UNANG SULAT NI FELIZA CAY URBANA.

_Paombon y Mayo 10. 185_ ...

URBANA: N~gayong á las seis nang hapon na pinagugulong nang hari nang

astros ang carrusang apuy, at itinatago sa bundoc at cagubatan,

ipinagcacait sa isang capuloan ang caliuanagan, at sa alapaap ay

nagsasambulat nang guinto,t, púrpura: ang mundo,i, tahimic, sampuo

nang amiha,i, hindi nag tutuli,i, nagbibigay alio, ang man~ga

bulaclac, ay nan~gag sasabog nang ban~gong inin~gat sa doradang caliz;

ang lila,t, adelfa na itinanim mo sa ating pintoan; ang lirio,t,

azucena; ang sinamomo,t, campupot na inihanay mo,t, pinag tapattapat

sa daang landas na ang tinutun~go,i, ating hagdanan; oras na piniling

ipinagsasaya, nan~gagsisin~giti,t, ang balsamong in~gat ay ipinadadala

sa hihip nang han~gin; mapalad na oras na ipinag lilibang nang

camusmusán ta, ipinagpapasial sa ating halamanan.

Marahil Urbana,i, di mamacailang pagdating sa iyo nang oras na ito,

ang alaala mo,t, boong catauohan ay nagsasaoli sa ating halamanan,

iyong sinasagap ang balsamong alay nang man~ga bulaclac na bago pamuti

sa parang linalic na man~ga daliri mo,i, pinaiibayuhan ang di munting

pagod sa pagaalaga.

Naglilibang icao, aco,i, gayon din naman, at dito sa lihim nang

namumulaclac na suhâ, ay sinasagap co ang caaya-ayang ban~gò,

pinanonood co ang lipad nang ibong napaiilang lang sa himpapauid; ang

pato at tagác na nonoui sa hapunan, husay nang pag liliparan, tulad sa

ejércitong nag susunod sunod, ualang nahihiualay, iisa ang loob iisa

ang tun~gò, isa ang sinusundan nang sang bayanang ibon, at palibhasa

i, tulad din sa tauo may pinipintuho,t, sinusunod na hari. Sa pag

didili-diling ito i, di caguinsa guinsa,i, napaimbulog ang pag iisip

co, icao ang hinanap sa loob nang halamanan, sinundan sundan ca at

napanood cong mamumuti nang bulaclac, pinag salit salit, pinag tama

tama ang sari-saring culay, guinagauang ramillete: saca co naquita na

inihahain sa maalindog na reina nang rosas, ni Urbana, rosa naman sa

calinisan. Magpahangan n~gayo,i, aquing natatanao na nunuti ca nang

amapola, nang maquita co na nagniningning na sa man~ga buroc na iyong

daliri ay sinundan quita, napahabol ca naman, saca nang abutan

quita,i, conouari itinangui ang quimquim na bulaclac, saca ipinaagao

sa aquin: at nang macuha co na,i, in~gay nang canitang

paghahalac-hacan sa loob nang halamanan. ¡Masayáng halac-hac na

iquinagagalac ni ama,t, ni ina na ninitang toua sa pag aaliuan nang

dalauang anác!

Magpahanga n~gayo,i, di co nalilimutan ang casipagan mo, na pagca

guising sa umaga,i, malicsing baban~gon, sasandatahin ang cruz,

maninicluhod ca,t, magpupuri sa Dios, magpapasalamat at iniadya ca sa

madlang pan~ganib at pinagcalooban nang buhay na ipaglilingcód sa

caniyang camahalan sa arao na iyon Dios ang unang bigcás nang labi mo,

at palibhasa,i, Dios ang unang isip mo.

Aquing natatanao ang cauili uiling anyó mo, ang cabaita,t, cahinhinan

na nagniningning sa iyong paglacad at boong caasalan, na ipinaquiquita

sa pagtun~go sa simbahan, at ipinaqui-quinyig nang Santo Sacrificio.

N~gayo,i, naqui-quita cong bucás ang dibdib mo, at natatanao co ang

malinis mong puso, na naquiquibagay sa sacerdote na inihahain mo nang

boong pagibig, ang Dios nang pagibig na hauac sa camay, at iniaalay sa

di matingcalang Ama, alaala,t, galang sa mataas niyang capangyarihan,

na ipinag-hahari sa sangdaigdigan.

Nalulugod aco sa capacumbabaan mo at pamimintuho cay ama,t, cay ina,

na palaguing gayac ang loob sa pagsunod sa canilang utos, at paghin~gi

nang bendicion bago patun~go sa escuela. Dili magcasiya sa puso co ang

quinamtan cong toua; n~gayong nagsasaoli sa aquing alaala ang

casipagan mong magaral nang leccion na ibinibigay nang Maestra, sa

pagnanasang maliuanagan ang bulag na isip, at maca quilala sa Dios na

cumapal nang iyong catauohan, punong pinagmulan nang iyong caloloua at

siya ring caoouian.

Ang cabaitang di hamac na ipinaquiquita mo sa escuela, na tinitipid mo

ang gaui nang cabataang mag laró sa capoua bata; ang cahinhinan nang

iyong asal na di maquitaan nang cagaslaua,t, catalipandasan, mag

pahangan n~gayo,i, di nalilimutan nang canitang Maestra, at sa touing

masabi sa aquin, ay nagagalác ang loob co,t, nagnanásang mahouarán

ang magandang caasalan mo. Ang mabining lacad na bucál sa iyo,t, di

pinagaralan; ang mahinhing titig nang matá mo na di nag papalibot

libot, at ang tinapunan ay ang linacarang lupa, cun maalaala co na

dahilan dito,i, iguinagalang nang man~ga batang lalaqui,t, di ca

mahaguisan nang masamáng aglahí ay namamanghá aco, at naipag

hahalimbaua quita sa reina nang man~ga bulaclac, na pinaggugulan nang

dunong nang naturaleza, na biniguian nang caaya-ayang culay,

cauili-uiling ban~gó,t, naca bibihag na diquit; n~guni cun paugahasáng

salan~gin nang salan~gapang na camáy, ay capilitang magdurusa, sa

pagca,t, ipinagtatangól nang tinic.[2]

Cung aco,i, mangaling sa escuela, macapag pahin~gá nang munti, mupó sa

habiha,t, pagaralan cong habihin ang damit na isusuot ni ama ó ni ina,

ay naaalaala co yaong matouid mong aral na capurihán nang isang anac

na babaye, ang maca pagalay sa magulang nang damit na caniyang

pinagpagurang hinabi. Pag aco,i, umupó sa tabi nang panahian, dumampót

nang cayo-gumamit nang carayom, at magbuó nang damit, ó humarap caya

sa calán, magtiis nang init nang apóy sa pan~gun~gusina, ó aco caya,i,

mag linis sa pamamahay, ang sinusunód co,i, yaong magandá mong hatol

na ang gagauin nang babaye, pagcamulat nang matá hangang sa ipiquit ay

ualang catapusán, at dapat ang uica mong papamihasahin ang catauan sa

paggauá toui na, sa pagca,t, ang casipagan at calinisan, ay hiyas nang

babaye, at ang catamara,i, isang capintasan.

Sa pagbasa mo, Urbana, nitong aquing titic, ay parang naquiquita co

na, nagcucunót ang noó mo, ga namumuhí na,t, tinutugón mo aco, at

nan~gun~gusap ca sa aquin: ang bilin co sa canitan Maestra na sabihin

sa iyo na isulat mo sa aquin ay ang guinagauá mo sa arao arao, ¿ay ano

caya ang cadahilanan Feliza, at ang sinaysay mo dito sa sulat ay ang

gagauin co nang quita,i, nagsasama, at di ang guinagauá mo n~gayong

magca hiualay cata? Sa tanong mong ito,i, liban na lamang sa paglalaró

ta, nang quita,i, musmós pa,i, cun anong hatol mo,i, siya cong

sinusunód, at ang gagauin mo, nang icao,i, dirine, siya rin namang

guinagauá co n~gayon.

N~gayong masunód co na ang cahingian mong sumulat aco sa iyo, ay

nauucol namang gantihin mo itong aquing sulat, at isaysay mo naman sa

aquin ang magandang aral na tinangáp mo sa marunong na Maestra, diyan

sa Maynila, sa loob nang apat na taong icao,i, tinuturuan. Dito,i,

lulutasin co itong aquing titic: Adios, Urbana, hangang sa aco,i,

sagotin mo.--FÉLIZA.

Pag Susulatan nang Dalauang Binibini na si Urbana at ni Feliza · 第 19 / 61 题