ANG MGA MÁGINOO...

Talagá yatàng sinasamâ ang mga magsasakdal. Ang presidenteng sinadyâ

sa bahay-pámunuan ay walâ rin doon.

Hindi pa dumárating. Ang oras na iyon ay hindi pa oras ng pagdatíng

ni Kápitang Memò sa kanyang tanggápan. Iyón ay oras lamang ng kanyang

pagbángon, ng paghiwaláy sa mapanghalína niyang higàan, ng pagpapaalam

sa isang kinawilihang pangarap....

Si Kápitang Memò ay di nararápat bumangon ng maága; hindi ito nababágay

sa kanya. Siya'y isang máginoo, isang kápitan, isang presidente na

sumasahod buwán-buwán ng walongpúng pisong matunóg. Bumángong maága

ay nababágay lámang sa mga mahihirap, sa mga magsasaká, sa kanyang

mga kasamá, alila at mga hindi máginoong gaya niya.

Tinutugtóg ang ikasampung oras nang si Kápitang Memò ay magbángon

noong umagang iyón. Ang mga hikáb niyang sunodsunod at mga matáng

pipikitpikit ay nagpapakilálang di pa nasisiyahán sa túlog. At mulî

sanang mahahandusáy ang mahal nating ginoo, dangan at nagitlá sa

íngay ng maraming táo na noó'y naghuhugusan sa tapát ng kanyang

báhay. Ang mga táong ito'y siyang kasunódsunód nina Gerardo mulâ

ng iwan nila ang tindahan ni Julio; ibig sana nilang mapanoód ang

paglilítis, dapwa't nabuktót na lahat sa pagiintáy sa presidente,

kaya't ngayo'y nangaguuwian na. Salámat sa ingay nila at nabugábog

ang masipag na pinunò ng bayan; sa wakás ay natulúyan ding mámulat ang

mga namumugtông matá na animo'y nagsasábing "¡Kami ay busóg na busóg!"

Pagkakáin ng almusalán, ang ating máginoo ay humílig sa isang

sillón; at dito'y sinimulán ang waláng lagót na pagpapaúsok sa isang

"Germinal".

Hinintáy pa munang mangalahátì ang sagisag na iyón ng isa sa mga

masasamáng hilig ng tao, bágo nagbihis si Kápitang Memò upang dumaló

sa bahay-pamunuan.

Tinutugtóg ang ika labing-isáng óras ng umága nang siya'y sumapit

doón. Pagpások na pagpások ng pintô, ay isang tuksó ang kaagád ay

sumagupà sa kanyá. Sa dákong kaliwâ ay may isang malápad na bangkô at

sa ibabaw ng bangkô ay nakatukmól ang isang pulís na uugâ-ugâ ang ulo,

nakabuká ang bibig, at untî-untîng nábababâ ang mga balintataó. Sa

ganitong anyô na bilang pasalúbong sa kanya ng káwal niyang hinihíla ni

Antók, ang makisig na pinunò ay biglang siniglán ng pangungupinyó. Anó

ba't ang buísit na iyon eh, tila ginagagád ang anyô niya kanina ng

siya'y bago lang kagigísing?

Dáhandáhang lumápit ang nagngingitngít, sinunggabán sa bátok ang

tuksó at walang sábi-sábi'y niluglóg ito ng walang kapatúpatumanggâ.

--"Ah, salbáhe! demónyo! di nahúli rin kitá!... Iyán, (suntok)

iyán, (sipa) at iyán (dagok) ang bágay sa iyo, tamád! walang

hiyâ! háyop! Kung kayâ ka bá binabayáran ng sampúng piso buwán-buwán

ay para magtulóg ka rito? Waláng hiyâ!"

Gitláng gitlá ang pinupog ni Kápitang Memò. Sa kagulatan ay nakálundag

tuloy sa di oras ng limáng dipá.

Samantalang nagbúbubusá ang bibíg ng Kápitan ang iba namang mga pulís

ay pawang nagpuputlàan at nanginginíg, lahat ay nangagtáyò ng tuwid

na tuwid, walang makahumá kahi't isa.

Pagkatápos ng ganitong pagpapakíta ng gilas sa silong, ang mabangís

na punò ay dahandahang nanhík na nanglilisik ang mga matá.

Sina Gerardong inis na inis na sa pagiintáy ay napabuntóng-hiningá

na lamang ng maramdamang siya'y dumádating.

V

Bulalakaw ng Pag-asa · 第 14 / 47 题