II

¡SAKÂ KAYÓ MAGSISÍSI!...

Si Julio sa mga sandaling iyón, ay latâng latâ na sa kanyang

pakikilámas; kaya't ang pagdalo ni Gerardo ay napapanahón. Pagpások

ng binatà sa loob ng tindáhan ay sinigawan siya ng kalában ni Julio

na huwag manghimások sa kanilá. Hawak nitó ang rebolber; dapuwa't sa

gayóng anyô ng kaáway, ang batóng loób ni Gerardo ay lalong tumigás

mandín, lalong nabuhay ang kanyang dugô. Waláng ágam-ágam na lumápit

sa nananampalásan, at úbos lakas na inihátaw sa ulo nitó ang daláng

káhoy; nguni't ang hinataw ay nakapagpaputók din, at saka dahan-dahang

nahílo, nalugmók, nawalán ng diwâ.

--"Mang Julio, nakagantí na kayó!!"--ang noó'y biglang pumúlas sa

mga labi ng mapúsok na binatà.

Tumagís ang bála sa kaliwang bisig ni Gerardo.

Tumutulò ang kaniyang dugô; samantalang sa tapat ng tindáhan ay

nagkakatípon ang mga táong páwang pagpuputlaan, nagluluwángan ang

mga matá, at naghahabaán ng liig.

Isang lalaking mataás ang di nagluwat at pumások; siya ang sargento

ng mga pulís. Kasunod niya ang dalawáng bayani ng sindák. Nilapitan

ang binatà at tumanong:

--"Bakit inágaw ninyó ang mga batúta ng mga pulis na iyan?"

Hinagísan muna ni Gerardo ng isang nagbabágang tingin ang tatlóng

kawal na iyón ng pamunúan bágo tumugón:--

--"Sapagka po't áking kinailángan sa pagsugpô sa kapaslangan ng

isang táong ganíd! Ngayón na di ko na kinakailángan, sila'y akin

nang isinasaulì."--At inaabót ng binata ang mga batuta sa sargento,

na muling tumanong:

--"At bakit naman sila'y di man laang ninyo pinagpitaganan?"

--"Sapagka't iyang inyong mga pulís ay mga duwag!"--ang napabiglang

tugon ng binata.--"Sapagka't sila'y aayaw magsitupad sa kaniláng

katungkúlan; nakíta, ng kaniláng mga matá ang gayóng pagyúrak at

paglaít sa kaniláng mga kabalát, ang gayong pagluhà ng Matwid;

at gayon man, sa haráp ng karáwaldáwal na nangyari, ang mga

pulís na iya'y di nag-kaloób na kumílos, humalukipkíp na lámang,

nagpatáy-patáyan!... Ganyan po ba ang mag-iingat ng kapayapaan? Sa

mga táong gaya nila'y anó ang mahihintáy ng Báyan? Walá! kundi isang

di makakátkát na kahihiyán at pagpulà sa kanyá ng ibáng láhì!..."

Dito'y hinaráp ang nagsisiksíkan at nagngangang mga tao sa labás

ng tindahan; ibináling muna ang paningín sa lahát ng dáko at sakâ

nagpatúloy:

--"Sa mga sandalíng itó, mga kababáyan, huwag lilimútin na ang Matá

ng boong Sangdaigdigán ay napapakò dito sa Pilipinas. Báwa't kilos,

báwa't gawâ, pagkakámalí ó pagkakásulong, ay minamasdan nilá. Kinukúro,

tinitimbàng lahát na iyân, upang pagkatápos ay pasiyáhan kun táyong

mga pilipino ay may matwíd ó walâ sa paghingî ng Kalayáan! Kaya nga

nararápat na sa mga araw na itó ay magpakaíngat tayo sa áting mga

kílos. Huwag tutulútang makasinag dito ang mga tagá ibáng lupâ, ng

anó máng gawáng maipupulà sa atin. Iyáng kahináan ng loob, tákot sa

mga gawang lában sa katwíran, ay di nararápat kailán man na ipamálas

ng isáng báyang gaya nito, na naghahangád lumayà. Upang ang báyang

iya'y kaalang-alanganan ng ibá, ay kailangang ipakíta sa lahát nang

panahón, na ang kanyang mga anak ay di natutulog sa hangad ng ibáng

dungisan at idiwarà ang kanyang puri't karangálan--Iyang mahálay na

pag-aalaála sa saríli na nababagay láang sa mga loob na marurupók ay

kinakailangang iwaksi sa mga ganitong pagkakataón; sapagka't ang malíng

pag-aalaálang iyán ay siyang nagdudulot ng karupukán sa pusò, siyang

nagpapatúlog sa dugô, gumuguló sa isip, at nagpapaúrong sa kaluluwá

úpang lumayô at tumalikod sa pangánib na dapat sagupàin at sugpuin!"...

Napútol ang salitâ ni Gerardo, dahil sa bigláng pagkílos ng

nalulugmók. Násaulì na ang pagkatáo, idinílat ang mga matá at titindig

sana, nguni't ¿sino yaong nasa kanyáng haráp at pígil sa kamay ang

isang rebólber na nakaúmang sa kanya?... Nápaupông muli. Sino itó? Si

Kamatáyan na ba? Kakalawitin na kayâ siya? Inapúhap sa likód ang

kanyang sandata: dapwa't walâ!... Lálong namutlâ ang mukhâ, lalong

nanginíg ang katawán.

Nangusap ang kinatatakútan sa wikà ni Shakespeare:

--"Kung ang búhay mo'y iyóng pinahahalagahán ay huwag kang

kikilos!... Nauunawáan mo ba?"

Isa na lamang tangô ng pagáyon ang naitugón ng nangangatál, sapagka't

di maibuká ang bibig, di mabigkás ang íbig sabíhin.

Nagpatúloy si Gerardo.

--"Ibig kong mabatíd kung ikáw ay taga-saán."

--"A-a-amerikano", ang maráhang sagót ng nanglálamig.

--"Ah!, amerikano!... amerikano!"--ang úlit ng binatà, na may kahálong

mapaít na ngitî.--"At anó ang sumuót sa amerikáno mong tuktók at ikáw

ay nanánampalásan díto?"

--"..........."

--"Ang akála mo ba'y sapagka't natúran kang amerikáno at ang kaharáp

mo'y mga kayumanggí ay maaárì mo nang yurákan ang kaniláng karapatán

at isalúsak ang kaniláng karangálan?...

"Di mo na inalaálang silá ay iyóng kapwà? na silá ay iyóng kapantáy?

"Oh, kayóng mga dayuhang halímaw!

"Sino kayóng paparíparíto sa isang báyang di inyó at pag-náhandito

na'y walang kakalasagin kundí ang pangdadahás at paghaharìharìan?

"Iyán bagá ang inyong igagantí sa báyang itó na kahima't hiráp na'y

tiís pa rin nang tiís, masunód lang kayó? kahi't hapô na'y híla pa

rin nang híla, kayó lámang ay mapagbigyáng loob?

"Ah, mga walang túring!.... Mga pusòng masasakím at mapagmatáas!

"Di na ninyó inísip na doon sa Langit ay may isáng Diyós!--Isáng Diyos

na nagmamasíd sa inyóng mga kilos, isáng Diyos na walang kinikilíngan,

ang Diyos na huhukóm sa inyóng mga gawâ!!...

"May araw ring kayó'y sasayáran ng Kanyáng kamay, may araw

rìng lalagpák sa inyóng mga úlo ang mabisàng sumpâ at higantíng

kakilákilábot ng isáng Báyang dinadayá!

"Ah! mga kahabághabág!... Sakâ kayó magsisísi!!..."

Hindî nasáyang ang mga salitâ ni Gerardo: sa labás ng tindáhan ay

boong báyan na halos ang sa kanya'y nakikiníg.

Pagkaráan ng iláng sandalî ay pinatindíg ang amerikano. "Lumabás ka

rito"--aniya,--"at humaráp ka ngayon din sa hukóm."

Ang inutusan ay nakayukông tumindíg, nakayukông lumabás at nakayukông

sumapít sa pintô ng hukuman. Sinusundan siya nina Julio, Gerardo at

ng maraming táong bayan.

Di naláon at dumatíng ang mga nagsasakdál sa tanggápan ng hukóm;

nguni't sa masamáng pagkakátaon, itó noo'y walâ sa loob ng bayan. May

nagsasabing siya'y napa sa Maynilà, at di máalaman kun kaylán babalík.

Inaharáp ang sakdál sa pangalawáng hukóm, dapwa't ito'y tumanggíng

lumítis sa usapín, sapagka't siyá'y kamag-anak ng nagsasakdál na

si Julio.

Ayon sa kautusán, ang presidente municipal ng isang bayan ay siyang

mákakahalíli ng mga hukóm kapág ang mga ito'y walang kaya ó karapatáng

lumitis sa isang usapíng "criminál". Sapagka nga't ito ang ipinaguútos,

ang mga magsasakdal noon di'y nagsitungo sa báhay-pamunúan upang

dumulóg sa haráp ng presidente.

Bulalakaw ng Pag-asa · 第 10 / 47 题