Máximo San Jórge de los Santos ang túnay na ngalan ni Kápitang Memò,
ulo ng yaman at presidente municipal sa Libís. Siya ay isang lalaking
may matáas na tindig, mukhâng bilóg na kinabábanaagan ng ilang paták
ng dugông diláw, úlong tihabâ na napapalamutíhan ng mapuputing buhók,
mga matáng busóg na animo'y ipinaglihí sa mga matá ni Mutsu-Hito,
ilóng na hinirám kay San Mateo, bibig na inihawig sa bibig--Limahóng
at tiyang kauri ng tiyang--Taft.
Ang máginoong itó ay isá riyán sa mga nábantog na kápitan noong
mga araw na ang Pilipinas ay kasalukúyang iniinís ng kakastilàan;
siya'y nábantog, sapagka't tangì sa masalapî, ay lubhâng malupít sa
mga táong bayan, mapagbalák ng mga masasagwâng útos na pawàng udyók ng
kasakimán, mapagparátang at mapagparusa ng mga parúsang háyop sa mga
binúbuhátang nagkásala. Walang tumutol sa mga hidwâ niyáng kagagawán
na di niyá sinumbatán ó pinangakùan ng ganitó ó gayóng pagkapahámak.
Ibig supilin ang lahát; paáno'y walâ siyáng pinakamimithî kundî
ang sambahín, kilalánin at tawaging harì--harì sa lahat ng bagay,
harì ng lahát ng táò, kung mangyayári, ng kanilang mga pag-aarì,
katawán at damdamin... Iyan ang kanyang adhikà sa gitnâ ng gayóng
mga nagyukòng masunúrin, mga tikóm na bibig, mga dilàng alípin.
Iyán ang kanyáng pinangápangárap, ang boô niyáng hangad mulâ
sa sandalîng mapasakanyà ang tungkód ng kápitan--ang mahiwagà't
makapangyarihang tungkód na siyáng lálong pinagkakautangan ng kanyáng
pagkamasalapî, pagkamalupain, at pagkamapalalò.
Sa haráp ng ganyáng mga adhikà, katakátaká kayâ na nang mabágo ang
pámahalaan, pagkalagánap dito ng kautusáng nagpapahintúlot sa mga
bayán-bayán ng maláyang pagpilì sa kanikanilang pinunò; katakátaká
kayâ na maisipan ni Kápitang Memò na samantalahin ang pagkakátaon sa
pagbabakásakáling siya ang máhalal na presidente sa kanyang bayan?
Alám ni Kápitang Memò na lubhâng marami ang kanyáng kaáway; na ang
kanyáng kabangisán ng panahóng lumípas ay di pa nalilimot ng mga
manghahalál; na ang tákot at pangingilag sa kanyá ay di pa nakakatkát
sa mga apdó ng karamíhan; na ang kanyáng kalupitán sa pamumunò ay
sariwàng-sariwà sa kanilang alaala. Batid ni Kapitang Memò ang lahát
ng iyan. At iyan ang mga dahil kung bakit siya'y maláon ding nabalisa
at nagalinlangan, bago natuluyang magharáp ng kanyang kandidatura sa
nálalapit na halalán.
Dápwa't hindî ang isang Kápitang Memò ang uúrong. Bakit ba hindî niyá
titikmán? Ay anó kun sakálì ma't siyá'y mátalo? Hindî ba siyá datihan
sa pagkatálo ... sa mga templo ng San Jórge at mga titiláok?
--"Walâ! walâng úrong-úrong!" ang matigás niyáng sábi sa kanyá rin.
At hindî nga namán umúrong.
Sinimulan na ang pangatawanang paglákad.
Nagkatúsak ang kanyang mga leaders na walâng humpáy ng talumpatì dini
at talumpatì doón.
Nagpagawâ sa Maynilà ng libo-libong carteles na kinatítitikan ng
mga salitang:
VOTAD POR
Sr. D. Maximo San Jorge de los Santos.
CANDIDATO para PRESIDENTE.
Libertad, Igualdad, Fraternidad.
Sa di kawasà'y dumatíng ang áraw ng halalán. Dumatíng ang oras ng
pagbílang ng mga boto.
Nápagaláman sa wakás na tatlong-daan at limá ang bilang ng boto kay
Kápitang Memò; samantalang dádalawang-dáan at ánim ang tinanggap ng
kaniyang kapáligsahan.
¡Talinghagà ng mga pangakong matatamis!
¡Talinghagà ng mga gantíng-palang makalansing!
¡Talínghagà ng mga mukhâng-hudas na nakangitî!...
Tigás na tuwâ ng Kápitan.
Sa tatlong araw na sumunod sa halalán, si Kápitang Memò tuwing magiisá,
maging sa pagkain, maging sa paghigâ hanggang sa pagtulog, ay wálang
nábibigkas kundî ang gayari:
--"Sa makatwid, ako ay presidente na ngayón ha! ha! ha! At sa
makatwid, akó ay makapangyarihan na namán! ha! ha! ha!... Ganitó,
ganitó ang mabubuhay ... láging nasa itáas, láging tinitingalâ at
hindî nasusuwáy! ha! ha! ha!"
Iyán ang si Kápitang Memò.