Gayón na lang ang pagmamahal ni aling Tinay sa kanyáng anák,
gayón na lang ang pagkabúlag ng kanyang pag-ibig, na kahì ma't alam
niyáng siyá'y sasalansáng sa isáng mahigpit na utos, kahì ma't alam
niyang siya'y pilit na uusigin, at magdurusa sa bilangguan, ay hindî
nangyáring huwag pagbigyán-loób ang kahulíhulihang bilin ng tánging
bulaklák ng kanyáng pag-ibig, ang katapustapusang hibík ng isáng
pusòng bayáni--ng isang pusòng makabayan, ang pahimakás na hilíng
ng pinaglagakán ng boô niyang pag-ása, ang kahulíhulíhang tibók
ng búhay niyaóng masunurin, masipag, mabaít, at magalang na anák,
na sa gitnâ ng gayóng katandáan, ay siyáng ligaya ng kanyáng matá,
paraluman ng mga pangarap, at dangál ng kanyáng pagka-iná.
Lahát halos ng mga kamag-ának at mga kaibigan ni aling Tinay ay
nagkakaisang di mabuti ang kanyang inaakalàng pagsunod sa bilin
ni Florante.
--"Alalahánin mo, Tinay"--anilá--"na tayo'y nasásakóp ng ibáng
kapangyarihan. Ang gagawin mo ay isang malinaw na paglapastangan,
isang talampákang paghamon sa pamunúang amerikano!"
--"Ay anó sa ákin?"--ang tugon namán ni aling Tinay sa gitnâ ng
pagpipighatî--"Anó sa ákin ang kapangyaríhang iyan, anó ang lakás ng
pamunúan, anó ang bisà ng isáng mabangís na útos, anóng kailangang
magdúsa sa harap ng tagubilin ng mahal kong anák?"
--"Tinay, maghúnos dilì ka; ikaw ay nabubulágan."
--"Masasábi ninyó iyán sapagka't siya ay di ninyó anák, sapagká't
kayó ay di naghírap sa kanyá, sapagka't di ninyo alám ang halagá ng
aking Florante!"
Si aling Tinay ay humagulhól ng iyák kagáya ng isáng batàng musmos.
--"Ang nakakahirap sa iyó, Tinay"--anang isáng matandâng lalaki--"ay
napadádaig ka sa mga udyók ng pusò: áyaw kang mangatwíran nang
mahináhon. Makiníg ka sumandalî. Si Florante ay naghihingalô ná
nang hilingin ang tungkol sa bandilà, hindî ba?... Kung gayo'y dápat
mong tantuin na kapag ang tao ay naghihingalô, ang pag-íisip niya'y
humihinà, lumalabò, nakalilimot, at..."
--"Siyana ná, tio Kulás"--ang biglâng pútol ni áling Tinay--"Masasáyang
lang ang inyóng mga salitâ sa ákin. Dapat ninyóng matalastás na nóon
pa mang araw, ay nabanggit na rin sa akin ng anak ko, ang kanyang náis
na kapag siya'y namatay, ay huwag papalamutihan ang kanyáng ataúl ng
anó pa man maliban na ngâ lang sa isáng bandilàng pilipino...
"Ah, magpahingá kayó, mga pusòng mahihinà! Di ninyó batid ang
linaláyon ni Florante!... Ibig ipakíta ng anák ko na walâng bandilà
siyáng iginagálang, at walâng kapangyarihan siyang niyuyukûan kundî
ang bandilà't kapangyaríhan ng Tinubúang Lupà!
"Ibig niyáng ipahiwatig na di ang lahat ng utos ng pamunúan ay dápat
sundín; na kapág ang isáng kautusan ay walâ sa matwid, ang magtaás
ng noo, ang magmatigás, ang tumutol, ay di isáng kasalanan, kundî
isáng átas ng kabayanihan, isang tandâ ng katinuán, isang taták ng
karangálan!"...
Si tandâng Kulás ay napanganga't sukat. Kailán má'y di niyá naapuhap
sa kanyáng gunita; ni natunghan sa lalòng malalim niyang panaginip
ang larawan ng isáng babáe na pinúpulásan sa mga labì ng gayong mga
salitâng sakdál ng titigás!
Iiling-iling na lumayô sa harap ni aling Tinay.
--"Eh, eh! Katakot-takot na babáe itó!"--ang tanging naibulóng sa
kanyang sarili.
Ibig ni aling Tinay, áywan kun bákit, na kapag namatay ang isáng táo,
ay málibing kaagád; áayaw ng búrol-búrol. Dahil dito'y kanyáng inihayág
na ang libing ni Florante ay idadáos sa ika ánim na oras ng umaga ng
araw ding iyon ng pagkamatay.
Nagbubukang liwaywáy.
Sa tapát ng namatayang báhay ay may isáng binatàng luksâng-luksâ,
nakatungó, nakasalikód kamay, at walang tigil ng kayayaó't
dito. Banayad ang mga hakbáng. Kagaya ng isang may iniisip na
malálim. Walâng kamalákmalák ay biglang napatigil. Tiningalâ ang
isang kimpal na alapáap sa mukhâ ng langit, at pinagalaw-galáw ang
úlo na animo'y may kinákausap doon.
Sino ang binatàng ito? Si Faure. Pakinggan natin ang tibok ng kanyang
damdamin:
"Florante, kay ligáya mo ngayon!--Nilisan mo na itóng Lupàng
maligalig--at ngayo'y náriyan ka na sa Bayan ng kapayapaán, sa Báyan
ng pagkakápantáypantáy, diyán sa walâng naghahari kundî ang isáng
Bathalàng sumasagisag sa banál na Katwiran...
"Oh, laki ng kaibhán ng iyóng kalagáyan, kay sa ámin dito sa lupà.
"Kayó diyán ay tahimik, walâng íringan, walâng paghihigantí, iisa ang
pananampalataya, iisa ang damdamin, waláng sinusunod kungdî iisang
bandilà, waláng iginagalang kungdi iisang dambanà; ang bandilà ng
Matwid at ang dambanà ng Katotohanan...
"Samantalang kamí sa bahaging itó ng Sangdaigdig, ay walang nalalasap
sa tuwituwi na, kungdi ang mapaít na latak ng buhay. Sa lahat ng
dako ay himutók, pananángis, panambitan, hinagpís ng mga ináapí, ng
mga tinaksíl na sawing palad, ng mga isinilang sa baníg ng hirap, na
kahima't may katutubong karapata't dangal ay lagì na lang niyuyurakan,
dinadayà, hinahamakhamak, dinudustadusta... ng mga palalòng mapagmataás
na nangbubúlag at nang-aalipin...
"Ah! sinong nagbabatá ng ganitong kalagayan namin ang di
makapagsasábing kayóng naririyan ay mapapalad?
"Kung gayon...
"Bakit itatangis ang inyong pagpanaw?
"Bakit ipagluluksâ ang inyóng paglípat sa kabilang búhay?
"Mahanga'y--ipagsayá, pagka't nariyan kayó sa lubós na kapayapaan.
"Nguni't--¡sinungáling!--Bakit di mapigil ang pagluhà niyaring pusò
tuwi kong magugunitâ ang mapangláw na tinig niyaong batingáw?
"Ah! Sapagka't ang tinig na iyon ay nagsasabing si Florante na giliw
kong kaibigan ay pumanaw sa akin. Sapagka't ang tinig na iyon ay
nagsasabing nalagasan na naman ng isáng kawal ang kabinataan--iyáng
kabinatàang sa araw ng bukas ay siyang magtatagúyod at magsasanggalang
sa isáng Bayang mahinà't hapô upang huwag muling mahulog sa hukay
ng pagkaaba.
"Nguni't...
"Kung dini sa Lupa'y nagkakailangan ang ating lahì ng hukbó ng mga
bayani upang makapagtanggol sa kanyang Karangalan, Kalayaan at Buhay,
diyan namán sa Langit ay nagkakailangan siya ng mga kinatawán upang
idalángin sa haráp ni Bathalà ang kanyang ganáp na Katúbusan!
"Idalangin ang Katúbusan!--ang Katúbusan ng isang Bayang laging
nanglulumó ang puso sa hápis at uhaw sa tunay na ginhawa; ang katúbusan
ng isang lahìng pinipilit ng walang karapatán sa isang kalagayang
salungát sa kanyang ninanasà at lagì nang pangarap.
"Idalangin ang Katubúsan!
"Sa dakilàng tungkuling ito, ay huwag nawang makalimot ang mga
kaluluwang pilipino na lumuluwalhatì sa kabilang búhay..."
Ang binatá'y mulíng tumungó, lumákad nang kauntî, bago dinúkot sa
bulsá ang kanyáng orasán. Mag-iíkaánim ná ng umága. Si Faure ay nanhík.
¡Kay panglaw doon sa bahay! Bihiráng matá ang walâng patak ng luhà;
bawa't mukhâ ay larawan ng isáng di masayod na lumbáy ng kalulwá;
sa bawa't labì ay walâng pumupúlas kundî pawàng pagkahabág,
panghihináyang, panalángin, mga buntong-hiningá...
¡Kay kapal ng mga makikipaglibíng! Ang malakíng báhay ni Florante ay
lumíit sa karamihan ng táo. Lahát halos ng mga kaanib sa "Dakilàng
Mithî" ay nahandoón. Si Gerardo lang ang walâ, papaano'y noon mga
sandaling iyon ay karárating lang niyá sa Maynilà.
Ika ánim na ganáp ng umága nang ipanáog ang ataúl, na pinápalamutihan
ng isang matandâ at malápad na Bandilàng Pilipino.
Sa sambahan muna dinalá ang bangkay. Nang mulîng málabás, at nang
tutungúhin na ang libingan, ay siyáng pagdatíng ng... (¡sinasabi na ngâ
bá ni tandâng Kulás!)... limáng kayumangging kawal ng konstabulario
at isáng putêng pinunò, na taglay sa báywang ang isáng kumíkináng na
sandata na sa kahabaan ay humíhiláhod sa lupà!...
Nagdidilim ang mukhâ ng pinunò. Nang malapit sa ataul ay daglíng
tumigil, nilabnót, iniwálat at niyurákan ang Bandilà!
Isáng kasíng bilís ng lintík ang noón din ay humaráp sa walâng-pitagang
pinunò, at walâng sabi-sabi'y ikinintál pagdáka sa mukhâ nitó ang
dalawâng sampál na sunód.
¡Kinilabútan ang láhat!
¡Gulóng katákot-tákot!
¡Ang gayóng kapangahasán ng isang kayumanggi sa isang nakasableng pute,
hanggá nang hanggá ay noón lang násaksihan ng mga táong iyon!
Sa sumunód na sandalî, ang Lakás at ang Kapangyarihan ná, ang siyang
nagharì.
Ang kayumanggíng pangahás ay pinagsunggabánan ng mga kawal ng
pamahalàan. Mga dágok, tadyák, tungáyaw, pagláit, ang naghatid sa
kanyá sa bilanggúan.
¡Kataka-taká ang kapal ng táo na natípon sa sigalot na itó! Boông báyan
halos! Karamíhan sa kanilá ay mga lálaki--mga laláking may mga bísig
at pag-iisip!... Gayón ma'y lahát ay walâng ginawâ kundî ang tumangá,
manóod! manginíg!! mamutlâ!!! matákot!!!!
Untî-untîng naáyos ang guló. Ang nabagabag na libíng ay naipatúloy din.
Noóng gabíng iyon, ang pinunò ng "Konstable" ay dinalaw ng isang
kakilákilabot na panagínip. Isáng bangkáy ang napaginipan niyang tumayô
nang dahan-dahan, lumákad, humaráp sa kanyá, itináas ang dalawâng
kamay at nagkakangdidilat sa pagsigaw ng: "Mane, Thecel, Phares!"
Sa katakutan yatà at pagkágulantáng ang makisig na pinunò ay kamuntî
nang makálundág sa dungawán ng kanyáng silid.