SI SIMOUN

Ang mg̃a bagay na ito’y siyáng náiísip ni Basilio ng̃ dumalaw sa

libing̃an ng̃ kaniyáng iná. Bábalík na siyá sa bayan, ng̃ tila

nakábanaág ng̃ liwanag sa loób ng̃ kakahuyan at nakading̃íg ng̃

lagitlít ng̃ mg̃a sang̃á, yabág ng̃ paa at lagaslás ng̃ dahon......

Ang ilaw ay nawalâ, ng̃uni’t ang yabág ay untî-untîng lumálapít

at nákita niyá ang isáng anino sa gitnâ ng̃ poók na iyón at ang

tinutung̃o ay ang kaniyáng kinalalagyán.

Si Basilio ay sadyáng hindî mapamahîin at lalò na ng̃â ng̃ makabiyák

na siyá ng̃ maraming bangkáy ng̃ tao at nakapang̃alagà sa dî

kakauntîng naghihing̃alô: ng̃unì’t ang matatandâng alamát na ukol

sa nakapang̃íng̃ilabot na poók na iyón, ang oras ng̃ gabí, ang

kadilimán, ang malungkót na simoy, at ang mg̃a iláng kasaysayang

nápakinggán nang siya’y musmós, ay nakasindák dín sa kaniyáng kalooban

at naramdamán niyáng ang kaniyáng pusò’y tumítibók ng̃ malakás.

Ang anino’y tumigil, sa kabiláng ibayo ng̃ balitì, na nákikita ng̃

binatà sa puwáng ng̃ dalawáng ugát na sa katandâan ay warìng dalawáng

sang̃á na. Kinuha sa ilalim ng̃ damít ang isáng ilawáng may malakás na

lente na inilagáy sa lupà at nakaliwanag sa mg̃a “botas de montar”;

ang ibáng dako ng̃ katawán ay nababalot din ng̃ kadilimán. Warìng

hinalungkat ng̃ anino ang mg̃a bulsá at pagkatapos ay tumung̃ó upang

ikamá ang dahon ng̃ isáng asaról sa isáng malakíng tungkód: nagulat

si Basilio ng̃ makitang kaanyô yaon ng̃ mag-aalahás na si Simoun.

At siyá ng̃âng talagá.

Hinuhúkay ng̃ mag-aalahás ang lupà at maminsanminsa’y naliliwanagan

ng̃ ilaw ang mukhâ: walâ ang salamíng nakapagpapabago ng̃ anyô.

Si Basilio ay nang̃ilabot. Yaón din ang taong may labíng tatlóng

taón nang humukay doon ng̃ paglílibing̃an sa kaniyáng iná, tumandâ

ng̃â lamang; ang buhók ay pumutî at nagkaroón ng̃ bigote at balbás,

ng̃unì’t ang paning̃ín ay hindî nagbabago, yaon dín ang dating anyông

malungkót, yaón din ang ulap ng̃ noo, ang malakás na bisig ay yaón

dín, tuyô ng̃â lamang ng̃ kauntî, yaon ding kaloobang masulák. Ang

mg̃a alaala sa nakaraan ay mulîng umalí sa kanyá: warì’y naramdaman

ang init ng̃ sigâ, ang gutom, ang kaniyang panglulupaypáy noon,

ang amóy ng̃ lupàng nabungkal...... Ang pagkakatuklás na itó’y

nakapang̃ilabot sa kaniyá. Kung gayón ay ang mag-aalahás na si

Simoun, na ináakalàng indio inglés, portugés, amerikano, mulato,

Cardenal Moreno, Eminencia Negra, ang budhîng nag-úudyok ng̃ masamâ

sa Capitán General, gaya ng̃ tawag ng̃ ilán, ay dilì ibá palá’t

yaóng mahiwagàng tao na ang kaniyang pagsipót at pagpanaw ay nátaón

sa pagkamatáy ng̃ magmamana sa mg̃a lupaíng yaón. Ng̃unì’t ¿sino

ang Ibarra, doon sa dalawáng taong kaniyáng nákaharap, ang buháy ó

ang patáy?

Ang katanung̃ang itó na itinátanong niyá sa sarili, kailan ma’t

napagsasalitâan ang pagkamatáy ni Ibarra, ay mulîng pumasok sa

kaniyáng pag-iisip sa haráp ng̃ mahiwagàng táong yaón.

Ang namatáy ay may dalawáng sugat na gawâ ng̃ punglô, ayon sa kaniyáng

napag-aralan pagkatapos, at marahil iyon ay gawâ ng̃ paghahabulán sa

lawà. Kung gayón ay si Ibarra ang namatáy na naparoon upang mamatáy

sa libing̃an ng̃ mg̃a magulang, at ang nasàng sunugin ang kaniyáng

bangkáy ay marahil nakuha sa ugalì sa Europa na doo’y sinusunog

ang patáy. Kung gayón ay sino ang isá pa, ang buháy, ang Simoung

itó na manghihiyas, na noon ay anyông dukhângdukhâ at ng̃ayó’y

mayamangmayaman at kaibigan ng̃ mg̃a may kapangyarihan? Doo’y may

lihim na sa kalamigang loob ng̃ ating nag-aaral ay ninasàng tahûín,

at inantáy ang kailang̃ang pagkakátaon.

Samantala namá’y hukay ng̃ hukay si Simoun, ng̃unì’t námasdán ni

Basilio na nanghinà na ang dating lakás: si Simoun ay humihing̃al,

hiráp sa paghing̃á at sa bawà’t sandalî ay tumitigil.

Si Basilio’y nang̃anib na bakâ siyá mákita, kayâ’t sa biglâng udyók

ng̃ kalooban ay tumindíg sa kinauupán at nagsabing walâng pagbabago

ang boses:

--¿Matutulung̃an ko pô ba kayó, ginoo....?--ang tanóng, ng̃ makaalís

sa kinákanlung̃án.

Si Simoun ay umunat, lumundág na warì’y tigreng nabiglâ, idinukot

ang kamay sa bulsá ng̃ amerikana at tiningnáng namumutlâ at kunót

ang noo ang nag-aaral.

--May labíng tatlóng taón na ng̃ayóng akó’y pinautang̃an ninyó ng̃

loob, ginoo,--ang patuloy na walâng tigatig ni Basilio--sa pook

ding itó, sa paglilibíng sa aking iná, kayâ’t ikaliligaya ko ang

matulung̃an namán kayó.

Dinukot ni Simoun sa kaniyáng bulsá ang isang rebolber, na hindî

inilalayô sa bagongtao ang paning̃ín. Náding̃íg ang lagitlít ng̃

isang armás na iniakmâ.

--¿Sino pô bá akó sa akalà ninyó?--ang sabing humakbáng ng̃ dalawáng

hakbáng na pauróng.

--Isá pong táong aking iginagalang--ang sagót ni Basilio na may

pakagulumihanan, sapagkâ’t inaakalâng yaon na ang hulí niyáng

sandalî,--isang taong tang̃ì sa akin, inaakalà ng̃ lahát na patáy

na, at táong ang kaniyáng mg̃a kasawîán ay dinamdám kong palagì.

Isáng lubós na katahimikan ang sumunód sa mg̃a salitâng itó,

katahimikang inarìng amóy kabilang buhay ng̃ binatà. Gayón man,

makaraan ang isáng mahabàng pag-aalinlang̃an, ay linapitan siyá ni

Simoun at piniglán sa balikat at sinabi sa kaniyáng ang boses ay

nang̃ing̃iníg, na:

--Basilio, nakababatíd kayó ng̃ isáng lihim na mangyayaring ikasawî

ko at ng̃ayó’y nakátuklás ng̃ isá pá, na kung mábanság ay makasisirà

sa aking layon, kayâ’t ang boô kong buhay ay nasa kamáy ninyó. Upang

akó’y tumiwasáy at alangalang sa ikaaayos ng̃ inaakalà kong gawín ay

dapat kong sagkâán ang iyóng mg̃a labì, sapagkâ’t ¿anó ang kabuluhán

ng̃ buhay ng̃ isáng tao sa kalakhán ng̃ bagay na aking tinutung̃o?

Mainam ang pagkakátaón, walâng nakababatíd ng̃ aking pagparito, akó’y

may sandata, kayó’y walâ; sa mg̃a tulisán ibibintáng ang kamatayan

ninyó kun dî man sa isáng bagay ng̃ kabiláng mundó.... ng̃unì’t,

gayón man ay babayàan kong kayó’y mabuhay at inaakalà kong hindî ko

ipagdaramdam sa hulí ang gayón. Kayó’y nagsumakit, nakipagtunggalî ng̃

lubhâng tiyagâ.... at gaya ko rin kayóng may kailang̃ang makipagtuús

sa sosyedad; ang kapatíd ninyóng muntî ay pinatáy, ang inyóng iná’y

naulól, at hindî pinag-usig ng̃ sosyedad ni ang nakamatáy ni ang

nagpahirap. Tayong dalawá’y nábibilang sa mg̃a uháw sa katwiran, at

hindî dapat tayong magtunggalî kun di magtulung̃án.

Si Simoun ay humintông pinigil ang buntónghining̃á at pagkatapos ay

banayad na nagpatuloy na paling̃asling̃as ang ting̃ín:

--Oo, akó ng̃á iyong may labíng tatlóng taón na ng̃ayón nang

naparito, na may sakít at karumaldumal ang anyô upang dulutan ng̃

hulíng handóg ang isáng kaluluwang magitíng at matapát na inilaán

ang búhay nang dahil sa akin. Inís ng̃ isáng pamamahalàng masamâ

ang hilig ay naglagalág akó sa boông mundó at maghapo’t magdamág na

pinunyagî ko ang makapag-ipon ng̃ isáng kayamanan upang masunód ang

aking layon. Ng̃ayó’y nanumbalík akó upang durugin ang pamamahalàng

iyán, padaliín ang kaniyang pagkabulók, iabóy sa bang̃íng tinutung̃o,

kahì’t na kailang̃anin kong gamitin ang pagbahâ ng̃ luhà at dugô....

Hinatulan na ang kaniyáng sarili, yarì na, at ayokong mamatáy ng̃

hindî ko muna siyá mákitang durógduróg sa kailaliman ng̃ bang̃ín.

At iniunat ni Simoun ang kaniyáng mg̃a kamáy na tung̃ó sa lupà,

na warìng sa kilos na iyón ay ibig palagîin doón ang mg̃a labí ng̃

nasirà. Ang kaniyáng ting̃ig ay nagkaroón ng̃ kasindáksindák at

kalagímlagím na tunóg, na nakapang̃ilabot sa nag-aaral.

--Sa tawag ng̃ masasamâng hilig ng̃ mg̃a namamahalà ay bumalík akó

sa Kapuluang itó, at sa ilalim ng̃ anyông máng̃ang̃alakál ay linibot

ko ang mg̃a bayánbayán. Sa tulong ng̃ aking yaman ay napasok ko ang

lahát at saa’t saán man ay nákita ko ang pang̃ang̃amkam sa lahát ng̃

anyông kahalayhalay, minsán ay may balát-kayô, minsa’y lantád na

lantád, minsan ay ganid na nagpapakasawà sa isáng katawáng patáy, na

gaya ng̃ ginágawâ ng̃ isáng buitre sa bangkây, at náitanóng ko sa

sariling ¿bákit hindî tumitindí sa kaniyáng bituka ang kamandág, ang

ptomaina, ang lason ng̃ mg̃a libing̃an upang mamatáy ang nakaririmarim

na ibon? Binábayàan ng̃ bangkáy na siya’y gutayín, ang buitre’y

napupundakanan sa lamán, at sa dahiláng hindî ko makaya ang siya’y

bigyán ng̃ búhay upang makalaban sa nagpapahirap sa kaniyá, at sa

dahiláng mahinà ang pagkabulók, ay pinasiglá ko ang kayamúan, aking

inayunan, ang pagsalansáng sa katwiran at kapaslang̃án ay nag-ibayo

sa dami; aking pinalalò ang pagkakasala, ang mg̃a gawâng malulupít,

upang ang bayan ay mahirati sa kamatayan; aking pinalagì ang ligalig

upang sa pag-iwas dito ay humanap ng̃ kahì’t anóng kaparaanán;

aking hinadlang̃án ang pang̃ang̃alakal upang kung mahirap na ang

bayan at pulubi na ay walâ ng̃ sukat ipang̃anib; aking inudyukán

sa pang̃ang̃amkám upang magsalát ang kayamanang bayan, at dahil

sa hindî pá sapát sa akin ang mg̃a bagay na itó upang gising̃in

sa panghihimagsík ang bayan, ay sinugatan ko ang bayan sa dakong

lalòng dádamdamín, ginawâ kong ang buitre na ang lumait sa bangkáy

na nagbibigáy buhay sa kaniyá at kaniyáng bulukín...... Ng̃unì’t

nang akin ng̃ magagawâng sa lubós na kabulukán, ng̃ pawàng yagít, na

pagkakahalohalò ng̃ maraming bagay na nakaririmarim, ay tumindí ang

lason, nang ang pagkagahaman ng̃ kayamùan sa kaniyáng kalituhán ay

nagdudumalî na sa pagsunggáb sa lahát ng̃ abót ng̃ kaniyáng kamáy

na warìng isáng matandâng babaing nábiglâ ng̃ sunog, ay sásisipot

kayóng na nang̃ang̃alandakan ng̃ pagkakastilà, umaawit ng̃ pag-asa

sa Pamahalàan, bagay na hindî dáratíng; nárito’t isáng lamán na

kumikilos dahil sa init at búhay na dalá, malinis, batà, malusóg,

kumikiníg sa dugô, sa kasiglahán, ay biglâng sásusulpót upang humandóg

na mulî na warì bagong pagkain...... ¡Ah, ang kabatàang kailán ma’y

mapang̃arap at kulang sa pagkákilala sa mg̃a bagay-bagay, lagìng

kasunód ng̃ mg̃a paróparó at mg̃a bulaklák! Nang̃agsapìsapì kayó upang

sa inyóng lakás ay mapagtalì ninyó ng̃ talìng pulós na bulaklák, ang

inyóng bayan at ang España, gayóng ang tunay ninyóng ginágawâ ay ang

pagyarì ng̃ tanikalâng matigás pá kay sa diamante. ¡Humíhing̃î kayó

ng̃ pagkakapantáypantáy sa karapatán, pag-uugalìng kastilà sa inyóng

mg̃a hilig, at hindî ninyó nákikitang ang hiníhing̃î ninyó’y ang

kamatayan, ang pagkapawì ng̃ inyóng pagkamámamayán, ang pagkaduhagi

ng̃ inyóng ináng-bayan, ang pananagumpáy ng̃ paniniíl! ¿Anó kayó sa

araw ng̃ búkas? Bayang walâng budhî, bansâng walâng kalayàan; ang

lahát ng̃ tagláy ninyó’y pawàng hirám, sampû ng̃ inyóng mg̃a kasiràan.

¡Humihing̃î kayóng magíng parang kastilà at hindî kayó namumutlâ

sa kahihiyan kung ipagkaít sa inyó! At kahit na ipagkaloob sa inyó

¿anó ang inyóng hang̃ád? ¿anó ang inyóng mátatamó? Maligaya na kayó

kung magíng bayan ng̃ pag-aalsá, bayan ng̃ mg̃a digmâan ng̃ mg̃a

magkababayan, repúblika ng̃ mg̃a mangdaragít at di nasisiyaháng loób

na kagaya ng̃ iláng repúblika sa timog ng̃ Amérika! ¿Anó ang layon

ninyó sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà; hang̃ád na kahiyahiyâ kung

hindî lamang nápakasamâ ang ibubung̃a? ¡Ibig ninyóng dagdagán ng̃

isá pang wikà ang apat na pû’t kung ilán pang ginagamit sa Kapulùan

upang huwag kayóng lalòng magkaantiluhan!......

--Hindî pô--ang tugón ni Basilio--kung dahil sa pagkaalám ng̃ wikàng

kastilà ay mápapalapít tayo sa Pamahalàan, sa isáng dako namán ay

magiging sanhî ng̃ paglalapítlapít ng̃ mg̃a pulô.

--¡Lakíng kamalîan!--ang putol ni Simoun--napadadayà kayó sa maiinam

na pang̃ung̃usap at hindî ninyó tinutung̃o ang latak at sinusurì

ang hulí niyáng iaanák. Hindî magiging siyáng karaniwang salitâ

dito kailán man ang wikàng kastilà, hindî siya gagamitin ng̃ bayan,

sapagkâ’t ang mg̃a bukál ng̃ pag-iisip at pusò nitó ay walâng

katimbáng na salitâ sa wikàng iyan; bawà’t bayan ay may kaniyáng

sarili, gaya rin namán ng̃ pangyayaring may sariling pagdaramdám.

¿Anó ang gágawín ninyó sa wikàng kastilà, kayóng iíláng gagamit?

Patayín ang inyóng katang̃ìan, isailalim ng̃ ibáng utak ang inyóng

mg̃a pag-iisip at hindî kayó magíging malayà kundî magiging tunay na

alipin pa ng̃â. Ang siyam sa bawà’t sampû ninyóng nag-aakalàng kayó’y

mg̃a bihasá, ay pawàng tumakwíl sa inyóng tinubùan. Ang bawà’t isá

sa inyó na gumagamit ng̃ wikàng iyán ay napapabayàan ng̃ lubós ang

kaniyáng sarili na hindî man maisulat ni máwatasan, at ¡ilán na ang

nákita ko na nagpapakunwarîng hindî nakababatíd ni isáng bigkas man

lamang ng̃ salitâng iyán! Salamat na lamang at mayroón kayóng isáng

mulalâng pamahalàan. Samantalang ipinipilit ng̃ Rusia ang wikàng ruso

sa Polonia upang itó’y kaniyáng maalipin, samantalang ipinagbabawal

ng̃ Alemania ang wikàng pransés sa mg̃a lalawigang kaniyáng nasakóp,

ang inyóng pamahalàan namán ay nagpupunyagî na huwág alisín sa

inyó ang sariling wikà, datapwâ’t kayó, bayang kahang̃àhang̃à na

hawak ng̃ isáng pamahalàang hindî malirip, kayó’y nagpupumilit na

iwan ang inyóng katang̃ìan sa pagkabansâ! Ang isá’t isá sa inyó ay

nakalilimot na samantalang ang isáng bayan ay may sariling wikà ay

tagláy niyá ang kaniyáng kalayàan, gaya rin namán ng̃ pagtatagláy

ng̃ tao ng̃ pagsasarilí samantalang tinatagláy ang kaniyáng sariling

pagkukurò. Ang wikà ay siyáng pag-iísip ng̃ bayan. Mabuti na lamang

at ang inyóng pagsasarilí’y sadyâng dáratíng: ¡inaandukhâ siyá ng̃

mg̃a kalaswâán ng̃ tao!......

Si Simoun ay humintô at pinahid ng̃ kamáy ang noo. Ang buwan ay

sumisikat at iniháhatíd doon ang kaniyáng malamlám na liwanag na

nakalúlusót sa puwang ng̃ mg̃a sang̃á. Dahil sa naliliwanagang

papaitaas ng̃ lámpara ang mag-aalahás, na matigás ang anyô at maputî

ang buhók, ay warìng isáng multó ng̃ kagubatan na nagbabalak ng̃

kalagímlagím. Sa haráp ng̃ gayóng katitigás na sumbát ay nakatung̃óng

walâng imík si Basilio. Nagpatuloy si Simoun:

--Nákita kong binabálak ang kilusáng iyan at dumanas akó ng̃

magdamagang ligalig, sapagkâ’t batíd kong sa kabatàang iyan ay

mayroong may tagláy na katalinuhan at pusòng maitatang̃ì na

nagpapakalulong sa bagay na inaakalà niláng mabuti, ng̃unì’t ang

katotohana’y gumagawâ ng̃ laban sa kaniláng bayan.... Makailáng kong

tinangkâ ang lumapit sa inyó, hubdín ang pagbabálatkayô at pawìin

ang inyóng pagkakamalí! ng̃unì’t sanhî sa mg̃a pagpapalagáy sa akin

ay marahil masamaín ang aking mg̃a pang̃ung̃usap at magkabisô pa’y

magbung̃a ng̃ laban sa aking akalà...... ¡Makailang tinangkâ ko ang

lumapit sa inyóng Makaraig, sa inyóng Isagani! Maminsan minsan ay

náiisip kong silá’y patayín, lipulin......

Si Simoun ay tumigil.

--Basilio, itó ang sanhî kung kayâ hindî ko kayó pinatáy, at máhandâ

ako, na dahil sa isáng kabiglâanan, balang araw ay ihayág ninyó ang

aking kalagayan.... Batíd ninyó kung sino akó, alám ninyó ang aking

mg̃a tiniís, paniwalàan ninyó akó; hindî kayó kabilang ng̃ karamihan

na ang ting̃ín sa mag-aalahás na si Simoun ay isáng maglalakò na

nag-uudyók sa mg̃a may kapangyarihan sa gawâng pamamasláng upang ang

mg̃a naapí’y bumilí sa kaniyá ng̃ hiyas.... Akó ay isáng hukóm na may

nasàng magparusa sa isang pamamahalà, na, ang gagawíng kasangkapan

ay ang sarili niyang kasamâán; bakahin siyá sa paraang siya’y

ayùin.... Kailang̃an kong akó’y inyóng tulung̃an, gamitin ninyó ang

inyóng kayang makaakit sa kabatàan upang labanan ang balíw na nasàng

makikastilà, pakikiugalì, pagpapantáypantáy sa karapatán.... Sa

landasing iyan ay ang magíng isáng masamâng huwad lamang ang mátatamó,

at nárarapat na ang bayan ay luming̃ap ng̃ lalòng mataás. Isáng

kabang̃awán ang akitin ang pag-iisip ng̃ mg̃a namamahalà; mayroon na

siláng takdâng balak, may piring ang mg̃a matá, at, bukód sa ang gayón

ay isáng pag-aaksayá ng̃ panahón, ay dinadayà pá ninyó ang bayan sa

mg̃a pag-asang hindî mangyayari at nakatutulong pá kayó upang yumukô

sa haráp ng̃ nangduduhagi. Ang dapat ninyóng gawín ay samantalahín

ang kaniyáng mg̃a pag-aalinlang̃an sa kapakinabang̃án ninyó. ¿Ayaw

kayóng ihawig sa kastilà? ¡Mabuti! sa gayón ay magpakatang̃ì kayó sa

pagbabadhâ ng̃ sariling kaugalìan, itayô ninyó ang tuntung̃an ng̃

bayang pilipino.... ¿Aayaw kayóng bigyán ng̃ pag-asa? ¡Mabuti ng̃â!

huwág kayóng umasa sa kaniyá, asáhan ninyó ang sarili at kumilos

kayó. ¿Aayaw kayóng bigyán ng̃ kinatawán sa _Corte_? ¡Lalòng mabuti!

Kahì’t na kayó makapagpadalá doón ng̃ kinatawán na náhalal ng̃

ayon sa inyóng hang̃ád, ¿anó ang magágawâ ninyó roón kun dî malunod

sa gitnâ ng̃ maraming ting̃ig at sang-ayunan, sa pamamagitan ng̃

inyóng pagkakáharáp doón, ang mg̃a kapaslang̃án at kamalìang gawín?

Samantalang lalòng kauntî ang mg̃a karapatáng ipagkaloób sa inyó

ay lalò namáng malakí ang inyóng karapatán sa pagpawì ng̃ pasanin

at gantihín silá ng̃ masamâ sa kasamâán. Kung ayaw iturò sa inyó

ang kaniláng wikà ay pag-aralan ninyó ang inyó, inyóng pakalatin,

bayàang mamalagì sa bayan ang sariling pag-iisip, at sa pagnanasàng

magíng isáng lalawigan ay ipalít ang hang̃ád na magíng bansâ, sa

paghahakàng sumasalilong ay paghahakàng malayà, ni sa hilig, ni sa

salitâ ay huwág mangyaring máipalagáy ng̃ kastilà na siyá’y parang

nasa bahay niyá dito, ni ipalagáy ng̃ tagá rito na silá’y kababayan

kundî manglulupig magpakailán man, dayuhan, at sa málaó’t mádalî’y

tatamuhín ninyó ang inyóng kasarinlán. Itó ang sanhî kung kayâ

hang̃ád kong kayó’y mabuhay.

--Ginoo, nápakalakíng karang̃alan ang ipinagkaloób ninyó sa akin sa

pagpapahayag ng̃ inyóng mg̃a balak upang huwag akóng magtapát at

sabihin na ang hiníhilíng ninyó sa akin ay higít sa makakaya ko.

Akó’y hindî nakikilahók sa polítika, at kung sakalìng linagdâan ko

ang kahiling̃an sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà ay dahil lamang sa

nákikita kong iyo’y makabubuti sa pag-aaral, at walâ nang ibá. Ang

aking tung̃o ay ibá, ang hang̃ád ko’y mapagalíng lamang ang mg̃a

sakít na dináramdam ng̃ aking mg̃a kababayan.

Ang mag-aalahás ay nápang̃itî.

--¿Anó na lamang ang mg̃a sakít ng̃ katawán sa sakít ng̃ damdamin?--ang

tanóng--¿anó na lamang ang kamatayan ng̃ isáng tao sa kamatayan ng̃

isáng kalipunán? Balang araw marahil ay magiging isá kayóng bantóg

na manggagamot kung pababayàang makapanggamot na mapayapà; ng̃unì’t

lalò pang dakilà yaóng makapagbigáy búhay sa lugamîng bayang itó.

Kayó ¿anó ang ginágawâ ninyóng ukol sa bayang itó na kinákitàan ng̃

unang liwanag, nagbíbigáy búhay sa inyó at nagdudulot sa inyó ng̃

ikatututo? ¿Hindî ba ninyó alám na walâng kabuluhán ang buhay na

hindî iniuukol sa isáng malakíng layon? Iyá’y isáng muntîng batóng

natapon sa kaparang̃an na hindî kasama sa pagkabuô ng̃ isáng bahay.

--Hindî, hindî pô ginoo,--ang pakumbabâng sagót ni Basilio--hindî

pô akó humahalukipkíp, akó’y gumágawâ na gaya ng̃ paggawâ ng̃ ibá

upang maibang̃on sa labí ng̃ nakaraán ang isáng bayan na ang kaniyáng

mg̃a tao’y nagtutulung̃án at ang bawà’t isá sa kanilá’y dumádamdám sa

sarili, ng̃ budhî’t kabuhayan ng̃ kalahatán. Ng̃unì’t kahì’t anóng

sigabó ang taglayín ng̃ mg̃a tao sa ng̃ayón ay nákikilala namin na

sa malakíng gawâang bayan ay dapat magkaroón ng̃ paghahatìhatì ng̃

gawâ; pinilì ko ang aking gagawín at tinung̃o ko ang karunung̃an.

--Ang karunung̃án ay hindî siyáng hantung̃an ng̃ tao--ang wikà ni

Simoun.

--Siyá ang tinutung̃o ng̃ mg̃a bansâng lalòng bihasá.

--Oo, ng̃unì’t parang isáng kaparaanan lamang sa paghanap ng̃

kaligayahan.

--¡Ang karunung̃an ay siyáng walâng paglipas, lalòng kagaling̃an ng̃

katauhan, lalòng ukol sa sangsinukob!--ang sagót ng̃ binatà sa isáng

sulák ng̃ kalooban--Sa loob ng̃ iláng daang taón, pag ang katauhan

ay matalino na’t nahang̃ò sa kinalalagyán sa ng̃ayón, pag walâ na

ang mg̃a lipì, pag ang lahát ng̃ bayan ay pawàng malalayà na, pag

walâ ng̃ alipin at umaalipin, sakóp na bayan at nakasasakop, pag

ang nagharì ay isáng kapangyarihan na lamang at ang tao’y nagíng

mámamayán ng̃ sanglupalop, ay walâng málalabí kundî ang pananalig

sa karunung̃an, ang salitâng pag-ibig sa bayan ay magkakaroon ng̃

kahulugáng dalubhasàng pananalig at ang sa panahóng iyán ay magbunyág

ng̃ kaniyáng tagláy na pag-ibig sa bayan ay marahil kulung̃ín

na warìng isáng mapang̃anib na may sakít, isáng mangguguló sa

pagkakasundô ng̃ lahát.

Si Simoun ay nápang̃itî ng̃ malungkót.

--Oo, oo--ang wikàng iníilíng ang ulo--datapwâ’y upang sumapit ang

gayóng kalagayan, ay kailang̃ang huwág magkaroón ng̃ mg̃a bayang

manggagahís, ni mg̃a bayang mang-aalipin, kailang̃ang ang tao’y

magíng malayà saán man pumaroon, mátutuhang igalang sa karapatán

ng̃ ibá ang kaniyáng sariling pagkatao, at upang mangyari itó’y

kailang̃an munang magsabog ng̃ maraming dugô, ang pagtutunggalî’y

kailang̃an...... Upang daigín ang matandâng pananalig, na sumisiil sa

mg̃a budhî, ay kinailang̃ang ang marami ay matupok sa apóy, upang,

sa pang̃ing̃ilabot ng̃ budhîng bayan ay ihayág na malayà ang budhî

ng̃ bawà’t isáng tao. Kailang̃an din namán na ang lahát ay tumugón

sa katanung̃ang sa araw-araw ay ginagawâ ng̃ bayan na inilalahad

sa kanilá ang kamáy na nakatanikalâ. Ang pag-ibig sa bayan ay

magiging pagkakasála sa mg̃a bayan lamang na manglulupig sapagkâ’t

ang pagnanakaw namán ay lalagyán ng̃ isáng mainam na pang̃alan;

ng̃unì’t kahì’t magíng wastông-wastô na ang katauhan ay magiging

isáng kabanalan din ang pag-ibig sa tinubùan, sa mg̃a bayang sákop,

sapagkâ’t sa lahát ng̃ sandalî’y may kahulugáng pag-ibig sa katwiran,

pag-ibig sa kalayàan, pag-ibig sa karang̃alan. Ang kalakhán ng̃ isáng

tao’y hindî ang magpáuna sa kaniyáng kapanahunan, bagay na hindî

namán mangyayari, kundî ang hulàan ang kaniyáng mg̃a adhikâ, tugunán

ang kaniyáng mg̃a pang̃ang̃ailang̃an at turùan siyáng magpatuloy sa

lakad. Ang mg̃a “genio” na inaakalà ng̃ karamihan na nagpáuna sa

kaniláng kapanahunan, ay námamalas lamang na gayón sapagkâ’t tinátanaw

siláng mulâ sa malayò ng̃ mg̃a sumusurì, ó inaakalàng dáang taón

ang buntót na nilalakaran ng̃ mg̃a náhuhulí.

Si Simoun ay tumigil. Nang nákitang hindî mapasigabó ang malamíg na

kaluluwáng iyón, ay gumamit ng̃ ibáng pang̃ang̃atwiran, at tumanóng

na inibá ang pagsasalitâ.

--At sa ala-ala ng̃ inyóng iná at kapatíd ¿anó ang ginagawâ ninyó?

¿sukat na bá ang sa taón taón ay pumarito at tumaghóy na warì’y

babai, sa ibabaw ng̃ libing̃an?

At tumawa ng̃ pakutyâ.

Tumamà ang tudlâ; si Basilio’y nagbagong anyô at humakbáng ng̃ isáng

hakbáng.

--¿Anó ang ibig ninyóng gawín ko?--ang tanóng na nagng̃ang̃alit--Walâng

pagkunan nang kailang̃an, walâng katang̃ìan ¿matatamó ko bagá ang

katwirang laban sa mg̃a pumatáy sa kanilá? Isá pá akóng masasawî,

at madudurog akóng kagaya ng̃ kaputol na salaming ipukól sa isáng

batóng buháy. ¡Ah, masamâ ang ginawâ ninyóng ipaalala pá sa akin,

sapagkâ’t iya’y isáng walâng kabuluháng pagtangkî sa sugat!

--At kung ihandóg ko sa inyó ang aking tulong?

Iginaláw ni Basilio ang ulo at nag-isíp.

--¡Lahát ng̃ pagtatagumpáy ng̃ katwiran, lahát ng̃ higantí sa lupà,

ay hindî makapagbibigáy buhay pang mulî sa isáng buhók man lamang

ng̃ aking iná, hindî makapagpapasariwà ng̃ isáng ng̃itî sa mg̃a labí

ng̃ aking kapatíd! Matulog na siláng mapayapà.... ¿anó ang máhihitâ

ko kahi’t maghigantí?

--Iwasan na tiisin ng̃ ibá ang inyóng tiniís, upang sa súsunód

ay maiwasang magkaroon pá ng̃ mg̃a anák na pinatáy at mg̃a ináng

napilitang maulol. Ang pagpapaumanhín ay hindî lagìng kabaitan,

siya’y kasamaán pag naguudyók sa paniniíl: walâng mang-aalipin doon

sa walâng napaaalipin. ¡Ay! ang tao’y sadyâng may kasamàán, na

kailan ma’y nagpapakalabis pag nakakatagpô ng̃ uma-alinsunod. Gaya

ninyó’y ganyán din ang paghahakà ko, at alám ninyó kung anó ang

aking sinapit. Binabantayán kayó gabí’t araw ng̃ mg̃a may pakanâ ng̃

inyóng kasawîán; naghihinalàng kayó’y nag-aantáy ng̃ isáng sadyâng

panahón; inaakalàng isáng mahigpít na hang̃ád na makagantí ang

inyóng pagpupunyagîng matuto, ang inyóng hilig sa pag-aaral, sampû

ng̃ inyóng pananahimik.... Ang araw na magagawâng kayó’y pawìin ay

papawìin kayó na gaya ng̃ ginawâ sa akin, at hindî kayó papayagang

lumakí, sapagkâ’t kayó’y kinatatakutan at kinamumuhîán.

--¿Kamuhîán akó? ¿Kamuhîán pá akó matapos ang masamâng ginawâ sa

akin?--ang tanóng na pamanghâ ng̃ binatà.

Si Simoun ay humalakhák.

--Katutubò ng̃ tao ang mámuhî doon sa inapí niyá, ang sabi ni Tácito

na pinatibayan ang _quos læserunt et oderunt_ ni Séneca. Kung ibig

ninyóng masukatan ang mg̃a ginágawâng pang-aapí ó kabutihan ng̃ isáng

bayan sa kapuwâ, ay walâ kayóng ibáng dapat gawín kundî tingnán na

lamang kung kinamumuhîán ó minámahál. At sa ganyán ay naliliwanagan

na kung bakit ang iláng yumaman dito, mulâ sa mg̃a matataás na

katungkulang ginanáp, ay pawàng pag-alimura at pag-alipustâ ang

ipinatutunkol sa kaniláng pinahirapan, pagbalík sa España. _Proprium

humani ingenii est odisse quem læseris._

--Datapwâ’y kung ang mundó ay malakí, kung binabayàang matahimik sa

kanilá ang kapangyarihan.... Kung walâ akóng ibáng hiníhing̃î kundî

ang gumawâ, bayàan akóng mabuhay......

--¡At magkaroon ng̃ mg̃a anák na mapayapà na pagkatapos ay ilalaán

sa pahirap!--ang patuloy ni Simoun na pakutyâng ginayahan ang

pag-bigkás ni Basilio ng̃ mg̃a salitâ--¡Kay inam na kinabukasan

ang inihahandâ ninyó sa kanilá, at pasasalamatan sa inyó ang isáng

kabuhayang pawàng pang̃ang̃ayupapà at paghihirap! ¡Mabuti, binatà!

Pag ang isáng katawán ay hindî na kumikilos ay hindî na kailang̃ang

siyá’y patibayin. Dalawáng pûng taóng ganáp na pagkaalipin, na

pang̃ang̃ayupapàng walâng likat, walâng hulaw na pagkakaratay, ay

nakalilikhâ sa kaluluwá ng̃ isáng pagkahukót na hindî maitutuwid

sa isáng araw. Ang mabubuti ó masasamâng kalooban ay minamana at

nagkakasalinsalin sa mg̃a magulang at mg̃a anák. Mabuhay na ng̃â

ang inyóng kaigaigayang mg̃a paghahakà, mabuhay ang pang̃arap ng̃

alipin na walâng hiníhing̃î kundî kauntìng bunót na sukat maibalot

sa tanikalâ upang mapahinà ang kalansíng at ng̃ huwag masugatan

ang kaniyáng balát! Ang hinahang̃ád ninyó’y isáng muntîng tahanan

na may kauntîng kaluwagan; isáng asawa’t kauntîng bigás: iyán ang

lalaking pinakamagalíng sa Pilipinas! Siyá, kung ipag-kaloob sa inyó

ang bagay na iyán ay akalàin na ninyóng kayó’y mapalad.

Si Basilio na nahirati sa pagsunód at sa pagtitiís sa kainitan ng̃

ulo ng̃ kapitáng Tiago, at nabighanì kay Simoun na namamalas niyáng

kasindáksindák at kakilakilabót sa gitnâ ng̃ isáng lagáy na tigmák

sa luhà at dugô, ay nagnasàng mang̃atwiran, sa pagsasabing walâ

siyáng kakayaháng manghimasok sa polítika, na walâ siyáng masasabi,

sapagkâ’t hindî niyá napag-aaralan ang bagay, ng̃unì’t kailan ma’y

handâ siyáng maglingkód, sa araw na hìling̃ín sa kaniyá, na sa mg̃a

sandalîng iyón ay walâ siyáng nákikitang kailang̃an liban sa ang

bayan ay mátuto, at ibp. Pinigil ni Simoun ang kaniyáng salitâ sa

isáng galáw, at sa dahiláng malapit nang mag-umagá, ay nagsabing:

--Binatà, hindî ko ipinagbibilin sa inyó na itagò ang aking lihim,

sapagkâ’t batíd ko na ang pagkamalihim ay isá sa inyóng ugalìng

tagláy, at sakâ ang isá pa’y kahi’t na ibigin ninyóng akó’y isuplóng

ay unang paniniwalàan ang mag-aalahás na si Simoun, ang kaibigan

ng̃ mg̃a may-kapangyarihan at ng̃ mg̃a parì, kay sa nag-aaral na si

Basilio, na pinaghihinalàan nang pilibustero, sa dahiláng siyá’y

taga ritong nátatang̃ì at nábabantóg, at sapagkâ’t sa ninanasàng

mátutuhan ay makakátagpô ng̃ malalakás na kalaban. Gayón mán,

kahi’t hindî ninyó tinugunán ang aking pag-asa, sa araw na magbago

kayó ng̃ paghahakà, ay hanapin ninyó akó sa aking bahay sa Escolta

at paglilingkurán ko kayó ng̃ boông lugód.

Napasalamat si Basilio at lumayô.

--Námalî kayâ akó ng̃ tukoy?--ang bulóng ni Simoun ng̃ siyá’y

nag-iisá na--alinlang̃an kayâ sa akin ó lubhâng lihim na binabalak

ang kaniyáng higantí kayâ’t ipinang̃ang̃ambáng ipagkatiwalà sampû

sa katahimikan ng̃ gabí? Ó kayâ’y sa dahiláng pinawì na sa kaniyáng

pusò ang damdaming pagkatao ng̃ mahabàng panahóng pamamang̃inoon at

walâng inilabí kundî ang hilig pagkahayop na mabuhay na lamang at

magpadami ng̃ lipì? Kung gayón ay sirâ ang bubuán at ang nararapat

ay tunawing mulî.... Ang pagkakamatáy ng̃â ay kailang̃an na: mamatáy

ang mg̃a walâng kaya at málabí ang mg̃a lalòng malakás.

At mapangláw na nagpatuloy, na warìng may katung̃o:

--Magtiístiís muna kayó, kayóng mg̃a nagpamana sa akin ng̃ isáng

pang̃alan at isáng tahanan, magtiístiís muna kayó! Lahát ay nawalâ sa

akin, ang bayan, ang kinabukasan, sampû ng̃ inyóng mg̃a libing̃an....

ng̃unì’t magtiístiís muna kayó! At ikáw budhîng marang̃ál, dakilàng

kaluluwá, pusòng mapagling̃ap na nabuhay sa iísáng hang̃ad lamang at

ipinará mo ang iyóng buhay na hindî man nag-antáy ng̃ pasasalamat at

paghang̃à ng̃ kahit sino, magtiís ka muna, magtiís tiís ka! Ang mg̃a

kaparaanang ginagamit ko ay hindî marahil ang ginamit mo, ng̃unì’t

siyáng lalòng madalî.... Nálalapít na ang araw, at pagliliwanag ay

akó na rin ang magbabalità sa inyó: ¡Magtiístiís muna kayó!

Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere) · 第 16 / 78 题