26.--=Papaano ang pagsapi?=--Sa pagtanggap n~g pakikisapi ay

[Transcriber's note: Tilde g in old Tagalog which is no longer used is

marked as ~g.]

[Paalala ng nagsalin: May kilay ang mga salitang "ng, mga," at iba pa

upang ipakita ang dating estilo sa pag-sulat ng Tagalog na sa ngayon

ay hindi na ginagamit.]

=KARTILYANG MAKABAYAN=

M~GA TANÓNG AT SAGOT UKOL

KAY

ANDRES BONIFACIO

AT SA

KATAASTAASAN, KAGALANGGALANG KATIPUNAN

N~G M~GA ANAK N~G BAYAN

_na nagturo at nagakay sa Bayang Pilipino sa Paghihimagsik laban sa

kapangyarihang dayo_

SINULAT NI

HERMENEGILDO CRUZ

(_Ikalawang Tagapamatnugot n~g Kawanihan n~g Paggawa_)

MAYNILA, S.P.

1922

_Ang unang pagpapalimbag n~ga KARTILYANG MAKABAYANG itó, sa

kapahintulutan n~g sumulat, ay ipinagawa n~g "Lupong Tagaganap" n~g

ARAW NI BONIFACIO, 1922, upang ang salaping mapagbibilhan ay igugol sa

bantayog (monumento) na itatayo sa pook na pinan~ganakan kay Andrés

Bonifacio. Ang bilang n~g saling ipinalimbag ay 5,000 at ang salaping

kailan~gang likumin ukol sa nasabing pakay ay humigit kumulang sa

P1,500.00.

Maynila, 16 n~g Nobyembre, 1922._

RAMON FERNANDEZ,

_Pan~gulo_.

FAUSTINO AGUILAR,

_Kalihim_.

GUILLERMO MASANGKAY,

_Taga-In~gatyaman_.

M~GA KAGAWAD:

BIENVENIDO K. DOMINGO,

136 Tayuman, Tondo

IGNACIO SOL CRUZ,

409 Calle Telio, Tondo

PIO AREVALO,

1099 Antonio Rivera

DOMINGO PONCE,

55 El Dorado, Quiapo

ANDRES GOMEZ

127 Palomar, Tondo

FAUSTO IGNACIO

2446 Oroquieta, Sta. Cruz

VICENTE C. YUSON,

432 San Anton, Sampaloc

* * * * *

Ang kartilyang ito'y matatagpuan sa m~ga tindahan n~g aklat at sa

bahay n~g m~ga kagawad n~g lupong inilathala. Kung pakiyawan ay

maaaring tumun~go sa bahay ni G. Guillermo Masangkay, daang Alvarado,

blg. 535, Maynila. Maybawas ang halagá kung pakiyawan. Ang m~ga taga

lalawigan ay maaaring humin~gi na kasama ang halagá.

TUNTUNIN

Mukha

Alay, 7.

Paunawa, 9.

I Kung sino si Andrés Bonifacio, 11.

II Ang samahang nagturo at nagakay sa bayan sa paghihimagsik, 14.

III Ang palatuntunan n~g "Katipunan", 16.

IV M~ga aral n~g "Katipunan", 19.

V Ang pagpapalaganap n~g "Katipunan", 22.

VI M~ga paraang ginagawa sa pagsapi sa "Katipunan", 25.

VII Ang mahigpit na pakikibaka n~g "Katipunan" sa kanyang

kabuhayan,29.

VIII Ang "Katipunan" at ang bayang maralita, 34.

IX Ang "Katipunan" at ang paguusig sa m~ga "mason", 37.

X Ang Paghihimagsik, 40.

XI Tagumpay at Pahimakas, 50.

Dekálogo ni Bonifacio, 62.

M~ga talang matatagpuan sa aklat na itó, 63.

[Sulat Kamay:

Inaalay sa m~ga bata't kabinataang nagsisipagaral.

H. Cruz

Nob, 1922.]

PAUNAWA

Isang araw, bago sumapit ang ika 30 n~g Nobyembre n~g taong 1921, na

ginawang araw na pan~gilin mula noon n~g ating m~ga Kinatawang

tagapagbatás, lumapit sa akin ang m~ga anak kong nagsisipagaral sa

m~ga paaralang-bayan at ibinalita ang ganito: "Bukas--anilá--wala

kaming pasok. Pistá daw, tatay, ni Bonifacio." At saká pamanghang

itinanóng sa akin: "¿Sino ba iyang si Bonifacio?"

Wari ako'y natubigan....

N~guni't hindi dapat pagtakhan ang pagkamanghang yaón n~g m~ga bata,

sapagka't sa ating m~ga paaralang-bayan, ang kabuhayan ni Andrés

Bonifacio at ang kasaysayan n~g "Katipunan" ay itinuturo n~g pahalaw

lamang sa m~ga nagsisipagaral na n~g "septimo grado," na hindi

ipinakikilala ang buong kasaysayan n~g "Katipunan" at gayon din ang

kanyang makabayang palatuntunan at matataas na aral na ipinunla sa

bayan, na siyang nagturo't nagakay sa m~ga pilipino sa pagguhó n~g

kalupitan at pangbubusabos at nagtanim sa ating m~ga puso n~g

manin~gas na damdamin n~g Kalayaan at Kasarinlan.

Sa maiikling pan~gun~gusap, ay aking ipinatanto sa m~ga anak ko ang

buong kabuhayan ni Andrés Bonifacio at ang sanhi't katwiran kung bakit

siya'y ibinubunyi n~g ating lahi't Pamahalaan. Akin ding ipinakilala

sa kanila ang m~ga aral n~g "Katipunan"; at isinaysay ang

kapakinaban~gang natamó n~g Bayang Pilipino sa paghihimagsik na

pinamatnugutan n~g kapisanang yaong itinatag at pinan~guluhan ni

Andrés Bonifacio.

¿Di kayâ isang pan~gan~gailan~gan na ang m~ga isinaysay kong yaon sa

aking m~ga anak ukol sa dakila't maningning na kasaysayan n~g ating

lahi, ay maipakilala rin naman sa madlang nagsisipagaral sa ating m~ga

paaralan?

Itó lamang ang tan~gi kong han~gad sa pagsulat n~g munting aklat na

ito.

HERMENEGILDO CRUZ

Tundo, Maynila

Nobyembre, 1922

=I=

=KUNG SINO SI ANDRES BONIFACIO=

1.--=Sino si Andrés Bonifacio?=--Siya'y isáng tunay na pilipino na

ipinan~ganak noong ika 30 n~g Nobiyembre n~g 1863 sa isang bahay na

pawid sa pook na nasa sa harap n~g himpilan n~gayón n~g pero-karil sa

daang Azcárraga, Tundó, Maynila. Ang kanyang amá'y nagn~gan~galang

Santiago Bonifacio na ang hanap-buhay ay sastré at ang kanyang ina

nama'y Catalina de Castro. M~ga taal na taga Maynilà.

2.--=Nagkaroon ba siya n~g m~ga Kapatid?=--Apat: sina Ciriaco,

Procopio, Petrona at Troadio. Ang dalawang una at itong huli'y patay

na at ang babai ay buhay pa. Ang babaeng ito ay siyang naging asawa

n~g nasirang bayaning si Teodoro Plata, isá sa m~ga masikhay na kasama

ni Andrés Bonifacio.

3.--=Ano ang kabuhayan ni Bonifacio?=--Ang kaniyang m~ga magulang

ay m~ga taong dukha kaya't siya nama'y isang taong mahirap.

4.--=Ano ang kanyang Napagaralan?=--Siya'y nagaral sa paaralan n~g

gurong si G. Guillermo Osmeña, sa pook n~g Meisik, Binundok, Maynila.

Datapwa nang siya'y tumutuntong na sa ika 14 na taon, ay namatay ang

kanyang m~ga magulang at dahil dito'y naputol ang kanyang pagaaral.

Siya noo'y maalam nang bumasa at sumulat n~g wikang sarili (tagalog)

at kastila.

5.--=Ano ang kanyang ginawa n~g siya'y maulila na?=--Upang siya'y

mabuhay at sampu n~g kanyang m~ga kapatid, binatak ang sariling buto't

siya'y nagbili n~g m~ga tungkod (baston) at m~ga pamaypay na papel na

ginagawa niya sa loob n~g kanilang bahay. Gayon din ang ginawang

hanap-buhay n~g kanyang m~ga kapatid.

6.--=Ano pa ang kaniyang ginampanang gawain upang mabuhay?=--Nang

si Bonifacio'y nakapagsanay na sa pagsulat, siya'y nasok na utusan sa

bahay kalakal ni Fleming, at pagkaraan n~g ilang panahon ay ginawa

siyang kinatawan n~g nabanggit na bahay-kalakal sa pag-bibili n~g

sahing, yantok, at iba pa.

7.--=Nanatili ba siya sa tungkuling ito?=--Hindi. Nang lumipas ang

ilang panahon siya'y naging kawani (personero) sa bahay-kalakal nina

Fressell & Co., na nalalagay sa daang Nueva, blg. 450. Maynilà. Ang

sinasahod niya'y m~ga labingdalawang piso lamang sa isang buan.

Patuloy pa rin siya sa paggawa n~g m~ga tungkod at pamaypay, na

itinitinda n~g kanyang m~ga kapatid.

8.--=Anong katan~gian, bukod sa kanyang hanap-buhay, ang tinataglay ni

Bonifacio?=--Siya'y mahiliging magsulat sa sariling wika at may

magandang ayos ang kanyang sulat. Dahil dito, nakatutulong sa

kabuhayan nilang magkakapatid ang paggawa n~g m~ga tatak at paunawa sa

m~ga kayong ipinagbibili rito sa atin.

9.--=Siya ba'y mahiligin sa pagbabasa n~g m~ga aklat?=--Oo.

N~guni't ang kaniyang kinahihimalin~gang basahin ay yaong m~ga aklat

na nakapagtuturo n~g kabayanihan, tulad n~g Kasaysayan n~g himagsikan

sa Pransiya, "Las Ruinas de Palmira," "Los Miserables," ni Victor

Hugo, "El Judio Errante," Biblia, ang m~ga, aklat ni Rizal at ibá pa.

Siya'y mahiliging totoo sa pagbabasa. May m~ga gabing halos di

nakakatulog sa pagbabasá.

10.--=Siya ba'y nagkaasawa?=--Oo. Ang naging kabyak n~g kanyang

pusó'y pinapalayawan n~g Oriang (Gregoria de Jesus) na ang sagisag

"Lakambini," tagá Kalookan. Sila'y nagkaroon n~g isáng anák na

namatay.

11.--=Ano't idinadakila n~g Bayang Pilipino si Andrés Bonifacio at

siya'y ipinalalagay na dakilang Bayani sa piling ni Rizal?=

--Sapagka't siya ang nagtayo at nahalal na pan~gulo n~g "Kataastaasan,

Kagalanggalang Katipunan n~g m~ga Anak n~g Bayan," na pinagkautan~gan

n~g Bayang Pilipino n~g kabayanihan sa pagusig n~g kaniyang ikalalaya.

"May-pagasa" ang sagisag niyá na "nangyari" bago siyá mamatay.

=II=

=ANG SAMAHANG NAGTURO AT NAGAKAY SA BAYAN SA PAGHIHIMAGSIK=

12.--=Kailan at saan itinayo ang "Samahang Kataastaasan,

Kagalanggalang Katipunan n~g m~ga Anak n~g Bayan"?=--Noong ika 7

n~g Hulyo n~g 1892, sa bahay na kinatirhan ni Deodato Arellano, na

nasa daang Azcarraga, bilang 64, Binundok, Maynila.

13.--=Ano't itinayo ang Samahang binanggit?=--Ganitó ang nangyari:

si Rizal ay lumunsad sa Maynila n~g ika 26 n~g Hunio n~g Taong 1892.

Pagkaraan n~g mahigit sa isang linggó, noong ika 6 n~g sumunod na

buwan n~g Hulyo, si Rizal ay ipinatawag ni General Despujol na siyang

pinaka-mataas na pinuno n~g Kastila dito sa atin noon at siya'y

ipinapiit sa Fuerza de Santiago. Ang m~ga tunay na pan~gun~gusap ni

Rizal sa nangyari, sa kanyang itó ay gayari, ayon sa sulat din niyá,

na inihayag n~g kanyang matalik na kaibigan, ang nasirang si Mariano

Ponce: "Noong miyerkoles--ani Rizal sa kanyang talaan--itinanong sa

akin (ni General Despujol) kung ako'y nagpupumilit na magbalik sa

Hongkong. Sinagot ko siya n~g oo. Makaraan ang ilang salitaan sinabi

sa akin na ako raw ay maydalang m~ga proklama (m~ga pahayag) na kasama

n~g aking m~ga damit at ariarian. Sinagot ko siyá n~g hindi. Itinanong

sa akin kung kanino yaong m~ga unan at banig, isinagot kong sa aking

kapatid. Dahil dito, ipinatanto sa aking ako'y kanyang ipabibilanggo

sa Fuerza de Santiago." Si Rizal n~ga'y ibinilanggo. Nang maalaman ito

ni Andrés Bonifacio ay nagalab ang kanyang loob. Pinulong sina

Ladislao Diwa, Valentin Diaz, Ildefonso Laurel at si Deodato Arellano

sa bahay na binanggit na may bilang 64, daang Azcarraga, at itinatag

nila ang "Katipunan," na siyang pamagat sa daglian n~g binanggit na

samahan.

14.--=Ano ang pakay n~g "Katipunan"?=--Pagsamasamahin ang kalooban

n~g m~ga pilipino sa isang layunin, "upang sa pagkakaisang ito'y

magkalakás na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan

at matuklasan ang tunay na landás n~g katwiran at kaliwanagan."

15.--=Ano ang ibig sabihin niyang "matuklasan ang tunay na landas n~g

katwiran at kaliwanagan"?=--Ang ibig sabihi'y iguho ang

kapangyarihang makahari n~g España na nakasasakop sa Pilipinas at ang

bayan natin ay magsarili sa kanyang kapangyarihan.

=III=

=ANG PALATUNTUNAN N~G "KATIPUNAN"=

16.--=May sarili bang palatuntunan ang "Katipunan"?=--Oo. Náitó:

=Dakila ang pakay n~g "Katipunan"=

"Sa pagkakailan~gan na ang lahat na nag-iibig pumasok sa

katipunang itó, ay magkaroon n~g lubós na pananalig at kaisipán

sa m~ga layong tinutun~go at m~ga kaaralang pinaiiral, ay

minarapat na ipakilala sa kanilá ang m~ga bagay na itó, at n~g

bukas makalawa'y huwag silang magsisi at tuparing maluwag sa

kalooban ang kanilang m~ga tutungkulin."

"Ang kabagayang pinaguusig n~g Katipunang itó ay lubós na dakila

at mahalagá; papag-isahín ang loob at kaisipán n~g lahat n~g

tagalog. (Sa salitang "tagalog", katutura'y ang lahat nang tumubo

sa Sangkapuluang itó; sa makatwid, "bisaya" man, "iloko" man,

"kapangpan~gan" man atb., ay "tagalog" din.")

"Alang-alang sa m~ga pagkukurong itó, kami'y payapang naghihintay

n~ga pagwawagi n~g damdaming makabayan n~gayon at sa hinaharáp,

sa pamagitan n~g isang mahigpit na panunumpa, upang sa

pagkakaisáng ito'y magkalakás na iwasak ang masinsing tabing na

nakabubulag sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landás n~g

Katwiran at Kaliwanagan."

=Una sa lahat ang pagibig sa bayan=

"Dito'y isá sa m~ga kauna-unahang utos, ang tunay na pag-ibig sa

bayang tinubuan at lubós na pagdadamayan n~g isa't isá."

=Pantaypantay ang lahat=

"Maralita, mayaman, mangmang, marunong, lahat dito'y

magkakapantáy at tunay na magkakapatid."

=Ang buhalhal na kaugalian=

"Kapagkarakang mapasok dito ang sino man, tatalikdang pilit, ang

buhalhál na kaugalian at paiilalim sa kapangyarihan n~g m~ga

banál na utos n~g Katipunan."

"Ang gawang lahat na laban sa kamahalan at kalinisan, dito'y

kinasusuklaman; kaya't sa bagay na ito'y ipinaiilalim sa

masigasig na pakikibalita ang kabuhayan n~g sino mang nag-iibig

makianib sa Katipunang itó."

=Hindi tinatanggap ang m~ga taksil=

"Kung ang han~gad n~g papasok dito'y ang tumalastás lamang n~g

m~ga kalihiman nitó, o ang kilalanin ang m~ga naririto't n~g

maipagbili sa isang dakot na salapi, huwag magpatuloy, sapagka't

dito'y bantaín lamang ay talastás na n~g makapál na nakikiramdám

sa kaniyá, at karakarakang nilalapatan n~g mabisang gamot, na

laán sa m~ga sukaban."

=Ayaw sa m~ga mabun~gan~ga=

"Dito'y gawa ang hinahanap at gawa ang tinitingnán; kaya't hindi

dapat pumasok ang di makagagawa, kahi't magaling magsalita."

=Hindi kaginhawahan kungdi kahirapan at mabibigat na

tungkulin=

"Ipinauunawa rin, na ang m~ga katungkulang ginaganap n~g lahat

n~g napapasok sa Katipunang itó, ay lubhang mabibigát,

lalong-lalo na kung gugunitaín na di mangyayaring maiwasan at

walang kusang pagkukulang na di aabutin n~g kakilakilabot na

kaparusahán."

"Kung ang han~gad n~g papasok dito, ang siya'y abuluyan n~g

ginhawa't malayaw na katahimikan n~g katawan, huwag magpatuloy,

sapagka't mabigát na m~ga katungkulan ang matatagpuan, gaya n~g

pagtatangkilik sa m~ga naaapi at madaluhong n~g paguusig sa lahat

n~g kasamaan; sa bagay na itó ay aabutin ang maligalig na

pamumuhay."

"Di kaila sa kan~gino pa mán ang m~ga nagbalang kapahamakán sa

m~ga tagalog na nakaiisip nitong m~ga banál na kabagayan (at

hindi man), at m~ga pahirap na ibinibigay n~g naghaharing

kalupitán, kalikuan at kasamaán."

=Ang halaga n~g "kuota"=

"Talastás din naman n~g lahat ang pagkakailan~gan n~g salapi, na

sa n~gayo'y isá sa m~ga unang lakás na maaasahan; magbibigáy

buhay sa lahát; sa bagay na itó, kinakailan~gan ang lubos na

pagtupád sa m~ga pagbabayaran; piso sa pagpasok at sa buwan-buwan

ay sikapat. Ang salaping itó'y ipinagbibigay alam n~g nag-iin~gat

sa tuwing kapanahunan, bukód pa sa mapagsisiyasat n~g sino man,

kailan ma't ibigin. Di makikilos ang salaping ito, kung di

pagkayarian n~g karamihan."

=Ipagtangkilik ang kagalin~gan=

"Ang lahát n~g pinagsaysay ay dapat gunitain at mahinahong

pagbulaybulayin, sapagka't di magaganáp at di matitiis n~g walang

tunay na pag-ibig sa tinubuang lupa ang tunay na adhikaing

ipagtangkilik ang Kagalin~gan."

"At n~g lalong mapagtimbáng n~g sariling isip at kabaitan."

=IV

M~GA ARAL N~G "KATIPUNAN"=

17.=--Bukod sa Palatuntunan, may m~ga sariling aral baga ang

"Katipunan" sa Bayan?=--Oo. Tunghan ang m~ga sumusunod:

=Ang dapat nating asalin sa kabuhayan=

"Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isáng

malaki at banál na kadahilanan, ay kahoy na

walang lilim, kung di damong makamandag."

=Kailan nagiging kabaitan ang gawang

magaling=

"Ang gawang magaling na nagbubuhat sa

pagpipita sa sarili, at hindi sa talagang nasang

gumawa n~g kagalin~gan, ay di kabaitan."

=Ang tunay na kabanalan=

"Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa,

ang pag-ibig sa kapwa at ang

isukat ang bawa't kilos, gawa't pan~gun~gusap

sa talagang Katuwiran."

=Ang m~ga tao'y magkapantaypantay=

"Maitim man at maputi ang kulay n~g balát,

lahat n~g tao'y magkakapantay; mangyayaring

ang isa'y higtán sa dunong, sa yaman,

sa ganda ... n~guni't di mahihigtán sa pagkatao."

=Ang may kaloobang dakila=

"Ang may mataas na kalooban ay inuuna

ang puri sa pagpipita sa sarili; ang may hamak

na kalooban ay inuuna ang pagpipita sa

sarili sa puri."

=Dapat magkaroon n~g isang pan~gun~gusap=

"Sa taong may hiya, salita'y panunumpa."

=Ang panahon ay ginto=

"Huwag mong sasayan~gin ang panahon;

ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik;

n~guni't panahong nagdaan na'y di na muli

pang magdaraan."

=Dapat sumapiling n~g inaapi=

"Ipagtangól mo ang inaapi, at kabakahin

ang umaapi."

=Ang matalino'y mahinahon=

"Ang taong matalino'y ang may pagiin~gat

sa bawa't sasabihin, at marunong ipaglihim

ang dapat ipaglihim."

=Ang amá ay siyang pinaparisan n~g m~ga anak=

"Sa daang matinik n~g kabuhayan, lalaki

ay siyang patnugot n~g asawa't m~ga anák; kung

ang umaakay ay tun~go sa samâ, ang patutun~guhan

n~g inaakay ay kasamâan din."

=Ang katungkulan n~g lalaki para sa babai=

"Ang babai ay huwag mong tignáng isáng

bagay na liban~gan lamang, kungdi isáng katuwang

at karamay sa m~ga kahirapan nitong

kabuhayan; gamitan mo n~g buong pagpipitagan

ang kaniyáng kahinaan, at alalahanin ang

ináng pinagbuhata't nagiwi sa iyóng kasanggulan."

=Ang ayaw mong gawin sa iyo....=

"Ang di mo ibig na gawin sa asawa mo,

anák at kapatid, ay huwag mong gagawin sa

asawa, anák at kapatid n~g iba."

=Ang tunay na kamahalan n~g tao=

"Ang kamahalan n~g tao'y wala sa pagkahari,

wala sa tan~gos n~g ilong at puti n~g

mukha, wala sa pagkaparing "kahalili nang

Diyos," wala sa mataas na kalagayan sa balat

n~g lupa; wagás at tunay na mahál na tao,

kahi't laking gubat at waláng nabatid kungdi

ang sariling wika, yaong may magandang asal,

may isáng pan~gun~gusap, may dan~gal at puri;

yaong di napaáapi't di nakikiapíd, yaong marunong

magdamdám at marunong lumin~gap

sa bayang tinubuan."

=Ang katumbasan n~g buhay na ginugol=

"Paglaganap n~g m~ga aral na itó at maningning

na sumikat ang araw n~g mahal na

Kalayaan dito sa kaabâabâng Sangkapuluan,

at sabugan n~g matamis niyang liwanag ang

nan~gagkaisáng magkalahi't magkakapatid n~g

ligayang walang katapusán, ang m~ga ginugol

na buhay, pagod at m~ga tiniis na kahirapa'y

labis n~g natumbasán."

=KASULATAN SA PAGSAPI=

"Kung lahát n~g itó'y matarok na n~g nagiibig

pumasok at inaakala niyáng matutupád ang m~ga

tútungkulin, maitatala ang kaniyang ninanasâ sa

kasunód nito:

"Sa Bg....

Ako'y si ... taong tubò sa bayan n~g.... hukuman

n~g ... ang katandaan ko ay.... taon, ang hanap

buhay ... ang kalagayan ... at nananahanan sa ...

daan n~g ...

Sa aking pagkakabatid n~g kagalin~gan n~g m~ga

nilalayon at m~ga aral, na inilalathala n~g KATIPUNAN

n~g m~ga A.N.B., ninanais n~g loob ko ang

makianib dito. Sa bagay na ito'y aking ipinamamanhik

n~g boong pitagan, na marapating tanggapin

at mapakibilang na isa sa m~ga anak n~g Katipunan:

at tuloy nan~gan~gakong tutupad at paiilalim

sa m~ga aral at m~ga Kautusang sinusunod dito.

... ika ... n~g buwan n~g ... n~g taong 189....

Nakabayad na n~g ukol sa pagpasok.

Ang Tagain~gat n~g Yaman."

=KASULATAN SA PANUNUMPA=

K.'. K.'. K.'.

N.'. M.'. A.'. N.'. B.'.

By....

Aking ipinahahayag na sa kadahilanan n~g

pagkapasok ko sa K.'. K.'. K.'. n~g m~ga A.'. N.'. B.'.

ay naghandog akó n~g isáng mahalagang panunumpa

sa n~galan n~g Bayang tinubuan, at sa harap

n~g isang kagalanggalang na kapulun~gan nitong

Katipunan, na gugugulin ang lahat na maigugugol

at lahat n~g minamahal ko sa buhay, sa pagtatanggol

n~g kaniyang banal na kasarinlan, hanggang sa

abuting magdiwang, sukdang ikalagot n~g hinin~ga.

Sa bagay na itó, isinusumpa ko ring lubos

na tutupad at susunod sa kaniyang Patnugutan

at m~ga Kautusan.

Sa katunayan nitó, aking itinala ang aking

pan~galan n~g tunay na dugong tumatakás sa aking

m~ga ugat sa pahayag na itó.

... ika ... araw n~g buwan n~g ... n~g taong 189....

"Tinaglay ko ang pamagat na."

=V=

=ANG PAGPAPALAGANAP N~G "KATIPUNAN"=

18.--=Sinosino ang nagpalaganap n~g "Katipunan"?=--Si

Andrés Bonifacio at ang kanyang m~ga tapat at masisikhay na

kasama na paraparang dukha na katulad niya. Ang pinakabatikan sa

lahat ay si Emilio Jacinto, na kalihim n~g Katipunan."

19.--=Matuturin~gan ba natin kung sinosino sila?=--Oo. Ang

unang tinanggap sa "Katipunan" ay si Restituto Javier, sa isang bahay

sa daang Salinas (n~gayo'y Elcano) sa Tundo, na tahanan n~g isá sa

m~ga nagtatag na si Valentin Diaz. Sumunod si Miguel Araulio,

pamangkin n~g n~gayo'y Pangulo n~g Kataastaasang Hukuman. Pagkatapos

ay siná Aguedo del Rosario, Aurelio Tolentino, Guillermo Masangkay,

Alejandro Santiago, Briccio Brigido Pantas, José Turiano Santiago,

Calixto Santiago, Emilio Jacinto, Nicomedes Carreon, Francisco

Carreon, Mariano Carreon at iba pa.

20.--=Mula ba n~g itatag ang "Katipunan" ay nagpatuloy sa

pagpapalaganap ang m~ga nan~gan~gatawan?=--Hindi. Nang m~ga

sumunod na buwan n~g pagkakatatag ay di nagpamalas n~g kanyang

pagsulong, pagka't ang nais ni Bonifacio ay huwág makapinsala sa

pagpapalaganap n~g "Liga Filipina," na itinatag in Rizal at m~ga litaw

na kababayan, karamihan ay mason, bago sumilang ang "Katipunan." Bago

pa itatag ito ay may itinatag pang ibang kapisanan sina Bonifacio.

21.--=Kailan pinan~gatawanan ang pagtatatag?=--Nang mapagkilala

ni Andrés Bonifacio na nawawalan n~g kabuluhan ang pagsisikap bagay sa

"Liga." Kaya, naghalal na ang Katipunan n~g kanyang m~ga kinatawan sa

isáng bahay sa daang Oroquieta, nayon n~g Santa Cruz, Maynila. At n~g

sumunod na taong 1894, ay napatatag na n~ga ang m~ga Balan~gay at

Sangguniang Bayan.

22.--=At ano pa ang kanilang ginawa?=--Itinatag na rin ang Tatlong

Baytang n~g "Katipunan". Naitó: "Katipunan" ang pamagat n~g unang

baytang. Kung nasa pulong ang m~ga kasama sa baytang na itó, ay

gumagamit n~g isáng kaputsang itim na may isáng triángulo na

kinalalagyan n~g m~ga titik na "Z," "Ll" at "B," na ang kahulugan ay

"Anak n~g Bayan." Sila'y may m~ga hudyat na salita na

pinagkakakilanlanan. Kapag binigkás ang salitang "Anak" ang isinasagot

n~g tinatanong ay "n~g Bayan." "Revolver," sandata o gulok ang

tinataglay n~g m~ga nagsisidaló sa pulong n~g baytang na itó.

"Kawal" naman ang pamagat n~g Ikalawang Baytang. Lungtian ang kulay

n~g kaputsa na ang kahulugan ay pag-asa. Puti ang sintás at m~ga titik

n~g triángulo. May suot na sintás na lungtian na sa dulo ay may isang

"medalla" na may isang "K" sa gitna at may sinag at sa dakong mababa

ay nakakabit ang magkasabát na isang watawat at espada. Ang m~ga

hudyát o mahal na salita'y "Gom-Bur-Za," na ang katutura'y Gomez,

Burgos at Zamora, tatlong paring pilipino na ipinabitay n~g

pamahalaang Kastila n~g ika 28 n~g Pebrero, 1872, kahima't di tunay

ang ibinubuhat na kasalanan sa kanila.

Pinamagatang "Bayani" ang Ikatlong Baytang. Kaputsang pulá na may

listong lungtian ang isinusuot n~g m~ga kasapi. "Rizal" ang hudyat na

salita, bilang pagtulol sa walang katwirang pakakapabilanggó sa kanya.

Itinatag n~g araw ding iyon (ika 7 n~g Hulyo, 1892) ang "Katipunan."

Ang m~ga kasapi sa ikatlong baytang na ito, ay siya lamang nakatatalos

n~g m~ga tunay na adhikain n~g "Katipunan."

23.--=Sa papaanong paraan nagkakakilanlanan ang m~ga magkakasama sa

"Katipunan"?=--May isáng paraan. Upang magkakilanlan ang m~ga

magkakasapi ay itinatagop ang kanang kamay sa dibdib sa tapat n~g puso

at kung gapós--noong panahon n~g kastila'y ginagapos n~g abot-siko ang

sino mang hulihin kahí't sa anong kasalanan--ay itinitiklop ang m~ga

daliri, maliban lamang ang hintuturo at ang kalingkin~gan na

paraparang inauusli.

24.--=Sinosino naman ang nagsisibuo n~g "Katipunan"?=--Sa bawa't

bayan ay may m~ga "Balan~gay," at "Sangguniang Hukuman," na siyáng

kapangyarihang nagaayos at humahatol sa m~ga sigalot at alitan n~g

magkakapatid sa loob n~g "Katipunan." Ang m~ga balan~gay ay

nasasakupan n~g Kataastaasang Pan~guluhan na pangsangkapuluan.

25.--=Sa papaanong paraan ginagawa ang pagkuha n~g kasapi?=--Sa

bawa't pook ay nagtatayo n~g isáng wari'y lupon na kung tawagin ay

"Hasik" na binubuo n~g tatlo katao na parang tatlong tungko. Ang

"Hasik" na ito ang siyáng sa inot-inot ay nanghihikayat upang may

sumapi sa "Katipunan." Pagdamidami na n~g m~ga kasangayon ay saka pa

lamang itinatayo ang "Balan~gay" na pinamumunuan n~g isáng lupon na

ang m~ga tunkulin ay tulad din n~g sa Kataastaasang Lupon. Ang m~ga

"Hasik" na yaon, ay di na ipinagpatuloy n~g malapit na ang tangkang

panahon sa paghihimagsik, pagka't ang m~ga taong baya'y halos

naguunahan nang sila'y mapabilang sa "Katipunan."

=VI=

=M~GA PARAANG GINAGAWA SA PAGSAPI SA "KATIPUNAN"=

26.--=Papaano ang pagsapi?=--Sa pagtanggap n~g pakikisapi ay

tinularan, bagama't di lubós, ang ginagawa n~g "Masonería." Bawa't

kasapi ay may mahigpit na tungkuling manghikayat n~g bagong makakasama

at sa pananagutan niya ay inihaharap sa "Balan~gay" ang kanyang

nahikayat. Datapwa, bago gawin ito ay sinusuri munang mabuti ang

ugali, pagkukuro, kalagayan at kabuhayan n~g isasapi at baka di

kabagáng n~g m~ga taong "Katipunan." Kung mapatunayan na siya'y may

tapat na loob ay saka pa lamang gagawin ang pagtanggap.

27.--=Papaano ang ginagawa sa pagtanggap?=--Ang bagong kasapi'y

pinipirin~gan at ipinapasok sa isáng silid na itiman ang kulay n~g

m~ga panig at bahagya nang naiilawan, pagkatapus ay inaalisan n~g

piring. Sa m~ga panig n~g silid ay may m~ga nasusulat na ganitó:

"_Kung may lakás at tapang, ìkaw'y makatutuloy"

"Kung ang paguusisa ang nagdalá sa iyó dito'y umurong ka."

"Kung di ka marunong pumigil n~g iyong masasamang hilig, umurong ka;

kailan man ang pintuan n~g May-kapangyarihan at Kagalanggalang

Katipunan n~g m~ga Anak n~g Baya'y bubuksan dahil sa iyó._"

Sa ibabaw n~g isáng dulang ay may isáng bun~go, isáng "revolver" at

isáng gulok. May isáng papel na kinasusulatan n~g m~ga sumusunod na

tanong:

_I--"Anó ang kalagayan nitóng Katagalugan n~g unang panahon?"_ (Sa

salitang _Katagalugan_ ay kasama na ang _Kabisayaan, Kailokohan_ at

lahat na n~g Kapilipinuhan.)

_II--"Anó ang kalagayan sa n~gayon?"_

_III--"Anó ang magiging kalagayan sa darating na panahon?"_

28.--=At ano-ano ang isinasagot sa m~ga tanong na iyan n~g ibig

sumapi?=--Ang kasagutan, humigit kumulang n~g sino mang ibig

sumapi, ay ganito:

Ukol sa unang tanong: Na, nang dumating dito sa atin ang m~ga

Kastila n~g ika-16 n~g Marzo n~g taong 1521, ang m~ga pilipinong

naninirahan sa m~ga baybayin ay may pagkaalam na sa maayos na

kabuhayan at pamamayan. Noon n~ga, tayong m~ga pilipino ay may

kalayaan na sa pamamayan; may m~ga kanyon; maalam na tayong

magsuot n~g m~ga damit na sutla; nakikipagunawaan na tayo sa

pan~gan~galakal sa m~ga karatig na bayan sa Asia. Tayo'y may

sariling pananampataya o relihiyon, may sariling titik o sulat,

na anopa't, lumalasap tayo n~g kalayaan at kasarinlan.

Ukol sa ikalawang tanong: Na ang m~ga fraile na kung tawagin ay

m~ga "kahalili" raw, sila n~g "Diyos", ay pawang kabalbalan ang

itinuro sa m~ga pilipino. Hindi tayo tinuruan n~g tunay na

Karunun~gan sa buhay at sapagka't kung tayo'y man~gatuto ay hindi

nila mauulol at sa ganya'y di nilá mahuhuthot ang ating

kayamanan. Ang itinuro sa atin n~g m~ga "fraile" ay ang maling

pananampalataya na nakikilala sa pagdaraos n~g sunod-sunod na

m~ga pistá na kinahuhulugan n~g ating salapi at kayamanan sa

kapakinaban~gan n~g m~ga "fraile" at Kombento. Ang m~ga "fraile"

ay siyang mahigpit na kalaban n~g ikatatalino at ikabibihasa n~g

pilipino (tagalog kung isulat n~g m~ga Katipunan) na sa

katunaya'y ayaw sila na tayo'y man~gatuto n~g wikang kastila.

Anopa't lahat na n~g karain~gan sa panglulupig, panggagahasa,

m~ga kasagwaan, pagtin~gin sa pilipino na parang iba sa pagkatao

kaysa m~ga Kastila na ginagawa n~g m~ga "fraile" ay siyang

isinasaysay sa ikalawang tanong na ito. Sa kahulihuliha'y

idinadaing din naman ang malabis na pagkiling n~g pamahalaang

kastila sa m~ga "frayle," pagsunod sa kanilang m~ga bilin laban

sa bayan, paniniwala sa m~ga sumbong n~g m~ga yaon, kahima't

lisya sa matwid, at pagtanggi na ang m~ga pilipino ay bigyan n~g

kalayaan sa pamamayan, at sa paggawa n~g ikalulusog sa dunong, sa

buhay at sa pan~gan~galakal.

Ukol sa ikatlong tanong: Na ang madlang kasamaang binanggit sa

m~ga naunang tanong ay malulunasan; ang m~ga lupang malalawak na

inangkin n~g m~ga kombento sa ating m~ga ninuno ay mapapasaulî sa

bayan; ang m~ga mamamaslang ay maibubulid sa ban~gin n~g

kamatayan; ang m~ga paring kababayang sina Gomez, Burgos at

Zamora ay maipaghihiganti at ang kalayaan at kasarinlan n~g

Bayang Pilipino ay matatamo sa hinaharap kung ang m~ga kasapi ay

maypagasa, tiyaga, tapang at pagkakaisa sa pagsunod sa m~ga aral

at pasyá n~g "Katipunan."

29.--=Kung makasagot na ba n~g ganyan ay tinatanggap na?=--Hindi pa

rin. Ang kapatid na "Mabalasik" ay siyáng nagsasabi sa sinusubukan na

lubhang dakila ang hakbang na yaon sa kanyang buhay. Ipinaaalaala na

siya'y maaaring umurong kung walang taglay na tapang, upang huwag

masayang ang kanyang buhay. Kung ang sumasapi ay magpumilit din sa

paganib sa "Katipunan," ay saka siyá ihaharap, na may piring din, sa

m~ga kapatid na nan~gagkakatipon nang siya'y tanggapin. Ang tapang at

kabuoan n~g kanyang loob ay sinusubok sa ilang paraan. Minsa'y bigyan

n~g gulok at iutos na tagain ang kalaban na pumapaslang sa m~ga

kalahi; naiyan ang sabihin na saklolohan ang kapatid na makukulong n~g

apoy, na, sa pagsasalita n~g gayon, ay talagang nagsusunog n~g m~ga

papel upang maramdaman ang init n~g nin~gas n~g sinusubukan. Kung

hindi magpakitang takot, aalisan na n~g piring at palalagdain sa

kasulatan n~g panunumpang inilathala sa unahan, na ang pinakatinta ay

dugong kinukuha n~g isáng palalim sa kanyang kaliwang bisig.

30.--=Anong wika ang ginagamit n~g m~ga kasapi sa

"Katipunan"?=--Ang tagalog; n~guni't ang kahulugan n~g ilang titik

n~g abakadang kastila ay iniba sa kanilang pagsulat n~g m~ga kasulatan

at gayon din sa paglagdá n~g kanilang m~ga sagisag. Ang titik na "a" ay

ginawang "z", ang "c" at "q" ay ginawang "k", ang "i" ay "n", ang "l"

at "ll" ay "j" ang "m" ay "v", ang "n" ay "ll", ang "o" ay "c" at ang

"u" ay "x". Ang f, j, v, x at z n~g abakadang kastila ay itinakwil

pagka't hindi kailan~gan. Sa maliwanag na ulat ay ganitó ang Abakadá

(alfabeto) n~g "Katipunan" kung itutulad sa abakada n~g wikang

Kastila.

_Abakada Abakada_

_n~g kastila n~g "Katipunan_"

A.................. Z

B.................. B

C.................. K

D.................. D

E.................. Q

G.................. G

H.................. H

I.................. N

K.................. K

LL................. J

M.................. V

N.................. LL

O.................. C

P.................. P

Q.................. K

R.................. R

S.................. S

T.................. T

U.................. X

W.................. W

Y.................. Y

=VII=

=ANG MAHIGPIT NA PAKIKIBAKA N~G "KATIPUNAN" SA KANYANG KABUHAYAN=

31.--=Tinanggap ba n~g lahat na Pilipino ang m~ga Palatuntunan, Aral

at Gawain n~g "Katipunan"?=--Hindi. Gaya n~g sinabi na, ang

"Katipunan" ay itinatag noong ika 7 n~g Hulyo n~g 1892. Sa buong taong

sumunod, 1893 ay hindi pa lumalaganap, sanhi sa maraming kadahilanan.

32.--=Maari bang isaysay?=--Oo. Ang kaunaunahan ay ang kabaguhan

n~g layunin at paraan n~g samahan, gaya n~g nakita na natin, ay may

kahirapang ilaganap sa bala na kundi pipiliin muna bago hikayatin.

Tan~gi sa rito, si Bonifacio na rin ang kusang nagpauntol-untol sa

pamanhik n~g m~ga kababayang nagsisibuo noón n~g "Liga Filipina," na

lahat halos ay m~ga pilipinong litaw, nakakakaya't may pinagaralan, na

nagsisiasang sa pamamagitan n~g "Ligang" yaon, ay makukuha n~g bayang

pilipino "sa loob n~g kapayapaan" ang pagsugpo sa masasama't hidwang

pamamalakad dito sa atin n~g pamahalaang kastila at n~g m~ga "fraile."

Ganitó ang pan~gunang layon n~g "Liga Filipina" na itinatag nina Rizal

at m~ga kapatid niyang "masón" at ibá pa. Si Bonifacio man ay nagíng

kasapi rin doon.

33.--=Di ba't ang "Katipunan" ay humuwad sa "Masoneria" n~g

pamamaraang ginagamit nito sa pagtanggap n~g kasapi at gayondin sa

ilang kuro n~g kaniyang adhikain?=--Oo na n~ga. Subali't ang

kapatiran n~g m~ga "masón," ay kasalun~gat ni Bonifacio ukol sa paraan

na kinakailan~gang gamitin upang maghari dito sa Pilipinas ang

Katwiran at Kalayaan at masugpo ang kalupitan at kasamaang inaasal n~g

m~ga "fraile" at n~g Pamahalaang Kastila sa pilipino. Ang "Masoneria"

at ang "Katipunan" ay nagkakaisá sa kanilang han~gad na pagtubós sa

Bayang Pilipino. Datapwa, ang una'y ibig makuha ang katubusang yaón sa

loob n~g kapayapaan sa pamamamagitan n~g pagpapalaganap n~g kaniyang

magagandá't makataong simulain; samantalang ang nais at han~gad n~g

huli'y ang paghihimagsik, yayamang napagkita na rin lamang na ang m~ga

naghahari noon dito sa atin--ang pamahalaang Kastila't m~ga

"fraile"--ay hindi makuha sa samo, pakiusap at pan~gan~gatwiran,

bagkús ang itinutugón sa ginawi n~g m~ga "masong" siná Rizal, Del

Pilar, Lopez Jaena, Regidor, Cortez at ibá't ibá pa ay ang sila'y

ipalagay na "kaaway n~g España at n~g Dios," at marami sa kanilá at sa

kanilang m~ga kabig ang napabilanggo, napatapon sa malalayong bayan at

pinapagdusa sa m~ga bilangguan, kahima't walang nagawang kasalanan.

34.--=Sa makatwid ang m~ga "mason" at ang m~ga mayamang pilipino'y

hindi kaayon n~g "Katipunan"?=--Hindi, kundi bagkús pang

kasalun~gat. Nang lumalaganap na ang "Katipunan" ang m~ga "mason" at

ang kanilang m~ga "logia," ay paraparang nagsikilos upang sugpuin ang

paglago n~g "Katipunan" at ang mabalasik na pagpapalaganap ni Andrés

Bonifacio, di sa dahilang sila'y kampi sa pamahalaang kastila at sa

m~ga "fraile," kundi sapagka't kailan man ang m~ga "masón," ay "ayaw

ipaghiganti sa pagbubuhos n~g dugo ang m~ga kaapihang tinatamó." Ang

"Katipunan" nama'y ang ibig ay "n~gipin sa n~gipin," at ayaw gantihin

n~g tinapay ang bató, kundi bató rin. Kaya nama't isá sa m~ga aral n~g

"Katipunan" ay, nahahawig doon sa "ang di mo ibig na gawin sa iyo, ay

huwág mong gawin sa iyong kapwa."

35.--=Maaari bang isaysay ang ilang pangyayari ukol diyan?=--Oo.

N~guni't bago banggitin ang ilang pangyayari ay kailan~gan munang

sabihin na, sa loob n~g "Masonería," ayon sa kaniyang palatuntunan, ay

di tinatanggap ang m~ga manggagawang hamak, na ang kabuhaya'y "isang

kahig, isáng tuka"; pagka't upang maging "mason," isa sa m~ga

pan~gunahing kailan~gan ay ang ikaw'y may sapat na kinikita upang

buhayin ang iyong asawa't m~ga anak at may kaunting halagang

nalalabis, na isasagot sa m~ga pan~gan~gailan~gan n~g kapatiran at

maiambag sa sinomang kapatid na nasa sa isang kagipitan. Dahil dito ay

sukat n~g mataho na ang m~ga "masón" ay m~ga taong nakakakaya at ang

m~ga katipunan ay yaong m~ga taong hindi matatanggap sa "Masonería,"

na m~ga anak pawis, m~ga dukha't maralita. Sapagka't noo'y mayayaman

at mahihirap na pilipino'y paraparang inaapi at pinahihirapan n~g

pamahalaang kastila't n~g m~ga "fraile" kung kaya't lahat ay

nagtataglay n~g isang layunin: maputol lahat ang kaapihan. Nagkakaibá

n~ga lamang sila sa kaparaanang ginagamit sa ikapagtatagumpay n~g

kanilang layon.

36.--=Ano ang ginawa n~g m~ga "mason" kay Bonifacio at sa

"Katipunan"?=--Dapat munang sabihin na si Bonifacio ay "masón" din.

Siya'y "segundo vigilante" sa "Logia Taliba," na ang "Venerable," ay

ang binaril n~g m~ga kastilang si Luis Encino Villareal at ilan sa

kasamahan ni Bonifacio sa "Katipunan" ay m~ga kamukha rin niyang

"masón." Isáng araw ay ipinatawag si Bonifacio n~g m~ga namumuno sa

kanyang "logia" at, siya'y hinihikayat na itigil ang "Katipunan,"

pagka't ang katwiran n~g m~ga humihikayat sa kanya'y ang kawalan n~g

m~ga baril, kanyon, sandata at salapi na totoong kinakailan~gan sa

paghihimagaik na gagawin n~g "Katipunan," na kung mapipilan ay siyang

lalong kasawian n~g bayang pilipino. Pagkatapos na marinig n~g amá n~g

"Katipunan" ang gayong m~ga pan~gan~gatwiran, ay di umimik kamuntik

man, kinuha ang kanyang sambalilo at sabay ang pagsasalitang "Diyan

na kayó, puro kayo wikang kastila." Isang araw nama'y nagsadya si

Bonifacio sa bahay n~g nasirang si Antonio Luna upang ipatalastás dito

ang gagawing paghihimagsik n~g "Katipunan." Pagkatapos na mapakinggan

ni Luna ang m~ga pan~gun~gusap ni Bonifacio, ay nagsabi: "¿Anó ang

ating ilalaban, itong ating m~ga ...? Kung si Napoleon ay naging

Napoleon, ay sapagka't bukod sa siya'y may pusong matapang, ay

maytalino pa, at, bukod sa lahat n~g iya'y may salapi." Nang

ipinakilala naman ni Bonifacio kay Francisco Roxas, isá rin sa m~ga

ipinabaril n~g pamahalaang kastila, ang hinahan~gad n~g "Katipunan,"

ay sinabi ni Roxas na siya'y ayaw makinig n~g m~ga kabalbalan at

kaululan.

37.--=Si Rizal ba'y kasangayon sa paghihimagsik na ginawa n~g

"Katipunan"?=--Hindi. Sa kaniyang m~ga aklat, tula at sulat, ay

napagkikilalang ang adhikang katubusan n~g Pilipinas, ay ibig niyang

makamtan sa pamamagitan n~g karunun~gan at kadakilaang asal muna n~g

kanyang m~ga kalahi, bago isipin ang ibáng paraan. Isang araw n~g

buwan n~g Mayo ná 1896 ay sinugo ni Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela

(itó lamang ang kasaping may título sa "Katipunan") na makipanayam kay

Rizal sa pinagtapunan dito sa Dapitan, Mindanaw, upang ipatalastás sa

kanyá ang nais n~g "Katipunan" na maghimagsik nang maiwasak ang

kapangyarihan n~g España dito sa Pilipinas. Si Rizal ay sumalun~gat sa

ganyang nais. Kinabukasa'y dalidaling lumulan sa bapor ang sugó n~g

amá n~g "Katipunan," at umuwi sa Maynila, bagama't may tangkang

manatili pa n~g m~ga ilang araw dóon. Nang malaman ni Bonifacio ang

ikinaaayaw ni Rizal sa paghihimagsik ay sinabi ang ganito: "¿At saang

aklat nabasa ni Rizal na bago maghimagsik ay kailan~gang magkaroon

muna n~g sandata at salapi?"

38.--=Ang ibig bang sabihin niya'y kalaban ni Rizal at n~g m~ga

"mason" si Bonifacio at ang "Katipunan"?=--Malayo. Si Rizal at

halos ang marami sa m~ga "mason" ay m~ga taong may taglay na

kakayahan sa isip, ay nagsisipaniwala na bago gawin ang isang

napakalaking gawain, katulad n~g paghihimagsik ay kailan~gan muna ang

m~ga baril, sandata at salapi upang magtagumpay, tan~gi sa iyang

magbuhos n~g dugo sa ikasusugpo n~g m~ga pangaapi ay talagang

nahihidwa sa m~ga aral n~g "Masonería" sa kanyang m~ga kampon.

Datapwa, ang m~ga dukha, manggagawa, m~ga maralita, na m~ga hamak na

taong bayan, dito sa atin at saan pa man, ay kapag niyakap ang isang

gawain at napagkilalang kailan~gang gawin sa ikasusunod n~g isang

dakilang layunin, ay di na nagtutumigil n~g pag-iisip at karakaraka'y

ginagampanan sa pamamagitan n~g salitang "¡Bahala na!". Ang "bahala"

nang ito, ay makikita natin na siyang nagligtás sa bayang pilipino n~g

m~ga panahong yaón at naghatíd sa atin sa tagumpay. At iyan ding m~ga

salitang iyan ang nagligtas sa ibang m~ga bayan sa kuko n~g m~ga

manglulupig na hari't mahadlikáng umiinís sa m~ga anak-pawis at dukha.

=VIII=

=ANG "KATIPUNAN" AT ANG BAYANG MARALITA=

39.--=Ano ang ginawa ni Bonifacio sa harap n~g pagsalun~gat ni Rizal

at n~g iba pa sa paghihimagsik?=--Sa halip na umurong, ay bagkús

nagpakasiglang lalo sa pagtatag n~g m~ga balan~gay at sauggunían n~g

"Katipunan." Buong taon n~g 1895 at ang m~ga unang buwan n~g taóng

sumunod, 1896, ay kanyang naitatag sa buong Maynila at m~ga lalawigang

karatig ang maraming san~ga o balan~gay. Kung anó ang laki n~g

kaayawan sa paghihimagsik n~g m~ga pilipinong litaw at nakakakaya't

mayayaman ay siya namang higpit n~g pagyakap n~g m~ga maralita sa

layunin n~g "Katipunan." Ang m~ga manggagawa, ang m~ga tagabukid at

ang m~ga dukha, ay paraparang nagsisiluha kung sila'y pinaliliwanagan

n~g m~ga adhikain at aral n~g "Katipunan" at naguunahan sa pagsapí.

40.--=Sa papaano napatatag ang Pamunuan n~g Katipunan?=--Sa

kapulun~gang idinaos n~g m~ga kinatawan n~g m~ga balan~gay noong 1 n~g

Enero n~g 1896, ay na~gapahalal sa Kataastaasang Pan~guluhan n~g

"Katipunan" ang m~ga sumusunod: Kataastaasang Pan~gulo, Andrés

Bonifacio; Kalihim, Emilio Jacinto; Tagain~gat-yaman, Vicente Molina;

Tagausig, Pio Valenzuela; m~ga kawani: Pantaleon Torres, Hermenegildo

Reyes, Francisco Carreon, José Trinidad, Balbino Florentino at Aguedo

del Rosario.

41.--=At ang m~ga Balan~gay at Sanggunian?=--Napatatag na sa

maraming pook n~g Maynila at m~ga bayang karatig. Ang m~ga pan~galang

taglay ay yaong m~ga pan~galan o bagay na maykinaalam sa ating lahi

at sa kalayaang ninanasà. Naito ang ilan: "Dapitan" (bayang

pinagtapunan kay Rizal); "Laong-Laan" at "Dimas-Alang (m~ga lagda ni

Rizal sa kaniyang m~ga isinulat sa m~ga pahayagan); "Katagalugan",

"Katotohanan", "Kabuhayan", "Silan~ganan", "Pagtibayin", "Kailan~gan",

"Bagong-Silang", "Di-Magpapatantan", "Di-Tutugutan",

"Pinan~gin~ginigan" at iba't iba pa.

42.--=Anong m~ga kaparaanan ang ginamit sa pagpapalaganap n~g

"Katipunan"?=--Ang m~ga pakikipagpulong n~g lihim sa m~ga pook

pook, suloksulok at bahay-bahay. Tan~gi sa rito, ay ang m~ga sulat

at limbag na gawa ni Bonifacio, ni Emilio Jacinto at n~g iba pa, na

walang lagda. Nagkaroon din ang "Katipunan" n~g sariling palimbagan at

doo'y inilimbag ang dalawang bilang lamang n~g pahayagang tagalog na

pinamagatang "Kalayaan," na inilathala n~g ika 1 n~g Enero n~g 1896.

Isang 1000 ang sipi n~g unang bilang at 2000 ang ikalawá.

43.--=Saan kinuha ang salaping ibinili sa Palimbagan?=--Isang araw

ang kapatid ni Bonifacio na nagn~gan~galang Troadio ay galing sa

Australia na may kasamang dalawang kababayang taga-Kapis na

nagn~gan~galan Francisco Castillo at Camilo Iban. Ang dalawang ito'y

tumama sa "loteria" n~g ilang libong piso. Nang mabalitaan ito ni

Bonifacio sa pamamagitan n~g kanyang binanggit na kapatid ay hinikayat

sa "Katipunan" ang dalawang yaon, na nagkaloob naman pagkatapos n~g

halagang apat na raang pisong ibinili n~g palimbagan n~g masong si

Antonio Salazar na mayari n~g "Bazar del Cisne," na ipinabaril din n~g

m~ga kastila, at sa kanila rin galing ang salaping ibinili n~g m~ga

titik sa palimbagan ni Isabelo de los Reyes, na ipinunô sa m~ga titik

n~g binanggit na palimbagan.

44.--=San~gayon sa m~ga isinaysay, ay walang salapi ang "Katipunan" at

sahol sa m~ga kagamitan sa kanyang layon, kung gayon ano't

lumaganap?=--Ang m~ga kalupitan at paghamak na rin sa m~ga

pilipino, n~g m~ga nakasasakop sa atin noon, ang nagpasiglá sa m~ga

taongbayan upang sumapi sa "Katipunan." Bukod sa rito, si Bonifacio,

ay talagang may sapat na talino sa paglikha n~g m~ga paraan na sukat

makahikayat sa tao. Ipinasya niyá na sa tuwing magpupulong ang m~ga

"balan~gay", ay buklatin ang kasaysayang batbat n~g hirap n~g

Pilipinas at sa ganito'y paalalahanan ang m~ga kapatid sa kaabaan n~g

katayuan n~g lupang-sarili. Tuwing darating ang ika 28 n~g Pebrero, ay

nagdaraos n~g m~ga lihim na lamayan na patungkol sa tatlong paring

pilipinong sina Gomez, Burgos at Zamora na ipinabitay n~g pamahalaang

kastila sa sulsol n~g m~ga "fraile." Anopa't ang m~ga bagay na ganito,

ang m~ga paguusig kina Rizal at m~ga kasamahan, na paraparang labag sa

matwid, ay siyang lagi nang ipinagugunita upang magalab ang loob n~g

m~ga kasapi. Bakit ang totoó ay talagang inis na't tigib na tigib ang

pusong matiisin n~g m~ga pilipino sa madlang kaapihang ginagawa sa

kanila n~g m~ga maykapangyarihan noon.

45.--=Ang m~ga babai ba'y tinatanggap sa "Katipunan"?=--Hindi

kabilang ang m~ga babai. Subali't ilan sa kanila, lalunglaluna ang

m~ga asaasawa n~g m~ga nasa katipunan, ang nabigyan n~g tungkuling

magagaan. Si G. Perfecta Simeon, sa halimbawa, ay ginawang

taga-in~gat-yaman sa "Balan~gay Maluningning," na napatatag sa nayon

n~g San Nicolas, Maynila.

=IX=

=ANG "KATIPUNAN" AT ANG PAGUUSIG SA M~GA MASON=

46.--=Inusig ba n~g m~ga kastila't fraile ang m~ga mason dahil sa

"Katipunan"?=--Oo. Anoman ang mangyaring pagtutol n~g m~ga pilipino

sa m~ga kahidwaang inaasal n~g m~ga nakasasakop sa atin sa m~ga

panahong yaon ay sa m~ga "mason" ibinibintang at ang m~ga ito ang

pinagdadadakip at pinarurusahan.

47.--=At sa anong dahil?=--Kailan~gan ang kaunting paliwanag.

Sinabi na natin na ang m~ga "mason" ay di kasangayon sa paghihimagsik

na nilalayon n~g m~ga Katipunan. Alam na natin na, ibá ang

"Masonería" sa "Katipunan," at ang "Liga Filipina" nama'y walang

kinaalam sa dalawang nauna. Bawa't isá ay may kanikaniyang uri,

palatuntunan at adhikain. Subali't hindi maikakait na ang "Masonería"

at ang kaniyang m~ga kampon ay siláng nagsabog sa m~ga kalahi n~g m~ga

kurong dakila ukol sa ikatutubós; silá, ang m~ga masón, ang masasabing

nagturo n~g pagbibigkis n~g kalooban sa m~ga pilipino, upang humarap

at makipaglaban sa loob n~g kapayapaan sa m~ga makapangyarihang

lumulupig sa Lahi; ang m~ga kasapi sa "Masonería," ay silang

nagpakilala sa pamahalaan sa España n~g m~ga masasamang palakad na

pinaiiral dito, na siyang ikinalulugmok n~g bayan sa karukhaan,

kaapihan at kabusabusan. "Ibig namin--ang hiling sa España n~g m~ga

masón--na ang aming baya'y maging karapatdapat, maging malaya't

maginhawa, na sa kaniyang pan~ganorin ay tumanglaw ang maningning na

araw n~g katarun~gan at kabihasnan. Ibig namin na dito'y maghari ang

pagpapantay-pantay, ang tunay na kalayaan n~g mamamayan sa harap n~g

m~ga mapagimbot, na nan~gabubuhay sa pagsugpu sa karapatan n~g bayan

na dinidilig ang kanilang kaginhawahan n~g luha n~g bayang

nagdaralita."

48.--=Ang m~ga kahilin~gan bang iyan ay napagkilala n~g m~ga taong

bayan?=--Hindi lamang nakilala kungdi nararamdaman nila sa sarili.

Ang m~ga pagsusumikap na yaon n~g m~ga mason ay siyang ikinamulat n~g

bayan sa kanyang aping kalagayan. Ito'y nalalaman n~g pamahalaang

kastila at lalong natataho n~g m~ga "cura" sa bayan-bayan, pagka't sa

bayang pinamumugaran n~g isang "logia" o n~g m~ga "mason," ang "cura"

at ang m~ga kastila ay di lubhang nakapamayani sa kanilang m~ga

masasamang gawa, sapagka't nahahadlan~gan sila n~g pagkakaisa n~g m~ga

taong bayan sa pagtutol laban sa m~ga masasama nilang palakad.

Napapansin din n~g m~ga "fraile" na ang pasok n~g salapi sa simbahan

ay umuunti, sanhi sa kagagawan n~g m~ga mason na nagtuturo sa bayang

iwanan ang patay sa loob n~g simbahan at huwag magbayad n~g anoman.

Itinuturo rin naman nila na huwag bilhin ang m~ga kalmen, ang m~ga

kuwintas, ang m~ga kandila, ang m~ga istampá, ang m~ga bula, ang m~g

novena, na kinakalakal n~g kombento.

49.=--Kailan pa inusig ang m~ga mason?=--Ang masikhay na paguusig

sa kanila, ay masasabing nagsimula noong taong 1892 at sumidhi n~g

mapatatag na ang "Katipunan" at si Bonifacio'y walang humpay sa

pagpapalaganap n~g kanyang samahan. Paano'y alam n~g pamahalaang

kastila't n~g m~ga "fraile" na si Bonifacio'y "mason," bukod sa ang

layunin at m~ga ipinupunla n~g "Katipunan," ay huwad sa "Masoneria."

Kaya, lahat n~g kilos nina Bonifacio at m~ga kasamahan ay sa m~ga

"mason" ibinabagsak, bakit ang amá naman n~g "Katipunan," sa nasa

niyang magkasamasama ang lahat, sa lilim n~g watawat n~g samahang

kaniyang pinamunuan, ay di lamang hindi nagpapasinun~galing sa gayong

akala kundi bagkus pang pinagtitibay. Ang m~ga "mason," n~g m~ga

panahong yaon, ay sila ang lumalagay na tagataguyod n~g kalayaan n~g

bayan at sila'y pinagpipitaganan n~g maraming kababayan, lalonglalo na

ang m~ga "masong" siná Rizal, Del Pilar, Lopez Jaena, at iba pa, na

may m~ga pagtatanggol na ginawa ukol sa kalayaan n~g Pilipinas at lagi

nang ipinagsasanggalang ang kaapihang tinitiis n~g kanilang kababayan.

50.--=Hindi ba itinigil ang paguusig na yaon sa m~ga mason?=--Nang

taong 1893 at n~g m~ga unang buwan n~g taong 1894, ay napatigil ang

m~ga paguusig sa kanilá. Palibhasa'y naipatapon na si Rizal sa

Dapitan--na sa ganang m~ga kastila't fraile'y siyang pinakapuno n~g

kilusan n~g m~ga "mason"--at naparusahan na ang m~ga inaakalang

kinaalam sa pagtutol na ginampanan n~g m~ga pinaguusig na gaya nina

Doroteo Cortes, Jose Basa, Ambrosio Salvador, Mariano Apacible at

marami pang taganas na m~ga "mason," ang m~ga kalaban n~g kalayaan n~g

bayan ay napatahimik. Dahil dito'y muli na namang nagsikilos ang m~ga

mason at binuhay na muli ang kanilang m~ga pagpupulong tun~go rin sa

ikagagaling n~g sariling bayan.

Kartilyang Makabayan Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andrés Bonifacio at sa KKK · 第 1 / 3 段