nang Papa, ay agad namang napaalam,
yaong embajada't nang siya'y dumatal
sa Francia'y sinabi yaong casagutan.
Pasiya nang Papa ay nang matalastas
ang man~ga consejo tua'y dili hamac,
magmula na noo'y ang Haring natanyag
Principe Pepino na may cayang ganap.
At canilang lubos na napagunaua
ang sa cay Salomong man~ga sinalita,
na ang isang Haring mapagpaubaya
ay matatamarin ang sacop na madla.
Mabuti ang isang Principeng masipag
na sa caharia'y marunong lumin~gap,
laguing naguiguising ang pusò nang lahat
at cung cailan~ga'y madaling igayac.
Pinahiran na n~ga n~g mahal na crisma
na galing sa lan~git na nasa redoma
nang bunying Obispong S. Esteban bagá't
ang boong caharian naman ay nagsaya.
At mula na noo'y pinagcayariang
ang Hari sa Francia ay manamanahan
at tungcol babaye ay huag payagan
na siyang mag-hari cahima't caylan.
Cahit sinong puno sa ibang lupain
huag naman nilang papan~ginoonin,
ang gayong usapa'y guinananap na tambing
pasiya n~g lahat na siyang susundin.
Ang Haring Pepino'y nag-asaua naman
sa cay Reyna Berta na dugo ring mahal.
Anác n~g dakila na si Herlin Cesar
sa man~ga romanong bilang caauaan.
Haring si Pepino Anác ay dalaua
na si Carlomagno ang pan~ganay niya,
at ang icalaua'y Princesa Lamberta
na sulang maningning n~g Amá at Iná.
Niyong tumanda na ang Haring Pepino
nahalili naman ay si Carlomagno,
siya n~ga ang naguing kilabot n~g turco
at sa catapan~ga'y nabantog sa Mundo.
Ang uica ni Turping Arzobispong banal
na cay Carlomagnong laguing caalacbay,
ang siyang sumulat niyong casaysayan
n~g cay Carlomagnong laki't cataasan.
Catauan ay timbang at ayos na ayos
na cung pagmalasin ay nacalulugod
ang laki at taas at bayaning kilos
mamamangha cahit sino mang manood.
Labintatlong dangcal lagay n~g taas
at tatlong dangcal ang lapad n~g balicat
at tatlo pang punto, at nacagugulat
cung siya'y tumin~ging may galit na hamac.
At dalauang terciang lapad n~g balacang
ang binti at brazo ay timbang na timbang,
cung cumain nama'y macalaua lamang
sa maghapo't siyang naguing cagauian.
Di lubhang marami cung cumain siya
nang tinapay, n~guni't sa ulam na tupa,
icapat na bahaguing nacacain niya
cung inahing manoc naman ay dalaua.
Calacasan niya ay cagulat-gulat
cung nasa cabayo ay nacabubuhat,
niyong isang taong may sandatang sangcap
isang camay lamang ay na itataas.
Nang lampas sa ulo caya't sa batalla
totoong maraming guinagahis siya,
cung humatol nama'y nacaliligaya
at di cumikiling sa isa at isa.
Ualang inaapi na cahit sinoman
lubhang maauai't malimusing tunay,
cung siya'y mag-utos naman ay malubay
at di nabubuyo sa di catuiran.
At ang isip niya ay totoong pantas
lalo na cung siya'y nakikipag-usap,
at tunay na dinidin~gig niyang banayad
nang upang hinahong caniyang matatap.
Bago sumasagot ay pinaglilirip
upang di masaui siya sa matuid,
caya hindi hamac siyang nabubulid
sa ban~gin nang cutya na icalalait.
Si Carlomagno rin nama'y nag-asaua
doon sa Princesa na si Verenisa,
Anác nang guinoong Orondatis bagá
na isang dakilang taga Capadocia.
At si Carlomagno'y nag-anác nang anim
tatlo ang babaye't lalaki tatlo rin,
ang man~ga pan~gala'y na inyong malining
ay isa-isa co na sa salaysayin.
Principe Pepino n~galan nang pan~ganay
at Príncipe Luis icalaua bilang,
na siyang nag-impoc niyong cabanalan
caya't si S. Luis de Franciang natanghal.
Infante Carloto ang icatlo bagá
ang ica-apat ay Princesa María,
icalima'y yaong Princesa Rolana
at si Jenaponte ang bunsong Infanta.
Pinaturuan din yaong man~ga Anác
nang pananandata't nang dunong na ganap,
mahigpit na iniaaral na mag-in~gat
sa pag-oosioso't lubos na man~gilag.
Cung siya ay ualang bagay na tungculin
librong cabanala'y siyang babasahin,
ó luluhod caya at mananalan~gin
ang pagdedevocio'y siyang uunahin.
Mahiguit ang caniyang pag-aala-ala
sa nan~gagdurusang man~ga caloloua,
sa purgatorio't hinihiling niyang
sila'y macaalis sa ganoong cusa.
Kinucunan niyang halimbaua bilang
ang cay S. Pablong lagdang casulatan,
na sa Epistola'y doon sinasaysay
ang ganitong uicang nan~gapapalaman.
Balang araw aniya'y ang campon nang Dios
cusang pupucauin ang canilang loob,
na manaca-naca at upang iluhog
ang sa purgatorio'y nagdurusang lubos.
At gumagaua nang gauang cagalin~gan
nang upang malayo sa tucsong caauay,
na humihicayat sa capahamacan
nang tayo'y mahulog sa canilang camay.
Sa Reynong Akisgran at sa Alemania
ay nagpatayo siya niyong tigalaua,
na man~ga Simbahan, at tigalaua pa
ang ipinagauang man~ga Beateria.
Na pinacainam ang Simbahang ito
niyong pagcayari sampon nang Convento,
ipinagcaloob sa cay S. Benito
niyong Emperador na si Carlomagno.
At ipinatungcol yaong Beateria
sa capurihan n~ga nang dalauang Santa,
ang isa ay sa cay Santa Catalina
at saca cay Santa Potencianang isa.
Hustong-hustong lahat yaong cagayacan
may Altar at sarisaring casangcapan
pauang man~ga pilac at ang guintong lantay
ang caliz at cupon at ang Bril naman.
Bordado nang guinto ang sa Paring damit
na ang pagca-ayos ay pinacarikit,
anopa at cahit sino mang magmasid
ay uala nang pintas na maisusulit.
Ang Simhabang yaon nama'y inialay
sa Vírgen Maríang man~ga capurihan,
baua't isa nama'y caniyang binigyan
nang haciendang siyang gugugulin bilang.
Nang si Carlomagno'y macatalastas na
niyong carunun~gang man~ga iba't iba,
macaitlo namang dumadalaw siya
sa maghapon, doon sa Simbahang sadya.
Cung Domingo't fiestang pan~gilin ay lahat
nang caniyang sacop ay pinatutupad,
tuloy naglilimos sa nan~gasasalat
nang sa cabuhayan nila'y nararapat.
Lalong lalo nan~ga ang man~ga Simbahan
na duc-ha at ualang sucat na pagcunan,
binibigyan niya nang malaking yaman
at tungcol sa Dios ang ganoong bagay.
Sa bayang Cristiano cahit hindi sacop
ay caniyang pinadadalhan din nang limos,
maguing sa caniyang tunay na vasallos
ang saclolo niya ay di nalilimot.
At sa taón-taó'y nagpapadala rin
nang limos sa Reyno niyong Jerusalem,
at sa iba't ibang Reyno ay gayon din
taglay nang caniyang pagcama-auain.
Sa nan~ga sasalat na ualang pagcunan
ay namamahagui niyong cayamanan,
sa tanghali't siya'y cung cacain naman
binabasahan nang librong cabanalan.
May lector na yaon ang sadyang tungculing
siyang bumabasa capagcumacain,
at ang adhica niya'y dapat na busuguin
nang gracia, ang man~ga caloloua natin.
Cung binubusog man natin ang catauan
nang man~ga pagcaing sari-saring bagay,
caloloua'y dapat na pacanin naman
niyong masaganang gauang cabanalan.
Kinauiuilihang basahing parati
ay yaong librong Divicitate Dei,
sinisira niya ang tulog sa gabi
at sa pagcahimbing ay di nauiuili.
At sa isang tao'y macalaua bilang
ang virey niya na inuutusan,
na magsisiyasa't sa nasasacupang
provincia't Ciudades Villa't man~ga bayan.
Sa lahat nang puerto, ay inuusisa
ang tungculin nila sa pag-aalaga,
at cung ginagaua ang pan~gan~gasiua
nang pagca-justicia sa sacop na madla.
Cundi gumagaua nang man~ga pag-api
sa hamac, ó maguing sauing malaki,
ang pagpapalagay nila'y cung mabuti
cung isa ang tin~gin sa guino't imbi.
At yaong paghatol ay cung nababagay
sa hustong matouid at di nasisinsay,
sapagca't maraming iba ang palagay
na canilang man~ga pinagpupunuan.
Cay Vayceto namang man~ga pan~gun~gusap
aniya'y mararaming aliping pan~gahas,
sa pan~ginoon n~ga't sa hindi pag-ganap
niyong catuiran at nan~galilinsad.
Nang sa cay Aáron namang maunaua
ang Hari sa Francia sa ganoong gaua,
na si Carlomagno'y nalugod na cusa
sa camahalan at bait na sagana.
Isang Elefante nagpadala ito
na mayhilang isa na carrong dorado,
na ang lula'y bangcay ni S. Cipriano
at ni Espiratus na isa rin Santo.
Saca yaong ulo ni S. Pantaleon
tanda nang pag-ibig niyang mahinahon,
saca cay Carlomagno, mula nang manoynoy
ang magandang gauang sa Dios ay ucol.
Nang cay Carlomagnong regalo'y matangap
malaki ang toua at pasasalamat,
sampon nang nagdala'y lubos na linin~gap
at minahal niya nang sa puso'y tapat.
Iguinalang nan~ga ang man~ga catauan
niyong man~ga Santong sa Dios na hirang,
at ipinalagay doon sa Simbahan
at maraming taong nag-devocion naman.
Si Carlomagno n~ga'y mulang putun~gan siya
niyong corona Imperial sa Roma,
noo'y linooban naman ang Patriarca
sa Jerusalem nang man~ga turco baga.
Totoong marami ang man~ga cristiano
na pinagpapatay niyong man~ga turco,
caya't sumanguni sa bagay na ito
siya sa matandang man~ga Caballero.
Nang tungcol sa guerra ay naca-aalam
niyong sari-saring bagay na paraan,
iba sa canila'y cahit masira man
ang dan~gal ay tacot na sila'y mapatay.
Caya't ang uinica'y makipagyari na
sa man~ga turco at man~gaco na sila,
nang anomang bagay at nang di muli pa
na sila'y patayi't yaon ang pan~gamba.
Anopa't noon din ay sila'y nag-atas
niyong embajadang makikipag-usap,
tanang sasabihin ay nang maisaad
yaong inutusan pagdaca'y lumacad.
Sugong embajada ay nang ipamalay
ang hiling na yaon ay ang casagutan,
ang Ciudad na yaon ay canilang iuan
at sampon nang lahat na ariarian.
Tanang casangcapan at man~ga sandata
gayon din ang lahat na man~ga hacienda,
ang bagay na yao'y n~g matanto nila
nan~gagsang-usapan sila capagdaca.
Na sila'y humin~gi nang araw na taning
na malaon-laon n~guni't di pinansin,
niyong man~ga turco, caya n~ga't uala ring
makitang paraang huag mahilahil.
Gayon ma'y sa aua nang Dios na Amá
at sa tulong nang mahal na gracia niya,
nasoc sa canilang man~ga ala-ala
ang cay Carlomagnong loob na maganda.
Sampon pa nang taglay na cabayanihan
at yaong loob niyang cabutiha'y sacdal,
ang caniyang pagcamaauaing tunay
sa nan~gasasahol na cahit sinoman.
Ang guinaua nila sa bagay na ito
ay ang man~ga susi nang Sto. Sepulcro,
ay ipinadala sa cay Carlomagno
sampong estandarte nang nubos sa tao.
Pumanaw noon din yaong embajada
at cusang tinun~go ang Imperiong Roma,
sumulat din naman yaong Patriarca
at cay Constantino ay ipinadala.
Sa Constantinopla, n~guni't hindi ito
yaong Emperador na si Constantino,
na humanap bagá nang Cruz ni Cristo
na ipinanglunas sa sala nang tao.
Yaong casabihang Constantinong yaon
Anác ni Constanciong bunying Emperador,
at nang Emperatriz Elenang gumugol
nang pagal at yamang hindi sasan~gayon.
Ang sa Patriarcang sinulatang ito
bilang pan~galauang Haring Constantino,
ang pinagsabiha't hinin~gang saclolo
nang gagauin niyang munacalang bago.
Nang cay Constantinong tangapin ang sulat
at ang nalalama'y pauang matalastas,
ay noon din nama'y inutusang agad
ang Príncipe Leon na caniyang Anác.
Pinasamahang cay Juan de Napoles
at saca sa nan~gan~galan pang si David,
dalaua pa ring Hebreong sasanib
Samuel Isaac sa historiang sulit.
Sila ang piniling man~ga embajada
sa cay Carlomagno sa Imperiong Roma,
na may dalang sulat na nilagdang sadya
niyong Emperador Constantino bagá.
Calakip din yaong sa Patriarcang liham
tan~gi sa titic niyang gayari ang saysay
cagabi aniya'y napakitang tunay
na akin, ang isang babaying maran~gal.
Na ang carikita'y caguilaguilalas
uica'y Constantino'y ang laguing pagtauag,
at iyong pagsamo sa Dios na uagas
na icaw ay bigyan nang tapang at lacas.
Sa cuhilang turco n~g pakikilaban
na doon sa tierra Santa'y nagtatan~gan,
sa iyong malaking nasa'y cailan~gan
na si Carlomagno ay macaalacbay.
Itinuro yaong Caballerong isa
na butihi't lubhang malaking halaga,
ang gayac, at yaong sibat at espada'y
apoy ang sa talim ay nagsisibuga.
Na tumitilamsic ang tapon n~g nin~gas
ang muc-ha'y maganda't gayon din ang ticas
bulagáw ang matá't mahaba ang balbas
buhoc ay bago pang may puting mamalas.
Caya Emperador huag pong hindi ca
sa lacad na ito'y mangyaring sumama,
sumunod sa utos nang Dios na isa't
magpasalamat sa iyong caloloua.
Sa pagca-justicia'y n~g huag masinsay
gaya nang balitang man~ga cabutihan,
na guinagaua mong malaon nang araw
sa man~ga sacop mo't maguing pa hindi man.
Ipinalagay ca niyong Poong Dios
na sa cagalin~gang gaua ay mauulos,
n~g cay Carlomagnong sulat ay matalos
ang luha sa matá pagdaca'y umanod.
Sapagca't ang Santo Sepulcrong mahal
ay nasa sa camay n~g hindi binyagan,
nang oras ding yaon ay nag-utos naman
doon sa cay Turping Arzobispong hirang.
Na sa caharia'y iaral na tikis
ang gayong balita na cahapis-hapis
sa bagay na yaon ay nang matigatig
ang loob nang tao't maguising ang isip.
Guinanap ding agad niyong Arzobispo
na ipinan~garal doon sa Imperio,
maraming nagnin~gas na loob nang tao
na nagsipagdamdam sa bagay na ito.
Caya n~ga at noong hucbo ay ilacad
maraming sumama na nan~gahicayat,
at nan~gagsitapang na di hamac-hamac
at nagcusang loob nang pakikilamas.
At niyong ilacad yaong ejército
ang punong general ay si Carlomagno,
maraming casamang Hari't Caballero
Duke, Conde't Markes at ibang guinoo.
Minagaling nilang tikis na panauan
ang asaua't Anác ari't cayamanan,
sa malaking nasa nilang isangalang
yaong tierra Santa na linapastan~gan.
Yumao na silang tinauid ang dagat
nang magsiahon na'y parang ang tinahac,
at ang cagubatan nang Tarquiang malauac
nang man~ga bayaning pauang nagagalac.
Sapagca't nang bagong lalacad ang tropa
ay si Carlomagno'y nagpahayag muna,
nang pakikilaban na gagauin nila
nang upang hinahong camtan ang victoria.
Dahil sa magandang gagauing paraan
man~ga loob nila'y sumigla't tumapang,
n~guni at nagdamdam silang cahirapan
nang tahakin nila yaong caparan~gan.
Na may habang man~ga labinlimang legua
at may sampong leguas naman yaong lapad,
mahiguit na dalauang oras na linacad
at dalauang gabi bago nacalampas.
At ang nasumpong pa'y leong caramihan
man~ga tigre't oso, lobo at halimaw,
sa canilang hucbo ay siyang nagbigay
nang lubhang maraming man~ga casamaan.
Lalo na sa gabing canilang pag-idlip
doon nangyayari ang lalong pan~ganib,
dahilan sa gaua niyong mababan~gis
na hayop, na ualang auang magpasákit.
Tan~gi pa sa roo'y ang pighati nila
doon sa paglacad ay nang maligaw na,
bakit sa pagcain nila'y kinapos pa,
saca man~ga pagal cung caya nan~gamba.
Man~ga loob nila'y lubos na namanglaw
nang sila'y gabihin sa nasabing parang,
sa di pagcataho nang pagdaraanan
dahil sa nangyari nilang na pagcapaligaw.
Sa cay Carlomagnong ipinatugtog na
ang guinbal, na tanda nang pagpapahin~ga,
at ipinag-utos na lumagay sila
sa libis ó ban~gi't magbantay ang iba.
Yaong man~ga hindi lubhang napapagod
at siyang magtangol sa nan~gatutulog,
sa magsisisiláng maban~gis na hayop
na nagpapahirap sa man~ga soldados.
Nang maiayos na ang lahat nang caual
at ang gutom nila'y nang mapauing tunay
ay si Carlomagno pagdaca'y lumagay
sa puno nang isang malaking halaman.
Siya'y lumuhod na't nanalan~gin doon
at nagmaca-aua sa Dios na Poon,
na sila'y iligtas sa madlang lingatong
at matausan din ang canilang layon.
Nagpapacumbabang luha'y tumutulo
sa gayong caniyang pagmamacaamo,
hibic at pagluhog na taos sa pusò
at man~ga pagdaing at buong pagsuyo.
At pinasimulan yaong pagdarasal
nang sa Dios bagang man~ga capurihan,
sa dasal na verso'y nang dumating naman
may voces nang ibong siya'y napakingan.
Na ang uica'y tunay na narin~gig ca na
nang pagdalan~gin mo sa Dios na Amá,
gayon man ay di rin tumitiguil siya
hangang sa dumating sa verso pang iba.
Ibon ay muli pang nagsabing malacas
na narin~gig cana niyong pagtauag,
nang cay Carlomagnong yao'y matalastas
sa man~ga pinuno'y nag-utos na agad.
Lahat nang soldado ay ipinalagay
sa mabuting ayos niyong pagcahanay,
at pinagsabihan nang panghihinapang
lumacad nang siya ang nasa unahan.
Sinusundan nila'y ibong lumilipad
na bilang patun~go doon sa paglacad,
anopa't natunton ang tunay na landas
caya n~ga't toua nila'y hindi hamac.
Pinagca-alama't magpahaga n~gayo'y
laguing nakikita ang nasabing ibon,
nang nan~galiligaw sa gubat na yaon
pinapatnuguta't daa'y nang matunton.
Sa gubat na yao'y nang macalabas na
yaong Emperador at casamang tropa,
isang daang libo ang natanaw nilang
turcong bucod-bucod ang pulutong bagá.
At cung caya naman nila natalastas
ay may lihim silang taga pagsiyasat,
at cung magagaling ang sandatang sangcap
nang magaua nila ang lalong marapat.
Pinacabuti na ang canilang ayos
at nan~gagsigamit nang tanda nang Cruz,
nanalig na paua sa aua nang Dios
at nagpacatapang nang canilang loob.
Niyong matapos nang ihanay ang caual
sa lalong mabuting man~ga catayuan,
at inaatas na ang man~ga paraan
na marapat gauin sa pakikilaban.
Sinimulan na n~ga ang pagbabatalla
nang dalauang hucbong leon ang capara,
tapang nang cristiano ay cataca-taca
sa dahas at licsi nang pananandata.
Ang cahalimbaua'y tigre at halimaw
niyong paghandulong sa man~ga caauay,
magcabi-cabila'y nagcalat ang bangcay
niyong man~ga turcong canilang calaban.
Nang ualang magaua sa pakikilaban
at napipipilan nang pananandata,
nang di macasaho't nasasahol sila
ay nan~gagtacbuhan silang para-para.
Pumasoc sa Ciudad niyong Jerusalem
at adhicang doon man~gag-sisitiguil,
n~guni di nangyari't sila'y inusig din
nang man~ga cristiano saan man dumating.
Anopa at sila'y hindi tinugutan
hangang di naubos na pinagpapatay,
nang uala na cahit ni isa mang buhay
doon ay sila na ang namuno naman.
Yaong Santong lugar ay nang mabaui na
sa camay nang turcong man~ga palamara,
ay si Carlomagno't lahat nang casama
ay doon na muna sila nagpahin~ga.
Nang macapagpaui na sila nang pagal
sa bunying Patriarca ay nagpapaalam,
binibigyan sila niyong cagantihan
guinto't pilac sampong batong bagay-bagay.
Bunying Emperador na si Carlomagno
at gayon din yaong Haring Constantino,
ay hindi tumangap nang handog na ito
niyong Patriarcang humin~ging saclolo.
Kinilala nilang tunay na nag-utos
sa canila'y yaong darakilang Dios,
at ang catapan~gan sa pakikihamoc
nila, ay Dios din yaong nagcaloob.
Sa guinauang yaong di pagtangap nila
ang uinica naman niyong Patriarca,
cung gayo'y ang ualang timbang na halagá
ang aking sa inyo ay ipakikita.
Cayong lahat n~gayo'y hustong tatlong araw
na man~gag-colacio't tuloy magcumpisal,
at man~gagcomunion sa kinabucasan
na sinoma'y huag pasalahin lamang.
Malabis ang touang canilang tinangap
at noon din sila'y nagcolaciong lahat,
nan~gagcompisal di't comunio'y ginanap
hiling nang Patriarca ay pauang tinupad.
Tanang cautusa'y nang mairaos na
ay humirang naman nang labindalaua,
na man~ga guinoo at iniatas niyang
ilual sa Cofre ang tanang Reliquia.
Yaong Emperador Carlomagno naman
ay sa Arzobispo siya'y nagcumpisal,
at tuloy rin namang siya'y nakinabang
ayon sa Iglesiang man~ga cautusan.
At yaong pinili na labindalawa
ay pinasimulan yaong pagcacanta,
nang Letania't Salmos namang iba't ibang
pagbibigay puri sa Dios na Amá.
Saca ang Prelado doon sa Napoles
na cagalang-galang na ang n~gala'y David,
binucsan ang Cofreng doo'y nasisilid
ang cay Jesucristo na coronang tinic.
Ang takip nang Cofre ay nang maibucas
ang samyo nang ban~go ay humalimuyac.
na nagbigay aliw sa tanang caharap
asa nilang na sa Paraisong lahat.
Noo'y natiguib nang pagsampalataya
ang cay Carlomagnong puso't caloloua,
siya ay lumuhod na caracaraca
na namamalisbis ang luha sa matá.
Casabay ang hibic at man~ga pagluhog
sa di matingcalang maauaing Dios,
at ang Pasión niya'y nang lalong mabantog
ang bagong himala'y ipinagcaloob.
Sa oras ding yaon namang capagdaca
ang coronang tinic nang nacop sa sala,
nagsipamulaclac na caayaaya
ang samyo nang ban~go ay ualang capara.
Na nacabubusog sa naroong lahat
caya n~ga't ang toua nila'y hindi hamac,
at niyong han~guin ang Santos Reliquias
ay lalong maraming himalang namalas.
Tanang man~ga lumpo, bulag sampong pipi
ang pilay ay bucot sampong man~ga bin~gi,
gumaling na lahat caya't di masabi
yaong cagalacan sa gayong nangyari.
Ang man~ga leproso ay gayon din naman
caya't nagpupuri silang walang humpay,
ang dakilang ban~go'y sumikip sa baya't
nasamyo nang lahat yaong casarapan.
Malacas na voces ay narin~gig nila
uica'y cabuhayan n~gayon nang lahat na,
at ito ang araw nang mahal na graciang
caloob na tunay nang Dios na Amá.
Tatlong daa't lima ang man~ga may sakít
sa araw na yao'y gumaling na tikis,
caya n~ga't sa puso nila'y nan~gatitic
ang himalang yaon nang Dios sa Lan~git.
Ang Prelado Daniel ay cumuha naman
niyong isang paco nang nacop sa tanan,
at sa relicariong guinto'y ilinagay
isang bagong taong gumaling ang damdam.
Capagcabata nang ipan~ganac siya
at ang calahati nang catauan niya,
ay tunay na tuyo capagcaraca na
cung caya n~ga hindi macakilos bagá.
N~guni at dahilan sa pacò ni Cristo'y
biglang nacalacad ang nasabing tao,
at naparoon nang halos tumatacbo
sa Simbahang hayag na cay S. Sabino.
Doon n~ga pinuri't pinasalamatan
ang aua n~g Amáng macapangyarihan,
at ang sakít niyang pinagcalabasan
gumaling na tila nagdahilan lamang.
At sa Alemania naman ay gayon din
maraming may sakit yaong pinagalin,
sampon nang Enano ay lumaking tambing
at sa cahustuhang anyo ay tumiguil.
Ualang di gumaling na man~ga may damdam
doon sa Reliquias nang nacop pa tanan,
caya't nan~gagpuri nang di ano lamang
sa Dios na ualang hanggang caauaan.
At saca isa pang sangol na patay na
ang muling nabuhay na cataca-taca,
dahil sa cay Cristong pacong mahalaga'y
siyang naguing lunas na nagpaguinhaua.
Saca nang dumating doon sa Aquisgran
ay huminto sila sa isang Simbahan,
at sa isang Altar nila ilinagay
ang Santas Reliquias ni Jesús na mahal.
Ang Simbahang yao'y sa mahal na Virgeng
Nuestra de la Salud, at siya'y nagbilin,
na sa taón-taó'y huag pasalahin
na ang cafiestaha'y pilit gaganapin.
Sa buan nang Junio ay ipamamalas
sa lahat nang tao ang Santas Reliquias,
at man~gag-cacamit sila nang plenarias
yaong Indulgenciang sa sala'y patauad.
Pasiya nang Papa ang bagay na ito
nang ipagcaloob sa cay Carlomagno,
caya't guinaganap nang man~ga cristiano
na tunay na lingcod nang Poong si Cristo.
Ang Simbahang yao'y pagaua rin naman
niyong Emperador Carlomagnong hirang,
caya n~ga't ang bilin ay nang maisaysay
siya'y nagbalic na sa palacio real.
Magmula na noo'y nabalitang tikis
ang cay Carlomagnong cabutiha't bait,
siya ang nagtatag niyong Doce Pares
taglay nang caniyang cagandahang isip.
Sa pagcabayani ay siyang nabantog
na pa man~ga turco ay naguing kilabot,
ganon dín sa lahat nang nan~gasasacop
ay lubhang hinahong cung siya'y mag-utos.
At sa Dios nama'y lubos ang pag-galang
maguing sa Iglesia na cay Cristong halal,
sinusunod niyang ualang caliuagan
ang bilin at utos at ang man~ga baual.
Caya't ang caniyang magagandang gaua
siyang dapat cunang uliran nang madla,
at sa man~ga puno'y isang halimbaua
nang casarapang lumin~gap sa capoua.
Hindi sa sarili lamang lumilin~gap
at iisa yaong pagtin~gin sa lahat,
maguing sa mayaman at sa man~ga salat
sa caniya'y ualang mababa't mataas.
Di gaya nang Haring si Herodes
na sakim sa yama't caran~galang labis,
caya n~ga't sa gauang yao'y ang nasapit
doon sa Infierno cusang nagcasakit.
At gayon din yaong si Poncio Pilatong
hocom na humatol sa Poong cay Cristo,
sa tacot sa bala niyong man~ga judio
na ipagsusumbong siya cay Tiberio.
Na siya ay isa bilang casapacat
nang ipinaghablang mahal na Mesias
ay baca alisin sa tungkol na hauac
cung caya humatol nang hindi marapat.
Cahi't alam niyang ualang casalanan
ay ipinasiyang si Cristo'y mamatáy,
nang sa cay Tiberio'y ipagsabi naman
gauang lihis niya'y siyang hinatulan.
At ipinahuli na guinapos siya
tuloy tinubun~gang hayop ang capara,
at noon din siya ay ipinadala
doon sa caniyang bayang Tarragona.
Na uala ni cahit banig man ó cumot
caya n~ga't sa lupa lamang natutulog,
at di iniiuan nang sundalong tanod
hangang sa ang búhay niya ay natapos.
At nang makitil na ang tan~gang hinin~ga'y
ibinulid naman yaong caloloua,
doon sa Infierno't dusang ualang hanga
at uala cahima't camunting guinhaua.
Pagca't si Pilato ay hindi binyagan
siya'y nalalabas cay Cristong baunan,
caya't suson-suson yaong cahirapan
at di matatapos magpacaylan man.
Dahil sa mayroong lumabas na auit
na dili umano'y na akyat sa lan~git,
yaong si Pilato, ito'y sabing lihis
nang nagsasalita ay di iniisip.
Ipinahahayag niyong Evangelio
na ang di tumangap nang Agua Bautismo,
ay di nagcacamit nang Lan~git sa Reyno
at ang matatamo'y hirap sa Infierno.