¡TALAGÁNG PALALÒ!
Iká isáng óras ng hápon nang máharap sa presidente siná Julio
at gayón ma'y malaon pa ring sila'y naghintáy na hindî man lang
kinikibô. Sinamantala ni Gerardo ang panahón; pinagaralan sandalî ang
nalalaráwan sa mga mukhâ ni Kápitang Memò at ng kanyang katóto. May
isa siyang hinalà, na ibig maláman kung túnay ó hindî. Tiningnáng
una ang amerikano. Ibáng ibá ito ngayón: walâ na ngayón ang úlong
kanína'y nakayukô; walâ na rin ang mga lábing kanína'y nangangatál;
walâ na ngayón ang mga matáng duwág na kanina'y dî makalában sa
kanyá ng títig. Ibáng ibá ngâ ngayón si Stag; mistúlang harì na
namán na íbig magpasukò sa lahát, pati sa Diyos! Ang báwa't títig
niyá kay Kápitang Memò, wari'y naghahatíd ng mga ganitóng salitâ:
"Ako ang panginóon mo ngayón. Ó ako'y ililigtás mo sa usapíng itó,
ó ang úlo mo'y aking paliliparín! Mamilì ka!"
Sa bawa't títig ni Stag na may ganitóng kahulugán ang kápitan ay may
isang magiliw na tugón:
"Huwág kang magalaála katóto... Madalî ang pagliligtás sa iyó."
May katwíran si Kápitang Memò sa kanyang sinabi: ililigtás niyá si
Stag at ang paráan na kanyáng gagamítin ay madalîng madalì. ¡Dadaánin
sa bagsik, sa dahás, sa sigáw! Aling kaluluwá sa boóng báyang iyón
ang di manginginíg sa isa niyáng dárag, sa isa niyang pandidílat?...
Síno doón ang di niya mapaaáyon sa kanyáng maibígan? Walâ! Síno ang
mangangahás na makipagsagútan ó makipagtálo sa kanyá? Walâ! Síno ang
humaráp sa kanyá na di niya napayukô? Walâ!
Ngunì't ... si Gerardo? Si Gerardo! Pshé! Síno iyán? Isang
nagtatapáng-tapángan; isang palalò, hambóg, walâng gálang! Iyan
ang hangál na láging lumilibák sa kanyang pagkapinúnò. Iyan ang
nagdudunúng-dunúngan na tumatáwa sa palákad ng kanyáng pamahalàan. Iyan
ang ulól na maláon nang iniíbig niyáng másukol sa isang súlok úpang
... máalis ang pagka-ulól!
Salámat, at ngayo'y násukol na niyá!
Ngayón niyá malalasáp ang tamís ng pakikipagtálo sa isang Kápitang
Memò.
Ngayon silá magkakaalám at ngayón magbabáyad ng mga útang ang hambóg
na iyan!
Pinanglísik ng Kápitan ang kanyang mga matá, kinunót na mabuti ang
nóo at saka minasdan ang binatà......
Talagáng walâng hiyâ, talagáng hambóg, talagáng palalò!
Diyata't ang títig niyáng iyón ay dî man lang iginalang, hindi man
lang ininó? Diyáta't hindî man lang kumisáp, diyata't ang ulo'y hindî
inayukô? Ano't ang anyô ng "ulol" na itó ay animo'y nanghahamón,
animo'y nagtatawá, nangungutyâ? Bakit at ang mga kamáy ay hindî
nakahalukipkíp, bakit hindi namumutlâ, bakit hindi nanginginíg gayóng
nasa haráp niyá--niyá, ni Kápitang Memò?...
Nang mamalas ito ng mabalasik na pinunò, ang di masáyod na pagkapóot
niya sa dati nang kinapopoótang binatà, ay lalong nagíbayo, lalo
siyang ininís.
Sa wakas, ay hindi na nakapagpigil, hindi na nakapagbatá: inalabás
na ang pagka-Kápitang Memò!