Dumating ang magkatoto sa mahabang daan na patungo sa Maynilà.
Kaginsaginsa'y naulinigan nilá mulâ sa malayò ang isang sasakyang
humahagunot... Lumaláon ay lumalakas, sa kanilang pakinig, ang
kalugkog ng mga gulong; lumalaon ay tumitingkad, sa kanilang paningín,
ang dalawang ilaw ng sasakyan. Di nagtagal at nálapit ang kalesa
sa magkaibigan.
Tumingin ang dalawang binatà sa loob. Nakilala nila ang lulan: si
Elena at ang taksíl! Nagulamihanan si Gerardo. Natigilan sandalî, at
... kagaya ng isang ulol na hinagad ang sasakyang lumilipad. Sinundan
siya ni Florante.
Sino ang makatatatáp sa makamandág na mga damdaming noo'y gumigiyagis
at sumásakal sa pusò ni Gerardo?... Oh! Diyatà? Ang kanyang kasi sa
piling ng ibá, sa piling ng isang kaaway? Diyatà? At sa gayóng dilím
ng gabi? At sa gayóng mga pook?... Oh! Kataksilan!... At yaong mabilís
na takbóng iyon, ¿anó ang kahulugan?...
Paninibughô, poot, pagka-awà sa kanyang irog, ay sunod-sunod na
dumatál sa boô niyang katauhan. Ang sigaw ng kanyang dangal, ng
dangal ng kanyang pagkalalaki, ay daglíng pinukaw ang bangís at init
ng silangan niyang dugô, pinawì ang pagkahapò ng kanyang katawan,
at nagdulot ng ibayong lakás at siglá sa nanglulumóng dibdib.
Walâng tugot ng katatakbó ang dalawang magkatóto. Lumalaon ay lumalaki
ang pagitan nila at ng sasakyan. Sasabihin ng mga pusòng mahihinà,
na sila'y walâ nang pag-asa. Dapwa't di gayon. Sa mga kawal na iyon
ng kabayanihan, ang pag-asa sa isang pagwawagí ay lalong kumikinang
at nagbabaga habang napápabíngit sa panganib, pagkasawî at kamatayan.
Talagáng ganyan ang mga bayani!
Talagang ganyán ang mga naghahabol at umuusig sa ngalan ng Matwíd,
sa ngalan ng Dangál, sa ngalan ng isáng dalisay na Pag-ibig! Parating
buháy ang Pag-asa! Papaano'y buháy na lagi ang pananalig na, sapagka't
katwiran ang hánap, ay may isáng makatwirang Bathalà sa Langit na sa
kanila'y tutulong at magdudulot ng tagumpay.
Pagkaráan ng ilang sandalî, ang sasakyáng hinahábol ay sumapit sa
isáng tuláy na lumà. Sa isáng dulo ng tuláy na iyon ay may isáng
malakíng bútas na, sapagka't di pa natatagalan ay di alám ni Juancho,
ni ng kutserong si Kikò, ni ng kanilang kabáyo.
Nangyari ang di hinihintáy: Ang mga páang unahán ng hayop ay tumamà sa
butas,--kaya't dagling napatigil. Ang kabáyo ay di makabángonbangon
sa pagkasubásob. Nagkangbabalì ang latiko at nagkangmamálat si Kikò
sa pagsigáw, dapwa't maanong natinag ang hayop sa pagkápangaw!
Si Juancho ay galít na galít sa kanyang kutsero. Bumaba sa kalesa at
pagdaka'y binatukan nang makalawa ang abang si Kikò.
--"Torpe! animal! bruto! Mangutsero lang ay di ka marunong!... Bakit
di kalagin ang tirante, cabrón?"
Si Kiko nama'y susukot-sukot na isinauli ang latiko sa lalagyan,
at saka susukot-sukot ding kinalág ang tirante. ¡Kay bait na
tao! Pagkababàbabà ng loob! ¡Kay gandang ugalì! Mga taong gayá niya'y
dapat pagkawang-gawaan ng lahat ng mga nangangarap at nagmamalasakit
sa isang maligayang bukas ng Bayang Pilipino! Dapat patulugin ang mga
taong ganyan sa isang palasio na may isang dinamita sa ilalim!... ¡Ang
busabos ay busabos lang ang iaanák!... Kung kayâ may mapangbusábos
na panginóon, ay sapagka't may napabubusabos!...
Samantalang tinutupad ni Kikò ang banal na utos ng kanyang mahal na
amo, ay siyang pagdating ng dalawang binatang hangós na hangós.
Lumapit ang isa kay Elena na noo'y nakahilig sa loob ng sasakyan at
kasalukuyang hinihimatay na naman, samantalang ang isa nama'y sinugod
si Juancho at pasigáw na tumanong:
--"Síno ka?"
--"At ikaw, sino ka?"
Si Juancho'y biglang napaurong ng mamalas ang tindig ng nangangalit
na si Gerardo.
--"Ha? Gerardo?"--ang kanyang pamanghang tanóng.--"Diyata't si Gerardo
ka? Diyata't buháy ka pa?"
Inaunat ni Gerardo ang kanang kamay na may pigil na isang patalim at
nanginginig na nangusap:
--"Taksil, anó ang ginawâ mo kay Elena?... Sumagot kaagad ó ikaw
ay mamámatay!"
Si Elíng noo'y nasaulian na ng diwà. Nadinig niya ang boses ni Gerardo;
at nakilala ang kanyang irog na ibinalitang namatay. Lumuksó ang
binibini sa kalesa at hihikbî-hikbîng niyakap ang binatà.
--"Oh, Elena!"--ang mapanglaw na bigkas ni Gerardo;--"Anó ang ibig
sabíhin ng lahat ng ito?--Ako'y námamanghâ!... Bakit ka nápaparito?"
--"Ginahás akó ng táong iyan!"
--"Oh tampalasang lalaki! Walang pusò! Di mo na inalaálang akó ay
may kamay!"
Ang mapusok na binatà ay biglang lumundag sa kinatatayuan ni
Juancho. Tangka niyáng itarak sa dibdib ng sukáb ang hawak na
patalím. Dapwa't di itó nangyari. Si Elena ay namagitnâ.
--"Gerardo, oh Gerardo!"--ang kanyang hibik;--"huwag kang papatay ng
iyong kapwà, tanging pamanhik!"
--"Bayaan ako, Elena!--Alam ko ang aking ginágawâ!--Pumatay ng kapwà
ay di laging kasalanan!--Ang kamay ko ay di nangíngimìng magpatulò
sa dugông maitím!--Inibig ng lalaking itó na iluksó ang iyong puri,
at nang sa gayo'y madungisan ang aking karangalan!"
--"Ha! ha! ha!"--ang pairíng na halakhak ni Juancho--"Tinatawanan kita,
Gerardong hambog! ha! ha! ha!"
Muling sinugod ni Gerardo ang kaaway, dapwa't namagitnâng mulî
si Elena.
--"Giliw ko, nalalabuan ka ng isip, napadadaig ka sa kainitan ng
iyong dugô; huwag oh, huwag! Maghunós dili ka!"
--"Bayaan mo akó Elena!"
--"Gerardo, may mga hukuman, may Justicia, may Diyós!"
--"At may Juancho na di nagugulat sa sanglibong gáya mo, palalò!!"--ang
pagdaka'y isinabad ng swail.
--"Diyatà, Elena, at ipagtatanggol mo pa ang isa kong kaaway?"
--"Hindî ko ibig na siya'y ipagtanggol. Ang kalulwa mo ang siya kong
alaála. Ayokong madungisan ang kanyang linis; ayokong sumuway siya
sa bilin at utos ni Bathalà!"
--"Malayò, Elena malayò sa akin! Ni Dios, ni ikaw, ni sino pa man ay
di ako dapat sisihin sa aking gagawin!... Malayò!"
Nagpumiglás si Gerardo; nabitiwan ni Elena ang kanyáng katawan,
dapwa't hindi ang kamay na may hawak sa sandata.
--"Pumayapà ka, Gerardo! Huwag mong ikikilós ang iyong kamay, kung
ibig mong huwag akong masugatan. Bitiwan mo iyáng patalim, ó mahihiwá
ang mga dalirì ko! Bitíw, aking irog, bitíw!"
Sumukò din sa wakás ang kapusúkan ng binatà.
--"Duwag! ha! ha! ha! talagá kang duwag!"--ang sigaw ni Juancho na
anaki'y isang bukod na matapang.
Si Florante na mulâ nang dumating sa tulay ay di umi-imik, ngayo'y
humarap kay Juancho at banayad na nangusap:
--"Ang táo ay malayà hanggan siya'y gumagalang sa matwid; kapag
binaluktot niya ang katwiran, kapag siya'y lumabag sa makatwirang mga
utos, ang kanyang kalayaan ay dapat bawiin. Ikaw ay sumalansang sa
inaáatas ng matwid. Kami ay may karapatang kumatawan sa Justicia. Isukò
mo sa amin ang iyong kalayáan."
--"Ha! maginoong Florante! At sino pô kayo na aking susukuan?"
--"Walang maraming salitâ! Sasáma ka sa hukúman ó hindî?"
--"At sino pô kayó na aking sásamahan?"
--"Mga kapantay mo, na ngayo'y may karapatáng makapangyári sa
iyó!... Sasáma ka ó hindî?"
--"Baka ikaw ay nahihílo!"
--"Sumagót ka ng tapát, sasáma ka ó hindî?"
--"Híndî!!"
--"Ulol! Ibig mo pang ikaw ay gamítan ng lakás?"
--"Hitsura ninyong iyán ang aking uurungan!"
Si Juancho ay naglilís ng manggás at inawasíwas ang kanyáng sundang. Si
Florante nama'y biglang inalantad ang dala-dalang talibóng na inagaw
kangína kay Kapitang Memò.
--"Halíng!"--ang kanyang sigaw--"Nakikita mo ito?"
Tiningnan ni Juancho ang sandata. Napaurong. Nangdididilat. Nakilala
ang talibong.
--"Bakit iya'y nasa sa iyó? At bakit iya'y may dugô?"--ang pahiyaw
na usisà--"Inanó mo ang aking kapatid?"
--"Ginawâ ko sa kanya ang gagawin ko sa iyo kapag di ka sumunod
sa amin!"
--"Anó ang ginawâ mo sa kanya?"
--"Siya'y pinatay ko!"
Isang pailalím na saksák sa sikmurà ni Florante ang itinugon ni
Juancho. Si Florante sa lakás ng saksák ay daglíng nabaligtad, dapwa't
noon sandaling iyon ang kanyang kaaway ay dinaluhong ni Gerardo,
nagkágulong-gulong sa tulay at sa wakas ay nahulog sa ilog.
Ang tubig ng ilog na iyon ay may labinglimang dipá ang lalim; at si
Juancho ay di marunong lumangoy.
Si Kiko na may kaunting pagkabinabae ay nápakurús nang makalawá,
pagkukurús na sinalíwan ng sunód-sunód na "Susmariosep" at "Kaawàan ka
ng Diyós!" Sa kalakihán ng tákot ay dalì-dalìng lumulan sa kalesa at
talagáng tangkâ niya'y patakbuhíng mulî ang kabáyong nakawalâ ná sa
pagkakásilat, dapwa't nang hahagkisín ná ang háyop ay siyang pagsigaw
sa kanyá ni Gerardo ng:
--"Hoy!! Saan ka paparoon?"
Si Kiko'y kinilíg at parang tulíg na bumulalás ng di mawawàang mga:
--"Aba hindî pô, dine pô lang, walâ pô!"
Pagdaka'y inalúlan ni Gerardo sa kalesa ang sugatáng si Florante at
si Elíng, na noo'y putlângputlâ, nanginginig, at nanghihinà.
Nilísan nilá ang tuláy na iyon, na ayon kay Kikò ay lubhâng
kakilakilabot.