PAHIMAKÁS NI FLORANTE.

Sa sumunód na sanglinggóng singkád, sa boông bayan ng Libís, ay

walâng napaguusápan ang síno-síno man, saán mang súlok magkatatagpô

kundî ang matalinghagàng gabí na sumaksi sa gayóng mga pangyayáring

nakapanghihilakbot na lubhâ, at hálos di mapaniniwaláan ng mga di

mapaniwalâing taga-Libís, dángan lang at may isáng Gerardo, isang

Elena, at isáng Floranteng sugatán, na nagpapatúnay sa mga nangyári.

Lahát ng makadinig sa kasaysáyan ng gabíng iyón ay nagkakaisá na

ang sinápit ni Kapitang Memò at ng kanyáng kapatid ay "isang marápat

na gantíng palà ng Langit sa kanilang mga inasal." Subalì, anó ang

nangyári kay Kapitang Memò? Walâ táyong nababatíd kundî ang katotohánan

na siya'y nasugátan. Dápwa't namatáy kayâ ang bantóg na mámamatay? Ni

si Florante, ni si Gerardo ay di itó masagót nang tahásan. At tila

ngâ di matitiyák nino man ang bágay na itó, sapagka't kung túnay man

na mabisà ang pagkakasaksák ni Florante,--bágay na pinatotohánan nang

pagka-walâng malaytáo ni Kapitang Memò ng siya'y iwan nina Gerardo--ay

túnay din naman na dáhil sa kadilima'y di matiyák ng binatà kung

saáng bahági ng katawán tumamà ang patalím, kung sa dibdib, kung

sa sikmurà ó kung sa tiyán. Tangí rito nang dalawin kabukasan ang

mga poók na iyón ay walâng napagkita kundî ang namumuông dugô ng

nasawîng pinunò. Maaárì na siya'y namatáy noón ding gabing iyón,

at ang kanyáng bangkáy ay dinalá sa ibáng pook at ibinaon ng kasama

niyáng nakataanán kina Florante. Maaárì na hindî siya nagtulóy sa

pagkamatáy; na nang masaulían na ng diwà ay nakapag-inót na lumakad

at tumungo sa isáng kublí at maláyong bahági ng iláng.

Sa dalawang "maaarìng" itó, alín kayâ ang túnay na nangyári? Mag-gáwad

ng pasiyá ang bumabása.

Iniaátas ng kahusáyan na usigin kaagád ng hukuman ang madugông

sigalot, upang sa gayo'y mapatunáyan kun sino ang may sála sa boông

kasiyaháng-loób ng lahát, at sa ibáyo ng lahat ng mga pag-aálinlángan.

Tatlóng áraw na ang nakararáan. May mga higing na sina Gerardo'y

ipadadakip, dapwa't higing lang. Kundanga'y sa boông bayan ng Libis,

sina Kapitáng Memò ay walâ ni isang kamag-ánakang malápit ni kaibigan

na nagkaloób na pumúkaw sa kapangyaríhang nagwawalâng-bahalà. Nguni't

saán útang ang pagwawalâng-bahálang itó ng mga pinunò? Aywan

natin. Lubhâ siyang kataká-taká.

Hindî masasábing mahírap dakpin sina Gerardo; sapagka't ang mga itó

ay walang alís sa Libis. Si Gerardo'y waláng iniintay óras-óras kundî

ang siya'y ipatáwag ng hukúman; samantalang si Florante namán ... oh,

si Florante! Lalòng madalî siyáng hulihin!

Kahabaghabag na binatà! Pagkatapos na masagip sa panganib ang isáng

kaibigan, pagkatapos na masunód ang átas ng matwid, ay siyá pa ngayón

ang papagdudusáhin sa gitnâ ng isáng mapaít na kapaláran! Ang kanyáng

súgat ay lumulubhâ. Walâng lagót hálos ang di maampát na tulò ng

dugô. Araw-áraw ay humihinà ang dati'y malusóg, sariwà, at malakás

niyáng katawán; tumatamláy ang mga matá na dati'y maningning na lagì;

pumapangláw ang dati'y masayá at palangitíng mukhâ.

Si Gerardo ay balisángbalisá sa paglubhâng itó ng mahál na kaibigang

nagligtas sa buhay niyá. Hindî siya humihiwalay kahi't sumandalî sa

piling ni Florante, tangì na lamang kung kailangang totoo.

Siyá ang nagpapakain, siya ang umaalíw, siyá ang nagbibihis, siyá ang

tumatánod sa may sakít araw-gabí. Kusang nilimot, isinatabí na muna

ang ligayang tuwî na'y hinihingî ng kanyáng pusò, ang pakikiuláyaw,

ang matamis na pakikipagtitigan, ang paghalík sa bangó, at pagtatamasá

ng boong luwalhatì at láyaw sa kandungan ng kanyáng Julieta.

Dapwa't sáyang na pagpapágod ang kay Gerardo! Sa likód ng maíngat

niyáng pagaalagá sa maysakít, ay walâ siyáng námalas kundî ang

lalò pa manding paglubhâ nitó, ang lalòng panghihinà ng katawan,

ang lalòng pagdalang ng tibók ng buhay, hanggang sa wakas ay sumápit

ang mapaít na sandalî nang ang mga manggagámot sa gitnâ ng di masáyod

na pangangambá ng lahat ay tahásang nagpahayag na sila'y walâ nang

pag-ásang mailigtás pa ang may sakit.

--"Ginámit na namin ang lahát ng paráang sakláw ng áming kaya"--ang

wikà nila--"Walâ na kaming magágawâ. Gayón ma'y magsidulóg kayó

sa ibáng manggagamot na lalòng pantás kay sa ámin,--siná Valdez,

Angeles, halimbawà."

Háting gabíng malálim nang ang pagsukòng itó ay ipahayag.

Minabuti ni Gerardo ang pagtáwag ng ibáng manggagámot sa

Maynilà. Tinangkáng lumuwás, nguni't kailán? Pagbubukáng

liwayway? Makasanglibong hindî! Si Gerardo ay isáng táo na kapag

iníbig na gawín ang isáng bágay, ay di marunong magpabukás. Noon din

sandalîng iyón siya'y napa-Maynilà. Ni tren, ni bapor, ni kalesa ay

walâ; kaya't nangabayo, nangabáyong sumagupà sa gayóng dilím ng gabí!

Sa pagdáan niyá sa tapat ng báhay ni Elena, ay nagkatáong nakadungaw

ang kanyáng kasi. Tumigil sandalî, ipinahiwátig sa tatlóng salitâ

ang lagay ni Florante, at daglîng nawalâ: parang palasô na lumipád

sa Kamaynilàan.

Si Elíng ay balisáng-balisá; nagbihis, at noón din ay napasáma sa

bahay ni Florante.

Nang siya'y dumatíng ang may sakit ay kasalukuyang nagsasalitâ.

--"Nanay"--ang wikà sa iná, kay aling Tinay.--(Si Florante'y wala

nang amá.) "Ayoko nang nakahigâ, ibig ko'y nakasandal." Nang masunod

ang hilíng ay tinitigan ang lahat ng nangároon. Bukod kay Elena at sa

kanyang iná ay nakilala ng may sakit ang mga katoto niyáng si Faure,

si Lauro, si Baltazar, at saka ang magagandáng Pacita, Nena, at Milíng.

--"Elena, si Gerardo?"--ang pagdaka'y itinanóng ng makitang walâ roón

ang tangi niyang kaisáng-loób.

--"Lumuwás siyá, upang tumáwag ng manggagámot."

--"Para sa akin?"

--"Oo."

Nagbuntong-hininga ang may sakít.

--"Oh!"--anya,--"bákit kayâ at nagpapakapagod ng ganitó si

Gerardo? Papaano kayâ ang dapat kong gawín úpang makagantí sa kanyá?"

--"Florante, malakí ang útang ng loób ni Gerardo sa iyó. Iniligtás

mo ang kanyáng búhay!"

--"O, ay anó iyón? Bakit siya kikilala ng útang ng loób sa akin

gayóng walâ akong ginagawâ kundî tumupád ng katungkulan?... Para

namang siya'y di si Gerardo!"

--"Kung gayón, Florante, ni ikáw ay di rin dápat kumilála ng utang

sa kanya, sapagka't ang pagpapágod niyáng ginugúgol sa iyó ay isang

katungkúlang nagbubúhat sa alin mang mabuting pagtitingínan ng mga

magkakaibigan, magkakasáma, at magkakapatid sa isáng adhikâ."

Si Florante ay napangitî nang maunawàang siya'y nadaíg sa

pangangatwiran ni Elena.

--"Tálo mo akó, Elíng"--ang kanyáng wikà--"At ako'y sumusukò... Sabihin

mo kay Gerardo na maraming salamat!"

Pumikít ang may sakít at may kalahating-óras na di kumibô.

Walâng anó-ano'y dumilat, at pagkatapos na maibaling ang paningin sa

lahát ng dáko ay binigkás ng hálos pautál-útal ang sumúsunod:

--"Mga kaibígan,--ano bagáng bagay na mahalagá ... ang umípon sa

inyó ... sa aming marálitang tahánan? Batíd ba ninyó ... na dito'y

inyóng madadamá ... ang mga hulíng galáw ng ísip ... na dito'y inyóng

madidiníg ang mga hulíng anás ng kálulwa ... ang mga hulíng tibók ng

pusò ... ng isang sawîng palad na gaya ko?

"Oo, sawíng pálad! Iyán ang dápat itáwag ... sa akin na mamámatay

nang walâ man lang nagagawâ ... sa kanyáng Bayan!

"Sawing pálad ang gaya kong ... hihimláy sa libing ... na tagláy ang

alaálang masungit ... na inaangkin ng isáng bandílang dayuhan ... ang

Lúpang sa kanya'y paglilibingan!

"Sawing pálad ako, na walâng napagkita ... sa boô niyang

buhay ... kundî mga úlap, mga luhà, mga paták ... ng dugông

ninanakaw! Ah! mamámatay ako ... nang di ko nakikita ... ang

paghihiganti ng sugatáng pusò ng isáng Apí! Mamámatay ako ng di ko

namamálas ... ang pagbabangong puri ng isáng Dinuduhagi! Mamámatay ako

ng di ko naitataás yaring kamay ... sa ngalan ng Kalayaan! Mamámatay

akó ... ng di ko mamamálas yaong alapaáp ... na lilitawán ng

Dakilang Lintík ... na tutúpok sa lahat ... ng mga pusòng duwág

mahihina't walang dangal ... ang Lintík na magpapalubóg ... sa lahát

ng Kapangyarihang dáyo, at magpapasikat ng boông dingál sa isáng

... Araw at tatlong Bituin!!"

Kinapós ng hiningá ang may sakít. Ibig pang magsalitâ, dapwa't di na

maarì. Tináwag ang iná, hinagkán at niyákap.

Tumahimík. Itinirik ang mga matá. Akalà ng lahát ay patáy ná. Dapwa't

hindî. Mulìng nangusap sa isáng mahinà at paós na boses:

--"Nánay, balútin ang aking katawán ... at ataúl sa bandilà ng

Bayan...!

"Paálam na ... giliw kong Pilipinas ... Isáng malayàng ... Bágong

Búhay!..."

Tumigíl ang tibók ng pusò; napútol ang galáw ng ísip; pumaitaás ang

kálulwa, úpang kailán ma'y huwag nang magbalík. Walâng naíwan kundî

isáng bangkáy, isáng ngalan, isáng halimbawà, isáng alaala, isáng

binhî ng katapangan....

Bulalakaw ng Pag-asa · 第 38 / 47 题