TALABABA:

[108] Espiritung nananahan sa alang alang.

[109] Alín man sa m~ga diosang nananahán sa tubig, sa m~ga gubat at sa

iba pa.

[110] Isáng semidios ó pan~galawang dios na ang calahati'y tao't

calahati'y cambíng.

[111] Dios na lumilikha n~g lahát n~g bagay, anáng m~ga gentil.

[112] Ang dalagang bukid.

[113] Elefante. Hindî malayong n~g caunaunaha'y nagcaroon n~g elefante

dito sa Filipinas, caya sa wicà natin ay may sadyáng tawag, gadya;

samantalang napagkikilalang dito'y talagáng dating waláng cabayo, cayâ

sa wicà natin ay waláng sariling pan~galan ang hayop na itó na di gaya

n~g áso, baboy, manóc at iba pa.

[114] Isáng larawang cahoy, bató, tansô ó kacal.

[115] Guintô pa panahóng iyón ang salapi sa Filipinas.

=VI.=

=CAPITANG TIAGO=

_Sundin namán ang loob mo dito sa lupa_!

Samantalang natutulog ó nag-aagahan ang ating m~ga guinoo'y si Capitang

Tiago ang ating pag-usapan. Cailán ma'y hindî tayo naguíng panauhín

niyá, walâ n~ga tayong catuwiran ó catungculang siyá'y pawaláng halagá

at huwág siyáng pansinín, cahi't sa mahalagáng capanahunan.

Palibhasa'y pandác, maliwanag ang culay, bilóg ang catawán, at ang

mukhâ, salamat sa saganang tabâ, na alinsunod sa m~ga nalúlugod sa

canyá'y galing daw sa lan~git, at anáng m~ga caaway niyá'y galing daw sa

m~ga dukhâ, siyá'y mukháng bátà cay sa tunay niyáng gulang: sino ma'y

maniniwalang tatatlompo't limang taón lamang siyá. Táong banál ang

laguing anyô n~g canyáng pagmumukhâ n~g panahóng nangyayari ang

sinasaysay namin. Ang báo n~g canyáng úlong bilóg, maliit at

nalalaganapan n~g buhóc na casing itím n~g luyong, mahabà sa dacong

harapán at totoong maiclî sa licuran; hindî nagbabago cailán man n~g

anyô ang canyáng m~ga matang malilíit man ay dî singkít na gaya n~g sa

insíc, mahayap na hindî sapát ang canyáng ilóng, at cung hindî sana

puman~git ang canyáng bibíg, dahil sa napacalabís na pagmamascada niyá

at pagn~gàn~gà, na sinisimpan ang sapá sa isáng pisn~gí, na siyáng

nacasisirà n~g pagcacatimbang n~g tabas n~g mukhâ, masasabi naming

totoong magalíng ang canyáng paniniwalà at pagpapasampalatayáng siyá'y

magandáng lalaki. Gayón mang napapacalabis ang canyáng pananabaco't

pagn~gàn~gà ay nananatiling mapuputî ang canyáng m~ga sariling n~gipin,

at ang dalawang ipinahirám sa canyá n~g dentista, sa halagáng

tiglalabing dalawang piso ang bawa't isá.

Ipinalalagay na siyá'y isá sa m~ga lalong m~ga mayayamang

"propietario"[116] sa Binundóc, at isá sa lalong m~ga pan~gulong

"hacendero"[117], dahil sa canyáng m~ga lúpà sa Capampan~gan at sa

Laguna n~g Bay, lalonglalò na sa bayan n~g San Diego, na doo'y itinataas

taón taón ang buwis n~g lúpà. Ang San Diego ang lalong naiibigan niyáng

báyan, dahil sa caligaligayang m~ga páliguan doon, sa balitang

sabun~gán, ó sa m~ga hindî niyá nalilimot na canyáng naaalaala: doo'y

nátitira siyá n~g dalawáng buwán sa bawa't isáng taón, ang cadalian.

Maraming m~ga báhay si Capitang Tiago sa Santo Cristo, sa daang Anloague

at sa Rosario. Siyá't isáng insíc ang may hawác n~g "contrata" n~g opio

at hindî n~ga cailan~gang sabíhing silá'y nan~gagtutubò n~g lubháng

malakí. Siyá ang nagpapacain sa m~ga bilanggô sa Bilibid at nagpapádala

n~g damó sa maraming m~ga pan~gulong báhay sa Maynilà; dapat unawâing sa

pamamag-itan n~g "contrata." Casundô niyá ang lahát n~g m~ga pinunò,

matalinò, magalíng makibagay at may pagcapan~gahás, pagcâ nauucol sa

pagsasamantalá n~g m~ga pagcâ iláng n~g ibá; siyá ang tan~ging

pinan~gan~ganibang capan~gagáw n~g isáng nagn~gan~galang Perez, tungcól

sa m~ga "arriendo" at m~ga "subasta" n~g m~ga sagutin ó

pan~gan~gatungculang sa towi na'y ipinagcacatiwálâ n~g Gobierno n~g

Filipinas sa m~ga camáy n~g m~ga "particular"[118]. Cayâ n~ga't n~g

panahóng nangyayari ang m~ga bagay na itó, si Capitang Tiago'y isáng

taong sumasaligaya; ang ligaya bagáng macacamtan sa m~ga lupaíng iyón

n~g isáng táong maliit ang báo n~g úlo: siyá'y mayaman, casundô n~g

Dios, n~g Gobierno at n~g m~ga táo.

Na siyá'y casundô n~g Dios, itó'y isáng bagay na hindî

mapag-aalinlan~ganan: halos masasabing marapat sampalatayanan: waláng

cadahilanan upang mácagalit n~g mabaít na Dios, pagcâ magalíng ang

calagayan sa lúpà, pagcâ sa Dios ay hindî nakikipag-abot-usap cailán

man, at cailán ma'y hindî nagpapautang sa Dios n~g salapî. Cailán ma'y

hindî nakipag-usap sa Dios, sa pamamag-itan n~g m~ga pananalan~gin,

cahi't siyá'y na sa lalong malalakíng m~ga pagcaguipít; siyá'y mayaman

at ang canyáng salapî ang sa canyá'y humahalili sa pananalan~gin. Sa

m~ga misa at sa m~ga "rogativa'y" lumaláng ang Dios n~g m~ga

macapangyarihan at m~ga palalong m~ga sacerdote. Lumaláng ang Dios, sa

canyáng waláng hanggáng cabaitan, n~g m~ga dukhâ, sa iguiguinhawa n~g

m~ga mayayaman, m~ga dukháng sa halagáng piso'y macapagdarasal n~g

cahi't labing anim na m~ga misterio at macababasa n~g lahát n~g m~ga

santong libro, hanggáng sa "Biblia hebráica" cung daragdagan ang bayad.

Cung dahil sa isáng malakíng caguipita'y manacánacáng kinacailan~gan ang

m~ga saclolo n~g calan~gitan at waláng makita agád cahi't isáng

candilang pulá n~g insíc, cung magcagayo'y nakikiusap na siyá sa m~ga

santo at sa m~ga santang canyáng pintacasi, at ipinan~gan~gacò sa canilá

ang maraming bagay upang silá'y mapilitan at lubós mapapaniwalaang tunay

na magalíng ang canyáng m~ga han~gád. Datapuwa't ang totoong lálò niyáng

pinan~gan~gacuan at guináganapan n~g m~ga pan~gacò ay ang Virgen sa

Antipolong Nuestra Señora de la Paz y Buen Viaje; sapagcá't sa iláng may

caliliitang m~ga santo'y hindî n~ga lubháng gumáganap at hindî rin

totoong nag-uugaling mahál ang táong iyón; ang cadalasa'y pagcâ kinamtán

na niyá ang pinipita'y hindî na muling nágugunítà ang m~ga santong iyón;

tunay n~ga't hindî na namán silá mulíng liniligalig niyá, at cung

sacali't napapanaho'y talastás ni Capitáng Tiagong sa calendario'y

maraming m~ga santong waláng guinágawâ sa lan~git marahil. Bucód sa

roo'y sinasapantáhà niyáng malakí ang capangyariha't lacás n~g Virgen de

Antipolo cay sa m~ga ibáng Virgeng may dalá mang bastóng pilac, ó m~ga

Niño Jesús na hubó't hubád ó may pananamít, ó m~ga escapulario, m~ga

cuintás ó pamigkís na cuero ("correa"): marahil ang pinagmumulaàn nitó'y

ang pagcâ hindi mápalabirô ang Guinoong Babaeng iyón, mápagmahal sa

canyáng pan~galan, caaway n~g "fotografía"[119], ayon sa sacristán mayor

sa Antipolo, at sacâ, pagca siya'y nagagalit daw ay nan~gín~gitim na

cawan~gis n~g luyong, at nanggagaling namán sa ang ibáng m~ga Virgen ay

may calambután ang púsò at mapagpaumanhin: talastás n~g may m~ga táong

iniibig pa ang isáng haring "absoluto"[120] cay sa isáng haring

"constitucional"[121], cung hindî náriyan si Luis Catorce[122] at si

Luis Diez y Seis[123], si Felipe Segundo[124] at si Amadeo Primero[125].

Sa cadahilanan ding itó marahil cayâ may nakikitang m~ga insíc na di

binyagan at sampóng m~ga castilang lumalacad n~g paluhód sa balitang

sambahan; at ang hindî lamang napag-uusísà pa'y ang cung bakit

nan~gagtatanan ang m~ga curang dalá ang salapî n~g casindácsindác na

Larawan, napasa sa América at pagdatíng doo'y napacácasal.

Ang pintuang iyán n~g salas, na natátacpan n~g isáng tabing na sutlâ ay

siyáng daang patun~gó sa isáng maliit na capilla ó pánalan~ginang dî

dapat mawalâ sa alin mang báhay n~g filipino: naririyan ang m~ga "dios

lar"[126] ni capitan Tiago, at sinasabi naming m~ga "dios lar," sa

pagca't lalong minamágaling n~g guinoong ito ang "politeismo"[127] cay

sa "monoteismo"[128] na cailan ma'y hindî niyá naabót n~g pag-iisip.

Doo'y may napapanood na m~ga larawan n~g "Sacra Familia"[129] na pawang

garing mulâ, sa ulo hangang dibdib, at gayon din ang m~ga dacong dulo

n~g m~ga camáy at paa, cristal ang m~ga matá, mahahabà ang m~ga pilíc

matá at culót at culay guintô ang m~ga buhóc, magagandáng yárì n~g

escultura sa Santa Cruz. M~ga cuadrong pintado n~g óleo n~g m~ga

artistang taga Pácò at taga Ermita, na ang naroroo'y ang m~ga

pagpapasakít sa m~ga santo, ang m~ga himalâ n~g Vírgen at iba pa; si

Santa Lucíang nacatitig sa lan~git, at hawác ang ísáng pinggáng

kinalalagyan n~g dalawá pang matáng may m~ga pilìc-matá at may m~ga

kílay, na catulad n~g napapanood na nacapintá sa "triángulo" n~g

Trinidad ó sa m~ga "sarcófago egipcio"[130]; si San Pascual Baylon, San

Antonio de Padua, na may hábitong guingón at pinagmámasdang tumatan~gis

ang isáng Niño Jesús, na may damit Capitan General, may tricornio[131],

may sable at may m~ga botang tulad sa sayáw n~g m~ga musmós na batà sa

Madrid: sa ganáng cay Capitan Tiago, ang cahulugan n~g gayóng anyó'y

cahi't idagdág n~g Dios sa canyáng capangyarihan ang capangyarihan n~g

isáng Capitang General sa Filipinas, ay paglalaruan din siyá n~g m~ga

franciscano, na catulad n~g paglalarò sa isáng "muñeca" ó larauang

taotauhan. Napapanood din doon ang isáng San Antonio Abad, na may isáng

baboy sa tabí, at ang ísip n~g carapatdapat na Capitan, ang baboy na

iyó'y macapaghihimalâng gaya rin ni San Antonio, at sa ganitóng

cadahilana'y hindî siyá, nan~gan~gahás tumawag sa hayop na iyón n~g

"baboy" cung dî "alágà n~g santo señor San Antonio;" isáng San Francisco

de Asís na may pitông pacpác at may hábitong culay café, na nacapatong

sa ibabaw n~g isáng San Vicente, na walâ cung dî dádalawang pacpac,

n~guni't may dalá namáng isáng cornetín; isáng San Pedro Mártir na biyác

ang ulo, at tan~gan n~g isáng dî binyagang nacaluhod ang isâng talibóng

n~g tulisán, na na sa tabi n~g isáng San Pedro na pinuputol ang tain~ga

n~g isáng moro, na marahil ay si Malco, na nan~gan~gatlabi at

napapahindîc sa sakít, samantalang tumatalaoc at namamayagpag ang

sasabun~ging nacatuntong sa isáng haliguing "dórico"[132], at sa bagay

na ito'y inaacalà ni Capitang Tiago, na nacararating sa paguiguîng santo

ang tumagâ at gayon din ang mátagà. ¿Sino ang macabibilang sa hucbóng

iyón n~g m~ga larawan at macapagsasaysay n~g m~ga canicanyáng tún~go't

m~ga cagalin~gang doo'y natitipon?!Hindî n~ga magcacasiyang masabi sa

isáng capítulo lamang! Gayón ma'y sasabihin din namin ang isáng

magandang San Miguel, na cahoy na dinorado at pinintahán, halos isáng

metro ang táas: nan~gan~gatábì ang arcángel, nanglilisic ang m~ga mata,

cunót ang noo at culay rosa ang m~ga pisn~gí; nacasuot sa caliwáng camay

ang isáng calasag griego, at iniyayambâ n~g canan ang isang kris

joloano, at handang sumugat sa namimintacasi ó sa lumapit sa canyá, ayon

sa nahihiwatigan sa canyáng acmâ at pagtin~gíng hindî ang tun~go'y sa

demoniong may buntót at may m~ga sun~gay na ikinacagat ang canyáng m~ga

pan~gil sa bintíng dalaga n~g arcángel. Hindî lumalapit sa canyá cailán

man si Capitang Tiago, sa tacot na bacâ maghimalâ. ¿Mamacailán bagáng

gumaláw na parang buháy ang hindî lamang iisáng larawan, cahi't anóng

pagcapan~gitpan~git ang pagcacágawang gaya n~g m~ga nanggagaling sa m~ga

carpintería sa Paete, at n~g man~gahiyâ at magcamít caparusahán ang m~ga

macasalanang hindî nananampalataya? Casabiháng may isáng Cristo raw sa

España, na nang siyá'y tawaguing sacsí n~g m~ga nan~gacò sa pagsinta,

siyá'y sumang-ayo't nagpatotoo, sa pamamag-itan n~g minsang pagtan~gô

n~g úlo sa haráp n~g hucóm; may isáng Cristo namáng tinanggál sa

pagcapácò ang canang camáy upang yacapin si Santa Lutgarda; at ¿anó?

hindî ba nababasa ni Capitang Tiago sa isáng maliit na librong hindî pa

nalalaong inilalathalà, tungcol sa isáng pagsesermong guinawâ sa

pamamag-itan n~g tinan~gòtan~gô at kinumpáscumpás n~g isáng larawan ni

Santo Domingo sa Soriano? Waláng sinabing anó man lamang salitâ ang

santo; n~guni't naacalà ó inacalà n~g sumulat n~g librito, na ang sinabi

ni Santo Domingo sa canyáng m~ga tinan~gòtan~gô at kinumpáscumpás ay

ipinagbibigay alâm ang pagcatapos n~g santinacpán[133] ¿Hindi ba

sinasabi namáng malaki ang pamamagà n~g isáng pisn~gi cay sa cabilâ n~g

Virgen de Luta n~g bayan n~g Lipá at capol n~g putic ang m~ga laylayan

n~g canyáng pananamít? ¿Hindi bâ itó'y lubós na pagpapatotoong ang m~ga

mahál na larawa'y nagpapasial din namá't hindî man lamang itinataas ang

caniláng pananamít, at sinásactan din namán silá n~g bagang, na cung

magcabihira'y tayo ang dahil? ¿Hindi bâ namasdán n~g canyáng sariling

matang maliliit ang lahát n~g m~ga Cristo sa sermón n~g "Siete

Palabra"[134] na gumágalaw ang úlo at tumatan~gong macaitló, na siyáng

nacaaakit sa pagtan~gis at sa m~ga pagsigáw n~g lahát n~g m~ga babae at

n~g m~ga calolowang mahabaguing talagáng m~ga taga lan~git? ¿Anó pa?

Napanood din namán naming ipinakikita n~g pári sa m~ga nakíkinig n~g

sermón sa canyá sa oras n~g pagpapanaog sa Cruz cay Cristo ang isáng

panyóng punô n~g dugô, at camí sana'y tatan~gis na sa malaking pagcaáwà,

cung di lamang sinabi sa amin n~g sacristan, sa casaliwang palad n~g

aming cálolowa, na iyón daw ay birò lamang: ang dugóng iyon-anya-ay sa

inahíng manóc, na pagdaca'y inihaw at kinain, baga ma't Viernes Santo

... at ang sacristan ay matabâ. Si Capitang Tiago n~ga, palibhasa'y

taong matalinò at banál, ay nag-iin~gat na huwag lumapit sa Krís ni San

Miguel.--¡Lumayô tayo sa m~ga pan~ganib!--ang sinasabi niyá sa canyáng

sarili--nalalaman co n~g isáng arcángel; ¡n~guni't hindî, walâ acong

tiwalà! ¡walâ acong tiwalà!

Hindî dumaráan ang isáng taóng hindî siyá nakikidaló sa pagpasa

Antipolong malaki ang nagugugol, na ang dalá'y isáng orquesta: cung

nároroon na'y pinagcacagulan niyá ang dalawá sa lubháng maraming m~ga

misa de graciang guinágawâ sa boong tatlóng siyám, at sa m~ga ibáng araw

na hindî guinágawâ ang pagsisiyám, at nalíligò pagcatapos sa bantóg na

"batis" ó bucál, na ayon sa pinasasampalatayana'y naligò roon ang mahál

na larawan. Nakikita pa n~g m~ga mapamintacasing táo ang m~ga bacás n~g

m~ga páa at ang hilahis n~g buhóc n~g Vírgen de la Paz sa matigás na

bató, n~g pigaín niyá ang m~ga buhóc na iyón, anó pa't waláng pinagibhan

sa alín mang babaeng gumagamit n~g lan~gis n~g niyóg, at para manding

patalím ang canyáng m~ga buhóc, ó cung dili cayá'y diamante at waláng

pinag-ibhán sa may sanlibong tonelada ang bigát. Ibig sana naming

ihaplít n~g cagulatgulat na larawan ang canyáng mahál na buhóc sa m~ga

matá n~g m~ga táong mapamintacasing itó, at canyáng tuntun~gan ang

caniláng dilà ó úlo.--Doón sa tabí rin n~g bucál na iyón ay dapat cumain

si Capitang Tiago n~g inihaw na lechón, dalág na sinigáng sa m~ga dahon

n~g alibangbang, at ibá pang m~ga lutong humiguít cumulang ang saráp.

Mahiguíthiguít sa apat na raang piso ang nagugugol sa canyá sa dalawáng

misang iyón, datapuwa't maipalálagay na múra, cung pag-iisip-isipin ang

capuriháng tinatámo n~g Iná n~g Dios sa m~ga ruedang apóy, sa m~ga

cohete, sa m~ga "berso," at cung babalacbalakin ang pakinabang na

kinákamtan sa bóong isáng taón dahil sa m~ga misang itó.

N~guni't hindî lamang sa Antipolo guinagawâ niyá ang canyáng main~gay na

pamimintacasi. Sa Binundóc, sa Capampan~gan at sa bayan n~g San Diego:

pagcâ magsasabong n~g manóc na may malalakíng pustahan, nagpápadala siyá

sa cura n~g m~ga salapíng guintóng úcol sa m~ga misang sa canyá'y

magpapálà, at tulad sa m~ga romanong nan~gagtátanong muna sa caniláng

m~ga "augur"[135] bago makipaghamoc, na pinacacaing magalíng ang

caniláng m~ga sisiw na iguinagalang; pinagtatanun~gan din ni Capitang

Tiago ang canyáng sariling m~ga "augur"; n~guni't tagláy ang m~ga

pagbabagong hatol n~g m~ga panahón at n~g m~ga bagong catotohanan.

Pinagmámasdan niyá ang nin~gas n~g m~ga candílà, ang úsoc n~g incienso,

ang voces n~g sacerdote at ibá pa, at sa lahát n~g bagay pinagsisicapan

niyáng mahiwatigan ang canyáng maguiguing palad. Pinaniniwalaang

bihirang matalo si Capitáng Tiago sa m~ga pakikipagpustahan, at ang

canyáng manacânacang pagcatalo'y nagmúmulâ sa m~ga cadahilanang ang

nagmisa'y namámalat, cacaunti ang m~ga ílaw, masebo ang m~ga

"cirio"[136], ó napahalò cayâ ang isáng achoy sa m~ga salapîng

ipinagpamisa, at ibá pa: ipinaaninaw sa canyá n~g celadon n~g isáng

Cofradía, na ang gayóng pagcápalihis n~g palad ay m~ga pagtikím lamang

sa canyá n~g Lan~git, at n~g lalong mapapagtibay siyâ sa canyáng

pananampalataya at pimimintacasi. Kinalúlugdan n~g m~ga cura,

iguinagalang n~g m~ga sacristán, sinusúyò n~g magcacandiláng insíc at

n~g m~ga castillero, si Capitang Tiago'y lumiligaya sa religión dito sa

lupà, at sinasabi n~g m~ga matataas at banal na m~ga táong sa lan~git

man daw ay malakí rin ang lacás n~g canyáng capangyarihan.

Na siyá'y cásundò n~g Gobierno, ang baga'y na itó'y hindî dapat pag

alinlan~ganan, bagá man tíla mandín may cahirapang itó'y mangyari.

Waláng cáyang umísip n~g anó mang bagong bagay, nagágalac na sa canyáng

casalucuyang pamumuhay, cailán ma'y laguing laang tumalima sa

catapustapusang Oficial quinto sa lahát n~g m~ga oficina, maghandóg n~g

m~ga hítang jamón, m~ga capón, m~ga pavo, m~ga bun~gang cáhoy at

halamang gáling sa Sunsông sa alin mang panahón n~g isáng taón. Cung

náririn~gig niyáng sinasabing masasamâ ang m~ga tunay na lahing

filipino, siyáng hindî nagpapalagay sa sariling dî siyá dalisay na

tagalog, nakikipintas siyá at lálò pa manding masamâ ang canyáng

guinagawang pagpulà; sacali't ang pinipintasa'y ang m~ga mestizong insíc

ó mestizong castilà, siyá nama'y nakíkipintas, marahil sa pagca't

inaacalà na niyáng siyá'y dalisay na "ibero"[137]: siyá ang unaunang

pumupuri sa lahát n~g m~ga pagpapabuwís, lalo't cung sa licuran nitó'y

naáamo'y niyáng may "contrata" ó isáng "arriendo." Lágui n~g may handâ

siyáng m~ga orquesta upang bumatì at tumapát sa canino mang m~ga

gobernador, m~ga alcalde, m~ga fiscal, at iba pa, sa caniláng m~ga

caarawán n~g santong calagyô, caarawán n~g capan~ganacan, pan~gan~ganác

ó pagcamatáy n~g isáng camag-anac, sa maiclíng salitá'y ang anó mang

pagbabagong lacad n~g pamumuhay na caraniwan. Nagpápagawâ n~g m~ga

tuláng pangpuri sa m~ga táong sinabi na, n~g m~ga himnong ipinagdíriwang

ang "mabait at mairog na Gobernador; matapang at mapagsicap na Alcalde,

na pinaghahandaan sa lan~git n~g palma n~g m~ga banál" (ó palmeta) at

iba't iba pang m~ga bagay.

Naguíng Gobernadorcillo siyá n~g "gremio" n~g m~ga "mestizong sangley",

bagá man maraming nagsitutol, sa pagca't hindî siya nilá ipinalálagay na

mestizong insic. Sa dalawáng taóng canyáng pan~gan~gapita'y nacasirà

siyá n~g sampóng frac, sampóng sombrerong de copa at anim na bastón: ang

frac at sombrero de copa'y sa Ayuntamiento, sa Malacanyáng at sa

cuartel; ang sombrero de copa at ang frac ay sa sabun~gan, sa pamilihan,

sa m~ga procesión, sa m~ga tindahan n~g m~ga insíc, at sa ilalim n~g

sombrero at sa loob n~g frac ay si Capitang Tiagong nagpapawis at

nag-eesgrima n~g bastóng may borlas, na nag uutos, naghuhusay at

guinugulo ang lahát, tagláy ang isáng cahan~gahan~gàng casipagan at

isáng pagcamatimtimang lalò pa manding cahan~gahan~gà. Cayâ n~ga't

ipinalalágay n~g m~ga punong macapangyarihang siyá'y isáng magaling na

táo, cagandagandahan ang púso, payápà, mápagpacumbabâ, masunurin,

mapagpakitang loob, na hindî bumabasa n~g anó mang libro ó periódicong

galing sa España, bagá man magalíng mag-wícang castílà; ang tin~gin sa

canyá, nilá'y tulad sa pagmamasíd n~g isáng abáng estudiante sa gasgás

na tacón n~g canyáng lumà n~g zapato, pakilíng dahil sa anyô n~g canyáng

paglacad:--Naguiguing catotohanan, sa calagayan niyá, ang casabihán n~g

m~ga cristianong "beati pauperis spiritu"[138] at ang caraniwang

casabiháng "beati possidentes"[139], at mangyayaring maipatungcol sa

canyá yaóng m~ga sabing griego na anáng ibá'y malî ang pagcacahulog sa

wicang castilà: "¡Gloria á Dios en las alturas y paz á los hombres de

buena voluntad"[140]! sa pagca't ayon sa makikita natin sa m~ga susunod

dito, hindî casucatáng magcaroon ang táo n~g magandáng calooban upang

sumapáyapà. Ang m~ga dî gumagalang sa religió'y ipinalálagay siyáng

halíng; ipinalálagay siyá n~g m~ga dukháng waláng awà, tampalasan,

mapagsamantala n~g cahirapan n~g capuwà, at ipinalálagay naman n~g m~ga

mabababà sa canyáng siyá'y totoong malabis umalipin at mapagpahirap. At

¿ang m~ga babae? ¡Ah, ang m~ga babae! Umaalin~gawn~gaw n~g dî cawasà ang

m~ga paratang, na naririnig sa m~ga mahihirap na m~ga báhay na pawid, at

pinagsasabihang may naririnig daw na m~ga taghóy, m~ga hagulhól, na

manacànacang may casamang m~ga uhâ n~g isáng bagong caaanác. Hindî

lamang íisang dalaga ang itinuturò n~g daliring mapagsapantahà n~g m~ga

namamayan: malamlám ang matá at looy na ang dibdib n~g gayóng dalaga.

N~guni't hindî nacabábagabag n~g canyáng pagtulog ang lahát n~g itó;

hindî nacaliligalig n~g canyáng catahimican ang sino mang dalaga; isáng

matandáng babae ang siyang nacapagpapahirap n~g canyáng loob, isáng

matandáng babaeng nakikipagtaasan sa canyá n~g pamimintacasi na naguíng

dapat magtamò sa maraming cura n~g lalong malalaking pagpupuri at

pagpapaunlác cay sa m~ga kinamtán niyá n~g panahóng siyá'y guinágaling.

May banál na pag-uunaháng ikinágagaling n~g Iglesia si Capitang Tiago at

sacâ ang babaeng baong itóng pagmamanahan n~g m~ga capatíd at n~g m~ga

pamangkín, tulad namán sa pag-aagawán n~g m~ga vapor sa Capangpan~gang

pinakikinaban~gan n~g m~ga táong báyan. ¿Naghandóg si Capitang Tiago sa

isáng Vírgeng alín man n~g isang bastóng pílac na may m~ga esmeralda at

m~ga topacio? Cung gayó'y pagdaca'y nagpapagawâ namán si Doña Patrocinio

sa platerong si Gaudinez n~g isáng bastóng guintô na may m~ga brillante.

¿Na nagtayô si Capitang Tiago n~g isáng arcong may dalawáng mukhâ, may

balot na damít na pinabintógbintóg, may m~ga salamín, m~ga globong

cristal, m~ga lâmpara at m~ga araña, handóg sa procesión nang naval?

Cung gayó'y magpapatayô namán si Doña Patrocinio n~g isáng arcong may

apat na mukhâ, matáas n~g dalawáng vara sa arco ni Capitang Tiago at

lalong marami ang m~ga bítin at ibá pang sarisaring m~ga pamuti. Pagcâ

nagcágayo'y guinagamit namán ni Capitang Tiago ang canyáng lalong

nagágawang magalíng, ang bagay na canyáng ikinatatan~gì: ang m~ga misang

may m~ga bomba't ibá pang pangpasayáng guinagamitan n~g pólvora, at

pagnangyari itó'y kinácagat ni Doña Patrocinio n~g canyáng m~ga

n~gidn~gid ang canyáng lábì, sa pagca't palibhasa'y totoong mayamutin ay

hindî niyá matiis ang "repique" n~g m~ga campanà, at lalò n~g

kinalúlupitan niyá ang ugong n~g m~ga putucan. Samantalang si Capitang

Tiago'y n~gumín~gitì ay nag-iisip naman si Doña Patrocinio n~g paggantí,

at pinagbabayaran niyá n~g salapì n~g m~ga ibá ang lalong magagaling na

magsermóng hirang sa limáng m~ga capisanan n~g m~ga fraile sa Maynilà,

ang lalong m~ga balitang m~ga canónigo sa Catedral, at sampô n~g m~ga

Paulista, at n~g man~gag sermón sa m~ga dakilang araw tungcól sa m~ga

saysayin sa Teología[141], na lubhang malalalim sa m~ga macasalanang

waláng nalalaman cung dî wicang tindá lamang. Námasid n~g m~ga cacampí

ni Capitang Tiago, na si Doña Patrocinio'y nacacatulog samantalang

nagsesermon, at sinaságot namán silá n~g m~ga cacampi ni Doña

Patrocinio, na ang sermó'y bayád na, at sa ganang canyá'y ang pagbabayad

ang siyáng lalong mahalagá. Sa cátapustapusa'y lubós na iguinupò si

Capitang Tiago ni Doña Patrocinio, na naghandóg sa isáng simbahan n~g

tatlóng andas na pilac, na dinorado, na ang bawa't isa'y pinagcagugulan

niyá n~g mahiguít na tatlóng líbong piso. Hinihintay ni Capitang Tiago

na bawa't araw ay titiguil n~g paghin~ga ang matandáng babaeng itó, ó

matatalo cayâ ang limá ó anim na usapín sa paglilincód lamang sa Dios;

ang casamaang palad ay ipinagcásanggalang ang m~ga usaping iyón n~g

lalong magagalíng na abogado sa Real Audiencia, at tungcól sa canyáng

búhay, waláng sucat na mapanghawacan sa canyá ang sakít, ang cawan~gis

niyá'y cawad na patalím, marahil n~g may mapanghinularan ang m~ga

cálolowa, at cumacapit dito sa bayan n~g luhang gaya n~g mahigpit na

pagcapit n~g galís sa balát n~g táo. Umaasa ang m~ga cacampí ni Doña

Patrociniong pagcamatáy nito'y maguiguing "canonizada"[142], at si

Capitang Tiago ma'y sásamba sa canyá sa m~ga altar, bagay na

sinasang-ayunan ni Capitang Tiago at canyáng ipinan~gan~gaco, mamatáy

lamang agád.

Gayón n~gâ ang calagayan ni Capitang Tiago n~g panahóng iyón. Tungcól sa

panahóng nacaraa'y siyá'y bugtóng na anác n~g isáng mag-aasucál sa

Malabóng mayaman din namán ang pagcabuhay, n~guni't nápacaramot, na anó

pa't hindî nagcagugol n~g isáng cuarta man lamang sa pagpapaaral sa

canyáng anác, caya't naguíng alilâ si Santiaguillo n~g isang mabaít na

dominico na pinagsicapang iturò ang lahát n~g maituturò at nalalaman

niyá. N~g magtátamo na si Santiago n~g caligayaháng siyá'y tawaguing

"lógico", sa macatuwíd bagá'y n~g siyá'y mag-aaral na n~g "Lógica",[143]

ang pagcamatáy n~g sa canyá'y nagtatangkilíc, na sinundán n~g pagcamatáy

n~g canyáng amá, ang siyáng nagbigáy wacás n~g canyáng m~ga pag-aaral,

at n~g magcágayo'y napilitang siyáng man~gasiwà sa paghahanap-buhay.

Nag-asawa siyá sa isáng magandáng dalagang taga Santa Cruz, na siyáng

tumulong sa canyá sa pagyaman, at siyáng sa canyá'y nagbigáy n~g

pagcaguinoo. Hindî nagcásiya si Doña Pia Alba sa pamimili n~g azúcal,

café at tínà: ninais niyáng magtaním at umani, at bumilí ang dalawáng

bagong casál n~g m~ga lúpà sa San Diego, at mulâ niyao'y naguíng

caibigan na siyá ni párì Dámaso at ni Don Rafael Ibarra, na siyáng

lalong mayamang mámumuhunan sa bayan.

Naguiguing isáng gawáng dapat sisihin ang malabis niláng pag-susumakit

sa pagpaparami n~g cayamanan, dahil sa silá'y hindî nagcacaanác, mulâ

n~g silá'y mácasal na may anim na taón na, at gayón ma'y matuwid, matabâ

at timbáng na timbáng ang pan~gan~gatawán ni Doña Pia. Nawaláng

cabuluhán ang canyáng m~ga pagsisiyám, ó "novenario," ang canyáng

pagdalaw sa Virgeng Caysasay sa Taal, sa hatol n~g m~ga mapamintacasi;

ang pagbibigay niyá, n~g m~ga limós, ang pagsasayáw niyá sa procesión

n~g Virgeng Turumbá, sa Pakil, sa guitnâ n~g mainit na araw n~g Mayo.

Nawal-ang cabuluháng lahát, hanggang sa siyá'y hinatulan ni párì

Dámasong pumaroon sa Obando, at pagdatíng doo'y sumayáw sa fiesta ni San

Pascual Baylón, at humin~gî n~g isáng anác. Talastás na nating sa

Obando'y may tatlóng nagcacaloob n~g m~ga anác na lalaki at n~g m~ga

anác na babae; ang ibiguin: Nuestra Señora de Salambaw, Santa Clara at

San Pascual. Salamat sa hatol na ito'y nagdaláng táo si Doña Pía ...

¡ay! tulad sa mán~gin~gisdáng sinasabi ni Shakespeare sa Macbeth, na

tumiguil n~g pag-aawít n~g siyá'y macasumpong n~g isáng cayamanan;

pumanaw cay Doña Pia ang catowaan, namangláw n~g dî anó lamang at hindî

na nakita nino mang n~gumitî.--¡Talagáng ganyán ang m~ga naglílihi--ang

sinasabi n~g lahát, sampô ni Capitang Tiago. Isáng lagnát na dumapò sa

canyá pagcapan~ganác (fiebre puerperal) ang siyáng nagbigáy wacás sa

canyáng m~ga calungcutan, na anó pa't naiwan niyáng ulila ang isáng

magandáng sanggól na babae, na inanác sa binyág ni Fr. Dámaso rin; at sa

pagca't hindî ipinagcaloob ni San Pascual ang batang lalaking sa canyá'y

hiníhin~gì, pinan~galanan ang sanggól n~g Maria Clara, sa pagbibigáy

unlác sa Virgen de Salambáw at cay Santa Clara, at pinarusahan ang may

dalisay na capuriháng si San Pascual Baylón, sa hindî pagbangguît n~g

canyáng pan~galan.

Lumakí ang sanggól na babae sa m~ga pag-aalagà ni tia Isabel, ang

matandáng babaeng iyóng tulad sa fraile ang pakikipagcapuwà táo na

nakita natin sa pasimulâ nitó.

Hindî tagláy ni María Clara ang maliliit na m~ga matá, n~g canyáng amá:

gaya rin n~g canyáng ináng malalakí ang m~ga matá, maiitím, nalililiman

n~g mahahabang m~ga pilíc-matá, masasayá at caayaaya pagcâ naglálarô;

malulungcót, hindî mapagcurò at anyóng naggugunamgunam pagcâ hindî

n~gumín~gitî. Nang sanggól pa siyá'y culót ang canyáng buhác at halos

culay guintô; ang ilóng niyáng magandá ang hayap ay hindî totong

matan~gos at hindî namán sapát; ang bibíg ay nagpapaalaala sa maliliit

at calugodlugod na bibíg n~g canyáng iná, tagláy ang m~ga catowatowang

bíloy sa m~ga pisn~gî; ang balát niyá'y casíng nipís n~g pang-ibabaw na

balát n~g sibuyas at maputíng culay búlac, anáng m~ga nahihibáng na m~ga

camag-anac, na caniláng nakikita ang bacás n~g pagcâ si Capitang Tiago

ang amá, sa maliliit at magandáng pagcacaanyô n~g m~ga tain~ga ni María

Clara.

Ipinalálagay ni tía Isabél na cayâ may pagca mukháng europeo si María

Clara'y dahil sa paglilihí ni Doña Pía; natatandàang madalás nakita

niyáng itó'y tumatan~gis sa harapán ni San Antonio, n~g m~ga unang buwán

n~g canyang pagbubuntís; gayón din ang isipan n~g isáng pinsang babae ni

Capitang Tiago, ang pinagcacáibhan lamang ay ang paghirang n~g santo: sa

ganang canyá'y naglihi sa Virgen ó cay San Miguel. Isáng balitang

filósofong pinsan ni Capitang Tinong, at nasasaulo ang "Amat" [144],

hinahanap ang caliwanagan n~g gayóng bagay sa ikinapangyayari sa

calagayan n~g tao n~g m~ga "planeta"[145].

Lumakí si María Clarang pinacaiirog n~g lahát, sa guitnâ n~g m~ga n~giti

at pagsinta. Ang m~ga fraile ma'y linalarô siya pagcâ isinasama sa m~ga

procesióng puti ang pananamit, nalalala sa canyang malagô at culót na

buhóc ang m~ga sampaga at m~ga azucena, may dalawang maliliit na pacpac

na pilac at guintóng nacacabit sa licuran n~g canyang pananamít, at may

tan~gang dalawang calapating puting may m~ga taling cintas na azul. At

sacâ siya'y totoong masaya, may m~ga pananalitang musmós na

calugodlugod, na si Capitang Tiago, sa cahiban~gan n~g pag-ibig, ay

walang guinagawà cung di pacapurihin ang m~ga santo sa Obando at ihatol

sa lahat na sila'y umadhicâ n~g magagandang escultura nila.

Sa m~ga lupaing na sa dacong ilaya n~g daigdig, pagdating n~g batang

babae sa labing tatló ó labing apat na taón ay dinaratnan na n~g sa

panahon, tulad sa buco cung gabi na kinabucasa'y bulaclac na. Sa

calagayang iyang pagbabagong anyò, puspós n~g m~ga talinghagà at n~g

pagcamaramdamin ang puso, pumasoc si Maria Clara, sa pagsunód sa m~ga

hatol n~g cura sa Binundóc, sa beaterio n~g Santa Catalina[146] upang

tumanggap sa m~ga monja n~g m~ga turong banal. Tumatan~gis si Maria

Clarang nag-paalam cáy parì Dámaso at sa tan~ging catotong canyang

calaró-larô buhat sa camusmusan, cay Crisôtomo Ibarra, na pagcatapos ay

napa sa Europa naman. Doon sa conventong iyóng sacali't nakikipanayam sa

mundo'y sa pamamag-itan n~g m~ga rejang lambal, at sa ilalim pa n~g

pagbabantay n~g "Madre-Escucha", natira si María Clarang pitóng taón.

Taglay n~g bawa't isa ang canicanicalang inaacalang icagagalíng n~g

sariling pagcabuhay, at sa canilang pagcahiwatig n~g hilig n~g isa sa

isa n~g m~ga batà, pinagcayarîan ni Don Rafael at ni Capitang Tiago, ang

pagpapacasal sa canilang m~ga anac, at sila'y nan~gagtatag n~g samahan.

Ang pangyayaring itóng guinawâ n~g macaraan ang ilang taón buhat n~g

umalís si Ibarra'y ipinagdiwang n~g dalawang pusong na sa magcabilang

dúlo n~g daigdíg at na sa iba't ibang calagayang totoo.

Noli Me Tangere · 第 16 / 51 题