XV

"GERARDO, NÁSAÁN KA?"

Ang púlong na binagabag ng demonyo ay mulîng pumayapà.

Maging ang mga laláki at maging ang mga babáe ay áayaw sumukò; áayaw

pumáyag na lansagin ang kapisánan.

Aywan kung dáhil sa anóng kababalaghán, aywan kung dáhil sa talumpatì

ni Gerardo ó kung dáhil sa pagsipót ng demonyo, ang lahat ng mga

taga-"Dakilàng Mithî" ay nakitáan noóng mga sandalîng iyón ng

isáng kagúlat-gúlat na pagbabágo. Katúlad sila nina Adán at Eva na

nang mapagkurò ang kaniláng pagka-hubád ay nangahiyâ't dálidáling

nagsipágtapî; katulad silá ni San Lázaro na nang patindigin ni Krísto,

sa kanyáng libing ay tumindíg ngâ't muling nabúhay. Anopa't sa minsáng

sábi, ang naunsiyaming siglá ng "Dakiláng Mithî" wari baga'y muling

nanariwà.

Pinagkáisahan na ipatutúloy ang lahát at báwa't isá ng mga panukalàng

nabibitin; álalaóng bagá'y ang úkol sa páaralán, aklátan papúlong,

mga campaña, atb. At noón ding gabing iyón ay nag-ambágan ang lahát,

máliban na lang ang ilán na talagáng ibig nang tumiwalág sa samahán;

kaya't walang kamalák-malák ay nakatípon at súkat ang ingat-yáman

ng salapîng sapát at katamtáman upang maisagawâ ang kaniláng mga

matatáyog na pangárap na muntî nang mabulók.

Sa hulîng bahági ng púlong ay nagkaroón ng kaunting pagtatálo;

pinagtalúnan ang kung nararápat ó hindî na ang kapisánan ay manghimások

sa politika.

Si Faure ay nagsasabing nararápat; at siyá ang nagpalagay na ang

kapisanan ay maaáring lumahok sa polítika; samantálang sa kabilang

panig si Juancho namán ay nagmamatigás na di nararápat. Itóng hulí

ay bumigkás ng isáng mahabàng talumpatì na dinulúhan ng mga ganitóng

pangungusap:

--"Manghimasok táyo sa polítika?... Kay samâng palagáy!... Táyo

na mga batàng-batà pa, ¿anó ang áting masasápit sa gáwaing

iyán?... Huwag táyong pakasúlong, mga kabinatà, huwág mangahás sa di

nátin káya... Kailangan dito'y mahabàng pag-aáral, mga malalálim na

pagkukurò at pag-iísip na hinóg at di hiláw na gáya ng átin. Ipaubayà

iyán sa mga matatandâ; iya'y di nábabágay sa kabatàan"....

Si Juancho ay umupô; pagdáka nama'y tumindíg sa dákong likod niyá

si Faure.

--"G. Pangulo"--anya--"di ako namamanghâ sa pagsalungát ni ginoóng

Santos sa áking palagáy; kamí ay láging magkalayô ng damdámin;

siya'y isá sa mga sumásambá sa bandilàng áyaw hiwalayán ng

mga Pederal; ang ngálan ko nama'y nakatítik sa plataforma ng

Partido Nacionalista.... Wikà niya'y di táyo dápat manghimások

sa polítika, sapagka't táyo raw ay mga batàngbatà pa, sapagka't

tayo'y walâ pang káya.... Di ko hinahanápan ang ginoó ng ibáng

paghahakà.... Walâng káya! Iyán ang bukáng-bibig ng mga gaya niyáng

Pederal at ng kaniláng mga amá-amáhan; iyán ang kaniláng pangarap

araw gabi, iyán ang lagì niláng naguguni-gunitâ, dinádasál-dasál,

ibinúbulóng-bulóng... Ipinahihiwátig ko sa aking katálo na sa pagnanasà

kong pumások ang kapisánan sa bakúran ng polítika, ay walâ akóng

minimithî kundi ang pagsikápang liwanágan ang mga tungkúlin ng mga

mámamáyan sa kaniláng Tinubúan; bakáhin iyáng ating namamalas ngayóng

mga kahálay hálay na pagwawalang bahalà, mga kasagwâan ng ilán sa

ating mga pinunò, at ang mga duwág na pagyuyukô ng ulo sa haráp ng

mga mapagharì-harìan. Hiláhin sa liwánag ng áraw at ihantád sa matá ng

Bayan ang mga kaáway niyáng lihim, sina Masasakim, sina Mapagbalatkayó,

sina Kukong-lawin. Pukáwin ang lakás ng lahì upáng palayasin dito

ang mga dayúhang magdarayà na sumasalungat sa kanyáng pinakamámahal

na damdámin at náis, at yumuyúrak nang líhim sa karapatán at kalayàan

na pamána ng Diyós sa kanyá. Ipaála-ála sa kanyáng lagì na ang Báyang

di kumikilos ng ganitó, ang Báyang nagtítiís sa pagwawalâng kibô at

nagkakasya na lamang sa lihim na pananangis, kapág siya'y dinudusta,

ang bayang iya'y alípin, busabos, duwág... Itó, mga kababayan,

ang pinakamimithi kong layunin ng ating kapisánan. ¿At alin ang

kaluluwáng may dangal, matandâ man ó batà, na makapagsasabing siya'y

walang lakás at káya na tumupad na ganitóng dakilang katungkúlan?

"Mga batà pa raw táyo! Ang isip yata'y pulós na matatandâng hukluban

lamang ang marúnong sumurì sa mga bágay na iyán!... Sa isáng binatà ay

walâng dápat makasindák, walang dápat makapígil sa kanyáng paglakad,

waláng dapat makahadláng sa kaniyang iniíbig; kaya't walâ sa matwid

ang isang magsábing tayo'y walâng káya na maghimasok sa polítika."

Si Juancho noo'y kasalukuyang ninenerbyos. Di magkantututo sa

pagsigaw ng:

--"G. Pangulo; hindi ko maáayunan ang mga ipinahayag ng hulíng

nagsalitâ, hindi nga po, at makásanglibong hindî!!..." (at dito'y

pinanginig pa mandin ang boses na ubos-diin) "Ipinalálagay ko pong

ipaliban ang pagtatalo sa..."

Isáng malakás na pukpok sa lamesa ng Pangulo ang ikinaputol.

--"Di matátanggap ng mesa ang inyóng palagáy,"--anya--"sapagka't di

pa napasisiyahán ng pulong ang palagay ni G. Faure na kinatigan ni

G. Lauro."

Dali-daling umupô si Juancho. Nagpatuloy ang Pangulo:

--"Mayroón pa bang pagtatalo tungkól sa bagay na ito?... Kung wala,

lahat ng umaáyon sa mungkahi na ang kapisanan ay maáaring manghimasok

sa polítika, ay magsitindig."

Sa apat na pu't tatlong kaanib na naroroón, ay anim lang ang di

tumindig.

--"Ginoóng Pangulo"--ang mulîng bigkás ni Faure--"Ipinalálagay ko

pô na ang 'Dakilàng Mithî' sa pamamagitan ng kaníyáng pangulo, at

kalihim ay magpadalá ng isáng kalatás sa bawa't kapisánan ng kabatáang

natátatag sa Sangkapulûan, upang sila'y anyayáhan na umánib sa átin

sa paghingî sa Báyang amerikano ng lalòng madalî at karakarakang

Pagsasarilí ng Filipinas."

--"Kinakatigan ko pô ang palagáy ni G. Faure"--ang pagdaka'y isinunod

ni Pacita.

Lahát ng matá ay nakasulyap kay Juancho, na sapagka't leader ng

mga pederal sa "Dakilàng Mithî" ay siyang lalòng may katungkúlang

sumalungat sa gayóng mungkahì.

Nakaraan ang iláng sandalî.

Si Juancho ay dî umiímik! Nakapakò ang paningín sa kanyáng orasán na

para bagáng binibilang ang mga ¡tiktak-tiktak! nitó. Manaká-nakáng

tingalaín at pakiramdaman ang bubóng na páwid ng báhay. Ang boông anyô

niyá ay gaya ng sa isáng mangangáso, na mulâ sa malayò ay nakikiníg

sa takbuhan ng mga usá.

Sa gayóng lagay ni Juancho, ay di niyá nápapansín ang ikinindát-kindát

sa kanyá ng kanyáng mga manók na ang ibig sabihi'y "Lantakan mo!"; di

niya nararamdamán ang mga kalabít sa kanyá ng mga násalikod; di niya

alumána ang pangungunot ng noó ng naka-itim na nang di na makapagbatá

ay bigláng lumundág at úbos lakás na inahiyáw ang isáng matápang na

--"G. Pangulo!!"

--"G. Kabúyas"--ang tugón namán ng pangulo.

Si Kabúyas ay naghágis muna kay Juancho ng isáng nanglilísik na tingin,

bágo nagpatuloy:

--"Sa ngalan pô ng dangál ng 'Dakilang Mithî' ay tinututúlan kong

mahigpit ang mungkahì ni G. Faure.

"Hindî ko mapagkurò kung bakit ang isáng magiting na ginoóng gaya

ni G. Faure ay makaísip na magharáp dito ng isáng palagáy na waláng

kaúlo-úlo at walâng maibubunga kundî libo-libong pulà sa katalinuhan ng

'Dakilang Mithî!'"

--"Bravo! Bravo!!"--ang di magkamáyaw na sigaw ng mga pederál. Ito'y

lalò pa manding nagpainit kay Kabúyas.

--"Oo nga pô, mga binibinì at ginoó, kapag ang kapisánang ito ay

tinanggáp ang palagáy ni G. Faure, ang kakamtán natin ay di lang

libo-libo, kundî yutà-yutàng pulà!!

"Anó pô ang ating mahihitâ sakali ma't umanib sa atin ang ibáng mga

Kapisánan sa paghingî ng karakarakang pagsasarilí sa Báyang amerikano?

"Didinggín bagá táyo ng pamahaaán? Makikitúngo ba ang pamahalaáng

iyan sa mga gáya nating musmós?

"Kung ang Kapulungang Báyan ngâ ay di pinakitunguhan nang humingî

itó ng Pagsasarili, ¿táyo pa kayâ?

"Malaking katiwalìan ang nilaláyon ni G. Faure!

"Kung ang kapisánan ay may talino at dangál, ang palágay na ito'y di

niyá sasang-ayúnan."

Si Kabúyas ay naupô sa gitnâ ng boông kasiyaháng loób. Si Faure namán

ang tumindíg.

--"Mga kasamahan,"--anyá--"itinatanóng ni G. Kabúyas kun anó raw ang

mahihitâ ng kabatàan sa paghingî ng karakarakang Pagsasarilí. Hindî

pulà gáya ng maling hinágap ng áking katálo kundî pagpúri pa ngâ ng

ating báyan sa ganitong pagkilos.

"Hindî man táyo dinggin ng Báyang amerikano ¿ay anó? Makagaganáp

tayo sa isang katungkúlan! Katungkúlan ng bawa't táo na hingin ang

Kalayàan ng kanyáng Lupà kapág ito'y handâ nang lumayà. Mga busabos

lang ang ayáw humingî ng Kalayàan. Ang Pilipinas ay maláon nang handâ

sa isáng Malayàng Búhay. Ibig ba nátin na ang kabatàang Pilipino ay

panganláng mga busábos?

"Hindî lang pagganáp sa isáng katungkúlan ang nilalayon ng áking

mungkahì. Ibig ko ring ipamatá sa Pamunúang amerikáno ang katotohánan

na di lang ang mga matatandâng pilipino, kundî patí ang kabatàan ay

nagkákaisá sa pananalig na ang pagsasarilí ng Pilipinas ay dápat

nang ibigáy sa kanyá; at dáhil sa katotohánang ito ay panahon na

ngayóng ang Pamahalaáng iya'y magbágo ng kilos; dápat na ngayóng

manaínga at mag-áral gumálang sa damdáming isinisigáw ng Káluluwá

ng Báyang namamanhík sa gitnâ ng dúsa. Panahón na ngayóng dápat

ipamálas ng Amerika, di lamang sa haráp ng Kapilipinúhan kundî patí sa

harap ng Sangsinúkob, na siyá ay may isáng púsong túnay na bayáni ng

Kalayàan. Panahón na ngayóng dapat isagawâ ang pangungúsap ni McKinley,

na ang hangad ng Báyang amerikano, sa kanilang panghihimasok díto,

ay di ang pagsúpil kundî ang pagpapalayà sa mga pilipino, (not as

a conquering, but rather as a liberating nation.) At panahón na

rin ngayóng dapat ipagsigáwan sa mapagbingíbingíhang Amérika ang

di maitátakwíl na katotohánan, na isáng panglulúpig at walâ kundî

panglulúpig ang magharì sa áyaw paharì; na isáng ásal-ganid ang

pagsikíl sa buhay ng may karapatáng mabúhay nang malayà; na isáng

ásal-háyop ang pagsasamantala ng Malakás sa Mahinà!...

"Anó pa ang hinihintáy ng Pamahalaáng nakasásakóp? Ibig ba ng

Pamahalaáng iyán na si Washington at ang kanyáng mga kapanahóng

namuhúnan ng dugo, sa pagtatagúyod sa hangád ng báyan nila nang

maghimagsik; ibig ba ng Pamahalaáng amerikano, aking inuulit, na

magsibalikwás ang mabubunying kaluluwang itó sa kaniláng libingan at

siyá ay sisíhin sa di pagtupád sa kanyáng tungkúlin? Alin pang áraw

ang ibig dumating? Kun kailan ba pumutî ang uwak?"...

Napútol dito ang talumpatì ni Faure. Si Juancho noón

ay biglang lumundag mulâ sa kanyáng upô at nagsisigáw

ng--"Sunog! Sunog!! Sunog!!!"

At siyá ngâ namang totoo! Nagliliáb ang palupo ng báhay!

Nangamutlâ ang lahát. Di magkamáyaw ang mga "tubig!" at "Diyos

ko!" Nangagtilían ang mga babáe. Nangag-iyákan ang mga batà.

Takbó ríni at takbó roón; sigáw dini at sigáw doón.

Nangag-unahán ang lahat sa pagpanáog.

Lumalakí ang apóy! Tupók na ang bubóng ng báhay.

Samantalang nagkákaguló ang lahat sa lupà, doon naman sa itaás ay

may ibang nangyayári.

Dalawáng táo ang nakatayô sa punò ng hagdan: isang babáe na pinipigil

ng isáng lalaki.

--"Elena,"--ang mabangís na wikà nitong hulí--"sasáma ka sa ákin ó

ikáw ay mamámatay!"

--"Ulól! at síno kang sasamáhan ko?"

--"¡Ang katawán mo ó ang iyong búhay!!"--ang muling sigaw ng lalaki

at lalòng hinigpitán ang pigil sa kamay ni Elena.

--"Háyop! bitíwan mo akó!"

--"Di maaarì!"

Sa kapipitlág ni Elena ay nabitáwan ng pumipigil ang kanyáng

kamáy. Hálos palundág na nanáog. Nguni't di pa hálos nararatíng

ang kalahatìan ng hagdán, siya'y inábot na namán ng taksíl. Ang

pangingibábaw ng Malakás sa Mahinà ay mulíng napatunayan.

Sinapúpo ng lalaki ang binibining nanglalambót; ipinanhík mulî, at

saka ipinanáog doón sa kabiláng hagdán, sa bandáng likód ng báhay. Walâ

doón ni isáng táo, sapagka't ang lahát ay nagkakatípon sa harapán.

--"Gerardo, oh Gerardo! násaan ka?"--ang tánging naisigáw ni Elena.

--"Gerardo?, anóng Gerardo?"--ang pairíng na tugón ng lalaki.--"Anó

pa ang Gegerarduhin mo ngayón? Si Gerardo'y patáy ná!"

--"Tampalasang táo!!"

--"Yaóng nanhík kanínang suót demónyo ang siyáng umutás sa kanyá!"

--"Oh mga tampalásan!!"

Si Elena ay hinimatay.

--"Lalong mabuti!"--ang sa sarilí'y nawikà ni Juancho, at pagdaka'y

inalúlan ang abâng si Elíng sa kalesa niyáng doo'y inihandâng

talagá.--"Kutsero, pika!!"

Bulalakaw ng Pag-asa · 第 32 / 47 题