Pagkaráan ng dalawáng áraw, ang isang malagánap na páhayagáng pilipino
ay kinábasáhan ng mga ganitóng balità:
"MGA PUNONG MAKIKISIG
"Isang amerikanong nagngangálang John Stag na nabilanggô sa báyan ng
Libis, ay nakatákas noóng gabí ng ika 7 ng kasalukúyan. Hanggá ngayon
ay di pa naaaláman kung saan nagtatagò ang umalpás.
"Hindî lang itó ang nangyayári sa Libís. Ang báyang iyán ay isá pa
mandin sa mga matitíbay na kutà at matalinghágang púgad ng Bisyo
sa Pilipinas. Nagkakatusak doon ang nagkikisígang mga sabungán. Sa
báwa't súlok, magíng áraw at magíng gabí, ay may mónte, túpada,
hweteng at kung anóanó pang mga laróng báwal.
"Ang mainam nitó, ay kundî pa dumayo dóon ang mga sekrétang-Maynilà,
ang mga iya'y di matututóp!
"At ang maginoong Presidente? at ang mga pulés?
"Nangaghihilíkan bang lahat."
Ang balítang tumutukoy sa pagtataanán ni Stag ay inámin ni Kápitang
Memò; nguni't lubhâng malakí ang pagkapoót niyá sa tumutúkoy sa sugál
at sábong. Ito'y kanyang tinutulang mahigpít kahimá't di nalilihis
sa katotohánan; datapwa't tútol bibíg lamang naman, pagtutol na kung
kayâ lang ganapin ay pag násasa haráp ng matitinong tao...
Talagáng gayón si Kápitang Memò.
Kaaway kunwâ ng bisyo, dapwa't siya ang nagpalagò sa kanyang bayan
ng sugal at sabong--iyang mga laróng walang tumatangkilik kundi ang
lahat ng mga tamad, ang lahát nang ibig mabuhay nang nakangangá,
ang mga nanghihináyang na gamítin ang útak, magpatulò ng páwis at
batákin ang butó, ang mga ulól at mga duwág na natatákot yumápak sa
mga baitang ng hagdánang matarík na patúngo sa karangálan at katinuán
ng táo sa pamumúhay...
Nguni't hindî ang mahálay na pagkagúmong sa mga hilig na iyang
karápatdápat pakásumpâin, ang siyang tanging maibabalità ng mga
páhayagan tungkól sa báyan ng Libis. Mayroón pang ibá na lalong
mahalagá.
Kung suriìng mabúti ang pamunúan ni Kápitang Memò, ay mapagkikítang
ang mga pangákò nitó sa bayan, mga pangákong sagana sa hángin at
pulótpukyutan, ay untiuntíng nangaunsiyámì. Ang mga tungkúling
mabibigát na ikinápit sa kanyá ng kautusán ay maíngat na iniwásan
hanggáng maaárì. Kung alin yaong kanyang napagtutubúan ng walang págod,
kung alin ang di nararápat gawín ay siyang pinag-ubusan ng kaya.
Sa maiksing sábi, ang pamahaláang umiral ay isáng pamahaláang kailán
ma'y hindî nakasunód sa tunay na niloloób ng bayan, sa itinatadhanà ng
mga utos-pamahaláang waláng nakapangyári kundi ang isáng Kápitang Memò.
Na ito'y di maaarì sapagka't may Konsého Munisipal? Kabulaánan!
Túnay ngâ na ang konsého, sa pagkakinatawán niya ng bayan, ay
di nararápat bumálak ó umáyon sa alin mang bálak na salungát sa
ikagiginháwa ng mga mámamayán; na ang mga konsehal ay kailángang
magpakatalíno, mamuhúnan ng sipag at pagiingat sa paglikhâ ng mga
kautusán; na sila'y dápat gumálang, sumunód at ipagmalasákit ang mga
damdamin at náis ng báyang sa kanila'y naghalál. Tunay ang lahat ng
iyán dapwa't sa kasaliwâang palad ay di siyáng nangyari. Sa loob
ng konsého sa Libis ay dádaladalawá ang mga konsehal na natutong
gumámit ng talíno, dádaladalawá ang nagkaloób na tumútol, at
kailan ma'y di napatangáy sa mga lisya't walang wastông panukala
ni Kápitang Memò. Datapwa't anó ang kaniláng magagawâ sa sila'y
dádaladalawá? ¿Paánong magkakabisà ang matwíd niláng pagtútol sa haráp
ng ánim na kalábang bingí sa sigáw ng Katwíran? Anim na konsehal na
sunudsunúran saan man batákin ni Kápitang Memò; ánim na konsehal na
tuwíng magpupúlong ay harì ng tamád sa pakikitunggalì sa mga bagay
na tumutúkoy sa báyan; anim na konsehal na kung kaya lamang gumising
nang gisíng na gisíng ay kung ang pag-uusápa'y ang pagpapahintúlot
sa malayang pagsambá kay "San Sabong" at "San Sugal", nguni't pag ibá
nang bagay na may kahirápang suriin, ay daig pa ang ipinatdâ ang mga
dilà sa ngalangála!
Iyán ang mga táong may mga matá ay di makakita, may mga taynga ay
di makadiníg. Kapag hiningán ng pasiyá sa isang panukálang binálak
ó inayunan ni Kápitang Memò, siláng lahat ay pawang mga áyon;
nguni't hindi silá sangáyon kapag nákitang iilíng-ilíng ang kanilang
panginóon, ang kanilang Diyos! Maánong magisip-isip; maánong harapín at
kilalanin ang Matwíd!... Oh, alíping asal na ulirán sa kahaláyan! Oh,
mga táong walâng sariling damdámin! Salámat at ang mga konséhong gaya
ng inyóng kinaaníban ay iilán-ilán lamang. At kung hindi, anóng talas
na sandátang makakalaság ng mga káaway ng Pagsasarilíng pinakamimithî
ng Báyan!
Malinaw ngang lumálabas na dahil sa pagkauring busábos ng konsého ay
patúloy pa rin si Kápitang Memò sa kanyáng ugáling paghahariharian;
na dahil din diya'y ang bawa't ibígin niyá, matwid ó baluktot, ay
siyáng nangyári.
Dapwa't salámat at sa mabúting kapaláran ay di na ang lahat doo'y
natutúlog, gaya ng panahóng nagdaan; hindi na ngayón ang lahát ay
kampon nila "Talagá ng Diyos;" hindî na ngayón pawang pipi ang madlâ.
Sa bayang iyon ay mayroón nang naglitaw na ilang káwal ng Bágong
Panahon. Si Gerardo ay isa sa kanila. Sa haráp nang gayong pagdáyà
ng isáng pinunò sa kanyang mga nasasakóp, ay siya ang kaunáunáhang
gumamit ng karapatan; sa kanya unang nádinig ang makapangyaríhang
sigáw ng katwírang niyuyurákan. Si Gerardo ay di nagalinlángan munti
man. Sa isang malaking papúlong ng kanyáng mga kapanálig ay maáyos na
tinuligsâ ang kabulukán ng pamunúan. Bumanggit siyá ng mga nangyári,
inihayág ang mga tiwalîng gawâ ni Kapitang Memò, ang mga palákad
nito na pawàng salungát sa mga kautusán. Ipinakilala niya sa madlâ
ang túnay na Kápitang Memò, isinalaysáy ang boóng kabuháyan nito, na
pinagarálang maíngat ni Gerardo mulâ sa punò hanggáng dulo. Inalaráwan
niyá ang pagkawalâng-káya, ang pagkatamád, ang pagkawalâng-malasákit
sa pinamumunúan, ang pagka-di-dapat na mamunò, ang pagkamagnanákaw,
ang pagkamámamátay--anó pa't sa minsáng sabi, ang boóng lihim at túnay
na kataúhan ni Kápitang Memò, na, sapagka't natutong magbalat kayô,
ay nangingibabaw ngayón sa kanilang lahát.
Upang mapatunáyan ang lahat ng ito, si Gerardo ay nagharáp sa papúlong
na iyón ng maráming saksí. Natatangì sa mga itó ang isang babáeng may
ápat na púng taón na maráhil. Dukhâng-dukhâ ang kanyang pananamit na
bukód sa nanglilimahid na, ay punít punít pa. Sa haráp ng mga táong
doo'y natitípon, ay isinalaysay ng babáeng ito ang napakalungkót
niyáng kabuháyan.
"Bihirà sa inyó"--anyá--"ang di nakakakilála sa ákin. Dapwa't lahát
kayó ay pawàng di nakababatid sa napakaabáng pálad na ikinapadpád ko
sa ganitóng kalagáyan.
"Akó'y inaanák sa isáng malayong bayan--doón sa gitnâ ng lalawígang
Tarlák. Ang áking mga magúlang ay mga táong payapa't mararangál.
"Mayayáman silá, dapwa't noong nangabubúhay, ay mga kaibigang tapát
ng báyang maralitâ.
"Walâ pa akóng sampúng taón nang ako'y maulila sa iná. Palibhasa't
nangamatáy ang lahat ng áking kapatíd, nagtamasá ako ng boong láyaw
at kasaganáan sa piling ni amá.
"Hindî namán ako pángit noóng mga áraw na iyón, kayá't sabihin pa ba,
hindì kakauntî ang mga binátang nagnasang maglingkód sa ákin.
"Dumatíng ang sandalî na ako'y natútong umíbig.
"Dapwa't ¡ay! Pagkatápos na áking maihandóg ang iisa kong pag-irog sa
náhirang ni Bathalang panginoónin niyaring pusò, pagkatápos na áking
maasámasám ang ligáyang pílit kong lalasapín sa kanyáng kandúngan,
ay saka ako sinikíl ng pagkálupítlupít kong kapaláran!.....
"Isáng háting gabí, noong panahón ng paghihimagsik, ako ay nágulangtáng
sa áking pagtúlog. Sa mga únang sandalî, áking hininalang yaon
marahil ay bangúngot lang. Nguni't ¡sa aba ko! Nang mamúlat ang
aking mga matá, nang luminaw ang aking pag-iisip, ay napagmalas kong
yao'y di pala bangúngot kundî isang túnay na kataksilán!... Isang
lílo, isang tampalásan, isang púsong háyop, ang noo'y pumipígil sa
sawîng pálad kong katawan sa pagkagupíling! Ako'y mahinà at siyá
ay malakás! Tinawágan ko ang Diyos; dapwá't ang Diyós na iyón ay
di ako dininig! Ang Diyos na iyón ay di tumúlong! Ako'y nasawî!
¡Nadungisan ang áking puri! Ang háyop ay nagtagumpáy!......
"Nagbangon akó at hinánap ang aking magulang. Pinások ko ang kanyáng
silíd. Dapwa't ¡oh! ¡Mahabagíng Langit! Ang áking pinakaiirog na amá,
ang pinagkakuutángan ko niríng buhay, ang tangi kong kasákasáma araw
at gabí, ay naroon sa kanyáng hígaan, nakababád sa dugô, putól ang úlo!
"Ako'y nálugmok at nawalán ng diwà.
"Nang másaulì ang aking pagkatáo, ako'y nasa saloob ng ibáng bahay.
"Yaon ang tahanan ng tampalasang sumukáb sa aming mag-amá. Ibig
kong tumákas, dapwa't ako'y nakúkulong. Ibig kong magpatiwakál
dapwa't may nakabantay sa akin áraw at gabi. Anó ang minarapat kong
gawín?... Ang Diyós ay di ko na tinawágan! Hindî ko na siya hiningán
ng abuloy!... Ako'y nádalâ na!... Walâ akong túlong na inaasáhan noón
kundî ang kabayanihan ng kasumpàan ko sa pag-irog. Dapwa't ¡ay! si
Fidél na aking minahál higit sa buhay, ay hindi ko na nákita hanggáng
sa sandalíng ito! Siyá man yata'y tinikís na ang magwaláng bahalà sa
aking pagtángis! Siyá man yata'y nawalán din ng habág sa mapait na
pagdadalamhatì niyaring kálulwa!...
"Sa haráp ng mga ganitóng kalagáyan anó pa ang sa áki'y nalalabing
gawin? Walâ nang iba kundî ang makibágay sa áking pálad. Yaring pusò
ay dahandáhang tumigás, untîuntîng nasabík sa kaputíkan, untîuntîng
natútong umíbig sa isáng lilo, sa pumatáy sa ákin ding amá!
"Malaon din na kami'y nagsáma ng tampalásan.
"Datapwa't pagkatápos na masalantâ niya ang áking katawán, pagkatápos
na mabusog sa akin ang kanyáng kahayúpan, pagkatápos na makapagpasasà
sa aking lamán, ang ganid na iyon ay di na nakitungo sa akin; ginútom
na ako, ipinagbilí ang mahuhúsay kong damit, binawì ang mga aláhas na
bigay niyá sa akin, at di nagkásiya sa ganitó, akó'y ipinagtulákan sa
kusinà ng báhay upang doon gumawâ, doon kumain, at matúlog sa ibabaw
ng mga panggátong na kahoy, kahalubilo ng mga pusa't áso! Sa minsán
sabi, ginawâ akong isang alípin, isang busabos!
"Ganitó ang áking lagáy ng kami ay málipat sa báyang ito.
"Pagdatíng na pagdatíng namin, ako'y sinumbatán ng tampalásan kong
panginóon. Ipapapatáy daw niyá ako kapag di ko iningátan ang líhim
ng pagkasawî naming mag-amá.
"Sapagka't púsong-babáe, ako'y malaong nadalá ng tákot at kahinàan:
iningátan ko ngâ ang lihim.
"Dapwa't ngayón, ngayón ay sumápit na ang sandalî na sa láot ng aking
pagkaabâ ay di na akó napangingilábot ng kamatáyan; ang kahináan ay
walâ na sa ákin!... Tuparín kung ibig ng panginóon ko ang kanyang
sumbát!... Ang kanyáng líhim ay nasisiwalat na!...
"Nguni't, bágo ko wakasán ang áking salitâ, ay ipahintulot na aking
maitanóng:
"Alám ba ninyó, mga táong báyan, alam ba ninyó kung síno ang
napakabúti kong panginóong iyan, kung sino ang tumaksíl sa kaawà-awà
kong magúlang, nagnákaw sa puri ko't dangál at nagbulíd sa akin sa
bangín ng pagkabusábos?
"¡¡Kilabútan kayóng lahat, oh mga taong walâng málay!!...
"Siyá ay yaong sa inyó ngayo'y namumunò ang pinagkatiwaláan ninyo ng
mga kautusán, dangál at kabuháyan ng isang bayan!!..."
Ang mga pinagtahî-tahî at pinagarálang kabulaánan, ay madalíng
makikilala ng isang maálam magmasíd. Nguni't sa kabuhayang
isinalaysáy ng babáeng iyón, ay walâng nakádama nang kahi't gabáhid
na kasinungalingan.
Bawa't anyô ng kanyáng mukhâ, bawa't galáw ng mga matá, bawa't
salitâ ng maáyos niyang salaysáy, ay isang taták ng katotohánan,
isang matibay na panghikayat sa lálong dì mapaniwalaing kálulwa.
Kaya't napangilabot ngâ ng babáeng iyón ang madlâng sa kanya'y
nakikinig!...
Nang sa wakás ay imungkáhì ni Gerardo ang paghingi kay Kápitang Memò
na magbitiw ng tungkól, lahát ng nangaróon ay kumatig sa kanya; lahat,
hanggáng ang mga dating kapanalig ni Kápitang Memò, ay naniwalang
sila'y nálinlang. Gayón na lang ang kanilang pagsisísi!