HALAGÁ NG BÚHAY

Pagkatápos na masípang makaitló ang inupáng silla, ang presidente ay

hinaráp si Gerardo at nanginginíg na tumanóng:

--"Ikaw! anó ang daládalá mong iyán?"

Lumápit ang binatà sa mesa ng hukóm, inilapág doón ang rebolber ni

Stag, at saka sumagót:

--"Iyan po, G. Presidente, ay...."

--"Sssttt!!" ... ang putol ni Kápitang Memò; "Ang rebólber na

iyán ay akíng kilalá, kilalá ko! Alam ko na ang may arì diyan ay

hindi ikáw. Bakit at ngayo'y nasasa iyó? Bakit ayaw mong ibigay sa

may arì? Ha? Bakit ka nakikialám sa arì ng may arì? Ha? Bakit at

kabatang-batà mo pa ay lubhâ kang mapanghimások? Vamos á ver!..."

--"Ginóo!" ... ang hadlang ni Gerardo.

Ang Kápitan ay dî napigil:

--"O ngayón di'y isasaulì mo iyán sa tunay na may arì, ó papások ka

sa bilangúan! Mamilì ka!..."

Bulalakaw ng Pag-asa · 第 18 / 47 题