XII

...AT ANG JUSTICÍA?

Kulóng na kulóng sa kanyáng silíd.

Walâng humpáy nang kayayao't dito. Nakayayaníg sa boóng báhay ang

madadalás niyáng yabág na ipinagdidiínan sa sahíg na tablá. Ang mga

lagutók ng kanyáng mga abellanang sapátos na nanggigipalpál sa putik

ay nakabubulahaw hanggang sa mga nagtutulúgang kápitbahay--hanggáng

sa mga manók na namamahingá sa isáng púnong kamatsiléng nakatánod

sa trangkahan. Ang mga bintî at bisig ay pára-parang naninigás;

ang mga dalirì ay tikóm na tikóm, na animó'y may isang sasagupáing

kalában. Minsán baltakín nang paibabâ ang kamiseta niyang putê na pigtâ

ng pawis; minsáng pag-itíngan nang higpit ang bigkís na nakakabít sa

pantalong kake na dahandáhang dumádausdós sa kaluwángan ng baywang.

Walâng pumupúlas sa nakángiwî niyang mga labì kundi

páwang pagngingitngít, pawang buntóng-hiningá, pawang mga

"huhm! hm! huhm! hm!"

Walâng anó-anó'y lumapit sa isáng mésa at umupô; pinagábot ang mga

kílay na pumapalamúti sa mga naglalalimang matá na nagpapahiwátig ng

tatlóng gabíng di pagkatulóg; sinabunot ang mga mapuputê niyang buhók;

tiningalâ ang isáng laráwang nakasábit sa dinding; kinagát ang labì,

nagbuntóng-hiningá, sumuntók ng boông diín, pumadyák, tumindíg at

nagyáot dito na naman.

--"Hu hm! hm! hm!"--ang mulî niyang ngitngit--"Papatayín ko! papatayín

ko! hu! hm! hu! hm!... Noóng áraw, noóng áraw ¡hu hm!... akó ang harì

sa báyang itó, óo harì! harì!... Sa áking haráp lahat ay nanunuyò,

lahát ay lumuluhód, lahát ay "óo pô" sa ákin, walâng "hindî"

ni "ayóko"! Noóng araw, ¡hu hm!... ako'y isáng don, isáng mahal na

máginoo sa matá ng madlâ.... ¡hu hm! Lahat ay naniwalà na ako'y mayáman

sa lahat; na ang yáman ko ay áking nakamtán sa tulò ng sarili kong

páwis! ¡hu hm!.... Lahát ay naniwalà na malinis yaring budhî ¡hu hm!...

"Ang mga lihim na pinakatagòtagò kong mahigpit, noon ay walâ kundî

akóng akó lang ang nakababatíd! ¡Hu hm!...

"Nguni't ngayón! ngayón! oh ngayón! ¡hu hm!... Sa ákin, ay walâng

di umiiring, walâng dî kumukutyâ, walang dî lumilibák, bawa't matá

ay násusuklám sa kataúhan ko, bawa't dilà ay ako ang isinusumpâ,

bawa't dalirì ay sa ákin nakaturò--sa akin na kung tawágin ngayón

ay di na "ang kapitan" "ang presidente;" kundì ang magnanakaw, ang

magdaraya, ang mámamátay! ¡Hu hu! hu hm!... At bákit ako'y nagkaganitó

ngayón? Bakit ako ngayo'y hámak na hámak, dustâng dustâ, mababang

mababà? Sino, sino ang gumanitó sa ákin?... ¡Hu hu! hm!

"Oh! Pagpápapatayín ko ang mga iyán!...

"Oh Gerardo! Oh Rustica! Magsipagtagò na kayó, mga

walânghiyâ!... Sáyang ang áking pagkamámamátay kapág kayo'y pinatáwad

ng aking patalím! !Hu hm!!"

At lálong dinalasán ang hakbáng, lalong ipinagdiínan ang yabág. Walâng

anó-anó'y bigláng tumígil.

--"Dapwa't... ako'y pápatay?"--ang kanyang patuloy.--"Diyata't

pápatáy na namán akó?... Iba na ngayón ang pamahalàan!... Hindi

na itó panahón ng kastilà! Diyata't pápatáy na namán ako?... At ang

Justicia? ang Justicia?"--At muling nag yáo't dito ang mistúlang ulól;

at sa kátatanong ng "ang Justicia?" ay naala-ala tuloy ang pagtatálo

ng isang huklubáng pederál at isang binatàng independista.

--"Justicia?"--anitóng huli sa pagtatalong nábanggit.--"Sa ating

Bayan ay walâ pang Justicia! Ni noóng panahón ng kastilà, ni sa mga

sandalîng itó ay walang taál at wagás na Justiciang umíral ó umiíral

dito. Ang dito'y tinatawag na Justicia, ay Justiciang kábilanin: Ang

isa niyang matá ay dilát, dapwa't ang isa ay bulág. Yaong úna ay siyang

ginagámit kapag ang dapat tangkilikin sa isang usapin ay amerikáno

laban sa pilipino. Kapag ang dapat tangkilikin ay pilipino laban sa

amerikáno, ang malimit hingan ng pasiyá ay ang matáng bulág!... Ayaw

kayóng maniwalà?... Ibig ninyóng patunáyan ko ang pagkakábilanin

ng tinatawag na Justicia ng kasalukúyang pamahalaan?... Náriyan

ang huling pagkakabilanggô ni Dr. Gómez. Bákit siya hinatulang

mabilibid?... Tanungin ang Kagálanggálang na hukóm na humátol sa kanyá,

at sarì-sarìng kuskósbalúngos ang imamatwid, dapwa't sumanggunì kayo sa

isáng malayàng pagíisip na walâng kinikilingan, at inyóng mababatid na

ang tunay at tánging dahil ng pagkabilanggô ni Dr. Gómez, ay sapagka't

si Dr. Gómez, na isang pilipino, ay iminungkahing magsiaklás ang

mga manggawà, na mga pilipino din, sa isang Samahan ng mga puhúnang

amerikano!... Iyán ba ang tinatáwag na Justicia?...

"At Justicia bagá ang naguudyók sa pamahalaang iyán na kupkupín at

panatilihin sa kanyáng tungkól ang isang "Ibong Mangdaragit," na upang

lálo't lálong makapagsamantalá at magtubò sa kanyáng kapangyaríhan,

ay nanghihimások sa di dapat panghimasúkan, nagpapasasà nang lihim

sa yáman ng may yáman at umaangkín sa arì ng may arì?...... Anóng

Justicia iyán?

"At anóng Justicia iyán na pumapatnúbay dito sa bawa't hakbáng

ng pamunúang amerikáno?..... Justicia ba ang sakúpin ang áyaw

pasakóp? ¿pagharìan ang ayaw paharì kaníno pa man, tangi na lang sa

sariling loob?... Justicia ba ang di pagtupád ng pamahaláan sa kanyang

pangakò sa pinamumunúan? Di ba't nangakò ang pamahaláang iyán na

palalayàin ang ating Bayan? Anó ang ginagawâ niya ngayón? Ipinagbabáwal

ang ating Bandilà; pinanánatíli ang pagkakatangìtangì; hinahámak

ang pagkakapantáypantáy ng amerikáno at pilipino; ipinagbabáwal sa

kabatàan ang kumatig sa Pagsasarilí; tinatawánan, tinatáwag na ulól

ang Báyang ito tuwing magbubukás ng dibdib, tuwing ipagtatapát ang

kanyáng pinakadalisay na damdámin, ang wagás at katutubong pag-írog

sa isáng malayang búhay--pag-irog na dî magmamáliw ni matitinag sa

kanyang pusò, bumagsák man ang líbolíbong unós at buhawi!....

"At humahanggá ba rito ang mga matalinghágang panukalà na isinasagawâ

ng Pamunúang amerikáno sa Pilipinas?... At ang Bill Payne? Ang

Bill Payne na madalî ó maláon, kapag nagkataón, ay magiging isa

nang makapangyaríhang utos na kailángan yukûan at sundín ng Bayang

Pilipino? Ah, ang Bill Payne! Iyan ang pinakatúso at pinakadakilà sa

lahát ng mga binalak na kautusán ng Pamunúan! Tagláy ng Bill Payne ang

dalawáng binhî: Búhay at kamandág!... Búhay para sa báyang namumunò,

at kamandág sa báyang nasasakóp! Búhay sa mga trust, sa mga puhúnang

amerikáno na dito'y magsisidagsâ úpang sakmalín ang yáman ng ating

lupà, hititín ang kahulihulíhang paták sa ating dugô hanggang walâng

natitirá sa Báyan kundì ang kanyáng balát at mga buto!... Kapág ang

Báyan ay nagíng buto't balát na lang, kapag nabungkál na ang ating

lupà, kapag natibág na ang ating mga bundók, kapág walâ nang masasakmál

at mahihitít, ay saka, SAKA, SAKA tayo iíwan ng mga Trust na iyán,

sakâ tayo bibigyán ng Pagsasarilí, sakâ ipagsisigáwan ng mga angkan ni

Taft na ang Báyang Pilipino ay handa, handang handa na sa Kalayaan!!...

"Ngayón, sabíhin sa ákin kun díto sa Pilipinas ay may Justicia! Iturò

sa ákin kun saán naroon ang Justiciang iyán!"....

Humigít kumúlang ay ganitó ang mga salitang umuukilkíl sa

alaála ng walàng tígil ng kayayáo't dito at kátatanong ng "ang

Justicia?"--Pederál man siyá, ay kun bákit nahihikáyat siyang

paniwaláan ang mga salitáng iyón ng isáng independista.

Sa di kawasa'y lumápit sa higáan, inabót sa karátig na lamensa ang

isang bóteng kinadidikitan ng isang laráwan ng unggóy, at itinunggâ

ang nangangalingásaw na lamán.

Tumikím muna ng makálimá na sinabayan ng limá ring tapík sa dibdib

bágo náhigâ.

Aywan kung nátulog ó hindî.

Pagkaráan ng may kalaháting óras ay mulíng binuláhaw ang katahimikan

ng kanyáng silid.

--"Ha! ha! ha!"--ang kanyáng halakhák na pairíng mulâ sa

higàan.--"Ha! ha! ha! Nápatáy na kitá, Gerardo, nápatay na

kitá! Ha! ha! ha! Si nasírang Gerardo ka na ngayón! Madalî ang

umútang, mahírap ang magbáyad! ha! ha! ha! Sulong, takbó, humánap ka

ng Justicia, súlong! Di akó natatákot sa justiciang bulág!...

"Ha, Stag? Handiyan ka na palâ. Tinamáan ka ng.... Anó ká? At bákit

ka nagtatawá, ulól? Nasunód mo na ang ipinagagawâ ko sa iyó? Nápatay

mo na ba? Hindî? Sáyang ang salapî ko! Ulól ako't pinawalán pa

kitá... Ha? At nápatay mo ba? Siya ngâ ba? Saán mo inabútan ang

walanghiyá't dalahirang babáe?... Mabúti, mabúti kang batà!... Ang

kapupunán?... Huwág ka bang apurádo...!

"Juancho! Juancho! Gísing, gísing ka, tamád. Dilát ka na ba? Halíka

rini't ikaw ay makiníg... Susunód ka, ha?... Pag hindi, baság ang

iyóng ulo; hále, lumukólukó ka!... Ikaw ay mang-aágaw ha? aagáwin

mo ha?... Alám mo ba kun bakit?... kun bákit di ka maibig ni

Elena?... Dáhil kay Gerardo! Si Gerardo'y pinatáy ko, ikáw ang umágaw

sa kanyáng katipán?... Ha? at naágaw mo na ba?... Mabuti kang batà,

ganyán ang laláki!

"Ha! ha! ha! Busóg na busóg ako...! Usigin, ipangáw, mamatáy,

walâ na ngayóng kailangan sa ákin! Ha! ha! ha! Ganáp na ganáp ang

paghihiganti ko!..."

Bulalakaw ng Pag-asa · 第 27 / 47 题