Ang mg̃a nakabasa ng̃ unang bahagi ng̃ kabuhayang itó, ay maaalaala
marahil ang isáng matandâng magkakahóy na naninirahan doon sa kalookan
ng̃ isáng gubat.
Si Tandâng Selo ay buháy pá at kahi’t ang kaniyáng buhók ay pumutî
na ay mabuti rin ang kaniyáng katawán. Hindî na nanghuhuli sa bitag
at hindî na rín nagpuputól ng̃ káhoy; sa dahiláng bumuti na ang
kabuhayan ay naggagawâ na lamang ng̃ walís.
Ang kaniyáng anák na si Tales (palayaw ng̃ Telesforo) ay nakisamá
muna sa isáng namumuhunan; ng̃unì’t ng̃ malaunan, ng̃ magkaroon ng̃
dalawáng kalabáw at mg̃a iláng daáng piso, ay gumawâ na sa sarili,
na katulong ang kaniyáng amá, ang kaniyáng asawa at ang kaniyáng
tatlóng anák.
Hinawan ng̃â at lininís ang makapál na gúbat na nasa labasan ng̃
bayan na inakalà niláng walâng may-arì. Nang kaniláng ginágawâ ang
lupà at máayos ay linagnát na isá isá siláng mag-aanak at namatáy
ang Iná at anák na pang̃anay na si Lucía, na nasa katamtamang
gulang. Ang bagay na iyón na sadyáng ibiníbigáy ng̃ pagkakabungkál
ng̃ lupà na saganà sa sarisarìng bágay, ay inakalà niláng higantí
ng̃ mg̃a lamán-lupàng naninirahan sa gubat, kayâ’t kinalamay nilá
ang kaniláng loob at ipinagpatuloy ang gawàin sa pag-asang lumipas
na ang pagkamuhî ng̃ espíritu. Nang aanihin na ang unang taním ay
inangkín ang mg̃a lupàng iyón ng̃ isáng “Corporación” ng̃ mg̃a prayle
na may pag-aarì sa bayang kalapít, na ang ikinakatwiran ay nasa sa
loob ng̃ kaniláng mg̃a hanganan, at upáng mapatunayan ang gayón ay
itinayô noon dín ang kaniláng mg̃a muhón. Gayón man, ay pinabayàan
siyá ng̃ tagapang̃asiwà ng̃ mg̃a parì upang pag-anihan, kailan man
at magbabayad siyá sa taón taón ng̃ isáng muntîng halagá, isáng
walâng gaano, dalawáng pû ó tatlóng pûng piso.
Si Tales, na mabaít sa dilàng mabaít, ayaw sa usapín na gaya ng̃ ibá
at masunurin sa mg̃a praile gaya ng̃ ilán, sa pag-iwas na ibunggô
ang isáng palyók sa isáng kawalì, gaya ng̃ sábi niyá, (sa ganáng
kanya’y kasangkapang bakal ang mg̃a prayle at siya’y kasankapang
pútik), ay umalinsunod sa kahiling̃an, dahil sa naisip niyáng siya’y
hindî marunong ng̃ wikàng kastilà at walâng maibabayad sa mg̃a
tagapagtanggol. At sakâ sinabi sa kanyá ni tandâng Selo, na:
--Tiisín mo na! malakí pá ang magugugol mo sa pakikipag-usapín ng̃
isáng taón kay sa magbayad ng̃ makásampû ng̃ hinihilíng ng̃ mg̃a
parìng putî. ¡Hmh! Marahil ay gantihín ka namán nilá ng̃ misa.
Ipagpalagáy mong ang tatlóng pûng pisong iyán ay natalo sa sugal,
ó kayâ’y nahulog sa túbig at kinain ng̃ buwaya.
Ang ani ay nagíng masaganà, nábilí sa mabuting halagá, at inisip ni
Tales ang magtayô ng̃ isáng bahay na tablá sa nayon ng̃ Sapang, ng̃
bayang Tiani, na kalapít ng̃ San Diego.
Nakaraán ang isá pang taón at dumatíng ang isá pang mabuting ani,
at dahil sa paganitó ó pagayóng sanhî ay ginawâ ng̃ mg̃a prayle na
limáng pûng piso ang _canon_, na pinagbayaran namán ni Tales upang
huwag siláng magkagalít at sa dahiláng umasang maipagbibilí sa
mabuting halagá ang asukal.
--¡Tiisin mo na! Ibilang mong lumakí ang buwaya,--ang páyo ni
matandâng Selo.
Nang taóng yaón ay naganáp ang kaniláng pang̃arap: manirahan sa bayan,
sa kaniláng bahay na tablá sa nayon ng̃ Sapang, at inisip ng̃ amá
at ng̃ nunò ang papag-aralin ang dalawáng magkapatíd, lalònglalò na
ang babai, si Juliana ó Hulî, gaya ng̃ kaniláng tawag, na magiging
magandá sa warì. Isáng batàng lalaki, si Basilio, na kaniláng kaibigan
at kagaya rin nilá sa urì ay nag-aaral na noon sa Maynilà.
Ng̃unì’t ang pang̃arap na itó’y warìng ukol sa hindî pangyayari.
Ang unang ginawâ ng̃ bayan, ng̃ mákita ang untîuntîng pagtigháw nilá,
ay ang paghahalal na kabisa sa pinakamalakás na gumawâ sa mag-aanak;
ang anák na pang̃anay na si Tanò ay may labíng apat na taón pá
lamang. Tinawag na ng̃âng kabisang Tales, nang̃ailang̃ang magpagawâ
ng̃ _chaqueta_, bumilí ng̃ isáng sambalilong pieltro at humandâ sa
paggugugol. Upang huwag makipagkagalít sa Kura at sa Pamahalàan ay
pinagpapaluwalan niya ang náaalís sa padrón, ipinagbabayad ang mg̃a
umaalís at namamatáy, nag-aaksayá ng̃ maraming panahón sa panining̃íl
at pagtung̃o sa _Cabecera_.
--¡Magtiís ka na! Ipagpalagáy mong dumatíng ang mg̃a kamag-ának ng̃
buwaya,--ang sabing nakang̃itî ni tandâng Selo.
--Sa taóng dárating ay magsusuot ka na ng̃ _de cola_ at paparoon ka
sa Maynilà, upang mag-aral na gáya ng̃ mg̃a dalaga sa bayan!--ang
sabí-sabí ni kabisang Tales sa kaniyáng anák kailan ma’t mádiding̃íg
dito ang mg̃a pagkatuto ni Basilio. Ng̃unì’t ang taóng dáratíng na
iyon ay hindî sumasapit at sa kanyá’y nápapalít ang pagdaragdág sa
buwís ng̃ lupà; natubigan na si kabisang Tales at nagkakamót ng̃ ulo.
Ibiníbigáy na ng̃ lutùang putik ang kaniyáng bigás sa _caldero_.
Nang umabot sa dalawáng daang piso ang _canon_ ay hindî na nagkasiyá
si kabisang Tales sa pagkamot sa ulo at pagbubuntóng hining̃á: tumutol
at bumulóngbulóng. Nang mangyari ang gayón ay sinabi sa kaniyá ng̃
prayleng tagapang̃asiwà, na, kung hindî siyá makababayad ay ibá ang
magtataním sa mg̃a lupàng yaón. Maraming may nasà ang nagbabayad.
Inakalà ni kabisang Tales na nagbíbirô ang prayle, ng̃unì’t tinótotoó
ng̃ parì ang pagsasalitâ’t itinuturò ang isá sa mg̃a alilà niyá na
siyáng kukuha ng̃ lupà. Ang kaawàawàng tao’y namutlâ, ang taing̃a
niya’y umugong, isáng mapuláng ulap ang tumakíp sa kaniyáng paning̃ín
at doo’y namalas ang kaniyáng asawa’t anák na babaing nang̃amumutlâ,
yayát, naghíhing̃alô, dahil sa walâng gisaw na lagnát. At pagkatapos
ay namalas ang makapál na gubat na nagíng bukirín, namalas niyá ang
agos ng̃ pawis na dumídilíg sa mg̃a lubák, namalas niyá siyá, siyá
rín, ang kaawaawàng si Tales, na nag-aararo sa gitnâ ng̃ arawán, na
nasusugatan ang mg̃a paa sa mg̃a bató’t tuód, samantalang ang uldóg
na iyón ay nagliliwalíw na nakasakáy sa isáng sasakyán at yaóng
kukuha ng̃ kaniyáng arì ay súsunódsunód na gaya ng̃ isáng alipin sa
kaniyáng pang̃inoon. ¡Ah, hindî! ¡makálilibong hindî! Lumubóg na muna
ang mg̃a kaparang̃ang yaón sa káilaliman ng̃ lupà at málibíng na
siláng lahát. ¿Sino ang dayuhang iyón upang magkaroon ng̃ karapatáng
makapag-arì sa kaniyáng mg̃a lupaín? ¿Nagdalá bagá siya ng̃ pumarito
ng̃ isáng dakót man lamang ng̃ alabók na iyón? ¿Nabaluktót bagá ang
isá man sa mg̃a dalirì niyá sa pagbunot ng̃ isáng ugát man lamang
na nanuód doon?
Bugnót na sa mg̃a pagbabalà ng̃ prayle na nag-aakalàng papagharìin
ang kaniyáng mg̃a karapatán sa lahát ng̃ paraan, sa haráp ng̃ ibáng
naninirahan doon ay nagmatigás si kabisang Tales, ayaw magbáyad, ni
isá mang kualta, at dalá rin sa haráp ang mapuláng ulap, ay sinabing
ipagkakaloob lamang niyá ang kaniyáng mg̃a bukirín sa dumilíg muna
doón ng̃ dugô ng̃ kaniyáng mg̃a ugát.
Nang makita ni matandâng Selo ang mukhâ ng̃ kaniyáng anák, ay hindî
nakapang̃ahás na banggitín ang buwaya, ng̃unì’t tinangkâ niyáng
paglubagín sa pagsasabi ng̃ ukol sa mg̃a kasangkapang pútik at
ipinaalaala, na sa mg̃a usapín, ang nananalo’y nawáwalán ng̃ barò’t
salawál.
--Sa alabók tayo mauuwî, amá, at walâ tayong damít ng̃ sumilang sa
malíwang!--ang sagót.
At nagmatigás na sa hindî pagbabayad ni ibigáy ang isáng dangkal
man lamang ng̃ kaniyáng lupà, kung hindî ipakikilala muna ng̃
mg̃a prayle ang katibayan ng̃ kaniláng paghahabol sa paraan ng̃
pagpapakita ng̃ kahi’t anóng kasulatan. At sa dahiláng walâng
máipakita ang mg̃a prayle ay nagkaroón ng̃ usapín, at tinanggáp ang
gayón ni kabisang Tales sa pag-asang kundî man ang lahát ay may
iláng lumiling̃ap sa katwiran at gumagalang sa mg̃a kautusán.
--Naglilingkód akó at marami ng̃ taóng akó’y naglilingkód sa harì,
sa tulong ng̃ aking salapî at mg̃a pagpapagod,--ang sábi sa mg̃a
nagwiwikàng walâ siyáng mararatíng:--hiníhilíng ko sa kaniyá ng̃ayón
na ling̃apín ang aking katwiran at liling̃apín niyá akó.
At akay ng̃ isáng kasawíán at parang sa usapín ay nátatayâ ang
kaniyáng kabuhayan sa araw ng̃ búkas at ang sa kaniyáng mg̃a anák, ay
ginugol ang kaniyáng naiipon sa pagbabayad sa mg̃a abogado, escribano
at procurador, na hindî pa kabilang dito ang mg̃a kawaní at mg̃a
taga-sulat na sinasamantalá ang kaniyáng kamangmang̃án at kalagayan.
Yao’t dito siyá sa pang̃ulong bayan ng̃ lalawigan, nakararaan siyá
ng̃ boong maghapon na hindî kumakain at hindî nátutulóg, at ang
kaniyáng pakikipagusap ay pawàng tungkol sa mg̃a kasulatan, pagharáp,
paghahabol sa lalòng may mataás na kapangyarihan, ibp. Noon nákita
ang isáng labanáng hindî pá námamasdán sa silong ng̃ lang̃it ng̃
Pilipinas: ang sa isáng marálitâng indio, mangmáng at walâng mg̃a
kaibigan, tiwalà sa kaniyáng katwiran at sa kabutihan ng̃ kaniyáng
pinag-uusig, na nakikilaban sa isáng malakás na “corporación” na
niyuyukuán ng̃ kapangyarihan at sa haráp niyá’y binibitiwan ng̃ mg̃a
hukóm ang kaniláng timbang̃an at isinusukò ang kaniláng tabák. Mapilit
sa pakikitunggalî na warìng langgám na kumákagát, gayóng nakikilalang
siyá’y matitirís, warìng lang̃aw na tinátanaw ang kalawakang walâng
hanggán sa likód ng̃ isáng salamín. ¡Ah! Ang kasangkapang lupà, sa
pakikipaglaban sa mg̃a _caldero_, ay may nakahahang̃à ring anyô,
sa pagkadurog: tagláy niyá ang kaigting̃án ng̃ pagdumog ng̃ walâng
pag-asa. Sa mg̃a araw na hindî siyá naglalakbáy, ay dinadaán niyá sa
paglilibót sa kaniyáng bukirín na dalá ang isáng baríl, sinásabisabí
niyáng ang mg̃a tulisán ay nangloloob at nang̃ang̃ailang̃áng magtanggol
siyá upang huwag mahulog sa kaniláng mg̃a kamáy at matalo ang úsap.
At warìng pagsasanay sa pagtudlâ ay binabaríl ang mg̃a ibon at mg̃a
bung̃ang káhoy, bumabaríl ng̃ mg̃a paróparó ng̃ walâng kalihíslihís,
kayâ’t ang tagapang̃asiwàng uldóg ay hindî na nang̃ahás na tumung̃o
sa Sapang kung walâng kasamang mg̃a guardia sibil, at ang palamon
ng̃ parì na nakakita sa magandáng tíkas ni kabisang Tales na naglilibót
sa kaniyáng bukirín na warì’y isáng bantáy, ay umayáw nang lipús ng̃
tákot na kunin ang pag-aarì.
Datapwâ’y hindî makapang̃ahás na bigyán siyáng katwiran ng̃ mg̃a hukóm
pamayapà sa bayan at nang nasa _cabecera_, dahil sa natatakot maalís
sa katungkulan, sapagkâ’t nadadalâ na dahil sa isáng kaagad-agad
ay inalís. At hindî namán masasamâ ang mg̃a hukóm na iyón, pawàng
taong matatalino, matapát, mabubuting mámamayán, maririlag na mg̃a
magulang, mabubuting anák... at nakatataya ng̃ kalagayan ni Tales
ng̃ mabuti pa kay sa sariling may katawán. Marami sa kanilá ang
nakababatíd ng̃ mg̃a sanhî at pangyayari nang pagkakaarì, alám
niláng ang mg̃a prayle ay hindî dapat magkaroon ng̃ mg̃a pag-aarìng
lupà alinsunod sa kaniláng mg̃a palatuntunan, ng̃unì’t alám dín
namán nilá na ang panggagaling sa malayò, ang pagtatawíd dagat sa
pagtupád sa katungkulang pinaghirapang lubhâ bago nákamít, mag-usig
na makagampáng mabuti at pawalán ang lahát ng̃ iyon dahil lamang sa
sinapantahà ng̃ isáng indio na ang katwiran ay gáganapín sa lupà
ng̃ gaya sa lang̃it, ¡abá! isá rin namáng kahibang̃án ang gayón!
Silá ay mayroon dín namáng mg̃a kaának at marahil ay may malakí
pang pang̃ang̃ailang̃an kay sa indiong yaon: ang isá’y may ináng
pinadadalhán sa tuwina ng̃ salapî, at ¿mayroon pa bang kabanalbanalang
bagay na gaya ng̃ pakanin ang isáng iná?; ang isá ay may mg̃a kapatíd
na babaing nápapanahón sa pag-aasawa, ang isá pa’y may mg̃a anák na
maliliít na nag-aantáy ng̃ pagkain na warìng mg̃a inakáy sa pugad na
marahil ay mang̃amatáy pagdatíng ng̃ araw na maalís sa katungkulan;
at ang pinakamuntî ay may asawang nálalayô, lubhâng malayò, na kung
hindî tumanggáp ng̃ ukol na salapî ay magigipít...... At ang lahát
ng̃ hukóm na iyon, na ang marami sa kanilá’y may mg̃a budhî at may
malinis na hilig, ay nag-aakalàng ang lalòng pinakamabuti niláng
magagawâ ay ang himukin sa pagkakasundô, sa paraang magbayad si
kabisang Tales ng̃ buwís na hinihing̃î. Ng̃unì’t si Tales, gaya ng̃
sinomang may maiklîng paghuhulò, ay patuloy sa layon, kailan ma’t
nakakábanaag ng̃ katwiran. Humihing̃î ng̃ mg̃a katunayan, katibayan,
kasulatan, _título_, ng̃unì’t walâng máipakita ang mg̃a prayle at
walâng pinanghahawakan kundî ang mg̃a nakaraang pag-alinsunód.
Datapwâ’y, ang tutol namán ni kabisang Tales:
--Kung sa araw araw ay naglilimós akó sa isáng pulube upang huwag
na lamang akóng yamutín ¿sino ang makapipilit sa akín na magpatuloy
akó sa pagbibigay, kung nagpapakasagwâ namán?
At walâng makapag-patinag sa kaniyá sa gayón at walâ namáng bantâng
makapagpalubág sa kaniyá. Walâng nangyari sa Gobernador M.... na
naglakbáy at sinadyâ siyá upang takutin; ang lahát ay sinasagót niyá
nang:
--Magagawâ ninyó ang ibig gawín, G. Gobernador, akó’y isáng mangmáng
at walâ akóng lakás. Ng̃unì’t inayos ko ang mg̃a bukiríng itó, ang
asawa ko’t anák ay nang̃amatáy sa pagtulong sa akín sa paglilinis,
kayâ’t hindî ko siyá maipagkákaloob sa sino mang hindî makagawâ
sa kanilá ng̃ higít sa ginawâ ko. Diligín muna silá ng̃ dugô ng̃
nagnanasà at ilibíng sa kanilá ang asawa’t anák.
Ang kinahinatnán, sa katigasang itó ng̃ ulo, ay ang bigyán ng̃
katwiran ang mg̃a prayle ng̃ mg̃a matapát na hukóm, at siya’y
pinagtátawanán ng̃ balà na at pinagsasabihan pang hindî naipapanalo
ang mg̃a usapín ng̃ dahil sa katwiran. Gayon man ay patuloy din
siyá sa paghahabol, linalagyán ng̃ punlô ang kaniyáng baríl at
mahinahong liniligíd ang kaniyáng lupaín. Sa kapanahunang iyón ay
warìng isáng pang̃arap ang kaniyáng kabuhayan. Ang kaniyáng anák na
si Tanò, binatàng kasingtaas ng̃ amá, at gaya ng̃ kapatíd na babai sa
kabutihan, ay násundalo; pinabayàan niyáng lumakad at hindî ibinayad
ng̃ mákakapalít.
--Magbabayad akó sa mg̃a abogado,--ang sabi sa anák na babaing
umíiyák:--kung manalo akó sa usapín ay mapababalík ko siyá, ng̃unì’t
kung akó’y matalo ay hindî ko kailang̃an ang anák.
Lumakad ang anák at ang tang̃ìng balitàng tinanggáp ay ang pinutulan
ng̃ buhók at natutulog sa ilalim ng̃ isáng karreta. Nang makaraan
ang anim na buwan ay may nagsabing nákitang dinalá sa Carolinas;
may iláng nagbabalitàng tila nákitang suot guardia sibil.
--¡Guardia sibil si Tanò! ¡Susmariosep!--ang pamanghâ ng̃ ilán na
sabáy sa pagtatalukob kamáy:--¡Si Tanò na napakabuti at napakabaít!
¡Rekimeternam!
May iláng araw na hindî binatì ng̃ nunò ang amá, si Hulî ay
nagkasakít, ng̃unì’t hindî tumulò ang isá mang paták na luhà ni
kabisang Tales; dalawáng araw na hindî umalís sa bahay, na warìng
nang̃ang̃ambá sa pagsisi ng̃ kaniyáng mg̃a kanayon; natatakot tawaging
siyáng pumatáy sa kaniyáng anák. Ng̃unì’t ng̃ ikatlóng araw ay mulîng
lumabás na dalá ang kaniyáng baríl.
May nagsapantahà na siya’y may nasàng pumatáy ng̃ tao at may isáng
nagsabi na náding̃íg umanóng ibinúbulóng niyá ang balàng ibaón
ang uldóg sa mg̃a lubák ng̃ kaniyáng bukirín; kayâ’t mulâ noo’y
kinatakutan na siyáng lubhâ ng̃ prayle. Dahil dito’y pumanaog ang
isáng utos ng̃ Capitán General na nagbabawal ng̃ paggamit ng̃ baríl
at ipinasásamsám na lahát. Ibinigáy ni kabisang Tales ang kaniyáng
baríl, ng̃unì’t nagpatuloy dín sa kaniyáng pagbabantáy na ang dalá
ay isáng mahabàng iták.
--¿Anó ang gágawin mo sa iták na iyán sa ang mg̃a tulisán ay may
baríl?--ang sabi sa kaniyá ni matandâng Selo.
--Kailang̃an kong bantayán ang aking mg̃a pananím,--ang sagót;--ang
bawà’t isáng tubó doon ay isáng butó ng̃ aking asawa.
Inalisán siyá ng̃ iták dahil sa nápakahabà. Ang ginawâ namán niyá
ay kinuha ang matandâng palakol ng̃ kaniyáng amá at ipinatuloy ang
kaniyáng paglalakád na nakapang̃ing̃ilabot.
Si matandâng Selo at si Hulî ay nang̃ang̃ambá sa tuwîng áalís siyá
ng̃ bahay. Si Hulî ay títindíg sa habihán, dudung̃aw, nagdádasal
ng̃ mg̃a nobena. Ang matandâ namán ay hindî mátumpák kung minsán
sa pagyarì ng̃ buklód ng̃ walís at násasabisabíng pagbábalikán ang
gubat. Ang pamumuhay sa bahay na iyón ay nápakahirap.
Nangyari din ang kinatatakutan. Sa dahiláng ang bukid ay malayò sa
pook ng̃ mg̃a bahay, kahì’t na may palakól si kabisang Tales ay
nabihag ng̃ mg̃a tulisán, na may mg̃a rebolber at baríl. Sinabi sa
kaniyá ng̃ mg̃a tulisán na yamang mayroon siyáng náibabayad sa mg̃a
hukóm at tagatanggol-usap ay dapat din namán siyáng magkaroon ng̃
máibibigay sa mg̃a náwawakawak sa kabuhayan at mg̃a pinag-uusig. Dahil
doon ay hining̃án siyá ng̃ limáng daang pisong tubós sa pamag-itan
ng̃ isáng tagabukid at pinatibayan pang pag may nangyari sa utusán
ay itítimbáng ang búhay ng̃ dakíp. Dalawáng araw ang ibinigáy na
taning.
Ikinasindák na lubhâ ng̃ mag-anak ang balità at lalò pa mandíng
naragdagán ang gayón, ng̃ mabatíd na lálabás ang Guardia sibil
upang usigin ang mg̃a tulisán. Kung magkátagpô at magkálabanán ay
alám ng̃ lahát na ang unang mápapatáy ay ang dakíp. Nang tanggapín
ang balità’y hindî nakatinag ang matandâ, at ang anák na babai, sa
gitnâ ng̃ pamumutlâ’t pagkasindák, ay makáilàng nagnasàng mang̃usap,
ng̃unì’t hindî nangyari. Datapwâ’y isáng hinalàng lalòng mabigát ang
nakapagpabalík sa kaniláng diwà. Ang sabi ng̃ tagabukid na inutusan
ng̃ mg̃a tulisán, ay marahil magsisilayô silá, kayâ’t kung magluluwát
sa pagbibigáy ng̃ tubós ay lalawig ang araw at si kabisang Tales ay
pupugutan ng̃ ulo. Ang sabing itó’y nakatulíg sa dalawá, na kapuwâ
mahihinà at kapuwâ walâng magawâ. Si tandâng Selo ay mápaupô’t
mapatindíg, akyát manaog, hindî malaman ang tung̃uhin, hindî malaman
ang lapitan. Si Hulî’y padulógdulóg sa kaniyáng mg̃a larawan ng̃
santó, ulî’t ulîng binilang ang salapî, ng̃unì’t ang dalawáng
daang piso’y hindî nararagdagán, ayaw dumami, bigláng magbibihis,
iipunin ang lahát ng̃ kaniyáng hiyás, hihing̃îng sangunì sa matandâ,
tatangkâíng makipagkita sa Kapitán, sa hukóm, sa tagasulat, at sa
teniente ng̃ Guardia sibil. Oo ang sagót ng̃ matandâ sa lahát, at pag
sinabi ng̃ batàng huwag ay huwag dín namán siyá. Dumatíng ang iláng
babaing kapitbahay na kamag-anakan at kakilala, mg̃a marálitâ, at
may maralitâ pa kay sa ibá, mg̃a walâng malay na tao at minámalakí
ang lahát ng̃ bagáy. Ang pinakamatalas sa lahát ay ang pusakál na
pagingera na si Hermana Balî na nanirahan sa Maynilà upang mag
_ejercicio_ sa beaterio ng̃ La Compañía.
Ipagbibilí ni Hulî ang lahát ng̃ kaniyáng mg̃a hiyás liban lamang
ang isáng agnós na may brillante at esmeralda na bigáy ni Basilio.
Ang agnós na iyon ay may kasaysayan; ibinigáy ng̃ _monja_ na anák ni
kapitáng Tiago sa isáng ketong̃in, dahil sa pagkakagamót ni Basilio
sa may sakít ay ibinigáy nitó na parang isáng handóg. Hindî niyá
máipagbilí hanggáng hindî maalaman ng̃ nagbigáy.
Madalíng ipinagbilí ang mg̃a sukláy, hikaw at kuwintás ni Hulî sa
isáng mayamang kapitbahay at dinagdagán pá ng̃ limáng pûng piso;
kulang pa rin ng̃ dalawang daan at limang pû. Maaarìng isanglâ ang
agnós, ng̃unì’t nápailíng si Hulî. Iminunkahì ng̃ isáng kalapít na
ipagbilí ang bahay, bagay na sinangayunan ni tandâng Selo ng̃ boông
lugód, sapagkâ’t bábalík sa gubat upang makapang̃ahoy na mulî na
gaya noong una, ng̃unì’t ang gayón ay hindî mangyayari ang sábi ni
Hermana Balî sa dahiláng walâ ang tunay na may-arì.
--Minsan ay pinagbilhan akó ng̃ isáng tápis ng̃ asawa ng̃ hukóm,
sa halagáng piso, at kadumatdumat ay sinabi ng̃ asawa na walâ raw
kabuluhán ang bilihang iyon sapagkâ’t walâ siyang malay. ¡Abá! Kinuha
sa akin ang tápis at hindî isinaulî sa akin ng̃ babai ang piso
hangga ng̃ayón, ang ginágawâ ko namán ay hindî ko siyá binabayaran sa
panginge kung siya’y nananalo, abá! Sa gayóng paraan ay násing̃íl ko
siyá ng̃ labíng dalawáng kualta; dahil lamang namán sa kaniyá kung
kayâ akó nagsusugál. Hindî ko mapapayagang hindî akó pagbayaran, abá!
Tátanung̃ín sana ng̃ isáng kalapít kung bakit hindî siyá pinagbabayaran
ni Hma. Balî sa isáng maliit na utang, ng̃unì’t natalasan ng̃
pangingera, kayâ’t nagpatuloy kaagád:
--¿Alam mo Hulî ang mabuti mong gawín? Isanglâ mo muna sa halagáng
dalawáng daan at limáng pùng piso ang bahay, sanlâng pagbabayaran
hanggáng sa manalo ang usap.
Itó ang pinakamabuti sa mg̃a balak, kayâ’t tinangkâng gawín noon
ding araw na iyon. Sinamahan ni Hermana Balî at linibot nilá ang
lahát ng̃ bahay ng̃ mayayaman sa Tiani, ng̃unì’t walâng pumayag sa
gayóng kasundûan: anilá’y talo ang usap, at ang pagtulong sa isáng
kalaban ng̃ mg̃a prayle ay parang humahandâ na sa paghihigantí nitó.
Sa kahulihulihan ay nakátagpô rín ng̃ isáng matandâng mapanata na
nahabág sa kaniyáng kalagayan, ibinigáy ang halagá sa pamag-itan ng̃
kasundûan na si Hulî’y paaalilà sa kaniyá hanggáng sa mabayaran ang
utang. Sa isáng dako namán ay walâng maraming gagawín si Hulî, manahî
lamang, magdasál, samahan siya sa simbahan, magpanatá maminsánminsán
ng̃ patungkol sa kaniyá. Lumuluhàng pumayag si Hulî sa kasundûan,
tinanggáp ang salapî at nang̃akòng sa kinabukasan, araw ng̃ Paskó,
ay maglilingkód na siyá.
Nang matantô ng̃ matandâ ang gayóng halos pagbibilí ng̃ katawán,
ay nag-iiyák na warì’y batà. Dî yatà’t ang apó niyáng yaón na ayaw
niyáng palalakarin sa init ng̃ araw upang huwag masunog ang balát,
si Hulîng may maliliít na dalirì at mapuláng sakong, ¡dî yatà! ang
binibining yaón na siyáng pinakamagandá sa nayon at marahil ay sa
boong bayan, na lagì nang tinátapatán ng̃ mg̃a binatàng nagtutugtugan
at nagkakantahan, ¡dî yatà! ang bugtóng niyáng apó, ang kabugtóng
niyáng anák, ang tang̃ìng lugód ng̃ malabò niyáng paning̃ín, yaong
pinang̃arap niyáng nakasayang mahabà, nagsasalitâ ng̃ wikàng kastilà
at nagpapaypáy ng̃ pamaspás na may mg̃a pintá, na kagaya ng̃ mg̃a
anák ng̃ mayaman, ¿yaón ang papasók na alilàng kagagalitan at
pagwiwikàan, upang masirà ang kanyáng mg̃a dalirì, upang mákatulog
sa kahì’t saang sulok at mágisíng nang walâng patumangâ?
Ang matandâ’y walâng humpáy sa kaiiyák, sinásabisabíng siya’y
magbibigtí at magpapakamatáy sa gutom.
--Kung áalís ka--ang sabi--ay babalík akó sa gubat at hindî na akó
tútuntóng ng̃ bayan.
Pinapayuhan siyá ni Hulî na kinakailang̃ang makabalík ang amá, at
pag nanalo ang usapín ay madalî siyáng matutubós sa pagkaalilà.
Dinaang malungkót ang gabíng yaon; alín man sa dalawá ay hindî
nakakain at ang matandâ’y nagmatigás na hindî humigâ, at magdamág na
naupô na lamang sa isáng sulok, walâng imík, ni kakibôkibô, at hindî
man kumikilos. Sa isáng dako namán ay tinangkâ ni Hulî ang matulog,
ng̃unì’t malaong hindî nápikít ang mg̃a matá. Nang mapayapà na dahil
sa kapalaran ng̃ magulang, ay ang kaniyá namáng kalagayan ang inisip
ng̃unì’t tinitimpî ang pag-iyak na walâng humpáy upang huwag máding̃íg
ng̃ matandâ. Sa kinabukasan ay alilà na siyá, at yaón pá namán ang
araw na karaniwang idatíng ni Basilio na galing sa Maynilà’t may
daláng handóg sa kanyá.... Dapat na niyáng limutin ang pag-irog na
iyon; si Basilio, na dî malalao’t magiging manggagamot, ay hindî
maaarìng mag-asawa sa isáng maralitâ.... At nákikiníkinitá niyá na
tumutung̃o sa simbahang kasama ng̃ pinakamayaman at pinakamagandáng
dalaga sa bayan, na kapuwâ silá gayák na gayák, maliligaya at kapuwâ
nang̃akang̃itî, samantalang siyá, si Hulî, ay súsunódsunód sa kaniyáng
pang̃inoon at ang dalá’y nobena, hitsó at durâan. Pagsapit sa dakong
itó’y nakáramdám siyá ng̃ isáng paghihigpít ng̃ lalamunan, isáng
pataw na malakí sa pusò at hiníhing̃î niyá sa Birhen na mamatáy na
muna siyá bago mámalas ang gayón.
--Datapwâ’t--aniyá sa sariling budhî--málalaman niyá na pinilì ko
pá ang akó na ang másanglâ kay sa masanglâ ang agnós na bigáy niyá
sa akin.
Ang pagkukuròng itó’y nakapagpalubág ng̃ kauntî sa kaniyáng samâ ng̃
loob at nagpang̃aráp na siyá ng̃ sarìsarì. ¿Sino ang makapagsasabi?
maaarìng mangyari ang kababalagháng makakuha siya ng̃ dalawáng
daán at limáng pûng piso sa ilalim ng̃ larawan ng̃ Birhen; marami
na siyáng nábasang kababalaghán na gayón ang pangyayari! Maaarìng
huwag sumilang ang araw at samantalà’y mapanalo ang usap bago
mag-umaga. Maaarìng makabalík ang kaniyáng amá; makapupulot siya sa
bakuran ng̃ isáng gusì, ang mg̃a tulisán ang siyáng may padalá sa
kaniyá ng̃ gusì; ang kura, si P. Camorra na nagbíbirô sa kaniyáng
parati, ay mangyayaring dumatíng na kasama ng̃ mg̃a tulisán....
lumalaon lumalaon ay untî-untîng naguguló ang kaniyáng mg̃a pag-íisip
hanggáng, sa, dahil sa pagkapatâ at pagdadalamhatì ay nákatulog, na
pinapang̃arap ang kaniyáng kabatàan doon sa gitnâ ng̃ kagubatan:
siyá’y naliligò sa batis na kasama ang dalawá niyáng kapatíd, may
mg̃a isdâng sarìsarì ang kulay na napahuhuling warì’y tang̃á, at
nayayamót siyá sapagkâ’t hindî siyá masiyahang loob sa panghuhuli
niyóng mg̃a isdâng nápakaamò: si Basilio ay nasa ilalim ng̃ tubig,
ng̃unì’t hindî niyá maalaman kung bakit ang mukhâ ni Basilio ay ang
sa kaniyáng kapatíd na si Tanò. Silá’y minamatyagán mulâ sa pangpáng
ng̃ kaniyáng bagong pinaglilingkuráng babai.
V