Hindî na namin saysayin ang lubhang maraming bagay bagay na nangyaring

nagpaliwanag n~g pagcapucaw n~g loob n~g tagalog sa manin~gas na

pag-ibig sa kinamulatang lúpà, mulâ n~g canilang mabasa ó mabalitaan

ang m~ga sinulat ni Rizal, hangang sa dumating ang malualhating

icadalawampo't apat na araw n~g bowan n~g Agosto n~g 1896, na

pagpapasimulâ n~g panghihimagsic n~g m~ga filipino sa gobierno n~g

castílâ, sapagca't lalawig caming lubhâ, at ang bagay na ito'y itatalâ

na namin sa librong aming ilalathalâ na ang pamagát ay REVOLUCION NANG

FILIPINAS; sucat na ang aming sabihing salamat sa m~ga isinulat ni

Rizal ay naguising sa m~ga dibdib n~g catagalugan ang natutulog na

pagsinta sa sariling dan~gal; at cung nangyari ang gayong

caligaligayang bagay, sa gayong balibalitâ lamang ang pagcaalam n~g

caramihan sa m~ga sinulat ni Rizal, sapagca't bibihirâ ang tunay na

nacatatalos n~g _Noli me tangere_, _Filibusterismo_ at ibà pang

canyang itinitic sa wicang castílà ¿di lalonglálò n~g mag-aalab n~g di

ano lamang ang pagsintang iyán, cung caniláng ganáp na maunawâ ang

m~ga pantás na casulatan ni Rizal, na siyang naguing maliwanag na araw

na humawì n~g dilim na m~ga lupaing ito? Ito ang wagás na cadahilanan

at pinagsicapan naming isatagalog ang calahatlahatang sinulat ni Gat

Jose Rizal, at ilathalâ sa isáng paraang macacayang icabasa n~g lalong

carukrukhaang tagalog, at lubós ang aming pag-asa na ang aming munting

pagal ay pag-aanihan n~g matimyas at saganang bun~gang icagagalíng at

icararan~gal n~g Sangcapuluang Filipinas.

Nanatili si Rizal sa Lóndres, at doo'y ipinagpatuloy niya ang

pag-uusísà n~g m~ga casulatan at librong kinalalagdaan n~g m~ga

nangyari sa canyáng lúpà n~g m~ga panahong nacaraan na, bucod sa

siya'y nagpapadalá n~g sulat na ipinalalathálà sa "La Solidaridad." Sa

sandasandaling siya'y natitiguil ay naglilibang sa pag-ukit n~g m~ga

larawang cahoy. Tatlong "estátua" ang nayari niya sa Lóndres na

canyáng pinamagatang "Ang pagtatagumpay n~g camatayan sa buhay", "Ang

pagtatagumpay n~g carunun~gan sa camatayan" at "Si Prometeong

nacagapos". Bucod sa rito'y sumusulat siya n~g m~ga casaysayang wicang

inglés at wicang alemán, na canyáng ipinadádala sa m~ga pamahayagan.

Nátitira si Rizal sa Lóndres, sa nayon n~g Chalk Farm, sa bahay n~g

isáng mag-anac na m~ga inglés, na naboboo sa isang matandang lalaki at

tatlong dalaga, na nagpapakita sa canya n~g boong cagandahan n~g loob,

dahil sa sila'y nan~galúlugod sa catalinuhan n~g isip at catimyasan

n~g asal niya. Iguinawâ ni Rizal n~g isang mainam na larawang cahoy

ang m~ga ulo n~g tatlong dalagang iyon at saca inihandog sa canila.

Isang araw ay naparoon siya sa bahay ni G. Antonio Regidor at

nagsabing siya'y aalis sa bahay na iyon at siya'y pasasa París, sa

pagca't nararamdaman niyang tila siya'y ibig maraig n~g paghilig n~g

budhî sa isá sa m~ga dalagang iyon.--"Hindî mangyayaring dayain co ang

dalagang iyon--ani Rizal cay Regidor;--hindî acó macapapacasal sa

canya, sa pagca't hindî itutulot na gawin co ito n~g m~ga ibang

pag-ibig na linisan co sa ating lupain, at dî co n~ga maitutumbas ang

pagdaráyà sa isang dalisay at malinis na pag irog". Nalalarawan sa

mukhâ ni Rizal ang malaking pakikipaglaban niya sa panghihinaíng n~g

pusong sarili n~g sinasabi niya ang m~ga bagay na iyón sa cababayan

nating si G. Antonio Regidor.

* * * * *

Lumipat n~gâ si Rizal n~g taóng 1889 sa París at doon tumulóy muna sa

bahay n~g ating calahî at cababayang si G. Valentín Ventura, at bago

lumipat sa Rue de Maubergue, bilang 45, sa París dín, at ipinagpatuloy

niya roon ang pagcathâ n~g _Filibusterismo_, na canyang pinasimulán na

n~g siya'y natitirá pa sa Lóndres, at tuloy ipinalimbág niya roon ang

librong _Sucesos de las Islas Filipinas_, ni Doctor Antonio de Morga,

na canyang nilagyan n~g m~ga paliwanag upang lalong mapagcurong

magalíng n~g babasa.

Samantala'y waláng licat ang paglaganap sa boong Filipinas n~g

maraming dahong limbág, na doo'y ipinauunawâ ang sari-saring m~ga

mahahalay at tampalasang cagagawán n~g m~ga fraile sa pagyurac sa

dan~gal at pamumuhay n~g m~ga filipino, m~ga dahong limbàg na

ipinamamahagui n~g boong lihim sa m~ga tagarito, at hindî mapagcúrò

n~g m~ga cawaní n~g Gobierno cung sino ang nagdadalá rito, baga man

nakikilalang m~ga gawâ sa limbagan sa Hongkong, at hinihinalang ang

nagpapalimbag doo'y marahil si G. Doroteo Cortés ó si G. José María

Basa, na capowâ cababayan natin.

May isáng nagn~gan~galang filipinong sumagót n~g dahong limbag din sa

m~ga dahong limbag na iyón. Sa sagót n~g filipinong yao'y

ipinagsasanggaláng ang m~ga fraile't ang m~ga castílà, at tinututulan

at minámasamâ ang guinágawâ n~g m~ga filipinong na sa Europa, at

lalonglalo na ang guinágawâ n~g m~ga sumusulat sa _La Solidaridad_ at

ang m~ga pagbabagong utos na hinihin~gî n~g m~ga magcacapanig sa

"Asociación Hispano-Filipina;" hindî raw mabuting dito'y ipagcaloob

ang Código político, ang nauucol baga sa m~ga calayaan sa pamamayan,

at hindî raw pakikinaban~gan n~g sino man ang magcaroon sa

Kapulun~gang bayan n~g España n~g m~ga filipinong tagapakiharáp natin

doon, bucod sa canyang inaalimura't ipinalalagay na m~ga tampalasan

ang m~ga táong dito'y nagcacalát n~g m~ga dahong limbag na laban sa

m~ga fraile at m~ga castílà.

Nacarating hangang sa Europa ang tutol na iyon, at dî nalao't dito'y

dumatíng ang isang masigabong sagot n~g m~ga filipinong na sa París.

Ang taglay na fecha n~g sagot na iyo'y 10 n~g Octubre n~g 1889.

Sinasapantáhà n~g iláng ang sagot na iyo'y gawâ ni Rizal; datapwa't

ani G. Mariano Ponce ay hindî raw. Si G. Mariano Ponce ay isa sa

lalong m~ga caibigang matalic ni Rizal.

Nagpasimulâ si G. Antonio Luna n~g pagsulat sa _La Solidaridad_, at

ang guinamit niyang pamagat na pangfirma sa canyáng m~ga ilinalathálà

ay "Taga-Ilog," at sa pagca't inúuyat ni "Taga-Ilog" ang iláng m~ga

ugalî n~g m~ga castílá, sumagot sa canya ang páhayagang "El Pueblo

Soberano", sa Barcelona, at doo'y pinacacalaitlait n~g dî cawásà si G.

Juan Luna, sa pagca't walán~g boong isip ang m~ga castílâ cung dî si

G. Juan Luna ang pumifirmá n~g "Taga-Ilog." Hindî nacatiís si Rizal

cung dî ipagsangalang ang cababayan sa isang mainam at bayaning

pan~gan~gatuwiran, na canyáng ilinathálà sa _La Solidaridad_ n~g ica

30 n~g Noviembre n~g 1889. Na sa París n~g panahóng iyón si Rizal.

Ganito ang wacás n~g casagutan niya:

" ...dinaramdam namin ... na ang isáng pamahayagan n~g isáng "partido"

na may cagalinggalin~gang m~ga mithî, na pinacananais na mácamtan ang

m~ga dakilang adhicâ na pamamahala't paglalagdâ n~g m~ga cautusa'y ang

pagcacapantaypantay ang guinagamit na saguisag; pagca nauucol na sa

filipino'y limutin ang canyang linalandás na asal at gumamit n~g

pananalitang sa capalalua'y malabis at puspós n~g casun~gitan,

nasasalig sa camalìan, na wárì mandin ang hinahan~gad ay ang

papagn~galitin ang m~ga may tapát na loob na nananahán sa

Sangcapuluan, at tila mandin sa canila'y sinasabi: ¡Ha! Howag cayong

umasa sa cadalisayan n~g talarongtimban~gan, howag cayong umasang

kikilalanin ang inyong m~ga catowiran, huwag cayong umasa sa

pagcahabág: ¡cailan ma'y hindî mangyayaring cami'y inyong maguing

capatid! Tunay n~ga't ibig namin ang Calayaan, ang pagsunod sa

Talarongtimban~gan, ang Pagcacapantaypantay; n~guni't ibig naming cami

lamang ang magcamit n~g tatlong cagalin~gang ito; tunay n~ga't

ipinaglalaban namin ang icágagaling nang sangcataohan; n~guni't ang

icagagaling lamang n~g sangcataohan sa Europa; hindî lumálampas ang

aming pagtin~gín sa daco pa roon; sa pagca't cayo'y m~ga, lahing

marilaw ó caymangui, ¡cayo n~gâ ang bahálà sa inyong sariling catawán!

Talagang maban~gis ang lahát n~g m~ga "partido"--cahi't na ang lalong

maiiruguin sa m~ga calayàan--sa m~ga taga ibang lupaíng nasasacop n~g

canicanilang nación. ¡Cung ibig ninyong magtamó n~g lubós na catowiran

ay inyong hanapin sa pamamag-itan n~g pakikibaca."

Naghayag si Rizal n~g dalawang casulatang mahahalagá sa _La

Solidaridad_, mula n~g Septiembre n~g 1890 hangang sa m~ga unang bowan

n~g 1891, na ang m~ga pamagát ay _Filipinas dentro de cien años_,

(calagayan n~g Filipinas sa loob n~g sandaang taón) at _Sobre la

indolencia de los filipinos_ (tungkol sa catamaran n~g m~ga filipino).

Sinasaysay ni Rizal sa _Filipinas dentro de cien años_ ang m~ga

caunaunahang nangyari sa Filipinas, ang casalucuyang nangyayari n~g

panahóng iyon at ang inaacálà niyang mangyayari sa hinaharap. Tungcól

sa casalucuyang nangyayari, nagsasalitâ si Rizal n~g m~ga catotohanang

masasacláp, n~guni't m~ga dákilang catotohanan.

"Ang pagca maramdamin ang púsò"--ani Rizal--"ang siyang pan~gulong

budhî n~g "indio", at sinugatan nila ang pagca maramdaming iyan; at

cung natutong manatili sa pag-titiís sa m~ga hirap at pagcaamis n~g

búhay sa paanan n~g isang bandera n~g taga ibang lúpà, sa paglilingcod

sa España,[53] hindî nacapagtiís n~g makita niyang ang sa caniya'y

ibinabayad n~g canyang pinaghahayinan n~g buhay ay pag-alimura at m~ga

sawíng caasalán (chonggo, pilósopo, filibustero at iba pa). Nang

magcágayo'y untiunting hiniwatiga't siniyasat ang canyang calagayan at

napagkikila ang canyang anyong cahapishapis (wal-in ang pag-asa

magpacailan man, sa canyang catubusan). Ang hindî nan~gag-aacalà n~g

ganitóng mangyayari, palibhasa'y nápacalupit na m~ga pan~ginoon,

ipinalagáy niláng paglabág ang anó mang daíng, ang anó mang pagtútol,

at camatayan ang siyáng parusang bigáy; pinacsáng lunurin sa dugô ang

anó mang sigáw n~g paghihírap, at guinawâ ang sunodsunód na

pagcacámalì. Datapowa't hindî napagúlat sa ganitó ang budhî n~g bayan.

At baga man sa íilang púsò lamang napúcaw ang pagdaramdam, ang nin~gas

nito'y hindî naglílicat n~g marubdob na paglalakit, salamat sa m~ga

catampalasanan at m~ga masasamang cagagawán n~g tan~ging m~ga táong

nagpupumilit inisín ang m~ga damdaming mahál at mairuguín. Tulad namán

cung narirígkitan n~g alab ang suot na damít, ang pagcágulat at

pagmamadalî n~g pagpapagpag ay siyáng lalong nacapagpaparubdob n~g

nin~gas, at bawa't isáng pamamayagpag, bawa't isáng paghampás sa

nin~gas ay isáng híhip na lalong nagpapaalab."

Mahábà pang lubhâ ang canyáng m~ga sinaysáy, n~guni't ang lalong

nacapagtátaca'y ang marami sa canyáng m~ga sinabi'y naguing isáng

panghuhúla, catulad n~g m~ga wicâ niyáng itó:--"Marahil mapag-isipan

n~g malakíng República Americana ang muha n~g sacóp sa m~ga dacong

itó, bagá man hangga n~gayo'y walâ siyáng pinakikialamán cung dî ang

canyáng m~ga pag-aaring na sa sa dagat Pacífico at hindî pa n~gâ siya

nakikitalamitam sa m~ga nacucuha n~g m~ga ibáng nación sa Africa."

Sinabi rin niyáng cahi't lubhang payapang loob ang filipino'y

mapipilitang ipagpasumalá, sa camatayan ang buhay na puspós n~g lait

at cahirapan, at gayon n~gâ ang nangyari.

Ipinagsasangalang ni Rizal towî na ang canyang m~ga caláhì, sa

pamamag-itan n~g canyang pluma, sa m~ga paratang at pagpapahirap n~g

m~ga fraile at m~ga castílá, na ano pa't cung aking sasabihin dito ang

lahat n~g canyang m~ga guinawa'y hahabà n~g dî cawasà ang casaysayang

ito, caya't n~g dì magcágayo'y isinasamò co sa bumabasang cung totoong

ibig niyang matalós na ganap ang buhay ni Rizal at ang canyang m~ga

sinulat, bucod sa _Noli me tangere_, _Filibusterismo_ at _Sucesos de

las Islas Filipinas_, ay adhicain at basahin ang librong dî malalaon

at aming ipalilimbag na ang pamagát ay _Buhay ni Rizal_.

Nalís sa Francia si Rizal at lumipat sa Madrid n~g man~gan~galaghatìan

na ang Agosto n~g 1860, at pagdating niya roo'y pinagod niya ang

maraming pahayagan sa calalathálà n~g canyáng m~ga sinusulat sa

paglalaban n~g catuwiran n~g m~ga filipino.

Minsa'y hindî na nagcasiya si Rizal na pluma na lamang ang gamiting

sandata. Naglathálà si Don Wenceslao E. Retana sa páhayagang _La

Epoca_ n~g ica 16 n~g Noviembre n~g 1890, n~g isang sulat na laban sa

m~ga camag-anac n~g ating marilág na capatíd, at kinabucasa'y

tumatangap na siya n~g dalawang sacsing inutusan ni Rizal, at siya'y

ipinahahamon sa isang away na patayan (desafió â muerte). Namag-ita't

n~g huwag mátuloy ang away na iyon ang dalawang caibigan ni Retana, at

binigyang wacás ang gayong pag-aalit sa pamamag-itan n~g isang "acta"

ó casulatang pinagfirmahanan n~g lahat, na doo'y sinasabing walang

cahi't munting han~gad si Retanang ligaliguin cahi't babahagyâ, ang

calooban ni Rizal, at cung sacali't may salitang dapat icamuhî ni

Rizal na canyang sinulat ay ipinamamanhic na huwag pansinin at yao'y

hindî niya han~gad. Si Retana rin ang sa canyang _Vida y escritos del

Dr._ Rizal _ay nagsabi n~g ganito:_ "Nang matapos na ang bagay na

iyon, isa sa m~ga kinatawan co, na si Sr. Scheidnagel, manunulat na

militar na sa aki'y malaki ang pagguiliw, ay nagsabi sa akin:

Nagaalap-ap acong mátuloy ang pag-aaway ninyó; sa pagca't talastas

cong totoong magaling ang camáy ni Rizal sa pamamaril, at sacâ hindî

marunong malaguím."

Sinabi n~g m~ga pamahayagang castílang "La Correspondencia

Alicantina", "El Demócrata," sa Lorca at ibá pa, na cung gaano raw ang

cagalin~gang totoo n~g camáy ni Rizal, sa pagpapagalíng n~g matá, ay

gayon din ang cabutihang magpatámà n~g bala; naisusulat niyá sa pader

ang canyáng pan~galan sa pamamag-itan n~g m~ga bála n~g pistolang

canyáng pinapúputoc. Magalíng din totoong manandata siyá n~g espada at

sable.

Nang mámasid ni Rizal na hindî niyá masunduan sa Madrid ang maalab na

mithî n~g canyáng calolowang macapagbigay guinhawa sa Inang Filipinas,

bagá man guinagamit niyá ang boong lacás n~g canyáng ísip, nanaw siyá

roong puspós n~g calungcutan, pagcatapos na mailáthalà niyá sa "La

Solidaridad" ang canyáng m~ga pagsisiyasat n~g librong "Las luchas de

nuestros dias" ni D. Francisco Pí y Margall, at ang canyáng m~ga

sinulat na ang pamagát ay "Como se gabiernan las Filipinas," "A mi....

(musa)" at "Mariang Makiling." Ica 27 n~g Enero n~g 1891 n~g umalís si

Rizal sa Madrid na ang tun~go'y sa París.

* * * * *

Hindî nalaong totoo n~g pagtirá sa París si Rizal. Halos sa boong

táong 1891 ay nátira siyá sa Bélgica. Nanahán muna siyá sa ciudad n~g

Bruselas, n~guni't hindî nagluat at lumipat siyá sa ciudad n~g Gante,

at doo'y ipinalimbág niyá ang _Filibusterismo_. Náhahandog ang

librong itó sa m~ga presbíterong tagalog na si párì Mariano Gómez,

(walompo't limang taon); si párì José Burgos (tatlompong taón), at si

párì Jacinto Zamora (tatlompo't limang taón), na ipinabitay n~g

gobiernong castílà sa Bagumbayan n~g ica 28 n~g Febrero n~g 1872.

Hindî ipinagbilí ang cahi't isang libong _Filibusterismo_ sa Madrid,

ni sa alín mang ciudad n~g Europa; ipinadalá niyáng lahát sa Hong-kong

upang ipasoc n~g lihim sa Filipinas; n~guni't nátictican n~g m~ga

cainalám n~g m~ga fraile, caya't n~g dalhín dito sa Mayníla'y nahuling

lahát. Gayon ma'y nacapagparating din dito n~g librong iyón, n~guni't

cacauntî ang naipamahagui, dahil sa malakíng paghihigpít n~g m~ga

nag-uusig sa m~ga libro ni Rizal.

[Larawan: G. Teodora Alonso Y Quintos, Iná n~g Dr. José Rizal Imp. de

M Fernández. Paz, 447, Sta Cruz]

N~g m~ga caarawang dumating dito sa Maynilà ang librong

"Filibusterismo" ay pinaparoonan naman ang Calambâ n~g m~ga guardia

civil at n~g m~ga castilang sundalong artillero, na ang namiminuno'y

ang maban~gis at waláng habág na si Francisco Olive y García, coronel

n~g 20.° tercio n~g guardia civil, na totoong maraming pinahirapan at

binaríl at ipinabaríl na m~ga filipino, mulâ n~g Agosto n~g 1896

hangang sa malupig dito ang gobierno n~g castílà. Ang m~ga guinawâ n~g

ganid at tampalasang itó at ibá pang m~ga castílà at cauralì n~g m~ga

castilang sa Filipinas ay naglaganap n~g kilabot dahil sa caniláng

calupitán, sásaysayin co sa aking librong ilalathala tungcol sa

Revolución n~g 1896. Iguinibâ n~g m~ga guardia civil at n~g m~ga

artillero, sa utos ni Olive, ang m~ga bahay nang m~ga taga Calambang

inaacalang catoto at nakikisang-ayon cay Rizal, at n~g maiguibâ na'y

sinunog naman. Guinawa ang lahat n~g itó sa cahin~gian n~g m~ga

fraile. Hindî pa nagcasiya ang m~ga fraile sa gayong gawâ ay hinin~gî

sa pamamag-itan ni Olive sa general Weyler na ipatapon sa Joló ang

dalawampo't limang m~ga camag-anac at caibigan ni RizaL, at

sumang-ayon namán ang general na iyon.

Nang mábalitaan ni Rizal ang gayong nangyari, nagdamdam n~g di

gagaanong pighatî at sacláp n~g loob.

Inacálà ni Rizal na dalhin ang canyang ama't iná at m~ga capatid sa

Leida, ó sa Delpt ó sa Utrecht, at doon na sila tumirang casama niya,

sa pagca't ito ang sa canya'y hatol n~g canyang caibigang si profesor

Blumentritt, datapuwa't hindî pumayag silá sa canya, caya't ang

guinawâ niya'y lumipat siya sa Hongkong at doo'y dumating n~g

magtatapos na ang buwan n~g Noviembre n~g taóng 1891, sa pagca't ibig

niyang mápalapit siya sa m~ga sinísinta n~g canyang calolowa.

Hinan~gad niyang omowi dito sa Filipinas, caya't sumulat siya sa

canyang "familia" n~g ganito:

"Hongkong, 1 n~g Diciembre n~g 1891."

"Minamahal cong ama't iná at m~ga capatid: Sinúsundan cong walang

licát ang cahapishapis na Calvariong inyong linálacbay, Huwag cayong

man~ganib at hindî aco nagpapahin~galay sa pagsisicap. ¡Lakíng

caligayahán sana cung matulutan ninyo acong macaowî riyan! ¡Marahil

magbago ang lahat! Ipagcaloob n~ga ninyo sa akin ang capahintulutang

ito at papariyan agad acó. Umaasa acó, lubos ang aking paniniwalang

magalíng ang ating calalabasan."

"Natatalastas co ang pagcaparoon n~g apat na cababayan sa Joló, at ang

pagcábalic n~g aking capatid na lalaki sa Maynila. Natalastas co ring

mulíng ipinatawag sa Gobierno Civil ang Nanay, si Pan~goy at si

Trining. Taglayín ninyó ang caunting pagtitiis. Lacsán ang loob."

"Sa pagca't pinapagmámadalî aco n~g panaho'y bíbigyan cong wacás itóng

sulat."

"Maalab ang aking mithíng cayo'y mayacap."

Ang inyóng anác,--Rizal.

Sinagót agad siyá n~g canyang familiang howag ituloy ang canyang

gayac, cayâ hindî siyá nátuloy niyón n~g pag-owi rito.

Umupa siyá n~g bahay sa Hongkong at doon na siyá nagtumirá, hangang sa

siya'y bumili n~g maraming libro, na ang bilang ay dumating hangang sa

sanglibo.

N~guni't hindî rin siyá mátahimic; ninanasâ niyang totoo ang

capanatagán n~g canyáng m~ga magulang, m~ga capatíd, m~ga camag-anac

at m~ga cababayan, caya't naglacbáy siya sa Borneo, lupang sacóp n~g

Inglaterra[54], at n~g makita niyang doo'y maluwag ang pamamayan,

min~gî siyá sa Gobierno n~g Inglés na pagcalooban siyá n~g lupang

mátahanan at mápagtamnan n~g m~ga halaman, at pumayag naman ang

Gobiernong iyon.

Gayác na sana si Rizal, n~g pagpasa Borneo, na doo'y isasama niyá ang

canyáng m~ga magulang, capatíd, kinamag-anacan at cababayan, n~g

mabalitaan niyang dito sa Filipinas ay may bagong Gobernador General

na totoong masintahin sa catowiran. Ito'y ang teniente general Eulogio

Despujol y Dusay, Conde de Caspe, na dumating dito n~g ica 17 n~g

Noviembre n~g 1881. At tunay n~gâ namán. N~g m~ga unang buwan n~g

pamumunò rito n~g general Despujol ay nagpakita n~g pag-uusig sa m~ga

gawáng masamâ n~g m~ga castílà, at ipinakilala niyang hindî siyá

sang-ayon sa m~ga caasalán n~g m~ga fraile. Sa pagca't marami ang

nagbalitâ cay Rizal n~g m~ga gayong panunupád n~g General Despujol sa

canyáng mataas na catungculan, sumulat siya sa Gobernador General na

itó, at sinabi niya ang nasang omowî rito sa Maynilà upang ihandóg

niya ang pagtulong sa lalong magalíng na pamamanihalâ n~g lupaíng itó.

Hindî sumagót si Despujol sa sulat na iyón, n~guni't n~g macaraan ang

iláng buwan, mulíng sumulat si Rizal n~g Mayo n~g 1892 sa General, at

sinabi niyá ang canyang acalang bumalic siyá sa bayang itóng sa

canya'y pinan~ganacan, upang ipagbili niya at n~g canyang m~ga

caibigan ang m~ga pag-aaring sa canila'y nátitira pa, at n~g macalipat

silá n~g pamamayan sa Borneo, na casama ang canicaniláng asawa't m~ga

anác, at doo'y man~gan~gasíwà silá sa pagsasáca, sulat na hindî

sinagót n~g sulat din n~g general Despujol, cung dî ang guinawa'y

ipinasabi na lamang sa canyá sa Cónsul n~g España sa Hongkong, "na sa

pagca't culang na culang sa magsasacá ang m~ga lúpà rito sa Filipinas,

hindî n~gâ gawang macabayan ang alsán n~g m~ga magsasacá rito upang

bigyang casaganaan ang lúpà n~g m~ga taga ibang nación, caya't dahil

dito'y hindî n~gâ siyá macatutulong sa gayong nais"; sacâ idinugtong

ang sabing: "sino mang filipino'y macatutulong mulâ sa alín mang bayan

n~g Sangcapuluan sa iguiguinháwa n~g lupaíng itó, sa loob n~g

nasasaclaw n~g m~ga cautusán n~g sariling bayan."

Datapuwa't cung nagsusumakit man si Rizal sa icapapanatag n~g m~ga

irog n~g canyáng puso'y hindî naman niya nililimot ang ipagtatamó n~g

guinhawa, m~ga calayâan at casarinlán n~g Filipinas, at sa pagca't ang

pagcacaisa'y siyang mahigpít na cailan~gan upang tamuhín ang m~ga

gayóng bagay, inisip niya't itinatag ang isáng samahang pinan~galanan

niyang _Liga Filipina_; nagpalimbag siyá n~g maraming palatuntunan n~g

capisanang itó at ipinadalá sa canyáng caibigang si G. Domingo Franco.

Sa pagca't inaacalà cong lubhang mahalagang bagay, aking isasatagalog

ang "Estatutos de la Liga Filipina", sa pagca't mainam na gawing

ulirán sa pagtatayô n~g ano mang samahang nauucol sa catubusan nitong

ating kinaguisnang bayan.[55]

Ang m~ga abreviaturang cagamitan sa "Estatutos de la Liga Filipina"

(Palatuntunan n~g Pagcacabigkísbigkís n~g m~ga Filipino) ay ang

sumusúnod:

L. F., Liga Filipina; Pagcacabigkísbigkís n~g

m~ga Filipino.

A * * *, Archipiélago; Sangcapuluan.

VIO * * *, Vnvs Instar Omnium; Pagcacaisá

n~g lahát.

Cp, Consejo popular; Capulun~gáng bayan.

CP, Consejo Provincial; Capulun~gáng Lalawigan.

CS, Consejo Supremo; Cataastaasang Púnò.

GS, Gefe Supremo; Cataastaasang Púnò.

G, gefe; Púnò.

F, Fiscal; Tagausig.

T, Tesorero; Tagain~gat-yaman.

S, Secretario; Calihim.

A, Afiliado ó afiliados; Capanig ó M~ga Capanig.

P, mayúscula (malaking P), ang cahuluga'y Provincial, ang nauucol sa

Lalawigan; at p minúscula, (maliit na p), ang cahuluga'y "popular, ang

nauucol sa bayan".

Ganito sa wicang tagalog ang sinabi n~g "Estatutos":

L. P.

ADHICA: Paglakiplakipín ang A * * * sa isá lamang capisanang

nag-iibigang mahigpít, malacás at nagcácaisang anyô ang magcacapanig.

2. Man~gagtangkilican sa lahát n~g capan~ganiban at

pan~gan~gailan~gan.

3. Pagsasan~ggalang laban sa anó mang catampalasanan at gawáng sawî sa

catuwiran.

4. Pagpapalagô n~g pag-aaral, n~g pagsasaca at n~g pan~gan~galacal.

5. Pag-iísip at paggamit n~g m~ga pagbabagong cautusán.

Saguisag: VIO * * *

Palatandàan: * * *

PARAAN:

1. Upang masunduan ang m~ga ADHICANG ito'y magtatatag n~g Cp, CP at

sacâ isáng CS.

2. Bawa't C ay magcacaroon n~g isáng G, F, T, S at m~ga capanig.

3. Bubuô-in ang CS n~g m~ga GP, at gayon ding bubuô-in ang CP n~g m~ga

Gp.

4. Nag-uutos ang CS sa LP at makikipag-alam na tulóy-tulóy sa m~ga GP

at m~ga Gp.

5. Nag-uutos ang CP sa m~ga Gp.

6. Ang Gp ay nacapag-uutos sa m~ga A.

7. Bawa't CP at Cp ay gagamit n~g isáng pan~galang ibá sa pan~galan

n~g kinalalagyang bayan ó lupaín.

MGA CATUNGCULAN N~G M~GA A.

1. Magbabayad n~g dalawang piso pagpasoc, at bucod sa rito'y piso sa

bawa't buwan.

2. Súsunod n~g waláng tutol at n~g boong caganapán ang lahát sa m~ga

cautusáng mangaling sa isáng C ó sa isáng G ó sa GS.

3. Ipagbíbigay alám sa F n~g canyang C ang anó mang mahiwatigan ó

maringíg na nauucol sa LP.

4. Pacaiin~gatan ang paglilihim n~g ano mang lagdâ, cautusán ó

cahatulán n~g C.

5. Sa anó mang gágawin sa pamumuhay ay bíbigyang lin~gap ang m~ga A;

howag bíbili cung dî sa tindahan n~g A, at cung magbíbili naman n~g

ano man sa isáng A ay bababàan ang halagá. Parurusahan n~g mabigat ang

ano mang pagsuay sa cautusang itó. * * *

6. Ang A na hindî sumaclolo, baga man mangyayari, sa isang capwâ A, na

nakikitang na sa caguipitan ó pan~ganib ay parurusahan, at ang

caliitan n~g parusang ito'y ang capantay n~g paghihirap na tiniis n~g

dapat niyang saclolohan.

7. Gagamit bawa't A, pagpanig niya sa LF, n~g bagong pan~galang hindî

niya mababago ulî hangang hindî siyá naguiguing GP.

8. Itutulong sa bawa't C ang isáng gawâ, isáng paalaala, isáng

natutuhang dunong ó n~g paghicayat sa magagandang loob na cababayang

sila'y umanib sa LF.

9. Howag paaalimúra at howag magpapalálò canino man.

MGA CATUNGCULAN NG G.

1. Lin~gatan ang búhay n~g canyang C. Sacali't siyá ang GS, dapat

niyáng masaulo ang m~ga pan~galang bago at gayon din ang n~galang

tunay n~g m~ga C, at sacali't siya'y Gp ay dapat niyang masaulo ang

m~ga pan~galang dati at pan~galang bago n~g sacóp niyang m~ga A.

2. Sa towi na'y pagsisicapang maalaman ang lalong magalíng na paraan

upang magcáisa ang canyáng m~ga nasasacupan at sila'y mapag-abot-usap

agad-agád.

3. Pagsisicapang maalaman at pagdaca'y bibigyang cagamutan ang m~ga

pan~gan~gailan~gan n~g LP, n~g CP ó n~g Cp, alisunod sa cung siya'y

GS, GP ó Gp.

Buhay at Mga Ginawâ ni Dr. José Rizal · 第 4 / 12 段