SA BAHAY NI PEPE

Utang sa síkap ni Gerardo at ng iláng kabinatà niyá, sa di kawasa'y

nátatag sa Libis ang isáng kapisánan na pinamagatáng "Dakilang Mithî."

Kagáya ng lahát ng mga samaháng pilipino, ang "Dakilang Mithî" ay

ulirán sa gílas at siglá noóng kanyáng mga únang buwán.

Noóng mga únang buwán, ang kapisanan ay makálawá sanglinggó kung

magpúlong, at ang bilang ng mga nagsisidaló sa mga púlong na itó ay

di lumiliít sa tatlongpû.

Noóng mga únang buwán, ang mga talumpatì, pagtatálo at ang mga bálak

na inihaharáp tuwíng magpupúlong ay punông-punô ng mahahalagáng láyon

at madláng kaparaánang magagámit upang lalong mapalúsog at mapadakilà

ang kapisánan. Náriyan ang pagtatayô ng isáng aklátán (biblioteca);

náriyan ang pagbubukás ng isang paaralán sa gabí, na walâng úpa;

náriyan ang pagpapalabás ng isáng paháyagang-linggúhan; náriyan

ang pagdadáos ng mga papúlong; náriyan ang mga sárì-sarìng campaña

lában sa Bisyo--laban sa sugál at sábong--laban sa mga mahahálay at

di wastông kaugalían, hílig, atb.: at nariyan ang kung anó-anó pang

matatáyog na panukalà.

Ang lahat ng kasiglaháng itó na napagmálas sa loób ng "Dakilang Mithî,"

noóng mga unang buwán ay lubhâng ikinaalíw ng mga nagsipagtatág sa

kapisánang iyon. Naákit siláng umasám-asám sa isáng maligáyang búkas

at napanibúlos silá sa pag-ásang madalî ó maláon ay málalasáp nilá

ang masasagánang búnga ng kaniláng mga pinuhúnang págod.

Dapwa't ¡ay! Katúlad ng isáng kimpal na kugon, na pag sinilabán ay

minsan sikláb lang at walâ ná, ang kapisánang iyón ng mga náturang

pag-ása ni Rizal (pa naman!), pagkaraán ng mga únang buwan, pagkatápos

na makapagdáos ng iláng sayáwang malalakí, nang isasagawâ na ang mga

panukálang binalangkás ng boông sípag at talíno,--ang kapisánang iyón

ay biglâng dinatalán sa noó ng karumaldúmal na kamandág ng panglalamíg,

pagkahapò at pagwawalàng bahalà ng hálos lahát ng mga kaánib!

Sinimulán ná ang isang búhay kapisánang kukutápkutáp, kagáya ng isang

ílaw na nauubúsan ng langís.

Anó mang pagsusumákit ang kalasagin ng Pángulo at Kalihim, ang

bahay-kapisánan ay láging áalóg-alóg tuwîng tatáwag ng púlong. Lahát

ay nangangakóng dádaló, dápwa't pagsápit ng oras ay pálad na pálad

ná kung sumipót ang sampû.

--"Anó ang dápat gawin úpang maipon ang mga iyán?"--Itó ang

pabuntóng-hiningáng tanóng ng pangúlo ng kapisánan.

--"Upang maipon?"--ang sambót ni Gerardo na kanyáng kaharáp,--"kung

úpang maipon lang ay may isang paráang madalî. Búkas pistá din lang

ay ikálat nátin ang balità na sa kinágabihán ay magkákaroón sa inyó

ng isang malakíng sayáwang handóg sa Samahán. Anyayáhan ang mga

kinalílituhan diyang binibinì, ang lahát ng mga makikísig sumayáw,

at maniwalà ka, katóto, na mamúmunô ang iyóng báhay... Pag handoón

ng lahát ay paalisin ang orkésta at simulán ang púlong."

At ganitó nga ang kaniláng ginawâ.

Madilímdilim pa kábukásan, ay sumabog na sa impápawíd ang balità na sa

ika 7 oras ng gabí ay magdadáos sa báhay nina Pepe ng isang maringal,

at mahabang sayáwan na handóg ng pangúlo sa masisipag na mga ginóo

at binibinìng bumubuò sa "Dakilang Mithî."

Hindî nagkabulâ ang hulà ni Gerardo. Orasyón pa lang ay pulúpulutóng

na ang mga panaúhing nagsisiratíng. Ika 7 óras na ganáp ay natitipon

doón ang ápatnapû sa limangpûng kaánib sa "Dakilàng Mithî."

Lahát ay galák na galák lubhâ na ang mga binatâ. Walang labì na di

nakangitî, walang matáng di nagniningning, walâng kílos na mabágal. At

sino ngâ namán ang di magágalák, alíng pusò ang di lálakasán ng

tibók, kanínong damdámin ang di mapupúkaw sa lílim ng mapanghalina't

malalagkit na títig, at sa halík ng bangóng núnukal sa mga sutlâng

talúlot ng mga gayóng "bulaklák ng búhay" na doo'y naliligò sa

mahínhing liwanag ng mga "Reina de las luces"? At sinong mahiligin sa

sayáw ang makukuhang magtulug-tulugan, kaninong mga páa ang mapapakalí

sa gayong idinulásdulas ng sahíg na binudburán ng pirápirásong ballena,

sa inihabá-haba't inaluwang-lúwang ng pagsásayawáng salas sa anyáya

ng malalambíng na tugtúging handóg ng orkésta?

Iká 7:15 na ng gabí, nguni't ang sayáwan ay di pa pinasísimulán. Hálos

lahát ay iníp na iníp na. Dángan lang at sila'y nadadaíg ng hiyâ,

marami na sanà ang nagúumikit noón sandalîng iyón, káhi't na walâng

anyáya ó pahintúlot ng may báhay.

Samantaláng naghihintáy ay makinig táyo sa mga sáli-salitáan.

Sa isáng súlok ng salas, ay nakaupóng magkaharáp ang dalawáng binibinì

na kung mámasdán ang kaniláng mga mukhâ, ay mapaghuhúlong sila'y may

isáng mahalagáng bagay na pinagúusapan.

--"Bákit, Pacita,"--ang bigkás ng isa,--"bakit wikà mo'y di ka na

makapagaáral?... Sáyang na sáyang pag nagkátaon!"

Si Pacita'y isang bulaklák na kabubuká pa lang. Lalabing-apat na taon

ang kanyang gulang.

--"Walâ akong magagawâ, Elíng. Ang mga tátay ang siyáng áyaw pumáyag

na ako'y magpatúloy."

--"Ayaw pumáyag?... Diyata't áyaw pumáyag? At anó namán ang dahil?"

--"Ang sabi nila'y sapát na sapát na ang kauntî kong nátutuhan sa

Primary grade; na ang isáng babáe raw ay di kailángang mag-áral

nang matagál, súkat na lang ang siya'y matutong sumúlat at bumása;

walâ raw siyáng katungkúlan kundî ang maglínis, maghúsay at tumáo sa

bahay; maglingkód sa kanyáng mga magúlang at asáwa, at mag-alagà sa

mga anák kun sakali't magkaroon."

--"At pati ba namán ang mga tatay mo, Pacita, ay napadádaig sa mga

ganyáng bulág na paniniwalà na dápat sumpain ng lahat! Diyatà namán

at tayóng mga bábae ay di kailángang mag-áral ng anomán máliban

na lang sa pagsúlat at pagbása ng kauntî? At ang karunúngan sa

isáng wastô at ginháwang pamumúhay, ang mga mararangal at tumpak na

paguugali, ang mga katungkúlan natin sa Kapisanan, sa ating báyan,

at sa Sangkataúhan--ang mga bagay báng iyán ay pagpipikitán na natín

ng matá, di na natin paguukúlan ng panahón?

"Laking kamalían!

"Túnay ngâ na katungkúlan ng isáng iná ang mag-álagà sa kanyáng mga

anák; datapwa't ang pag-aalagà sa isáng anák ay di basta't siya'y

palakihin, padamitan, pakanin, iligtás sa mga sakit, sundin ang bawa't

maibigan at palakasin ang kanyang katawán. Hindî, hindî humahanggá

ríyán ang mga katungkulan ng iná sa anák. May ibá pa siyáng tungkúlin

na lalong dakilà!

"Italâ sa noo at pusò ng anák, sa pamamagitan ng halimbawà, ang

katotohánan na siyá ay táong malayà, may púri, dangál at mga karapatán;

na walâ siyang Diyós ó panginóon sa ibábaw ng lupà kundî ang sariling

Bayan, ang dakilàng Matwíd, ang Katotohánan at ang Katungkúlan; na

ang táo ay dapat múnang magpakamatáy bago siya manakáwan ng kanyang

kalayáan, bago madungísan ang kanyáng dangál, bago siyá mahubdán

ng kanyáng mga karapatán, bago umiwas sa isang katungkulan, bago

mámalas na ang Bayan niya'y talúnan at abâ, bágo makitang ang matwíd

ay nilulúpig at binabaluktót ang katotohánan... Ikintál sa kanyang

diwâ sa pamamagitan ng halimbawà, na ang panahon ay gintô, at dahil

dito'y di dapat sayangin sa mga halíng na pangarap kundî gúgulin sa

mga bágay na pakikinabángan niyá at ng kanyáng mga kapwà; na ang táo

ay di nilaláng upang mabúhay at pagkatápos ay mamatay, tulad sa mga

gamógamó; kundî upang sa pamamagitan ng kanyang lakás ay makatulong

siyá, kahima't gabuhangin lang, sa lalòng ikasusúlong at ikadadakilà

ng Sangkataúhan. Iyán at marami pang katulad niyán, ang mabibigat na

tungkulin ng iná sa anák. At ngayon ay aking itinátanong: ¿Anó ang

magagawâ ng isang ináng hangál sa haráp ng mga ganyáng katungkúlan?

"Sinasábing katungkúlan ng isang babáe ang maglingkód sa kanyáng

mga magúlang at kabyák ng dibdíb. Mabúti! Nguni't di masasábi na

itó ang hanggán ng katungkúlan niyáng paglilingkód. Bakit? Sapagká't

gaya rin ng mga lalaki siya'y may isáng Inang Báyan na dapat niyang

lingapin.--May isang Lupàng sinilángán, Lupà na kanyáng pinagkukúnan ng

lahát ng ikabubúhay--Lupà na tinubuàn at kinalibingán ng kanyang mga

nunò! Di kayâ marápat na ang Báyang iyán ay kanyá ring paglingkurán,

at paka-ibiging higit sa sariling búhay, higit sa kanino man, higit

sa kanyáng mga magúlang, asáwa't mga anák?

"Oh Pacita! marámi pa sa áting mga matatandâ ang di nakababatíd sa

di mapupuwíng na katotohánan na ang katubúsan ng Lahì ay nasasakamay

din nátin na magiging mga iná sa araw ng búkas!..."

May ilán pa sanàng paghahakà na inulat si Elena; dapwá't sa lálapit

noon sa dalawang magkaibigan ang isang binatà na nang masulyapán ni

Elíng ay biglâng nagpapulá sa kanya nang gayon na lang at ikináputol

tuloy ng salitaan nila ni Pacita.

Iwan nátin siláng tatló, at tayo'y makiníg sa

bulúngbulúngan sa kabiláng pánig ng salas. Pulos na laláki ang

náhandoón. Pinagkákalipumpunán nilá ang isáng malápad na papel na

nakapakò sa dindíng at kinatititíkan ng salitâng programa. Sa ibabâ

nitó ay ipinaaálam na ang sayáwan ay bubuoín ng labingánim na Waltz,

labindalawáng two-steps at dalawáng rigodon.

--"Ano't may rigodon pa?"--ang payamót na tanóng ng isáng naka-lana

sa kanyáng kálapit--"Que torpe! Anóng mahihitâ sa rigodon?... Walâ

kundî.... kamáy. Mapapágod ka ng walâng... saysáy. Nakaaaksáya ng

panahón! Kalukúhan sa ákin iyán!"

--"Masamâ namán ang walâng rigodon, katoto,"--ang sagót ng isáng

naka-térnong-itím.--"At si Choy?"

--"Que Choy ni que báchoy!"--ang ángil ng naka-lana, at hinagisan ng

dalawang ingos ang isáng naka-kakeng kulot ang buhók na sa pagka't

lubhâng mahiluhín ay walâng ináabangan sa alín mang sayawan kundî ang

pasimulâng-tugtóg ng mga rigodon. Itó ang si Choy na noo'y kasalukúyang

nagpapantíng ang mga taynga, sapagka't malayôlayô man siya'y kanyang

naulinígan ang salitaan ng dalawa. Manganínganíng sugurin ang naka-lana

at sikangan ang walâng pitagang bungangà nitó. At kamuntî na ngang

manugod noon ang ating si Choy, kundî niya naala-alang gagawâ siya

ng malakíng kahiyâhiyâ, at kundî niya nataunan ang isang malambíng na

títig ni Mameng--títig na wari'y inahihímok sa kanya ang, "Pacencia,

Choy ko!"...

--"Pero, demonyo!"--ang mulîng putók ng naka-lana--"Anó ang

hinihintáy nitóng si Pepe?... Bakit áyaw pang simulán ang sayáwan,

diantre?.... Co--! naghihintay ang mga visita,--pu--!"

--"Huwág kang mainip, katóto"--anáng naka-itím--"huwag kang mainip

at sásapulan na raw!"

--"Sásapulan! pero kailán pa? ¡demonyo!"

Isang binatà ang noón ay pumagitnâ sa karamíhan, at pagkatápos na

makaupô ang lahat, ay bumigkás ng ganitó:--

Bulalakaw ng Pag-asa · 第 29 / 47 题