[85] Caraniwan sa catagalugan tawaguing "among" ang parì, marahil sa
turò rin n~g fraile. Ang sabing "among" ay galing sa "amo," na ang
cahuluga'y "pan~ginoon," at ang tumatawag n~g "amo" ay "alipin." ¿Bakit
hindi sila nagpatawag n~g "ama" na siyáng cahulugan sa wicang tagalog
n~g sabing "padre?" ¿Bakit itinutulot n~g m~ga sacerdote na silá'y
tawaguin "amo?"
=III.=
=ANG HAPUNAN=
_Jele jele bago quiere,_[86]
Tila mandîn totoong lumiligaya si Fr. Sibyla: tahimic na lumalacad at
hindî na námamasid sa canyáng nan~gin~gilis at manipís na m~ga labì ang
pagpapawaláng halagá; hanggáng sa marapating makipagusap sa pilay na si
doctor De Espadaña, na sumásagot n~g putól-putól na pananalitâ, sa
pagcát siya'y may pagcá utál. Cagulatgulat ang samâ n~g loob n~g
franciscano, sinisicaran ang m~ga sillang nacahahadláng sa canyáng
nilalacaran, at hanggáng sa sinicó ang isáng cadete. Hindî nagkikikibô
ang teniente; nagsasalitaán n~g masayá ang ibá at caniláng pinupuri ang
cabutiha't casaganàan n~g haying pagcain. Pinacunot ni Doña Victorina,
gayón man, ang canyáng ilóng; n~guni't caracaraca'y lumin~góng malakí
ang gálit, cawan~gis n~g natapacang ahas: mangyari'y natuntun~gan n~g
teniente ang "cola" n~g canyáng pananamít.
--Datapuwa't ¿walâ pô bâ, cayóng m~ga matá?--anyá.
--Mayroon pô, guinoong babae, at dalawáng lalóng magalíng cay sa m~ga
matá ninyó; datapowa't pinagmámasdan co pô iyang inyóng m~ga culót n~g
buhóc--ang itinugón n~g militar na iyong hindî totoong mápagparayâ sa
babae, at sacâ lumayô.
Bagá man hindî sinasadya'y capuwâ tumun~go ang dalawáng fraile sa dúyo ó
ulunán n~g mesa, marahil sa pagca't siyáng pinagcaratihan nilá at
nangyari n~gâ ang mahíhintay, na tulad sa nan~gagpapan~gagaw sa isáng
cátedra[87]: pinupuri sa m~ga pananalitâ ang m~ga carapatán at cataásan
n~g ísip n~g m~ga capan~gagáw; datapua't pagdaca'y ipinakikilala ang
pabaligtad, at nan~gag-úun~gol at nan~gag-uupasalà cung hindî silá ang
macapagtamó n~g caniláng han~gád.
--¡Ucol pô sa inyó, Fr. Dámaso!
--¡Ucol pô sa inyó, Fr. Sibyla!
--Cayo ang lalong unang cakilala sa bahay na itó ... confesor n~g
nasirang may bahay na babae, ang lalong may gulang, may carapatán at may
capangyarihan....
--¡Matandáng matanda'y hindî pa naman!--n~guni't cayo pô naman ang cura
nitong bayan!--ang sagót na matabang ni Fr. Dámasong gayón ma'y hindî
binibitiwan ang silla.
--¡Sa pagca't ipinag-uutos pô ninyó'y acó'y sumusunod!--ang iniwacás ni
Fr. Sibyla.
--¡Aco'y hindî nag-uutos!--ang itinutol n~g franciscano--¡aco'y hindî
nag-uutos!
Umuupô na sana si Fr. Sibylang hindî pinápansin ang m~ga pagtutol na
iyón, n~g macasalubong n~g canyang m~ga matá ang m~ga matá n~g teniente.
Ang lalong mataas na oficial sa Filipinas, ayon sa caisipán n~g m~ga
fraile, ay totoong malakí ang cababaan sa isáng uldog na tagapaglútò n~g
pagcain. "Cedant arma togæ"[88], ani Cicerón sa Senado; "cedant arma
cotae"[89] anang m~ga fraile sa Filipinas. Datapuwa't mapitagan si Fr.
Sibyla, caya't nagsalitâ:
--Guinoong teniente, dito'y na sa mundo[90] po tayo at walâ sa sambahan;
nararapat po sa inyo ang umupô rito.
Datapuwa't ayon sa anyô n~g canyang pananalita'y sa canya rin nauucol
ang upuang iyón, cahi't na sa mundo. Ang teniente, dahil yatà n~g siya'y
howag magpacagambalà, ó n~g huwag siyang umupô sa guitnâ n~g dalawáng
fraile, sa maiclíng pananalita'y sinabing áyaw siyang umupô roon.
Alín man sa tatlóng iyo'y hindî nacaalaala sa may bahay. Nakita ni
Ibarrang nanonood n~g boong galác at nacan~gitî sa m~ga
pagpapalaman~gang iyón sa upuan ang may bahay.
--¡Bakit pô, Don Santiago! ¿hindi pô bâ cayó makikisalo sa amin?--ani
Ibarra.
N~guni't sa lahat n~g m~ga upuan ay may m~ga tao na. Hindî cumacain si
Lúculo[91] sa bahay ni Lúculo.
--¡Tumahimic pô cayó! howag cayóng tumindîg!--ani Capitang Tiago,
casabay n~g pagdidíin sa balicat ni Ibarra. Cayâ pa namán gumágawâ ang
pagdiriwáng na ito'y sa pagpapasalamat sa mahál na Vírgen sa inyóng
pagdatíng. Nagpagawâ acó n~g "tinola" dahil sa inyó't marahil malaon n~g
hindî ninyó nátiticiman.
Dinalá sa mesa ang isáng umáasong malaking "fuente"[92]. Pagcatapos
maibulóng n~g dominico ang "Benedícte"[93] na halos walâ sino mang
natutong sumagot, nagpasimulâ n~g pamamahagui n~g laman n~g fuenteng
iyon. N~guni't ayawan cung sa isáng pagcalibáng ó iba cayáng bagay,
tumamà cay párì Dámaso ang isáng pinggang sa guitnâ n~g maraming úpo at
sabáw ay lumálan~goy ang isáng hubád na líig at isáng matigás na pacpác
n~g inahíng manóc, samantalang cumacain ang ibá n~g m~ga hità at dibdíb,
lalong lalò na si Ibarra, na nagcapalad mapatamà sa canyá ang m~ga atáy,
balonbalonan at ibá, pang masasaráp na lamáng loob n~g inahíng manóc.
Nakita n~g franciscano ang lahát n~g itó, dinurog ang m~ga úpo, humigop
n~g cauntíng sabáw, pinatunóg ang cuchara sa paglalagáy at bigláng
itinulac ang pingga't inilayô sa canyáng harapán. Nalílibang namáng
totoo ang dominico sa pakikipagsalitàan sa binatang mapulá ang buhóc.
--¿Gaano pong panahóng nápaalis cayó sa lupaíng ito?--ang tanóng ni
Laruja cay Ibarra.
--Pitóng taón halos.
--!Aba! ¿cung gayó'y marahil, nalimutan na ninyó ang lupaíng ito?
--Baligtád pô; bagá man ang kinaguisnan cong lupa'y tila mandin
linilimot na acó, siyá'y laguì cong inaalaala.
--¿Anó po ang íbig ninyóng sabihin?--ang tanóng n~g mapuláng buhóc.
--Ibig cong sabíhing may isang taón na n~gayóng hindî aco tumátangap n~g
ano mang balità tungcol sa bayang itó, hanggang sa ang nacacatulad co'y
ang isang dî tagaritong hindî man lamang nalalaman cung cailan at cung
paano ang pagcamatay n~g canyang ama.
--¡Ah!--ang biglang sinabi, n~g teniente.
--At ¿saan naroon pô cayo at hindî cayo tumelegrama?--ang tanong ni Doña
Victorina.--Tumelegrama cami sa "Peñinsula"[94] n~g cami'y pacasal.
--Guinoong babae; nitong huling dalawang tao'y doroon aco sa dacong
ibabâ n~g Europa, sa Alemania at sacâ sa Colonia rusa.
Minagaling n~g Doctor De Espadaña, na hanggá n~gayo'y hindî
nan~gan~gahás magsalitâ, ang magsabi n~g cauntî:
--Na ... na ... nakilala co sa España ang isang polacong tagá, Va ...
Varsovia, na ang pan~gala'y Stadtnitzki, cung hindî masamâ ang aking
pagcatandâ; ¿hindî pô bâ ninyó siya nakikita?--ang tanong na totoong
kimî at halos namumula sa cahihiyan.
--Marahil pô--ang matamís na sagót ni Ibarra--n~guni't sa sandalîng
itó'y hindî ko naaalaala siyá.
--¡Aba, hindî siyá maaring ma ... mapagcamal-an sa iba!--ang idinugtóng
n~g Doctor na lumacás ang loob.--Mapulá ang canyáng buhóc at totoong
masamáng man~gastílà.
--Mabubuting m~ga pagcacakilalanan; n~guni't doo'y sa casaliwàang palad
ay hindî aco nagsasalitâ n~g isa man lamang wicang castílà, liban na
lamang sa ilang m~ga consulado.
--At ¿paano ang inyóng guinágawang pamumuhay?--ang tanong ni Doña
Victorinang nagtátaca.
--Guinagamit co pô ang wícà n~g lupaíng aking pinaglálacbayán, guinoong
babae.
--¿Marunong po bâ naman cayo n~g inglés?--ang tanong n~g dominicong
natira sa Hongkong at totoong marunong n~g "Pidggin-English"[95], iyang
halo-halong masamáng pananalitâ n~g wicà ni Shakespeare[96] n~g anác n~g
Imperio Celeste[97].
--Natira acóng isang taón sa Inglaterra, sa casamahán n~g m~ga táong
inglés lamang ang sinásalitâ.
--At ¿alín ang lupaíng lalong naibigan pô ninyó sa Europa?--ang tanóng
n~g binatang mapulá ang buhóc.
--Pagcatapos n~g España, na siyang pan~galawá cong Báyan, alín man sa
m~ga lupaín n~g may calayâang Europa.
--At cayó pong totoong maraming nalacbáy ... sabihin ninyó, ¿anó pô bâ
ang lalong mahalagáng bagay na inyong nakita?--ang tanóng ni Laruja.
Wari'y nag-isíp-ísíp si Ibarra.
--Mahalagáng bagay, ¿sa anóng cauculán?
--Sa halimbawà ... tungcól sa pamumuhay n~g m~ga báyan ... sa búhay n~g
pakikipanayám, ang lácad n~g pamamahalà n~g báyan, ang úcol sa religión,
ang sa calahatán, ang catás, ang cabooan....
Malaong nagdidilidili si Ibarra.
--Ang catotohanan, bágay na ipangguilalás sa m~ga báyang iyan, cung
ibubucod ang sariling pagmamalakí n~g bawa't isá sa canyáng nación....
Bago co paroonan ang isáng lupain, pinagsisicapan cong matalós ang
canyáng historia, ang canyáng Exodo[98] cung mangyayaring masabi co itó,
at pagcatapos ang nasusunduan co'y ang dapat mangyari: nakikita cong ang
iguiniguinhawa ó ipinaghihirap n~g isáng baya'y nagmúmulâ sa canyáng
m~ga calayâan ó m~ga cadilimán n~g isip, at yamang gayó'y nanggagaling
sa m~ga pagpapacahirap n~g m~ga namamayan sa icágagalíng n~g calahatán,
ó ang sa canilang m~ga magugulang na pagca walang ibáng iniibig at
pinagsusumakitan cung dî ang sariling caguinhawahan.
--At ¿walâ ca na bagáng nakita cung dî iyán lámang?--ang itinanóng na
nagtátawa n~g palibác n~g franciscano, na mulâ n~g pasimulàan ang
paghapon ay hindî nagsásalita n~g anó man, marahil sa pagcá't siya'y
nalilibang sa pagcain; hindî carapatdapat na iwaldás mo ang iyong
cayamanan upang walâ cang maalaman cung dî ang bábahagyang bagay na
iyán! ¡Sino mang musmós sa escuelaha'y nalalaman iyán!
Nápatin~gín na lamang sa canyá si Ibarra't hindî maalaman cung anô ang
sasabihin; ang m~ga iba'y nan~gagtitin~ginan sa pagkatacá at
nan~gan~ganib na magcaroon n~g caguluhan.--Nagtátapos na ang paghapon,
ang "cagalan~gán pô ninyo'y busóg na"--ang isásagot sana n~g binatà;
n~guni't nagpiguil at ang sinabi na lamang ay ang sumúsunod:
--M~ga guinoo; huwág cayóng magtátaca n~g pagsasalitang casambaháy sa
akin n~g aming dating cura; ganyán ang pagpapalagáy niyá sa akin n~g
acó'y musmós pa, sa pagcá't sa canyá'y para ring hindî nagdaraan ang
m~ga taón; datapowa't kinikilala cong utang na loob, sa pagcá't
nagpapaalaala sa aking lubós niyóng m~ga áraw na madalás pumaparoon sa
aming báhay ang "canyáng cagalan~gán", at canyáng pinaúunlacan ang
pakikisalo sa pagcain sa mesa n~g aking amá.
Sinulyáp n~g dominico ang franciscano na nan~gan~gatal. Nagpatuloy n~g
pananalitâ si Ibarra at nagtindíg:
--Itulot ninyó sa aking acó'y umalís na, sa pagcá't palibhasa'y bago
acóng datíng at dahil sa búcas din ay aco'y áalis, marami pang totoong
gágawín acóng m~ga bágay-bágay. Natapos na ang pinacamahalagá n~g
paghapon, cauntî lamang cung aco'y uminóm n~g alac at bahagyâ na
tumítikim acó n~g m~ga licor. ¡M~ga guinoo, mátungcol nawâ ang lahát sa
España at Filipinas!
At ininóm ang isáng copitang alac na hanggáng sa sandalíng iyó'y hindî
sinásalang. Tinularan siyá n~g Teniente, n~guni't hindî nagsasabi n~g
anó man.
--¡Howág pô cayóng umalís!--ang ibinulóng sa canyá, ni Capitang
Tiago.--Dárating na si María Clara: sinundô siyá ni Isabel. Paririto ang
sa báyang bágong cura, na santong tunay.
--¡Paririto acó búcas bago acó umalís. N~gayo'y may gágawin acóng
mahalagáng pagdalaw.
At yumao. Samantala'y nagluluwal n~g samâ n~g loob ang franciscano.
--¿Nakita na ninyó?--ang sinasabi niyá sa binatang mapulá ang buhóc na
ipinagcucucumpas ang cuchillo n~g himagas. ¡Iyá'y sa pagmamataas! ¡Hindî
nilá maipagpaumanhíng silá'y mapagwicaan n~g cura! ¡Ang acalà nilá'y
m~ga taong may cahulugán na! ¡Iyán ang masamáng nacucuha n~g pagpapadalá
sa Europa n~g m~ga bátà! Dapat ipagbawal iyán n~g gobierno.
--At ¿ang teniente?--ani Doña Victorinang nakikicampí sa
franciscano--¡sa boong gabíng ito'y hindî inalís ang pagcucunót n~g
pag-itan n~g canyáng m~ga kilay; magalíng at tayo'y iniwan! ¡Matandâ
na'y teniente pa hanggá n~gayón!
Hindî malimutan n~g guinoong babae ang pagcacabangguít sa m~ga culót n~g
canyáng buhóc at ang pagcacayapac sa "encañonado" n~g canyáng m~ga
"enagua."
N~g gabíng yaó'y casama n~g m~ga ibá't ibáng bagay na isinusulat n~g
binatang mapulá ang buhóc sa canyáng librong "Estudios Coloniales," ang
sumúsunod: "Cung anó't macahihilahil sa casayahan n~g isáng piguíng ang
isáng liig at isáng pacpác sa pinggán n~g tinola." At casama n~g m~ga
iba't ibáng paunáwà ang m~ga ganitó:--"Ang taong lalong waláng cabuluhán
sa Filipinas sa isáng hapunan ó casayahan ay ang nagpapahapon ó
nagpapafiesta: macapagpapasimulâ sa pagpapalayas sa may bahay at
mananatili ang lahát sa boong capanatagán."--"Sa m~ga calagayan n~gayón
n~g m~ga bagay bagay, halos ay isáng cagalin~gang sa canilá'y gágawin
ang huwág paalisín sa caniláng lupaín ang m~ga filipino, at huwág man
lamang turúan siláng bumasa"....