SA PIGUING.

_Si Urbana cay Feliza_.--MANILA....

FELIZA: Cun icao at ni Honesto, ay maanyayahan sa isang piguing, ay

dagdagan ang in~gat at maraming lubha ang pagcacamalan. Pagdating nang

bahay, ay magbibigay nang magandang gabí, ó magandang arao sa may

bahay sacá isusunod ang man~ga caharap, houag magpapatuloy sa

cabahayan hangang di inaanyayahan, bago lumucloc ay hintin muna na

pagsabihan, at houag pipili nang mahal na loclocan, sapagca mahan~gay

ipagutos nang may bahay na umalis ca sa mababa at umaquiat ca sa

mataas, na cun na sa mataas ay paalisin at ituro sa mababa. Sa

paguumpocan ay caiin~gatan ang quilos, tin~gin at pan~gun~gusap, at

baca maquitaan nang cagaspan~gan, ay cahiyahiya.

Sa isang piguing ay maraming lubha ang masasamang gauang naquiquita,

na laban sa calinisan sa cabaitan at sa camahalan nang asal.

May maquiquita cang guinoó, na palibhasa,i, inaaring mataas nang iba,

ay guinagaua ang asal na di nagpipitagan sa may bahay.

Palin~gap-lin~gap ang mata, sa magcabi cabilang suloc, tinitingnan ang

handa, at pag may di naibigan ay pinipintasán, na halos murahin ang

may piguing.

May maquiquita ca naman, na pagpanhic sa bahay, ang sombrero,i, na sa

ulo, ang baston ay di mabitiuan; di nagpupugay sa may bahay, pagbucá

nang bibig ay nacatutulig, at pagsasalita,i, siya ang marunong, siya

ang may bait siya ang matapang, ang mayaman at mahal na asal; bago,i,

na ang pang-sira sa piguing na paris niya. Ang lahat na ito ay sucat

ilagan. Sa madlang bagay na inihahanda nang may piguing, hindi

mauaualan nang sucat cauiuilihan nang mata: cun may ipaquita ang may

bahay, na parang ipinagpaparan~galan, cun may cabutihan ay taponan

nang caunting puri, at cun may capintasan man ay magualang bahala

houag pupulaan, at nang di ang dalamhati ang matubo nang caua auang

nagpagod. Cun nangaanyaya sa pagcain ang may piguing, ay houag

magpapauna sa lahat, nang houag uicaing salangapang n~guni,t, masama

rin naman ang pinagcacahirapang anyayahang, sapagca,t, quinayayamotan.

Sa lamesa, ay sabihin mo cay Honesto, na cun macaquita nang bata na

naquiqui guiit sa matanda, idinuducot ang camay, naquiquicain, ay di

ina-anyayahan, ay pacailagan ang gayong masamang asal sapagca,t,

nacasisira nang puri sa ma~gulang at nauiuica, na di tinuroan nang

magandang caasalan. Houag maquiquiloclóc sa matatanda, cun di

pagutusan at pilit pilitin. Sa pagcain, ay iilagan ang pag uubó, at

cun hindi mangyari ay tumindig, gayon din naman ang paglura, pagdahác,

pagsin~ga, ang pagbahin, at cun di maiilagan at cun minsan ay

mabiglaanan, lumin~gon sa cabila, tacpan ang bibig nang panyó, at nang

houag mahalatang lubha. Ilagan nang bata ang pagcamot camot, at iba

pang gauang cahan~galan sa pagcain. Houag magpapauna sa matatandá sa

pagsubo; houag magsasalita cun di tinatanong, at cun matanong naman ay

sumagot nang maicli at banayad; n~guni, lilinisin muna ang bibig nang

servilleta cun mayroon, at cun ualá ay panyó at houag sasagót nang

lumilinab ang bibig at namumualan. Houag magpapaquita nang galit sa

naglilingcód sa lamesa, sapagca,t, isang caualan nang bait, na para

rin naman nang cumaing namumunó ang bibig, nagdudumali dalás-dalàs at

malalaqui ang subo, di pa nalululón ang isa,i, susundan na naman, ó

namumutictic ang canin at naglilináb; sapagca,t, mahahalata ang

catacauan at casalaulaan. Ang pagcain ay banayad, ang subo ay

catamtaman, hindi malalaqui at dalás-dalás, patun~gó ang mata at di

nagmamasid sa quinacasalo, ay tandang pinagcacaquilanlan nang

cabaita,t, cahinhinan. Iilagang marumhan ang mantel, lamesa, nang

sabao, alac ó tubig nang di mapahamac, cun ang hinahauacan ay vaso,

cuchara, ó copa, ay houag punuin, at nang di mabubó. Ang magpaquita

nang lambing at magpairi iri ay nacamumuhi sa bata. Ang humimod sa

daliri, hipan ang mainit na sabao, lamasin ang ulam, manguipaldal ang

pingang quinacanan, cagatin ang ulam, at saca isauli sa

pinangalin~gang pingan; uminom sa copa nang alac, ó vaso nang tubig na

di nililinis ang labi, ay pauang casalauaang nacapandidiri sa

nacacaquitang tauo. Ang uminom nang alac, ay masamang tingnan sa bata,

at lalong masama ang mahalatang maibiguin sa alac. Cun matanda at

iinóm ay maglagay sa copa nang caniyang mauubos, acalain ang maiinóm,

sapagca,t, cun may matirá, ay pandidirihan nang iba, at bago uminóm ay

linisin ang bibig, gayon din naman cun matapos. Hindi nauucol na

magpainóm sa isang copa ó vaso cun maraming magagamit, sapagca,t, cun

mainuman n~g isa ay pandidirihan nang iba. Cun baga,t, nagtatagayan,

ay houag pipilitin ang capoua na painomin nang di macayanan, nang

houag, macapahamac, at nang di siya ang pagcadahilanan nang

pan~gun~guaad nang masama, paggaua nang di matouid, cun baga,t,

mapagdimlan na ang isip. Cun hihin~gi nang alac, ay houag ipan~gusap

nang malacás, cun di ihiuatig lamang sa namamahala. Houag nagpapahulí

sa lahat sa pagcain, at houag namang magpapauna nang pagtindig, cundi

paunahin ang matanda. Cun may í aabot sa iba, magoui nang ulam at ano

mang bagay, ay houag lamasin at nang di pandirihan. Ang maganyayang

mulán ang pagcain, ay na-uucol sa may piguing at di sa pinipiguing, at

nararapat naman na sayahan ang muc há nang nagaanyaya at nang di

maquimi ang inaanyayahan. Ang magsucbit nang matatamis ó maglagay sa

bulsa nang ano mang macacain, ay isang catacauang nacahihiya; n~guni,

cun may matanda na magaabot sa bata, ay dapat tangapin at cacaraca,i,

pasalamatan ang nagmagandang loob.

Cun darampót nang vaso nang tubig, ay tingnan muna cun malinis ang

daliri, at nang di marumhan ang hahauacan; houag isusubo ang daliri sa

loob, sapagca,t, cun maquita nang maselang matá, may mandidiri. Sa pag

inóm, cun mangyayari ay gamitin ang dalauang camáy, ang man~ga daliri

ay sa dacong puno, houag ipapatong sa labi nang vaso ó saro at nang di

casuclamán. Pagtindig ó bago umalis sa dulang, ay magpapasalamat sa

Dios; n~guni, ang dapat mamuno ay ang may bahay, ó may piguing; at cun

may sacerdoteng casalo ay sa caniya nauucol, at pagcatapos, ay

magpasalamat sa may bahay. Nauucol disin na ituro nang magulang, ó

maestro sa escuela ang pag bebendición sa dulang, ang pagpapasalamat

sa Dios, sa man~ga bata, gayon din naman ang magandang cahatulan na

isinulat co, sa iyo Feliza, laquing caligayahan ang aquing cacamtan,

cun si Honesto,i, maquita co, na marunong maquipagcapoua tauo at sa

paquiquipagharáp sa puno sa bayan, sa man~ga sacerdotes, sa matatandá,

maguinoó, sa capoua bata, at itinutunton sa guhit ang asal, quilos at

pan~gun~gusap. Quiquilanling cong utang cay ama, cay ina,t, sa iyo,

cun sa isang piguing ay di magpaquita nang catacauan, cahan~galan, cun

di cabaita,t, cahinhinan, sapagca,t, maguiguing capurihan nang umaral

na magulang at caran~galan mo naman; ¡oh Feliza! sapagca,t, catulong

ca sa pagcacalin~ga. Adios, hangang sa isang sulat.--URBANA.

Pag Susulatan nang Dalauang Binibini na si Urbana at ni Feliza · 第 36 / 61 题