Hating-gabí.
Kinúkubkob ang boông báyan ng isáng kadilimang nakapanghihilakbót.
Ulap na sakdál ng itím ang nagpápasungít sa mukhâ ng lángit.
Walâ ni buwán, ni bitúin, ni talà. Ang lahát ng mga kaigá-igáyang
hiyás na iyán ng kalangitan ay áayaw pasilay, nagtatagòng parapara
na anaki'y nagtatampó, nagsasawà at nasusuklám ná sa mapagkunwarî,
at magdarayàng Sangkataúhan...
Máliban sa manakâ-nakâng táhulan ng mga áso, maliban sa mga
idinahák-dahák at iniubó-ubó ng mga natutuyô, máliban sa huni ng
sári-sáring ibong nagdapò sa mga púnong kahoy, maliban diya'y walâ
ng ingay na madidinig.
Lahát ay katahimíkan, dilím, kapanglawán.
Sa isáng súlok ng pinakaplaza ó liwasán ng Libís, ay may isáng táong
nakatayô. Sino siya? Aywan. Ang kanyáng nóo, mga matá at hanggang
ilóng ay natataklubán ng malapad na pardyás ng sambalilo; samantaláng
ang babà nama'y nakukublí sa mahabàng pangliíg ng kanyáng kapote.
Ang panginginíg ng katawán, ang pangangatál ng mga labì, ang hawak
na balaráw, ay paraparang nagpapahiwatig na ang táong itó ay may
gagawin! may gágawíng isang bagay na kakilakilábot!...
Nagkakanghahabà ang liíg ng lalaki sa pagtanaw sa isang bahay na
nakatayô sa kabilang panig ng liwasán. Ang pintô ng bahay ay nakabukás
at sa loób ng sílong ay may isáng ílaw na maliit. Sino ang nasa báhay
na iyon? Ang kasintahan kayâ ng lalaki? Nguni't bakit ang laláking
ito ay may tagláy na sandata, bakit gayón na lang ang panginginíg ng
kanyáng kataúhan? Naglilo kayâ ang iniíbig? At itó bagá ang gabíng
napilì niya úpang idáos ang paghihigantí?... Baká namán hindî, baká
namán hindî naglílo ang kanyáng sinisintá, kundî may isáng taksil na
ibig maglugsò noóng gabíng iyón sa púri ng búhay ng kanyáng búhay?
Aywán din ngâ.
Samantala'y ating masdán ang mga kílos ng laláki. Hindî na siya ngayón
nakatigil, lumalákad ná at tinutungo ang báhay.
Ang báhay na itó ay may tánod palá! isang nakabaril na ngayo'y lumabás
sa silong at lumuklók sa isang bangkô na nása sa labás ng pintùan.
Sandalî nating matyagan ang tánod. Siya'y may katandâan ná. Bukód
pa sa pandak, ang katawán niya'y hukót at payát na payát. Ang mga
matá, ay di lang nagpapahiwatig na ang katawáng iyón ay pinanáwan ná
ng lahát ng siglá, ng lahat ng ínit; inihahayág din namán nilá ang
katotohanánan na, ang kahabághabág na tánod ay may dalawáng gabí nang
di nakatitikím ng túlog.
Sabíhin pa ba! Sa gayóng pátag at tahimik na pagkakaupô ay walâ siyáng
nararamdamán kundî ang sa kanyang balintataw, ay ikínulbit-kulbít
ni áling Antók; walâ siyáng nauulinígan kundî ang mahinhíng áwit ni
Antok din; walâ siyáng nakikita kundî ang kanya ring kumaring Antok
na sásayawsayaw at pupúngaypúngay sa kanyang haráp.
Ang bayáning bantay ay humikáb nang sunód-sunód; untî-untîng nalitó;
untî-untîng umamín kay Antok; untî-untîng nayukáyok...
Na siya'y guardia at dahil dito'y di dapat yumukayok? Ay ano naman
kun siya'y guardia, sa ang pinag-guguardiahan namán eh, iisa-isa at
nakukulóng sa isang kulungan--isáng kulúngang bakal ang mga réhas,
at nakasusì pa, at ang susì, ay nasa loob ng kanyang bulsá?
Na, baká siya'y lusúbin ng mga kaaway, samantálang nayuyukayok? Hús! Ay
anó iyon? Gasino ná ang kalabitín ang kanyang baríl at gasino ná ang
humiyáw ng "Magnanákaw!!"
Na, baká siya'y masubukan ng teniente--ng tenienteng
mabangís?... Pshe! Síno ang masusubúkan--siyá? siyá na kung matulog
eh kay bábaw-bábaw, na sa isang kaluskós ng dagâ, sa isáng ingít
ng bubwit, ay nagigising? At síno ang susúbok? ang teniente?--ang
tenienteng lumákad lang eh, nayáyanig ang lupà,--ang tenienteng
walâng tigil ng ká-uubó at kadadahák, ang tenienteng paglákad eh,
humihilahod sa lupà ang sable--paghiláhod na kay ingay-ingay--ingay na
bumubuláhaw sa mga áso, hanggáng mga manók--mga manók at áso na kapág
nagpuputák at nagtatahól ay pilit na ikagigísing ng lalòng matákaw
sa pagtúlog?--Iyan ang tenienteng makasusúbok sa kanyá?... Malayòng
malayò, sing-layò ng langit sa lupà!
At sakâ, bukód sa rito, mayukayok man siya, ay hindî naman tangkâ niyá
ang matulog ah! ¡¡Kundî ang umiglip lang ah!! ¿Ay anó ang iglip?...
Sa dúlo ng mga ganitóng paghahakà ang bibig ng bantáy ay dáhandáhang
nábuka, ang mondo'y dáhandáhang nalímot at dáhandáhang tumulò ang
... aywan kung anó... mulâ sa... aywan kung saán.
At sa gitnâ ng gayóng pagkábuka ng bibíg, sa gitnâ ng gayóng pagkalímot
sa mondo, sa gitnâ ng gayóng pagtulò ng ... aywan kung anó--ay siyang
pagsulpót sa liwánag ng ilaw, at paglundág sa kanyáng haráp ng lálaking
kanina'y tatayôtayô sa isang súlok ng liwasán--ng laláking may háwak
na balaráw--balaráw na ngayo'y nakatiín sa sikmurà ng tánod!
Ang nágulantang sa kanyáng pakikiuláyaw kay Antok, ay walâng nagawa
kundî ang umígtad sa pagkakaupô, ipagngangáhang lalò ang bibig at
pandilatin ang mga matá!
Ang salitang "Magnanákaw!" ay hindî maisigaw!
Ang baríl ay hindî mákalabít!
--"Isáng kilos, isáng sigáw, at ikáw ay patay!"--ang pasalubong ng
kanyáng panaúhin...
--"Naku pô!" ang marahang tugón.
--"Ibíbigay mo ang bilanggô ó hindî?"
--"Naku pô!"
--"Sstt!... Sagutín akó... at madalî!"
--"Ay papáno pô bá... ang gágawin ko sa iyá'y... itiniwalà... sa ákin!"
--"Huwag mag-alaala... Ililigtás kitá... ako'y nangangakò sa ilálim
ng áking dangál."
--"Ay bakâ pô ako'y inyóng ululín... ay kaawà-awà pô..."
--"Ha? at ipinalalagáy mo akong magdarayà?"
--"Naku pô! hindi pô! patawád pô!"
--"Anó? Ibibigáy mo ang bilanggô ó hindî?"
--"Ay inakú pô! Huwag mo pong ididiín ang sundáng, at parang
hinahalúkay ang aking tiyán!"
--"Maúlit ka! Ibibigáy mo ó hindî?"
--"Ibibigáy pô!"
Noón din ay lumayà si Faure! Sa bugsô ng ligaya, at pagmamahalan ang
dalawáng magkatoto ay waláng naigáwad na pasalubong sa bawa't isá
kundî ang pipíng pagyayakapán.
Kasáma ang tánod na kagyát nilísan ng dalawá ang bilanggúan.
Kinabukásan ang tenienteng yumúrak nang walâng patumanggâ sa Bandilàng
Pilipino, ay nabalitàng patáy.
Isang talibóng daw ang nakatárak sa dibdib ng kahabaghabag na lumaláng
sa kanya ring pagkasawî...
Si Faure ay nakatákas sa ibang lupáin.
Doón sa mga kaparangá't bundók ng mga báyang malalayà--doón sa di
kilala ang kapangyarihan ng táo sa kapwà tao,--doón sa di abót ng
mapanglúpig na mga útos ng isang pamahalàang mapagbusábos--doón siyá
naniráhan, sa pilíng ng mga Tell, nang panátag ang pusò, payapà ang
kalulwá't pagiísip,--malayà katulad ng ibon sa himpapawid,--maligáya
katulad ng bulaklák na hinahagkán ng hamóg....