=(Bubuksan Ang Tabing)=
=VI TUGMA=
_Sa kabilang dako'y lalabas si Rizal at sa kabilang dako'y si
Minerva._
_SALITAAN:_
Rizal:--Minerva.... Minerva, ako ay tulungan
Ako ay akayin sa landas ng dangal.
Minerva:--Ano ang nais mo magiting na Rizal?
Sabihin ng agad.
Rizal:-- Ang iyong pagdamay
Ang Ina kong minamahal
Sa pighati'y mamamatay;
Minerva ako ay tulungan,
Ang hirap niya'y lunasan,
Ang isip ko ay tanglawan
Ng ningning ng karunungan,
Nang si Ina'y maalayan
Ng bahagyang kaaliwan.
Minerva:-- Ano ang aking magagawa
Sa Ina mong lumuluha?
Rizal:-- Tanglawan mo ng biyaya
Diwa kong napakahina,
Nang sa aki'y maniwala,
Kapatid kong matatanda
Sila ay nangahihimlay
Sa mga gawing mahahalay;
Kanilang nalilimutang
Mahigpit na katungkulang
Sa Ina ay tumangkakal;
Ang Ina kong minamahal
Na Ina rin nilang tunay
Sa dusa ay mamamatay ...
Minerva sila'y tanglawan
Ng iyong kapangyarihan.
Minerva:-- Kailangan magsikap ka
Kung sa aki'y pasasama;
Ang mithiin mong ligaya
Matatagpong walang sala ...
Kay Panahon ka paakay
Siyang may hawak ng buhay
_(tatawag)_ Panahon ...