--¡Ah, anó ang ibig ninyóng aking sabihin! Capuwa cayó sumasacatuwiran;

sumasacatuwiran ang cura, datapuwa't ¡dapat ding magcaroon n~g catuwiran

ang Dios! Ayawan co, acó'y isang tan~ga lamang ... Sasabihin co sa aking

anac na lalaking huwag n~g mag-aral, ang siya cong gagawin! ¡Namamatay

daw sa bibitayan ang m~ga marurunong! ¡María Santisima, ibig pa naman pa

sa Europa n~g aking anac na lalaki!

--¿Anó pô ang inaacala ninyóng gawin?

--Sasabihin co sa canyang manatili na lamang siya sa aking tabi, ¿anó't

iibiguin pa niyang maragdagan ang canyang dúnong? Búcas macalawa'y

mamamatay rin cami, namamatay ang marúnong na gawa rin n~g mangmang ...

ang kinacailan~ga'y mamúhay n~g payapà.

At nagbúbuntong hinin~ga ang mabait na babae at itinitin~galá sa lan~git

ang m~ga matá.

--Acó naman,--ang sabi n~g bóong cataimtiman ni capitana María,--cung

acó ang gaya ninyóng mayaman, pababayaan cong maglacbay--bayan ang aking

m~ga anac; sila'y m~ga batà, at darating ang araw na sila'y

man~gagcacagulang cacauntì n~g panahón ang aking icabubuhay ...

magkikita na camí sa cabilang buhay ... dapat magmithi n~g lalong mataas

na calagayan ang m~ga anac cay sa calagayang inabot n~g canilang m~ga

ama, at wala tayong naituturò sa canila, cung sila'y na sa ating

sinapupunan, cung dî ang pagcamusmús.

--Ay, cacatuwâ namang totoo ang m~ga caisipan pala ninyo!--ang bíglang

sinabi ni capitana Tinay, na pinagduduop ang m~ga camay;--¡tila mandin

hindî ninyo pinaghirapan ang pan~gan~ganac sa inyong cambal na m~ga

anac, na lalaki!

--Dahilan n~gâ sa sila'y pinaghirapan co n~g pan~gan~ganac, inalagaan at

pinapagaral, cahi man camí dukhâ, hindî co íbig na pagcatapos n~g

lubhang maraming capagalang sa canila'y aking guinúgol, ay waláng

cahinatnan sila cung dî maguing calahating tao lamang.

--Sa áking palagáy hindî pô ninyó iniibig ang inyóng m~ga anác n~g

alinsunod sa ipinag-uutos n~g Dios!--ang may cahigpitang sábi ni hermána

Rufa.

--Ipatáwad pô ninyó, umiibig bawa't iná sa canyáng m~ga anác n~g

alinsunod sa canyáng adhicâ; may m~ga ináng umiibig sa canyáng m~ga anác

at n~g caniláng pakinaban~gan, ang ibá nama'y umiibig sa canyáng m~ga

anác dáhil sa pag-ibig nilá sa sarili, at umiibig namán ang ibá sa

icagagaling n~g canilá ring m~ga anác. Acó'y nabibilang dito sa m~ga

hulíng sinábi co, ganitó ang itinúrò sa ákin n~g áking asáwa.

--Hindî totóong nababagay sa átas n~g religión, capitana María, ang

lahát ninyóng m~ga iniisip; ¡cayó'y másoc n~g pagca hermana sa Santísimo

Rosario, cay San Francisco, cay Santa Rita, ó cay Santa Clara!--ang sabi

ni hermana Rufa, na ang anyo'y párang nagsesermón.

--Hermana Rufa, pagca carapatdapat na acóng maguing capatíd (hermana)

n~g m~ga táo, aking sisicaping acó'y maguing capatíd namán n~g m~ga

santo!--ang canyáng sagót na n~gumin~gitî.

Upang mabigyáng wacás ang bahaguing itóng nauucol sa m~ga salisalitaan

n~g báyan; at n~g mapagwarì man lámang n~g m~ga bumabasa cung anó cayâ

ang iniisip n~g m~ga waláng málay na m~ga tagabúkid sa nangyari,

pumaroon tayo sa lílim n~g tolda n~g plaza, at pakinggán nátin, ang m~ga

salitaan n~g iláng nan~gároroon, ang isá sa canila'y cakilala nátin, na

dî ibá cung dî ang nananaguinip sa m~ga doctor sa panggagamot.

--Ang lálong dináramdam co'y hindî ná mayayari ang páaralan!--ang

sinasabi nitó.

--¿Bakit? ¿bakit?--ang tanun~gan n~g m~ga nakíkinig malakí ang

pagpipilit na macaálam.

--¡Hindî na maguiguing doctor ang áking anác, siya'y maguiguing

magcacaritón na lamang! ¡Walâ! ¡Hindî na magcacapáaralan!

--¿Sino ang nagsábing hindî na magcacapáaralan?--ang tanóng n~g isáng

han~gál at matabáng tagabúkid, na malalakí ang m~ga pan~gá at makítid

ang báo n~g úlo.

--¡Aco! ¡Pinan~galanang "plibastiero" si don Crisóstomo n~g m~ga páring

mapuputî! ¡Hindî na magcacapáaralan!

--Nagtatanun~gan ang lahát sa pagsusulyapan. Nababago sa canilá ang

pan~galang iyón.

--¿At masamâ bâ ang pan~gálang iyán?--ang ipinan~gahas na itinanóng n~g

han~gál na tagabúkid.

--¡Iyan ang lálong masamáng masasabi n~g isáng cristiano sa cápuwà niyá!

--Masamâ pa bâ iyán sa "tarantado" at sa "saragate"?

--¡Ah, cung sána'y ganyán na n~gâ lámang! Hindî mamacailang tináwag acó

n~g ganyán ay hindi man lámang sumakít ang áking sicmúrà.

Datapuwa't marahil namá'y hindi na sasamâ pa sa "indio", na ¡sinasabi

n~g alférez!

Ang nagsabing magcacaroon n~g isáng anác na laláking carretonero'y lálo

pang nagpakita n~g calungcútan; nagcamót namán sa úlo ang isá at

nag-íisip isip:

--¡Cung gayó'y maráhil catúlad n~g "betelapora" na sinasabi n~g

matandáng babáe n~g alférez! Ang masamâ pa sa riya'y ang lumurà sa

hostia.

--Talastasín mong masamâ pa sa lumurâ sa hostia cung viernes santo, ang

isinagót n~g bóong cataimtimán. Naaalaala na ninyó ang salitáng

"ispichoso", na sucat n~g icapit sa isáng táo, upang siya'y dalhín n~g

m~ga civil ni Villa Abrillo sa tapunán ó sa bilangguan; unawáin ninyóng

lálò pa manding masamâ ang "plibustiero." Ayon sa sábi n~g telegrafista

at n~g directorcillo, cung sabíhin daw n~g isáng cristiano, n~g isáng

cura ó n~g isáng castílà, sa isáng cristianong gáya nátin ay

nacacawan~gis n~g "santusdeus" na may "requimiternam;" sa minsáng

tawaguin cang "plibastiero," mangyayari ca n~g magcumpisal at magbayad

n~g iyong m~ga utang sa pagca't walâ magagawâ cung di ang pabítay ca na

lámang. Nalalaman mo na cung dapat macaalam ang directorcillo at ang

telegrafista: nakikipag-usap ang isá sa m~ga cáwad, at marúnong namán

ang isá n~g castílà at walâ n~g gamit cung di ang pluma.

Páwang nanglúlumo ang lahát.

--¡Pilitin na acóng papagsuutin n~g zapatos at huwag acóng painumín sa

bóong áking búhay cung di iyán lámang ihì n~g cabáyo na cung tawagui'y

cerveza, capag napatáwag acó cailáan man n~g "pelbistero!"--ang sumpáng

sinabí n~g tagabúkid, na nacasuntóc ang m~ga camáy.--¿Sino? ¿Acó,

mayamang gáya ni don Crisóstomo, marúnong n~g castílang gáya niyá, at

nacapagdadali-dali n~g pagcaing may cuchillo at cuchara? ¡magtátawa acó

cahit sa limáng m~ga cura!

--Tatawaguin cong "palabistero" ang únang civil na aking makitang

nagnanacaw n~g inahing manóc!... at pagdaca'y magcúcumpisal acó!--ang

bulóng na maráhan n~g isá sa m~ga tagabúkid, na pagdáca'y lumayô sa

pulutóng.

=XXXVI.=

=ANG UNANG DILIM=

Hindi sahól ang ligalig na naghahari sa bahay ni capitang Tiago sa

caguluhan n~g pag-isip n~g m~ga tao. Waláng guinágawâ si María Clara

cung dî tuman~gis at áyaw pakinggan ang m~ga salitáng pang-alíw n~g

canyang tia at ni Andéng na canyáng capatíd sa gátas. Ipinagbawal sa

canyá n~g canyáng amá ang pakikipag-úsap cay Ibarra, samantalang hindî

kinácalagan itó n~g m~ga sacerdote n~g "excomunión."

Si capitang Tiago na totoong maraming guinagawâ sa paghahandâ n~g

canyáng báhay, upang matanggap doón n~g carapatdapat ang Capitán General

ay tinawag sa convento.

--¡Huwág cang umiyác anác co!--ang sinasabi ni tía Isabel, na

pinupunasan n~g gamuza ang maniningning na m~ga salamíng pan~gáninuhan;

siya'y cácalagan n~g excomunión, man~gagsisisulat sa Santo Papa ...

magbibigay táyo n~g malakíng limós ... Hinimatáy lamang si párì Damaso

... ¡hindî namátay!

--¡Huwag cang umiyac!--ang sábi sa canyá ni Andéng n~g paanás;--gágawâ

acô n~g paráan upang siya'y iyong macausap; ¿anóng cadahilana't itinatág

ang confesionario, cung dî n~g gumawá n~g casalanan? ¡Súcat na ang

sabihin cura sa upang ipatawad na lahát!

¡Sa cawacasa'y nagbalic si capitang Tiago! Hinánap n~g m~ga babáe sa

mukhá niyá ang casagutan sa maráming tanóng; datapuwa't nagbabalità ang

mukhá ni capitang Tiago n~g panglulupaypáy n~g lóob. Nagpapawis ang

abang laláki, hinahaplos ang nóo at hindî macapan~gúsap n~g isáng salita

man lamang.

--¿Ano ang nangyari, Santiago?--ang tanóng ni tia Isabel na malaki ang

pagmimithi.

Sumagót ito n~g isáng buntóng-hinin~ga, at pináhid ang isáng lúhà.

--¡Alang-alang sa Dios, magsalitá ca! ¿Anó ang nagyayari?

--¡Ang aking ipinan~gan~ganib na n~ga!--ang sa cawacasa'y sinábing

pabulalás na halos umiiyac. ¡Napahamac n~g lahat! Iniuutos ni párì

Dámaso na sirain ang m~ga salitaan, sa pagca't cung hindî'y

¡mapapacasama raw acó sa búhay na itó at sa cabiláng búhay! ¡Gayon din

ang sábi sa ákin n~g lahát, patí ni párì Sibyla! Hindî co dápat

papanhikin siyá sa aking báhay, at may útang acó sa canyang mahiguit na

limampóng libong píso! Sinabi co itó sa m~ga pari, dapuwa't hindî nilá

acó pinansin: ¿Alín ba ang ibig mong mawalâ, ang sabi nila sa

akin,--limampóng libong píso ó ang iyong búhay at ang iyóng cáluluwa?

¡Ay, San Antonio! ¡cung nalalaman co lámang ang gayón! ¡cung nalalaman

co lamang ang gayón!

Humáhagulgol si María Clara.

--Huwág cang umiyác, anac co,--ang idinugtóng at linin~gon niyá

itó;--hindî ca gáya n~g nanay mong hindî umiiyac cailan man ... hindî

umiiyac cung dî sa paglilihí ... Sinasabi sa ákin ni párì Dámasong

dumating na raw ang isáng camag-ánac niyáng gáling sa España na siyáng

itinátalagang man~gibig sa iyó ...

Tinacpan ni María Clara ang canyáng m~ga tain~ga.

--N~gúni, Santiago, ¿nasisira na ba ang ísip mo?--ang sigáw ni tía

Isabel; ¿dapat bang magsabi ca sa canyá ang ibang man~gin~gibig?

¿Inaacalà mo bang nagbabago ang anác mo n~g m~ga man~gin~gibig na gaya

n~g pagbabago n~g báro?

--Iyán din n~ga ang iniisip co Isabel; si don Crisostomo'y mayaman

...¡cayâ lámang nagaasawa ang m~ga castila'y sa pag-ibig sa salapi ...

datapuwa't ¿anó ang ibig mong aking gawín? Pinagbalaan nilá acông

lapatan n~g isá ring excomunion ... sinasabi niláng lubhâ raw

nan~gan~ganib, hindî lámang ang akíng cáluluwa, cung dî namán ang aking

catawán ...¡ang catawán! ¿naririnig mo? ¡ang catawán!

--¡N~guni't walâ cang guinagawâ cung dî pasama-ín ang lóob n~g iyóng

anác! ¿Hindî ba caibigan mo ang Arzobispo? ¿Bákit hindî ca sumúlat sa

canyá?

--Ang Arzobispo'y fraile rin, waláng guinagawâ ang Arzobispo cung dî ang

sinasabi n~g m~ga fraileng canyáng gawin. N~guni, María, huwág cang

umiyác; dárating ang Capitan General, nanasain cang makita, at mamúmulá

ang m~ga mata mo ... ¡Ay! ang isip co pa nama'y magtátamo acó n~g isáng

hápong maligaya ... cung dî lámang itong nángyaring malakíng casacunâang

ito'y acó sána ang lálong maligaya sa lahat n~g m~ga táo at mananagbíli

sa akin ang lahát ... Tumiwasáy ca, anác co; ¡higuit ang casaliwâng

palad co cay sa iyó ay hindî acó umiiyác! ¡Maaaring magcaroon ca n~g

man~gin~gibig na lálong magaling, datapuwa't acó'y mawáwalan n~g

limampóng libong piso! ¡Ay, Virgen sa Antipolo, cung magcaroon man

lámang sána acó n~g magandáng palad sa gabing itó!

M~ga patóc, gúlong n~g m~ga coche, tacbúhan n~g m~ga cabáyo, músicang

tumútugtog n~g marcha real ay nan~gagbalítang dumating na ang mahal na

Gobernador General n~g Kapulùhang Filipinas. Tumacbó si María Clara at

nagtágò sa canyáng tinutulugang cabahayán ... ¡cahabaghabag na dalaga!

¡pinaglalaruan ang iyóng pusô n~g m~ga magagaspáng na m~ga camáy na

hindî nacakikilala n~g canyáng m~ga maseselang na m~ga cuerdas!

Samantalang napúpuno n~g táo ang báhay at umaalín~gawn~gáw sa lahát n~g

m~ga pánig ang malalacás na yabág n~g m~ga lumalacad, n~g m~ga tínig na

naguutos, calampág n~g m~ga sable at n~g m~ga espuela, nahahandusay

namáng hálos nacaluhód ang lipós pighatíng dalága sa harapan n~g isáng

estempa n~g Vírgen, na ang pagcacalarawa'y yaóng anyô n~g cahapíshapis

na pan~gún~gulila, na si Delaroche lámang ang natutong macasipî n~g

gayóng damdamin, na wari'y napanood nitó n~g manggaling na si Guinoong

Santa María sa pinaglilibin~gan n~g canyáng Anác. Hindî ang pighati n~g

Inang iyón ang siyáng iniisip ni María Clara, ang iniisip niyá'y ang

saríling capighatîan. Sa pagcâlun~gayn~gay n~g úlo sa dibdíb at sa

pagcátiin n~g m~ga camay sa sahig na tabla, ang azucenang hinútoc n~g

malacás na han~gin ang canyang nacacatulad. Isáng hinaharáp na panahóng

pinanag-inip at hinimashimas na malaon, m~ga sapantahà n~g budhíng

sumílang sa camusmusán at lumagong casabay n~g canyáng paglaki at siyang

nabibigay casiglahán sa caibuturan n~g canyáng cataóhan, ¡acalaing

catcatin n~gayón sa baít at sa púsò sa isá lamang salita. ¡Macacawan~gis

itó cung patiguílin n~g tibóc n~g púsò at bawian ang baít n~g canyáng

liwánag!

Cung paano ang cabaitan at cabanalan ni María Clara sa canyáng

pagcabinyagan, gayón din ang canyáng pagcamasintahin sa canyáng m~ga

magugúlang. Hindî lámang nacapagbíbigay tácot sa canya ang excomunión

ang utos n~g canyang ama't ang pinagbabalaang catiwasayan nito'y páwang

humihin~ging inisin niyá ang canyáng pagsintá at ihayin sa gayóng m~ga

dakílang catungcúlan. Dinaramdam niyá ang bóong lacás n~g pagsinta cay

Ibarra, na hanggang sa sandaling iyo'y hindî man lamang niyá hinihinalà.

N~g minsa'y isáng ilog na umaagos n~g bóong cahinhinan; mababan~gong

m~ga bulaclac ang siyang nacalalatag sa canyang m~ga pampan~gin. Bahagyá

na napaaalon-alon n~g ban~gin ang canyáng ágos; cung panonoori'y

masasabing tumitining. Datapuwa't dî caguinsaguinsa'y cumipot ang

dinaraanan n~g ágos, magagaspáng na m~ga malalakíng bató ang siyáng

humahadlang sa canyáng paglacad, matatandáng m~ga púnò n~g cáhoy ang

siyáng nacahálang na sumasala, ¡ah, n~g magcagayó'y umatún~gal ang ilog,

tumindig, cumulô ang m~ga álon, nagwagwag n~g mandalâ n~g m~ga bulâ,

hinampás ang malalaking m~ga bató at lumundág sa malálim na ban~gín!

Ibig niyá sanang manalan~gin, n~gunit ¿sino ang macapananalan~gin pagca

nagn~gin~gitn~git sa malakíng hirap? Nananalan~gin pagca may pag-asa, at

cung wala'y nakikiusap tayo sa Dios, sa pamamag-itan n~g m~ga buntóng

hinin~ga.--"¡Dios co! ang sigaw n~g canyáng púsò",--¿bákit inihihiwalay

mo n~g ganyán ang isáng táo, bakit ikinácait mo sa canyá ang pagsintá

n~g m~ga iba? Hindî mo ikinacait sa canyá ang iyong araw, ang iyong

han~gin at hindî mo man lamang itinatagò sa canyáng m~ga matá ang iyong

lan~git, ¿bakit ipagcacait mo sa canya ang pagsinta, gayóng walâ mang

lan~git, walâ mang han~gin at walâ mang araw ay mangyayaring mabúhay,

datapuwa't cung walang pagsinta'y hindî mangyayari cailan man?

¿Dumarating cayâ sa trono n~g Dios ang gayóng m~ga sigaw na hindî

naririnig n~g m~ga tao? ¿Naririnig cayâ ang m~ga sigaw na iyón n~g Ina

n~g m~ga sawing palad?

¡Ay! ang cahabaghabag n~g dalagang hindî nacakilala n~g isáng ina'y

nan~gan~gahas ipagcatiwalà ang m~ga dalamhating itóng nagbubuhat sa m~ga

pagsinta sa ibabaw n~g lúpà doon sa calinislinisang púsò na walang

nakilala cung di ang pag-íbig n~g anac sa ina at ang pag-íbig sa ina sa

anac; tumatacbo siya, sa canyang m~ga cahapisan, diyan sa larawan n~g

babaeng dinídios, sa mithing lalong cagandagandahan sa láhát n~g m~ga

mithi n~g m~ga kinapal, diyan sa lalong caayaayang likha n~g religion ni

Cristo, na natitipon sa canyang sarili ang dalawang lalong

cagandagandahang calagayan n~g babae, vírgen at ina, na hindî nalahiran

n~g cahi't babahagyang dún~gis, na tinatawang nating María.

--¡Ina!, ¡Ina!--ang canyang hibic.

Lumapit si tía Isabel, na siyang cumuha sa canya sa gayóng pighati.

Dumatíng ang iláng canyang caibigang babae at ibig n~g Capitan General

na siya'y makita.

--Tía, sabíhin pô ninyóng acó'y may sakít!--ang ipinakiúsap n~g dalagang

nagugulat;--¡patutugtugin nilá acó n~g piano at pacacantahin!

Nagtindig si María Clara, tiningnan ang canyang tía, pinilipit ang

canyang magagandang bisig at nagsasalitâ n~g pautal:

--¡Oh, cung mayroon sana acóng!...

N~guni't hindî tinapos ang salitâ, at nagpasimulâ n~g paghuhúsay n~g

canyang saríling catawan.

=XXXVII.=

=ANG GOBERNADOR GENERAL=

--¡Ibig cong causapin ang binatang iyan!--ang sabi n~g Gobernador

General sa isang ayudante;--pinúcaw niyang totóo ang aking nasang siya'y

makilala.

--¡May nan~gagsilacad na pô upang siya'y hanapin, aking general!

Datapuwa't díto'y may isang binatang taga Maynílà, na mapílit ang

hin~gíng siya'y papasúkin díto. Sinabi pô namin sa canyang walang

panahon ang camahalan ninyó, at cayó'y hindî naparíto upang dumin~gig

n~g m~ga pagsasacdal, cung dî n~g tingnan ang bayan at ang procesión;

n~gúni't sumagót, na sa tuwituwî na'y may panahón daw na magagamit ang

camahalan pô ninyó upang gumawâ n~g nauucol sa catuwíran....

Linin~gón n~g Gobernador General na nagtataca ang Alcalde.

--Cung hindî pô acó nagcacamalî,--ang sagót n~g Alcaldeng yumucód n~g

cauntî,--iyan ang binatang canínang umaga'y nacagalít ni parì Damaso,

dahil sa sermón.

--¿Diyata't mayroon pang iba pala? ¿Sinasadyà mandíng talaga n~g

fraileng iyang guluhín ang lalawígan, ó baca cayâ ang ísip niya'y siya

ang nacapangyayari rito? ¡Sabíhin pô ninyó sa binatang siya'y magtuloy!

Nagpapasial na pabalicbalic sa magcabicabilang dúlo n~g salas ang

Gobernador General, na nan~gan~gatal sa galit.

Sa "antesala" (panig n~g bahay na na sa bago pumasoc sa salas) ay may

ilang m~ga castilà na nahahalò sa m~ga militar, m~ga namumunò sa bayan

n~g San Diego at m~ga mamamayan; sila'y nagsasalitaan ó nagmamatuwírang

nagcacalúpon sa iba't ibang pangcat. Nan~garoroon din naman ang lahat

n~g m~ga fraile, líban na lámang kay pári Dámaso, at ibig niláng pumások

upang maghandóg n~g galang sa Gobernador General.

--Ipinamámanhic sa m~ga camahalan pô ninyong man~gaghintay n~g

sandali--anang ayudande;--¡pumasoc pô cayô, binatà!

Namumùtla at nan~gan~gatal na pumasoc ang binatang iyóng taga Maynilà na

madalas mámali sa pananalita na pinaghahaló ang griego at ang tagalog.

Pawang napuspós n~g pangguilalás ang lahat marahil, n~ga'y totóong

malaki ang galit n~g Gobernador General upang man~gahás na papaghintayin

ang m~ga fraile. Nagsalita si pári Sibyla:

--¡Acó'y walang anó mang sasabihin sa canyá!... ¡nagsasayang acó rito

n~g panahon!

--Gayón din ang wicà co,--ang dugtong n~g isáng agustino;--¿táyo na?

--Hindî cayâ lalong magaling na ating siyasatin cung papaáno ang canyáng

iniisip?--ang tanóng ni pári Salvi;--sa ganya'y maiilagan natin ang m~ga

upasala n~g m~ga macaaalam.. at maipaaalaala natin sa canya ... ang

canyáng m~ga catungculan ...sa Religión,..

--¡Magtuloy pô ang m~ga camahalan ninyó, cung inyóng ibig!--anang

ayudante, na hatid ang binatang hindî nacauunawà n~g griego, na n~gayó'y

lumálabas na taglay ang isáng pagmumukháng kinikinan~gan n~g catuwáan.

Naunang pumasoc si párì Sibyla; sa licura'y sumúsunod si pári Salvi, si

párì Manuel Martin at ang iba pang m~ga fraile. Silá'y nan~gagsiyucód

n~g bôong capacumbabaan, liban na lámang cay párì Sibyla, na

pinapanatilì, sampô sa canyáng pagyucod, ang tan~ging anyô n~g isáng

nacatataas cay sa ibá; na anó pa't baligtad sa guinawá ni párì Salvi, na

halos hinutoc ang bayawang.

--Sino pô sa m~ga camahalan ninyó si párì Dámaso?--ang biglang itinanóng

n~g Gobernador General, na hindî man lamang silá pinaupô, hindî silá

kinumusta, at hindî silá pinagsabihan niyáng m~ga salitang pangpapúri na

pinagcaugaliang tanggapin n~g gayóng m~ga catataas na úring m~ga tao.

--Hindî pô, guinóo, casama namin si párì Dámaso!--ang sagót ni párì

Sibyla n~g halos gayón ding masacláp na pananalitâ.

--¡Nacahigâ pô sa baníg at may sakit ang lingcôd n~g camahalan

ninyó!--ang idinugtông na bóong capacumbabaan ni párì Salvi;--pagcatapos

na magtamó n~g lugód na macabati pô sa inyó at macumusta namin ang

inyóng calagayan, ayon sa nararapat gawin n~g lahat n~g mababait na m~ga

lingcód n~g Hari at n~g lahát n~g taong may pinag-aralan, naparito pô

naman cami sa n~galan n~g mapitagang lingcód ninyó, na may casaliwang

palad na....

--¡Oh!--ang isinalabat n~g Capitán General, na pinipihit ang silla sa

pamamag-itan n~g isáng páa nitó at saca n~gumiting nan~gan~gatal,--cung

ang lahát n~g m~ga lingcód n~g aking camahalan ay catulad n~g camahalan

ni parì Dámaso, lalong iibiguin co pang acó na ang maglingcód sa akin

ding camahalan!

Ang m~ga cagalangalang na m~ga fraile na pawang nacatayò ang catawan ay

nan~gagsisitayò naman ang caniláng cáluluwa sa ganitóng pagcasasalabat.

--¡Cayó po'y man~gagsiupô!--ang idinugtóng n~g Capitán General,

pagcatapos n~g sumandaling pagtiguil, at pinatamis n~g caunti ang

canyáng pan~gun~gusap.

Lumalacad na patiad si capitang Tiagong nacafrac; hatíd niya't tan~gan

sa camáy ni María Ciara, na pumasoc na halos hindî macahacbang at kimíng

kimi. Gayón ma'y gumamit n~g calugód-lugód at mapitagang pagyucód.

--¿Ang guinoong binibini pô bang itó ang anac ninyó?--ang tanóng na

nagtataca n~g Capitán General.

--¡At inyó pô, aking General!--ang sagót ni capitang Tiago n~g bóong

cataimtiman.

--Nan~gasidilat ang Alcalde at ang m~ga ayudante; datapuwa't nanatili sa

hindî pagn~gigiti ang Capitán General, iniabot ang camáy sa binibini at

sa canyá'y sinabi n~g matimyás na pananalitâ:

--Mapapalad ang m~ga magugulang na may m~ga anác na babaeng gaya pô

ninyó, guinoong binibini! Cayó pó'y ibinalita sa aking carapatdapat na

cayó'y pagpitaganan at pangguilalasán ... hinan~gad co cayóng makita

upang cayó'y pasalamatan dahil sa magandang guinawâ pô ninyo n~gayong

araw na itó. Nalalaman cong "lahát" at hindî co lilimutin ang maran~gal

ninyóng inasal pagsúlat co sa Gobierno n~g Harî. Samantala'y itulot pô

ninyó, guinoong binibini, na pan~galan n~g dakilang Harî na dito'y aking

ipinakikiharap, at umiibig n~g "capayapaan" at "capanatagan" n~g canyáng

m~ga tapat na loob na nasasacop, at sa pan~galan co naman, na pan~galan

n~g isáng amáng may m~ga anác na babaeng casing gúlang pô ninyó, na

cayo'y pasalamatan n~g boong ligaya, at ipagtagubiling bigyan n~g isáng

ganting pála!

--¡Guinoo!...ang tugón ni María Clarang nan~gan~gatal.

Nahulaan n~g Capitan General cung anó ang talagang ibig niyang sabihin

at sumagót:

--Totoó pong magaling, guinoong binibini, na cayó'y magcasiya sa galák

n~g inyóng sarilíng budhî at sa pagmamahal n~g inyóng m~ga cababayan, na

ang catunaya'y siyá n~gang lalong magaling na ganting pála, at hindi na

tayo dapat humin~gi pa n~g iba. Datapuwa't huwag pò ninyóng ikait sa

akin ang magandang pagcacataong aking maipakilala na, cung marunong

magparusa ang Justicia'y marunong di namang gumanting pála, at siya'y

hindî parating "bulág."

Sinalità n~g Capitan General sa isáng paraang macahulugan at lalong

malacás ang lahát n~g m~ga salitang napapaguitanan n~g lambál na coma.

--Naghihintay po n~g m~ga utos n~g camahalan ninyo si guinoong Juan

Crisostomo Ibarra!--ang malacas na sabi n~g isang ayudante.

Nan~gatal si Maria Clara.

--¡Ah!--ang biglang sinabi n~g Capitan General,--tulot po ninyo,

guinoong binibini, na sa layo'y sabihin ang aking nais na cayo'y muli

cong makita bago co iwan ang bayang ito: mayroon pa po acong totoong

mahahalagang bagay na sa inyo'y aking sasabihin. Guinoong Alcalde,

sasamahan po ninyo aco sa boong aking pagpapasial na ibig cong gawing

lácad, pagcatapos n~g pakikipagsalitaan cay guinoong Ibarra, na cami

lamang dalawa ang mag-uusap.

--Itulot pô n~g camahalan ninyo,--ani pari Salvi n~g boong

capacumbabaan, na sa inyo'y ipaalaalang si guinoong Ibarra'y

excomulgado....

Sinalabat siya n~g Capitan General at ito ang sinabi:

--Lubos cong ikinatutuwang walang iba acong dapat ipamanglaw cung di ang

calagayan ni pari Damaso, na aking hinahan~gad n~g "taimtim sa aking

loob" na siya'y "ganap na gumaling," sa pagca't hindi marahil lubhang

macapagpapasaya n~g loob sa canyang gulang ang isang "paglalacbay sa

España," dahil sa caramdaman n~g canyang catawan. Datapuwa't ito'y

maalinsunod sa canyá ... at samantala'y in~gatan nawâ n~g Dios ang

inyong m~ga camahalan!

Nan~gagsialis ang isa't isa.

--At tunay n~gang maaalinsunod sa canya!--ang ibinúbulong ni párì Salvi,

paglabás.

--¡Tingnan natin cung sino ang mauunang maglalacbay agad!--ang

Idinugtóng n~g isa pang franciscano.

--¡Yayao aco n~gayon din!--ang sabing masama ang loob ni párì Sibyla.

--¡At cami paparoon sa aming lalawigan!--ang sinabi n~g m~ga agustino.

Hindi matiis n~g isa't isa, sa dahil na masamang cagagawan n~g isang

franciscano'y kinausap sila n~g Capitán General n~g malakíng calamigán.

Nasalabong nila sa antesala si Ibarra, na sa canila'y nagpacaing iilan

pa lamang ang oras na nacararaan. Hindî sila nagbatian, n~guni't

nagcaroon n~g m~ga tin~ginang lubhang marami ang sinasaysay.

Iba naman ang guinawa n~g Alcalde; n~g walâ na roon ang m~ga fralle'y

binati siyá at maguiliw na iniabot sa canya ang camáy, datapuwa't hindî

sila nacapagsalitaan n~g ano man, dahil sa pagdating n~g ayudante.

Nasalubong niya sa pintuan si Maria Clara: maraming bagay rin ang m~ga

sinabi n~g titigang guinawa n~g dalawa, n~guni't ibang iba sa m~ga

sinalita n~g m~ga mata n~g m~ga fraile.

Humacbang n~g ilang patun~gó sa canya ang Capitan General.

--Lubós na lubós ang aking galac sa aking mahigpit na pakikicamay sa

inyó, guinoong Ibarra. Itulot pô ninyó sa aking cayó'y tanggapin co n~g

boong pagpapalagay n~g loob.

Tunay n~ga namang pinanonood at pinagmamasid ang binata n~g Capitán

General na napagkikilala ang canyang catuwaan.

--Guinoo ... ang ganyang pagcalakilaking cagandahan n~g loob....

--Nacasusugat sa akin ang inyóng pagtataca, inyóng ipinakikilala sa

aking hindî ninyó inaasahang cayó'y pagpapakitaan co n~g magandang loob

sa pagtanggap co sa inyó: itó'y pagcuculang tiwalâ sa aking pagmamahal

sa catuwiran.

--Hindî pô pagbibigay n~g catuwiran, guinoo, cung di pagpapautang n~g

loob ang isáng pagtanggap--catoto sa isang gaya cong walang anó man

cahulugang sumasailalim n~g capangyarihan n~g mahal na Harì.

--¡Mabuti, mabuti!--anang Gobernador General na naupo at tulóy itinurò

sa canyá ang isáng upuan;--bayaan ninyóng acó'y magtamó n~g sandaling

pagbubucás n~g pusò; totoong malaki ang aking pagcalugód sa inyóng

caasalan; caya n~ga't cayó'y inihin~gi co na sa Gobierno n~g Harì n~g

isáng ganting palang dan~gal (condecoración), dahil sa caisipan ninyóng

pagcacaawang gawang pagtatayó n~g isáng páaralan ... Cung nagsalitâ

lamang cayó sa akin, pinanood co sana n~g boong tuwâ ang pagdidiwang na

guinawâ at marahil ay nailigtas co cayó sa isáng sama n~g loob.

--Sa ganang aki'y ipinalalagay cong napacaliit ang aking adhicâ,--ang

isinagót n~g binata,--na hindi co inacalang may cauculáng carapatan

upang abalahin co ang inyóng caisipan na lubháng maraming

pinan~gan~gasiwaan; bucód sa ang catungculan co'y sa unang punò n~g

aking lalawigan magsalitâ muna.

--Iguinaláw n~g Capitan General ang canyáng úlo, na nagpapakilala n~g

canyáng ligaya, at nalalao'y lalong gumagamit n~g anyóng pagpapalagay

n~g loob, at nagpatuloy n~g pananalità:

--Tungcól sa samaan n~g loob na nangyari sa inyó at kay párì Dámaso,

huwag pô cayóng matatacot at huwag din namang mag-iin~gat n~g pagtatanim

hindî sásalan~gin ang isá man lámang buhóc ninyó sa úlo samantalang acó

ang namamahalà sa Kapulúan, at tungcól naman sa excomunión, cacausapin

co na ang Arzobispo, sa pagca't kinacailan~gang makibagay tayo sa lacad

n~g panahón: dito'y hindî tayo macapagtatawa sa m~ga bagay na itó sa

hayagang gaya sa España ó sa paham na Europa. Gayón ma'y dapat cayóng

magpacain~gat sa hinaharap na panahón; nakipagtunggali cayó n~g

paharapan sa m~ga capisanang dahil sa caniláng cahulugan at cayamana'y

kinacailan~gang siya'y igalang. N~guni't cayó'y aking tatangkilikin, sa

pagca't kinalulugdan co ang m~ga mababait na anác, kinalulugdan co ang

magbigay unlác sa capurihán n~g m~ga namatay n~g magulang; acó man

nama'y umibig din sa aking m~ga magúgulang, at ¡tulun~gan acó n~g Dios!

hindî co maalaman ang aking gagawin sa calagayan pô ninyô!....

At bigláng bigláng binago ang salitaan, at tumanóng:

--Ibinalitâ sa aking galing daw pô cayó sa Europa, ¿nátira ba cayó sa

Madrid?

--Opô, natira acóng iláng buwán doon.

--Hindî ba ninyó naririnig sa m~ga salitaan doon ang aking familia?

--Bagong caaalis pa pó ninyo n~g acó'y magtamó n~g capurihang ipakilala

sa inyong familia.

--At cung gayó'y bakit naparito cayó n~g waláng dalá na anó mang súlat

na pangtagubilin sa akin at n~g cayó'y aking tangkilikin?

--Guinoo,--ang sagót ni Ibarrang casabay ang pagyucod,--sa pagca't hindî

tulóy tulóy na galing aco sa España, at sa pagca't palibhasa'y sinabi sa

akin cung anó po ang caugalian ninyó, inaaala cong hindî lamang walang

cabuluhan ang isáng sulat na pangtagubilin sa inyóng acó'y inyóng

tangkilikin, cung dî naman isáng capaslan~gan pô sa inyó: talagáng

natatagubilin sa inyò caming m~ga filipinong lahát.

Nasnaw ang isáng n~giti sa m~ga labi n~g matandang militar, na madalang

na muling sumagót, na anaki'y sinusucat at tinitimbang ang canyang m~ga

salita:

--¡Ikinaliligaya cong umisip cayo n~g papaganyan, at ... ganyan n~ga

sana! Gayón man, binata, dapat pô ninyóng maalaman cung anó ang m~ga

mabibigat na bagay na pinapas-an namin sa Fiilpinas, Dito'y caming m~ga

matatandang m~ga militar, kinacalian~gang gawin namin at lumagay cami sa

lahat; Hari, Ministro n~g Estado, n~g Guerra, n~g Gobernación, n~g

Fomento, n~g Gracia at Justicia at iba pa, at ang lalo pang masama'y

kinacailan~gan naming ipagtanóng ang bawa't bagay sa malayong Inang

Bayan, na sinasang-ayunan ó minamasama, n~g papikit cung minsan, ayon sa

casalucuyang panahón, ang aming m~ga panucalang cahin~gian. At ¡bago

sasabihin namin m~ga castilang; Ang yumayacap n~g malaki'y hindî

nacapipisil na mabuti! Bucód sa rito'y ang caraniwan, napaparito caming

bahagya na napagkikilala ang lupaing itó, at iniiwan namin pagpapasimula

naming makilala.--Sa inyo'y macapagsasalitá acó n~g walang ligoyligoy,

sa pagca't walang cabuluhang magpacunuwari acó n~g ibáng bagay. Caya

n~ga cung sa España, na bawa't bagay may ucol na canyáng ministro, na

ipinan~ganác at lumaki rin sa lupaíng iyón; na may m~ga pámahayagan at

napagkikilala ang munacala n~g m~ga mamamayan, na iminumulat at

ipinauunawa sa Gobierno ang canyáng m~ga camalian n~g canyá ring m~ga

camáy, gayón ma'y hindî wastô at maraming totoo ang m~ga caculan~gan,

isáng himala na dito'y hindî magcaguló-gulong lahát, sa caculan~gan n~g

m~ga cagalin~gang sinabi co na, bucód sa rito'y may isáng

macapangyarihang caaway na humahadlang sa lihim sa icagagaling nitong

Kapuluan at lumulubid sa cadiliman n~g icahihintó nitó sa pagsúlong sa

guinhawa at dan~gal. Hindî nagcuculang n~g magagandang panucalà ang m~ga

namamamahala, n~guni't napipilitan camíng gumamit n~g m~ga matá at m~ga

bisig n~g ibá na ang caraniwa'y hindî namin kilala, na marahil hindî ang

paglilingcód sa canyang sariling Bayan ang guinagawâ, cung dî ang

paglilingcód lamang sa sariling iguiguinhawa. Ito'y hindî casalanan

namin, cung dî sa calacaran n~g panahón; hindî cacaunti ang naitutulong

sa amin n~g m~ga fraile, datapuwa't hindî na macasasapát silá ... Ibig

cong ipagmalasakit cayó, at ibig co sanang huwag macapagpahamac sa inyó

n~g anó man ang m~ga caculan~gan n~g casalucuyang sinusunod naming

pamamahalà ... hindî co mangyaring maampon ang lahat, at hindi namán

macapagsacdal na lahát sa akin. ¿May magagawâ pô ba acó sa inyóng

mapakikinaban~gan ninyó cahi't cacaunti? ¿mayroon pô ba cayóng anó mang

ibig hin~gi sa akin?

Nagnilay-nilay si Ibarra.

--Guinoo,--ang isinagót,--ang lalong malaking nais co'y ang ililigaya

nitóng aking bayan, ligayang ibig co sanang maguing cautan~gan niya sa

Inang Bayan, at sa pagpupumilit n~g aking m~ga cababayan, at mabigkisán

ang Inang Bayan at ang aking m~ga cababayan n~g waláng hanggang tali n~g

nagcacaisang m~ga adhicá at n~g nagcacaisang m~ga pag-aari. Ang Gobierno

lámang ang macapagbibigay n~g aking cahin~gian, pagcatapos n~g mahabang

panahóng laguing pagsusumakit at n~g tapat na m~ga pagbabago n~g m~ga

cautusán.

Tinitigang sandalî n~g Capitán General, titig na tinumbasán ni Ibarra

n~g gayón din catagal na titig.

--¡Cayó pô ang unang lalaking nacausap co sa lupaing itó!--ang bigláng

sinabi at iniabot sa canyá ang camáy.

--Walâ pô cayóng nakikita cung dî ang m~ga táong dito sa ciudad ay

humihilahod, hindî pô ninyó nadadalaw ang pinararatan~gang m~ga dampá sa

aming m~ga bayan; cung mamasid pô sana ninyó sila'y macacakita cayó n~g

tunay na may magandang púsò at m~ga dalisay na caasalan.

Nagtindig ang Capitán Ganeral at nagpasyál n~g pacabícabila sa sálas.

--Guinóong Ibarra,--ang pagdaca'y sinábi, na bigláng tumíguil,--ang

bináta'y tumindig;--maráhil yayáo acó sa lóob n~g isáng buwán; hindî

nauucol sa inyóng báyan ang patacbó n~g inyóng isip at ang inyóng

pinag-arálan. Ipagbili pô ninyó ang lahát ninyóng m~ga ariarian,

paghusáyin ninyó ang inyóng cabán n~g damit at sumáma cayó sa akin sa

Europa; ang sin~gáw n~g lúpà roo'y macagágaling sa inyó.

--¡Hindî co calilimutan hanggang nabubuhay ang magandang loob na pakita

sa akin n~g inyó pong camahalan! ang isinagot ni Ibarrang nababagbag n~g

caunti ang calooban;--datapuwa't dapat acóng tumirá sa lupaing

kinabuhayan n~g aking m~ga magugulang.....

--¡Kinamatayán nilá, ang lalong carapatdapat ninyóng sabíhin! Maniwalà

pó cayó sa akin, marahil higuít ang aking pagcakilala sa inyóng lupaín

cay sa inyó ... ¡Ah! maalaala co palá,--ang canyang bigláng sinábi na

nagbago n~g anyô n~g pananalitâ,--¡cayó'y mag-aasawa sa isáng dalagang

carapatdapat sambahín, ay biníbinbín sa cayó dito! ¡Humayó cayó! ¡humayó

cayó sa canyang tabí at n~g lalo cayóng magcaroon n~g calayaan ay

paparituhin ninyó sa akin ang canyáng amá,--ang idinagdág na

nacan~gitî.--Gayón ma'y huwág ninyóng lilimuting ibig cong samáhan ninyó

acó sa pagpapasyál.

Yumucód si Ibarra at yumáo.

Tináwag n~g Capitán General ang canyáng ayudante.

--¡Nagágalac acó--anyá, na tinatapictapíc ang balicat n~g

ayudante;--n~gayón co lamang nakita cung paano ang paráan upang maguíng

isáng magaling na castilà, na hindî kinacailan~gang talicdán ang pagca

magalíng na filipino, at sintahín ang canyáng sariling báyan; sa

cawacasa'y naipakilala co n~gayón sa m~ga fraile na hindî larûan nilá

ang lahát sa atin; ¡binigyáng bútas acó n~g binátang itó sa paggawa n~g

gayón, at hindî malalao't mabibigyan co n~g tapat na tumbás ang fraile!

¡Sáyang at ang binatang iya'y balang araw ay ... datapuwa't paparituhin

mo ang Alcalde sa akin!

Humaráp caracaraca sa canyá ang Alcalde.

--Guinoong Alcalde,--ang sinábi sa canya pagpasoc niya,--n~g mailagang

mangyari uli ang "napanood" n~g camahalan pô ninyóng m~ga "cagagawan",

m~ga cagagawang dinaramdam co, palibhasa'y "nacasisirang púrì" sa

Gobierno at sa lahat n~g m~ga castilà, nan~gan~gahas acóng ipagbílin sa

inyó n~g "totoong mahigpit" si guinoong Ibarra, upang hindî lamang

ipagcaloob ninyó sa canya ang m~ga kinacailan~gan at n~g maganap niyá

ang canyang m~ga panucalang nauucol sa icapagcacapúrì n~g Inang-Bayan,

cung dî naman ìpan~gilag ninyó sa hinaharap na panahóng siya'y

bagabaguin n~g taong sino man at sa dahilang paano mang paraan.

Napag unawà n~g Alcalde ang sa canya'y pagsisi, caya n~ga't siya'y

yumucód upang mailihim ang cagulumihanan n~g canyang lóob.

Ipasabi pô ninyó ang gayôn dín sa alférez na siyang nag-uutos dito sa

"sección", at inyó pong siyasatin cung túnay n~gang may m~ga tan~ging

cagagawang sarilí ang guinóong iyan, na hindî sinasabi n~g m~ga

"reglamento": hindî lamang íisang carain~gan ang aking narin~gig tungcól

sa ganitóng bagay.

Humarap si capitang Tiagong matigas ang damít na magaling ang

pagcacaprinsa.

--Don Santiago,--ang sa canyá'y sinabi n~g capitan General sa salitang

mairog,--hindî pa nalalaong aking sinaysay ang aking pakikianib sa inyó

n~g galac, dahil sa pagcacapalad ninyóng magcaroon n~g isang anac na

babaeng gaya na n~gâ baga n~g binibining de los Santos, n~gayo'y

nakikisama naman acó sa galac ninyó, dahil sa ínyong mamanugan~gin: ang

catotohanan n~ga'y ang lalong mabait sa m~ga anac na babae ay

carapatdapat sa lalong magaling na mamamayang lalaki sa Filipinas.

¿Hindî pô ba mangyaring aking maalaman sa inyó cung cailang cayà

ipagsasaya ang canilang pagcacasal?

--!Guinóo!...--ang pautal na sabi ni Capitang Tiago, at pinahid ang

pawis na umaagos sa canyang nóo.

--¡Aba! ¡ayon sa masíd co'y walà pang matibayang taning! Sacali't cúlang

n~g m~ga padrino'y aking icagagalac n~g malaki na acó ay maguíng isa sa

canila. Itó'y n~g mapawì ang aking masamang pakilasa sa maramíng

casalang linabasan co ríto n~g padrino hangga n~gayon!--ang idinugtóng,

na ang Alcalde ang pinagsasabihan.

--¡Siya n~gâ pô!--ang isinagót ni Capitang Tiago, casabay ang isang

n~giting nacaaakit sa pagcahabag sa canya.

Pinaroonan si María Clara ni Ibarrang halos tumatacbo sa paglacad:

maraming lubhang sasabihin at isasaysay niya sa caníyang casintahan.

Nacarin~gig siyà n~g masasayàng voces sa isâ sa m~ga tahanan n~g báhay,

cayá't siyá'y maráhang tumáwag sa pintúan.

--¿Sinong tumatáwag?--ani María Clara.

--¡Aco!

Tumahímic ang m~ga voces at ang pintúa'y....hindî nabucsán.

--¿Acó ang tumatawag, ¿macapapasoc ba acó?--ang tanóng n~g binátá, na

ang púso'y tumítiboc n~g lubháng malacás.

Nanatili ang catahimican. N~g macaraan ang sandali'y mararahang m~ga

hacbang ang nan~gagsilápit sa pintò, at ibinulóng sa bútas n~g susian

n~g masayáng voces ni Sínang.

--Crisóstomo, pasasa teatro camí n~gayóng gabí; isúlat mo ang ibig mong

sabihin cay Maria Clara.

At nan~gagsilayo ang m~ga hacbang na matúlin ding gáya n~g pagcalapit.

--¿Anô ang cahulugan cayâ nito?--ang ibinulong ni Ibarrang

naglilining-lining at untiunting lumálayò sa pintúan.

=XXXVIII.=

=ANG PROCESION.=

Paggabì, at n~g násisindi n~g lahát ang m~ga farol sa m~ga bintanà,

guinawâ ang icaápat na paglabás n~g procesión, na sinásabayan n~g

repique n~g m~ga campaná at n~g talastás n~g dating m~ga putucan.

Ang Capitan General na nagpápasyal n~g lacád, na caacbáy ang canyáng

dalawang ayudante, si Capitang Tiago, ang Alcalde, ang Alférez at si

Ibarra, na pinan~gun~gunahan n~g m~ga guardía civil at n~g m~ga

púnong-báyan, na siyáng nan~gagwawahi n~g dáan at nagpapatabí sa tao,

inanyayáhan silang doon manóod n~g pagdáan n~g procesiôn sa báhay n~g

Gobernadorcillo, na nagpatayò sa harapán n~g isáng tablado, upang doon

saysayín ang isang loa (pagpupuri) sa pag bibigay dan~gal sa Santong

Patrón.

Tinalicdán maráhil n~g bóong galác ni Ibarra ang pakikiníg n~g tuláng

iyón, palibhasa'y lálong minámagaling pa niyáng doon na manóod n~g

procesión sa báhay ni Capitang Tiago, na kinatitirahan ni María at n~g

caniyáng m~ga caibigang babáe, n~guni't sa pagcá't íbig n~g Capitan

General na mápakinggan ang loa, napilítan siyáng mag-alíw na lámang sa

pag-ásang si María Clara'y canyáng makikita sa teatro.

Ang pasimulà n~g procesió'y m~ga "ciriales" na pílac, na taglay n~g

tatlóng m~ga sacristáng nan~gacaguantes, sumúsunod ang m~ga batá sa

páaralang casáma ang caniláng maestro; pagcatápos ay ang m~ga batáng may

daláng m~ga farol na papel, na ibá't ibá ang m~ga cúlay at anyô,

nacalagáy sa dúlo n~g isáng tikíng humiguít cumúlang ang hába sa

napapamutíhan n~g alinsúnod sa naisipán n~g m~ga batá, sa pagca't ang

nagcacagúgol n~g pag-ilaw na ito'y ang m~ga musmós sa náyon at ang

náyon, at ang pinabahalàan. Malígáyang guináganap nilá ang tungcúling

itóng iniátang sa canilá n~g matanda sa nayon; bawa't isa'y

nagmumunacálá at gumagawà n~g canyáng farol, pinapamútihan n~g

magalin~gin niláng m~ga sábit at n~g maliliit na m~ga bandílá, alinsunod

namán sa calagayan n~g caniláng bulsá, at sacâ iniilawan n~g isáng upós

n~g candilà, sacali't macapanghin~gi sila sa isáng caibigan ó camag-ánac

na sacristan, ó cung dili caya'y bumibili sila n~g isáng maliit na

candilang mapulá, na guinagamit n~g m~ga insíc sa caniláng m~ga altar.

Sa calaguitnaa'y nagpaparoo't parito ang m~ga alguacil at m~ga teniente

n~g justicia, upáng pan~gasiwàang huwag magcáwatac-watác ang m~ga hanáy

at huwág magcábuntón-buntón ang m~ga tao, at sa ganitóng cadahilana'y

guinagawà niláng tagapamag-itan ang caniláng varas, sa pagcat sa m~ga

panghahampas nila nito, na ipinamamahagui nila n~g ucol at catatagang

lacas nasusunduan nilá ang pagcáunlac at carikitan n~g m~ga proceción,

sa icababanal n~g m~ga cáluluwa at ininingning n~g m~ga pagdiriwáng n~g

religiôn!

Samantálang ipinamamahágui n~g waláng báyad n~g m~ga alguacil ang

ganitóng pangbanál na m~ga paló n~g yantóc, ang ibá nama'y namímigay rin

n~g waláng báyad n~g malalaki't maliliit na m~ga candilá, at n~g sa

gayo'y caniláng maaliw ang m~ga pinalô.

Guinoong Alcalde,--ani Ibarra, n~g sabing mahína,--guinagawá po bà ang

m~ga pamamálong iyan upang mabigyáng caparusahán ang m~ga macasalanan, ó

dahilán lámang na canilang naibigan?

--¡Sumasacatuwiran pô cayô, guinoong Ibarra!--ang sagot n~g Capitan

General na narin~gig ang gayong catanun~gan:--nacapagtátaca ang ganitóng

napapanóod na ... catampalasanan sa bawa't maparitong taga ibáng lupaín.

Nararapat n~gang ipagbáwal.

Hindî maalaman cung anó ang dahil at cung bakit ang nan~gun~gunang

santo'y si San Juan Bautista. Sa nakikitang calagayan niyá'y masasabing

hindî totoong kinalulugdan n~g m~ga tao ang m~ga cagagawán n~g pinsan

n~g ating Pan~ginoong Jesucristo; túnay n~ga't siyá'y may m~ga paa't

binting dalága, at may pagmumukháng ermitaño, datapuwa't ang

kinalalagyan niya'y isáng lúmang andás na cáhoy, at siyá'y dinídimlan

n~g iláng m~ga batang may m~ga daláng farol na papel na waláng ílaw, na

nan~gagpapaluan nang lihím n~g canicanilang farol ang isá't isá.

--¡Cúlang pálad!--ang ibinúbulong n~g filosofo Tasio, na pinanonóod ang

proseción mulà sa daan;--hindî macapagbibigay cagalin~gan sa iyo ang

icáw ang náunang nagsaysay n~g Magandang Balitá, at ang cahi't yumucód

sa iyo si Jesús! ¡hindî nacapagbíbigay cagalin~gan sa iyo ang inyong

malaking pananampalataya't ang iyóng pagpapacahírap, at ang iyo man

lámang pagcamatay dahil sa pagwalanggaláng mo n~g catotohanan at n~g

iyong pinananaligan; linilimot ang lahat n~g itó n~g m~ga tao, pagca

waláng tagláy cung di ang sarîling m~ga carapatán! Lalong magaling pa

ang magsermón sa m~ga simbahán cay sa maguíng cawiliwiling tinig na

sumisigaw sa m~ga iláng, nagpapakilala sa iyó ang m~ga bágay na itó cung

anò ang Filipinas. Cung pano sána ang iyóng kináin at hindî m~ga balang,

cung ang dinamít mo sana'y sutlà at hindî balat n~g m~ga hayop, cung

nakipánig cá sa isáng Capisánan n~g m~ga fraile....

N~guni't inihintô n~g matandáng laláki ang canyáng m~ga pagsísi, sa

pagca't dumárating si San Francísco.

--¿Hindî ba sinabi co na n~ga?--ang itinulóy na n~gumin~gitî n~g

patuyâ;--itó'y na sa isáng carro at ¡Santo Dios! gaáno caráming m~ga

ilaw at gaáno caráming m~ga faról na cristal! ¡Cailan ma'y hindî ca

naliguid n~g ganyáng caráming m~ga pangliwánag, Giovanni Bernardone! ¡At

pagcagalinggalíng na músical ibang m~ga tínig ang ipinarin~gig n~g m~ga

anác mo n~g mamatáy na icáw! Datapuwà, ¡cagalanggalang at mápacumbabang

nagtayô n~g isáng Capisánan, cung mabúhay cang mag-ulî n~gayon, walâ

cang ibang makikita cung dî n~ga haling na Eliasis de Cortona, at

sacáli't makilala ca n~g iyóng m~ga anác, ibíbilanggô icaw at maráhil ay

mawán~gis ca sa kinaratnan ni Cesario de Speyer!

Sumusunod sa música ang isáng estandarte na kinalalarawanan n~g santo

ring iyon, datapuwa't may pitóng pacpac. Dalá ang estandarteng iyón n~g

m~ga "hermano tercero," na nacahabitông guingón at nagdarasal n~g

malacás at sa anyóng caawá-awáng tiníg.--Ayawàn cung ano ang dahil n~g

pagcacagayón, sumúsunod doon si Santa María Magdalena, na

pagcagandagandang larawang may saganang buhóc, may panyong pinyang

bordado sa m~ga daliring punô n~g m~ga singsíng, at nararamtán n~g damit

na sutlang may pamuting m~ga malalapad na guintó. Naliliguid siyá n~g

m~ga ilaw at n~g incienso; nan~gan~ganino sa canyáng m~ga luhang virdrio

ang m~ga culay n~g m~ga ìlaw "bengala," na nagbibigay sa procesión n~g

anyóng cahimahimalá, caya n~ga't cung minsá'y lumuluha ang santang

macasalanan n~g verde, cung minsa'y pulâ, minsa'y azul at iba pa. Hindî

nagpapasimulá ang m~ga bahay n~g pagpapanin~gas na m~ga ilaw na itó cung

dî cung nagdaraan si San Francisco; hindî tinatamo ni San Juan Bautista

ang ganitong m~ga caran~galan, caya't dalidaling nagdaraán, na canyáng

pagcahiyá na siyá lamang ang bucód na ang pananamìt ay balát n~g m~ga

hayóp sa guitnâ n~g gayóng caraming m~ga taong lipós n~g guintô at m~ga

mahalagang bató.

--¡Nariyán na ang ating santa!--anang anác na babae n~g gobernadorcillo

sa canyáng m~ga panauhin; ipinahirám co sa canyá ang aking m~ga

singsíng, n~guni't n~g aco'y magtamó n~g lan~git.

Nan~gagsisitiguil ang m~ga nan~gagsisi ílaw sa paliquid n~g tablado

upáng mapakinggan ang LOA (pagpupuri), gayón din ang guinagawá n~g m~ga

santo; ibig na man nilá ó n~g sa canilá'y nan~gagdadalang makinig n~g

m~ga tulá. Sa pagca pagód n~g cahihíntay n~g m~ga nan~gagdadala cay San

Juan, sila'y nan~gagsiupo n~g patingcayad, at pinagcaisahan nilang

ilagay muna sa lupa ang santo.

--Baca maggalit ang aguacil ang tutol n~g isà.

--¡Hes! ¡diyata't sa sacristia'y inilalagay lamang siyá sa isáng suloc

na may m~ga bahay n~g gagambá!

At n~g mapalagay na sa lupa si San Juan, siya'y nagmúkhang tila isá sa

m~ga taong-bayan.

Nagpapasimula ang hanay n~g m~ga babae buhat cay Magdalena, ang caibhân

lámang ay hindî nagsisimula muna sa hanay n~g m~ga batang babae, na gaya

n~g m~ga lalaki, cung di ang m~ga matatandáng babae ang nan~gun~guna at

sumusunod ang m~ga dalaga na siyang nan~gasahulí n~g procesión hanggang

sa carro n~g Virgen na sinusundan n~g cura na napapandun~gan n~g palio.

Pacana ang caugaliang itó ni pari Damaso, na siyang may sabi: "Hindî ang

m~ga matatandang babae ang kinalulugdan n~g Virgen cung di ang m~ga

dalaga", bagây na isinasamà n~g mukha n~g maraming babaeng mapag-anyong

banál, n~guni't sumasang-ayon sila at n~g mapagbigyang loob ang Virgen.

Sumúsunod cay Magdalena si San Diego, baga man sila hindî niya

ikinatutuwa ang gayóng calagayan, sa pagca't nananatili sa canyang mukha

ang cahapisan, na gaya rin caninang umaga n~g sumusunod siya sa licuran

ni San Francisco. Anim na m~ga "hermana tercera" ang humihila sa canyáng

carro, dahil sa cung anong pan~gaco ó pagcacaramdam; ang catotohana'y

sila ang humihila, at taglay nila ang boong pagsusumipag. Huminto si San

Diego sa harap n~g tablado at naghihintay na siya'y handugan n~g bati.

Datapuwa't kinakailangang hintayin ang carro n~g Virgeng

pinan~gun~gunahan n~g m~ga taong suot "fantasma" ó multó, na nacagugulat

sa m~ga bata; caya n~ga't naririnig ang iyacan at sigawan n~g m~ga

sanggol na m~ga haling ang caisipan. Gayón man, sa guitna n~g madilim na

pulutóng na iyon n~g m~ga hábito, m~ga capuchón, m~ga cordón (lubid) at

m~ga lambóng, na caalacbay yaóng dasál na pahumál at hindi nagbabago ang

tinig, na papanood na wan~gis sa m~ga mapuputing m~ga jazmin, tulad sa

m~ga sariwang sampaga nahahalo sa m~ga lumang m~ga basahan, ang labing

dalawang batang babaeng nagagayasan n~g puti, nacocoronahan n~g m~ga

bulaclac, culót ang buhóc, nagniningning ang m~ga matang cahuad n~g

caniláng m~ga collar; waláng pinag-ibhan sa m~ga angel n~g caliwanagang

napipilit n~g m~ga multó. Sila'y pawang nacacapit sa dalawang m~ga

sintas na azul na nacatali sa carro n~g Virgen, na nagpapaalaala sa m~ga

calapating humihíla sa "Primavera" (larawan n~g pasimula n~g tag-araw.)

Pawang handa na sa pakikinig ang lahat n~g m~ga larawan, na

nagcacadaidaiti sila sa pag-ulinig n~g m~ga tula; nacatitig ang lahát sa

nacasiwang na cortina (tabing n~g pintuan); sa cawacasa'y isang "aaah!"

n~g pangguiguilalas ang nagpumiglas sa m~ga labi n~g lahat.

At carapatdapat n~gang pangguilálasan: siya'y isáng malakilaki n~g

batang lalaking may m~ga pacpac, "botas" na pangpan~gabayo, banda,

cinturón at sombrerong may m~ga plumaje.

¡Ang señor Alcalde mayor!--ang sigaw n~g isá; datapuwa't nagsimula ang

himala n~g m~ga kinapal n~g pagsasaysay n~g isang tuláng cawan~gis din

niyá, at hindî niyá isinama n~g loob ang sa canya'y pagtutulad sa

Alcalde.

Bakin pa sasaysayin dito ang m~ga sinabi sa wicang latín, tagalog at

wicang castila, na pawang tinula, n~g caawaawang binigyang pahirap n~g

gobernadorcillo? Linasap na n~g m~ga bumabasa sa amin ang sermón ni pari

Damaso caninang umaga, at ayaw n~ga caming sila'y lubhang palayawin n~g

napacarami namang m~ga caguilaguilalas na m~ga bagay, bucód sa baca pa

sumama ang loob sa amin n~g franciscano cung siya'y ihanap namin n~g

isang macacapan~gagaw, at ito ang aayaw cami, palibhasa'y cami taong

payapa, sa cagalin~gan n~g aming capalaran.

Ipinagpatuloy pagcatapos ang procesión: ipinagpatuloy ni San Juan ang

malabis n~g saclap na canyang paglalacad.

N~g magdaan ang Virgen sa tapat n~g bahay ni cápitang Tiago'y isang

awit-calan~gitan ang sa canya'y bumati n~g m~ga sinalita n~g Arcángel.

Yao'y isang tinig na caayaaya, matining, mataguinting, nagmamacaawa,

itinatan~gis warî ang "Ave María" ni Gounod, na sinasaliwan n~g pianong

siya rin ang tumutugtóg at caacbay niyang dumadalan~gin. Nagpacapipi ang

música n~g procesión, huminto ang pagdarasal at tumiguil pati ni pari

Salvi. Nan~gan~gatal ang voces at bumúbunglos n~g m~ga luha: higuit sa

isang pagbati, ang sinasaysay niya'y isáng mataós na dalan~gin, isang

carain~gan.

Narinig ni Ibarra ang tínig mula sa kinálalagyang durun~gawan, at nanaog

sa ibabaw n~g canyang puso ang pan~gin~gilabot at calungcutan.

Napagkilala niya ang sa caluluwang iyong dinaramdam, na isinasaysay sa

isang pag-awit, at nan~ganib siyang magtanong sa sarili n~g cadahilanan

n~g gayong pagpipighati.

Mapanglaw at nag-iisip-isip n~g siya'y masumpong n~g Capitan General.

--Sasamahan ninyó acó sa pagcaín sa mesa; pagsasalitaanan nátin doon ang

nauucol sa m~ga batang nán~gawala, ang sa canya'y sinabi.

--Acó caya baga ang pinagcacadahilanan?--ang ibinulóng n~g bìnata, na

baga man tinitingnán niya'y hindi niya nakikita ang Capitan General, na

canyáng sinundan n~g wala sa canyang loob.

=XXXIX.=

=SI DONA CONSOLACION.=

¿Bákit nacasará ang m~ga bintana n~g bahay n~g alférez? ¿saan naroroon,

sámantalang nagdaraan ang procesión, ang mukháng lalakí't nacabarong

francia na Medusa ó Musa n~g Guardia Civil? Napagkilala caya ni doña

Consolacióng lubhang nacasususot ang canyang noong nababalatayan n~g

m~ga malalaking ugât, na wari'y siyang pinagdaraanan, hindî n~g dugó,

cung di n~g suca at apdó; ang malakíng tabacó, carapatdapat na pamuti

n~g caniyang moradong m~ga labi, at ang canyang mainguiting titig, na sa

canyang pagsang-ayon sa isang magandang udyóc ay hindî niyá inibig na

gambalain sa canyang calaguimlaguim na pagsun~gaw, ang m~ga catuwaan n~g

caramihang tao.

¡Ay! sa ganáng canya'y nagnawnáw lámang, n~g panahón na naghaharí ang

caligayahán, ang m~ga magagandang udiyóc n~g budhi.

Mapan~gláw ang báhay, sa pagca't nagcacatuwâ ang bayan,--na gaya na n~gâ

n~g sinasabi ni Sínang; waláng m~ga faról at m~ga bandera. Cung dî

lámang sa centinela (bantay na sundalo) na nagpapasial sa pintuan,

mawiwicang walang táo sa báhay.

Isáng malamlám na ílaw ang siyáng lumiliwanag sa waláng cahusáyang

salas, at siyáng nagpapan~ganínag sa m~ga marurumíng capís na kinapítan

n~g m~ga báhay-gagambá at dinikitán n~g alabóc. Ang ginóong babae, ayon

sa canyáng pinagcaratihang huwág gumawâ at cakilakilabot; waláng pamuti

ang canyáng buhoc liban na lamang sa isang panyong nacatalì sa canyang

úlo, na doo'y pinababayaang macatacas ang m~ga maninipis at maiicling

tungcos n~g m~ga gusamót na buhoc ang bárong franelang asúl, na siyang

na sa ibabaw n~g isa pang barong marahil n~g una'y putî, at isang sáyang

cupás, na siyang bumabalót at nagpapahalatâ n~g m~ga payát at lapád na

m~ga hità, na nagcacapatong at ipinag-gagalawan n~g mainam. Lumalabas sa

canyang bibig ang bugál-bugál na asó, na ibinúbuga n~g boong pagcayamot

sa alang-alang, na canyang tinitingnan-pagca ibinubucas ang m~ga mata.

Cung napanood sana siya ni don Francisco Cañamaque, marahil ipinalagay

na siya'y isang hariharian sa bayan, ó cung dilìcaya'y mangcuculam, at

pinamutihan pagca tapos ang caniyang pagcatuclas na iyon n~g m~ga

pagwawariwari sa wicang tinda, na siya ang may likhâ upang canyang

maguing sariling gamit.

Hindi nagsimba n~g umagang iyon ang guinoong babae, hindi dahil sa

siya'y aayaw, cun di baligtad, ibig sana niyang siya'y pakita sa

caramihan at makinig n~g sermón, n~guni't hindi siya pinahintulutan n~g

canyang asawa, at ang pagbabawal ay may calakip, na gaya n~g

kinauugalian, na dalawa ó tatlong lait, m~ga tun~gayaw at m~ga sicad.

Napagkikilala n~g alférez na totoong catawatawang manamit ang canyang

babae, na naaamoy sa canya yaong tinatawag n~g madlang "calunya n~g m~ga

sundalo," at hindi n~ga magaling na siya'y ilantad sa m~ga mata n~g m~ga

matataas na tao sa pan~gulong bayan n~g lalawigan, at cahi't sa m~ga

taga ibang bayang doo'y nan~gagsidalo.

Datapuwa't hindi gayon ang pinag-iisip n~g babae. Talós niyang siya'y

maganda, na siya'y may pagca anyong reina at malaki ang cahigtan niya

cay María Clara sa cagalin~gang manamit at gayon din sa karikitan n~g

caniyang m~ga damit: si Maria Clara'y nagtatapis, siya'y hindi't naca

"saya suelta." Kinailan~gang sa caniya'y sabihin n~g alferez: "ó

itatahimic mo ang iyong bibig ó ipadadala cata sa bayan mo sa

casisicad!"

Hindi ibig ni doña Consolacióng umuwi sa canyang bayan sa casisicad,

n~guni't umisip siya n~g gagawing panghihiganti.

Cailan ma'y hindi naguing carapatdapat macaakit sa canino man n~g

pagpapalagay n~g loob ang marilim na pagmumukhâ n~g guinoong babaeng

ito, cahi't cung siya'y nagpipinta, n~g canyáng mukhâ, n~guni siya'y

totoong nacapagbigay balisa n~g umagang iyon, lalong lalo na n~g siya'y

mapanood na magpabalicbalic n~g paglacad sa magcabicabilang dulo n~g

bahay, na walang imic at wari mandi'y nagbabalacbalac n~g isang bagay na

cagulatgulat ó macapapahamac: taglay n~g canyang panin~gin iyang sinag

na ibinubuga n~g isang ahas pagca inaacmaang lusayin cung siya'y

nahuhuli; ang panin~ging yao'y malamig, nagninining, tumataos at may

cadulin~gasan, carumaldumal, malupit.

Ang lalong maliit na pagcacahidwa, ang lalong babahagyang hindi

sinasadyang alatiit, humuhugot sa canya n~g isang salaula at

napacaimbing lait na sumasampal sa caluluwa; datapuwa't sino ma'y walang

sumasagot: maguiguing isa pang malaking casalanan ang mahinahong

pakikiusap.

Nagdaan sa gayong calagayan ang maghapon. Palibhasa'y walang ano mang

nacahahadlang sa canya--sapagca't piniguing ang canyang asawa,--ang

budhi niya'y pinupuno n~g guiyaguis: masasabing untiunting pinupuspos

ang canyang m~ga silacbo n~g tilamsic at init n~g lintic at

nan~gagbabalang magsambulat n~g isang imbing unos. Nan~gagsisiyucod na

lahat sa canyang paliguid, tulad sa m~ga uhay sa unang hihip n~g bagyo:

walang nasusunduang hadlang, hindi nacatitisod n~g ano mang dulo ó

catayugang sucat mapagbuntuhan n~g canyang cayamutan; nanghihinuyo at

nan~gan~gayupapang lahat ang m~ga sundalo at m~ga alilà sa

paliguidliguid niya.

Ipinasara niya ang m~ga bintana upang huwag niyang marin~gig ang m~ga

pagcacatuwa sa labas; ipinagbilin sa centinela na huwag papasukin ang

sino man. Nagbigkis n~g isang panyo sa ulo at n~g wari'y ito'y mailagang

huwag sumambulat, at pinasindihan ang m~ga ilaw baga man may sicat pa

ang araw.

Ayon sa ating nakita na, piniit si Sisa, dahil sa panggugulo sa

catiwasayan n~g bayan at inihatid sa cuartel. Niyo'y wala roon ang

alférez, caya napilitan ang cahabaghabag na babaeng maglamay na magdamag

na nacaupo sa isang bangco, na walang diwa ang titig. Nakita siya

kinabucasan n~g alférez, at sa pagcaibig na siya'y maipan~gilag sa ano

mang casacunaan sa m~ga araw na iyon n~g caguluhan, at sa caayawan

namang huwag magcaroon n~g ano mang hindi calugodlugod panoorin,

ipinagbilin n~g alférez sa m~ga sundalong alagaan si Sisa, caawaang

pagpakitaan n~g maguiliw na calooban at pacanin. Gayon ang naguing

calagayan sa loob n~g dalawang araw n~g babaeng sira ang pag-iisip.

N~g gabing ito, ayawan cung dahil sa calapitan doon n~g bahay ni

capitang Tiago'y dumating hanggang sa canya ang mapanglaw na canta ni

María Clara, ó cung dili caya'y pinucaw n~g ibang m~ga tinig ang

pagcaalaala niya n~g canyang m~ga dating canta, sa papaano man ang

dahil, pinasimulaan niyang cantahin ang m~ga "cundiman" nang canyang

cabataan. Pinakikinggan siya nang m~ga sundalo at hindi nan~gagsisiimic:

¡ay! sa canila'y nagpapagunitâ ang m~ga tinig na iyón n~g m~ga panahong

una, yaóng m~ga gunitâ n~g panahóng hindi pa narurun~gisan ang calinisan

n~g canilang budhî.

Narinig din siyá ni doña Consolación sa oras na iyón n~g canyáng

cainipan, at n~g canyáng maalaman cung sino ang cumacanta'y nag-utos:

--¡Papanhikin ninyó siyá agad-agad!--ang canyang sinabi pagcaraan n~g

iláng sandaling canyang pag-iisip-isip. Isang bagay na nacacahuwad n~g

n~giti ang siyang nasnaw sa canyang tuyong m~ga labi.

Ipinanhíc doon si Sisa, na humaráp na dî nagulomihanan, na hindî

nagpahalata n~g pagtatacá ó tácot: tila mandin wala siyáng nakikitang

sino mang guinóong babae. Ito'y nacasugat sa loob n~g mapagmataas na

Musa, na ang bóong acala'y nacaáakit sa paggalang at pagcagulat ang

canyáng calagayan.

Umubó ang alfereza, humudyát sa m~ga sundalong man~gagsiya-o, kinuha ang

látigo n~g canyang asawa sa pagca sabit, at nagsalita n~g maban~gis na

tinig sa babaeng sira ang isip:

--"¡Vamos, magcantar icaw!"

Isa sa m~ga magagandang caugalian n~g guinoong babaeng ito ang

magpacasumicap na huwag niyang maalaman ang wicang tagalog, ó cung dili

ma'y nagpapacunwaring hindî niyá nalalaman ang tagalog na ano pa't

sinasadyang magpautal-utal at magpamalimali n~g pananalita: sa gayo'y

magagawa niyá ang pag-aanyo n~g tunay na "orofea", na gaya n~g caniyáng

caraniwang sabihin. ¡At magaling n~ga naman ang canyáng guinagawa! sa

pagca't cung pinahihirapan niyá ang wicang tagalog, ang wicang castila'y

hindi lumiligtas sa gayóng catampalasanan, sa nauucol sa gramática at

gayon din sa pan~gun~gusap. At gayon man'y ¡guinawa n~g canyáng asawa,

n~g m~ga silla at n~g m~ga zapatos ang boong caya upang siya'y maturuan!

Isa sa m~ga salitang lalong pinagcahirapang totoo niyá, na ano pa't daig

ang pagcacahirap ni Champollion sa m~ga geroglífico, ay ang sabing

"Filipinas."

Ayon sa sabihanan, kinabucasan n~g araw n~g sa canila'y pagcacasal, sa

pakikipag-usap sa canyang asawa, na n~g panahong iyo'y cabo pa lamang,

sinabi ni doña Consolacióng "Pilipinas"; inacala n~g cabong catungculan

niyáng ipakilala ang pagcacamali at turuan, caya n~ga't canyáng

tinuctucan at pinagsabihan:--"Sabihin mong Felipinas, babae, huwag ca

sanang hayop. ¿Hindi mo ba nalalamang ganyan ang pan~galan n~g iyong

p.bayan dahil sa nanggaling sa Felipe?" Ang babaeng pinapanaguinip ang

matimyás na lugód n~g pagcabagong casal, inibig sumunod at sinabing;

"Felepinas". Inacala n~g cabong nacalalapitlapit na, caya dinagdagan ang

m~ga pagtuctoc, at sinigawan--"Datapuwa, babae, hindi mo ba masabi:

Felipe? Huwag mong calimutan, talastasin mong ang haring Felipe ...

quinto.... Sabihin mong Felipe, at saca mo iragdag ang "nas" na ang

cahulugan sa wicang latin ay m~ga pulo n~g m~ga indio, at masusunduan mo

ang pan~galan n~g iyong rep-bayan!"

Hinihípohipo ni Consolación, na n~g panahong iyo'y lavandera, ang búcol

ó ang m~ga búcol n~g canyang ulo, at inulit, bagaman nagpapasimula na

ang pagcaubos n~g canyáng pagtitiis:

--"Fe ...lipe, Felipe ...nas, Felipenas, ¿gayón n~gà ba?"

Nangguilalás n~g di ano lamang ang cabo. ¿Bakit baga't "Felipenas" ang

kinalabasan at hindi "Felipinas"? Alin sa dalawa: ó sasabihing

"Felipenas" ó dapat sabihing "Felipi"?

Minagaling n~g cabong huwag n~g umimic n~g araw na iyón, iniwan ang

canyáng asawa at main~gat na nuhang tanóng sa m~ga limbag. Dito'y

napuspos n~g hindi cawasa ang canyáng pagtatacá; kinusót ang canyáng

m~ga matá:--Tingnan nating ... marahan! "Filipinas" ang siyang saysay

n~g lahát n~g m~ga limbág, cung wicaing isá-isá ang m~ga letra; ang

canyáng asawa at siyá ay cacapuwa wala sa catuwiran.

--¿Bakit?--ang ibinubulong,--macapagsisinun~galing baga ang Historia?

¿Hindi bagá sinasabi sa librong ito, na ang pan~galang ito'y siyang

dito'y ikinapit, alang-alang sa infante na si don Felipe? ¿Bakit caya

nagcapaapaano ang pan~galang ito? Baca caya naman isang indio ang Alonso

Saavedrang iyón?...

Isinangguni ang canyang m~ga pag-aalinlan~gan cay sargento Gómez, na n~g

panahón n~g canyáng cabataa'y naghan~gad na magpari. Hindi man lámang

pinapaguingdapat n~g sargentong tingnan ang cabo, nagpalabas sa bibig

n~g isáng cumpol na asó at sinagot siyá n~g lalong malaking

pagmamayabang:

--N~g m~ga panahóng una'y hindi sinasabing Felipe cung hindi Filipi:

tayong m~ga tao n~gayón, palibhasa'y naguiguing "franchute" (nakikigagad

n~g ugali sa m~ga francés), hindi natin matiis na magcasunod ang

dalawang "i". Caya n~ga ang taong may pinag-aralan, lalong lalo na sa

Madrid, ¿hindi ca ba napaparoon sa Madrid? ang taong may pinag-aralan

ang wica co, nagpapasimula na n~g pananalita n~g ganito: "menistro",

"enritación", "embitación", "endino", at iba pa, sa pagca't ito ang

tinatawag na pakikisang-ayon, sa casalucuyang lacad n~g caugalian.

Hindi napaparoon sa Madrid cailan man ang cabo, ito ang cadahilana't

hindi niya nalalaman ang cung bakin gayon ang pananalitâ. ¡Pagcalalaking

bagay ang natututuhan sa Madrid!

--¿Sa macatuwid n~gayon ang dapat na pananalita'y?...

--Ayon sa pananalita n~g una, ¿alam mo na? Ang lupaing ito'y hindi pa

pantas, ¡iayon mo sa caugalian n~g una: Filipinas!--ang tugón ni Gómez

n~g boong pagpapawalang halaga.

Sacali't masama ang pagcatanto n~g cabo sa m~ga sarisaring wica, ang

capalit nama'y magaling siyang asawa: ang bagong canyang napag-aralan ay

dapat maalaman naman n~g canyang asawa, caya't ipinagpatuloy niya ang

pagtuturo.

--Consola, ¿ano ang tawag mo sa iyong p--bayan?

--¿Ano ang aking itatawag sa canya? alinsunod sa itinuro mo sa akin

¡Felifenas!

--¡Haguisin cata n~g silla, p-!,--cahapo'y magalinggaling na ang

pagsasalita mo n~g pan~galang iyan, sa pagca't naaayon sa bagong

caugalian; datapuwa't n~gayo'y dapat mong sabihin n~g alinsunod sa

matandang ugali Feli, hindi pala, ¡Filipinas!

--¡Tingnan mo, hindi pa acó luma! ¿ano ba ang pagca isip mo?

--¡Hindi cailan~gan! ¡sabihin mong Filipinas!

--¡Ayaw aco! Aco'y hindi isang lumang casangcapan ... ¡bahagya pa lamang

nacagaganap aco n~g tatlompong taón!--ang isinagot na naglilis n~g

mangas na parang naghahanda sa pakikiaway.

--Sabihin mo, napacap--, ó ¡babalabaguin cata n~g silla!

--Namasdan ni Consolasión ang galaw, nagdilidili at nagsabi n~g pautal,

na humihin~ga n~g malacas:

--Feli ...Fele ...File ...

¡Pum! ¡erraes! ang silla ang siyang tumapos sa pananalita.

At ang kinawacasan n~g pagtuturo'y suntucan, calmusan, m~ga sampalan.

Binuhucan siya n~g cabo, tinangnan naman n~g babae ang balbas n~g lalaki

at ang isang bahagui n~g catawan--hindi macapan~gagat sa pagca't

umuugang lahat ang caniyang m~ga n~gipin,--bumigay n~g sigaw ang cabo,

binitiwan siya n~g babae, humin~ging tawad sa lalaki, umagos ang dugo,

nagcaroon n~g isang matang mahiguit ang capulahan cay sa isa, isang

barong gulagulanit, lumabas ang maraming m~ga casangcapan sa canilang

pinagtataguan, datapua't ang Filipinas ay hindi lumabas.

M~ga cawan~gis n~g ganitong bagay ang m~ga nangyari cailan man at

canilang mapapag-usapan ang nauucol sa pagsasalità. Binabalac n~g cabo

n~g sakit n~g loob, sa caniyang pagcamasid sa pagsulong n~g pagcatututo

n~g pagsasalita n~g caniyang asawa, na sa loob n~g sampong taó'y hindi

na ito macapagsasabi n~g ano man. Gayon n~ga naman ang nangyari. N~g

sila'y icasal, nacacawatas pa ang canyang asawa n~g wicang tagalog, at

nacapagsasalita pa n~g wicang castilà upang siya'y mawatasan; n~gayon,

dito sa panahón n~g pangyayari n~g aming m~ga sinasaysay, hindi na siya

nacapagsasalità n~g ano mang wicà: totoong nawili na siya sa pagsasalita

n~g pacumpas-cumpas, patan~go-tan~gò at pailing-iling na lamang, na ano

pa't canyang hinihirang pa naman yaong m~ga sabing maririin at

maiin~gay, caya n~ga't linaluan pa niya n~g hindi ano lamang ang

nagmunacala n~g "Volapuk".

Nagcapalad n~ga si Sisa na hindi siya mawatasan. Umunat n~g caunti ang

cunot n~g m~ga kilay n~g alfereza, isang n~giti n~g catuwaan ang siyang

nagbigay saya sa caniyang mukha: hindi na n~ga mapag-aalinlan~ganang

hindi siya marunong n~g wicang tagalog, "orofea" na siya.

--¡Asistente, sabihin mo sa babaeng ito sa wicang tagalog, na siya'y

cumanta! ¡hindi niya aco mawatasan, hindi siya marunong n~g castila!

Nawatasan ni Sisa ang asistente at kinanta niya ang canción n~g Gabi.

Pinakinggan ang paunang canta na may halong tawang palibac, n~guni't

untiunting nawala sa canyang m~ga labi ang tawa, pinakinggang magaling,

at n~g malao'y lumungcot at nag anyong nag-iisip n~g caunti. Ang tinig,

ang cahulugan n~g m~ga tulâ at pati n~g canta'y tumatalab sa canya.

Nawawatasan niyang magaling: marahil nauuhaw sa ulan ang pusong iyong

mabato at tuyò, ayon sa "cundiman", tila baga mandin ay nanaog naman sa

ibabaw n~g canyang pusò:

"Ang calungcuta't guinaw at ang calamigang

sa lan~git ay buhat, putos n~g balabal

n~g gabing marilim at labis n~g panglaw"....

"Ang lanta at cupas na abang bulaclac

sa boong maghapo'y nagladlad n~g dilag

sa nais na camtam pagpuring maalab

sa udyoc n~g dib-dib na mapagmataas."

"Pagdating n~g hapon pawang cahapisan

ang inaning bun~ga sa han~gad na dan~gal,

at ang pagsisisi ang taglay na lamang

sa m~ga nagawang lihis sa catuwiran."

"Pinagpipilitang itaas sa lan~git

ang pinacadahong lanta na't gulanit,

at caunting dilim ang hin~gi n~g hibic

upang maitago ang puring naamis."

"At mamatay siyang hindi namamasdan

n~g nacapanood na sicat n~g araw,

n~g ningning n~g caniyang naamis na dan~gal

at n~g hindi wastong mataas na asal."

"Mataos ding hin~gi n~g canyang dalan~gin

cay Bathalang Poong lubhang mahabaguin,

ang canyang libin~ga'y mangyaring diliguin

n~g hamog na luhang sa lan~git ay galing."

"Ang ibong panggabi'y sadyang iniiwan

ang lubhang maluncot na canyang tahanan

sa matandang cahoy na lihim na guang

at liniligalig tahimic na parang..."

--¡Huwag, huwag ca n~g cumanta!--ang sigaw n~g alfereza, sa ganap na

wicang tagalog, at tumindig na malaki ang balisa; ¡huwag ca n~g cumanta!

¡nacalalaguim sa akin ang m~ga tulang iyan!

Tumiguil ang ul-ol na babae n~g pagcacanta: nagbitiw ang asistente n~g

isang:--¡Aba! ¡sabe pala tagalog! (marunong pala n~g tagalog) at

nacatun~gan~gang tinitingnan ang guinoong babae na puspos n~g pagtataca.

Napagkilala nito na ipinagcanulo niya ang sariling catawan; nahiyà at

palibhasa'y hindi sa babae ang catutubo niyang damdamin, ang cahihiya'y

nauwì sa masilacbong galit at pagtatanim. Itinurò ang pintuan sa hindi

marunong mag-in~gat na asistente, at sa isang sicad ay sinarhan ang

pintò, pagcalabas niya. Lumibot na macailan sa silid, na pinipilipit n~g

nan~gin~gilis niyang m~ga camay ang látigo, tumiguil na bigla sa tapat

n~g ul-ol na babae, at saca sinabi sa canya sa wicang castilà;--¡Sayaw!

Hindi cumilos si Sisa.

--¡Sayaw, sayaw!--ang inulit-ulit n~g tinig na nacalalaguim.

--Tiningnan siya n~g ulol na babae n~g titig na walang diwa, walang

cahulugan; itinaas n~g alfereza ang caniyang isang bisig, at ang isa

namang bisig pagcatapos, at saca ipinagpag ang dalawang bisig: walâ ring

naguing cabuluhan. Hindi nacacawatas si Sisa.

Siya'y naglulucsó, naggagalaw, ibig niyang sa gayóng gawa'y gagarin siyá

ni Sisa. Naririnig sa dacong malayo ang música n~g procesióng tumutugtog

n~g isáng marchang malungcót at dakila, datapuwa't naglulucso ang

guinoong babae n~g catacot tacot na ang sinusunod ay ibang compás, ibang

música ang tumútunog sa loob n~g canyáng budhi. Tinititigan siya ni

Sisang hindi gumágalaw; isang wangki sa pagtatacá ang naguhit sa canyáng

m~ga matá, at isáng bahagyáng n~giti ang siyáng nagpapagalaw sa canyáng

m~ga putlaing m~ga labi: kinalulugdan niyá ang sayaw n~g guinoong babae.

Huminto itó at tila mandin nahihiyâ, iniyaang ang latigo, yaong calaguim

laguim na látigong kilalá n~g m~ga magnanacaw at n~g m~ga sundalo, na

gawa sa Ulan~go at pinag-inam n~g alferez sa pamamag-itan n~g m~ga cawad

na doo'y ipinulupot, at nagsalita:

--¡Icaw naman ang nauucol sumayáw n~gayon!... ¡sayáw!

At pinasimulang paluin n~g marahan ang waláng ano mang takip na m~ga paa

n~g ul-ol na babae, hanggáng sa magcan~giwin~giwi ang pagmumukha nito sa

sakít, na anó pa't pinilit niyáng magsanggalang n~g m~ga camáy.

--¡Ajá! ¡nagpapasimula ca na!--ang isinigaw na taglay ang catuwaang

malupit, at mula sa "lento" (madalang) ay iniuwi sa isang "allegro

vivace" (masaya at madalas).

Sumigaw ang cahabaghabag na babae n~g isang daing sa sakít, at

dalidaling itinaas ang paa.

--¡Sasayaw ca ba, p-india?--ang sinasabi n~g guinoong babae, at

tumutunog at humahaguinit ang latigo.

Nagpacalugmoc si Sisa sa sahig, tinangnan n~g dalawang camay ang m~ga

binti, at tinitigan ang canyang verdugo n~g m~ga matang nacatiric.

Dalawang malacas na hagupit n~g látigo sa licod ang pilit sa canyang

tumindig, at hindi na isáng daing, cung di dalawang atun~gal ang siyang

isinigaw n~g culang palad na sira ang isip. Nawalat ang canyang manipis

na barò, pumutoc ang balat at bumalong ang dugò.

Nacapagpapagalac n~g mainam sa tigre ang pagcakita n~g dugô:

nagpasilacbo n~g loob ni doña Consolación ang dugo n~g canyang

pinahihirapan.

--¡Sayaw, sayaw, condenada, maldita! ¡Mapacasamà nawà ang inang

nan~ganac sa iyo!--ang isinigaw;--¡sayaw ó papatayin cata sa capapalò

n~g látigo.

At ang canyang guinawa'y hinawacan niya n~g isang camay ang babaeng

ulol, samantalang pinapalo naman niya, ito at n~g canyang isang camay,

at nagpasimulà siya n~g paglukso at pagsayaw.

Sa cawacasa'y napagkilala n~g ulol na babae ang sa canya'y ibig, caya

n~ga't ipinagpatuloy niya ang paggalaw na walang wasto n~g canyang m~ga

bisig. Isang n~giti n~g ligaya ang siyang nagpacubot sa m~ga labì n~g

maestra, n~giti n~g isang Mefistófeles na babae na nangyaring

nacapag-anyo n~g isang alagad; ang n~giting iyo'y may taglay na

pagtatanim, pagpapawalang halaga, paglibak at kalupitan, datapuwa't

walang magsasabing yao'y may cahalong halakhac.

At sa pagcatigagal n~g pagtatamong lugod sa caniyang gawa'y hindi niya

narin~gig ang pagdating n~g canyang esposo, hangang sa biglang nabucsan

n~g malaking in~gay ang pinto sa isang tadyac.

Sumipot doon ang alférez na namumutla't marilim ang mukhâ; napanood ang

doo'y nangyayari at ibinulusoc sa canyang asawa ang isang catacottacot

na titig. Ito'y hindi cumilos sa kinalalagyan at nanatiling nacan~giti

n~g boong pagcawalang kinahihiyaan.

Inilagay n~g alférez n~g lubos na pagpapacamairuguin ang canyang camay

sa balicat n~g magsasayaw na caiba sa lahat, at ipinag-utos na tumiguil

n~g pagsayaw. Humin~ga ang ulol na babae at dahandahang naúpo sa lapag

na narurumhan n~g canya ring dugò.

Nagpatuloy ang catahimican: humihin~gasing n~g malacas ang alférez;

kinuha ang látigo n~g babaeng sa canya'y humihiwatig at tumitin~gin n~g

m~ga matang wari'y tumatanong, at saca sa canya'y nagsabi n~g tinig na

payapa at madalangdalang:

--¿Ano ang nangyayari sa iyo? ¡Hindi ca man lamang nagbigay sa akin n~g

magandang gabi!

Noli Me Tangere · 第 41 / 51 题