KASAWIAN

Si _Matanglawin_ ay siyáng kilabot sa Lusón. Ang kaniyáng pangkát ay

sísipot kung minsan sa isáng lalawigang hindî inaakalàng kaniyáng

lulusubin at kung minsan ay biglâng susulpót sa isáng lalawigang

humáhandâng maglabán sa kaniyá. Susunugin ang isáng kabyawan sa

Batang̃an, sisiràin ang mg̃a pananím; kinabukasan ay pápatayín

ang hukóm pamayapà sa Tianì, sa isá pa’y lolooban ang isáng bayan

sa Kabite at kukunin ang lahát ng̃ armás sa tribunal. Ang mg̃a

lalawigang panggitnâ, mulâ sa Tayabas hanggáng Pangasinan, ay inaabot

ng̃ kaniyáng mg̃a kabang̃isan at ang kaniyáng madugông pang̃alan

ay umaabot hanggáng Albáy, sa timog, at sa hilagà’y hanggáng

Kagayán. Sapagkâ’t inalisán ng̃ sandata ang mg̃a bayánbayán dahil sa

pagkukulang ng̃ tiwalà ng̃ isáng mahinàng pamahalàan ay nahuhulog

sa kaniyáng mg̃a kamáy na warìng walâng kabuluháng bihag; paglapit

niyá, ay iniiwan ng̃ mg̃a manananim ang kaniláng mg̃a bukid, ang

mg̃a hayop ay napúpuksâ at isáng bakás na dugô at apóy ang nagiging

tandâ ng̃ kaniyáng pagdaraan. Hinahalay ni Matanglawin ang lahát

ng̃ mg̃a mahihigpít na kautusáng laban sa mg̃a tulisán: walâng

napapahirapan sa mg̃a kautusáng yaón kundî ang mg̃a naninirahan sa

mg̃a nayon, na kaniyáng binibihag ó sinasalantâ kung naglalabán, ó

kung nakikipagkásundô sa kaniya ay ipinalalamóg ó ipinatatapon ng̃

pamahalàan, kung sakalìng dumáratíng sa pagtatapunan at hindî abutin

ng̃ malubhâng sakunâ sa paglalakbáy. Dahil sa gayóng kalagayan ay

marami sa mg̃a taga bukid ang sumasailalim sa kaniyang kapangyarihan.

Sanhî sa kakilakilabot na kaparaanang itó, ang naghihing̃alô nang

pang̃ang̃alakal ng̃ mg̃a bayan ay nagpatuloy na namatáy ng̃ lubusan.

Ang mayaman ay hindî makapang̃ahás na makapaglakbáy, at ang mahihirap

ay natatakot na máhuli ng̃ guardia sibil, na, dahil sa nauutusang

umusig sa mg̃a tulisán ay madalás na hinuhuli ang unang másumpung̃an

at pinahíhirapan ng̃ katakot-takot. Sa kaniyáng dî karapatán, ang

pamahalàan ay nagpapakita ng̃ kalakasan sa mg̃a taong kaniyáng

pinaghihinalàan, upang, sa kápapahirap, ay huwag máhalatâ ng̃ mg̃a

bayan ang kaniyáng kahinàan, ang takot na nagtatakdâ ng̃ mg̃a gayóng

kautusán.

Isáng hanay ng̃ mg̃a kaawàawàng itó na pinaghihinalàan, mg̃a anim

ó pitó, na nang̃akabalitì ng̃ abot siko at nang̃átatalìng warì’y

pilíng nang tao, ay nang̃aglálakád isáng tanghalìng tapát sa isáng

daang namamaybáy sa isáng bundók, na dalá ng̃ sampû ó labíng dalawáng

guardia na nang̃akabaríl. Lubhâng matindí ang init. Ang mg̃a bayoneta

ay nagkikintaban sa araw, ang kanyón ng̃ mg̃a baríl ay nag-iinit, at

ang mg̃a dahon ng̃ sambóng na nálalagáy sa mg̃a kapasete ay halos

hindî makapagpahina sa tindí ng̃ nakasusunog na araw sa buwan ng̃

Mayo.

Dahil sa hindî máikilos ang mg̃a bisig at nang̃agkakadikitan, upang

huwag gumamit ng̃ maraming lubid, ay lumalakad ang mg̃a huli na

halos lahát ay walâng takíp sa ulo at mg̃a walâng sapín ang paa:

mabuti na ang may isáng panyông nakatalì sa ulo. Hing̃ál na hing̃ál,

hiráp, punông punô ng̃ alikabók na nagigíng putik dahil sa pawis,

ay náraramdamáng natutunaw ang kaniláng utak, may lumilipanàng ilaw

sa kaitaasan, mg̃a badhâng pulá sa himpapawíd. Ang kapatâán at ang

panghíhinà ay nálalarawan sa kaniláng pagmumukhâ, ang paghihinagpís,

ang pagkagalit, isáng bagay na hindî mawarì, ting̃íng mamámatáy na

sumusumpâ, taong naiiníp sa buhay, sa sarili, na nagtutung̃ayáw sa

Dios.... Ang mg̃a lalòng nakapagtátagál ay itinútung̃ó ang ulo,

ikinúkuskós ang mukhâ sa marumíng likurán ng̃ sinúsundán upang

mapahid ang pawis na tumátakíp sa kaniláng mg̃a matá; ang marami’y

pípiláy-piláy. Kapag may nakaabala sa lakad dahil sa pagkadapâ ay

mádiding̃íg ang isáng tung̃ayaw at lalapit ang isáng sundalo na

iniwawasíwas ang isáng sang̃á, na kinuha sa isáng punò, at pinipilit

na pinatitindíg sa palò dito’t palo doon. Sa gayó’y tumátakbó ang

hanay, na, kaladkád ang nádapâ na nágugumon sa alabók at umuung̃al na

hiníhing̃îng siya’y patayín: sa isáng pagkakátaón ay nápapatindíg,

nápapatayô, at sakâ ipinatutuloy ang kaniyáng paglakad na umiiyak

na warì’y batà at isinúsumpâ ang oras na siya’y nagíng tao.

Ang pilíng na tao ay maminsan minsang humihintô samantalang

nang̃agsisiinóm ang mg̃a may dalá sa kanilá, at pagkatapos ay

ipatutuloy ang lakad na ang bibíg ay tuyô, ang pag-iisip ay madilím

at ang pusò’y punô ng̃ paglait. Ang uhaw ay siyáng pinakamuntîng

bagay na inaalintana ng̃ mg̃a kaawàawàng taong iyon.

--¡Lakad, mg̃a anák ng̃ p....!--ang sigáw ng̃ sundalo, na nakapagpanibagong

lakás, na ibinigkás ang karaniwang lait ng̃ mg̃a pilipinong pinakadukhâ.

At sumasagitsít ang sang̃á at tumatamà sa likurán ng̃ kahì’t sino, ng̃

lalòng nálalapít, kung minsan ay tumatamà sa isáng mukhâ, nag-iiwan

muna ng̃ isáng bakás, pagkatapos ay mapulá, at mayâmayâ’y marumi

dahil sa alikabók ng̃ lansang̃an.

--¡Lakad mg̃a duwág!--ang sigáw sa wikàng kastilà na pinalálakíng

mabuti ang boses.

--¡Mang̃a duwág!--ang ulit ng̃ aling̃awng̃áw ng̃ bundók.

At tinutulinan ang lakad ng̃ mg̃a duwág, sa silong ng̃ lang̃it na

warì’y nagbabagang bakal, sa isáng daáng nakapapasò na iniáabóy

ng̃ mabukóng sang̃á na nalúluráy sa malatay na balát. Ang lamíg sa

Siberia ay mabuti pa kay sa araw sa buwan ng̃ Mayo sa Pilipinas!

Gayón man, sa mg̃a sundalo ay may isáng namúmuhî sa gayóng mg̃a

kabang̃isáng walâng kapararakan: lumalakad ng̃ walâng imík at kunót

ang kilay na warìng masamâ ang loob. Sa káhulíhulihan, nang mákita

na ang guardia ay hindî na nasísiyahán sa sang̃á kundî pinagsisipâ

pa ang mg̃a huli na nápaparapâ, ay hindî na nakapagpigil at bugnót

na sumigáw nang:

--Hoy, Mautang, bayàan mo na siláng lumakad na mapayapà!

Si Mautang ay luming̃óng nápamanghâ.

--At anó ang mayroón sa iyo, Carolino?--ang tanóng.

--Sa ganáng akin ay walâ, ng̃unì’t naaawà akó!--ang sagót ni

Carolino;--mg̃a tao rin iyáng kagaya natin!

--Napagkíkilalang baguhan ka pa!--ang paklí ni Mautang na tumawang

may habág,--¿kung gayó’y anó ang inaasal ninyó sa mg̃a máhuli sa

labanán?

--Mabuting dî sápalâ kay sa ganiyán!--ang sagót ni Carolino.

Nápahintông sandalî si Mautang, at pagkatapos, warìng nakátagpô ng̃

isásagót ay panatag na tumugón, na:

--A, ang mg̃a huli doon ay mg̃a kaaway at lumalaban, samantalang

ang mg̃a itó ay.... itó’y mg̃a kababayan natin!

At lumapit na ibinulóng kay Carolino:

--¡Nápakahang̃ál ka! Ginágawâ sa kanilá ang ganiyán upang magtangkâng

lumaban ó tumanan, at sa gayón ay.... pung!

Ang Carolino ay hindî sumagót.

Ang isá sa mg̃a huli ay namanhík na pahintulutan siyáng tumigil

sapagkâ’t mayroón lamang gágawíng kailang̃an.

--¡Ang poók na itó’y mapang̃anib!--ang sagót ng̃ kabo, na dî mápalagáy

na tinítingnán ang bundók:--sulong!

--Sulong!--ang ulit ni Mautang.

At humaging ang pamalò. Ang hulí ay namilipit at tiningnán siyá ng̃

ting̃íng may sumbát.

--Mabang̃ís ka pa kay sa tunay na kastilà--ang sabi ng̃ balitî.

Tinugón siyá ni Mautang ng̃ iláng palò. Halos sabáy doo’y humaging

ang isáng punlô na sinundán ng̃ isáng putók: nabitiwan ni Mautang

ang baril, bumitíw ng̃ isáng tung̃ayaw at matapos madalá sa dibdib

ang dalawáng kamáy ay umikit at bumagsák. Nákita siyá ng̃ hulí na

kumikisáy sa alikabók at linálabasán ng̃ dugô sa bibíg.

--Tigil!--ang sigáw ng̃ kabo na biglâng namutlâ.

Ang mg̃a sundalo’y humintô at tuming̃ín sa kaniláng paligid. Isáng

muntîng bugá ng̃ asó ang lumalabás sa isáng kasukalan sa dakong

itaás. Humaging ang isá pang punlô, náding̃íg ang isá pang putók at

ang kabo’y namaluktót na nagtutung̃ayáw at may sugat sa hità. Ang

pulutóng ay binabaka ng̃ mg̃a taong nang̃agkakanlóng sa mg̃a batóng

nasa kaitaasan.

Ang kabo, lipós kagalitan, ay tumurò sa dako ng̃ kumpol ng̃ mg̃a

balitî, at sumigáw nang:

--_Fuego!_

Ang mg̃a huli ay nang̃ápaluhód, na punô ng̃ sindák. Sa dahiláng

hindî máitaás ang mg̃a kamáy, ay nang̃agmamakaawàng humáhalík sa

lupà at iniuuna ang ulo: may tumutukoy sa kaniláng mg̃a anák, may

sa kaniyáng iná na walâ nang mag-aampón; ang isá’y nang̃ang̃akò

ng̃ salapî, binábanggít ng̃ isá ang ng̃alan ng̃ Dios, ng̃unì’t ang

bung̃ang̃à ng̃ mg̃a baril ay nakababâ na at isáng kakilákilabot na

putók ang nagpapipi sa kanilá.

Sinimulán na ang pakikipagputukan sa mg̃a nasa sa itaás na untîuntîng

linaganapan ng̃ asó. Dahil sa asóng itó at sa kadalang̃an ng̃

putók ay marahil hindî hihigít sa tatló ang baríl ng̃ mg̃a hindî

nákikitang kalaban. Samantala namán ay sumasagupà at nagpapaputók

ang mg̃a sundalo, nang̃agkakanlóng sa mg̃a punò ng̃ kahoy, humihigâ

at nagpupumilit na makapaitaás. Umiilandáng ang mg̃a putol-putól na

bató, nababaklî ang sang̃á ng̃ mg̃a punò, natutukláp ang lupà. Ang

unang guardia na nagtangkâng makapanhík ay gumulong na may tamà ng̃

punlô sa balikat.

Ang lihim na kalaban ay nakalalamáng dahil sa kinalalagyán; ang

mg̃a matatapang na guardia na hindî marunóng tumakbó ay kauntî

nang umurong, sapagkâ’t nang̃ahihintô at ayaw mang̃agsisulong. Ang

pakikipaglabang iyón sa hindî nákikita ay nakasindák sa kanilá. Walâ

siláng nákikita kundî pawàng asó lamang at batuhán; walâng boses ng̃

tao, ni anino man lamang; mawiwikàng nakipaglaban silá sa bundók.

--¡Hale, Carolino! Násaán ang katalasan mong tumudlâ, p....!--ang

sigáw ng̃ kabo.

Nang mg̃a sandalîng iyón ay isáng lalaki ang sumipót sa ibabaw ng̃

isáng bató at ikinúkumpáy ang baríl na hawak.

--¡Paputukán iyán!--ang sigáw ng̃ kabo na bumitíw ng̃ isáng malaswâng

tung̃ayaw.

Tatlóng guardia ang sumunód, ng̃unì’t ang lalaki’y nakatayô rin;

sumisigáw, ng̃unì’t hindî malinawan ang kaniyáng sinasabi.

Ang Carolino ay nápahintô, na warìng nákikilala ang anyông iyón na

nababalot ng̃ liwanag ng̃ araw. Ng̃unì’t binantâan siyá ng̃ kabo na

tátarakan kung hindî magpapaputók. Tumudlâ ang Carolino at náding̃íg

ang isáng putók. Ang taong nasa bató ay umikit at nawalâng kasabáy

ang sigáw na nakatulíg sa Carolino.

Isáng kilusán ang nangyari sa kagubatan na warìng nagpanakbuhan ang

mg̃a nároroon. Sa gayó’y nang̃agsisalung̃a ang mg̃a sundalo, na

walâ nang kalaban. Isá pang lalaki na ikinúkumpay ang isáng sibát

ang sumipót sa ibabaw ng̃ mg̃a bató; pinaputukán ng̃ mg̃a sundalo,

at ang lalaki’y untî untîng nápayukô, pumigil sa isáng sang̃á, isá

pang putók at lumagpák na pasubasob sa bató.

Matuling nang̃agsipang̃unyapít ang mg̃a sundalo, na inilagáy sa dulo

ng̃ baríl ang mg̃a bayoneta at laán sa isáng labanáng subûán; ang

Carolino’y siyáng tang̃ìng dahandahan ang lakad, na ang ting̃ín ay

pasulingsuling, malamlám, na inaalala ang sigáw ng̃ taong nabuwal

dahil sa tamà ng̃ punlô. Ang unang dumatíng sa kaitaasan ay nakátagpô

ng̃ isáng matandâng naghihing̃alô, na nakatimbuwang sa bató; sinaksák

sa katawán ng̃ bayoneta ng̃unî’t hindî man lamang kumisáp ang matandâ:

ang matá’y nakatítig sa Carolino, isáng titig na hindî mawarì, at sa

tulong ng̃ mabutóng kamáy ay may itinuturò sa kaniyáng nasa likód

ng̃ mg̃a bató.

Ang mg̃a sundalo’y nang̃ápaling̃ón at nákitang si Carolino ay

maputlâng maputlâ, nakang̃ang̃á at sa paning̃ín ay naglalarawan ng̃

hulíng kisláp ng̃ pag-iisip. Nákilala ng̃ Carolino, na dilì ibá’t

si Tanò, ang anák ni kabisang Tales, na galing sa Carolinas, na ang

naghihing̃alô ay ang kaniyáng lelong, si matandâng Selo, na, dahil

sa hindî siya makausap ay naghahayág sa kaniyá, sa tulong ng̃ mg̃a

naghihing̃alông matá, ng̃ isáng kabuhayang lipús ng̃ sákit. At nang

bangkáy na ay patuloy din sa pagtuturò ng̃ isáng bagay na nasa

likód ng̃ mg̃a bató......

Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere) · 第 77 / 78 题