TALABABA:

[256] Tinatawag n~g m~ga castilang "otoño" ang panahóng sumusunod sa

"verano" ó tag-araw at tinatawag nilang "primavera" ang panahóng

sumusunod sa "invierno" ó tagguináw.

=XXIII.=

=ANG PANGIGISDA=

Numíningning pa ang m~ga bituin sa lan~git "zafir",[257] at

nan~gagugulaylay pa ang m~ga ibon sa m~ga san~gá n~g cahoy, ay

nan~gaglilibot na sa m~ga lansan~gan n~g bayang ang tun~go'y sa dagatan,

ang isang masayáng cawang naliliwanagan n~g nacagagálac na liwanag n~g

m~ga huepe.

Silá'y limáng m~ga batang dalagang nan~gagmámadalî n~g paglacad, na

nagcacacapitcapit ó nacayacap cayá sa bayawang n~g calapít, na iláng

matandang babae ang sumúsunod at saca iláng m~ga babaeng alilang sunong

n~g calugodlugod na anyô ang m~ga bácol na punô n~g m~ga báon; m~ga

pinggán at iba pa. Pagcakita sa caniláng m~ga mukháng ang cabatáa'y

tumatawa at ang pag ása'y maníningning; sa panonood n~g linipadlipad n~g

caniláng malalagò't maiitim na buhóc at malalapad na cunót n~g canilang

m~ga damít, marahil ipalagáy nating silá'y m~ga diosa n~g gabí, cung dî

sana talastás nating silá'y si María Clara na casama ang canyáng ápat na

caibigan: ang masayáng si Sinang na canyáng pinsan, ang hindî makíbuing

si Victoria, ang magandáng si Iday at ang mahinhing si Neneng na

matimtiman at kimî ang cagandahan.

Nan~gagsasalitaan n~g boong ligaya, nan~gagtatawanan, nan~gagcucurutan,

nan~gag-aanasan at pacatapos naghahalakhacan.

--¡Guiguisin~gin ninyó ang taong natutulog pa!--ang ipinagwiwicà sa

canilá ni tía Isabel;--n~g cabataan namin ay hindî camí nagcacain~gay

n~g ganyán.

--¡Marahil hindî namán cayó gumiguising n~g maagang gaya namin, at

marahil hindî namán nápacamatuluguín ang m~ga matatanda!--ang panagót

n~g maliit na si Sinang.

Sandaling hindî silá nan~gagsásalitâ, pinagpipilitan cayâ nilang

magsalitâ n~g marahahan; n~guni't hindî nalalao't nan~gacalilimot,

nan~gagtatawanan, at pinúpunô ang daan n~g caniláng m~ga bátà at

sariwang tínig.

--Conowarì magtampó ca; huwág mo siyáng causapin!--ang sabi ni Sinang

cay María Clara;--cagalitan mo siyá at n~g huwág mamihasa sa casam-an

n~g ásal.

--¡Howag mo pacahigpít namán!--ani Iday,

--¡Magmahigpít ca, howag cang haling! Dapat magmasunurin ang

nan~gin~gibig samantalang nan~gin~gibig; sa pagca't cung asawa na'y

gagawin ang bawa't maibigan niya!--ang hatol n~g maliit na si Sinang.

--¿Anó ang kinalaman mo niyan, bátà?--ang ipinagwíca n~g canyáng pinsang

si Victoria.

--¡Ssst! ¡huwag cayóng main~gay at dumarating silá!

Dumarating n~gâ namán ang isáng pulutóng n~g m~ga binatang

nan~gagtátanglaw n~g sigsig. Nan~gagsisilacad siláng hindî umíimic na

tinutugtugan n~g isáng guitarra.

--¡Tila guitarra n~g pulubi!--ani Sinang na nagtatawa.

Nang mag ábot na ang dalawáng pulutóng, ang m~ga babae ay siyáng

nag-anyóng hindî makibuin at matimtiman, na pára manding hindî pa silá

nacacapag-aral na tumawa; tumbalíc, ang m~ga lalaki namán ang

nan~gagsasalitâ, nan~gagsisin~gitî at tumátanong n~g macaanim upang

magtamó n~g isáng casagutan.

--¿Tahímic bagá cayâ ang dagâtan? ¿Inaacála bagá ninyóng magcacaroon

tayo n~g mabuting panahón?--ang tanóng n~g m~ga iná.

--¡Huwág pô sana cayóng maligalig, m~ga guinoong babae, mabuti acóng

luman~góy!--ang sagót namán n~g isáng binátang payát at matangcád.

--¡Dápat sanang tayo'y nagsimbá múna!--ang buntóng-hinin~gá ni tía

Isabel na pinagduduop ang camáy.

--Nasasapanahón pa, guinoong babae: si Albinong n~g panahón niyá'y

naguing "seminarista," macapagmimisa sa bangcâ,--ang isinagót n~g isá,

na itinuturò ang binatang payát at matangcád.

Si Albinong may pagmumukháng palabirô, n~g márinig na siyá'y

binábangguit, nag-anyóng mapanglaw at banál, na anó pa't guinágagad niyá

si párì Salví.

Bagá ma't hindî nililimot ni Ibarra ang cahinhinán, nakikisalamuhà siyá

sa casayahan n~g canyáng m~ga casamahán.

Pagdatíng nilá sa pasígan, hindî sinásadyá'y tumácas sa m~ga lábi n~g

m~ga babae ang m~ga sigáw n~g pagtatacá at catowâan. Doo'y caniláng

nakita ang dalawáng bangcáng nagcacácabit, na mainam ang pagcacágayac

n~g m~ga pinagtuhóg-túhog na m~ga bulaclác at m~ga dahon, casama n~g

m~ga sarisaring cúlay na m~ga damít na pinacumbô: nacasabit sa bagong

lagáy na bubóng n~g sasacyáng iyón ang m~ga maliliit na farol na papel,

na may m~ga casal-ít na m~ga rosas at m~ga clavel, m~ga bun~gang

halamang gáya n~g pinyá, casúy, saguing, bayabas, lanzones at ibá pa.

Dinalá roón ni Ibarra ang canyáng alfombra, m~ga maririkit na panábing

at m~ga cogín at ang lahát n~g itó'y siyáng guinawang upuang maguinháwa

n~g m~ga babae. Napapamutihan din ang m~ga tikín at m~ga sagwán. Sa

isáng bangcáng lalong marikit ang pagcacágayac ay may isáng arpa, m~ga

guitarra, m~ga acordeón at isáng sun~gay n~g calabaw; sa isáng bangcâ

nama'y nagninin~gas ang m~ga caláng lúpà at doo'y iniháhandâ ang chá,

café at salabát na gágawing agáhan.

--¡Dito ang m~ga babae, diyán ang m~ga lalaki!--ang sabi n~g m~ga iná

paglulan nilá sa bangcâ.--¡Man~gátali cayó! ¡Howag sana cayóng lubháng

magaláw at málulubog tayo!

--¡Man~gagcruz muna cayó!--ang sabi ni tía Isabel na nagcucruz.

--¿At tayo ba'y man~gag-íisa lamang dito?--ang tanóng ni Sínang, na

pinasásama ang mukhâ--¿Tayo ba lamang ...? ¡Aráy!

Ang cadahilanan n~g "¡aráy!" na itó'y gawâ n~g isáng curót na sa

capanahuna'y ibinigáy cay Sínang n~g canyáng iná.

Lumálayong untîuntî ang m~ga bangcâ sa pasigan at naaanino ang iláw n~g

m~ga farol sa salamín n~g dagatang waláng caalon-alon. Sa silan~gana'y

sumusun~gaw ang m~ga unang cúlay n~g liwayway.

Naghaharì ang malakíng catahimican; ang m~ga binata't dalagang

nagcacabucod-bucod, ayon sa calooban n~g m~ga ina'y tila

nan~gaggugunamgunam.

--¡Mag-in~gat ca!--ani Albinong seminarista n~g sabing malacás sa isáng

capuwà binátà;--yapacan mong magaling ang m~ga bunót na pangsicsíc na na

sa ilalim n~g iyóng paa.

--¿Bakit?

--Sa pagca't maaaring mabunglós at pumasoc ang túbig; maraming bútas ang

bangcáng itó.

--¡Ay, at tayo'y lumúlubog!--ang sigawan n~g m~ga babaeng malakí ang

gulat.

--¡Huwág cayóng mabahála, m~ga guinoong babae!--ang pangpayapang sa

canila'y sinabi n~g seminarista. Ang bangcáng iyá'y hindî maáano; waláng

bûtas cung dî lílima lamang, na hindî naman totoong malalakí.

--¡Limáng bútas! ¡Jesús! ¿At ibig ba ninyóng lunurin camí?--ang sigawan

n~g m~ga babaeng nan~gatatacot.

--¡Walâ pô namán cung dî lílima, m~ga guinoong babae, at ganyán calaki

lamang!--ang patibay na sabi n~g seminarista, at sa canilá'y itinuturo

ang maliit na bílog na gawâ n~g canyang hinlalakí at hintutúró na

pinaghúhugpong ang capuwâ dulo. Yapácan ninyóng mabuti ang bunót na

sicsíc at n~g hindî mabunglós.

--¡Dios co! ¡María Santísima! ¡Pumapasoc na ang tubig!--ang sigaw n~g

isáng matandáng babaeng ang pakiramdam niya'y nabábasâ na siyá.

Nagcaroon n~g caunting caguluhan, ang iba'y tumitil-î, ang ibá namá'y

íbig lumucsó sa túbig.

--¡Yapácan ninyóng magaling ang bunót diyan!--ang patuloy na sigáw ni

Albino, at canyang itinuturò ang dácong kinalalagyán n~g m~ga dalaga.

--¿Saan? ¿saan? ¡Dios! ¡Hindî namin nalalaman! ¡Parang áwa na ninyó,

cayo'y pumarini't hindî namin nalalaman!--ang pamanhíc n~g matatacutíng

m~ga babae.

Kinailan~gang lumipat ang iláng bagongtáo sa cabiláng bangcâ upang

papanataguin ang loob n~g m~ga natatacot na m~ga iná. ¡Laking

pagcacátaon! Tila mandin may isáng pan~ganib sa tabí n~g bawa't dalaga.

Walâ cahi't isáng nacapagbibigay pan~ganib na bútas sa tabí n~g lahat

n~g matatandang babae. ¡At lalo pa manding malakíng pagcacátaon! Umupô

si Ibarra sa tabí ni María Clara; naupo si Albino sa tabi ni Victoria at

ibá pa. Mulíng naghárì ang catahimican sa cabilugan n~g mapag-in~gat na

m~ga iná. Datapuwa't hindî sa limpî n~g m~ga dalaga.

Sa pagca't hindî gumágalaw n~g camuntî man lamang ang tubig, hindî

nálalayô ang m~ga baclád at sacâ totoo pang maaga, pinagcayarîang

bitiwan ang m~ga gaod at man~gag-agáhan ang lahat. Pinatay ang ílaw n~g

m~ga farol, sapagca't nililiwanagan na ang alang-alang n~g liwaywáy.

--¡Waláng casinggalíng n~g salabát cung inumín cung umaga bago

magsimbá!--ani capitana Tikâ na iná n~g masayáng si Sinang;--uminom pô

cayó n~g salabát na may cahalong puto, Albino, at makikita ninyóng

hangang sa sisipaguin pa cayóng magdasál.

--Iyán n~ga pô ang guinagawâ co--ang sagot naman nito;--caya't ibig co

na tulóy magcumpisál.

--¡Huwag!--ani Sinang,--uminôm cayó n~g caféng nacapagpápasayá n~g

calooban.

--N~gayón din, sa pagca't ganacacaramdam na acó n~g calungcutan.

--¡Huwag cayóng uminòm niyán--ang paalaala ni tía Isabel;--uminóm cayó

n~g chá at cumain cayó n~g galletas; nacapagpapatahímic daw n~g ísip ang

chá.

--¡Iinom din acó n~g chá at cacain acó n~g galletas!--ang sagót n~g

mapagbigay loob na seminarista--ang cabutiha'y hindî catolicismo ang

alín man sa m~ga inumíng iyán.

--N~guni't ¿mangyayari ba ninyóng ...? ang tanóng ni Victoria.

--¿Cung macaíinóm namán acó n~g chocolate? ¡Mangyayari rin! Huwag lámang

na mapacalaon bago mananghalîan....

Maganda ang umaga: nagpapasimulâ na n~g pagtinggád ang túbig, at sa

liwanag na nanggagaling sa lan~git at sa sinag na sa tubig nagmúmulâ,

ang nangyayari'y isáng caliwanagang tumátanglaw sa m~ga bagaybagay, na

halos hindî nagcacaanino, isáng maningning at malamíg na liwanag, na

nahahaluan n~g m~ga culay na ating napagwawari sa m~ga tan~ging pintura

tungcol sa dagat.

Hálos nan~gagagalac ang lahát, sinasanghod nilá ang mahínang amíhang

untîunting napupucaw; sampóng ang m~ga ináng puspós sa paninimdim at

m~ga pagpapaalaala'y nan~gagtatawanan at nan~gagbìbiruan silasilá.

--¿Natátandaan mo bâ? anang isá cay capitana Ticâ--¿natátandaan mo bâ

n~g tayo'y nan~galiligo sa ilog n~g panahóng dalaga pa tayo? Di

caguinsaguinsa'y dumárating na dalá n~g agos ang malilit na bancang úpac

n~g saguing, na may lúlang iba't ibang bun~gang halámang

nan~gásasalansan sa ibabaw n~g m~ga mababan~gong bulaclac. Bawa't isa sa

m~ga bangcâ ay may maliliit na banderang kinasusulatan n~g ating

canicanyang pan~galan....

--¿At cung bumábalic na tayo sa báhay?--ang isinalabat namán n~g isá, na

hindî nagpabayang macatapos ang nagsásalitâ; náraratnan nating wasác ang

m~ga tuláy na cawayan, at pagcacagayo'y napipilitan táyong tumawíd sa

ílat ... ¡ang m~ga tampalasan!

--¡Siya n~gâ--ani capitana Ticâ;--datapuwa't iniibig co pang mabasâ ang

laylayan n~g aking sáya cay sa ipakita ang aking paa: nalalaman co n~g

may m~ga matáng nagmámasid na nagtatago sa m~ga damuhán sa pampáng.

Nan~gagkikindatan at nan~gagn~gin~gitîan ang m~ga dalagang nacacárinig

n~g m~ga bagay na ito: hindî pumapansin ang m~ga ibá, sa pagca't may

saríli namán siláng m~ga pinag-uusapan.

Isá lámang táo, ang gumáganap n~g pagcapiloto, ang nananatili sa hindî

pag-imíc at hindî nakikisama sa gayóng m~ga pagcacatuwâ. Siya'y isáng

binatang napagkikilalang malacás sa canyáng pan~gan~gatawan, m~ga camay

at paa, at may pagmumukháng nacacaakit n~g pagmamasid dahil, sa canyáng

mapanglaw na malalakíng mata at mainam na tabas n~g canyang m~ga labì.

Nahuhulog sa canyang malusóg na líig ang canyang m~ga buhóc na maiitim,

mahahaba at hindî inaalagaan; napagwawarì sa m~ga cunót n~g canyang

itimang barong damít na magaspang ang canyang macapangyarihang m~ga

casucasuang sumapi sa canyang maugat at lilís na m~ga bísig upang

magamit na parang isang balahìbong ibon lamang ang malapad at

pagcálakilaking sagwang canyáng itinítimon upang mapatnugutan ang

dalawáng bangcâ.

Hindî miminsang nasubucan ang táong itó ni María Clarang siyá'y

pinagmámasdan: cung nagcacágayo'y dalidaling tumítin~gin siyá sa ibáng

dáco at tumátanaw sa maláyò, sa bundóc, sa pampáng. Nahabág ang dalaga

sa canyáng pag-íisa, cayá't cumúha n~g iláng galleta at sacá inialay.

Tiningnán siyá n~g pilotong wari'y nagtátaca; n~guni't sandalíng sandalî

lámang tumagál ang gayóng tin~gin: nuha n~g isáng galleta, at

napasalamat sa maiclíng salitâ na bahagyâ na mawatasan sa cahinâan n~g

voces.

At sino ma'y hindî na mulíng naalaala siyá. Hindî nacapagpapacunót n~g

alín mang bahagui n~g canyáng mukhâ ang masasayáng tawanan at m~ga

birûan n~g m~ga binata't dalaga; hindî nacapagpapan~gitî sa canyáng

matatawaníng si Sínang, na napipilitang sumandalíng icucót ang kílay

cung tumátanggap n~g m~ga curót, upang manag-úlì sa dating casayahan.

Ipinagpatuloy ang caniláng pagparoon sa m~ga baclád, pagcatapos na

macapagagahan.

Dalawá ang baclád na iyóng nátatayô sa catatagáng pagcacáalayô, at

capuwâ pag-aarî ni capitang Tiago. Natatanaw buhat sa maláyò ang iláng

tagác na nacadápò sa ibabaw n~g m~ga dúlo n~g m~ga cawayang tólos, na

ang anyó'y nagsisipanood, samantalang nan~gagliliparang ang tun~go'y sa

iba't ibáng dáco ang m~ga "kalaway" na hinihilahisan n~g caniláng m~ga

pacpác ang dacong ibabaw n~g dagatan at pinúpuspos ang impapawid n~g

caniláng m~ga húning nanunuot sa tain~ga.

Sinundán n~g tin~gín ni María Clara ang m~ga tagác, na n~g málapit ang

bangcâ ay nagliparang ang tun~go'y sa calapít na bundóc.

--¿Nan~gagpupugad ba ang m~ga ibóng iyan sa bundóc? ang tanóng ni María

Clara sa piloto.

--Marahil pô, guinoo,--ang isinagót--n~guni't sino ma'y walâ pang

nacacakita n~g m~ga pugad na iyan.

--¿Walâ bang pugad ang m~ga ibong iyan?

--Inacalà cong silá'y may pugád, sa pagca't cung hindî totoong

culang-pálad silá.

Nahiwatigan nî María Clara ang malungcót na pan~gun~gusap n~g piloto n~g

gayóng m~ga salitâ.

--¿Cung gayo'y paano?

--Hindî raw, po, guinoo, nakikita ang m~ga pugad n~g m~ga ibong iyan, at

taglay namán ang bísà na huwag makita ang may dalá n~g púgad n~g

"calaway", at túlad sa cálolowang hindî nakikita cung dî sa makínis na

salamín n~g m~ga matá; gayon din namáng hindî nakíkita ang m~ga púgad na

iyan cung hindî lamang sa salamín n~g tubig.

Nag-anyóng nag-iísip-isip si María Clara.

Samantala'y dumating silá sa bangcâ; itinálì n~g matandang bangkero ang

m~ga sasacyan sa isang tolos na cawayan.

--¡Hintay muna!--ani tía Isabel sa anác na lalaki n~g matandang talagang

aacyat na sanang dalá ang panáloc,--kinacailan~gang mahandâ muna ang

sinigáng at n~g tulóy-tulóy sa sabáw ang m~ga isdâ panggagaling sa

tubig.

--¡Mabaít na tía Isabel!--ang bigláng sinabi n~g seminarista;--aayaw na

susumandalî ma'y damdamín n~g isdâ ang pagcáhiwalay sa tubig.

Balitang magalíng na maglútò, baga ma't may malínis na mukhâ, si Andeng

na capatid sa gatas ni María Clara. Naghanda n~g húgas-bigas, m~ga

camatis at camìas, at tinutulun~gan ó inaabala caya siya n~g iláng

marahil nan~gagnanais na sila'y canyang calugdán. Linilinis n~g m~ga

dalaga ang m~ga talbós n~g calabaza, hiníhimay ang m~ga patánì at

pinapuputolputol ang m~ga paayap n~g casinghahabà n~g cigarrillo.

Upang liban~gin ang cainipán n~g m~ga nagmímithing makita cung paano

lálabas sa canilang bilangguan ang m~ga isdang buháy at

nan~gaggagalawan, kinuha n~g magandang si Iday ang canyang arpa. Hindî

lamang mainam tumugtóg si Iday n~g instrumentong itó, cung hindî bucod

sa rito'y may magagandang dalírì.

Nan~gagpacpacan ang m~ga cabataan, hinagcán siya ni María Clara: ang

arda ang siyang instrumentong lalong tinútugtog sa lalawigang iyon at

siyang nauucol sa gayóng m~ga sandalî.

--¡Cantahin mo, Victoria, "Ang canción n~g Matrimonio"!--ang hinin~gi

n~g m~ga iná.

Tumutol ang m~ga lalaki, at si Victoriang may mainam na voces ay dumaíng

na siya'y namamalat daw. "Ang canción n~g Matrimonio'y" isáng magandáng

tuláng tagalog na nagsasaysay n~g m~ga cahirapan at m~ga calungcutan n~g

matrimonio, na hindî binábangguit ang alìn man sa canyang m~ga catuwaan.

Nang magcagayo'y hinin~gî niláng cumantá sí María Clara.

--Pawang malulungcot na lahát ang aking m~ga "canción".

--¡Hindî cailan~gan! ¡hindî cailan~gan!--ang sabíhan n~g lahát.

Hindî na siya napapamanhic; tinangnan ang arpa, tumugtóg n~g isáng

"preludio" ó pán~gunahin at cumantang ang voces ay mataguinting,

calugodlugod nat agad ang damdamin:

¡Sa sariling Báya'y cátamistamisan

Ang lahát n~g horas na nan~gagdaraan,

Palibhásà roo'y pawang caibigan

Ang lahát n~g abót n~g sícat n~g araw.

Pangbuhay na lubós, ang han~ging amihang

Lumilipadlipad sa bundóc at parang,

Lubháng maligáya sampong camatayan

At lalong matimyás ang pagsintang tunay!

<tb>

Nagsisipagsaya sa labing marikit

Ang ganáp sa nin~gas at wagás na halík

Nang mapag-arugang iná sa pag-íbig

Cung siya'y máguising na calong sa dibdib,

Tuloy hinahanap maguiliw na bísig

Na iniyayacap sa liguid n~g liig

At ang m~ga mata'y pagcâ tumititig

Pawang n~gumin~gitî sa galác na akit.

<tb>

¡Yaong camataya'y catamistamisan

Pagca nahahandog sa sariling Bayang

Ang lahat n~g abot n~g sinag n~g araw

Ating cakilala't pawang caibigan:

¡Pangpatay na lubós ang hán~ging amihan

Sa sino mang táong waláng maisaysay

Na Bayang sariling pinacamamahal,

Inang maaruga't isang casintahan!

Natápos ang voces, humintô, napipí ang arpa, at gayon ma'y

nagsisipanatili sa pakikiníg; sino ma'y waláng pumalacpác. Naramdaman

n~g m~ga dalagang napúpúno n~g lúhà ang canilang m~ga matá. Tila mandín

nabábagot si Ibarra at ang binatang piloto'y nacatanaw sa maláyò at

hindî cumikilos.

Dî caguinsaguinsa'y nárinig ang isáng tunóg na nacabíbin~gi; sumigaw ang

m~ga babae at tinacpan ang canilang m~ga tain~ga. Yao'y gawà n~g naguíng

seminaristang si Albino, na hinihipan n~g boong lacás n~g canyáng

lalamunan ang sun~gay n~g calabaw, na "tambúlì" cung tawaguin. Nanag-ulì

ang tawanan at ang galak; ang m~ga matang dating punô n~g lúhà ay

sumayá.

--Datapuwa't ¿cami ba'y bíbin~gihin mo, hereje?--ang sigáw sa canyá ni

tia Isabel.

--¡Guinoong babae!--ang sagót n~g naguing seminarista n~g boong

cataimtiman;--may nárin~gig acóng sinasabing isá raw dukháng trompetero

doon sa m~ga pampan~gin n~g Rhin, na nacapag-asawa, sa isáng dalagang

mahal at mayaman, dahil sa pagtugtóg n~g trompeta lamang.

--¡Tunay n~gâ, ang trompetero sa Sackingen!--ang idinugtóng ni Ibarra,

na hindî mangyaring dî makipanayam sa bagong casayahan.

--¿Nárinig na ninyo?--ang ipinagpatuloy ni Albino;--cayâ n~gâ ibig cong

tingnan cung magcacaroon acó n~g gayón ding capalaran.

At mulî na namang hinipan n~g lálò pa mandíng malacás ang matunóg na

sun~gay, at sinasadyang ilapít sa m~ga tain~ga n~g m~ga dalagang

nagpapakita n~g capanglawan. Sa gayó'y nagcaroon n~gâ n~g caunting

caguluhan; siya'y pinahimpíl n~g m~ga iná sa cáhahampas n~g chinelas at

cácucurot.

--¡Aráy! ¡aráy!--ang sinabi niya, na hinihipò ang canyang m~ga

bísig--¡Gaano ang láyong ikinahihiwalay n~g Filipinas sa m~ga pampan~gin

n~g Rhin! "¡Oh tempora! ¡oh mores!" Binibigyán ang ibá n~g gantíng-pálà

at balabal n~g cahihiyan ang ibiníbigay namán sa ibá.

Nan~gagtatawanan na ang lahát sampô ni Victoria, gayón ma'y sinasabi n~g

may masasayáng matá na si Sinang cay María Clara n~g sabing marahan:

--¡Mapalad icáw! ¡Ay, acó ma'y cacanta rin cung mangyayari sána!

Sa cawacasa'y ipinagbigay alám ni Andeng, na nacahandâ na ang sabáw

upang matanggáp ang doo'y ilalagay.

Nanhíc, n~g magcagayon, ang nagbíbinatâ n~g anác n~g man~gin~gisdâ, sa

pabahay n~g baclád, na na sa dácong dulong pinagtatalicupan nitó at

doo'y maisusulat ang "Lasciate ogni speranza voi ch'entrate", cung

marunong sana at nacacawatas n~g wícang italiano ang m~ga culang pálad

na m~ga isdâ: ang pumapasoc sa canilá roo'y hindî lumálabas cung dî n~g

mamatay. Yaó'y isáng culóng na may m~ga isáng metro ang lúang, na ang

pagcacaanyó'y macatítindig ang isáng táo sa itaas upang buhat doo'y

mahaguíp n~g sáloc ang m~ga isdâ at maitaas.

--¡Diyán ang tunay na hindî acó mayáyamot na mamingwit!--ang sabi ni

Sinang na nan~gín~ginig sa galác.

Nan~gagmámasid n~g dî cawásà ang lahát: nakíkinikinita na n~g ibáng

nan~gagpapalagan at naglulucsuhan ang m~ga isdâ sa loob n~g lambát n~g

panaloc, cumikináng ang caniláng makikintab na caliskís at iba pa. Gayón

man, n~g isisilíd n~g binátà ang lambát ay waláng anó mang lumúlucsong

isdâ.

--Marahil punô,--ang marahang sábi ni Albino; mahiguit n~g limáng araw

na hindî pinapandaw.

Itinaas n~g man~gin~gisdâ ang sáloc.... ¡ay! cahi't isáng isdâ man

lamang ay waláng nacapamuti sa lambát; sa pagcahúlog n~g masaganang

patác n~g túbig na liniliwanagan n~g araw ay wari'y nagtátawa n~g

mataguintíng. Isáng "¡ah!" n~g pagtatacá, n~g samâ n~g loob, n~g

pagcabigô ang tumácas sa m~ga lábì n~g lahát.

Inulit n~g binátà ang paglulubog n~g sáloc, at gayón din ang

kináhinatnan.

--¡Hindî mo nalalaman ang iyóng hánap-búhay!--ang sa canya'y sinabi ni

Albino, at umukyábit itó sa pabahay n~g baclád at inagaw ang sáloc sa

camá'y n~g binátà--¡Makikita ninyó n~gayón! ¡Andeng, bucsán mo na ang

palayóc!

Datapuwa't si Albino ma'y hindî nacacaalam: nanatíli sa pagcawaláng

lamán ang sáloc. Pinagtawanán siya n~g lahát.

--¡Huwág cayóng maín~gay at náririnig cayó n~g m~ga isdâ ay ayaw

pahúli!--¡Marahil punít ang lambát na ito!

N~guni't waláng casirasirà ang lambat.

--Pabayaan mo't acó,--ang sa canya'y sinabi ni Leóng nan~gin~gibig cay

Iday. Siniyasat na magalíng nitó ang calagayan n~g baclád, minasdán ang

lambát, at n~g matantô na niyáng páwang magalíng ang calagayan ay

tumanóng:

--¿Talastás ba ninyóng magaling na may limang áraw n~g hindî pinapandaw

itó?

--¡Totoong nalalaman namin! Niyong áraw na bago mag "Todos los Santos"

ang cáhulihulihang pagcápandaw nito.

--Cung gayo'y ó encantado ang dagatan ó macacahuli acó n~g cahí't iilán.

Inilubog sa tubig ni León ang sáloc; datapuwa't nalarawan sa mukhâ niyá

ang panguiguilalas. Sandaling tiningnan niyá n~g waláng imíc ang calapít

na bundóc at ipinagpatuloy ang pag paparoo't paríto n~g sáloc sa tubig:

pagcatapos ay umanás na hindî inaalis sa tubig ang sáloc:

--¡Isang buaya!

--¡Isang buaya!--ang caniláng inúlit.

Nagpalipatlipat n~g boong tulin sa m~ga bibig ang salitáng iyón, sa

guitnà n~g pagcatácot at pagcamanghâ n~g lahát.

--¿Anó ang sábi ninyó?--ang itinanong nilá sa canyá.

--Ang sábi co'y may isáng buayang nahuli,--ang ipinagmatigas na sabi ni

León, sacâ inilubóg sa tubig ang tagdáng cawayan n~g sáloc, at

nagpatúloy n~g pagsasalitâ:

--¿Naririníg ba ninyó ang tunóg na iyán? Iya'y hindî ang buhan~gin; iyán

ang matigás na balát, ang licód n~g buaya. ¡Nakikita ba ninyó ang

paggaláw n~g m~ga cawáyan? Iya'y siyá na nagpupumiglás, datapuwa't

siya'y nababaluctot; ¡hintay cayó ...! malakí: may isang dangcál hálos ó

mahiguit pa ang lápad n~g canyáng catawán.

--¿Anó ang marapat gawin?--ang tanun~gan.

--¡Hulihin!--ang sabi n~g isáng voces.

--¡Jesús! at ¿sino ang huhuli?

Sino ma'y waláng humahandóg na sumisid sa calaliman. Ang tubig ay

malalim.

--¡Dapat na itáli natin siyá sa ating bangcâ at sacâ caladcarin n~g

boong pagdiriwang!--ani Sinang.--¡Dapat bang cánin ang m~ga isdáng

talagáng cacanin natin!

--¡Hindî pa acó nacacakita hanggá n~gayón n~g isáng buayang buháy!--ang

ibinulóng ni María Clara.

Nagtindig ang piloto, cumuha n~g isáng mahabang lúbit at malicsíng

pumanhíc sa pinacabatalán n~g baclad. Ipinagcaloob ni Leóng ang piloto'y

siyáng humalili sa canyáng kinalalagyán.

Lumucsó ang piloto sa loob n~g pabahay n~g baclád, sa guitnâ n~g

pagtatacá at baga man nan~gagsisigawan ang lahat.

--¡Dalhin po ninyó ang sundáng na itó!--ang sigáw ni Crisóstomo, at sa

canya'y iniaabot ang binunot na isang malapad na sundáng na gawâ sa

Toleod.

Datapuwa't napaiimbulog na ang libolibong patác, at naghílom na ang

túbig n~g boong talinghagà.

--¡Jesús, María y José!--ang sigawan n~g m~ga babae.--¡Magcacasacunâ

tayo! ¡Jesús, María y José!

--Huwág cayóng mabahálà, m~ga guinoong babae,--ang sa canila'y sinabi

n~g matandang bangkero,--cung sa lalawiga'y may isáng macagágawâ n~g

ganyáng bagay, iyá'y "siyá."

--¿Anó ang pan~galan n~g binatang iyán?--ang itinanóng nilá.

--Tinatawag namin siyáng si "Piloto": sa m~ga pilotong nakilala co'y

siyá ang magalíng sa lahát; ang casam-an lámang ay hindî niyá

kinaguiguiliwan ang hánap-búhay na iyán.

Ang túbig ay gumágalaw, umáalimpuyó ang túbig: tila mandin may nagbubunô

sa ilalim; umuugâ ang baclád. Hindî umíimic ang lahát, pinipiguil ang

paghin~gá. Pinípisil ni Ibarra n~g nan~gán~gatal niyang camáy ang

puluhan n~g matalas na sundáng.

Tila mandin ang pagbubuno'y natapos na. Sumun~gaw sa ibabaw n~g túbig

ang úlo n~g binátà, na binátì n~g masayang sigawan: punóng-punô n~g m~ga

lúhà ang m~ga matá n~g m~ga babae.

Umakyat ang piloto na hawak ang dúlo n~g lúbid, at n~g na sa batalán

na'y sacá hínila ang lúbid na iyón.

Lumitáw ang buaya: nacátalì ang lubid n~g lambal na pahilís sa líig at

sa dacong buntót. Malakíng buaya iyón, na gaya na n~ga n~g ibinalítà na

ni León may m~ga pintá, at sa ibabaw n~g canyáng licód ay may sumisibol

n~g lúmot, na sa m~ga buaya'y siyáng pinacauban cung bagá sa táo.

Umaatun~gal na parang vaca, hinahagkis n~g canyáng buntót ang m~ga

dinding n~g baclád, cumacapit doon, at in~ginanán~gan~ga ang canyáng

maitim at cagulatgulat na bun~gan~gà na anó pa't ipinakikita ang canyáng

mahahabang m~ga pan~gil.

Nag-iisa ang piloto sa paghila sa buaya sa ítaas: waláng nacacagunitang

sa canyá'y tumúlong.

Nang walâ na sa túbig at n~g mailagáy na sa ibabaw n~g batalán,

tinapacan n~g piloto ang buaya n~g canyáng paa; tinícom n~g canyáng

malacás na camáy ang pagcálalaking m~ga pan~gá, at binantang talían ang

n~gúsò n~g matibay na gápos. Tinicmán n~g buaya ang hulíng pagpipiglás,

ibinalantóc ang catawá't sacâ ipinálò sa batalán ang malacás niyang

buntót, at pagcacawala'y sumibát at nilucsó ang dagátan, sa dacong labás

n~g baclád, na anó pa't nacaladcad ang sa canya'y nagpapasúcò. Waláng

salang mapapatay ang piloto; isáng sigáw n~g panghihilacbót ang tumacas

sa lahát n~g m~ga dibdib.

Matuling tulad sa lintíc ay bigláng nahúlog sa túbig ang isáng catawán;

bahagyâ na silá nagcapanahóng makitang si Ibarra iyón. Hindî hinimatáy

si María Clara, sa pagca't hindî pa natututo ang m~ga filipinang

maghimatay.

Nakita niláng namulá ang m~ga alon, nadampol n~g dugô ang tubig. Lumucsó

sa malalim na tubigang binatang man~gin~gisda na hawac ang canyáng

gúloc, sumunód sa canyá ang canyáng amá; datapuwa't bago pa lamang

nacasisisid silá'y siyáng paglutang namán ni Crisóstomo at n~g piloto na

capuwà nacacapit sa bangcáy n~g buaya. Ang boong tiyang maputî nito'y

baác at nacapacò sa lalamunan ang sundáng.

Hindî maisaysay ang catowâan: libolibong camáy ang sa canilá'y umabót

upang iahon silá sa túbig. Nahihibang hálos ang matatandang babae at

silá'y nan~gagtatawanan at nan~gagdárasal. Nalimutan ni Andeng na

macaatlo n~g sumulác ang canyáng sinigáng: nábubô ang lahát n~g sabáw at

namatáy ang apóy. Si María Clara lámang ang hindî macapagsalitâ.

Hindî naano si Ibarra; nagcaroon n~g bahagyáng galos sa bisig ang

piloto.

--¡Cayó ang pinagcacautan~gan co n~g aking buhay!--ang sabi n~g piloto

cay Ibarrang nagbabalot n~g m~ga mantang lana at m~ga "tapiz".

Ang anyó n~g voces n~g piloto'y tila mandín may pighatî.

--Totoong masúlong pô cayó sa pan~ganib,--ang sa canya'y isinagot ni

Ibarra;--ulî-ulî huwag pô ninyong tútucsuhín ang Dios.

--¡Cung dî ca sana nacabalíc!...ang ibinulóng ni María Clarang namumutlâ

at nan~gan~gatal pa.

--¡Cung di sana acó nacabalíc at icáw ay sumunod sa akin,--ang isinagot

n~g binátà, na canyáng ipinagpatuloy ang caisipán,--sa ilalim n~g

dagata'y "mapapasama acó disin sa aking familia!"

Hindî nalilimutan ni Ibarrang doon humíhimlay ang m~ga but-ó n~g canyang

amá.

Aayaw n~g pumaroon ang matatandang babae sa cabilang baclád, íbig na

nilang umuwî, at ang caniláng minámatuwid ay nagpasimulâ raw n~g masamâ

ang araw, at baca may mangyaring maraming sacunâ.

--¡At ang lahát n~g iya'y dahil, sa hindî tayo nagsimba muna!--ang

ibinubuntong hinin~ga n~g isáng matandáng babae.

--Datapuwa't ¿ano pô bang sacunâ ang nangyari sa atin, m~ga guinoong

babae?--ang tanóng ni Ibarra.--¡Ang buaya ang siya lamang kinulang

pálad!

--At ang bagay na ito'y nagpapatotoo,--ang iniwacás n~g naguing

seminarista,--na sa boong canyáng macasalanang buhay hindî nagsimbá

cailan man ang sawing palad na buayang ito. Cailan ma'y hindî co

makitang siya'y nácasama n~g lubháng maraming m~ga buayang malimit na

pasasimbahan.

Nagsiparoon n~gâ ang m~ga bangcâ sa cabiláng baclad, at kinailan~gang

mulíng maghandâ si Andeng n~g ibáng sabáw na pagsisigan~gan.

Umaaraw na; humihihip ang amihan: napupucaw at namamasag ang m~ga álon

sa paliguid n~g buaya, at nagtátayo n~g "n~ga bundóc n~g bulâ, na doo'y

cumíkintab n~g boong casaganaan sa m~ga culay ang liwanag n~g araw",

ayon sa saysáy n~g poetang si P.A. Paterno.

Muling tumunóg ang música: tumutugtog si Iday n~g arpa, at ang m~ga

lalakí namá'y m~ga acordeón at m~ga guitarra, na humiguit cumúlang ang

"afinación;" datapuwa't si Albino ang magaling tumugtóg sa lahát, sa

pagca't tunay na kinacamot ang guitarra, nagcuculang sa "tono" at

mayatmaya'y sumisinsay sa compás, at caguinsaguisa'y nacalilimot, caya't

lumilipat sa sonatang ibang ibá sa dating tinútugtog.

Pinaroonan ang cabiláng baclád na may malaking pag-aalinlan~gan; marami

ang umaasang naroroon doon ang babaeng buayang asawa n~g nápatay,

n~guni't mápagbirô ang "Naturaleza", caya't laguing punô n~g isda ang

sáloc cailanis ma't ililitaw.

Nag-uutos si tia Isabel:

¡Mabuting isigang ang "ayun~gin"; pabayaan ninyó ang "biyâ" at n~g

mágawang "escabeche", ipasà ninyó ang "dalag" at ang "buwan-buwan":

mahábà ang búhay n~g dalág. Ilagay ninyó silá sa lambát at n~g manatili

silá sa túbig. ¡Ilagay ninyó ang m~ga "sugpô" sa cawáli! Ucol na iíhaw

ang "bánac" na may camatis sa tiyan, at nacabálot sa dáhon n~g ságuing.

Pabayâan ninyó ang ibá at n~g maguing pain. Hindî magalíng na pabayâang

ang waláng calamánlaman ang baclád,--ang idinugtóng.

N~g magcágayo'y nan~gag-acálà siláng lumunsád sa pampáng, sa gubat na

iyón n~g matatandang cáhoy na pag-áarì ni Ibarra. Doo'y sa lílim at sa

tabí n~g malínaw na bátis ay manananghalian silá sa guitnâ n~g m~ga

bulaclác ó sa ilalim n~g itatayô agad-agad na m~ga palapala.

Umaalin~gawn~gaw sa alang-alang ang música; napaimbulog n~g boong

casayahan ang úsoc n~g m~ga caláng ang anyó'y manipís na ipoipo: umaawit

ang túbig sa loob n~g mainit na palayóc; marahil ay m~ga salitáng

pang-alíw sa m~ga isdáng patáy, marahil ay libác at cutyâ:

nagpapapihitpihit ang bangcáy n~g buaya, cung minsa'y bigláng

ipinakikita ang maputi at wacwác na tiyán, cung minsan nama'y bigláng

ipinakikita ang may pintá at namemerdeng licód, n~guni't hindî

nagugulumihanan ang táong minamahal n~g Naturaleza, sa gayóng caraming

pagpatáy na cúsà sa m~ga capatíd, ayon sa sasabihin marahil n~g m~ga

"bramin" ó n~g m~ga "vegetariano."

Noli Me Tangere · 第 33 / 51 题