"Pan~gimbuló niya,i, lalo nang nag-álab

nang aco,i, tauagin tangulan n~g Ciudad"...

CORONA, sa

"ang Conde Adolfo,i, nag-papacamatáy

dahil sa Corona, cay Laura,i, macasal".

AQUIN, sa

"Dî binig-yang daang aquing pang mabunot

ang sacbát na cáliz at maca-pamoóc."

BAYAAN, sa

"!ay Amá co! ¿baquit...? !ay Fleridang toua!

catoto,i, bayaan aco,i, mapayapa".

MAGTA-ANANG, sa

"aquing na-acalang magdamit guerrero

cúsang magta-anang sa Real Palacio".

Tungkol sa "sagli-saglit" ay di kaya kahalintulad iyan ng salitang

"hugos"? O lalong maliwanag: ang "g" kaya riyan ay di katulad lamang

ng "g" sa "hugos"--na naging isa lamang kamalian, at kamaliang sa bisa

rin ng kabunyian ng "Florante" ay nagkaroon na tuloy--ang "saglit"--ng

kahulugang walang pinag-ibhan ngayon sa "salit"? Walang pinag-ibhan,

ang aming sabi, at ang ganito ay di lubhang wasto. Nararapat

ipaliwanag, na ang di pagkakaiba ay ayon lamang sa ilan diyan. Sa

ganang kanila, ang "saglit" at ang "salit" ay iisa rin, gaya ng

pagkakaisang kahulugan ng "alumanahin" at "alintanahin", ng

"kagalawad" at ng "kagawad", ng "umahon" at ng "lumusong", atbp.

Nguni't sa katotohanan ay iba ang "saglit" at iba naman ang "salit".

Ang una ay kasinghulugan halos ng "sandali", bagama't ang "salit"--ay

kasingkahulugan naman ng "halo", o ng "kasama", o ng "ibaiba".

Kaya, ang "saglit-saglit" sa tulang: "dini sa li-ig co,i, cusáng

isasabit--tuhog na bulaclac sadyang saglit-saglit" ay isang kamalian

lamang ng "salit-salit"--na napasukan lamang ng "g", at ang kamaliang

iyan ay hindi na nabago, nanatili na sa habang panahon, hanggang sa

dahil nga sa kabunyian ng "Florante" ay naging sanhi na tuloy ng

pagkakaroon ng kahulugang gaya rin ng "salitsalit" o "sarisari".

Tungkol sa "luha" ay ganito rin ang na kay P. Sayo; nguni't kay De los

Santos--"grande seria mi suerte y _harto_ apetecible"--at sa "Kun

sino ..." ay "lubha" ang nakalagay....

"malaking palad ko't matamis na lubha" ... na napaghahalatang kay

liwanag na kamalian. At mali, sapagka't "luha" nga lamang "ang ualang

patid na ibinabaha nang mga matá" ni Aladin. Anya:

"Cun ang ualang patid na ibinabahá

n~g m~ga matá co,i, sa hinayang mulà

sa m~ga palayao ni amá,t, arugà

malaquíng palad co,t, matamis na luhà".

Nariyan nga ang isa pang salitang napasukan ng isang malikot na "b",

na ipinag-iba ng kahulugan, at kaibhang mahirap na mahalata, kung

walang ibang siping mapagtutularan.

Tungkol sa "mag-aala-ala": ito ang kay hirap na kilalanin. Hindi natin

malaman kung talagang iya'y kasamahan lamang ng mga "kinalalagi-an" at

"doon~gan", na kay hirap hinagaping kamalian lamang ng kahista, o kung

tunay na kamalian nga lamang nito. Lalo't kung ganyang ang

pagkakasulat--"mag-aala-ala"--balangkas matanda at kauri ng

"catao-an", "muc-ha" at iba't iba, ang alinlangan ay maaaring laktawan

sa pamamagitan lamang ng pag-aming iyan nga ay kinatisuran lamang ni

Balagtas. Nguni' t hindi naman kaya "mag-aalala" ang diya'y nakalagay?

Hindi kaya ganito ang pagkakatula?:

"ito ang mapait sa lahat nang dusa

¡sa aquin ay sino mag-aala-ala!"

O ang "sino ang" ay di kaya "sinong" upang basahin namang gaya ng na

kay P. Sayo?:

"Ito ang mapait sa lahat nang dusa

¡sa aquin ay sinong mag-aala-ala!"

Tungcol sa "nang", sa tulang:

"Cung nasusuclám ca sa aquing candun~gan,

lason sa pusô mo nang hindi binyagan"...

ay "ang" ang nakalagay kay De los Santos at sa "Kun sino ..."; nguni't

sa aming sipi at kay P. Sayo ay "nang" ang nakalagay. Isa rin itong

mahirap pasiyahan. Walang alinlangang ang "ang" ay lalong

maliwanag--(lason sa puso mo ang hindi binyagan)--at kasingliwanag ng

"sa" sa saad na:

"ang di nabalinong matibay kong dibdib

sa suyo ng hari, bala at paghibik"....

na ipinalit ng "Kun sino ..." sa "ng" na nauuna sa "suyo"; wala ngang

alinlangang ang dinadaliring "ang" ay kasingliwanag ng "sa"; nguni't

hindi kaliwanagan, ayon sa pangwatas natin ngayon, ang dapat na

papaghariin, kundi ang katotohanang ginawa ni Balagtas. Para sa atin

ngayon ay may ilang nadadaliri tayong malalabo sa ating pangwatas,

gaya halimbawa niyaong nagsisimula sa:

"Parang naririn~gig ang laguì mong uica"

at niyaong "maglilong lácad" sa:

"¿cagandaha,i, báquit dî macapagcalág

nang pagca capatid sa maglilong lácad?"

at saka niyaong:

"¿dili ang dan~gal mong dapat na lin~gapin

mahiguit sa ualáng cagandaha,t, ningning?"

lalo na yaong biglaang isinaksak na lamang at sukat, na parang

panauhing sumipot na lamang at sukat, walang ano mang kapasapasabi at

ni hindi man lamang nagbigay ng "magandang araw", na:

"!cung anó ang taás, n~g pagcadaquilâ

siyaring lagapác namán cong marapá".

na ginawang pangdulo sa tulang nagsisimula sa: "Ito ay hámac pa bagáng

sumansalà ...?"

Ang lahat ngang iyan ay pawang tila hindi wasto, sa ganang atin

ngayon, at tila malabo. Hindi wasto ang pagsipot at sukat nitong

kasabihang panghuli; hindi wasto, sa kahulugang di dapat mapaugnay sa

mga sinusundan; at ang nangauuna naman ay malalabo sa atin ngayon,

hindi maliwanag. Nguni't gayon pa man ay karapatdapat na igalang,

huwag baguhin, pabayaan sa datihang lagay.

Kaya, malabo man nga ang "nang", at lalo man ngang maliwanag ang

"ang", iyang "nang" na iyang naging "ang" sa "Kun sino ..." ay tila

dapat ding igalang. Hindi kailangan kung malabo man. Anong malay natin

kung maliwanag iyan sa kanilang pagbabalangkas noong araw? Saka, ang

"nang" diyan ay maaaring itinatalamitan ni Balagtas sa "candun~gan",

at ang ibig niyang palitawing lason ay hindi ang "di binyagan"--ang

moro--kundi ang "candun~gan ng hindi binyagan"--ang kandungan ng

morong sa malas ay kinasusuklaman ni Florante.

Tungkol sa "anaqui,t,"--may _ligazon_ "t"--ay ito ang tanging

"anaqui", na ginamitan ng pang-ugnay ni Balagtas, sapagka't talagang

garil, pag hindi linagyan. Hindi nga maaaring sabihin ang:

"Pag ibig anaqui aquing naquilala"....

subali't sa iba't ibang nasangkapan ng katagang iyan ay hindi

nangailangan ng ano mang pang-ugnay ó _ligazon_.

"Tungkol sa Ualang", sa saad na:

"ay bago,i, sa mundo,i, ualang quisáp matá

ang tauo,i, mayroong súcat ipagdusa".

ang "ualang" naririyan ay "balang" sa iba't iba. Aywan natin kung alin

diyan ang tumpak; at kung aalagataing sa talatang iya'y may isa pang

katagang napaiba rin kay sa nangasa ibang "Florante" ay lalo na tayong

mag-aalinlangan. Hindi nga lamang "ualang" ang napapaiba, kundi gayon

din naman ang "bago,i,"--na sa iba, ay walang pang-ugnay. "Bago"

lamang ang nakalagay, gayon sa "Kun sino ...", gayon sa palimbag ni P.

Sayo.

Tungkol sa "uica,i," sa sabing:

"cundî ang uica,i, "icao na umagao" ...

ay lainlangan kami sa aming sipi. Hindi namin matiyak kung talagang

ganito ang sinipian namin, o kung natularan lamang namin ang ganyang

nasa "Kun sino ..." Nguni't kay P. Sayo ay dinagdagan ng

"hin"--ginawang "kung hindi" ang "cundî"--upang maging tama lamang ang

bilang. Dapuwa't pabaligtad na lumabas. Salungat sa ibig sabihin ni

Balagtas, at sinsay sa tumpak na paggamit ng "kundi" at ng "kung di".

Iba ito at iba yaon. Maging sa kastila man ay iba ang "sino" sa "si

no"; at si Balagtas, na dalubhasa, maging sa tagalog at maging sa

kastila, taong nag-aral at nakatatalos kung ano ang kahulugan ng isa

at isa, ay hindi makagagamit ng "kung hindi" sa dapat sabihing

"kundi", gaya na nga sa dinadaliring pangungusap. Ang dagdag ngang

"hin" ni P. Sayo ay hindi kay Balagtas.

Tama ang sabi ni De los Santos, na sa katagang "uica,i," isang

kamalian ang nagawa. Sa kanyang salin ay "uinica" ang nakalagay. At

ito, sa palagay namin, ang tama. Siyang nasa tunay na "Florante".

Tungkol sa "homihip", sa tulang:

"homihip ang han~gi,t, agád nahiualáy

sa pasig atenas ang aming sasaquián".

ay "humihip" din ang nakalagay kay P. Sayo at sa ingat ni De los

Santos; nguni't sa "Kun sino ..." ay "umihip". Na, isang katagang

maringig sa maraming bibig, Walang pinag-ibhan sa "ipin" (ngipin),

"usò (nguso), "alâ" (walâ), "angin" (hangin), at marami pang

kabalbalang nagkalat diyan.

Tungkol sa "magcatotoo", sa tulang:

"aniya,i, bihirang balita,i, magtapát

cong magcatotoo ma,i, marami ang dagdág".

ay isa rin sa nasa aming siping pinag-aalinlanganan namin, kung

ganyang nga kayang talaga ang nasa aming sinipian, o kung nagagad

lamang namin sa "Kun sino ..." ayon kay De los Santos ay "magtotoo"

iyan, at ganyan din ang na kay P. Sayo. At tila ganito nga ang tama.

Ang "magtapat" at "magtotoó" ay parang "mangga at suman" o "pulot at

gatá sa balangkas na iyan. Nguni't, hindi naman kaya ang "cong" o

"kung" ang labis diyan? Hindi kaya ang talagang ginawa ni Balagtas ay:

"...bihirang balita,i, magtapat

magcatotoo ma,i, marami ang dagdág"?

Tungkol sa "naglalathala" ay naging "m" sa "Kun sino ..." at kay P.

Sayo. Ganito rin--("difundirâ")--ang kay De los Santos. Subali' t ang

aming sipi, na di namin pinag-aalinlanganan, ay "naglalathalà" ang

talagang nakalagay. May palagay kaming ang "maglalathala" ay siyang

talagang tumpak, sapagka't sa dakong unahan ay may ganitong

pangungusap:

"Ang uica,i, ó Duque, ang quiás na itó

ang siyang camuc-ha n~g bunying guerrero,

aquing napan~garap na sabi sa iyó,

maguiguing haligui n~g Cetro,t, Reino".

Maliwanag ang "maguiguing haligui"; at sa saad na ito ay walang ibang

tumpak na ikapit kundi "maglalathalà ng capurihan co at

capangyarihan". Mali nga ang "naglalathala".

At sa tulang kasisipi lamang ay may mapupuna rin tayong tila kamalian

lamang: ang "aquing napan~garap na sabi sa iyó". May palagay kaming

hindi kay Balagtas iyan. Nguni't ganyan ang nasa aming sipi at kay P.

Sayo. Samantalang sa "Kun sino ..." ay "aking napangarap nasabi sa

iyo". Na, lalong naging gago. Gago man sa pangungusap ang "aquing

napangarap na sabi sa iyo" ay hindi sa pagkakasulat, sapagka't

mayroong "na" sa pagitan ng "napangarap" at "nasabi". Nguni't ang "na"

riyan ay hindi _ligazon_ kundi tunay na panglapi, na gaya ng

karamihang iba't ibang panglapi sa aklat na ito ay karaniwang

inihihiwalay sa dapat lapian. Katunaya'y nariyan ang "mag hiualay",

"na abâ" (isang na abâ), "nag hahandog", "mapag uunauà, "nag sisi

silâ" (nagsisisilâ), "na acay" (naacay lumiyag), "mapag ala-ala", "ma

anyó" (maanyong tumitig), "pag lililo", "nag hihimutóc", "nag

aapuhap", "pang aliu", "mag mulâ", "mag aama", "nag bagong hibic",

"mag bubo", "mag papasalamat", "nan~ga caacmâ", "mag aliu", at marami

pa: mga panglaping kung bakit inihihiwalay, gayong malimit din namang

isama o ikabot sa mga ugat. Napaghahalatang sa mga kahistang gumawa sa

"Florante" ng 1861 ay may napasamang mangmang; at ang pagkakaibaiba ng

pagkasulat o pagkalimbag ng mga salita--na sa isang dako'y tumpak,

kabit ang mga panglapi sa mga dapat sa kabitang ugat, samantalang sa

ibang dako nama'y hiwalay at may pinagkakabit namang hindi dapat

pagsamahin--ay walang ibang pinatutunayan kundi ang pagkakaroon nga ng

araláng kinatulong ng mga sanáy at maalam.

At sa kamay ng araláng iyan nagdaang walang sala ang bahaging

dinadaliri natin. Kaya, ang "na" ay napahiwalay sa "sabi". Na siyang

sa "Kun sino ..." ay ikinabit sa dapat pagkabitan, ginawang

"napangarap" "nasabi", at siyang lalong ikinagago. Gago na sa

pamimigkas ay gago pa sa pagkasulat. Kaya, ang "na" kay De los Santos,

na "lo seño y te avisó" (napangarap at nasabi sa iyo), ay siyang tama.

Sa pamamagitan nito, ang kagarilan ng "aquing napangarap nasabi sa

iyó" ay naging pagkasarapsarap sa "aking napangarap at nasabi sa iyo".

Na, labis naman dito ang bilang ng pantig? Labis nga, sa pagkakasulat,

nguni't hindi sa pamimigkas. Kahalintulad lamang ng mga halimbawang

nadaliri na sa ika 20, ika 45 at ika 46 na paliwanag. At wala ring

pinag-ibhan sa "dampiohan", na kung isusulat ngayon ay "dampiyohan",

na:

"Halina, irog co,t, ang damit co,i, tingnán,

ang hindi mo ibig dampioháng calauang"...

Paano nga ang gagawin, kung ang "dampiohan" ay isusulat ng

"dampiyohan", ayon sa bagong pagsulat? Mapaiikli kaya ang "dampiyohang

kalawang", upang maging sukat sa pantig?

Na, sa salitang iyan ay maipapalit ang "dapyohan" pagka't siya ring

kahulugan, at iisa rin naman ang "dapyo" at "dampiyo"? Maaari nga;

nguni't sino ngayon ang makatitiyak kung alin ang ginamit ni Balagtas?

At sakaling "dampiohan" ay ano at papapalitan natin sa para sa kanya

naman ay iisang bigkas lamang ang "iya", "iyo" atbp. ayon sa mga

halimbawang dinaliri, at para sa kanya'y lalong mahalaga ang "bilang

ng pantig sa pangungusap" kay sa "bilang ng pantig ng pagkakasulat"?

Tungkol sa "nadararáng", sa tulang:

"caloloua,i, gulo,t, púso,i, nadararáng

sa nin~gas n~g sintang bago cong naticmán."

sa "Kun sino ..." at kay P. Sayo ay "nadadarang" ang nakalagay.

Nguni't may palagay kaming ito'y binago lamang, upang maianyo sa

pamimigkas ngayon, gaya rin naman ng pagkakabago sa katagang

"marampî", na ginawang "madampî'", sa tulang:

"man~ga dalirî co,i, na aalang-alang

marampî sa balát na cagalang-galang".

Tungkol sa "na unang", sa tulang:

"Dito co naticmán ang lalong hinagpís,

higuit sa dalitang na unang tini-is"...

ang "na unang" na iyan ay kahalintulad lamang ng "na sabi" at "na

aba", "na aalang-alang", atbp., na dapat basahing "naunang", "nasabi",

"naaba", "naaalang-alang". Pawang kamalian lamang ng araláng kahista.

Tungkol sa "n~guni,i," ay naging parang bugtong na anak ang

_ligazon_ "i" o "y" sa lagay niyang ito. Ganito ang maliwanag at

walang alinlangang nasa sipi namin: nguni't sa "Kun sino ..." at kay

P. Sayo ay _ligazon_ "t" ang nakalagay. Sa sipi man naman namin

ay laging "t" ang ginagamit sa mga pangsubaling "nguni" at "dapoua".

Aywan nga kung bakit dito na lamang naging "i". Maging ang "y" sa

"anaki'y" ng "Kun sino ...", sa kanyang:

"Pag-ibig anaki'y aking nakilala

di dapat palakhin ang batà sa sayá"...

pati nga ng "anaki'y" diyan ay "anaqui,t," sa sipi namin. Nguni't ang

pang-ugnay na iyang "y" ay "isang halamang napakalusog at mabulaklak

hangga nitong mga huling panahon at ngayon na nga lamang naging

lanta". Karaniwan ding gamitin, di pa nalalaon, sa mga "datapuwa" at

"nguni" at "subali", na kaipala'y higit pa kay sa "t".

Tungkol sa "pagtulog", sa tulang:

"dapoua,t, ang baya,i, tat-long arao halos

na nacalimutan ang gauing pagtulog"...

ayon kay De los Santos ay "matulog" ang tunay; at kay P. Sayo ay

"matulog" din nga ang nakalagay. Nguni't sa aming sipi at sa "Kun sino

..." ay "pagtulog" ang nakalagay.

Tungkol sa "aca,i," sa saad na:

"Ang aca,i, cong hocbo,i, cúsang pinahimpil

sa paá nang isang; bundok na mabangin"...

ay maliwanag na isa lamang kamalian "Akay" ang sa "Kun sino ..." at

kay P. Sayo ay ganito naman--naging "na" ang "cong".

"Ang akay na hukbo'y kusang pinahimpil

sa paa nang isang bundok na mabangin"...

Tungkol sa "tauaguin", sa tulang:

"Pangimbuló niya,i, lalo nang nag-álab

nang aco,i, tauaguin tangulan ng Ciudad".

Ang naritong "tauaguin tangulan" ay kahalintulad din marahil ng

"napangarap nasabi". Hindi rin kay Balagtas marahil. Mahirap

paniwalaang "balangkas Balagtas" ang kagarilang iyan. Kaya, kung

paanong natuklasang may "at" ang "napangarap at nasabi", ayon kay De

los Santos, ay dapat ding tuklasin ang lunas sa kagarilan ng tauaguin

tangulan". At ang kay P. Sayo, na "tawaging tanggulan"--may

_ligazon_ "g" ay siyang tama.

Tungkol naman sa:

"ang Conde Adolfo,i, nag-papacamatáy

dahil sa Corona, cay Laura,i, macasal".

sa "Kun sino ..." at sa iba pa ay may pang-ugnay na kalakip ang

"Corona", na isang "t". Sa "korona't kay Laura'y makasal". Hindi isang

kuwit lamang. Nguni't may palagay kaming labis na riyan ang

_ligazon_ "t". Tumpak ang kuwit. Sapagka't ang ibig sabihin ni

Balagtas ay kaya lamang nagpapakamatay na mapakasal kay Laura si

Adolfo'y dahil na dahil lamang sa "Corona", at di dahil sa korona at

kay Laura. Para kay Adolfo, na isang taong "sakim sa yaman at

kapangyarihan", ang pag-aasawa kay Laura ay isa lamang kaparaanan

upang mapaluklok sa "Trono". "Maging Hari" ang tangi at totohanan

niyang layon at pangarap! Kaya, ang sabing: "ang Conde Adolfo,i,

nagpapacamatay dahil sa Corona, cay Laura,i, macasal" ay tamangtama.

Tungkol sa "aquing", sa tulang:

"Dî binig-yang daang aquing pang mabunot

ang sacbat na cáliz at maca-pamoóc"...

ganito rin ang nasa "Kun sino ...", samantalang kay P. Sayo ay ganito

naman:

"Dî binigyan daan aking pang mabunot" ...

na lalong naging garil. Kung ginawa man lamang sanang "di binigyang

daang akin pang mabunot"--(na ang "akin" lamang ang inalisan ng

ligazon)--ay manapa'y tama. Nguni't kay Balagtas nga kaya iyang

kalakuerdang iyan ng mga pang-ugnay? Sa kanya nga kaya iyang

sunodsunod na "binig-yang" at "daang" at "aquing" at "pang" ...?

Katakottakot na "palamuti" at kagulatgulat na pananagalog! Hindi,

hindi kay Balagtas iyan. Marahil ay walang _ligazon_ ang "aquin"

upang makahingahinga naman ng kaunti ang dagundong ng kalakuerda!...

Subali't ganyan ang sa "Kun sino ..." at sa sipi namin.

Nguni't tingnan naman natin ang "bayaan", sa:

"!ay Amá co! baquit...? !ay Fleridang toua!

catoto,i, bayaan aco,i, mapayapa."

ang "bayaan" dito ay pinabayaan nga at di linagyan ng _ligazon_!

Maanong nanghiram man lamang sana sa kay damidaming nasa unahan at

ikinabit sa "bayaan"! Sana'y naging "bayaang aco,i, mapayapa", gaya ng

na kay P. Sayo.

At ang _ligazong_ yaong nawala sa "bayaan" ay tingnan nati't

yumakap naman sa "magta-anan". Nagkaroon ito, gayong di dapat

magkaroon. Dapat ngang basahin lamang "magtaanan", nguni't hindi

"magtanan" (gaya kay P. Sayo), ang "magta-anang" sa:

"cúsang magta-anang sa Real Palacio" ...

Nariyan ang ilang paliwanag, na maaaring maging saligan, kung ibig, ng

isang dalubhasang pagbubuu o pagpapanauli ng datihang "Florante". Sa

kagandahang palad ay walang mga salita at pangungusap na nababago ang

siping ito kay sa natatandaan ng mga anak ng dakilang Makata; at may

mga kamalian man nga ito, ang kamalian ay di sa ano man kundi sa

pagkakalimbag na lamang, at pawa namang nangahahalata sa unang malas

pa lamang. Ang pagkabanluga ng ortograpia, na nagpapakilala ng

kawalang ingat ng kahista--na di kailangang maging "cun" ang datihang

"cong", "cundi" ang datihang "condi", "catauan" ang "catao-an",

"datapua" ang "datapoua", "catuiran" ang "catouiran", "sasaquián" ang

"sasac-yan", "mucha" ang "muc-ha", "balaquiót" ang "balac-yot", "rube"

ang "rubi", "mag-adia" ang "mag-adiya" at iba't iba pa, saka hindi

kailangang mapasama man o mapahiwalay ang mga panglapi, o magkakabit

man ang dalawang salita (gaya ng "di" at "co", "mo" at "na", "di" at

"pa"), o magkahiwahiwalay man ang mga pantig ng iisang salita (gaya ng

"nag sisi sila", "na aba", atbp.)--; ang pagkabanluga nga ng

ortograpia at ang maliliwanag na kamalian sa limbagan ay madaling

maitutumpak.

Nguni't hindi namin ginawa ang ganitong pagtutumpak sapagka't wala

kaming ibang hangad kundi maipakilala lamang ang tunay na sipi ng

lumabas noong 1861--na buháy pa ang Makata--at siping sinakit na

maging siya rin at walang munti mang kaibhan, pati sa kanyang mga

kamalian.

Wala nga kaming munti mang binago sa siping ito. Ni isa mang kuwit ay

hindi inalis. At wala namang idinagdag, ni isa mang tuldik na

pangtanong, kahi't napaghahalatang talagang kulang at sa kapaubayaan

na lamang ng kahista. At ang pag-iingat namin ay pinapagibayo sa

pagsipi sa mga ginamit na kudlit sa mga pangdulo ng talata; mga

kudlit, na gaya na nga ng dinaliri namin sa mga halimbawang ilinahad

sa ika 25 paliwanag, ay malimit na "mapalagay kahi't na paano",

bagama't may nangatutumpak din. Ang tanging di namin napag-ingatang

lubos ay ang pagkakalagay ng mga kudlit na pabigla ("acento agudo"),

kung nanga sa gitna ng talata; subali't oo, at pinag-ingatang labis,

ang lahat nang nangasadulo ng talata, pati na ng mga pabigla.

At parang pangkatapusan ay minarapat naming daliriin din ang mga

sumusunod:

LAURA. Para kay Balagtas, ang "Laura" ay maaaring gawing dalawa o

tatlong pantig. Tatlo sa ganitong halimbawa at iba pa:

"Uala na Laura,t, icao nan~ga lamang

ang macalulunas niyaring cahirapan"...

nguni't dalawa namang pantig sa susunod na halimbawa at sa iba't iba

pa:

"N~gunî !sa abáco! !ay sa laquing hirap!

ualâ na si Laura,i, !aquing tinatauag!"

Ano pa't ang "Laura" ay napahahaba niya at napaiikli, na gaya rin

naman ng:

CIUDAD. Maikli sa ganitong halimbawa at iba't iba pa:

"Dî cong acó poo,i, utusang mang-gúbat

nang Harî mong Amá sa alin mang Ciudad...?"

dadalawang pantig at maikli nga lamang dito; nguni't sa susunod na

halimbawa at sa iba't iba pa ay pinahaba naman at ginawang tatlo:

"putong na turbante ay calin~gas-lin~gas,

pananamit moro sa Persiang Ciudad".

at gayon din, pinahaba rin, sa ganito:

"...masayáng Ciudad na lúpà ni iná?

disin ang búhay co,i, dî lubháng nag dusa".

Pinapaging anim nga ang limang pantig na "masayáng Ciudad"; kaya, ang

ginawa ni P. Sayo ay pinangunahan ng "sa" ang "masayang Ciudad",

ginawang anim; nguni't sapagka't wala nang magawang pagdaragdag sa

lilima ring "sa Persiang Ciudad" (sa una) ay pinabayaang gaya rin nang

dati at di dinagdagan.

RUBE. Sa aming sipi ay "rube" ang nakalagay, at hindi "rubí" gaya ng

nasa iba. Walang makatitiyak kung alin ang katotohanan, bagama't ang

"rubi" ay siyang wasto't tama.

BINALAT-CAYO. Sa aming sipi ay may "capucha" o kudlit na biglang

paimpit ang "yô"; kaya, tumutunog na pabigla at paimpit sa lalamunan

ang pagbigkas. Nguni't, ayon sa tulang ito:

"Dito na nahubdan ang cababayan co

n~g hirám na bait na binalat-cayo"...

ang "binalat-cayo" ay hindi gaya ng atin ngayon, na paimpit nga ang

pagbigkas sa "yo". Maliwanag ngang nang panahong yaon ni Balagtas, at

maging nang panahon nina Noceda at Sanlucar, ang salitang iyan ay

pabigla lamang, nguni't hindi paimpit, gaya ngayon. Walang kaibhan sa

"taliba"--na ginagawa na ngayong "talibà" ng mga may mahihinhin at

binabaing dila. At makikita nati't ganyan ding kapalaran ang sasapitin

ng "bini-bini"--na sapagka't kawangis ng "mabini"--ay binibigkas na

ring paimpit sa dulo. Bukas-makalawa ay maririnig na nating

"kabinibian" ang "kabinibinihan" ngayon.

BIANAN. Ano ang lasa ninyo sa "titic ng Monarcang caniyang bianan"?

Ito ay nakasulat na "bienan" sa iba, bagama't sa matandang diksionario

ay talagang "bianan"; ano nga sa pangdingig ninyo ang "caniyang

bianan"? Maikli baga o sukát na?

Sa pakinig namin ay maikli, gaya rin naman ng "itinapon" sa tulang:

"Touáng pan~galauá cong hindî man Lan~git

ang itinapon nang mahinhing titig"...

nguni't ang "itinapong" ito ay napaghahalatang kamalian lamang ng

limbagan, at dapat basahing "itinatapon".

LAHI. Tila mali, tila hindi "lahì" kundi kaipala ay "lakì" ang nasa

sumusunod na tula:

"at sa ca-auay ma,i, dî co ninanais

ang lahì ng dusang aquing napagsapit".

tila nga lalong tama riyan ang "laki ng dusang aking napagsapit";

nguni't ano at "lahi" ang naririyan? Hindi kaya mali? Siyang nasa

lahat na. Mahirap ngang maging mali. At sa katotohanan ay talagang

hindi nga mali. "Lahi" ngang talaga, at ang katagang iyang kay

pagkagandaganda ng pagkakagamit diyan, ay di kaya pinananaghilian ng

ating mga makata ngayon?

DIGMA. Sa tulang:

"siyang paglusob co,t, nang hucbong aquibat

guinipit ang digmáng cumubcób sa Ciudad".

ang "digma" riyan ay di siyang nalalaman natin ngayon, kundi

kasingkahulugan ng "hukbo", sapagka't hukbo lamang ang maaaring

kumubkob sa isang siudad. At maliwanag na hindi kasingkahulugan ng

"guerra", gaya ngayon, sapagka't sana ay hindi na ginamit ni Balagtas

ang salitang "guerra".

NALAGALÁG. Isa ring kataga ito, na sa tulang:

"Sa caliua,t, cánan niya,i, nalagalág

man~ga soldados cong pauang mararahás"...

ay lipas na ngayon. Iba sa "naglagalag", "nagyao't ditong walang tiyak

na patutunguhan" o "naghampas-lupa"; nguni't mapaghahaka nating

kasingkahulugan ng "napatalatag" o "nátalatag".

TINAMPAL. Sino nga ang tumampal at sino naman ang tinampal? Sa sipi

namin ay ganito ang nakalagay:

"Pupugutan dahil sa hindi pagtangáp

sa sintang mahalay nang Emir sa Ciudad,

nang mag-ásal hayop ang morong pangahás

tinampál sa muc-hâ ang himalang dilág".

Florante at Laura · 第 5 / 6 段