[210] Caraniwang tawaguin n~g m~ga tagalog ang fiesta n~g lahat n~g m~ga
santo, na "Todos los Santos", baga man ito'y wicang castila.
[211] Ang sumusulat n~g m~ga libro n~g m~ga casaysayan n~g m~ga nangyari
n~g panahong nacaraan na.
[212] Dating caharian n~g m~ga itím na tao sa Guinea, at colonia
francesa mulâ n~g 1892.
[213] Tinatawag ding Calvario, na ang cahuluga'y timbunan ó lalagyán n~g
m~ga bun~gô. Ang Calvario ó Gólgota'y na sa ibabâ n~g Jerusalem at
caugalîan n~g m~ga judíong doon patayín ang m~ga tulisán at magnanácaw.
Diyán n~ga ipinácò sa Cruz si Jesús, ang Dakilang Banál na hinatulang
mamatay roong tulad sa isáng imbíng magnanácaw. Sa bundoc din n~g
Gólgota naroon ang halamanan ni José de Arimathea na pinaglibin~gan sa
bangcay n~g Mananacop. S. Mateo XXVII. 33: Marcos XV. 22; Lúcas XXIII.
32; Juan XIX 17, 41.--Sinasapantáhà n~g ibáng iyón din ang bundóc
"Moriah", na pinagdalhán ni Abraham sa canyáng anác na si Isaac upang
patayín, sa pagtalima sa utos n~g Dios. Génesis XXII. 2.--P.H.P.
[214] Ang guang na sadyáng inilálagay sa m~ga pader n~g m~ga libin~gan,
at doon inilílibing ang m~ga bangcáy na may cabaong, sa pamamaguitan n~g
mahál na bayad sa párì ó cura n~g bayan.--May m~ga bayang tagalog na
tinatawag na "bútas" ang "nicho."
=XIII.=
=MGA PAUNANG TANDA NANG UNOS=
Nang sandalíng lumálabas ang matandáng lalaki, siyá namáng pagtiguil sa
pasimulâ n~g bagtás ó landás n~g isáng cocheng tila mandín maláyò ang
pinanggalin~gan, punóngpunô n~g alabóc at nagpapawis ang m~ga cabayo.
Umibís si Ibarra sa cocheng casunód n~g isáng alílang matandáng lalaki;
pinaalis ang coche sa isáng galáw lamang n~g úlo at napatun~go sa
libin~gang waláng kibò at malungcót.
--¡Hindî itinulot n~g aking sakít at n~g aking m~ga pinan~gan~gasiwâang
acó'y macabalíc dito!--ang sinasabi n~g matandáng lalaki n~g boong
cakimîan;--sinabi ni Capitang Tiagong siyá na ang bahalang magpatayô n~g
isáng "nicho"; datapuwa't tinanimán co n~g m~ga bulaclác at isáng cruz
na acó ang gumawâ....
Hindî sumagót sí Ibarra.
--¡Diyan pô sa licód n~g malakíng cruz na iyán--ang ipinagpatuloy n~g
alilà, na itinuturò ang isáng súloc n~g silá'y macapasoc na sa pintûan.
Lubháng natitigagal n~gâ ang caisipán ni Ibarra, cayá't hindî niyá
nahiwatigan ang pagtatacá n~g iláng táo n~g siyá'y caniláng makilala, na
tumiguil sa caniláng pagdarasál at sinundán siyá n~g tin~gín, sa lakí
n~g pangguiguilalas.
Nag-iin~gat ang binatà n~g paglacad, pinan~gin~gilagan niyáng dumaan sa
ibabaw n~g m~ga pinaglibin~gan, na madalíng nakikilala sa cahupyacán n~g
lúpà. Tinatapacan niyá n~g una, n~gayó'y iguinagalang niyá; gayón din
ang pagcacálibing sa canyang amá. Humintô siyá pagdatíng sa cabiláng
daco n~g cruz at tumin~gín sa palibotlibot. Námanghâ at napatigagal ang
canyáng casama; hinahanap niyá ang bacás sa lúpa ay walâ siyáng makitang
cruz saan man.
--¿Dito cayâ?--ang ibinúbulong;--hindî doon; n~guni't hinúcay ang lúpà.
Tinitingnan siyá ni Ibarra, na totoong masamâ ang lóob.
--¡Siyá n~gâ!--ang ipinagpatuloy,--natátandaang cong may isáng bató sa
tabí; may caiclîan ang húcay niyao'y may sakít ang maglilibing, cayá't
isáng casamá ang siyáng napilitang humúcay datapuwa't itátanong natín sa
canyá cung anó ang guinawâ sa cruz.
Pinatun~guhan nilá ang maglilibíng, na nagmámasid sa canilá n~g boong
pagtatacá.
Yumucód itó sa canilá, pagcapugay n~g canyáng salacót.
--Maipakikisabi pô bâ ninyó sa amin cung alín ang húcay na doó'y dating
may isáng cruz?--ang tanong n~g alílà.
Tiningnan n~g tinatanong ang lugar at nag-isíp ísip.
--¿Isáng cruz bang malakí?
--¿Opò, malakí,--ang pinapagtibay na sagót n~g matandáng lalaki n~g
boong catuwâan, at tinitingnan niyá n~g macahulugán si Ibarra, at sumayá
namán ang mukhâ nitó!
--¿Isáng cruz na may labor at may taling oway?
--¡Siyá n~gâ! ¡siyá n~gâ! ¡iyán n~gâ! ¡iyán n~gâ!--at iguinuhit n~g
alilà sa lupà ang isáng anyóng cruz bizantina[215].
--¿At may taním na m~ga bulaclác sa húcay?
--¡M~ga adelfa, m~ga sampaga at m~ga pensamiento! ¡iyán n~gâ!--ang
idinugtóng na malakí ang towâ, at inalayan niyá n~g isáng tabaco ang
maglilíbing.
--Sabihin n~ga ninyó sa amin cung alín ang húcay at cung saán naroon ang
cruz.
Kinamot n~g maglilíbing ang tain~ga't sumagót na naghíhicab:
--¡Abá ang cruz!... ¡akin n~g sinúnog!
--¿Sinúnog? at ¿bákit ninyó sinúnog?
--Sa pagcá't gayón ang ipinag-útos n~g curang malakí.
--¿Síno bâ ang curang malakí?--ang tanóng ni Ibarra.
--¿Síno? Ang nangháhampas, si parì Garrote.
Hinaplós ni Ibarra ang canyáng nóo.
--Datapuwa't ¿masasabi pô bâ ninyó sa amin man lamang ang kinalalagyan
n~g húcay? Dapat ninyóng matandaan.
N~gumitî ang maglilíbing.
--¡Walâ na riyán ang patáy!--ang mulíng isinagót n~g boong catahimican.
--¿Anó pô ang sabi ninyó?
--¡Abá!--ang idinugtóng n~g táong iyóng ang anyó'y nagbíbirô;--ang
naguing capalít niyá'y isáng babaeng inilibíng co roong may isáng linggó
na n~gayón.
--¿Nauulól pô bâ cayó?--ang itinanong sa canyá n~g alílà,--diyata't walâ
pa namáng isáng taóng siyá'y aming inilílibing.
--¡Tunay n~ga iyón! marami n~g buwan ang nacaraan mulâ n~g siyá'y aking
hucayi't cuning ulî sa baunan. Ipinag-utos sa aking siyá'y hucayin co
n~g curang malakí, upang dalhin sa libin~gan n~g m~ga insíc. N~guni't sa
pagká't mabigát at umúulan n~g gabíng yaón....
Hindî nacapagpatuloy n~g pananalitâ ang táo; umudlót sa pagcáguitlá n~g
makita ang anyô ni Crisóstomo, na dinaluhóng siyá't sacá siyá tinangnán
sa camáy at ipinágwagwagan.
--At guinawâ mo ba?--ang tanóng n~g binatang ang anyô n~g pananalita'y
hindî namin maisaysay.
--Howág po cayóng magalit, guinoo--ang sagót n~g maglilíbing na
namumutla't nan~gín~ginig;--hindî co po namán siyá inilíbing sa
casamahán n~g m~ga insíc. Mabuti pa ang malúnod cay sa mapasama sa m~ga
insíc--ang wica co--at siyá'y iniabsáng co sa tubig!
Inilagáy ni Ibarra ang canyáng m~ga camay sa magcabilang balicat n~g
maglilíbing at mahabang oras na siyá'y tinitigan n~g tin~ging hindî
maisaysay cung anóng íbig sabihin.
--¡Icáw ay walâ cung dî isáng culang palad!--ang sinabi, at umalís na
dalîdaling tinatahac ang m~ga butó, m~ga húcay, m~ga cruz, na paráng
ísang sirâ ang ísip.
Hináhaplos n~g maglilíbing ang canyáng bísig at bumúbulong:
--¡Ang guinágawang m~ga caligaligán n~g m~ga patáy! Binugbóg acó n~g
bastón n~g páring malakí, dahiláng ipinahintulot cong ilibíng ang patáy
na iyón n~g aco'y may sakít; n~gayo'y cauntí n~g balîin nitó ang aking
bísig, dahil sa pagcahucay co n~g bangcáy. ¡Itó n~ga namáng m~ga
castilà! ¡Marahil pa'y alisán acó nitó n~g aking hánap-búhay!
Matúlin ang lacad ni Ibarra na sa maláyò ang tanáw; sumúsunod sa canyáng
umíiyac ang alílang matandáng lalaki.
Lúlubog na lamang ang áraw; macacapál na m~ga dilím ang siyáng lumalatag
sa Casilan~ganan; isáng han~ging mainit ang siyáng nagpapagalaw sa dúlo
n~g m~ga cáhoy at nagpaparaíng sa m~ga cawayanan.
Nacapugay na lumalacad si Ibarra; sa canyáng m~ga matá'y walang
bumabalong na isáng lúhà man lamang, waláng tumatacas sa canyáng dibdib
cáhi't isáng buntóng hinin~gá. Lumalacad na parang may pinagtatanauan,
marahil sa pagtacas sa anino n~g canyáng amá, ó bacâ namán cayà sa
dumádating na unós. Tináhac ang báya't lumabás sa luwál, tinun~go yaóng
lúmang báhay na malaon n~g panahông hindî tinutungtun~gan. Naliliguid
ang bahay na iyón n~g pader na sinísibulan n~g m~ga damóng macacapál ang
dahon, tila mandin siyá'y hinuhudyatán; bucás ang m~ga bintánà; umúugoy
ang iláng-ílang at ipinápagaspas n~g boong casayahan ang canyáng m~ga
san~gáng hític n~g m~ga calapati na nagpapaliguidliguid sa matibong na
bubóng n~g caniláng tahanang na sa guitna n~g halamanan.
N~guni't hindî pinápansin n~g binatà ang caligayaháng itóng iníháhandog
sa canyáng pagbalíc sa lúmang báhay: nacapácò ang canyáng m~ga matá sa
anyô n~g isáng sacerdoteng canyáng macacasalubong. Itó'y ang cura sa San
Diego, yaong laguing nagdidilidiling franciscano na ating nakita, ang
caaway n~g alférez. Tiniticlop n~g han~gin ang canyáng malapad na
sombrero; ang canyáng hábitong guinggo'y dumirikit sa canyáng catawán at
ipinakikita ang anyo nito; na anó pa't námamasid ang canyáng m~ga payát
na hítang may pagcá sacáng. Sa cána'y may háwac na isáng bastóng
palasang may tampóc na gáring. Noón lamang nagcakita siláng dalawá ni
Ibarra.
Pagsasalubong nilá'y sandalíng humintô ang binata't siyá'y tinitigan;
iniiwas ni Fr. Salví ang canyáng m~ga matá at nagpaconowaríng
nalílibang.
Sandalíngsandali lamang tumagál ang pag-aalinlan~gan: malicsíng
linapitan siyá ni Ibarra, pinatiguil at idiniín n~g boong lacás n~g
canyáng camáy na ipinatong sa balicat n~g párì, at nagsalitáng halos
bahagyâ na mawatasan:
--¿Anó ang guinawâ mo sa aking amá?--ang itinanóng.
Si Fr. Salvíng namutlâ, at nan~gatál n~g mabasa niyá ang m~ga damdaming
nalalarawan sa mukhâ n~g binátà'y hindi nacasagót; nawalán n~g diwâ.
--¿Anó ang guinawâ mo sa aking amá?--ang mulíng itinanóng na nalulunod
ang voces.
Ang sacerdoteng untîunting nahútoc, dahil sa camáy na sa canyá'y
nagdíriin ay nagpumilit at sumagót:
--¡Cayó po'y nagcacamalî; walâ acóng guinagawang anó man sa inyóng amá.
--¿Anóng walâ?--ang ipinagpatuloy n~g binátà, at sacâ siyá idiniín
hanggáng sa siyá'y mápaluhod.
--¡Hindî pó, sinasabi co sa inyó ang catotohanan! ang aking hinalinhán,
si párì Dámaso ang may cagagawán....
--¡Ah!--ang sinabi n~g binata't siyá'y binitiwan at bago tumampál sa
noo. At iniwan ang abáng si Fr. Salví at dalidáling tinun~go ang canyáng
sariling báhay.
Samantala'y dumatíng ang alilà at tinulun~gan sa pagtindíg ang fraile.
[Larawan:--¿Inanó mo ang aking amá--ani Ibarra sa fraile.--Imp. de M.
Fernandez Paz 447. Sta. Cruz]