TALABABÂAN

[6] Ang palagáy ni G. Mariano Ponce sa aklát na _Guillermo Tell_ ni

Rizal hinggíl sa pag-áalís ng̃ kudlít sa _g̃_ at isulat ng̃ _ng_ na

walâng kudlít sa itaás, pag-áalís na nagkakahulugán ng̃ pagpawì sa

titik na _g̃_ ay dinaramdám kong dî sang-ayunan gaya rin namán ng̃ dî

pagsang-ayon ng̃ maraming mánunulát at mánanagalóg. Ang násabing ginoó

ay nagbitíw ng̃ mararami at maháhalagáng katwirang pinagbábatayán

niyá, na ang isá’y násasalig sa ibá’t ibáng wikà at ang ikalawá’y ang

kapansanang mangyayari sa _g̃_ sakalìng magpalimbág sa ibáng lupà

ng̃ mg̃a kasaysayang tagalog. Akó man sana ay talagáng sang-ayon na

rito, dang̃a’t dî maamin niyaring kalooban ang pagtatapon sa titik

na bugtóng at katutubò na siyáng pinakadiwà ng̃ ating wikà at siyáng

katang̃ìán sa ibá. Bukód sa rito, ang _g̃_ ay siyáng angkóp na

angkóp sa pagbigkás at tunóg ng̃ ating mg̃a pang̃ung̃usap. At kung

ang titik na iyá’y ating papawiin at papaltán ng̃ ibá, marahil ang

mg̃a salitâ natin ay magigíng garíl kung bigkasín. At tang̃ì pa rin

dito, yamang isinaád ni Risál na: “ang sulat tagalog ay dapat magíng

sulat tagalog,” kung gayón, upáng matupád ang dakilàng salitâng itó

ng̃ magiting na bayani ay dapat gamitin natin ang _g̃_ na siyáng

katutubò at siyáng diwà ng̃ wikà ni Balagtás.

[7] Noón ng̃âng araw ay malimit gamitin ang _r_ sa katapusán ng̃

pang̃ung̃usap, at ang madalás gumamit nitó’y ang mg̃a parì sa kaniláng

pang̃ang̃aral at sa kaniláng mg̃a kasulatan at dásalan, paris sa

halimbawà ng̃ _capatír_, _bacor_, _lubir_, atb., sa lugál na sabihing

_kapatíd_, _bakod_, _lubid_. Sa iláng bayan ng̃ Batang̃an ay gayón

din ang pagbigkás, at kung dî akó malî ay hindî nagbabago hanggá

ng̃ayón.

[8] Noóng mg̃a panahóng lumipas, palibhasà ang _w_ ay dî pa nátutuklás

na gamitin sa ating wikà, kung kayâ ang ginágamit sa lugál niyá (paris

ng̃ sinabi ko) ay ang ting̃ig _u_ gaya sa mg̃a salitâng _uica_,

_uala_, atbp. At sanhî sa kadahilanang itó kung kayâ sa _Ensayo de

Gramática Hispano-Tagala_ ni Fr. Minguella ay ipinalagay tulóy na

ang _ua_ at _ui_ ay diptongo, pagpapalagáy na walâng katotohanan

sapagkâ’t walâ nitó sa mg̃a salitâng wagás na tagalog.

Balarilang Tagalog · 第 24 / 396 题