--"Ako'y makapangyaríhan dito.
"Ang báyang itó ay akin.
"Ang mga báhay na iyan ay akin.
"Ang mga búkid at bundók na iyón ay akin din.
"Ang mga táong iyán ay nanúnulúyan laang dito. Walâ siláng báyan. Ang
báyan nila'y binilí ng aking báyan.... Silá ang mga talúnang gúgu, ang
mga di dápat lumayà at magsarilí, sapagka't walang káya, sapagka't mga
mangmáng, mga incivilizado, mga tamád, at sapagka't kapag pinalayá,
silá at hindî kami ang mabubusóg sa mga búkid at bundók na iyan na
bawa't kimpál ng kanilang lupa ay isang kimpal na gintô!"
Humigit kumúlang ay ganitó ang wari baga'y ibig ipahiwatig ng lákad,
dagunot ng paa, imbáy, galáw ng mga nagluluwángang matá, at anyô ng
mukhâ ng isang anaki'y leon na nagkatawáng tao; isa manding Nicholás
II; isang tila baga matáas na matáas na di marunong yumukô, ó di
nakakakilála sa alin mang punô.
Ang máginoong ito ay isa riyan sa mga diyosdiusang mister na laging
puputákputák sa Pilipinas. Kararating laang niyá noóng umágang iyon
sa báyan ng Libís.
Sa walang tígil na kalalákad, siya'y sumapit sa tapát ng isáng tindahán
ng álak. Lumapit. At pagkatapos na matingnán ng isang tinging-uháw ang
mga boteng naggigilásan sa loob, ay sinutsután pagdaka ang may-áring
si Julio at ípinahiwatig dito ang kanyang ibig.
Ibig niya ay makitang umíkot ang mundó, dapwa't sa kasamáng palad
ay walang dalang maibabáyad sa magpapaíkot; kaya't isanamó niyang
siya'y pautangin.
Si Julio ay di pumayag; sapagka't totoóng malabis ang pag-aalinlángan
niya sa táong ito, na hanggá ng hanggá ay noón lamang natamaan ng
kanyang matá. Sa mukhâ, pananamit, mga anyô, pananalitâ ng bagong
datíng, ay wala siyang sukat mabanaágang tandâ ng pagkamalínis
na budhî.
Dahil sa walang màliw na pagtanggí ni Julio, ay biglang umínit ang
tuktók ng maginoong mister.
Ipinalálagáy daw siyang masamâng tao na di marúnong magbáyad ng
utang--sa makatwid, tulad na ng magnanákaw! Sa nóong kunót ng kausap,
ay isang malamig na ngitî ang itinugón ni Julio.
--"Hindi pô iyan ang dahil";--anya--"talagá pong naugalían na ng
aming tindahan ang huwag magpaútang sa mga di naniniráhan dito,
kaya't inyong ipagpatawad."
At hinagísang muli ng isang ngitî ang nabigô. Nguni't hindi naampát
ang dingas. Lalong sumikláb ang sigâ. Kumanyón na nang sunód-sunód at
walang lagót, ang Diyos Bungángá. Katákot-tákot na bála ng pag-alimurà
ang lumagpák sa mga taynga ni Julio! Ito'y nakapagpígil sandalî,
dapwa't sandalî lamang, at di na nakapagbatá ang kanyang dangal. Ang
palángitî niyang mukhâ, ay bigláng nagdilím. Yaóng tumitibók sa
kabilâ ng kanyang dibdíb, ay bigláng napukaw. Natikom ang mga daliri,
nanginig ang mga bísig.
--"Ginoo!"--ang inihadláng ni Julio sa nagpúpuputók--"wika ko
sa inyo'y di ko kayó pauutángin at ang pasyá kong itó ay waláng
pagkatinag! Walang tao sa ibabaw ng lupà na may kapangyaríhan pumílit
upang bagúhin ko ang aking salitâ. Ako ba'y inyóng nauunawàan?..."
Pagkasábi nitó, si Julio ay tumalikod nang kauntî. Sinamantalá ang
pagkakataóng iyon ng kanyang kaalít. Maliksíng hinúgot ang daláng
rebólber, lumundág sa loób ng tindáhan at pinukól ng tatangnán ang úlo
ni Julio. Ito'y nanghinà nang kauntî, gayón ma'y hinaráp niyá nang
pangatawánan ang mapangahás. Di naglaon at gumúlong kapwà sa sahíg;
animo'y nililindól ang tindáhan; ang mabuway na kinahahanayán ng mga
bóte ng alak, ay nátagilid; gumuhô ang lahat ng lamán. Katákot-tákot
na íngay! Dumalóng nagtutumilî ang dalagang anák ni Julio. Isang
sípang ikinasubásob ng binibíning nananángis, ang dito'y isinalúbong
ng halimaw. Kahabág-habág na mag-amá!
Sa karátig na tindahan ay may ibáng nangyayari:
Dalawáng pulís ng bayan at si Gerardo ang nahandoon. Si Gerardo
ay isang binatang maglálabing-siyám ang gúlang: Matibay na pusò,
maliwanag na isip, katawáng malakás, at mapangahás na loob sa alin
mang gawàing mapanganib.
Mula pa sa mga unang sandaling mabanaágan ni Gerardo ang masakláp na
bunga ng mga sagútan ni Julio at ng kaniyang kalában, ay sinimulán
na niya ang pagpapaála-ála ng kanilang katungkúlang sa mga pulís na
nataunán niya roon; alalaong baga'y mamagitnâ silá sa dalawa.
Umakmáng lalapit ang mga pulís, di ang hindi. Datapwa't sa masamáng
pagkakataón, ay násabay ang paglápit na ito sa pagbunot ng rebólber
ng kaaway ni Julio. Isip yata'y sila na ang susugúrin, kaya't biglâng
nangamutlâ at dáli-dáling nangagsiúrong.
--"Ano't tíla kayo'y nátukâ ng áhas?"--ang pagdáka'y itinanóng ng
binata sa bayáning mga pulís.
--"Abá!"--ang kaniláng tugón--"kami ba'y mga ulól at ipapáin ang
áming búhay sa kamatáyan? Di mo ba nakikita't marrikáno iyang may
'ribulber'? Kami'y waláng kaarmás-armás, kung kami'y labánan, anó
ang aming magagawâ?"
Nagngitngít si Gerardo sa mga salitâng ito.
--"Mga duwag!"--ang malakás niyang sigaw na sinabayan ng isang
matinding túlak sa mga pulis na kamunti nang ikinábaligtád nilá;
at di lamang ito ang nagawâ: nilabnót pa sa mga bayaning iyon ang
dala-daláng mga batúta.
Singtulin ng kidlat na dumaló ang binatà sa sigalót.