Isang madiîng suntók sa mesa ang isinunod sa "bilangúan."

--"Magdahandahan, po tayo...!"

--"Anóng dáhandáhan!"

--"Napakabilís pò kayóng humátol, G. Presidente. Ang útos mo pò"...

"Ha?" ang pakli ng pinunò. "Ang aking útos? Ay anó ang aking

útos? Ang útos ko ay tumpák, nasasálig sa matwíd! At anó? Hindi

ba matwíd ang ipasaulì ang arì ng may arì? Kun ayaw kang sumunód,

kun ikaw ay magmamatigás, kun di mo isasaulì ang rebolber na iyán,

ngayon di'y papások ka sa..."

"Kahi't pô saán ako'y handáng pumások," ang matigás na sagót

ni Gerardo; "ibig ko po lang dinggín ninyó ako sandalî kung

mangyayari. Tingnán ninyo: ako'y inyong pinipílit na isaulì ko ang

rebolber na itó sa amerikanong iyán. Wika ko po sa inyo'y waláng

kailangang ako'y inyóng pilítin, walang kailángang ako'y inyó pang

baláan at lálong waláng kailangang kayo'y magpadiníg ng mga ganganyáng

pangungúsap at magpakíta ng mga ganganyáng kílos na mulâ ng likhâin

ang hukúman ay di nakikíta sa alin mang hukóm na may iwing dangál. Ang

lahát ng iyán ay hindî kailangan, ang sábi ko, sapagka't tantuín mo

pô, G. Presidente, na ang isá sa mga dáhil ng áking ikináparito, ang

isá sa mga dáhil kung kayâ ko napagtiisán ang hálos kalaháting áraw na

pagiintáy sa inyóng kamahálan, ay upang áking maibigáy kaagád sa ilálim

ng kapangyaríhan ng hukúman ang sandatang itó na tinikis kong kúnin

sa nagmamayarì. At ang dahil po kung kayâ ko tinikís ito ay sapagká't

sa pamamagítan ng sandátang iyán, ay muntí na niyang baságin ang ulo

nitong aking kasáma, at kung nagkataon ay munti na niyang alisan ako

ng búhay. Naito pô ang aking sugat na hangga ngayo'y dumudugo pa"....

--"Sugat!" ang hadláng ng hukóm na may kahálong ingos; "At anó ang

mapatutunáyan ng sugat na iyán? Kung kayâ ka sinugátan ng iyong

kalában ay sapagka't hinátaw mo siyá sa ulo!"

--"Kung kayá ko pô siya ginanón ay sapagka't lumábag siya sa átas ng

matwíd, yumúrak siya sa kadakilàan ng tahánan at tinaksíl doón ang

isa niyang kapwà dáhil na dáhil lang sa di pagpáyag nitó sa hidwâ

niyáng nais!"...

--"At ikáw ba ang tinaksíl, ikaw ba ang tinampalásan?" ang tanóng ng

nandidilat na Kápitan.

--"Hindî pô ako, nguni't....."

--"Ikáw ba'y kamag-anak noón?"

--"Hindî pô, datapwa't....."

--"Ah! gayón pala, ay ano't ikáw ay nanghimások sa kanilá? Sino ka

bagá rito sa báyan?"

Hinagísan ni Kápitang Memò ang kaibigan niyáng noo'y walang

kakibô-kibô, ng isang tingin na wari'y nagsasábing: "Ligtás ka

ná!" Paniwalàng paniwalà siyá na ang mga hulí niyang salitâ ay

yuyukûang pílit ng binatàng katálo. Anó pa ang ikakatwiran ng

binatíllong uhúging iyón?

Nabigô ang pag-ása ni Kapitang Memò. Ang nóong iniintay na iyukô,

ay lálong ipanagtáasan.

--"Itinanóng mo pò," ang marahang sapól ni Gerardo, "kung ako'y síno

sa báyang itó. Hindî ko na pô sána kailángang sagutin iyán sapagka't

lábis na ninyóng talós. Gayon man ay pagbibigyan loob ko rin kayo. Akó

pô, G. Presidente, ay isang hámak na mámamayán, isang may mababàng

urì, isang musmós. Datapwa po't sa gitnâ ng aking pagkamababà, sa

gitnâ ng aking kamusmusán, ay may isá akóng kayamánang nakikilála

at maipagmamalakí--ang mga gintóng karapatán, ang mga katutubòng

kapangyarihan ng báwa't táong malayà.

"Karapatán pô at kapangyaríhan ng isáng táo na ipagtanggól ang saríling

búhay; kapangyaríhan din niyá ang itagúyod ang búhay ng ibá, ng isang

inaapí at tinatampalásan.

"Naitó pô ang dáhil kung bákit akó, akó na isang hámak, ako na

isang mababà, akó na isang musmos, ay nanghimások na mamagitnâ

sa amerikánong iyán at dito sa áking kasama nang sila'y nagaáway;

at náriyan din pô ang dáhil kung bákit di akó nagalinlángang hatawin

noóng sandalíng iyón iyáng inyóng katabí, na, kagáya ng lahat ng mga

duwág, ay sinamantalá ang isang pagkakalingat ng kanyáng kalában upang

ito'y lubós na mapipílan at nang sa gayo'y sumakanyá ang pagwawagí."

Si Kápitang Memò ay tumungó, nagsalikód-kamay at lumakad ng paroo't

parito.

Nagpatuloy ang binatà:

"Hindî ko nga pô lang ináring karapatán at kapangyaríhan ang

manghimások at ipagtanggól ang áking kakilála sa mapangánib niyang

kalagáyang yaón, kundî ibinílang ko pang isáng katungkúlan rin sa áking

lagáy na pagkatáong-báyan. Iyáng inyóng mga pulís na nangaroón, iyán

pông mga káwal ninyó na siyáng lálong may tungkúling tumupád sa áking

tinungkól, ang mga iyán na sakdál ng tatápang sa pagdárag sa kapwà

niláng tagálog at pagdahás sa mga mahihinà, ng mákitang amerikanong

malaki palá at hindî tagálog na maliit ang nanampalásan,--ang mga

iyan ay páwang nangagsitanggíng sumugpô sa gayóng katampalasánan,

pawang nangagsiúrong na animo'y hinágad ng libolibong kulóg. At ang

iminatwíd ay sapagka't may sandáta raw ang sinapantáhang Anti Kristo,

nguni't silá ay walâ!"

Biglâng tumígil ang pinunò sa kanyang inalakad-lákad; hinaráp si

Gerardo at di magkantutúto sa pagsigaw ng:

--"Pu--pu--pués, may katwíran silá! May katwiran siláng magingat;

at, at, at, ¿kung sila nga nama'y barilin? Hindi ba't ikaw rin ang

may sabing karapatan ng isang tao ang itaguyod ang saríling búhay?"

--"Tunay nga pô, dapwa't ang taal na púsong laláki--ang púsong

tinatangkílik ng karangálan--ang púsong nananálig at umiirog

sa matwid--ang púsong napopoót sa mga hidwâng ásal, ay huling

nagaala-ala sa kaniyang sarili, nililimot ang halagá ng saríling buhay

at iniíbig pang ito'y maparoól maipagtanggól lámang ang katwíran ng

isang kapwàng nilulúpig!"

--"Ha?"--ang pútol ni Kápitang Memò,--"di yata't pipilítin mo siláng

magpakamatáy, mailigtás lang ang búhay ng iba?"

--"Ang lahat pô, G. Presidente, ay dapat pangahasán kapag kailángan."

--"Kaululán!" ang sigáw ng pinunò na muling tumungó, nagsalikod

kamay at nagyao't dito--"Ang mga ulol na nagsasawa sa búhay ang

tangi lang makasusunód sa mga áral na iyán! Ang mga pulís ko ay hindi

mga ulól! Kung kayâ sila nangagsiúrong na gaya ng sabi mo ay hindî

sapagka't sila'y mga duwag, kundi sapagka't sila'y nátutong gumamit

ng ulo, natutong gumamit ng sentido común. Alám nilá ang halagá ng

búhay; silá ay mga padres de familia; may mga anak, asáwa, magulang

na sa kaniláng-kanilá lang umaása; bakin kayâ at hihinting sila'y

magpatiwakál?"-- at dito'y hinaráp na naman ang binatà.--"Bakit

sasawiín ang búhay nilá sa walang katuturán? At ang kaniláng mga

magulang, mga asawa, mga anák? Mapapantayán mo ba ang luhà at dalitàng

sasapítin ng mga ulílang iyán?"

--"Kung sakálì man pò, G. Presidente,"--ang banayad na sagót ni

Gerardo--"sakáli man pò at sinápit silá ng pagkasawî, ang mga

kamag-ának niláng maiíwan ay hindi dapat manghináyang ni dí dapat

ipaghinagpís ang kaniláng kamatáyan, sapagka't kagáya ng mga tunay

na laláki, sila'y nagpakamatáy sa pagtupád ng katungkúlan! Nábaon

man ang mga katawán nilá sa ilalim ng lupà, ang kaniláng alaála ang

kaniláng mga ngálan, ang kaniláng kabayaníhan ay makikintál sa diwa't

pusò ng kaniláng lahî upang kailan ma'y manariwà doón. Ang mga anák

nila, ang kaniláng kaapú-apúhan, at lahát káming mga bagong síbol ay

láging aawítin ang kadakilaan ng kaniláng gawâ, pipintuhúin námin at

igagálang ang kaniláng alaála, at sisikapíng tuláran ang inihasík

niláng halimbawà. Ang Ináng Báyan, ang pinakaiírog na Ináng Báyan

ay yayakápin ang kaniláng mga bangkáy, hahandugán silá ng matatamís

niyáng halík, at pagkatápos na maisúlat ang sagísag na "Mártyr" sa

kaniláng mga nóo, ay ituturò silá sa boóng Sangsinúkob, kasabáy ang

sábing:--'Ang mga anák ko ay mga bayáni ng Matwíd!'--May kamatáyan

pô bang diya'y dadakilà pa?"

--"Pshé!"--ang íngos ng presidente;--"que bayani ni que buláti ... que

bayani ng matwíd!--Bayani ng kaululán!" At pagkatápos na makámut

ang úlo ay nagpatúloy:--"Nguni't... pero ikáw ba namán ay walà nang

kaísip-ísip, at di mo makúrong ang pinagsasabí mong iyán ay pulós

na kahibangán? Síno bagá ang iyóng mapaniniwalá na... Jesús Maria

y José!--ako lang ay pinagtatawá mo! Diyáta't ako'y magpapakamatáy

mailigtás ko lang ang isa kong alílà, ang isang íta, ang isang

insík? Diyata?

"Laking kabulastugán!... Ha, ha, ha!"...

--"Ang isá pong magliligtas"--ani Gerardo--"ay hindî sinisíno ang

sinasaklolóhang napapangánib hindi inuúsisà kung ang ililigtás niya ay

kamag-anak, kaúrì ó hindî, hindî siya tumitingín sa kúlay ng balát;

ang kinukurò niyá ay kung nararapat na iligtás ang napapangánib:

alalaóng bagá'y kung ito'y kinakandilì ng katwíran".

Mulíng napahalakhák si Kápitang Memò; ang pagkapoòt niya kay Gerardo

at pagkatigagál sa mga pinagsasabí nito ay nagtatálo sa kanyáng

loób.--Iilíng-iling na sumagót:

--"Mga halíng na pag-iisip! mga halíng!... Palibhása't ikaw'y bátà pa,

ay hindî mo kinukurò ang iyong pinagsasabí."

Napangitî si Gerardo; muntî na siyáng mapa-Ehem!

--"Pero... Ibig mo bagáng ipakíta ko sa iyó ang kaululán ng iyóng

teoria?"--ang dagdág ng Kápitan na ngayo'y nagbóses-parè.

--"Ipagkákapuri ko pô, kung inyóng mamarapátin."

--"Bueno!".....

Si Kápitang Memò ay nagsindí muna ng isáng tabáko, bago nagpatúloy:

--"Makiníg ka:

"Sa kaníno mang táong may gadáling noó ang sariling búhay ay siyáng

lálong pinakámahalagá, siyáng pinakamámahal niyá higit sa alín mang

bágay at sa kaníno man.

"Ito'y isang katotohánang di mo mapupuwíng sa áking haráp; ako'y

matandâ na,... at kilalá ko ang lákad ng mundó.

"At sa katunayan ng aking sinábi ay náriyán ang líbolibong táong

napa-aalípin úpang magkaróon lang ng maipagtatawíd buhay; nariyán ang

dáan-dáang babáe sa Maynilà na ipinag-bíbili sa bálana ang kaniláng

mga katawán at púri úpang magkaroón lang ng maikabubúhay! Nariyán

ang mga táong taga-labás na nanghahárang at pumapatáy ng kapwà úpang

magkaróon lang ng ikabubúhay! Ano pa't lahát ay ginagawâ upang mabúhay

lang! Samakatwíd, lahát ay búhay at búhay ang hánap!

"Ngayon"--at dito'y ipinaglakásan ang salitâ--"Ngayón, anó iyáng

katunggakang ipinipílit mo na katungkúlan ng isáng táo na sagipín ang

napapangánib kahi't na masawî ang kanyáng búhay? Diyáta't lahát na'y

ginagawâ úpang lumawig lang ang búhay at saká ngayo'y ipangangalandákan

mo na di kailangang mamatáy mailigtás lang ang iba?

"Anó ang iyóng mapapalâ sa pagliligtás na iyán?--Aakyât ka ba ng

lángit?

"Oh, áking tinatawánan ang mga isipáng iyán na walâng kaúlo-úlo!

"Isipin mo na lang ang nangyari sa iyo kanína. Magtandâ ka at

madalâ ka na sa napalâ mong iyan sa panghihimások sa di mo dápat

panghimasúkan. Mabúting mabúti na lang at sa bisig ka tinamâan ng

bála... at kung sa tiyán?.... maráhil kung nagkataón, ha! ha! ha! ay

inaagunyás ka na ngayón!"

Napangitî si Gerardo ng isang malungkot na ngitì. Pagkaráan ng ilang

sandalî ay banáyad na sumagót:

"Kung akó man pô ay nagkaduróg-duróg, ang gayón ay waláng kailángan sa

ákin! Hihimláy ako sa libíngan ng walâng pagsisísi, kakaulayáwin ko

roón ang tangi kong Ligáya--ang ligáyang pílit na sasaákin sapagka't

ako'y namatáy sa pagtupád ng aking katungkúlan, sapagka't ako'y

namatáy sa pagpupunyagîng igálang ang watáwat ng wagás at katutúbong

Matwíd! Sa gayón ay di na akó masisísi ng áking Bayan!"...

--"Puff! Mga pangárap!" ang sabád ni Kápitang Memò, at muling

kinamot ang kanyáng tuktók--"mga malíng pangarap! Oh! hanggáng saán

nakikilálang ikáw ay bátà pa nga lang! Hanggáng saán mo ipinakikíta

na walâ kang kamuwâng muwâng sa pamumúhay!... Anó iyáng ligáyang

sinasábi mo? Búnga ng kahibangán! Ibig mo bang iturò ko sa iyó ang

túnay na ligáya--ang ligáyang dápat mong sikápin?"

Itinaás ng nangangáral ang kaliwâ niyang kamay, pinag-abót ang mga

dúlo ng hintuturô at ng hinlalakí, at saka nagpatúloy:

"Ang salapî!! Ang salapî! Kapag ang tao ay mayroong salapi, sa kanya

ay walang hindi maaarì!

"Sa pamamagítan niyán, at niyán lang, makakaránas ka ng tunay

na ligáya; iyán lang ang makapagbibigáy sa iyó ng kariwasáan sa

pamumúhay... Kaya ngâ, wika ko sa iyo, ay huwág mong sayángin

ang iyóng búhay sa mga hibáng na pangárap. Samantalahín mo ang

panahóng itinadhanà ng Diyós para sa iyó dito sa mundó. Hábang

ikáw ay nabubúhay, pues mágpasasà ka sa tamís ng búhay. Iyáng

biyayáng sinasábi mo na dadatíng sa iyo pag ikaw ay nalilibíng na,

ay hindi mo maaasáhan... Mabúti na lang kung ikáw ay papasukín sa

pintô ng lángit, at kung hindi?, at kung doon sa isang pintô ka

mapasuot?... Ha! ha! ha!"

--"Hindi pô ako dapat magtakhá, G. Presidente"--ang saló ng

binata--"hindi pô ako dapat magtakhá sa mga sinasabi ninyo. Ang mga

ganyáng paghahakáng bulok ay palásak na palásak pa ngâ dito sa atin.

"Pára sa mga gaya ninyó, ang búhay ng táo ay dápat gúgulin sa loób

ng isáng palasyong gintô, sa láot ng kariwasáan at lubós na ginháwa.

"Pára sa inyó, ang láyong dápat sikápin ng lahát ay ang makapagtayô

ng mga kamálig ng salapî.

"Ang salapî, sa mga gáya ninyó, ay katumbás ng láhat; salapî ang una,

at salapî ang katapustapúsan; kung walâng salapî ay walâng ligáya.

"Pára sa inyó, ang táo ay dapat tumalíkod sa láhat, dápat isatábi

ang mga katungkúlan, isalímot ang pag-íbig sa báyan, láhì, matwíd, at

karangálan, kung ito ay kakailangánin upang lumági sa pagkamasalapî".

--"Talaga!"--ang sabád ni Kápitang Memò.

--"Ako pô"--ang patuloy ni Gerardo--"ay may ibang paghahakà ukol

sa halagá ng buhay--paghahakang di ko ikamamanghâ kung sakali ma't

inyong tawanan. Sa akin pô, ang buhay na araw at gabi ay ibinababad

sa pulot ng kaginhawahan--ang buhay na walang pinipintuhò kundi ang

Diyos Salapî--ang buhay na walang hanap kundî ang kagalingan ng sarili,

ay isang buhay na mababà, walang halagá, karumaldumal!"....

Tumalikod ang presidente sa binatà at animo'y di nadidinig ang sinasabi

nito. Si Gerardo ay nagpatuloy:

"Ang buhay pô kung ibig magkahalagá, ay kailangang ilaan at gugulin

sa isang adhikang mataas, sa isang láyong marangal... Ang yaman na

kinahahalingán ng boóng Sangdaigdig hálos ay hindî makapagpapadakilà

sa búhay ng táo: maaari siyáng magpaginháwa, magdulot ng kasaganâan

sa lahat ng bágay; dápwa't hindî kasaganâan, hindì kaginhawahan ang

naghahatíd sa táo sa pagkadakilà.

"Ang karunúngan man, líban na lang kung siya'y ginugúgol sa

ikagagalíng ng báyan, lahì, Sangsinúkob, ay dì ko rin masasábing

sapát na makapagpadakilà sa búhay.....

"Ang táo pô, G. Presidente, ay kailángang gumawâ pára sa lahát;

kailangang magbatá ng susón-susóng pagtitiis, dúsa, pighatî, para sa

lahát; kailangang sumagupà sa libo-líbo mang kamatáyan pára sa lahat;

kailángang siyá'y maging isáng taga-hasík ng kalayàan, taga-tagúyod

sa dangál ng tinubúang lupà, taga-kandilì sa púri ng matwíd na malímit

lupígin.......

"Kapág ang isáng táo ay nakasunód sa mga ganyáng katungkúlan, mayáman

man ó mahírap, marúnong man ó hindî, siyá ay may karapatán nang

ipagmalakí ang saríling búhay, at humimláy sa píling ng mga lálong

dakilàng kalulwá sa boong Sangsinúkob!"

Hindi na nakasagót si Kápitang Memò noong sandaling iyón ay siyáng

pagpasok ng tunay na hukóm ng bayán.

Ito ang sa wakás ay sumurì sa naaantalang usapín at pagkatapos na

mádinig ang mga pangangatwíran ng báwa't isa ay inilagdâ ang kanyáng

maayos na hátol.

Si Stag ay nagkamít ng mabigát na parúsa: multá at bilanggô.

Dapwa't, anó pang parusa!

Maánong napanindig ang balahibo ni Stag!

Papaanó'y mayroón siyang isang kristo-krístuhang inaasahan!

Si Kápitang Memò ang nanagót sa multá.

At sa bilanggô?

Aywan pa natin......

Bulalakaw ng Pag-asa · 第 19 / 47 题