pa't wari isang nababacurang panoorang naguiba; m~ga

cahoy na bagong putol, m~ga punong naguing uling ang nacapupuno sa

guitna, na nan~gahahalo sa pagkalalaking m~ga batong buhay, na

kinucumutan n~g pacaposcapos n~g Lumikha n~g canyang culubong na m~ga

dahong verde ang culay.

Bahagya pa lamang cararating n~g lalaking di kilala'y siyáng paglabás

namang bigla n~g isang lalaki rin sa licuran n~g isang malaking bató,

lumapit at binunot ang isang revolver.

--¿Sino ca?--ang tanong sa wicang tagalog na mabalasic ang tinig,

casabay ang pagtataas n~g "gatillo" n~g canyang sandata.

--¿Casama ba ninyo si matandàng Pablo?--ang sagot n~g bagong cararating

na mahinahon ang tinig, na hindi sinagot ang catanun~gan at hindi

nagugulumihanan.

--¿Ang capitan ba ang itinatanong mo? Oo, narito.

--Cung gayo'y sabihin mong narito si Elías at siya'y hinahanap,--anang

lalaki na hindi iba cung di ang talinghagang piloto.

--¿Cayo po ba'y si Elías?--ang itinanong n~g canyang causap na taglay

ang tan~ging pagpipitagan, at saca lumapit, at gayon ma'y patuloy rin

ang paguumang sa canya n~g bun~gan~ga n~g revolver;--cung gayo'y ...

halícayo.

Sumunód sa canyá si Elías.

Pumasoc silá sa isáng anyóng yun~gib na palusóng sa cailaliman n~g lupa.

Ipinauunawa sa piloto, n~g tagapamatnubay na nacacaalam n~g daan, cung

palusóng, cung cailan dapat yumucód ó gumapang; gayón ma'y hindi nalao't

sila'y nan~gagsirating sa isang may anyong salas, na bahagya na

naliwanagan n~g m~ga huepe, at ang nan~garoroo'y labingdalawa ó labing

limang lalaking may taglay na m~ga sandata, marurumi ang m~ga mukha at

cagulatgulat ang m~ga pananamit, na nacaupo ang m~ga ibá, ang iba nama'y

nacahiga, at nagsasalitaan n~g bahagya. Namamasdan ang isang matandang

lalaking mapanglaw ang pagmumukha, nacapulupot sa ulo niyá ang isang

bigkis na may dugo, nacalagay ang m~ga sico sa isang batóng guinagawang

pinaca mesa, at pinagninilay-nilay ang ilaw na sa gayong caraming usoc

na ibinubuga'y bahagya na ang inilalaganap na liwanag: cung hindi sana

talastas nating iyo'y isang yun~gib n~g m~ga tulisan, mawiwica natin, sa

pagbasa n~g malaking pagn~gan~galit sa mukha n~g matandang lalaki, na

siya ang Torre n~g Gútom sa araw na sinusundan n~g paglamon ni Ugolino

sa canyang m~ga anac.

Umanyong humilig ang nan~gahihigang m~ga lalaki n~g dumating si Elías at

ang namamatnugot sa canya, datapuwa't sa isang hudyat nito'y

nan~gagsitahimic at nan~gagcasiya na lamang sa pagmamasid sa piloto, na

walang taglay na anó mang sandata.

Untiunting lumin~gon ang matandang lalaki at ang natagpuan n~g canyang

m~ga mata'y ang nacapagpipitagang kiyas ni Elías, na nacapugay na siya'y

pinagmamasdang puspós n~g calungcutan at pagbibigay halaga.

--¿Icao ba?--ang itinanong n~g matandang lalaki, na sumaya n~g caunti

ang m~ga mata n~g makilala ang binata.

--¡Sa anóng calagayan aking nasumpun~gan cayo!--ang ibinulong ni Elías

sa babahagyang tinig at iguinagalaw ang ulo.

Hindi umimic ang matanda at tumun~gó, humudyát n~g isa sa m~ga tao,

nanan~gagsitindig sila't lumayo, na canilang sinulyáp muna't sinucat n~g

m~ga mata ang taas at bicas n~g pan~gan~gatawan n~g piloto.

--¡Tunay n~ga!--ang sinabi n~g matandang lalaki n~g silang dalawa'y

nagiisa na;--n~g cata'y patuluyin sa aking bahay, na may anim na buwan

n~gayon, aco ang n~g panahóng iyo'y nahahabag sa iyo; n~gayo'y nagbago

ang capalaran, n~gayo'y icaw namán ang nahahabag sa akin. N~guni't umupo

ca at sabihin mo sa akin cung bakit ca nacarating han~gang dito.

--May labing limang araw na n~gayong ibinalita sa akin ang nangyari sa

inyong casacunaan,--ang madalang na isinagot n~g binata sa mahinang

tinig, na ang ilaw ang siyang tinitingnan;--pagca alam co'y lumacad na

agad acó, nagpacabicabila acó sa m~ga cabunducan, halos dalawang

lalawigan ang aking nalibot.

--Napilitan acong tumacas at n~g huwag magsabog n~g dugong walang malay;

natatacot humarap ang aking m~ga caaway at ang canila lamang inilalagay

sa aking hirap ay ang ilang m~ga caawaawa, na walang guinawa sa akin

cahit caliitliitang casam-an.

N~g macalampas ang sandaling hindi pag-imic na guinamit ni Elías sa

pagbasa n~g m~ga caisipang mapapanglaw sa mukha n~g matandang lalaki,

nagpatuloy n~g pananalita ang binata:

--Naparito aco't ibig cong ipakiusap sa inyo ang isang bagay. Sa pagca't

hindi aco nacasumpong, cahi't aking pinaghanap, ang bahagyang labi man

lamang n~g mag-anac na may cagagawan n~g casawiang palad naming

mag-anac, minagaling co ang iwan ang lalawigang aking tinatahanan upang

tumun~go sa dacong timugan at makisama sa m~ga pulutong n~g m~ga hindi

binyagan at nabubuhay n~g boong kalayaan: ¿ibig po ba ninyong lisanin

ang bagong pinasisimul-an ninyong pamumuhay at sumama sa akin? Lalagay

acong tunay na inyong anac, yamang namatay ang anac po ninyo, at

kikilalin co cayong ama, yamang wala na acong magugulang?

Umiling ang matanda n~g paayaw, at nagsalita:

--Sa gulang na aking dinating, pagca niyacap n~g calooban ang isang

pasiyang cakilakilabot, ay dahil sa wala n~g sucat pagpaliiran. Isang

taong gaya co, na guinamit ang canyang cabataan at ang canyang

cagulan~gan sa pagpapagal at n~g camtan ang sariling guinhawa at ang sa

m~ga anac sa panahong hinaharap; isang taong nagpacumbaba sa lahat n~g

m~ga naguing calooban n~g canyang m~ga puno, na tumupad n~g boong

pagtatapat sa mabibigat na catungculan, na nagtiis n~g lahat upang

mamuhay sa catahimican at sa isang catiwasayang mangyayaring camtan;

pagca tinalicdan n~g ganitong taong pinalamig na ang dugò n~g panahon,

ang lahat n~g canyang pinagdaanan at ang boong pagdaraanan pa, at sumasa

m~ga pampan~gin na n~g libin~gan, ay sa pagca't canyang napagkilalang

lubos na walang capayapaang masusumpun~gan at ang catiwasiya'y hindi

siyang calakilakihang cagalin~gan! ¿Ano't magpapacatira pa sa hindi

sariling lupain upang magbuhay dukha? Dating aco'y may dalawang anac na

lalaki, isang anac na babae, isang bahay, isang cayamanan; aking dating

tinatamo ang pagpipitaga't pagmamahal n~g madla; n~gayo'y isang cahoy na

pinutlan n~g m~ga san~ga ang aking cawan~gis, lagalag, nagtatago,

pinag-uusig sa m~ga cagubatang tulad sa isang halimaw, ¿at anong dahil

at guinawa sa akin ang lahat n~g ito? Dahil sa inilugso n~g isang lalaki

ang capurihan n~g aking anac na babae, sa pagca't hinin~gi n~g m~ga

capatid sa lalaking iyang magsulit siya n~g catampalasanang canyang

guinawa, at sa pagca't ang lalaking iya'y nan~gin~gibabaw sa m~ga iba sa

pamamag-itan n~g pamagat na ministro (kinakatawan) n~g Dios. Inalintana

co, gayon man, ang lahat n~g ito, at acong ama, aco, na siniraan n~g

puri sa aking catandaan, aking ipinatawad ang caalimurahan,

ipinagpaumanhin co ang casilacbuhan n~g cabataan at ang m~ga carupucan

n~g catawang lupa, at sa casiraang iyong hindi na mangyayaring maisauli,

¿ano ang dapat cong gawin cung di ang huwag n~g umimic at iligtas ang

nalabi? Datapuwa't nan~ganib ang tampalasang baca sa humiguit cumulang

na cadalia'y camtán niya ang panghihiganti, caya't ang guinawa'y humanap

n~g capahamacan n~g aking m~ga anac na lalaki. ¿Nalalaman mo ba cung ano

ang canyang guinawa? ¿Hindi? ¿Natatalastas mo bang linubid ang

casinun~ga-lin~gang cunuwa'y linooban ang convento, at sa m~ga isinacdal

ay casama ang isa sa aking m~ga anac? Hindi nairamay iyóng isá, sa

pagca't wala't na sa ibang bayan. ¿Nalalaman mo ba ang m~ga catacottacot

na pahirap na sa canila'y guinawa? Nalalaman mo, sa pagca't

nan~gagcacawan~gis ang ganitong m~ga pahirap sa lahat n~g m~ga bayan.

¡Aking nakita, nakita co ang aking anac na nacabiting ang tali sa

canyang sariling buhoc, narin~gig co ang canyang m~ga sigaw, aking

narin~gig na aco'y canyang tinatawag, at aco, sa aking caruwagan at

palibhasa'y namarati aco sa capayapaan, hindi aco nagcaroon n~g

catapan~gang pumatay ó magpacamatay caya! ¿Nalalaman mo bang hindi

napatotohanan ang pangloloob na iyon, napaliwanagan ang bintang, at ang

naguing parusa'y ilipat sa ibang bayang ang cura, at ang aking anac ay

namatay dahil sa m~ga pahirap na guinawa sa canya? ¡Ang isa, ang

nalalabi sa akin, ay hindi duwag na gaya n~g canyang ama; at sa

catacutan n~g tacsil na nagpahirap na ipanghiganti sa canya ang

pagcamatay n~g canyang capatid, guinamit na dahilan ang cawal-an n~g

"cedula personal" na nalimutang sandali, piniit n~g Guardia Civil,

pinahirapan, guinalit at pinasamang totoo ang loob sa casalimura

hanggang sa siya'y mapilitang magpacamatay! At aco, aco'y buhay pa

pagcatapos n~g gayong calakilakihang cahihiyan, datapuwa't cung hindi

aco nagcaroon n~g tapang-ama sa pag-sasanggalang n~g aking m~ga anac,

may natitira pa sa aking isang pusô upang italaga sa isang panghihiganti

at manghihiganti aco! Untiunting nan~gagcacatipon ang m~ga maygalit sa

ilalim n~g aking pamiminuno, pinararami ang m~ga cawal co n~g aking m~ga

caaway, at sa araw na mapagkilala cong aco'y macapangyarihan na,

lulusong aco sa capatagan at tutupukin co sa apoy ang aking

panghihiganti at ang aking sariling buhay! ¡At darating ang araw na iyan

ó walang Dios!

At nagtindig ang matandang lalaki, na nagn~gin~gitn~git, at idinagdag,

na nagniningning ang panin~gin, malagunlong ang tinig at sinasabunutan

ang canyang mahahabang m~ga buhóc:

--¡Sumpain acó, sumpain acó na aking piniguil ang mapanghiganting camay

n~g aking m~ga anac; acó n~ga ang pumatay sa canila! ¡Cung pinabayaan co

sanang mamatay ang may sala, cung hindi sana acó lubós nanalig sa

justicia n~g Dios at sa justicia n~g m~ga tao, n~gayon disi'y may m~ga

anac pa acó, marahil sila'y nan~gagtatago, datapuwa't n~gayo'y may m~ga

anac naman sana acó, at hindi sila sana nan~gamatay sa capapahirap!

¡Hindi aco ipinan~ganac upáng maguing amá, caya wala acong m~ga anac

n~gayón! ¡Sumpain acó, na hindi co natutuhang makilala sa aking

catandaan ang lupaing aking kinatatahanan! Datapuwa't matututo acong

ipanghiganti co cayó sa pamamag-itan n~g apoy, n~g dugo at n~g aking

sariling camatayan!

Ang culang palad na amá, sa casilacbuhan n~g canyáng pighati, nalabnot

ang bigkis n~g ulo, at dahil sa gayo'y nabucsan ang sugat sa noo, at

doo'y bumalong ang isáng batisang dugo.

--Pinagpipitagan co ang inyóng pighati,--ang muling sinabi ni Elías,--at

napagwawari co ang inyong panghihiganti; acó nama'y gaya rin ninyo, at

gayón man, sa aking pan~gan~ganib na baca aking masugatan ang waláng

malay, lalong minamagaling co pa ang calimutan co ang aking m~ga

casawiang palad.

--¡Mangyayari cang macalimot, sa pagca't bata icáw at sa pagca't hindi

ca namamatayan n~g isa man lamang anac, n~g sino mang siyáng iyong

catapusáng maaasahan! N~guni't aking ipinan~gan~gaco sa iyo, hindi co

sasactan ang sino mang walang casalanan. Nakikita mo ba ang sugat na

ito? Upang huwag cong mapatay ang isang caawaawang cuadrillerong

gumaganap n~g canyang catungculan, ipinaubaya cong siya ang sumugat sa

akin.

--Datapuwa't tingnan po ninyó--ani Elías pagca lampas n~g sandaling

hindi pag-imíc;--tingnan po ninyó cung alin ang cakilakilabot na siga na

inyong pagsusugbahan sa ating culang palad na m~ga bayan. Cung gaganapin

n~g inyong sariling m~ga camay ang inyong panghihiganti, gaganti n~g

catacot tacot ang inyong m~ga caaway, hindi laban sa inyó at hindi rin

laban sa m~ga taong sandatahan, cung di laban sa bayan, na ang

caraniwa'y siyáng isinusumbong, at pagcacagayo'y ¿gaano caraming m~ga

paglabag sa catuwiran ang mangyayari!

--¡Mag-aral ang bayang magsanggalang sa sarili, magsanggalang sa sarili

ang bawa't isa!

--¡Talastas po ninyong iya'y hindi mangyayari! Guinoo, cayó po'y aking

nakilala n~g ibang panahon, niyóng panahong cayo po'y sumasaligaya,

niyao'y pinagcacalooban ninyo acó n~g m~ga paham na aral; maitutulot

baga ninyong?...

Naghalukipkip ang matanda at wari'y nakikinig.

Guinoo,--ang ipinagpatuloy ni Elías, na pinacasusucat na magaling ang

canyáng m~ga wika;--nagca palad acong macagawa n~g isang paglilingcod sa

isang binatang mayaman, may magandang puso, may caloobang mahál at mithì

ang m~ga icagagaling n~g canyang tinubuang bayan. Ang sabihana'y may

m~ga caibigan ang binatang ito sa Madrid, ayawan co, datapuwa't ang

masasabi co sa inyo'y siya'y caibigan n~g Capitan General. ¿Anó po ang

inyong acala cung siya'y ang ating papagdalhin n~g m~ga carain~gan n~g

bayan at siya'y pakiusapan nating magmalasakit sa catuwiran n~g m~ga

sawing palad?

Umiling ang matandang lalaki.

--¿Mayaman ang sabi mo? walang iniisip ang m~ga mayayaman cung hindi ang

dagdagan ang canilang m~ga cayamanan; binubulag sila n~g capalaluan at

n~g caparan~galanan, at sa pagca't ang caraniwa'y magaling ang canilang

calagayan, lalo na cung sila'y may m~ga caibigang macapangyarihan, sino

man sa canila'y hindi nagpapacabagabag sa pagmamalasakit sa m~ga culang

palad. Nalalaman cong lahát, sa pagca't n~g una'y aco'y mayaman!

--N~guni't ang taong sinasabi co po sa inyo'y hindi cawan~gis n~g m~ga

ibá: siya'y isang anác na inalimura dahil sa pag-aala-ala sa canyáng

amá; siya'y isang binata, na sa pagca't hindi malalao't magcacaasawa,

nag-iisip isip siya n~g sa panahong darating, n~g isáng magandang

casasapitan n~g canyáng m~ga anác.

--Cung gayo'y siya'y isang taong magtatamong ligaya; ang catuwiran

nating ipinagtatanggol ay hindi ang sa m~ga taong na sa caligayahan.

--¡Datapuwa't iyan ang catuwirang ipinagtatanggol n~g m~ga taong may

puso!

--¡Hari na n~ga!--ang muling sinabi n~g matandang lalaki at saca

naupo,--ipalagay mo n~g ang binatang iya'y sumang-ayong siya ang

maghatid n~g ating carain~gan hangang sa Capitang General; ipalagay mo

n~g siya'y macakita sa pan~gulong bayan n~g España n~g m~ga diputadong

magsanggalang sa atin, ¿inaacala mo na baga cayang papagtatagumpayin na

ang ating catuwiran?

--Atin munang ticmang gawin bago tayo gumamit n~g isang paraang

kinacailan~gang magsabog n~g dugo,--ang isinagót ni Elías,--Dapat na

macapagtacá po sa inyó, na acó, na isá rin namang sawing palad, bata at

malacás ang catawan, ang siyang makiusap sa inyo, na cayo'y matanda na't

mahina, n~g m~ga paraang payapa: at ganito, sa papca't aking napanood

ang lubhang maraming cahirapang tayo rin ang may cagagawang gaya rin n~g

m~ga cagagawan n~g m~ga malulupit; ang mahina ang siyang nagbabayad.

--¿At cung sacaling wala tayong magawang anó man?

--May magagawa tayo cahi't cacaunti, maniwala po cayo; hindi ang lahat

n~g m~ga nan~gan~gatungculan sa baya'y hindi marunong cumilala n~g

catuwiran. At cung wala tayong masundaan, cung aayaw pakinggan ang ating

cahin~gian, cung magpacabin~gi na ang tao sa capighatian n~g canyang

capuwa, pagnagcagayo'y ¡hahandog po aco sa bawa't inyong ipag-uutos!

Niyacap ang binata n~g matandang lalaking lipos n~g malaking catuwiran.

--Tinatanggap co ang iyong panucala, talastas cong gumaganap ca n~g

iyong pan~gaco. Paririto ca sa aki't cata'y tutulun~gan upang

maipanghiganti ang iyong m~ga magugulang, at aco nama'y tutulun~gan mo

upang maipanghiganti co ang aking m~ga anac, ¡ang aking m~ga anac na

pawang nacacatulad mo!

--Samantala'y huwag po ninyong pababayaang mangyari ang ano mang

gahasang cagagawan.

--Isasalaysay mo ang m~ga carain~gan n~g bayang pawang talastas mo na,

¿Cailan co malalaman ang casagutan?

--Sa loob po n~g apat na araw ay mag-utos po cayo n~g isang taong

makipagkita sa akin sa pasigan n~g San Diego, at sasabihin co sa canya

ang maguing casagutan sa akin n~g taong aking inaasahang.... Cung siya'y

sumang-ayo'y canilang kikilalanin ang ating catuwiran, at cung hindi'y

aco ang unaunang matitimbuang sa pakikilabang ating gagawin.

--Hindi mamamatay si Elias, si Elias ang mamiminuno cung matimbuang si

capitang Pablong busog na ang puso sa canyang panghihiganti,--anang

matandang lalaki.

At siya rin ang sumama sa binata hanggang sa macalabas sa labas.

=XLVI.

Noli Me Tangere · 第 44 / 51 题