¡MABUTING PASKÓ!
Nang imulat ni Hulî ang namumuktông matá ay nákitang madilím pá ang
bahay. Nagtitilaok ang mg̃a manók. Ang unang pumasok sa kaniyáng
kalooban ay ang sapantahàng marahil ay gumawâ ng̃ isáng himalâ ang
Birhen at ang araw ay hindî sisilang kahi’t na inaanyayahan ng̃ mg̃a
manók.
Nagbang̃on siyá, nag _angtanda_, taimtím na dinasál ang kaniyáng
mg̃a dalang̃in sa umaga at lumabás sa batalán, na pinag-iing̃atang
huwag may kumalatís sa kaniyáng paglakad.
Walâng himalâ; ang araw ay sisikat na, ang umaga’y magiging maliwanag,
ang simuy ay may daláng lamíg, ang mg̃a bituwín sa silang̃anan ay
lumálamlám at ang mg̃a manók ay naglalalò sa kaniláng pagtitilaok.
Ang gayó’y malabis na paghing̃î; madalî pang magawâ ng̃ Birhen ang
magpadalá ng̃ dalawáng daa’t limang pûng piso! ¿Anó na lamang sa
kaniyá, siyá na Iná ng̃ Dios, ang magbigáy noon? Ng̃unì’t sa ilalim
ng̃ larawan ay walâng nátagpûán kundî ang sulat ng̃ kaniyáng amá na
humihíng̃î ng̃ limáng daang pisong pangtubós.... Walâ ng̃ daan kundî
ang lumakad. Nang mákitang ang kaniyáng lelong ay hindî kumikilos, ay
inakalàng natutulog, at naglutò na siyá ng̃ salabát na pang-agahan.
¡Katakátaká! Siyá’y panatag at warì pang ibig mátawá. ¿Anó kayâ ang
dinamdám niyá’t naghinagpís ng̃ katakottakot ng̃ gabíng yaón? Hindî
namán siyá málalayô, maaarìng dalawin sa tuwîng makalawá ang bahay;
mákikita siyá ng̃ kaniyáng lelong, at tungkol namán kay Basilio ay
malaon ng̃ alám ang masamâng lakad ng̃ usap ng̃ kaniyáng amá, kayâ’t
madalás na sabihin sa kaniyà na:
--Pag akó’y nagíng médiko at mákasal na tayo ay hindî na kakailang̃anin
ng̃ amá mo ang kaniyáng mg̃a lupàín.
--¡Malakíng kahang̃alán ang nágawâ kong panggigipuspós!--anyá sa
sarili samantalang inaayos ang kaniyáng tampipì.
At sa dahiláng násagì ng̃ kaniyáng mg̃a dalirì ang agnós ay inilapit
sa kaniyáng labì, hinagkán, ng̃unì’t kinuskos kaagad ang bibíg dahil
sa takot na máhawa; ang agnós na iyon na may brillante at esmeralda
ay galing sa isáng ketong̃in.... ¡Ah! kung magkagayón, kung siyá’y
magkaroon ng̃ gayóng sakít, ay hindî na siyá mag-aasawa.
Sa dahiláng naglíliwanág na at nákita ang kaniyáng lelong na nakaupô
sa isáng sulok, na sinusundán ng̃ ting̃ín ang lahát ng̃ kaniyáng
kilos, ay kinuha ang kaniyáng tampipì ng̃ damít at nakang̃itîng
lumapit upang humalík ng̃ kamáy. Benindisionan siyá ng̃ matandâ na
walâng kaimíkimík. Nagbirô pá siyá.
--Pagdatíng ni tatay ay sabihin ninyóng nápasok din akó sa kolehiyo:
ang pang̃inoon ko’y marunong ng̃ kastilà. Itó ang mura sa lahát ng̃
kolehiyong mákikita.
At ng̃ mákitang napupunô ng̃ luhà ang mg̃a matá ng̃ matandâ ay
sinunong ang tampipì at matuling pumanaog sa hagdanan. Ang kaniyáng
sinelas ay masayáng tumutunóg sa mg̃a baitang na kahoy.
Ng̃unì’t ng̃ luming̃ón upang tumanáw pang mulî sa kaniyáng bahay,
ang bahay na kinapawìan ng̃ kaniyáng kabatàan, at kinasilang̃an ng̃
kaniyáng mg̃a unang pang̃arap sa pagkadalaga; ng̃ mákita niyáng
malungkót, nagiísá, walâng tao, sa mg̃a durung̃awáng nakalapat ng̃
kauntì ay walâng nakadung̃aw at madilím na gaya ng̃ mg̃a matá ng̃
isáng patáy; ng̃ mading̃íg ang mahinàng kaluskós ng̃ kakawayanan at
nákitang nang̃agduduyan dahil sa simuy sa umaga na warìng nagsasabi
sa kaniyáng “paalam”, ay nawalâ ang kaniyáng maliksíng kilos,
nápahintô siyá, ang kaniyáng mg̃a matá’y napunô ng̃ luhà at matapos
magpatiupô sa isáng sang̃á ng̃ kahoy na nasa tabíng daan ay umiyák
ng̃ kahapishapis.
Malaon nang nakaalís si Hulî at mataás ng̃ lubhâ ang araw. Si
tandâng Selo ay nakadung̃aw at tinátanáw ang mg̃a nakagayák na taong
tung̃o sa bayan upang magsimbá sa _misa mayor_. Halos lahát ay may
dalá ó kayâ’y kilik na batàng lalaki ó batàng babai na nabibihisang
warì’y tung̃o sa isáng kapistahan.
Ang kaarawán ng̃ Paskó sa Pilipinas, ayon sa matatandâ, ay pistá ng̃
mg̃a batà; marahil ay hindî kasang-ayon sa gayóng akalà ang mg̃a
batà, at mahihinalàng kanilá pang kinatatakutan ang araw na iyón. At
gayón ng̃â marahil, sapagkâ’t ginigising siláng maaga, linilinis,
binibihisan at isinusuót sa kanilá ang lahát ng̃ kagayakang bago,
mahal at mainam na mayroon silá, mg̃a sapatos na sutlâ, malalakí’t
malalapad na sombrero, damít na lana, sutlâ ó tersiopelo, kasama ang
apat ó limáng maliliít na kalmen na may daláng ebanhelio ni San Juán,
at matapos na matagláy ang lahát ng̃ yaón ay dinadalá silá sa _misa
mayor_ na kulángkuláng sa isáng oras ang habà, pinagtitiís silá ng̃
init at sing̃áw ng̃ maraming taong nagkakasiksikan at nagpapawís,
at kung hindî man silá pinagdadasál ng̃ rosario ay kailang̃an namán
nilá ang huwag maglilikót, mayamót ó mákatulog. Sa bawà’t kagaslawáng
makapagpapadumí sa damít ay isáng kurót ó isáng galit ang katugón;
kayâ’t hindî man silá tumatawa ni naggagalák at nábabasa sa kaniláng
mg̃a matá ang pag-aalaala sa lumàng kamisola na pang-araw-araw at
ang pag tutol sa tungkol may burdá. Matapos yaón ay dinádalá silá
sa mg̃a baháy baháy ng̃ mg̃a kamag-anakan upang humalík ng̃ kamáy;
doon ay kailang̃an nilá ang magsayáw, umawit at sabihin ang lahát ng̃
ikatutuwâng nálalaman, sa ibig man ó sa ayaw, suot ó hindî man ang
kaniláng masisikíp na bihis, na kasama rin ang kurót at galit pag
sumuway ó gumawâ noong bagay na dî iniuutos sa kanilá. Binibigyán silá
ng̃ kualta ng̃ mg̃a kamag-anak, ng̃unì’t karaniwang hindî man nilá
másilip pagkatapos, sapagkâ’t kinukuha ng̃ kaniláng mg̃a magulang.
Ang tang̃ìng bagay na kaniláng nápapalâ sa mg̃a kapistahang yaón ay
ang mg̃a bakás ng̃ kurót na tinuran, ang mg̃a kasikipán at madalás
pa’y isáng pagkasirà ng̃ sikmurà dahil sa pagkabundát sa matamís ó
biskotso sa bahay ng̃ mg̃a kamag-anak. Datapwâ’y yaón ang kaugalìan
at ang mg̃a batà’y pumasok sa kabuhayan sa gayóng paraan, na sa
isáng dako’y siyáng pinaká hindî malungkot, ang pinaká lalòng hindî
mahirap sa kabuhayan ng̃ mg̃a taong yaón.
Ang mg̃a taong may kagulang̃an na, may sarili nang pamumuhay, ay
nákakalahók din sa kapistahang itó. Dumadalaw sa kaniláng mg̃a
magulang at mg̃a minamà, iluluhód ang isáng paa at babatìín ng̃
magandáng paskó: ang kaniláng aginaldo ay isáng matamís, isáng
bung̃ang kahoy, isáng basong tubig ó isáng muntîng handóg na walâng
halagá.
Napagmamasdán ni tandâng Selo ang pagdaraan ng̃ kaniyáng mg̃a kaibigan
at malungkót na iniisip na walâ siyáng maibibigáy na aginaldo sa
kang̃ino man ng̃ taóng iyón at ang kaniyáng apó ay umalís na walâng
tagláy na aginaldo at hindî man lamang siyá nábatì ng̃ magandáng
paskó. ¿Isá kayâng kahinhinán iyón ni Hulî ó isáng pagkalimot lamang?
Nang sinalubong ni tandâng Selo ang mg̃a kamag-anakang dumatíng na
dalá ang kaníkaniláng mg̃a anák ay hindî makabigkás ng̃ anománg
salitâ, kayâ’t sa sarili niyá’y námanghâ; walâng nangyari sa
pagpupumilit, hindî nakabanggít ng̃ isá mang sabi. Pinigilan ang
kaniyáng lalamunan, pinailíng ang ulo, hindî rin maarì! ¡nagnasàng
tumawa at ang kaniyáng mg̃a labì ay kumimbót lamang! ang tang̃ìng
napalabás sa kaniyáng bibíg ay isáng ipít na tunóg na kagaya ng̃ sa
hungkóy. Gulilát na nang̃agkating̃inan ang mg̃a babai.
--¡Pipí, pipí!--ang sigawang balót ng̃ sindák at nang̃agkaguló.