SI ELÍNG AT SI GERARDO.

Katanghalìang tapát.

Sa isáng báhay na malíit at sa tabí ng isáng dungawán, ay nakaupông

magkaharáp si Elena at ang bathalà ng kanyáng pusò, na noón lamang

dumating.

Ang binibini'y walâng kakibôkibô; nakatitíg sa dibdib ni Gerardo ang

mapupungay niyang matá, na pára bagáng pinipilit na mahuláan ang mga

damdaming doo'y nakukulóng. Ang binatà nama'y nakatungó, kagát ang

labì, sapúpo ang malápad na nóo ng kánang kamáy, at... walâ ding

imík; ang maminsan-minsang pagbuntóng-hiningá, ang nagsisikláb na

paningín, ang nagdidilím na mukhâ, ang nóong kunót ay nagkákaisa sa

pagpapahiwátig na hindî kaligayáhan ang itinitibók ng pusò. Anó ang

nangyayari sa táong itó? Dinadalaw kayâ ng panibughó? Nagsisisi kayâ

sa isáng nagawâng kasalanan?

--"Ang mga taksil!"--Itó ang nawikà ni Gerardo pagkaraan ng ilang

sandalî.--"Nagawâ nila iyón, at,.. diyatà nama't ang bayang iya'y

nakatiís?... Wala na namáng ginawâ kungdî ang humalukipkip? Diyatà

ba nama't walâ ni isáng tumulong, walâ ni isáng nagsanggálang kay

Faure? Walâ ba roón sina Leon, siná Marcelo? Walâ ba ni isáng laláki?"

Si Elena ay íiling-iling na sumagót:

--"Pusòng laláki?... Ay, Gerardo! Ni isa'y walâ! Siná Leon ay handoóng

lahát."

--"Nguni't sa ngalan ng Diyós, ano ang kaniláng ginawâ?"

--"Walâng walâ kundî ang tumingín!"

--"Oh, tumingín! tumingín!!"--ang mapangláw na úlit ng binatà.--"At

patí bagá siná Leon ay nakitingín? Díyata't ang mga ginoóng iyán na

kung tawagi'y mga makabayan--silá na sa tuwing magtatalumpati'y walâng

ipinangangalandákan kundi dugo hangga't kailangan!--díyata't ang mga

ginoóng iya'y nakitingín patí? Oh, tumingín! Mangalandákan! Talagá

bagáng táyo'y hanggán diyan na lang? Pulós na dilà at matá na

lámang ang gagamítin? Ang áting bagáng mga bísig sa habang panahon

ay pananatilíhin sa pagkakahalukipkip? Di na bagá tayo magkakalóob

na sila'y igaláw?...

"Oh báyan! báyan!! Násaán ang iyóng dangal?... Násaán ang iyóng lakás?

"Makapangyarihan ka sa lahát, nguni't,"

--"Diyós lang ang makapangyayári sa kanyá;"--ang kaagad ay ipinútol

ni Elíng.--"Ang mga mapanglúpig na táo at ibáng báyan ay hindî! Di

ba gayón, Gerardo?"

--"Túnay ang sábi mo, dapwa't di siyang nangyayári."

--"Sawîng pálad na lahì ang átin!"

Ang binata'y mulíng tumungó at mulíng napipi. Nakaráan ang iláng

sandalî. Kaginsaginsa'y itinaás ang úlo, at tumindíg.

--"Bakit, Gerardo?"--ang usisà ni Elíng--"Anó ang nangyayári sa

iyó? Bakit ka nagkákaganyán?"

--"Walâ, Elena! Akó muna'y magpapaalam."

--"Bákit, saán ka páparoón?"

--"Walâ, may gágawin lang akó."

--"Matutulungan ba kitá?"

--"Maraming salámat, Elíng!"

--"Ano ang gágawin mo?"

--"Tútupad ng isáng katungkulan."

--"May miting ka bang dadaluhan?"

--"Walâ."

--"Alíng katungkulan ang sinasábi mo?"

--"Si Faure ay hahangúin ko sa bilangúan!..."

--"Hahangúin mo?... sa bilangúan?"

--"Oo, Elena, ililigtas ko, ililigtas kong pilit ang may loób

na nagtanggol sa Dakilàng Watáwat!... Isáng kautusáng di tumpák

sapagka't udyók ng simbuyó ng loob, ang nagbabáwal sa paggamit ng

Bandilàng Pilipino; nguni't hindî dáhil sa pagbabáwal na iyán,

ay maáarì nang siya'y yurákyurákan at dustâdustâin ng síno

mang harì-harìang ganid... Oh hindî!... Iyán ang watáwat na

pinagkamatayáng sagipín ni Rizal, ni Bonifacio, at ng libo-libo

pang bayani ng ating Kalayàan. Dahil sa watáwat na iyán nagpakamatáy

ang aking nunò, ang aking mahál na amá, at mga kapatíd!... At sakâ

ngayo'y hahamákin? Ah!... Ang pagtatanggól ni Faure ay isáng gawâng

dakilà! isang kabayaníhan!... Dápat ko siyang abulúyan. Palalayáin

ko at palalayáin ko kaagád ang bayáning laláki!"

--"At papáno ang iyóng gágawin?"

--"Kun hindî siya makúha sa pamamagitan ng malulumánay at mapayapàng

pangangatwiran,... dadaánin ko sa dahás! Dahás ang sa kanya'y nagpások

doón, maaárìng dahás lamang ang sa kanya'y magpápalabas!"

Ang boses ni Gerardo ay nanginginig. Ang mga matá niyá ay

nakapangingilabot.

Si Elena'y kagyat namutlâ at warì baga'y nangliliít sa kanyáng

pagkakáupô.

--"Diyós ko!"--anya--"Ano ang iyong gagawín, Gerardo? Ako'y

nahihintakútan!"

--"Bakit, Elena? Hindî ba matwid ang aking úusigin?"

--"Ipagpalagáy ko nang matwíd, subali'y bákit ka gagámit ng dahás?"

--"Hindî akó gagámit kundî kailangan; at ang lahát, kapag kailángan

ay dapat pangáhasán!"

--"Dápat pangahasán hanggáng di nalalábag sa mga útos!"

--"Oo, kung ang mga útos na iya'y nasasálig na lahát sa katwiran!...

"Matwíd ba ang ginawâng pag-lúpig at ang pagkábilanggo kay Faure?"

--"Siya'y nagbúhat ng kamáy sa kanyang kapwà!"

--"Túnay! Dapwa't bákit? Ah! Sapagka't ang gánid na iyón sa kanyáng

pagyúrak sa Dakilàng Watáwat, ay niyurakan ang púri, ang dangál,

ang kálulwá ng boông Kapilipinuhan!...

"Ah! Hindî mga sampál ang sa kanya'y dápat igantí! Oh, dapat

siyang magpasalámat at siya'y nasa sa gitnâ ng mga táong matiisin

at mababait. Dápat siyáng magpasalámat at.... Kung nagkátaon,

oh! ¡ang báyang iyan na binubúlag ng kaduwágan, ay nakamálas ng mga

paták.... niring dugô!"

--"Oh, Gerardo! Ikaw, kung minsán, ay kakilákilábot! Pinanglálamig

mo akó!"

--"Bakit, Elena? Natatakot ka bang mamatay akó sa pagtataguyod sa

púri ng mahál na Bandilà?"

--"Oh hindî, Gerardo! Alám mo nang ang pinakamatamís kong pangárap, ang

pinakamaálab na nais niríng pusò na sa iyóng iyó lang umaása, ay ang

makita kang namamayáni sa ikatutubós at ikalalayà ng tinubúang lupà,

ang makíta kang bangkáy sa piling ng Sagisag ng áting Búhay!... Hindî

kailangang ako'y maulíla sa iyó, hindî kailángang ako'y magdúsa,

hindî kailángang ako'y magluksâ, tumángis, at mag-isá sa habàng

panáhon! Titiisín ko ang lahat álang-álang sa Inang-Báyan!"

Napangitî si Gerardo. Ang mga pangungusap na iyón ay sumagád hanggang

pusò niyá. Kinintalan ng isang halík sa nóo ang kanyang paralúman,

bago tinabánan ang nanglalamíg na kamay nitó.

--"Maráming salamat, Elíng,"--anya--"Ngayon ay tulutan mo nang

ako'y yumáo."

--"Hintáy muna, Ardíng"--ang magíliw na samó ng binibini--"Hindî mo

pa nasásagót ang tanóng ko sa iyó kanina."

--"Alín iyón?"

--"Ang pagpapalayà kay Faure. Sakali't di mo matamó ang iyong hangad

sa pamamagitan ng mabuting salitaan, papáno ang iyong gagawín?"

--"Ah, sakâ mo na maaaláman!"

--"Sabihin mo ngayón sa ákin!"

--"Sakâ ná!"

Si Gerardo ay hindi na napapígil at nanáog agád. Si Elíng nama'y

walâng nagawâ kungdî ang dumúngaw, sundan ng tingin ang binatà,

bilangin ang kanyang mga hakbáng, at masdán kung saán siyá tutungo.

Nang si Gerardo'y hindî maabót ng kanyang matá, ang binibini'y mulíng

humílig sa dúyan at inahágis ang ala-ála sa salitáan kangína niláng

dalawa.

--"May katwiran si Ardíng!"--ang pabuntóng-hiningáng nábigkas sa

sarili, pagkaráan ng ilang sandalî--"Kay hírap ngâ namán ng walâng

kalayàan! Kung ang Pilipinas ay malayà, ang mga gayong panglulúpig,

at pag-alipustâ sa ating dangál ay hindî mangyayari...

"Kasákitsákit at pagkápait-pait na kalagáyan itong átin.

"Nguni't lagì na ba lang táyo sa ganitó,--lagì na ba lang susúkot-súkot

sa ilalim ng isáng watawat na hindî átin? Lagì na ba lang talúnan at

apí itóng áting báyan?...

"Oh, hindî! Hindî, hindí mangyayari ang gayón! Nang lalangin

ang Pilipinas ay hindî isinulat sa kanyang mukhâ ang pamagat na

alipin. Hindî nilalang ang táo upang bumusábos ó pabúsábos sa ibá! Ang

pagka-kayumanggí ng ating balát ay hindî tandâ ng isang kapalárang

mababà; iyán ay búnga ng singaw ng ating mga kaparángan at bundók!

"Oh, di mangyayaring ang kalagáyan nating itó ay sa habang panahón

ná! Ang Kasaysayan ng Sangsinúkob ay boông linaw na inauúlat ang

katotohánan na, kapag ang isang báyang nasasakúpan ay natútong humingî

ng kalayàan at pagsasarili, kapag ang báyang iyan ay napatunayan sa

gawâ ang karapatán niyá sa minimithîng mga biyayà,--ang báyang iyan

madalî ó maláon, sa pamamagitan ó ng kapayapàan ó ng paghihimagsík,

ay pilit na kakamtán ang kanyang nilaláyon....

"May nagsasábing nagkakailángan mulî ng isáng paghihimagsík sa

Pilipinas, upang mátamo ang pagsasariling pinipita.

"Hindî akó sang-ayon sa gayóng madugông paghahakà. Hindî nararapat,

hindî napapanahón, ni hindî kailángan ang isáng paghihimagsík. Ang

patalim ay dapat lamang hawakan kapág napadiwarà ná ang kahulihulíhang

patak ng pag-asa sa mapayapà at makatwirang pamamanhik sa báyang

nakasasakop. Ang Pilipinas ay may pag-asa pa... Ako'y nananálig na may

isang dakilàng Amerika na, sapagka't may puri at dangal ay di papáyag

magpakailan man na siya'y sumpâ-sumpáin ng isang báyang inamis,

at tawag-tawáging magdaraya! bulaan! taksil! magnanakaw!... Ako'y

nananálig na sapagka't siya'y namayani at nagbuhos ng dugông sarili sa

dambanà ng Kalayáan, ang báyang Amerikáno ay di malilinláng ang isang

lahìng sa twî-twî na'y uháw sa isang malayàng búhay! Ako'y nananalíg

na, sapagka't siya'y matalino at hindî mangmang ang Amérika ay hindî

magpapakáulól na magbibingibingihan sa mga ipinagsisigáwang áral,

balà at sumbát ng Kasaysayan ng Sangdaigdig. Ako'y nananálig na hindî

siya magpapakáulól na papáris sa ipinamalas na mga hidwâng kaasálan

ng mapanglúpig na Inglaterra at ng mapangbusábos na España!

"Oo, ang Pilipinas, ay mayroón pa ngâng pag-ása! At dahil dito'y

isang katiwalìang dî mapatatáwad ang bumangon ngayón at maghimagsík!

"Nguni't... sa haráp ng mga pagdayà, pagláit, at pagdustâ sa dangál ng

bayan, sa harap ng mga panglulupig at mga kaasalang hidwâ na ginagawî

dito ng mga harìharìan, ¿ay sino kayâ ang di mangangambá, sino kayâ ang

di sasagìan sa gunitâ ng maiitim na guníguní at madudugông ala-ala?...

"Ah!... Pag ganyán nang ganyán, kapag di napútol ang mga ganyang

gawâ, kapag ang mga nasaitaas ay di susugpuin ang kanilá ding

kasagwâan, kapag ang mga daing, hibik at sigaw ng nanga saibabâ

ay di didinggín... oh! ¿sino ang makapagsasabi, kapág nagkagayón

ná?.... ¡Maaárì na ang Bayang iyan na ulirán sa pagtitiis, ay di

makabatá sa anták ng sugat!!... ¡Maaárì na ang Bayang iyan ay mabúlag

sa laot ng kanyang pagkaamis!!... ¡Maaárì na siya'y makalimot sa

sarili, makalimot sa Diyos, makalimot na siya'y mahinà!... ¡¡Maaarì

na ang mabangís niyang dugô ay mágising at... kumulô!! ¡Maaárìng

sumipót diyan ang mga Bonifacio, ang mga Elias, ang mga Simoun,

ang mga Matanglawin, ang mga Kabisang Tales!!...

"Oh! Kapag nagkátaón!!...

"Pagkasaklapsakláp na dilidilihin!...

"Oh huwag! huwag, makatwirang Langit! huwag tulutang mangyari ang

gayong pagkapaitpait na bágay!!"...

Ganitó ang mga paghahakang sunod-sunod na sumagì sa pag-iisip ni

Elena--mga paghahakang kaipala'y dulot sa kanya ng tangang aklát

na kinababasahan sa likod ng mga salitáng: "Noli me Tángere at El

Filibusterismo."

Bulalakaw ng Pag-asa · 第 42 / 47 题