Francisco Eguilior ay lumálarò sa Loteria, sa bowán, bowán, at
bumibili silang sapisapi n~g isang boong billete, na halagang sampong
piso. Nang icawalong oras n~g umaga, n~g icá 21 n~g Septiembre n~g
1892, ay dumatíng sa Dapitan ang vapor-correo "Butuan" na
napapamutihan n~g sarisaring bandera. Dalidaling sumalubong ang
Gobernador at iba pang m~ga cagawad niya, na may casamang isáng
bandang "música", sa pagca't ang boong acala'y may dumating na isáng
punong may malaking capangyarihan, at ang unang balitang sinabi sa
Gobernador n~g capitán n~g vapor ay tumámà sa dalawangpung libong piso
ang billete n~g Lotería, bilang 9.736, na pinagsasapîan ni Rizal, n~g
castilang si Francisco Eguilior at n~g sinabi n~g Gobernador. Ang
tatlong billete ay ipinadala ni Dr. Rizal sa canyang amá at n~g
sin~gilin ang cabayarán n~g tinamaan, at ipinagbílin niyang ipamahagui
sa m~ga mahihirap nilang camag-anac at caibigan, at gayon n~gâ ang
guinawà, at ang nátira sa canya ay inaacalang ipag-pagawà n~g bahay at
puhunanin sa pagpapatanim n~g niyóg at sa pagsasaca n~g lúpà.
Nacabilí si Rizal sa Dapitan n~g isáng malaking lúpà, na may m~ga
cahoy na nagbubun~ga n~g pinakikinaban~gan, sa halagang labing walong
piso lamang, na ayon sa balác niya'y mapag-aanihan hangang sa halagáng
dalawang libong piso sa bawa't isang taón. Bucod sa lúpang iyo'y
bumilí siyá n~g lúpà n~g Estado at ang caratig nitong may m~ga labing
walong hectárea ay binilí naman niyá cay G. Lucía Pagban~gon. Bumili
rin sa nayon n~g Daanglogsod, sacóp n~g bayang Lubun~gan, malapit sa
Dapitan, n~g tatlompô at apat na hectárea; at sacâ isá pang lupàng may
m~ga limampô at walong area. Binilí niya ang dalawang lupang itó cay
G. Sixto Carrión, na taga Dapitan. Tinamnán niya ang m~ga lúpà niyang
iyón n~g maraming punong abacá, niyóg at iba pang m~ga cahoy na
pinakikinaban~gan. Marami rin namang cawayan ang canyang itinaním
doon. Ang lúpà sa Dapitan ay batuhán at bundóc-bundóc. Sa lugar na
minagalíng niyá sa canyáng lúpà ay nagtayô siya n~g isáng bahay, na
labing isang metro't calahatì ang harapán at sampong metro ang lalim,
sa macatuwíd ay halos parisucát ang lakí. Ang bubóng n~g bahay na
iyo'y pawid, cawayan ang balangcás, cahoy ang m~ga cahabaan, haligui
at ibá pang m~ga casangcapan at tablá ang sahíg. Sa tabí n~g bahay ay
nagtayô siya n~g isáng camalig na pitóng metro ang harapán at labing
limang metro ang lalim. Cawayan ang balangcás, at pawang cahoy na ang
m~ga ibang casangcapan at tablá, ang sahíg.
Araw-araw, pagcacaumaga, pagcatapos na cumain n~g agahan, ay
pumaparoon sa canyang m~ga lupaín si Rizal, nagtatrabajong casama n~g
canyang m~ga inuupahan, hangang sa icalabing dalawang oras n~g araw,
na umuuwî upang mananghalìan, pagcacain ay nagbabálic sa canyang
lupaín, itinútuloy ang canyang paglilinang n~g lúpà ó pagtatanim n~g
m~ga halaman, n~g nióg, n~g abacá at m~ga cahoy na namumun~ga, at
pagcahapon, paglubog n~g araw ay umuuwî sa tinátahanan at hangang
kinabucasan naman.
Cailan mang umaalís siya upang pumaroon sa lupaíng canyang dinídilig
n~g pawis, ay hindî nalilimutan ang paghin~gî n~g pahintulot sa
Gobernador, hindî niya nililimot na siya'y "deportado," bilangong
itinapon doon, baga man ang Gobernador ay nagpapakita sa canya n~g
magandang calooban, casama siya sa pagcain sa agahan, sa tanghalian at
sa hapunan, at sa bahay niya natitirá. Cung may natatanaw siya sa
dagat na ano mang sasacyang patun~go sa Dapitan, caracaraca'y umuuwî
siya sa bahay n~g Gobernador na canyang tinatahanan, at n~g howag
hinalain cailan man, ó cumapit cayâ sa canya ang bintang, na ibig
niyang tumanan doon.
Guinagamit ni Rizal ang gabí at ang araw n~g linggó sa pagtutúrò sa
m~ga batâ n~g pagbasa, pagsulat, cuenta at n~g m~ga wicang castílà,
latín, inglés, francés at alemán, at nanggagamot n~g walang bayad sa
m~ga tagaroon. N~g mápaalis na si Rizal sa Dapitan, ay maraming m~ga
batang nacapagwiwicà at nacacasulat n~g castílà, latín, alemán,
francés at inglés, bucod sa magalíng na pamamayan at pakikipagcapuwâ
táong canya ring pinagtiyagaang itinúrò. Hindî nanghinawà si Rizal n~g
paglilimbag sa púsò n~g m~ga batâ, n~g pagsintang maalab sa
kinamulatang lúpà, at n~g pagmamalasakit n~g dan~gal n~g láhì at n~g
sariling cataohan.
Pinagsikapan din niyáng umayos ang pananamit n~g m~ga babae, hangang
sa canyang iaral, na sacali't hindî macagamit n~g zapatos ay man~gag
medias man lamang, at n~g huwag mamasdan ang paa; m~ga aral na hindî
nasayang, sa pagca't marami ang sumunód sa canya.
Sa canyang m~ga pagpapasial sa dacong hapon n~g m~ga araw n~g linggo
at fiestá, madalás na nácacasalubong niya si párì Sánchez, at
pagcacágayo'y walâ n~g iniuusap sa canya ang jesuitang ito cung di ang
natutungcol sa religión.
Hindî nawáwalà ang galit n~g m~ga fraile cay Despujol, baga man
ipinatapon na niya si Rizal, caya n~ga't hindî sila tumitiguil n~g
pag-uusig upang paalisín dito ang General Despujol. N~g magtatapos na
ang taóng 1892 ay naalís sa camay n~g "partido conservador" ang
pamamahalà n~g Gobierno n~g España, at ang nahalili nama'y ang
"partido liberal". Nahalal na Ministro n~g Ultramar si Maura. Sumulat
ito, sa udyóc n~g m~ga fraile, cay General Despujol, na inaanyayahang
siya'y magbitaw n~g catungculan. Hindî sumang-ayon ang General
Despujol, sumagot na hindî siya macapagbibitaw n~g canyang tungcol,
yamang cáya niya ang pagganap at gumáganap naman siya n~g boong
pag-iingat catalinuhan; n~guni't cung minámasamâ siya n~g Gobierno'y
mangyayaring bawîan siya nito n~g catungculan, at gayon n~ga ang
nangyari; siya'y inalís at ang inihalili sa canya'y si D. Ramón
Blanco, na teniente general n~g hucbó n~g España. Hindî n~ga
pinakinaban~gan n~g General Despujol ang lahat n~g canyang guinawang
pagbibigay loob sa m~ga fraile upang tampalasanin si Rizal sa
cadahilanan lamang na nakikita nilang tunay n~ga't sumusunod si
Despujol sa canila sa m~ga pithayang pagpapahirap sa m~ga masintahin
sa calayaa'y pinagpipilitan namang dito'y lumaganap ang m~ga
carunun~gan at ang paglago n~g m~ga pagsasapi-sapì, at sacá hindî
lubós ina-amís si Rizal.
Sa udyóc n~g m~ga fraile, pagcatapos na maipadala sa Dapitan si Rizal,
ay binawìan n~g catungculan si G. Manuel Arguelles, na n~g panahong
iyo'y "Auxiliar de fomento" sa lalawigan n~g Batan~gan; si G. Pedro
Serrano, maestro n~g m~ga batà sa pan~galawang Escuela n~g Binundóc;
si G. Antonio Consunji, "Gobernadorcillo" sa San Fernando,
Capangpan~gan, at si G. Ruperto Laxamana, teniente primero sa México,
Capangpan~gan; at ipinatapon sa maláyò si G. Doroteo Cortés na taga
Maynìlà; si G. Mariano Alejandrino na taga Arayat, Capangpan~gan; si
G. Antonio Roxas, na taga Malolos, Bulacán; si G. León Apacible, na
taga Balayang, Batan~gan; si G. José Basa, na taga San Roque,
Tan~gway, at si G. Vicente Reyes, na taga Santa Cruz, Laguna, ayon sa
Superior Decreto n~g sinabi n~g General Despujol, n~g ica 13 n~g
Septiembre n~g 1892, na inilathálà sa "Gacete de Manila" n~g 20 n~g
Septiembre n~g 1892.
May m~ga nangyaring nagpapakilalang nabawasan n~g dî sápalà ang
alang-alang at pag sambá, sa m~ga fraileng nagpapanggap na "cahalili
n~g Dios." N~g panahóng na sa Dapitan pa si Rizal ay nagcaróon n~g
isáng piguíng sa isáng bahay sa Balayang, Batan~gan; sa piguíng na
iyo'y dumaló ang fraileng cura párroco roon. Pinahalíc niya sa canyang
camay ang m~ga táong doroon, n~guni't tumangguí sa paghalíc sa camáy
niya ang isáng magandang dalagang anác n~g isáng guinoo. Ipinilit n~g
fraile recoletanong humalíc ang dalaga, at nanatili itó sa pagtangguí.
N~g magcagayo'y sinampál n~g fraile ang dalaga, casabay ang lalong
masasacláp na pagmura; nuha ang dalaga n~g isáng tungcód at hinambalos
n~g walang toos ang fraile, at itó nama'y tumugón n~g suntóc, sicad at
tabig ... N~g mabalitàan sa Maynílà n~g capisanan n~g m~ga fraileng
recoleto ang nangyaring ito'y nagcaguló n~g dî cawasà, at canilang
binagabag ang Gobierno n~g dî gayon lamang, sa paghin~ging parusahan
n~g mabigat ang dalagang iyón, ang m~ga casambahay at si Rizal, na
siyang may cagagawan daw n~g lahát n~g nangyayari.
Niyon ding m~ga panahong iyo'y nangyari naman sa isa sa m~ga bayan n~g
Bulacán ang isáng caguluhan. Napatun~go ang isang fraileng franciscano
sa isang bahay na walang namamahay cung dî dalawang dalaga. Nang
papasoc na siya'y sinansala siya n~g isa sa m~ga dalaga, at sinabi sa
canyang sa pagca't capowa babae ang tan~ging na sa bahay, hindî
magaling na panooring tumátangap n~g lalaki: Nagmatuwíd ang
franciscanong sa pagca't siya'y párì ay hindî macarurun~gis ang
pakikiusap niya sa capurihan n~g sinoman. Nanatili ang dalaga sa
pagsansala sa canya, n~guni't nagpupumilit din ang fraile, at n~g
mákita nitong ayaw na totoong papasukin siya, ang guinawa'y tinampal
n~g boong lacás ang dalagang iyón. Pinagtulun~gan siyang dinaluhong
n~g dalawang dalagá, na ano pa't n~g umalís siya roo'y punit-punit ang
caniyang pananamit. Sabihin pa ang galit n~g lahat n~g m~ga fraile,
n~g canilang mabalitaan ang gayong m~ga nangyari. Buhat sa púlpito n~g
simbahan n~g San Agustin dito sa Maynílà, ay itinalác ni párì Coco,
fraileng agustino ang ganitóng saysay: "¿Ibig ninyó ang dugô ...?
¡¡Daranac ang dugô!!"
Samantala'y nagcacasundong mabuti ang Gobernador Carnicero at si Dr.
Rizal. Dating caugalian ni Carnicero ang ipapalô sa lansan~gan ó sa
guitnâ n~g plaza ang bawa't magcasalang filipino. N~g mapanood ni
Rizal ang gayo'y nakiusap cay Carnicero na howag gayonín ang táong
bayan, sa pagca't lálong sásamà--¿At bakit, ang tanóng ni
Carnicero.--Sa pagca't sa ganyang guinágawâ pô ninyó, ang tugón ni
Rizal, ay nawawalâ ang cahihiyan n~g táong bayan. Salamat sa gayóng
m~ga paghimoc at iba pang pan~gan~gatuwirang matimyas, ay nagbago ang
ugalì ni Carnicero, at ang dating maban~gís at malupit ay gumandá ang
asal. Nalalao'y lalong nagmamahalan si Rizal at si Carnicero, bagay na
totoong ikinagagalit n~g m~ga paring jesuita, caya n~ga't pinagpilitan
nilang mahalinhan si Carnicero sa pagca Gobernador sa Dapitan. Sumulat
ang jesuita, na si párì Juan Ricart, n~g ica 23 n~g Abril n~g 1893,
cay Don Federico Ochando, Gobernador General interino dito sa
Sangcapuluan, na sinasabing malaon na raw na hindî nagsísimba ang
Gobernador Carnicero cahi't dakilang araw, bagay na totoong napupuna,
dahil sa Dapitan ay walang castílà cung dî siya, at sacâ isáng
itinapon doon, at cung sacali't magsimbá man ay hindî lumuluhod,
cahi't sa sandalíng itinataas ang "hostia." At pagca umaga n~g Viérnes
Santo ay nagpapatay n~g vaca ang Gobernador na iyon, na ipinadaláng
walà man lamang takíp sa Comandancia n~g oras pa namang lumálabas ang
m~ga táo sa simbahan. Dahil dito at sa m~ga iba pang
cawalang-galan~gan sa "religión"; siya'y tinatawag na moro n~g m~ga
táong-bayan at iba pa. Dahil sa sulat na ito'y inalís ni Ochando si
Carnicero sa pagca Gobernador sa Dapitan, at ang inihalili'y si D.
Juan Sitges y Pichardo, capitán n~g Infantería at médico. Umalís sa
Dapitan si Carnicero n~g ica 4 n~g Mayo n~g 1893, sa macatowid ay
totoong mahigpít ang capangyarihan n~g humin~ging siya'y bawîan n~g
catun~gculan.
Mulâ n~g dumatíng si Sitges ay nag-iba ang calagayan ni Rizal.
Pinaalís siya sa bahay n~g Gobernador, pinatirá sa isáng bahay na
malapit doon, pinahaharap siya sa Gobernador pagcacaumaga, tanghalì at
hápon, nagpalibot n~g bando sa boong bayang nagpapakilala n~g
pagcuculang tiwálà cay Rizal, at iba't iba pang paghihigpít. Sumacláp
n~g dî ano lamang ang calooban ni Rizal, n~guni't camuntî ma'y hindî
siya naparaíg sa samâ n~g loob. Ipinagpatuloy na parang walang ano
mang nangyayari ang canyang pagsasaca n~g lúpà, panggagamot na walang
bayad, pagtuturò sa m~ga bátà at pagcacaawang-gawâ. Inaanyayahan niya
sa canyang bahay ang m~ga anác n~g dukhâ, pinacacain, pinararamtan at
tinuturuan n~g m~ga dunong, at madalás na isinasama silá niya sa m~ga
cagubatan, upang turuan at sanayin sa mabuting pagbaríl, sa pagkilala
n~g sarisaring cahoy at damó. Pinapanghuhuli n~g lahát n~g bagay na
paróparó upang tuyuin at maipadala sa Europa, casama n~g m~ga dahon,
ugat, balát, bun~ga at dagtâ n~g m~ga cahoy at damóng canyang
hinihirang. Pinapan~gun~guha rin naman silá n~g sarisaring m~ga cabibi
at iba pang m~ga catowatowang nacucuha sa buhan~ginan n~g m~ga
pasigan, na itinuturò niya cung alín ang may m~ga cahulugán. Pinápalit
sa canya n~g m~ga taga Europa ang lahát n~g iyón n~g maiinam na m~ga
libro at n~g mahahalagang casangcapan sa "cirugía" at "oftalmología".
Sinabi co nang hindî nagpapabayad si Rizal, sa lahát n~g m~ga taga
Dapitang canyang guinágamot; datapuwa't sinísin~gil cung m~ga ibang
láhì at ang nasísin~gil niyang ito'y canyang ipinamímili n~g m~ga
cailan~gang ipinamamahagui sa mahihirap, ó cung dilî caya'y guinugugol
sa icagagaling n~g bayan. May na pa sa Dapitang isáng inglés na may
bilíg ang isang matá upang ipagamót sa pahám na itinapon doon.
Guinamot siya ni Rizal, inalis ang bilíg at lumiwanag ang matá. Nang
magaling na'y sinin~gil siya ni Rizal n~g limangdaang pisong guintò,
at pinagbayaran naman n~g inglés n~g maluwag sa loob. Ang salaping
ito'y guinugol ni Rizal sa pagtatatag n~g m~ga ilaw sa m~ga lansan~gan
at plaza n~g Dapitang dating wala roon. Nagtayô si Rizal n~g isáng
Hospital sa tapat n~g canyang bahay, at doon niya dinadala,
pinacacain, inaalagaan at guinágamot ang lahat n~g m~ga mahihirap na
nan~gagcacasakit. Sariling salapî ni Rizal ang guinugol sa pagpapagawâ
n~g hospital na iyon, at sariling salapî rin niya ang guinugugol naman
sa m~ga cailan~gan at casangcapan n~g hospital at ang sa m~ga gamót,
pagcain, pag-aalagâ at iba pa. Sa cagandahan n~g canyang loob ay
culang na lamang ang siya'y sambahín n~g m~ga taga Dapitan, na
pagcakita sa canya'y bumabatî at nagbibigay galang n~g higuit sa
pag-galang sa páring cura at sa Gobernador, palibhasa'y paggalang na
cúsà at udyóc n~g tunay na pag-irog sa táong mapagcaawang gawà, ulirán
n~g calinisan n~g púsò, mapagsumicap sa icarurunong at idarangal n~g
cálahì at inaaring mahigpít na catungculan ang tapat at maalab na
pagsinta sa capowa tao.
Isinusulat n~g Gobernador Sitges sa Gobernador General n~g Filipinas
ang lahát n~g m~ga asal at gawâ ni Rizal, at canyang ipinagmamapurí
ang canyang paghihigpít sa marilág na filipinong sa canya'y
pinábabantayan.
N~g dumating dito ang General Blanco ay lumuwag ang calagayan ni
Rizal. Ipinag-utos sa Gobernador Sitges na pagpitaganan at
pacalin~gapin si Rizal, howag hahabaguin camuntî man, howag
pahaharapin sa canya cung di totoong cailan~gan, at bigyang calayâan
n~g pagsulat at pagtanggap n~g sulat canino man. Mulâ niyo'y nagbago
ang asal ni Sitges, sinabi cay Rizal ang m~ga caluwagang utos n~g
General Blanco, n~guni't hindî sinabing sa utos na itó, cung dî parang
galing sa cusà niyang pagcacaloob, at ipinahiwatig pang ¡cung cailan
daw niya ibig ay mábabalíc si Rizal sa dating cahigpitan!... Baga man
gayo'y cailan man at walang capansana'y humaharap si Rizal sa
Gobernador sa araw araw, sa towing tanghalì bago cumain. Hindî
nagculang cailan man si Rizal sa pagpipitagang walang halong
caruwagan, sa cahinusayan at cakinisan n~g pananalità, sa mahinhíng
kilos at sa matimyas na pakikipagsalitaán. Laguing malinis ang
catawan, ang pananamit, ang bahay at ang m~ga casangcapan, at cailan
ma'y hindî námamasid sa canya ang cagusutan n~g ísip, n~g asal n~g
catawan, n~g buhoc at pananamít. Bago pa lamang nagbúbucang liwayway
ay nacapaglinis na n~g boong catawan, sucláy na ang buhóc, bihís at
handà na sa lahát n~g bagay.
Pinagasisicapan niyang sa pakikipagmatuwiran tungcol sa religio'y
huwag sugatan ang pagsampalataya n~g ibá; malumanay siyang tumututol,
at gumagamit siya n~g magagalíng na paraan upang huwag siyang camuhîan
n~g canyang causap. Minsa'y sinadyâ siyá sa canyang bahay n~g
jesuitang si párì Obach, at pinakiusapan siyang siya'y magbigay n~g
caunting ambag sa gugugulin sa pagpifiesta cay San Roque, na pintacasi
sa pangulong nayon n~g Dapitan:
--Hindî pô maaarî, padre--ang isinagot ni Rizal na nacan~gitî at maámò
ang pananalitâ--¿papaano po bang ibig ninyong aco'y umambag sa
pamumuhay n~g isáng capan~gagaw co? Sa araw na si San Roque na lamang
ang siyang macapan~gan~gasiwâ sa panggamót, ¡mawawalan acó n~g
cabuluhan sa ibabaw n~g lúpà!
Guinagawang liban~gan ni Rizal ang pakikipagsalitaan sa m~ga batang
dukháng caniyang inaampon, at binibigyan niya n~g m~ga ganting pálà,
alinsunod sa canicaniyang carapatan n~g pagcatuto n~g m~ga dunong na
canyang itinuturò at n~g m~ga wicang castílà, inglés, francés at
alemán. ¿Sino ang hindî iirog sa canya sa ganitong gawâ?
Cusang tumulong ang caramihang canyang m~ga catoto sa pagtatayò n~g
isáng daanang bató n~g malinaw na tubig na nagmumulà sa isáng
saluysoy, upang sumapit hangang sa canyang bahay na ipinagawâ at
canyang tinatahanan.
N~g buwan n~g Agosto n~g 1892 ay dumatíng sa Dapitan, sa
capahintulutan n~g General Blanco, ang ina at isáng capatid na babae
ni Rizal, na may casamang isáng alilang lalaki. Nagtamó n~g dî masayod
na galác ang ating Mártir sa gayong pagdatíng, at inubos niya ang caya
sa paglilingcod at pagpapakita n~g pag-ibig sa canyáng iná at capatíd.
N~g icapat n~g buwan n~g Noviembre n~g 1893 ay dumatíng sa Dapitan ang
isáng táo, nanagn~gan~galang Pablo Mercado, na pagca gabí ay lihim na
napa sa bahay ni Rizal, at itó ang caniláng naguing salitaan:
Rizal.--¿Sino po ba cayó?
_Ang dumating_:--Pablo Mercado pô ang aking pan~galan, at sa catunayan
po'y narito at tingnan pô ninyó ang letra n~g m~ga botón n~g aking
puños. Cararating co pa pô lamang na galing sa Calambâ. Acó po'y
inyong camag-anac, pinsan co cayó ...
Rizal:--("Sinalabat ang causap.") Hintay pô muna cayóng sandalî at may
gagawin acó. Cayó po'y maupô.
Pumasoc si Rizal sa kinalalagyan n~g iná at capatíd na babae at
tinanóng n~g marahan cung nakikilala nilá ang táong iyong bagong
datíng, na ang sabi'y camag-anac daw nilá. Lumabás ang iná at capatíd
ni Rizal; pinagmasdang magalíng ang bagong datíng pagcatapos ay nasoc
at sinabi cay Rizal na hindî nakikilala.
Lumabás si Rizal at ipinagpatuloy ang pakikipag-usap sa nagsabing
canyá raw camag-anac:
Rizal--¿At ano po ba ang inyong sadyâ sa akin?
_Ang bagong dating_--Caya po aco napirito'y ibig cong matalastas ang
inyong calagayan. Dinaramdam co po at dinaramdam n~g labís n~g lahat
ninyong m~ga cababayan ang sa inyo'y catampalasanang guinagawâ. Sa
Maynílà po'y nagtatag n~g isáng capisanan upang cayo'y ipagmalasakit
at sumunod sa bawa't inyong magalin~ging ipag-utos, cahi't icaramay
n~g buhay.
Pinagcaisahan po n~g capisanang iyang lihim na aco'y pumarito, at
ipinamamanhic po sa inyong sa canila'y ipag-utos ang bawa't inyong
ibiguin, sa icagagaling n~g bayang na sa catacot-tacot na caalipnan,
at sa icaliligtas pô naman ninyo sa inyong pagcapatapon dito, at n~g
maniwalâ pô cayo'y ipinadala nilá sa akin itong inyong larawan.
Maipagcacatiwala pô ninyong lubos sa akin ang inyong m~ga sulat sa
ating m~ga cababayan, at mahigpit na gáganapín co ang bawa't inyong
ipag-utos, sucdang aking icabitay.
Rizal (Nagtindig na malaki ang galit) At marapat ca n~gang bitayin, sa
capan~gitan n~g iyong damdamin. Umalís ca n~gayon din dito, tacsíl na
carugô at n~g dî ca mapahamac. At ipinagtulacan ni Rizal ang taong
iyon hangang sa mapanaog sa canyang bahay.
Kinabucasan, pagcaumaga'y humarap sa Gobernador si Rizal, at sinabi
niya ang lahat n~g sa canya'y sinalitâ n~g taong iyon. Ipinarakip ito
n~g Gobernador sa pamamag-itan ni G. Anastasio Adriático, na n~g
panahong iyo'y Gobernadorcillo sa Dapitan, at n~g napipiit na'y sinabi
niya ang ganito sa harap n~g nabanguit n~g Gobernadorcillo at dalawang
sacsì:
"Ang totoong pan~galan co'y hindî Pablo Mercado, cung dî _Florencio
Nanaman_, ayon sa cédula personal na ipinakikita co, may tatlompong
taóng gulang, binatà at tubò sa Cagayan n~g Misamis. N~g buan n~g
Mayong nagdaan ay ipinatawag pô aco n~g fraile recoletong cura sa
Cagayan n~g Misamis, at itó ang sinabi sa akin: Humanap ca n~g isáng
larawan ni Rizal. Cung macakita ca na n~g larawang iyon ay pumaroon ca
sa Dapitang kinalalagyan ni Rizal. Sa pamamag-itan n~g dalá mong
larawan ay makikilala mo agád siyá at hindî ca magcacamalì.
Magpacunuwarî cang icaw ay totoong cacampí niya, at sabihin mong cahit
iyong icabitay, nahahandà cang gumanap n~g ano mang canyang ipag-utos,
tungcol sa icatutubos n~g Filipinas. Sabihin mong ang iyong pan~gala'y
Pablo Mercado, icaw ay túbò sa Calambâ at camag-anac ca niya. Huag
mong limutin; ang pan~galan mo'y "Pablo Mercado" (inulit pa n~g Cura
sa sakin) sa pagca't Mercado ang apellidong tunay ni Rizal. At sabihin
mong ang nag-uutos sa iyo'y isáng capisanang itinayo n~g m~ga filipino
sa Maynílà, upang iligtas ang Filipinas sa caalipnan n~g España. Cung
macacuha ca cay Rizal n~g m~ga sulat na pag-akit sa m~ga filipino n~g
paghiwalay sa España, cata'y bibigyan n~g totoong malaking ganting
pálà, na ano pa't yayaman ca n~g dî cawásà. Sacalit aco'y mamatay,
dahil sa aco'y maysakít n~gayon, pumaroon ca sa convento n~g m~ga
recoleto sa Maynílà, sabihin mo roon ang utos co sa iyo, at nalalaman
na roon, tuloy ibigay mo ang m~ga sulat ni Rizal, at pacagagantihin ca
roon n~g sagánà sa iyong tapát na paglilingcod sa amin. Sa paglilibot
mo sa m~ga bayang iyon daraanan ay pagsicapan mong macacuha ca n~g
m~ga librong cáthà ni Rizal, ó n~g ano mang sinulat niya laban sa
España ó sa m~ga fraile, at dalhin mong lahat sa akin. Hindî
magcuculang tiwalâ sa iyo ang m~ga filipino at gayon din si Rizal,
cung matuto ca sa pananalitâ at sa paggawâ n~g m~ga paraan, sa pagca't
icaw ay caláhì nilá. Ililihim mong mabuting mabuti ang bagay na itó,
na ano pa't sino ma'y walang macaalam. Howag cang manimdim sa ano mang
pan~ganib na capahamacan. Walang napapahamac na sino man sa
paclilingcod sa m~ga fraile; talastas mo ang calakilakihan naming
capangyarinan. Tangapin mo itong pitompong pisong baon mo, at cung
culan~gin ca sacalî ay magsabi ca sa akin agád, ó sa convento n~g
recoletos sa Maynílà, at pagdaca'y tatangap ca n~g iyong
macacailan~gan." Itó pô ang sinabi sa akin n~g cura. Napasa Maynílà pô
acó at doon acó nacacuha n~g larawan ni Rizal. Si Estanislao Legaspi,
na taga Binundoc, ang nagbigay sa akin, at binigyan pa acó nitó n~g
dalawang botóng may m~ga letrang P. M. caucol n~g m~ga unang letra n~g
aking bagong pan~galan at apellido, at n~g lalong maniwálà si Rizal.
Naparito pô acó rito, at aco'y tumulóy sa bahay n~g teniente mayor. Sa
isá sa m~ga pinagdaanan cong bayan ay nacaumit acó n~g dalawang
librong cathâ ni Rizal na dalá co n~gayon. Pagcagabí ay naparoon pô
acó sa bahay ni Rizal, at pinagpilitan co pong bigyan niya acó n~g ano
mang casulatan, at walâ pô acong nápalà cung dî aco'y ipagtabuyan at
palayasin".
Ang m~ga sinabing itó ni Pablo Mercado ó Florencio Nanaman ay isinulat
sa papel n~g Gobernadorcillo, finirmahan niya, pinafirmahan sa
nagsalitâ at sa dalawang sacsing caacbay, at ipinadalá, sa Gobernador
Sitges, at ipinadalá naman nito sa Gobernador General, sampô n~g
bilanggong si Florencio Nanaman. Mulâ n~g dumatíng itó sa Maynila'y
nawalá't sucat ang pagsisiyasat n~g m~ga punong may capangyarihan
tungcol sa napagkilalang adhicang catacsilán n~g lilong si Nanaman, at
n~g lalong balawís na sa canya'y bumayad upang gumawâ n~g calupitán.
¿Ano't nagcagayon? ¡Talinghagà n~g macapangyarihang salapî!!!
Nagpadalá n~g sulat si Rizal cay General Blanco n~g Febrero n~g 1894,
at ipinakikiusap na siya'y alpasan na. Hindî agád pinansín ni Blanco
ang capamanhicang iyón; n~guni't sa cawacasa'y sumagot cay Rizal at
sinabing siya'y pawawalán; n~guni't hindî rito cung dî sa España,
capan~gacuang pinapagtibay cay Rizal n~g ito'y macausap n~g taón ding
iyón n~g magdaan sa Dapitan.
Hindî nagtitiguil ang m~ga caibigan ni Rizal n~g pagsulat sa canya,
caya't nalalaman niya ang lahat n~g m~ga nangyari sa Maynílà at ang
m~ga adhícà n~g m~ga filipino, at gayon ding natatanto niya ang lahat
n~g guinagawâ n~g Gobierno at n~g m~ga fraile; n~guni't cailan may
hindî siya sumásagot. Ang nagdádala sa canya n~g m~ga sulat na iyón ay
ang canyang m~ga capatid. Nacalagáy ang bawa't sulat sa loob n~g isa
sa m~ga "empanadang" dalá sa canya. Guinagawà ang m~ga empanadang yaon
sa bahay n~g magcapatid ni na guinoong Alejandro at Venancio Reyes.
Ang m~ga pagpaparoo't parito n~g m~ga capatid ni Dr. Rizal ay
nacapucaw n~g pagcuculang tiwala n~g Gobernador Sitges, caya't ang
guinawà, nito'y ipinauusisà niya ang m~ga dalá, patí pananamit at
catawán n~g bawa't dumating sa Dapitan, sampo n~g m~ga capatid na
babae ni Rizal, at bacâ may daláng sulat ó ano mang laban sa Gobierno
ó sa m~ga fraile, ay walang nacuha.
Ipinan~gacò n~g General Blanco na ipagcacaloob cay Rizal na macalipat
sa ibang lalawigan n~g Filipinas, n~guni't hindî rin tinupad, at ang
ipinagcaloob sa canya'y ang macalilipat sa Sindan~gan, sacop n~g
Mindanaw at malapit din sa Dapitan, bagay na totoong ipinamanglaw
niya.