[184] Machiavelo: balitang escritor, político at literato italiano, na
naguíng ministro sa Florencio, inihahatol ni Machiavelo sa canyáng
sinulat na librong "El principe" ang pagdarayà sa m~ga pakikipanayam sa
tagâ ibáng nación tungcol sa politica.--P.H.P.
[185] Capisanan n~g m~ga táong nagcacaisang loob sa pagsasanggalang n~g
isáng caisipan.
[186] Alagaan n~g m~ga cabayo.
[187] Capatíd ni Remo at siyáng nagtayô n~g Roma n~g taóng 733 bago
ipan~ganác si Cristo.
[188] Palacio n~g papa sa Roma, na na sa bundóc Vaticano.
[189] Palacio n~g hárì sa Roma na na sa Quirinal, isa sa pitóng bundóc
sa Roma.
[190] V.O.T. "abreviatura" n~g Venerable Orden Tercera; Cagalang-galang
na icatlong hanáy n~g Capisanan ó icatlong pulutóng n~g Capisanan.
[191] Pangguitlá sa táo. M~ga cabulaanang larawang likhâ n~g panimdím
n~g m~ga matatacutín.
[192] Dakilang panahóng nagpasimulâ n~g pagwawasác sa caharìan n~g Roma,
sa Calunuran, n~g m~ga "bárbaro", taóng 476, at ang wacás ay sa
pagcacuha n~g m~ga turco sa Constantinopla, n~g taóng 1453, ó sa
pagcatuclás n~g América n~g 1492. Ang pangyayari n~g feudalismo ang
siyáng caraniwan n~g panahóng iyón.--P.H.P.
[193] Babaeng ayon sa m~ga han~gál ay catiyáp n~g diablo. Nawawan~gis sa
asuwang na pinaniniwalaan n~g m~ga tagalog na mangmang.--P.H.P.
[194] Dahil sa nawawangking totoo ang pinaniniwalaang "asuwang" n~g m~ga
tagalog sa pinaniniwalaang "bruja" n~g m~ga europeo'y inaacala cong ang
nagdalá rito n~g ganyáng malíng sapantahà'y ang m~ga fraile ó ang m~ga
castilang mangmang, na gaya rîn n~g maraming m~ga pamahîing dî dating
kilala n~g m~ga tagalog cung dî n~g maparito na lamang ang m~ga taga
España--P.H.P.
[195] Lucio Dominico Nerón, malupít na emperador sa Roma; ipinapatáy
niyá ang canyáng ináng si Agripina at si Britânico, hinatulang mamatáy
ang tagapag-alagà sa canyáng si Burro, ang canyáng maestrong si Séneca,
si Lucano at ibá pang m~ga caguinoohan; pinag-usig ang m~ga cristiano at
sinunog ang Roma. Ipinan~ganác n~g taong 37 at namatáy n~g taóng 68.
[196] Ang nag-aaral ó ang sumusunod sa filosofía ó marunong n~g
filosofía, na isáng carunun~gang nauucol sa cahulugán, calagayan,
pinagmumulaan at naguiguing bun~ga n~g m~ga bagay bagay.
[197] Ang pan~gin~gilin sa anó man, lalong-lálò ang mahigpít na
pagpipiguil na huwág gumawâ n~g anó mang bagay na masamâ, na siyang ibig
n~g Dios na ating sundìn, ayon sa profeta Isaias LVIII. 3-7.--Tungcól sa
ayuno n~g catawán, ang pagkabawal bagá n~g pagcaing anó man, minsan
lamang na ipinag-utos na sapilitang súsundin n~g m~ga israelita sa araw
n~g pagsisisi, ayon sa Levítico XVI. 29, 31, na doo'y ang salitáng:
"papagpipighatiin ninyó ang inyóng cálolowa," caraniwang ang inaaring
cahulugán ay mag-ayuno; sa pagca't ang ayuno sa m~ga judio'y tunay
n~gang isáng araw n~g pagpipighatî at pagpapacabábà. Walâ na acóng ibá
pang nakita tungcól sa ayuno sa m~ga cautusáng lagdâ ni Moisés.
Ipinag-uutos ang iláng araw na pag-aayuno n~g panahóng nabibihag ang
m~ga judío sa Babilonia, ayon sa sabi ni Zacarías VII. 1-7; VIII. 19,
bagá man hindî sinasabi roon ang m~ga pinagcadahilanan n~g gayóng
tadhanà. Gayón man, manacânacáng ipinag-utos na man~gag-ayuno ang lahát
dahil sa m~ga tan~ging nangyayari, datapuwa't hindî tadhanang iparati
ang pag-aayuno, cung dî sa panahóng lamang na iyón; gaya na n~ga n~g
magcatipon ang m~ga taga Atispa ay nan~gag-ayunong lahát ayon sa sulat
ni Samuel VII. 6.--Nag-utos din si Josaphat na mag-ayuno ang lahát n~g
m~ga judío, dahil sa pakikibaca sa m~ga Moabita at Ammonita, ayon sa 2.a
Crónica XX. 3.--Gayón ding m~ga pag-aayuno ang guinawâ n~g iba't ibáng
m~ga cautusán n~g m~ga judío, at sa pagca't ang Cristianismo'y religióng
ucol sa lahát n~g m~ga bayan, hindî na n~ga ipinag-utos sa m~ga
Cristianong sapilitan ang pag-aayuno, ayon sa makikita natin sa m~ga
Santong Evangelio. Ang pag-aayuno'y cusà n~g calooban at dapat ganapíng
hindî sa pagpaparan~galan, at gagawing tandâ n~g taimtím na pagsisisi sa
m~ga casalanan, ayon cay San Mateo, VI. 16.
[198] Pangpintá sa mukhâ at n~g pumulá.
[199] Pagsasanay sa paggamit n~g sandata at n~g m~ga kilos n~g
pagcasundalo.
[200] Ang m~ga canta't m~ga tugtog na magcasaliw; at ang ibig sabihin
dito'y may tacapan at may paluan.
[201] "Pedál", tapacán sa piano, at ang ibig sabihi'y may sicarán pa.
[202] Sa wicà natin ay waláng tunay na catumbás ang sabing "escándalo"
na ang isá sa m~ga cahuluga'y ang pagtatalong nacapagcacasala ó
nacababagabag sa iba.
[203] Sawicaíng ang cahuluga'y capanig n~g may m~ga caisipang tulad sa
adhicain n~g m~ga fraile.
[204] Ang cacampi ni Cárlos na ibig maghári sa España.
[205] Curang malìit ó curacuráhan.
[206] Lán~gaw na patáy. Mapagpataypatayan samantalang nag-iísip n~g m~ga
catampalasanang gawâ.
[207] Ang caraniwang tawaguing "pozuelo" ó tasang lalagyán n~g
chocolate.
[208] Isang casabihang catumbás n~g ¡abá! ¡nacú! ¡diaske! at iba pang
nagpapakilala n~g towâ, gálit, pagtatacá.
[209] Malapot sa wicang castila'y "espeso", caya chocolate ¿eh? ang
sinasabi n~g cura pagca chocolateng malapot ang ibig.--Malabnaw sa
wicang castila'y "aguado", caya't chocolate ¿ah? ang sabi pagca ang ibig
ay malabnaw.
=XII.=
=ANG LAHAT NANG MANGA SANTO=[210]
Marahil ang bugtóng na bagay na hindî matututulang ikinatatan~gì n~g táo
sa m~ga háyop ay ang paggalang na iniháhandog sa m~ga namamatay.
Sinásaysay n~g m~ga historiador[211] na sinasamba at dinídios nilá ang
caniláng m~ga núnò at magugulang; n~gayó'y tumbalíc ang nangyayari: ang
m~ga patáy ang nagcacailan~gang mamintuhô sa m~ga buháy. Sinasabi rin
namáng iniin~gatan n~g m~ga taga Nueva Guinea sa m~ga caja ang m~ga
but-ó n~g caniláng m~ga patáy at nakikipagsalitaan sa canilá; sa
pinacamarami sa m~ga bayan n~g Asia, Africa at América'y hinahayinan ang
caniláng m~ga patáy n~g lalong masasaráp niláng m~ga pagcain, ó ang m~ga
pagcaing minámasarap n~g m~ga patáy n~g panahóng silá'y nabubuhay, at
nan~gagpípiguing at inaacalà niláng dumádalo sa m~ga piguíng na itó ang
m~ga patáy. Ipinagtátayô n~g m~ga taga Egipto n~g m~ga palacio ang m~ga
patáy, ang m~ga musulmán nama'y ipinagpápagawâ, silá n~g maliliit na
m~ga capilla, at ibá pa; datapowa't ang bayang maestro sa bagay na itó,
at siyáng lalong magalíng ang pagcakilala sa púsò n~g tao'y ang bayan
n~g Dahomey[212]. Natátalastas n~g m~ga maiitím na itó, na ang táo'y
mapanghigantí, at sa pagca't gayó'y sinasabi niláng upang mabigyang
catowâan ang namatáy, walâ n~g lalong magalíng cung dî ang patayín sa
ibabaw n~g pinaglibin~gan sa canyá ang lahát n~g canyáng m~ga caaway; at
sa pagcá't ang táo'y malulugdíng macaalam n~g m~ga bagay-bagay, sa
taón-tao'y pinadadalhán siyá n~g isáng "correo" sa pamamag-itan n~g
linapláp na balát n~g isáng alipin.
Tayo'y náiiba sa lahát n~g iyán. Bagá man sa nababasa sa m~ga sulat na
nauukit sa m~ga pinaglibin~gan, halos walâ sino mang naniniwalang
nagpapahin~galay ang m~ga patáy, at lalò n~g hindî pinaniniwalâang
sumasapayápà. Ang lalong pinacamagalíng mag-ísip ay nan~gag-aacalang
sinásanag pa ang caniláng m~ga núnò sa túhod sa Purgatorio, at cung di
siyá mápacasamâ (mapasainfierno bagá), masasamahan pa niyá, silá roon sa
mahábang panahón. At ang sino mang ibig tumutol sa amin, dalawin niyá
ang m~ga simbahan at ang m~ga libin~gan sa boong maghapong itó, magmasíd
at makikita. Datapowa't yamang tayo'y na sa bayan n~g San Diego, dalawin
natin ang libin~gan dito.
Sa dacong calunuran, sa guitnâ n~g m~ga palaya'y nároroon, hindî ang
ciudad, cung dî ang nayon n~g m~ga patáy: ang daan n~g pagparoo'y isáng
makitid na landás, maalabóc cung panahóng tag-ínit, at mapamámangcàan
cung panahóng tag-ulán. Isáng pintûang cahoy, at isáng bácod na ang
calahati'y bató at ang calahati'y cawayan ang tila mandin siyáng
ikináhihiwalay n~g libin~gang iyón sa bayan n~g m~ga buháy; datapowa't
hindî nahihiwalay sa m~ga cambíng n~g cura, at sa iláng baboy n~g m~ga
calapít báhay, na pumapasoc at lumálabas doon upang man~gagsiyasat sa
m~ga libin~gan ó man~gagcatowâ sa gayóng pag-iisá.
Sa guitnâ n~g malúang na bacurang iyón may nacatayóng isáng malaking
cruz na cahoy na natitiric sa patun~gang bató. Inihapay n~g unós ang
canyáng INRI na hoja de lata, at kinatcát n~g ulán ang m~ga letra. Sa
paanan n~g cruz, túlad sa túnay na Gólgota[213], samasamang nábubunton
ang m~ga bun~gô n~g úlo at m~ga but-ó, na ang waláng malasakit na
maglilíbing ay itinatapon doon ang canyáng m~ga nahuhucay sa m~ga
libin~gan. Diyá'y man~gaghíhintay silá, ang lalong malapit mangyari,
hindî n~g pagcabúhay na mag-ulî n~g m~ga patáy, cung dî ang pagdatíng
doon n~g m~ga háyop at n~g silá'y painitin n~g caniláng m~ga tubíg at
linisin ang caniláng malalamig na m~ga cahubdán.--Námamasdan sa
paliguidliguid ang m~ga bagong hûcay: sa dáco rito'y hupyác ang lúpà, sa
dáco roo'y anyóng bundúc-bunducan namán. Sumísibol doo't lumálagô n~g
máinam ang tarambulo't pandacákì; ang tarumbulo'y n~g tundûin ang m~ga
bintî n~g canyáng matitiníc na m~ga bún~ga, at n~g dagdág namán n~g
pandacakì ang canyáng amóy sa amóy n~g libin~gan, sacali't itó'y waláng
casucatáng amoy. Gayón ma'y nasasabúgan ang lúpà n~g iláng maliit na
m~ga bulaclac, na gaya rin namán n~g m~ga bun~góng iyóng ang Lumikhâ
lamang sa canilá ang nacacakilala na: ang n~gitî n~g m~ga bulaclác na
iyó'y maputlâ at ang halimúyac nilá'y ang halimúyac n~g m~ga baunan. Ang
damó at ang m~ga gumagapang na damó'y tumátakip sa m~ga súloc,
umuucyabit sa m~ga pader at sa m~ga "nicho"[214], na anó pa't dináramtan
at pinagáganda ang hubád na capan~gítan; cung minsa'y pumapasoc sa m~ga
gahác na gawà n~g m~ga lindól, at inililihim sa m~ga nanonood ang m~ga
cagalanggalang na m~ga libin~gang waláng lamán.
Sa horas n~g pagpasoc namin ay binúgaw ang m~ga hayop; ang
man~gisan~gisang baboy lamang, hayop na mahirap papaniwalâin, ang siyáng
sumisilip n~g canyáng maliliit na m~ga matá, isinusun~gaw ang úlo sa
isáng malakíng gúang n~g bacod, itinataás ang n~gusò sa hán~gin at
wari'y sinasabi sa isáng babaeng nagdárasal:
--Howág mo namáng cacanin lahát, tirhán mo acó nang cauntî, ¿ha?
May dalawáng lalaking humuhucay n~g isáng baunan sa malapit sa pader na
nagbabalang gumúhò: ang isá, na siyáng maglilíbing ay waláng
cabahábahálà; iniwawacsi ang m~ga gulogód at ang m~ga butó, na gaya na
pag-aabsáng n~g isáng maghahalamán n~g m~ga bató at m~ga san~gáng tuyô;
ang isá'y nan~gán~ganin~ganí, nagpapawis, humíhitit at lumúlurâ mayá't
mayâ.
--¡Pakinggán mo!--anang humíhitit, sa wícang tagalog.--¿Hindî cayâ
magalíng na catá'y humúcay sa ibang lugar? Ito'y bagóng bágo.
--Pawang bágo ang lahát n~g libíng.
--Hindî na acó macatagál. Ang but-óng iyáng iyóng pinutol ay dumúrugò pa
... ¡hm! ¿at ang m~ga buhóc na iyán?
--¡Nacú, napacamaselang ca naman!--ang ipinagwícà sa canyá n~g isá--¡Ang
icaw ma'y escribiente sa Tribunal! Cung humúcay ca sanang gáya co n~g
isáng bangcáy na dadalawampong araw pa, sa gabí, n~gitn~git n~g dilím,
umúulan ... namatáy ang farol cong dalá....
Kinilabutan ang casama.
--Naalís ang pagcapacò n~g cabaong, umaalin~gásaw ... at mapilitan cang
pasanín mo ang cabaong na iyón, at umúulan at camíng dalawá'y cápuwà
basâ at....
--¡Kjr!....At ¿bákit mo hinúcay?...!
Tiningnan siyá n~g maglilíbing n~g boong pagtatacá.
[Larawan:--¡Ah! at ¿anó ang guinawâ mo sa bangcay pagcatapos?--ang
ipinagpatuloy na pagtanóng n~g maselang.--Imp de M. Fernández. Paz 447.
Sta. Cruz.]
--¿Bákit?...¿nalalaman co bâ? ¡Ipinag-útos sa áking hucáyin co!
--¿Sino ang nag-útos sa iyó?
Napaurong n~g cauntî ang maglilíbing at pinagmasdán ang canyáng casama,
mulâ sa páa hangáng úlo.
--¡Abá! ¡tila ca namán castilà! ang m~ga tanóng díng iyán ang siyáng
guinawâ sa akin pagcatapos n~g isáng castilà, datapuwa't sa lihim.
N~gayó'y sásagutín catá, n~g gaya n~g pagcásagot co sa castilà:
ipinag-útos sa akin n~g curang malakí.
--¡Ah! at ¿anó ang guinawâ mo sa bangcáy pagcatápos?--ang ipinagpatúloy
na pagtatanóng n~g maselang.
--¡Diablo! cung dî co lamang icáw nakikilala at natatalastas cung icáw
ay "lalaki", sasabihin cung icáw ay túnay n~gang castilang civil: cung
magtanóng ca'y túlad din sa canyá. Gayón ...ipinag-utos sa akin n~g
curang malakíng siyá'y ilibíng co sa libin~gan n~g m~ga insíc, n~guni't
sa pagcá't totoong mabigát ang cabaong at maláyò ang libin~gan n~g m~ga
insíc....
--¡Ayaw! ¡ayaw! ¡ayaw co n~g humúcay!--ang isinalabat n~g causap na
lipós n~g pan~gin~gilabot, na binitiwan ang pála at umahon sa
húcay;--akíng nábaac ang bá-o n~g isáng úlo at nan~gan~ganib acóng bacâ
hindî acó patuluguín sa gabíng itó.
Humalakhác ang maglilíbing n~g canyáng makitang samantalang umaalis ay
nagcucruz.
Unti-unting napúpunô ang libin~gan n~g m~ga lalaki't m~ga babáeng páwang
nan~gacalucsâ. Ang ibá'y nan~gagháhanap na maluat n~g baunan;
silá-silá'y nan~gagtatatalo, at sa pagca't hindî mandín silá
man~gagcasundò, silá'y nan~gaghíhiwalay at bawa't isá'y lumúluhod cung
saán lalong minamagaling niyá,; ang m~ga ibá, na may m~ga "nicho" ang
caniláng m~ga camag-anac, nan~gagsísindi n~g malalakíng candilà at
nan~gagdárasal n~g taimtím; naririnig din namán ang m~ga buntóng
hinin~gá at m~ga hagulhól, na pinacalalabis ó pinipiguil. Narírin~gig na
ang alin~gawn~gaw n~g "orápreo, orápresis" at "requiemeternams."
Násoc na nacapugay ang isáng matandáng lalaki. Marami ang nan~gagtawá
pagcakita sa canyá, ikinunót ang m~ga kílay n~g iláng m~ga babae. Tila
mandín hindî pinúpuna n~g matandáng lalaki ang gayóng m~ga ipinakikita
sa canyá, sa pagcá't napatun~go siyá sa buntón n~g m~ga bun~gô n~g úlo,
lumuhód at may hinanap sa loob n~g iláng sandalî sa m~ga but-ó;
pagcatapos ay main~gat na inisaisáng ibinucód ang m~ga bun~gô n~g úlo,
at sa pagca't hindî mandín makita niyá ang canyáng hinahanap, umilíng,
lumín~gap sa magcabicabilà at nagtanóng sa maglilíbing.
--¡Oy!--ang sinabi sa canyá.
Tumungháy ang maglilíbing.
--¿Nalalaman mo bâ cung saan naroon ang isáng magandáng bungô n~g úlo,
maputíng tulad sa lamán n~g niyóg, waláng caculangculang ang m~ga
n~gípin, na inalagáy co sa paanán n~g cruz, sa ilalim n~g m~ga dahong
iyón?
Ikinibít n~g maglilibing ang canyáng m~ga balícat.
--¡Masdán mo!--ang idinugtóng n~g matandâ, at ipinakita sa canyá, ang
isáng pílac na salapî,--walâ aco cung hindî itó, n~guni't ibíbigay co sa
iyó cung makita mo ang bun~góng iyón.
Pinapagdilidili siyá, n~g ningníng n~g salapî, tinanáw ang buntunan n~g
m~ga, butó, at nagsalitâ:
--¿Walâ bâ roon? Cung gayó'y hindî co nalalaman. N~guni't cung ibig
ninyó'y bíbigyan co pô cayó n~g ibá.
--¡Catulad ca n~g baunang iyóng hinuhucay!--ang winíca sa canyá n~g
matandáng lalaking nan~gín~ginig ang voces;--hindî mo nalalaman ang
halagá n~g nawawalâ sa iyo. ¿Sino ang ililibing sa húcay na iyán?
--¿Nalalaman co bâ cung sino? Isáng patáy ang ilílibing diyan!--ang
sagót na nayáyamot n~g maglilibing.
--¡Tulad sa baunan! ¡tulad sa baunan!--ang inulit n~g matandáng lalaking
nagtátawa n~g malungcot;--hindî mo nalalaman ang iyong hinuhucay at ang
iyong nilalamon! ¡Húcay! ¡húcay!
Samantala'y natapos n~g maglilíbing ang canyáng gawâ; dalawáng
nacatimbóng lupang basâ at mapulápulá ang na sa magcabilang tabí n~g
húcay. Cumúha sa canyáng salacót n~g hichó, n~guman~gà at
pinagmasídmasíd na may anyóng tan~gá ang m~ga nangyayari sa canyáng
paliguid.