PAN~GUNANG SALITA

Ang munti kong kaya at maiklíng pagkukuro ay minarapat n~g mahál kong

kaibigang Angel de los Reyes na magbigáy n~g _Pan~gunang Salita_ dito,

sa kanyáng bagong aklát na maliit, na noóng araw ay napalathala na sa

páhayagang "ANG DEMOCRACIA;" at kung bagamán tinawag ko

n~gayon n~g _bagong aklát_ ay sapagka't n~gayón lamang naipalimbág at

di na paputól-putól.

Walang alinlan~gan akóng nayag sa hilíng n~g aking kaibigan, nan~giti

ako n~g lihim n~g ito'y sabihin niyá, at naibulong ko sa sarili na

siya'y sadyang matalino sapagka't totoóng maalám na magbagay-bagay:

nababatid niyáng sa isáng maiklíng aklát, ay isá namáng maiklíng isip

na lamang ang dapat mag-ukol n~g m~ga palagay at paghahaka. At dahil

diyán, ay sisimulán ko ayon sa makákaya, ang paglalahad n~g aywán kung

tumpák na aking m~ga pagkukuro tungkól sa kanyang katháng itó.

Sa ganáng akin, ang mátutunghayán n~gayón n~g m~ga mambabasa ay isáng

aklát na mainam, isang aklát na dapat bigyán n~g papuri, hindi dahil

sa itó'y nakáwiwili lamang basahin kundi alang-alang pá sa wagás at

maníngníng na damdamin n~g kumatha: ang maalab niyáng nasang ang dukha

ay igalang at masugpu ang ugaling hanggáng n~gayon ay umiiral pa sa

ibá, at kung minsán ay sa dukha rín, na inuuna ang salapi bago ang

lahát; minámahál na higít sa puri, sa dan~gal, sa katungkulan at

wastong ugali.

Ganyáng-ganyán ang asal na makikita natin sa mag-amá ni Tuníng sa

Kasaysayang itó, na bagamán mahirap ang búhay, nang mahulí ay ayaw na

silá sa kapwa nilá mahirap at ang ibig ay ang mayaman, dahil sa may

nakápan~gibig lamang na isang masalapi kay Tuníng at ito'y si Ruperto.

At ang kasuklám-suklám na nagíng bun~ga n~g kasabikáng itó sa pilak ay

ang pagkatapon n~g anák ni Osong, ang binatang unang inibig ni Tuníng,

pinaglagakan n~g boo niyáng pagkábabai at hanggáng sa nagbun~ga pa

n~ga. Datapwa't kay Tuníng, ay nagíng bula ang salitang _puri_ at

_katapatan_ sa haráp n~g yaman ni Ruperto, kayá't dito siyá napakasál

sa wakás, gayóng si Osong ay di namán tumatanggi sa pagtupád n~g

kanyáng tapát na pan~gakó at wagás ná pagibig.

Si Osong na parang sinasakal n~g m~ga daliring bakal ay hindi nakatiis

at nang araw n~g pagkakasál ay nagdamít-pulubing naparoón sa bahay n~g

kasayahan nilá Tuníng at ni Ruperto na dalá ang larawan n~g kanyáng

bunsóng na sagíp sá ilog, at nang makita ni Tuníng na yaón ang kanyáng

anák ay hinimatáy na bigla, bago humingí n~g tawad kay Osong at

hanggáng sa nalagót ang hinin~gá. Samakatwíd ay oo't nagsisi n~gá si

Tuníng kayá't humin~gí pa n~g tawad sa pinagtaksilán niyáng binata,

subali't dí dahil dito'y hindí siyá matatawag na babaing salawahan at

tampalasan lalo pa't isasagunita ang pagkákatapon sa tunay na dugó n~g

kanyáng pusó.

Kung ang gayóng ginawá n~g babaing ito'y oo't napatatawád n~g Diyós,

sa m~ga tagá-lupa'y waláng makapagpapatawad marahil.

Sa haráp n~g ganyáng paglálarawan n~g kaibigan ko, ay labis niyáng

ipinakilala ang lubós na kabagsikán n~g salapí na waláng dí naituturó

sa tao, pati n~g lalóng kasamasamaan.

Subali't ¿ang han~gád kayá n~g mahál kong kaibigan sa paglalarawang

itó n~g nakáririmarim na ugalí ay upang pulutin namán itó n~g m~ga

mambabasa?

Kayóng tumútungháy n~gayón ang makásasagót, at kayó rin namán ang

dapat makábatid sa túnay na layon n~g ¡NASAWING PAGASA!

Gayon man ay sasagot din ako n~g para sa akin.

Ang mithí n~g aklát na itó ay walá n~gáng ibá sa warí ko, kundí ang

turuan ang m~ga dukhá sa pagpapakáran~gal sa kaniláng sarili, sapagkát

kung ang m~ga dukhá'y maran~gál, kung ang lahát n~g dukha'y hindi

nagbibili n~g puri ni napaaalipin sa salapí, ang m~ga mayáyaman ay

hindí maaaring magpákatayog-tayog na para n~g madalás nating mapánoód

n~gayón.

Ang isinasamá n~g m~ga mayayaman ay na sa mahihirap, at ang isinasamá

n~g isáng pamahaláan ay na sa pinamamahaláan dín. Iyán ang m~ga

katótohanang kailán má'y dí magkakabula at dapat dasalín n~g bawá't

tao; katótohanang aywán kung kanino ko unang nadiníg o nabasa at

n~gayo'y inankín ko na tulóy pagka't nakilala kong tapát.

Kayá n~ga, m~ga mambabasa, upang makinabang ang kumathá nitóng

¡NASAWING PAGASA! sa kanyang m~ga ginugol na pagod sa pagsulat n~g

kasaysayang itó ay pagaralan sana ang huwág magbilí n~g puri at

isagunitang _na sa kupurihán ang tunay na halagá n~g tao at wala sa

kayamanan_.

Kung magkakagayón, siyá at akó'y maghahandóg sa inyó n~g masaganang

pasalamat, palibhasá'y siyáng túnay na adhiká n~g tapát kong katoto.

_Amado Jacinto._

Malabón, Rizal, 1912.

¡NASAWING PAGASA!

Nasawing Pagasa · 第 17 / 25 题