Tumanóng: "¿Lalabas ba n~g magalíng ang casalucuyan conglinalayon?"

--¡Napacapan~git naman n~g tanóng na iyan!--ang sigaw ni Sinang.

Iniabsang ni Ibarra ang m~ga "dado" at alinsunod sa canyang "numero" ay

hinanap ang mukha at ang talata n~g na sa libro.

--"¡Ang m~ga panaguinip ay pawang m~ga panaguinip n~ga!"--ang binása ni

Albino.

Kinúha ni Ibarra ang telegrama at nan~gan~gatal na bínucsán.

--¡N~gayó'y nagsinun~galíng ang libro ninyó!--ang isinigaw na puspós n~g

tuwâ.--Basahin ninyo:

"Sinang-ayunan ang panucálang escuela, hinatúlang cayó ang nanálo sa

usapin."

--¿Anó ang cahulugán nitó?--ang itinanóng nilá sa canyá.

--¿Hindî bâ ang sábi ninyo'y bibigyan n~g pabúya (regalo) ang magtamó

n~g lalong mabúting sagót?--ang itinanóng niyá, na nan~gan~gatal ang

voces sa lakí n~g canyáng tuwâ, samantalang hinahati n~g boong in~gat

ang papel.

--¡Siyá n~ga! ¡siya n~ga!

--Cung gayó'y nárito ang aking pabúyà,--ang sinabi, at ibinigay cay

María Clara ang calaháti;--magtátayô acó sa báyan n~g isáng páaralang

úcol sa m~ga bátang lalaki't babáe; ang páaralang itó'y siyáng áking

pabúyà.

--At ¿anóng cahulugan niyang calahátì n~g papel?

--¡Itó'y iháhandog co namán sa nagcaroón n~g lalong masamâ sa m~ga

sagót!

--¡Cung gayó'y acó! ¡sa akin marapat ibigáy!--ang sigáw ni Sínang.

Ibinigáy sa canyá ni Ibarra ang papel at matúling lumayô.

--¿At anó ang cahulugán nitó?

Datapowa't maláyò na ang mapalad na bináta, at nagbalíc na mulî siyá sa

pakikilarô n~g "ajedrez."

Lumapit si Fr. Salví na wari'y nag-wáwalang anó man sa masayáng lúpon

n~g m~ga cabatâan. Pinapahid ni María Clara ang isang lúha sa catuwâan.

Humintô n~g magcágayon ang tawanan at napipí ang salitàan. Tumítin~gin

ang cura sa m~ga bagongtao't dalaga, na di niyá matutuhan cung anó ang

sasabihin; hiníhintay namán niláng magsalitâ ang cura at hindî silá

umíimic.

--¿Anó itó?--ang sa cawacasa'y naitanong n~g cura, at kinúha ang libro

at canyang binúbuclatbuclat.

--¿Ang "Rueda de la Fortuna",--isáng librong liban~gan, ang sagót ni

León.

--¿Hindî ba ninyó nalalamang casalanan ang maniwála sa m~ga bágay na

ganitó?--ang winicà, at sacâ pinunitpunit n~g boong gálit ang m~ga dáhon

n~g libro.

Nagpumiglás sa m~ga lábi n~g lahat ang m~ga sigáw n~g pagtatacá at samâ

n~g loob.

--¡Lálong malakíng casalanan ang gawín ang maibigan sa bágay na hindî

canyá't lában sa calooban n~g túnay na may árì!--ang itinútol ni

Albinong nagtindig.--Amang cura, nácaw ang táwag sa ganyáng gawâ at

ito'y bawal n~g Dios at n~g m~ga táo.

Pinapagdaóp ni María Clara ang m~ga camay, at tinitigang tumatan~gis ang

m~ga wacás n~g librong iyóng hindî pa nalalaong nag-alay sa canya n~g

lubháng malakíng ligaya.

Hindî sumagót cay Albino si fray Salví, laban sa inaasahan n~g m~ga

nanonood; nátira siyá sa panonood cung paano ang linipadlipad n~g m~ga

pinagpunitpunit na m~ga dáhon n~g libro, na ang ibá'y ipináwid n~g

hán~gin sa gúbat at ang ibá namá'y sa túbig; pagcatápos ay lumayóng

guíguirayguíray at nacapatong ang dalawáng camáy sa ulo. Humintong

sandalî at nakipág-usap cay Ibarra na naghatíd sa canyá sa isá sa m~ga

cocheng náhahandang pangdalá ó panghatid sa m~ga panauhín.

--¡Mabuti at lumayas ang pang-abóy-galác na iyán,--ang ibinulóng ni

Sinang.!May pagmumukháng wári'y sinasabing: "Huwág cang tatawa't

nalalaman co ang iyong m~ga casalanan."

Sa malakíng catuwâan ni Ibarra, sa pagcapagbigay niyá sa canyáng

maguiguing asawang si María Clara n~g canyang pabuyà, nagpasimulâ siyá

n~g paglalaróng hindî na iniisip ang guinágawá, at hindî na nag-aabalá

n~g pagbabálacbalac n~g pagwawárì n~g boong pag-iin~gat n~g calagayan

n~g m~ga "pieza."

Dahil sa ganito'y ang nangyari, baga man si capitang Basilio'y báhagyâ

n~g nacapagsásangalang, ang laro'y nagcapantay, salamat sa maraming

pagcacamaling sa huli'y guinawâ n~g binátà.

¡Papagtablahin natin! ¡papagtablahin natin! ang sabi ni capitang

Basiliong malakí ang tuwâ.

--¡Papagtablahin natin!--ang inulit n~g binátà,--cahi't maguíng anó man

ang inihatol n~g m~ga hucóm sa ating usapín.

Nangagcamáy ang dalawa na nan~gagpisilan n~g boong pagguiguiliwan.

Samantalang ipinagcacatuwa n~g m~ga caharap ang nangyaring itó na

nagbíbigay wacás sa isáng usapíng totoong nagpapahírap na sa dalawang

magcalaban, ang bigláng pagdating n~g apat na guardia civil at isáng

sargento, na pawang sandatahan at nacalagay sa dúlo n~g fusil ang

bayoneta, siyáng sumirà n~g casayahan at nagdúlot n~g panghihilacbót sa

pulutóng n~g m~ga babae.-

--¡Huwág kikilos ang sino man!--ang sigaw n~g sargento.--¡Papúputucan

ang cumilos!

Hindî inalintana ni Ibarra ang gayóng paháyop na pagmamatapang, tumindig

siyá at lumápit sa sargento.

--¿Anó pô ang inyóng ibig?--ang itinanóng.

--Na n~gayón din ay ibigáy sa amin ang isáng may casalanang

nagn~gan~galang Elías, na sa inyó'y namimiloto canínang umaga,--ang

isinagót na may anyóng pagbabálà.

--¿Isáng may casalanan?... ¿Ang piloto? ¿Cayó po'y nagcacamali

marahil!--ang itinugón ni Ibarra.

--Hindî pô; n~gayo'y isinumbóng na naman ang Elías na iyáng nagbúhat n~g

camáy sa isáng sacerdote....

--¡Ah! ¿at iyán ba ang piloto?

--Iyán n~gâ, áyon sa sábi sa amin; tumátanggap pô cayó sa inyong m~ga

pagsasaya, guinoong Ibarra, n~g táong may masamang caasalan.

Tiningnan ni Ibarra ang sargento mulâ sa m~ga paa hanggáng sa úlo at

sinagót siyá n~g lubháng malaking pagpapawaláng halagá:

--Hindî co cailan~gang acó'y magsúlit sa inyó n~g áking m~ga guinágawâ!

Tinatangggap namin n~g boong cagandahan n~g loob ang sino man sa áming

m~ga pagsasayá, at cayó man, cung cayó'y pumaríto sana, inyó disíng

nasunduan ang isáng luclucan sa mesa, na gáya naman n~g inyóng alférez

na capanayám namin ditong dalawáng horas lámang ang calálampas.

At pagcawicà nito'y tinalicuran siyá.

Kinagát n~g sargento ang canyáng m~ga bigote, at sa pagca't

napagdilidili niyáng siyá ang lalong mahínà, ipinag útos na paghanapin

sa magcabicabilâ at sa m~ga cacahuyan ang piloto, na ang anyô nitó'y

nacatitic sa capirasong papel na canyáng dalá. Itó ang sinabi ni Don

Filipo sa canyá:

--Inyóng talastasing naaangcap ang m~ga anyó't calagayang iyán sa siyám

n~g bawa't sampong dalisay na filipino; ¡bacâ pô cayó'y magcamalî!

Sa cawacasa'y bumalíc ang m~ga sundalo, at caniláng sinabing waláng

nakita silang bangcâ ó táong síno mang macapagbigáy hinála; nagsabi n~g

pautál-utál ang sargento n~g iláng salitâ at sacâ umalis na tulad n~g

pagdating: ása guardia civil.

Untîuntíng nanag-úli ang katuwâan, umulán ang m~ga tanóng at sumagána

ang m~ga salisalitaan tungcól sa nangyári.

--¡Cung gayo'y iyán palá ang Elías na naghúlog sa alférez sa isáng

pusáw!--ang sábi ni Leóng nag-iísip-isip.

--¿At paáno bâ ang nangyaring iyón, paano?--ang tanóng n~g iláng ibig

macatantò n~g líhim.

--Ang sabi'y násalubong daw n~g alférez ang isáng táong may pas-áng

cáhoy na panggátong, n~g isáng áraw na umuulan n~g mainam n~g buwán n~g

Septiembre. Totoong mapútic ang daan at sa tabí lamang may makipot na

landás na malalakaran n~g iísang táo. Ang guinawâ raw n~g alférez ay

hindî piniguil ang cabayo na siyáng dápat sana, cung dî bagcós pinatulin

at sumigáw sa táong siya'y umudlót: tíla mandin hindî íbig n~g taong

iyóng bumalíc sa pinanggalín~gan ó áayaw na málubog sa pusáw, caya't

nagpatúloy n~g paglacad. Sa gálit n~g alférez ay inacálang siya'y

ipatáhac, n~guni't cumúha ang táo n~g caputol na cáhoy at pinacapalòpálô

ang úlo n~g háyop nang boong lakás, na anó pa't nábulagtâ ang cabayo't

napatapon sa pusáw ang alférez. Sinasabi ring ipinagpatuloy daw n~g

táong iyón ang paglacad n~g boong tiwasáy, na hindî niyá alumana ang

limáng balang ipinahabol sa canyá n~g alférez na nabulagan sa marubdób

na gálit at sa lúsac. Sa pagca't túnay na hindî kilalá n~g alférez cung

síno ang táong iyón, hininalang marahil ay ang bantóg na si Elías, na

gáling sa lalawígang may iláng buwán pa lamang, na dî alám cung

tagasaán, at napakilala sa m~ga guardia civil sa iláng báyan dáhil sa

m~ga cawan~gis n~g gayon din m~ga cagagawán.

--¿Cung gayó'y tulisán palá siyá?--ang itinanóng ni Victoriang

kiníkilig.

--Sa acálà co'y hindî, sa pagcá't minsan daw ay siyá'y nakilaban sa m~ga

tulisán isáng araw na caniláng linolooban ang isáng báhay.

--¡Walang mukháng masamáng táo!--ang idinugtóng ni Sínang.

--¡Walâ, totóo lamang mapangláw ang canyáng tin~gín: hindî co nakitang

siyá'y n~gumitî man lamang sa boong umaga,--ang sinábî ni María Clara.

Sa gayó'y nagdáan ang hápon at dumatíng ang horas n~g pag-owî sa bayan.

Nan~gagsialís silá sa gúbat n~g iliníliwanag ang m~ga hulíng sínag n~g

naghíhin~galong áraw, at nagdaan siláng hindî umíimic sa malapit sa

mahiwágang pinaglibín~gán n~g núnò ni Ibarra. Pagcatápos ay nanag-úlì

ang masayang m~ga salitaang maín~gay, puspós n~g canin~gasan, sa sílong

n~g m~ga san~gá n~g cáhoy na iyong hindî totóong sanáy na macárinig n~g

gayóng caráming m~ga voces. Tila mandin namámanglaw ang m~ga cáhoy,

umúugoy ang m~ga gumagapang na m~ga damó at warí'y sinasabi: ¡Paalam

cabatâan! ¡Paalam, panag-ínip na isáng áraw!

At n~gayón, sa liwanag n~g mapupulá at malalakíng nin~gas n~g m~ga

sigsíg; at sa tugtog n~g m~ga guitarra, bayaan natin siláng lumácad na

patun~gó sa bayan. Nagbabawas ang m~ga pulutóng, namámatay ang m~ga

ilaw, napípipi ang guitarra, samantalang silá'y nálalapit sa tahanan n~g

m~ga táo. ¡Ilagáy ninyó ang inyóng "máscara", sa pagca't cayo'y

makikipanayam na namán sa inyóng m~ga capatíd!

=XXV.=

=SA BAHAY NG FILOSOFO=

Pagca umaga n~g kinabucasan, pagcatapos na madálaw ni Juan Crisóstomo

Ibarra ang canyang m~ga lúpà, siyá'y tumún~go sa báhay ni mátandang

Tasio.

Lubós na lubós ang catahimican sa halamánan, sa pagca't ang m~ga

lan~gay-lan~gayang nan~gagsasalimbayan sa palibót n~g balisbisa'y

bahagyâ na umiin~gay. Sumísibol ang malilit na damó sa lúmang pader na

guinagapan~gan n~g cawán~gís n~g báguing na bumubordá sa m~ga bintánà,

malíit na bahay na anaki'y siyáng tahanan n~g catahimícan.

Maín~gat na itináli ni Ibarra ang canyáng cabáyo sa isáng halígui,

siyá'y lumacad n~g hálos patiad n~g pagdadahandahan at canyáng tináhac

ang halamanang malínis at totoong magaling ang alágà; pinanhíc ang

hagdánan, at siya'y pumasoc, sa pagca't bucas ang pintô.

Ang únang nakita niyá'y ang matandâ, na nacayucód sa isang libro na tíla

mandín canyáng sinusulatan. May napanood sa m~ga pader na tinitipong

m~ga maliliit na m~ga háyop at m~ga dahon n~g m~ga cáhoy at damó, sa

guitnâ n~g m~ga "mapa" at lúmang estanteng punô n~g m~ga libro at n~g

m~ga súlat-camáy.

Lubhang nalilibang ang matandâ sa canyang guinagawâ, na ano pa't hindî

naino ang pagdating n~g binatà, cung dî n~g ito'y aalis na sana, sa

pagcaibig na huwag macagambalà sa matandang iyón.

--¡Abá! ¿nariyan pó bâ cayó?--ang itinanóng, at tiningnan si Ibarra n~g

wari'y nangguiguilalás.

--Ipagpaumanhin pô ninyó,--ang isinagót nitó,--cayó pô pala'y maraming

totoong guinagawâ....

--Siya n~gâ pô, sumusulat acó n~g cauntî, datapuwa't hindî dalî-dalì at

ibig cong magpahin~gá. ¿May magagawâ pô bâ acóng anó mang sucat ninyóng

pakinaban~gan cahi't babahagyâ?

--¡Malaki pô!--ang isinagót ni Ibarra at saca lumapít;--datapuwa't....

At sinulyáp ang librong na sa ibabaw n~g mesa.

--¡Aba!--ang biglang sinabing nangguíguilalas; guinagamít po ba ninyo

ang inyong panahon sa pagsisiyasat cung anó ang cahulugán n~g m~ga

"geroglífico?"

--Hindî pô!--ang isinagót n~g matandáng laláki, at tuloy nag-álay sa

kanyá n~g isáng "silla";--hindî nacacawatas acó n~g egipcio ó n~g copto

man lamang, datapuwa't may cauntì akóng nalalamang paraan sa pagsulat

niyan, caya acó'y sumulat n~g m~ga "geroglífico."

--¿Sumusulat pô cayó n~g m~ga "geroglifico"? ¿At bákit pô?--ang

itinanóng n~g binatang nag-aalinlan~gan sa nakikita't naririn~gig.

--N~g huwag mabasa nino man sa m~ga panahóng itó ang aking sinusulat.

Tinitigan ni Ibarra ang matandang lalaki, at ang ísip niya'y bacâ

nasisirà ang ísip nitó. Madaling madalíng siniyásat ang aclat, sa pagca

íibig niyang maalaman cung nagsisinun~galing, at canyang námasdang

totoong magalíng ang doo'y pagcacaguhit n~g m~ga hayop, m~ga gúhit na

bilóg, m~ga gúhit na anyóng pabilóg, m~ga bulaclac, m~ga paa, m~ga

camay, m~ga bisig, at iba pa.

--¿At bakit pô cayó sumusulat cung talagang aayaw cayóng mabasa nino man

ang inyóng sinusulat?

--Sa pagca't hindî co iniuucol ang áking sinusulat sa m~ga taong

nabubuhay n~gayón; sumusulat acó at n~g mabasa n~g m~ga taong

ipan~gan~ganak pa sa m~ga panahong sasapit. Cung mababasa n~g m~ga tao

n~gayon ang aking m~ga sinusulat ay canilang susunuguin ang aking m~ga

aclat, na siyang pinagcagugulan co n~g pagal n~g boong aking búhay;

datapuwa't hindi gayón ang gagawin n~g m~ga taong ipan~gan~ganak pang

macababasa n~g aking m~ga sinusulat n~gayón; sa pagca't ang m~ga taong

ipan~gan~ganak pang iyo'y pawang maguiguing m~ga pantas at mauunawâ nila

ang aking m~ga adhicâ at canilang wiwikain: HINDI NATULUG NA LAHAT SA

GABI N~G AMING M~GA NUNO! Ililigtas n~g talinghagà ó n~g m~ga cacaibang

m~ga letrang itó ang aking gawâ, sa camangman~gan n~g m~ga tao, na gaya

naman n~g pagcaligtas sa maraming m~ga catotohanan n~g talinghaga ó n~g

m~ga cacaibang m~ga pagsambá at n~g di sirain n~g mapangwasak na m~ga

camay n~g m~ga sacerdote.

--At ¿sa anóng wica sumusulat po cayo?--ang itinanong ni Ibarra,

pagcatapos n~g isang sandalíng hindî pag-imíc.

--Sa wica natin, sa tagalog.

--¡At nagagamit pô ba sa bagay na iyan ang m~ga "geroglifico"?

--Cung di lamang sa cahirapan n~g magdibujo, nagcacailan~gan n~g panahón

at tiyaga, halos masasabi co sa inyóng lalong magaling na gamitin ang

m~ga "geroglifico sa pagsulat n~g ating wikà cay sa "alfabeto latino".

Tagláy ang m~ga "vocal" n~g dating "alfabeto egipcio"; ang ating o na

pangwacas na vocal na na sa calaguitnàan n~g o at n~g u; wala rin sa

egipciong túnay na tunóg ang E; na sa "alfabeto egipcio" ang ating ha at

ang ating kha na wala sa "alfabetong latín" ayon sa paggamit natin sa

castila. Sa halimbawà; sa sabing mukha,--ang idinugtong na itinuro ang

libro--lalong nababagay na aking isulat ang sílabang ha sa pamamag-itan

nitóng anyóng isdâ cay sa letrang latina na ipinan~gun~gusap sa Europa

sa pamamag-itan n~g iba't ibáng paraan. Sa isáng pan~gun~usap na hindî

totoong ipinahahalatâ ang letrang itó, gáya sa halimbáwa dito sa sábing

hain, na dito'y hindî totooog mariin ang pan~gun~gusap n~g h, ang

guinagamit co'y itóng "busto" n~g leó ó itóng tatlóng bulaklak n~g loto,

ayon sa bilang n~g "vocal." Hindî lámang itó, nagágawâ co rito ang

pagsúlat n~g tínig na sa ilóng lumálabas, letrang walâ sa "alfabeto

latinong" kinastilà. Inuulit cong cung hindî n~gâ lámang sa cahirápan

n~g pagdidibujo na kinacailan~gang pacabutihin, hálos magagamit n~gâ ang

m~ga "geroglifico"; datapowa't ang cahirapang ding itó ang siyang

pumimipilit sa aking huwag magsalitâ n~g maláwig at huwag magsaysay cung

dî iyóng catatagán at kinakailan~gan lámang: bucód sa rito'y sinasamahan

acó n~g pinagpapagalan cong itó, pagca umáalis ang áking m~ga panauhing

tagá China at tagá Japón.

--¿Anó pong sábi ninyó?

--Hindî pô ba ninyo náririn~gig? M~ga lan~gaylan~gayan ang áking m~ga

panauhin; n~g taóng itó'y nagcúlang n~g isá; maráhil siyá'y hinúli n~g

síno mang masamáng bátang insíc ó japonés.

--¿Bakit pô nalalaman ninyóng silá'y nanggagaling sa m~ga lupaíng iyán?

--Dahil pô sa isáng magaáng na paraan: may iláng taón na n~gayóng bágo

silá umalís ay itinatalì co sa caniláng paa ang isáng maliit na papel na

may nacasúlat na "Filipinas" sa wicang inglés, at inaacalà cong hindî

totóong maláyò ang caniláng pinaroroonan, at sa pagcá't sinásalita ang

wicang inglés hálos sa lahát n~g pánig n~g m~ga dácong itó. Hindî

nagcamít casagutan ang maliit cong papel sa loob n~g mahabang panahón,

hanggáng sa cawacasa'y ipinasulat co sa wicang insíc, at ang nangyari'y

silá'y bumalic n~g noviembreng sumunód na may m~ga daláng ibáng m~ga

maliliit na papel, na aking ipinabasa: nacasúlat ang isá sa wícang

insíc, at yaó'y isáng báti magmula sa m~ga pampan~gín n~g Hoangho, at

ang isá, alisunod sa insíc na áking pinagtanun~gan, yaón daw marahil ay

wicang japonés. Datapuwa't cayó po'y áking linílibang sa m~ga bagay na

itó, at hindî co itinatanong sa inyó cung sa paanong bagay

macapaglílingcod acó sa inyó.

--Naparito pô acó't ibig cong makipag-úsap acó sa inyó tungcól sa isang

bagay na mahalaga,--ang isinagót n~g binatà;--cahapon n~g hapo'y....

--¿Hinúli pó ba ang cúlang pálad na iyan?--ang isinalabat n~g matandang

lalaking malaking totóo ang pagca ibig na macaalam.

--¿Si Elías pô ba ang inyóng sinasabi? ¿Bakin pô ninyó naalaman?

--¡Aking nakita ang Musa n~g Guardia Civil.

--¡Ang Musa n~g Guardia Civil! ¿At sino pô ba ang Musang iyan?

--Ang asawa n~g alférez, na inyóng inanyayahan sa inyóng pagcacatuwa.

Cumálat cahapon sa báyan yaong nangyari sa buwaya. Cung gaano ang

catalásan n~g ísip n~g Musa n~g Guardia Civil ay gayon din ang

catampalasanan n~g canyáng budhî, at hininálà na maráhil ang piloto'y

yaong napacapan~gahas na nag-abaáng sa canyang asawa sa pusaw at

bumuntál cay párî Dámaso; at sa pagca't siya ang bumabasa n~g m~ga

"parte" (casulatang nagbibigay álam n~g anó mang bagay na nangyayari) na

dapat tanggapin n~g canyáng asáwa, bahagyà pa lamang dumarating itó sa

canyang bahay na lan~gó at walang malay, inutusan ang sargento, sampô

n~g m~ga soldado, at n~g bagabaguin ang fiesta, upang macapanghigantí sa

inyó, ¡Mag-in~gat pó cayó! Si Eva'y mabait na babae, palibhasa'y

nanggâling sa m~ga camay n~g Dios ... Masama raw babae si doña

Consolación, at waláng nacacaalam cung caninong camáy siya nanggáling!

Kinacailan~gang naguing "doncella" ó naguíng ina, minsan man lámang,

upang gumalíng ang isang babae.

N~gumitî n~g cauntî si Ibarra, sacâ súmagót, casabay ang pagcuha sa

canyang cartera n~g iláng m~ga papel.

--Malìmit na nagtátanong pô sa inyó ang aking nasírang amá sa iláng m~ga

bagay, at natátandaan cong páwang casayahan ang canyang tinamó lamang sa

pagsunód sa inyong m~ga cahatulan. May casalucuyan acóng isang munting

gawain íbig cong papagtibayin ang magandang calalabasan.

At sinabi ni Ibarra sa matandang lalaki sa maiclíng pananalitâ, ang

pinagbabalac na escuelahang canyang inihandóg sa canyang

pinan~gin~gibig, at inilahad sa m~ga mata n~g nagtatacang filósofo ang

m~ga planong galing Maynila na sa canya'y ipinadala.

--Ibig co sanang ihatol pô ninyó sa akin cung sinosino sa bayan ang m~ga

taong aking susuyuin, at n~g lalong lumabás na magalíng ang gawaing itó.

Kilalá pô ninyóng totóo ang m~ga táong nananahan dito; acó'y bágong

carárating at hálos acó'y isáng manunuluyang tagá ibang lupaín sa aking

sariling bayan.

Sinisiyásat ni matandáng Tasiong sa m~ga mata'y nangguiguilid ang m~ga

lúhà, ang m~ga planong na sa canyáng haráp.

--¡Ang inyóng ipagpapatuloy na yariin ay ang aking panaguinip, ang

panaguinip n~g isáng abáng sirâ ang ísip!--ang bigláng sinábing

nabábagbag ang lóob;--at n~gayó'y ang únang ihahatol co pô sa inyó'y ang

huwág na mulíng cayó'y magtanóng sa ákin magpacailan man!

Tinin~gnán siyá n~g binátang nangguíguilalas.

--Sa pagcá't ang m~ga táong matitinó'y ipalalagay pô cayóng sirâ rin ang

pag-iísip,--ang ipinagpatuloy n~g pananalitáng masacláp na

pagpalibhásà.--Inaacalà n~g táong páwang m~ga sirâ ang ísip n~g síno

mang hindî nag-iisip n~g wan~gis na canilá; itó ang dahilán at

ipinalálagay nilá acóng ul-ól, at ang gayó'y kinikilala cong útang na

lóob, sa pagcá't ¡ay, sa aba co! sa araw na ibig niláng ibalic sa aking

boo ang sirâ cong ísip; sa araw na iyá'y áalsan acó n~g cauntíng

calayâang áking binilí sa halagá n~g pagca-acó'y táong may cálolowa. ¿At

síno ang nacacaalam cung silá n~gâ ang may catuwiran? Hindî acó

nag-iisip at hindî acó nabubuhay alinsunod sa caniláng m~ga cautusán;

pawang m~ga ibá ang áking sinúsunod na m~ga palatuntunan, ang áking m~ga

adhicâ. Sa ganáng canilá'y ang túnay na matinó'y ang gobernadorcillo, sa

pagca't palibhása'y waláng ibáng pinagaralan cung dî ang magdúlot n~g

chocolate at magtiis n~g casam-án n~g asal ni párì Dámaso, n~gayó'y

mayaman, liníligalig niyá ang m~ga maliliit na capaláran n~g canyáng

m~ga cababáyan at cung magcabihirà pa'y nagsásalitâ n~g tungcól sa

catuwíran. "Matalas ang pag-iísip n~g táong iyán" ang inaacalà n~g m~ga

han~gal; "tingnan ninyó't sa waláng anó ma'y nacapagpalakî sa sarili!"

Datapuwa't acóng nagmána n~g cayamanan, m~ga pagca-aláng-álang n~g

cápuwà, acó'y nag-áral, n~gayó'y isáng mahírap acó, at hindî acó

pinagcatiwalâan n~g lálong waláng cabuluháng tungcúlin, at ang sinasabi

n~g lahát: "¡Iyá'y isáng ul-ól, iyá'y hindî nacauunawà cung anó ang

pamumuhay!" Tinatawag acó n~g curang "filósofo" n~g palibác, na ang

ipinahihiwatig ay acó'y isáng madaldal na ipinagmámayabang ang m~ga

pinagarálan sa Universidad, gayóng siyá pa namáng lálong waláng

cabuluhán. Marahil n~gâ namá'y acó ang túnay na báliw at silá ang m~ga

tinô, ¿síno ang macapagsasabi?

At pinaspás n~g matandâ ang canyáng úlo, na anàkí ibig niyang palayuin

ang isáng pag-iísip, at sacâ nagpatúloy n~g pananalitâ:

--Ang icalawáng maihahatol co sa inyó'y magtanóng pô cayó sa cura, sa

gobernadorcillo, sa lahát n~g m~ga táong nacacacaya; bibigyan cayó nilá

n~g m~ga masasamâ, han~gál at waláng cabuluháng m~ga cahatulán;

datapuwa't hindî pagtalîma ang cahulugán n~g pagtatanóng, magpacunuwarî

cayóng sinúsunod ninyó silá cailan man at mangyayaring gawin ninyo, at

inyóng ipahayag na iniaalinsunod ninyó sa canilá ang inyóng m~ga gawâ.

Naglininglínìng n~g sandali si Ibarra at nagsalitâ, pagcatapos:

--Magalíng ang inyóng hátol, n~guni't mahirap sundin. Dapuwa't ¿hindî

n~gâ cayâ maipagpatuloy co ang aking panucálà na hindî tumakip sa

panúcalang iyán ang isáng dilím? ¿Hindî bagá cayâ magawâ ang isáng

cagalin~gan cahi't tahákin ang lahát, yámang hindî cailan~gan n~g

catotohanang manghirám n~g pananamit sa camalîan?

--¡Dáhíl diyá'y walâ sino man sumisinta sa catotohanang hubád! Magalíng

ang bágay na iyán sa salitâ, mangyayari lamang sa daigdîg na

pinápanaguimpan n~g cabatâan. Náriyan ang maestro sa escuela, na walang

tumútulong síno man, sangól na púsong nagmithî n~g cagalin~gan ay walang

ináni cung di libác at m~ga halakhác; sinábi ninyó sa áking cayó'y taga

ibang báyan sa inyóng sariling lupaín, at naniniwalâ acó. Mulâ sa únang

áraw n~g inyóng pagdatíng díto'y inyóng sinactán ang calooban n~g isáng

fraileng cabalitaan sa m~ga táong siya'y isáng banál, at ipinalalagay

n~g canyáng m~ga cápuwâ fraileng siyá'y isáng pantás. Loobin nawâ n~g

Dios na ang guinawâ ninyóng itó'y huwág siyáng maguing cadahilanan n~g

m~ga mangyayari sa inyó sa hináharap na panahón. Huwág po ninyóng

acalâing dáhil sa pinawawal-áng halagá n~g m~ga dominico at agustino ang

guinggóng hábito, ang cordón at ang salaulang pangyapác, na dahil sa

minsang ipinaalaala n~g isáng dakílang doctor sa Santo Tomás, na

ipinasiyá n~g papa Inocencio III, na lalong nauucol daw sa m~ga baboy

cay sa m~ga tao ang m~ga palatuntunan n~g m~ga franciscano'y hindî silá

man~gagcácaisa upang papagtibayin yaóng sábi n~g isáng fraileng

procurador: "Higuit ang ikinapangyayari n~g lálong walang cabuluháng

uldóg" cay sa Gobierno, cáhi't maguing casama pa nitó ang lahát niyáng

m~ga soldado "Cave ne cadas". Totóong macapangyarihan ang guintô;

madalás na inihápay n~g gúyang vacang guintô ang túnay na Dios sa

canyáng m~ga altar, at nangyayari itó búhat pa sa panahón ni Moísés.

--Hindî acô lubháng mapangláwin sa pag-iísip n~g mangyayari sa anó mang

bágay, at sa gánang ákin ay hindî namán napacapan~ganib ang pamumuhay sa

áking lupaín,--ang isínagót ni Ibarrang n~gumin~gitî.--Inaacalà cong

nápacalampas namán ang m~ga tácot na iyán, at umaasa acóng áking

magágawâ ang aking m~ga panucála, na hindî acó macacakita n~g malalaking

m~ga hadláng sa dácong íyan.

--Hindî n~ga, sacali't cayó'y tangkilikin nilá; datapuwa't magcacaroon

cayó n~g m~ga hadláng cung cayo'y hindî tangkilin. Casucatán na upang

madúrog na lahát ang inyóng m~ga pagsusumicap sa m~ga pader n~g bahay

n~g tinatahanan n~g cura, ang iwaswás n~g fraile ang canyáng cordón ó

ipagpág cayâ niyá ang canyáng hábito; itátanggui n~g alcalde bucas, sa

papaano mang dahilán, ang sa inyo'y ipinagcaloob n~gayon; hindî itutulot

n~g síno mang ináng pumásoc ang canyáng anác sa páaralan, at cung

macágayo'y baligtád ang ibubun~ga n~g inyóng lahát na m~ga pagpapagal:

macapanghihinà n~g lóob sa m~ga magpapanucálà pagcatapos, na tumikím

gumawâ n~g anó mang bagay na cagalin~gan.

--Bagá man sa inyóng sabí,--ang tugón n~g binátà, hindî acó macapaniwálà

sa capangyarihang iyang sinabi ninyó, at cáhit ipagpalagáy n~g

catotohanan, cahi't paniwalâan túnay n~ga, mátitira rin sa áking

pinacalábis ang bayang may pag-iísip, ang Gobiernong may manin~gas na

han~gad sa pagtatátag n~g m~ga panucalang totoong maiinam, taglay niyá

ang m~ga dakilang adhicâ at talagáng ibig n~ga niya ang icágagaling n~g

Filipinas.

--¡Ang Gobierno! ¡Ang Gobierno!--ang bulóng n~g filósofo, at sacà

tumin~galà upang tin~gnán ang bubun~gán.--Bagá man túnay na magcaróon

n~g manin~gas na nasang padakilâin ang lupaíng itó sa icágagaling n~g

m~ga taga rito rin at n~g Ináng Báyan; bagá man manacanacang alalahanin

n~g man~gisan~gisang m~ga nan~gan~gatun~gculan ang magagandang caisipán

n~g m~ga háring católico, at bangguitín cung siya'y napapag-isá, ang

Gobierno'y hindî nacakikita, hindî nacaririnig, hindî nagpapasiyá, liban

na lamang sa ibiguin n~g cura ó provincial na canyáng makita,

mápakinggan at mápasiyahán; lubós ang pagsampalatayang cayâ lamang siyá

matíbay ay dahil sa canilá; na cung siya'y nananatili'y sa pagca't

siya'y inaalalayan nilá; cung siya'y nabubuhay, sa pagca't

ipinahihintulot niláng siyá'y mabuhay, at sa araw na iwan siyá n~g m~ga

fraile'y siya'y matútumbang gáya n~g pagcatumbá n~g isang taotaohan

pagca walâ n~g sa canya'y pang-alalay. Tinatacot ang Gobierno sa

panghihimagsík n~g bayan, at tinatacot ang bayan sa m~ga hucbó n~g

Gobierno: nagmulà rito ang isang magaang na laróng nacacatulad sa

nangyayari sa m~ga matatacutin cung sila'y pumapasoc sa m~ga malulungcót

na lúgar; ipinalálagay niláng m~ga "fantasma" ang canilang sarilíng m~ga

anino, at ipinalálagay niláng m~ga voces n~g ibá ang m~ga alín~gawn~gaw

n~g caniláng sariling m~ga voces. Hindî macawáwalà ang Gobierno sa

pananalima sa m~ga fraile, samantalang hindî siyá nakikipag-alam sa

bayáng itó; mabubuhay siyang catúlad niyáng m~ga bátang báliw, na

pagdaca'y nan~gán~gatal márinig lámang ang voces n~g sa canya'y

tagapag-alágà, na caniláng pinacasusuyò n~g dî anó lámang at n~g sa

canila'y magpaumanhin. Hindî nagháhan~gad ang Gobiernong siya'y magtamó

sa hináharap na panahón n~g sariling lacás na sagánà, siya'y isáng bísig

lámang, sa macatuwíd ay tagaganáp; ang úlo'y ang convento, sa macatuwíd

ay siyáng tagapag-utos, at sa ganitóng hindî niyá pagkilos, nagpapaubayà

siyáng siya'y caladcarín sa magcabicabilang ban~ging malalalim, siya'y

naguiguing lilim lamang, nawáwal-an siyang cabuluhán, at sa canyáng

cahinaan at casalatan sa caya'y ipinagcacatiwalà niyang lahát sa m~ga

camáy na upáhan. Cung hindî'y inyó pong isúmag ang anyô n~g pamamahálà

sa atin n~g ating Pámunuan sa m~ga ibang lupaíng inyóng linacbáy ...

--¡Oh!--ang isinalabat ni Ibarra,--mapapacalabis namán ang m~ga

cahin~giang iyan; magcásiya na lámang táyo sa pagcakitang ang baya'y

hindî dumáraing, at hindî nagcacahirap na gaya n~g m~ga ibáng lupaín, at

ito'y salámat n~ga sa Religión at sa cabaîtan n~g m~ga púnong dito'y

namamahálà.

--¡Hindî dumáraing ang bayan, sa pagcá't waláng voces, hindî cumikilos

sa pagca't hindî nacacaramdam sa mapan~ganib na pagtulog, at hindî

nahihirapan, ang wicà po ninyó, sa pagca't hindî niyá nakikita cung

paano ang pagdurugô n~g canyáng púsò, ¡N~guni't makikita't maririn~gig

isáng áraw at ¡sa abá n~g m~ga lumiligaya sa pagdaráyà at sa gabí cung

man~gagsigawâ, dahil sa ang acálà nilá'y natutulog na lahát. ¡Pagca

naliwanagan n~g sícat n~g áraw ang carumaldumal na anác n~g m~ga

cadilimán, cung magcágayo'y dárating ang cakilakilabot na pananag-úlì

n~g ísìp, búbugsô at sasambulat ang hindî maulátang lacás na kinulóng sa

lubháng mahábang panahón, ang napacaraming camandág na isaisang patác na

sinálà, ang di masayod na m~ga himutóc na linunod ... ¿Cung magcágayo'y

sino cayâ ang magbabayad niyang m~ga útang na manacânacang sinísin~gil

n~g báyan ayon sa ating nababasa sa pigtâ n~g dugong m~ga dahon n~g

Historia?

--¡Hindî ipahihintulot n~g Dios, n~g Gobierno at n~g Religióng dumating

ang araw na iyan!--ang mulíng isinagót ni Crisóstomo, na nalálaguim n~g

laban sa canyang saríling calooban.--Sumasampalataya sa religión at

sumisinta sa España ang Filipinas; talastas n~g Filipinas cung gaano

calakí ang m~ga cagalin~gang guinágawâ n~g nación sa canya. Tunay n~ga't

may m~ga capaslan~gang nagagawa, hindî co rin naman icacailang siya'y

may m~ga caculan~gan; datapuwa't nagpapagal ang España n~g pagbabago n~g

m~ga cautusán at m~ga palácad na námamasid niyáng dî totóong wastô upang

mabigyáng cagamutan ang gayóng m~ga capaslan~gán at m~ga caculan~gan;

nagbabalac n~g m~ga bago't bagong panucálà, hindî masamang asal.

--Nalalaman co, at nárito ang casám-ang lálò. Ang m~ga pagbabagong utos

na nanggagaling sa mataas, pagdatíng sa baba'y nawawal-ang cabuluhán,

dahil sa m~ga pangit na pinagcaratihan n~g lahát, sa halimbawa, ang

manin~gas na han~gad na pagdaca'y yumaman at ang camangman~gan n~g

bayang ipinauubáya ang lahat n~g gawín n~g may m~ga salanggapang na

budhî. Hindî nasasalansà n~g isáng tadhanà n~g hárì ang m~ga gawang

lisyà n~g m~ga namiminúnò, samantálang hindî aban~gán n~g isáng

mapagmalasakit na macapangyarihan ang lubós na pagtalima sa tadhánang

iyón n~g hárì, samantalang hindî ipinagcacaloob ang calayâang magsalitâ

laban sa malalabis na m~ga cagagawan n~g nan~gaglúlupit na m~ga

harîharían sa bayan: mátitira sa pagcapanucála, ang m~ga panucála, ang

m~ga capaslan~ga'y mananatili't hindî masasawatâ, at gayón ma'y tahímic

na matutulog ang ministro, sa galác na siya'y nacatupád n~g canyáng

catungcúlan. Hindî lamang ito, sacali't pumarito ang isáng guinóong may

mataas na catungcúlang may taglay na m~ga dakila't magagandáng m~ga

han~gád, samantalang sa licura'y tinatawag siyáng-ulól, sa haráp niya'y

ganitó ang ipasísimulang sa canya'y iparinig: "hindî po nakikilala n~g

inyóng camahalan, ang lupaing ito, hindî pô nakikilala n~g inyóng

camahalan ang m~ga "indio", pasasamain pô n~g camalian ninyó silá, ang

mabuti po'y magcatiwalâ cayó cay "fulano" at cay "zutano" at ibá pa," at

sa pagca't hindî n~ga naman nakikilala n~g camahalan niya ang lupaing

hangga n~gayo'y na sa América ang canyáng boong acálà, at bucod sa roo'y

ma'y m~ga caculan~gan at may m~ga hindî mapagtagumpayán n~g marupóc

niyáng lóob, na gaya rin naman n~g lahát n~g táo, siya'y napahihinuhod.

Nadidilidili naman n~g camahalan niyang kinailan~gang siya'y magpatúlò

n~g maráming páwis at magcahírap n~g dî cawásà upang camtán niyá ang

catungculang hinahawácan, na tatlóng taón lamang ang itátagal n~g

catungculang iyón, na sa pagca't siyá'y may catandaan na'y

kinacailan~gang huwag n~g mag-íisip n~g m~ga pagtutuwid n~g licô at n~g

m~ga pagsasanggalang sa naaapi, cung dî ang iguiguinhawa niya sa

panahông darating; isáng malíit na "hotel" (magandang bahay) sa Madrid,

isáng mainam na tahanan sa labás n~g ciudad at isáng magaling na

pakikinabang sa taóntaón sa patubuang salapi upang macapagbúhay-guinháwa

sa pan~gulong báyang tahanan n~g hárì ang m~ga bagay n~gang itó ang

dapat paghanapin sa Filipinas. Huwág táyong humin~gî n~g m~ga

cababalaghán, huwág nating hin~ging magmalasakit sa icagagaling n~g

lupaíng itó ang tagá ibáng lupaíng naparirito at n~g macakita n~g

cayamanan at pagcatapos ay aalis. ¿Anóng cahalagahan sa canyá n~g

pagkilalang lóob ó n~g m~ga sumpâ n~g isáng bayang hindî niya kilalá, na

walâ síyáng ano mang súcat alalahanin at walâ naman doon ang canyáng

m~ga sinisinta? Upang tumimyas ang dan~gal ay kinacailan~gan

umalin~gawn~gaw sa m~ga tain~ga n~g ating m~ga iniibig, sa han~ging

sumisimoy sa ating tahanang bahay ó sa kinamulatang bayang mag-iin~gat

n~g ating bun~gô at m~ga but-ó, ... ibig nating maramdaman ang

pagcaunlac sa ibabaw n~g ating libin~gan, at n~g mapapag-init n~g

canyáng m~ga sinag ang calamigán n~g camatayan, n~g huwag namang totoong

mauwi na n~ga tayo sa wala, cung di may matirang anó mang

macapagpapaalaala sa atin. Alin man dito'y walâ tayong maipan~gacò sa

pumaparito upang mamanihalà n~g ating capalaran. At ang lalò pang

kasamasamaan sa lahát ay nan~gagsisi-alis pagka nagpapasimulâ na n~g

pagcaunawà n~g canilang catungculan. N~guni't lumálayô tayo sa ating

pinag-uusapan.

--Hindî, bago tayo magbalíc sa pinag-uusapan natin ay kinacailan~gang

cong pagliwanaguin ang iláng m~ga tan~ging bagay,--ang dalidaling

isinalabat n~g binatà. Mangyayaring sumang-ayon acóng hindî nakikilala

n~g Pamahalaan ang calagayan, caugalian at minimithî n~g bayan,

datapuwa't sa acala co'y lalong hindî nakikilala n~g bayan ang

Pamahalaan. May m~ga cagawad ang Pamahalaang walang cabuluhan, masasamâ,

cung itó ang ibig ninyóng aking sabihin, datapuwa't mayroon namang m~ga

cagawad na magagalíng, at ang magagalíng na ito'y waláng magawâ, sa

pagca't sumasaguitnâ sila n~g caramihang hindî gumágalaw, aayaw gumalaw,

ang m~ga mamamayan bagang bahagyâ, na nakikialam sa m~ga bagay na sa

canya'y nauucol. N~guni't hindî acó naparito't n~g makipagmatuwiran sa

inyo tungcol sa bagay na itó; naparito acó't n~g sa inyo'y humin~ging

cahatulan, at ang inyong sabi'y yumucód acó sa m~ga diosdiosang

catawatawá.

--Tunay n~gâ, at itó rin ang aking inuulit, sa pagca't dito'y

kinacailan~gang ibabâ ang ulo ó pabayaang ilagpác.

--¿Ibaba ang ulo ó pabayaang ilagpac?--ang inulit ni Ibarrang

nag-iisip-isip.--Totoong napacahigpit ang páhiran~gang iyán! N~guni't

¿bakit? Diyata't ¿hindî n~gâ cayâ mangyayaring magcaayos ang pagsinta sa

aking tinubuang lupa at ang pagsinta sa España? ¿Kinacailan~gan bagang

magpacaîmbi upang maguing magalíng na binyagan, papan~gitin ang sariling

budhi upang macagawa n~ga n~g isáng magaling na panucalà? Sinisinta co

ang aking tinubuang lúpà, ang Filipinas, sa pagca't siya ang

pinapacacautan~gan co n~g buhay at n~g aking caligayahan, at sa pagca't

dapat sintahin n~g lahat n~g tao ang canyang tinubuang lúpa; sinisinta

co ang España, ang lupang tinubuan n~g aking magugulang, sa pagca't baga

man sa lahat n~g bagay na nangyayari, pinagcacautan~gan siya at

pagcacautan~gan n~g Filipinas n~g canyáng caligayahan at n~g canyang

cagalin~gan sa panahong dárating; católico acó, nananatili sa aking

dalisay ang pananampalataya n~g aking m~ga magugulang, at hindî co

maalaman cung anóng cadahilanan at aking ibábabâ ang aking úlo, gayóng

mangyayari namang aking itunghay; cung anong cadahilanan at aking

ihahayin ang aking ulo sa aking m~ga caaway, gayong sila'y mangyayari co

namang yurakin!

--Sa pagca't na sa camay n~g inyóng m~ga caaway ang linang na ibig

ninyóng pagtamnan, at walâ cayóng lacás na mailalaban sa canilá....

Kinacailan~gan munang hagcan ninyó ang camay na iyang....

--¡Hagcán! Datapuwa't ¿nalilimutan na ba ninyong silasila ang pumatáy sa

aking amá, at siya'y caniláng hinucay at inalis sa canyang libin~gan?

N~guni't acóng canyáng anác ay hindî co nalilimutan, at cung hindî co

siya ipinanghihiganti'y, dahil sa linilin~gap co ang capurihan n~g

religión.

Itinun~gó ang úlo n~g matandáng filósofo.

--Guinoong Ibarra.--ang canyang isinagót n~g madalang na

pananalitá:--cung nananatili sa inyong alaala ang m~ga gunitaing iyan,

m~ga gunitaing hindî co maihahatol na inyóng limutin; huwag pô ninyóng

ipagpatuloy ang panucalang inyóng binabantang gawín, at hanapin ninyó sa

íbang dáco ang icagagaling n~g inyóng m~ga cababayan. Humihin~gi ang

panucalà ninyo na ang ibang tao ang gumawâ, sa pagca't upang mayarì,

hindi lamang salapi at han~gad na macayari ang kinacaìlan~gan; bucód sa

rito'y kinacailan~gan dito sa ating lupaín ang pagca matiisin, malabis

na catiyagaa't pagsusumicap at matibay na pag-asa, sa pagca't hindî

nahahanda ang linang; pawang m~ga dawag lamang ang nacatanim.

Napag-uunawà ni Ibarra ang cahalagahan n~g m~ga salitang itó; datapuwa't

hindî siya macapanglulupaypá'y; na sa canyang gunita ang alaala cay

María Clara; kinacailan~gang mayari ang canyang inihandóg na pan~gacò.

--¿Wala na bagáng ibang sa inyo'y maihatol ang dinanas ninyó cung di ang

mahigpít na paraang iyan?--ang itinanong sa mahinang pananalita.

Tinangnán siyá n~g matandáng lalaki sa bísig at saca siya dinalá sa

bintanà. Isang han~ging malamig na pan~gunahin n~g timog ang siyang

humihihip; nalalatag sa m~ga mata niya ang halamang ang hangganan ay ang

malawac na gubat na siyang pinacabacod.

--¿Bakit pô ba hindî natin tutularan ang gawa niyáng mahinang catawán

n~g halamang iyang humihitic sa dami n~g bulaclac at m~ga búco?--anang

filósofo, na itinuturò ang isang magandang púnò n~g

rosa.--Pagcahumihihip ang han~gin at ipinagwawagwagan siya, ang

guinagawa niya'y yumúyucod, anaki'y itinatagò ang canyang mahalagang

taglay. Cung manatili ang punò n~g rosa sa pagcatuwid, siya'y mababali,

isasabog n~g han~gin ang m~ga bulaclac at maluluoy ang m~ga búco.

Pagcaraan n~g han~gin, nananag-uli ang punò n~g rosa sa pagtuwid, at

ipinagmamalaki ang canyang cayamanan, ¿sino ang sa canya'y

macacapípintas dahil sa canyang pahihinuhod sa pan~gan~gailan~gan, sa

macatuwid baga'y sa pan~gan~gailan~gang pagyucod? Tan-awain po ninyo

roon ang lubhang mayabong na cáhoy na "cúpang" na iyón, na iguinagalaw

n~g boong cadakilaan ang canyang na sa caitaasang m~ga dahong

pinagpupugaran n~g lawin. Ang "cúpang" na iya'y dinala co ritong galing

sa gubat n~g panahong siya'y mahinà pang usbóng; inalalayan co ang

canyang catawan n~g maliliit na m~ga patpat sa loob n~g di cacaunting

panahón. Cung dinalá co rito ang cahoy na iyang malaki na't sagana sa

buhay, wala n~gang salang hindi sana siya nabuhay: ipinagwagwagan disin

siya n~g han~gin n~g panahóng hindi pa nacacacapit ang canyang m~ga ugat

sa lupa upang macapagbigay sa canya n~g kinacailan~gang icabubuhay,

alinsunod sa canyang laki at taas. Ganyan din pô naman ang maguiguing

wacas ninyo, halamang inacat na nanggalíng sa Europa at inilipat sa

mabatóng lupaíng itó, cung hindî cayó hahanap n~g sa inyo'y aalalay, at

hindî cayó magpapacalíit. Masama pô ang inyóng calagayan, cayó'y

nag-íisá, mataas; umuugà ang lúpà, nagbabalità ang lan~git n~g malakíng

unós, at napakita n~g nacahihicayat n~g paglapit n~g lintíc ang

maruruclay na dulo n~g inyong angcán. Hindî catapan~gan, cung di

capan~gahasang tacsil ang mag-isang makihamoc sa boong casalucuyang

náririto; wala sino mang pumipintas sa pilotong nan~gún~gubli sa isang

doon~gán sa unang hihip n~g han~ging nagbabalita n~g darating na bagyó.

Hindî caruwagan ang yumucod cung nagdaraan ang punglo (bala); ang

masama'y ang lumantad upang mahandusay at huwag na muling buman~gon.

--¿At magcacaroon cayâ n~g inaasahan cong bun~ga ang pag-amis sa

sariling itó?--ang itinanóng ni Ibarra;--¿maniniwalà cayâ sa akin at

lilimutin cayâ n~g sacerdote ang guinawâ co sa canyang pag-imbi? ¿Tunay

n~gâ cayang tutulong sila sa akin sa icalalagô n~g pagpapaaral sa m~ga

batà, na siyáng makikipan~gagaw sa convento n~g m~ga cayamanan n~g

bayan? ¿Hindî caya mangyaring sila'y magpacunwarî n~g pakikipag-ibigan,

magpaimbabaw n~g pagtatangkilic, at sa ilalim, sa m~ga cadiliman ay

siya'y bacahin, siraing unti-unti, sugatan ang canyang bucóng-búcong at

n~g lalong madaling maibuwal siyá, cay sa labanan n~g pamukhaan?

¡Alinsunod sa iniacalà po ninyong m~ga anyo'y maaasahang mangyayari ang

lahat!

Nanatili ang matandang lalaki sa hindî pag-imíc at hindî macasagót.

Nag-isip-isíp n~g ilang sandalî at sacâ nagsalitâ ulî:

--Cung gayón ang mangyari, cung maluoy ang inyóng panucalà, macaaaliw sa

inyong hapis ang pagcaalam ninyong inyong guinawâ ang lahat ninyong

macacaya, at gayon man ang cahinatna'y may cauntî ring pakikinaban~gin:

itatag ang unang bató, magtanim, at marahil cung macaraan na ang sigabo

n~g unós ay sumibol ang iláng butil, magnawnaw pagcalampas n~g

capahamacán, máligtas ang angcan sa pagcapahamac at sa cawacasa'y

maguing binhi n~g m~ga anac n~g maghahalamáng namatay. Mangyayaring

macapagpalacás n~g loob ang gayóng ulirán sa m~ga ibáng nan~gatatacot

lamang magpasimulâ.

Pinaglininglining ni Ibarra ang m~ga catuwirang itó, napagmasid ang

canyáng calagayan at napagwaring totoong na sa catwiran ang matandáng

lalaki sa guitnâ n~g canyang pagcamahiliguin sa paniniwala sa

mapapanglaw na casasapitan n~g anó mang panucalà.

--¡Naniwalâ acó sa inyó!--ang bigláng sinabi, at pinacahigpit ni Ibarra

ang camay n~g matandáng lalakì.--Hindi nasayang ang aking pag-asang

bibigyan pô ninyô acó n~g magalíng na cahatulán. N~gayón dín ay paparoón

acó sa cura't aking bubucsán sa canyá ang nilalaman n~g aking pusò, sa

pagca't ang catotohana'y walà naman siyáng guinagawâ sa aking anó mang

bágay na masamâ, sa pagca't hindî naman maguiguing cawan~gis na lahat

n~g nag-usig sa aking amá. Bucód sa rito'y may ipakikiusap pa acó sa

canyá tungcól sa icagagalíng niyáng culang palad na ulol na babaeng iyán

at n~g canyáng m~ga anác; ¡nananalíg acó sa Dios at sa m~ga tao!

Nagpaalam sa matandáng lalaki, sumacay sa cabayo at yumao.

--¡Masdán nating magaling!--ang ibinulóng n~g mapag-isip n~g mapapanglaw

na filósofo; na sinusundán si Ibarra n~g canyáng tanaw;--hiwatigan

nating mabuti cung paano cayâ ang gagawín ni Capalarang pagyarì n~g

pinasimulaang "comedia" sa liban~gan.

--N~gayo'y tunay na siya'y nagcacámali: pinasimulaan ang "comedia" n~g

caunaunahan pa bago nangyari ang sa libin~gan.

=XXVI.=

=ANG "VISPERA" NG "FIESTA."=

Tayo'y na sa icasampô n~g Noviembre, vispera (araw na sinusundan) n~g

fiesta (pagsasayá).

Iniiwan ang caugaliang anyó sa araw-araw, at gumagamit ang bayan n~g

isáng waláng cahulilip na casipagan sa bahay, sa daan, sa simbahan, sa

sabun~gan at sa cabukiran; pinupunô ang m~ga bintanà (durun~gawán ó

linib) n~g m~ga "bandera" at n~g m~ga "damáscong" may iba't ibang culay;

napupuspos ang alang-alang n~g m~ga ugong n~g m~ga putóc at n~g música;

nasasabugan at nalalaganapan ang han~gin n~g m~ga cagalacan.

Sarisaring minatamis na m~ga bun~gang cahoy rito ang nan~gacalagay sa

m~ga "dulcerang" (lalagyán n~g matamís) cristál na may sarisáring

masasayáng cúlay na pinag aayos-áyos n~g dalaga sa isang "mesita"

(maliít na mesa), na natátacpan n~g maputing "mantel" na "bordado."

Sumisiap sa "pátio" ang m~ga sisiw, cumacacac ang m~ga inahing manóc,

humagukhoc ang m~ga baboy, na nan~gaguíguitla sa catuwaan n~g m~ga tao.

Nagmamanhic manaog ang m~ga alilang may m~ga daláng doradang "vagilia"

(sasisaring bágay na lalagyan n~g pagcaing napapamutihan n~g m~ga

dibujong dorado), pilac na m~ga "cubierto" (cuchara, cuchillo at

tenedor) dito'y may kinagagalitan dahil sa pagcabasag n~g isang pingan,

doo'y pinagtatawanan ang isang babayeng tagabukid; sa lahat n~g daco'y

may nan~gag-uutos, nan~gag-uusapan, sumisigaw, nan~gagpipintasan,

nangagbabalacbalac, nan~gag-aaliwan ang isa't isá, at pawang caguluhan,

ugong, cain~gayán. At ang lahat n~g pagsusumicap na itó at itong lahat

na pagpapagal ay dahil sa panauhing kilala ó hindî kilala; ang

cadahilana'y n~g pagpakitaan n~g magandang loob ang taong marahil ay

hindî pa nakikita cailan mán, at marahil cailan man ay hindî na pakikita

pagcatapos; n~g ang tagaibang bayan, ang naglalacbay-bayan, ang

caibigan, ang caaway, ang filipino, ang castila, ang dukhâ, ang mayaman

ay umalis doon pagcatapos n~g fiestang natutuwa at walang maipintas:

hindî man lamang hinihin~gì sa canilang cumilala n~g utang na loob, at

hindî hinihintay sa m~ga panauhing yaong huwag gumawâ n~g anó mang

isasamâ n~g mapagcandiling magcacasambaháy samantalang tinutunaw ó cung

matunaw na sa tiyan ang canilang kinain. Ang m~ga mayayáman, ang m~ga

nacakita n~g higuit cay sa m~ga ibá, palibhasa'y nan~gaparoon sa

Maynilà, nan~gagsisibili n~g cerveza, champagne, m~ga licor, m~ga alac

at m~ga pagcaing galing Europa, m~ga bágay na bahagyà na nilá natiticman

ang isáng subò ó isáng lagóc. Magandang totoó ang pagcacahanda n~g

canyáng mesa.

Sa dacong guitnâ'y naroroon ang isáng "pinya-pinyahang" kinatutusucan

n~g m~ga panghinin~gáng marikít na lubhâ ang pagcacagawâ n~g m~ga

"presidiario" sa m~ga horas n~g caniláng pagpapahin~galay. Ang m~ga

panghinin~gáng itó'y may m~ga anyong "abanico," cung minsa'y catulad n~g

m~ga pinagsalitsalit na m~ga bulaclac, ó isáng ibon, isáng "rosa", isáng

dahon n~g anahaw, ó m~ga tanicalâ, na pinapagmulâ ang lahát n~g itó sa

isáng caputol na cahoy lamang: isáng bilanggong pinarurusahan sa

sapilitang pagtatrabajo ang may gawâ, isáng pan~gal na "cuchillo" ang

gamit na casangcapan at ang voces n~g bastonero ang siyang

nagtuturò.--Sa magcabilang tabí n~g pinyang itó, na tinatawag na

"palillera", nacalagáy sa m~ga cristal na "frutero" (lalagyan n~g

bun~gang-cahoy) ang nacatimbóng m~ga "naranjitas" (santones ang tawag

n~g iba), lansones, ates, chicos at manggá pa cung magca minsan, bagá

man buwan n~g Noviembre. Sacâ sa man~ga bandeja sa ibabaw n~g m~ga papel

na may burdang inukit at may m~ga pintáng makikináng na m~ga cúlay,

nacahayin ang m~ga "jamong" galing Europa ó galing China, isáng malaking

"pastel" na ang anyó'y "Agnus Dei," (tupang may tan~gay na banderang may

nacadibujong isang cruz), ó cayá'y calapati, ang Espíritu Santo marahil,

m~ga "pavo rellenado," at ibá pa; at sa casamahan n~g lahat n~g ito'y

ang pangpagana sa pagcaing m~ga frasco n~g m~ga "achara" na may

caayaayang m~ga dibujong gawâ sa bulaclac n~g bun~ga at ibá pang m~ga

gúlay at m~ga bun~gang halaman na totoong mainam ang pagcacahiwà na

idinigkít n~g "almibar" sa m~ga taguiliran n~g m~ga garrafón.

Linilinis ang m~ga globong vidrio, na pinagmanamana n~g m~ga ama't n~g

m~ga anác, pinakikintab ang m~ga tansong aro; hinuhubdan ang m~ga

lampara n~g petróleo n~g canilang mapupuláng m~ga funda, na sa canila'y

naglalagac sa loob n~g isang taón sa m~ga lan~gaw at sa m~ga lamoc na sa

canila'y sumisirâ; umuugoy, cumacalansing, umaawit n~g caligaligaya ang

m~ga "almendra" at m~ga palawit na cristal na nagkikinagan n~g

sarisaring maniningning na cúlay dahil sa anyô n~g pagcacatapyas; na ano

pa't anaki'y nan~gakikisaliw sa pagcacatuwâ, nan~gagsasayá

pinagpag-iiba't-iba ang ningning at pinasisinag sa ibabaw n~g mapuputing

m~ga pader ang m~ga cúlay n~g bahag-hari.

Ang m~ga bata'y nan~gaglalarô, nan~gagcacatuwâan, hinahabol ang

maniningning na m~ga cúlay, nan~gatitisod, nababasag ang m~ga tubo,

datapuwa't ito'y hindî nacacagambalà upang ipagpatuloy ang catuwaan n~g

fiesta: ibáng ibá ang caniláng casasapitan at ang m~ga luhà n~g caniláng

mabibilog na m~ga matá, ang siyang magsaysay cung mangyari ang ganitóng

pagbabasag sa ibáng panahon n~g isáng taón.

Lumalabás, na gaya rin n~g m~ga cagalang-galang na m~ga lámparang itó,

sa m~ga pinagtatagúan, ang m~ga pinagtiyagaang gawín n~g dalaga: m~ga

"velo" na sa "crochet" ang pagcacayarì, maliliit na m~ga alfombra, m~ga

bulaclac na gawáng camay; inilalabás din ang m~ga caunaunahang bandejang

sa calaguitnaa'y may nacapintáng isáng dagatang may m~ga maliliit na

isda, m~ga buaya, m~ga lamáng dagat, m~ga lúmot, m~ga coral at m~ga

batóng vidriong maniningning ang m~ga cúlay. Namamauló ang m~ga

bandejang itó sa m~ga tabaco, m~ga cigarrillo at maliliit na hitsóng

pinilí n~g maiínam na m~ga dalirì n~g m~ga dalága.

Cumikintáb na parang salamín ang tablá n~g báhay; m~ga cortinang júsi ó

piña ang m~ga pamuti n~g m~ga pintúan, sa m~ga bintana'y nacasabit ang

m~ga farol cristal, ó papel rosa, azul, verde ó pulá: napupuspos ang

bahay n~g m~ga bulaclac at n~g m~ga lalagyan n~g m~ga halamang

namumulaclac ó magaling na m~ga pamuti na ipinapatong sa m~ga pedestal

na loza sa China; pati n~g m~ga santo'y nan~gagsisigayac, ang m~ga

larawan at ang m~ga, "reliquia" ay nan~gagsásaya namán, pinapagpagán

silá n~g alabóc at binibitinan n~g pinagsalitsalit na m~ga bulaclac ang

caniláng m~ga marco.

Nan~gagtátayô sa m~ga daán, sa láyong hálos nagcacatuladtulad, n~g

maiinam na m~ga arcong cawayang binurdahan sa libolibong paraang

tinatawag na "sincában", at naliliguid n~g m~ga caluscós, na makita

lámang n~g m~ga bata'y nan~gagsasayahan na. Sa paliguid n~g patio n~g

simbaha'y naroon ang malaking toldang pinagcagugúlan n~g mainam, na m~ga

punò n~g cawayan ang m~ga túcod, at n~g doon magdáan ang procesion. Sa

ilalim n~g toldang ito'y nan~gaglalaró ang m~ga báta, nan~gagtatacbuhan,

nan~gag-aacayatan, nan~gaglulucsuhan at caniláng pinupunit ang m~ga

bagong barong talagáng caniláng pagbibihisan sa caarawan n~g fiesta.

Nan~gagtayô doon sa plaza n~g tablado, palabasan n~g comediang ang m~ga

guinamit na kasangcapa'y cawáyan, páwid at cáhoy. Diyan magsasaysay n~g

m~ga cahan~gahan~gà ang comediang Tundo, at makikipag-unahan sa m~ga

dios sa cababalaghan: diyán cácanta at sásayaw si na Marianito,

Chananay, Balbino, Ratia, Carvajal, Yeyeng, Liceria at iba pa.

Kinalulugdan n~g Filipino ang teatro at nan~gagsusumicap n~g pagdaló sa

m~ga guinágawang palabas na m~ga drama; pinakikinggang hindî umiimíc ang

cantá, kinatutuwâan ang sayáw at ang "mímica", hindî-sumusutsot, (tandâ

n~g pagpintas,) n~guni't hindi namán pumapacpac (tanda n~g pagpupuri)

¿Hindî niyá naibigan ang pinalabas? Ang guinágawa'y n~ginan~gan~gan~gà

ang canyáng hitsó, ó cung dílì cayá'y umaalis na hindî guinagambálà ang

ibáng maráhil ay nan~galúlugod sa pinalálabas na iyón. Manacanacang

humíhiyaw lámang ang m~ga mámamayang han~gál, pagcâ hináhagcan ó

niyayacap n~g lumálabas na m~ga laláki ang lumálabas na m~ga babae;

datapwa't hindî lumálampas sa gayóng gawâ. N~g úna'y walang pinalálabas

cung hindî m~ga drama lamang; gumágawa ang poeta n~g bayan n~g isáng

cathang doo'y hindî naaaring hindî magcaroon n~g labanán,

pagcacadalawang minuto, isang mapagpatawang "túpay" at cakilakilabot na

m~ga malicmatang pagbabagobago n~g anyô. Datapwa't mula n~g maisipan n~g

m~ga artista sa Tundóng gumawa n~g labanán bawa't icalabing limáng

"segundo" at maglagay n~g dalawang túpay, at magpalabas n~g m~ga cathang

lálò n~g dî súcat mapaniwalâan, mulâ noó'y caniláng natabúnan ang

caniláng m~ga capan~gagáw na m~ga tagá lalawígan. Sa pagca't totoóng

malulugdin sa bagay na gayón ang gobernadorcillo, ang guinawâ niya'y

canyang piniling camalam ang cura, ang comediang "Principe Villardo, ó

ang m~ga pácong binúnot sa imbíng yun~gib", dramang may "magia" at may

m~ga "fuegos artificiales."

Mayá't mayá'y nirerepique n~g boong galác ang m~ga campanà, ang m~ga

campanà ring iyón ang dumúdoblas n~g camacasampong araw. M~ga ruedang

may m~ga bomba at m~ga "verso" (morterete) ang siyáng umu-ugong sa

împapawid; ipakikita ang canyáng dunong n~g "pirotécnico" ó castillerong

filipino, na natutuhan ang canyáng "arte" na sino ma'y waláng nagtuturo,

naghahanda n~g m~ga toro, m~ga castillong may m~ga paputóc at may m~ga

"luces de Bengala", m~ga globong papel na pinapantog n~g han~ging

mainit, m~ga "rueda de brillante," m~ga bomba, m~ga cohetes at ibá pá.

¿Tumútunog sa maláyò ang caayaayang alin~gawn~gáw? Pagdaca'y nan~gag

tatácbuhan ang m~ga batang lalaki at nan~gag-úunahan sa pagtún~go sa

labás n~g báyan upang salubún~gin ang m~ga banda n~g música. Limá ang

inupahan, bucód sa tatlóng orquesta. Hindî dapat mawala ang música n~g

Pagsanghang ang escribano ang siyang may arì, at gayón din ang música

n~g S.P. de T., na balitang totoo n~g panahóng iyón, dahil sa ang

namamatnugot ay ang maestro Austria ang lagalag bagáng si "cabo

Mariano," na ayon sa sabihana'y dala raw niya sa dulo n~g canyáng batuta

ang pagcabantog at ang magagandang tínig. Pinupúri n~g m~ga musico ang

canyáng marcha fúnebre "El Sauce", at canilang pinanghihinayang siya'y

hindî nacapag-aral n~g música, sa pagcá't sa cagalin~gan niyáng umísip

ay macapagbibigay dan~gal sana siyá sa canyáng kináguisnang báyan.

Pumasoc na ang música sa bayan at tumutugtog n~g masayang m~ga "marcha"

na sinúsundan n~g m~ga bátang marurumi ang pananamit ó halos m~ga hubo't

hubád: may ang bárò n~g canyáng capatíd ang suot, may ang salawál n~g

canyáng amá. Pagdacang tumitiguil ang música'y nasasaulo na nilá ang

tugtuguing caniláng nárinig, caniláng inuulit na sa aguing-íng n~g bibig

ó isinusutsot ang tugtuguing iyón n~g lubós na cakinisan, at caniláng

pinasisiyahan na cung magandá ó pan~git.

Samantala'y nan~gadaratin~gan ang m~ga carromata, m~ga calesa ó m~ga

coche n~g m~ga camag-anac, n~g m~ga caibigan, n~g m~ga hindî cakilala

n~g m~ga tahur na dalá ang canicanilang lalong magagaling na m~ga manóc

at m~ga supot n~g guintô, at nan~gaháhandang ipan~ganib ang caniláng

pamumúhay sa sugalan ó sa loob n~g "rueda" n~g sabun~gán.

--¡Tumatanggap ang alférez sa gabigabí n~g limáng pong piso!--ang

ibinúbulong n~g isáng laláking pandác at matabâ sa tain~ga n~g m~ga

bágong dating;--paririto si capitang Tiago at maglálagay n~g bangcâ; may

labíng-walóng libong dalá si capitang Joaquin. Magcacaroon n~g "liampó,"

sampóng líbo ang ilálagay na puhúnan ni insíc Carlos. Magsisirating na

gáling sa Tanawan, sa Lipá at sa Batan~gan at gayón din sa Santa Cruz,

ang malalacás na m~ga "punto" (mananayà). N~guni't magchocolate cayó.

Hindî tayo aanitan ni capitang Tiago, na gaya n~g taóng nagdaan:

tátatlong misa de gracia ang canyáng pinagcagugulan, at aco'y may mutyâ

sa cacáw. At ¿cumusta pô bâ ang familia?

--¡Mabuti po! ¡mabuti po! ¡salamat!--ang isinásagot n~g m~ga

nan~gin~gibang báyan;--at ¿si párì Dámaso?

--Magsesermón sa umaga si pári Dámaso at pagcágabí casama nating siya'y

magbábangcâ.

--¡Lalong mabuti! ¡lalong mabuti! ¡cung gayo'y walang ano mang

pan~ganib!

--¡Panátag, totoóng panatag tayo! ¡Bucód sa roo'y susubò si insic

Carlos!

At inaacma n~g matabang tao ang canyáng m~ga daliring warì'y nabibilang

n~g salapî.

Sa labas n~g bayan ang nangyayari nama'y nabibihis ang m~ga tagabundoc

n~g lalong magagaling nilang pananamit upang dalhín sa bahay n~g

canicanilang mamumuhunan ang pinatabang magalíng na m~ga inahing manoc,

m~ga baboy-ramó, m~ga usa, m~ga ibon; inilululan n~g m~ga ibá sa

mabibigat n~g hilahing m~ga carretón ang cáhoy na panggátong; ang m~ga

iba'y m~ga bún~gáng cáhoy, bihirang makitang m~ga dápò na nasusumpun~gan

sa gúbat; at ang m~ga iba'y nagdádala namán n~g bigà na may malalápad na

m~ga dáhon, ticás ticas na may m~ga bulaclac, na cúlay apóy upang

ipamúti sa m~ga pintuan n~g m~ga báhay.

N~guni't ang kinaroroonan n~g lálong malakíng casayahang hálos ay

caguluhan na'y doón sa isang malápad na capatágang mataas, na iláng

hacbáng lámang ang láyò sa báhay ni Ibarra. Cumacalairit ang m~ga

"polea", umaalin~gawn~gaw ang m~ga sigawan, ang mataguintíng na tunóg

n~g batóng nilalabrá, ang martillong pumúpucpoc n~g pácò, ang palacól na

inilalabrá n~g cahab-an. Caramihang táo ang dumúducal n~g lupa at

gumágawâ silá n~g isáng maluang at malálim na húcay naghahanay ang ibá

n~g m~ga batóng tinibág sa tibagan n~g báyan, nagbábaba n~g lulan n~g

m~ga carretón, nagbúbunton n~g buhan~gin, nan~gaglálagay n~g m~ga torno

at m~ga cabrestante....

--¡Dito! ¡doón iyan! ¡Madali!--ang isinísigaw n~g isáng maliit na

matandáng laláking ang pagmumukhá'y masayá at matalínò, na ang háwac na

pinacatungcód ay isáng metro na may tansô ang m~ga cantó at nacabilíbid

doón ang lúbid n~g isáng plomada. Iyón ang maestro n~g paggawâ, si ñor

Juang arquitecto, albañil, carpintero, blanqueador, cerrajero, pintor,

picapedrero at manacánacâ pang escultor.

--¡Kinacailan~gang itó'y mayari n~gayón din! ¡Hindî macapagtatrabajo

búcas at gágawin na ang ceremonia sa macalawa! ¡Madalî!

--¡Gawín ninyó ang hoyo sa isáng paraang maipasoc na angcáp na angcáp

ang tila híhip na itó!--ang sinasabi sa iláng m~ga picapedrero na

nan~gagpapakinis n~g isang malaking batóng parisucát;--¡sa loob nitó

iin~gatan ang ating m~ga pan~galan!

At inuulit sa báwa't tagaibáng báyang lumalapit, ang macalilibong

canyáng sinábi na:

--¿Nalalaman bâ ninyó ang áming itátayô? Talastasín ninyóng itó'y isáng

escuélahan, huwáran n~g m~ga ganitóng bágay rin, catúlad n~g m~ga

escuélahan sa Alemania, higuít pa ang cabutihan! ¡Ang arquitectong si

guinóong R. at acó ang gumuhit n~g plano, at acó ang namamatnugot sa

paggawâ! Siyá n~gâ, pô; tingnán ninyo. Itó'y maguiguing isáng palaciong

may dalawáng pinacapacpác; úcol ang isa sa m~ga bátang lalaki at ang

isá'y sa m~ga bátang babae. Magcacaroon dito sa guitnâ n~g isáng

malaking halamanang may tatlóng huwád sa bucál n~g túbig na sumusumpít

na paitaas, at caligaligaya ang sambúlat n~g m~ga patác; m~ga púnò n~g

cáhoy diyan sa m~ga taguilíran, maliliit na halamanan, at n~g ang m~ga

báta'y magtatanim at mag-aalágà n~g m~ga halaman sa m~ga horas n~g

pagliliháng, sasamantaláhin ang panahón at hindi sasayán~gin. ¡Tingnán

ninyó't malalalim ang m~ga simiento! Tatlóng metro at pitompó't limáng

centímentro. Magcacaroon ang bahay na itó n~g tatlóng bodega, m~ga

yun~gíb sa ilálim n~g lúpà m~ga bilangguan sa m~ga tamád mag-aral sa

malapít, sa totóong malapit sa m~ga pinaglalaruan at sa "gimnasio", at

n~g márinig n~g m~ga pinarurusahang bátà cung paano ang guinágawang

pagcacatuwâ n~g m~ga masisipag-mag-áral. Nakikita pô bâ ninyó ang

malaking lugar na iyáng waláng caanoano man? Itinátalaga ang capatagang

iyáng lampaslampasan ang han~gin upang diyán man~gagtacbúhan at

man~gaglucsuhan ang m~ga bátà. Magcacaroon ang m~ga batang babae n~g

halamanang may m~ga uupán, m~ga "columpio", m~ga cacahúyan at n~g doon

silá macarapaglarô n~g "comba", m~ga bucál n~g túbig na pumapaimbulog,

culun~gan n~g m~ga ibon at ibá pa. Itó'y maguiguing isang bágay na

cárikitdikitan.

At pinapagkikiskis ni ñor Juan ang m~ga camáy sa galác, at ang iniisip

niya'y ang pagcabantóg na mátatamo. Magsisìparito ang m~ga tagá ibáng

lupain upang daláwin iyón at sila'y man~gagtatanong:--¿Síno ang dakilang

arquitectong gumawâ nitó?--¿Hindî bâ ninyó nalalaman? ¡Tila mandin hindî

catotohanang; hindî ninyó makilala si ñor Juan! ¡Marahil totoóng maláyò

ang inyong pinangalin~gan!--ang isásagot n~g lahát.

Nagpaparoo't paríto sa magcabicabilang dúlong taglay ang ganitong m~ga

pagdidilidili, na canyang inuusisang lahat, at ang lahát ay canyáng

minámasdan.

--Sa ganáng ákin ay napacarami namang cahoy ang gamit na iyan sa isang

cabria--ang canyáng sinabi sa isang taong nanínilaw, na siyang

namamatnubay sa ilang m~ga manggagawà;--casucatan na, sa ganang akin,

ang tatlóng mahahabang trozo na papagtutungcuíng-calan ó "trípode", at

sacâ tatló pang cahoy na papagcapitcapitin!

--¡Aba!--ang isinagót n~g laláking nanínilaw na n~gumín~gitî n~g

cacaibá;--lálong malakíng pangguiguilalás ang áting tátamuhin

samantalang lálong marámi ang m~ga casangcapang gamítin nátin sa gawaing

itó. Lálong maínam ang anyô n~g caboôan, lálong mahalagá at caniláng

wiwicâin: ¡gaano calakíng págod ang guinúgol díto! ¡Makikita ninyo cung

anó ang cábriang áking itátayô! At pagcatápos ay áking pamumutihan n~g

m~ga banderola, n~g m~ga guirnaldang m~ga dáhon at m~ga bulaclác ...;

masasabi ninyó pagcatapos na nagcaróon cayó n~g magandáng caisipán n~g

pagcacátanggap ninyó sa ákin sa casamahán n~g inyóng m~ga manggagáwa, at

walâ n~g maháhan~gad pa si guinóong Ibarra!

Sa dácong malayôlayô roo'y may natatanawáng kiosko, na nagcacahugpong sa

pamamag-itan n~g isáng bálag na nahahabun~gan n~g m~ga dáhon n~g

ságuing.

Ang maestro sa escuélahang may m~ga tatlompóng bátang laláki ay

nan~gaggágawâ n~g m~ga corona, nan~gagtatali n~g m~ga bandera sa m~ga

malilíit na man~ga halíguing cawáyang napupuluputan n~g damít na putíng

pinacumbô.

--¡Pagsicápan ninyóng umínam ang pagcacasulat n~g m~ga letra!--ang

sinasabi sa m~ga nagpípinta n~g m~ga salitáng itátanyag sa

lahát;--¿paririto ang Alcalde, maráming m~ga cura ang magsísidalo,

maráhil patí n~g Capitan General na n~gayo'y na sa lalawigan! Cung

makita niláng magalíng cayóng magdibújo, marahil cayo'y puríhin.

--¿At handugán camí n~g isáng pizarra ...?

--¿Síno ang nacaaalam! datapuwa't humin~gî na si guinoong Ibarra n~g isá

sa Maynilà. Dárating búcas ang iláng bágay na ipamamahágui sa inyóng

pinacaganting pálà.... Datapuwa't pabayaan ninyó ang m~ga bulaclác na

iyán sa túbig, gágawin natin búcas ang m~ga ramillete, magdádala pa cayó

ríto n~g m~ga bulaclác, sa pagca't kinacailan~gang malatagan ang mesa

n~g m~ga bulaclac, ang m~ga bulaclác ay nacapagbíbigay sayá sa m~ga

matá.

--Magdádala ríto ang áking amá búcas n~g m~ga bulaclác n~g bainô at sacâ

isáng bácol na m~ga sampaga.

--Hindi tumatanggáp n~g báyad ang aking amá sa tatlóng carritóng

buhan~ging dinalá rito.

--Ipinan~gacò n~g aking tiong siya ang magbabayad sa isáng maestro,--ang

idinugtong n~g pamangkin ni capitang Basilio.

At túnay n~ga namán; kinalugdán ang panucálang iyón n~g lahát hálos.

Hinin~gî n~g curang siyá ang mag-áamang-binyág at magbebendición sa

paglalagáy n~g únang bató, pagdiriwáng na gágawin sa catapusáng araw n~g

fiesta, at siyáng gágawing isá sa m~ga pinacamalaking pagsasaya. Patí

n~g coadjutor ay lumápit n~g boóng cakimîan cay Ibarra, at sa canya'y

inihandóg ang lahát n~g m~ga pamisang pagbayaran sa canyá n~g m~ga

mapamintacasi hanggáng sa mayarì ang báhay na iyón. Mayroon pa, sinabi

ni hermana Rufa, ang mayaman at mapag-impoc na babaeng sacali't

cuculan~gin n~g salapî, canyáng lilibutin ang iláng báyan upang

magpalimós, sa ilálim n~g tán~ging pagcacasunduang sa canyá'y babayaran

ang paglalacbáy, ang m~ga cacánin at ibá pa. Pinasalamatan siyá ni

Ibarra at siyá'y sinagót:

--Walâ táyong macucuhang mahalagáng bágay, sa pagcá't hindi acó mayáman

at hindî namán simbahan ang báhay na itó. Bucód sa rito'y hindî co

ipinan~gácong áking itátayô ang báhay na itóng ibá ang magcacagugol.

Pinagtatakhan siyá at guinagawang ulirán n~g m~ga bináta, n~g m~ga

estudianteng gáling Maynilang pumaroón doón at n~g makipagfiesta;

n~guni't gaya n~g nangyayari hálos cailán man, pagca ibig nating tuláran

ang m~ga tinátakhang m~ga táo, ang nagágagad lámang natin ay ang canyáng

waláng cabuluháng m~ga guinágawâ, at cung magcaminsan pa'y ang canyáng

m~ga sawíng caasalan, nan~gagtataca palibhasa'y walá táyong cáya sa

ibáng bágay, minámasdan n~g maraming sa canya'y nan~gagtátaca cung paano

ang pagtatali n~g binátang iyón n~g canyáng corbata, ang m~ga ibá nama'y

ang anyô n~g cuello n~g bárò, at hindî cácaunti ang nagmámasid cung ilán

ang m~ga botón n~g canyáng americana at chaleco.

Tila mandin pawang nan~gapawi magpacailán man ang m~ga masasamáng

nangyayari sa panahóng hináharap na guinuguniguni ni matandáng Tasio.

Iyán n~gâ ang sinabi ni Ibarra isáng áraw sa canyá; n~guni't siyá'y

sinagót n~g matandáng mapag-ísip n~g malulungcót:

--Inyó pô sánang alalahanin ang sinasabi ni Baltazar:

"Cung ang isalubong sa iyong pagdatíng

Ay masayáng mukhá't may pakitang guìliw,

Lálong pag-in~gáta't caaway na lihim..."

Cung gaano ang galíng ni Baltazar sa pagca poeta ay gayón din sa

catalinuhang umísip.

Itó at ibá pang m~ga bágay ang m~ga nangyari sa áraw na sinusundan n~g

fiesta bago lumubóg ang áraw.

=XXVII.

Noli Me Tangere · 第 36 / 51 题