Agád-agád na mabatíd ang pangyayari, nang makakuha ng̃ mg̃a ilaw, at
mákita ang dî ayós na anyô ng̃ mg̃a nábiglâng mg̃a dios, si Ben-Zayb,
lipús kamuhîan at tagláy na ang pagsang-ayon ng̃ sumisiyasat ng̃
mg̃a inililimbág, ay nagtatakbóng tung̃o sa kaniyang bahay (isáng
entresuelo na tinitirahan niyáng may ibáng kasáma), upang sulatin
ang lalòng malamáng salaysáy na nabasa sa silong ng̃ lang̃it ng̃
Pilipinas; ang General ay aalís na masamâ ang loob kung hindî mababasa
muna ang kaniyáng mg̃a pasaríng, at ang gayó’y hindî mapahihíntulutang
mangyari ni Ben-Zayb, na may magandáng pusò. Nagtiís na ng̃âng iwan
ang hapunan at ang sayawan at hindî natulog ng̃ gabíng yaón.
¡Mauugong na bulalás sa pagkagulat, pagkamuhî, ipalagáy na warì’y
gumuhô ang mundó at ang mg̃a bituin, ang mg̃a walâng lipas na
bituin ay nang̃agkakaumpugan! Pagkatapos ay isáng mahiwagàng
pangbung̃ad, punô ng̃ mg̃a banggít, mg̃a pasaríng.... makaraan itó’y
ang salaysáy ng̃ pangyayari at ang panghulíng patì. Dinamihan ang
mg̃a paligoy, inubos ang mg̃a pasapyáw na salitâ sa pag-lalarawan
ng̃ pagkakatiwangwáng at nang nápakahulíng pagkakabinyág ng̃ sabáw
na tinanggáp ng̃ General sa kaniyáng noong tagalang̃it; pinuri
ang kaliksihang ginamit sa pagtayô, na inilagáy ang ulo sa dating
kinálagyán ng̃ paa at tiwarík; bumigkás ng̃ isáng pagpupuri sa
Lumikhâ dahil sa mairog na pagkakaling̃à sa mg̃a kabanalbanalang
mg̃a butóng yaón, at ang pagkakásalaysáy ay lumabás na nápakainam,
na ang General ay lumabás na warì’y isáng magitíng at lalò pang
mataas ang kináhulugan, gaya ng̃ sabi ni Victor Hugo. Nagsulát,
kumatkát, nagdagdág at nagbanháy upang lumabás na dakilà ang
salaysáy nang walâng pagkakalisyâ sa katotohanan--itó ang kaniyáng
tang̃ìng karapatán sa pagkamamamahayag,--magíng kalakhán ang ukol
sa pitóng dioses at karuagan at abâ sa hindî kilaláng magnanakaw,
“na nagparusa sa sarili, sindák at nakakilala sa kalakhán ng̃
kaniyáng pagkakasála nang sandalî ring iyón.” Ipinalagáy ang ginawá
ni P. Irene na pagpasok sa ilalim ng̃ dulang na “bigláng udyók ng̃
likás na katapang̃an, na hindî napaglubág ng̃ hábito ng̃ isáng Dios
ng̃ kapayapàan na isinuot boong buhay”, tinangkâ ni P. Irene na
habulin ang nagkasala at sa pagbagtás niya nang patuwid ay dumaan
sa silong ng̃ dulang. Sa pagsasalaysáy noon ay bumanggít ng̃ mg̃a
lunggâ sa ilalim ng̃ dagat, tinukoy ang isáng balak ni D. Custodio,
inalala ang katalinuhan at mg̃a mahahabàng paglalakbáy ng̃ parì. Ang
pagkawalâ ng̃ diwà ni P. Salvi ay isáng malakíng dalamhatì na dinamdám
ng̃ mabaít na pransiskano, sa pagkakitang kakauntî ang nápapalâ ng̃
mg̃a indio sa kaniyang mg̃a banal na pang̃aral; ang pagkakatigagal
at sindák ng̃ ibáng kasalo, na ang isá sa kanilá’y ang kondesa na
“pumigil” (nang̃unyapít) kay P. Salvi, ay dilì ibá kundî katiwasayán
at kalamigáng loob ng̃ mg̃a magigitíng, na sanáy sa mg̃a pang̃anib
sa gitnâ nang pagtupád sa kaniláng mg̃a kautang̃án, na, sa piling
nilá, ang mg̃a senador romano, na nabiglâ ng̃ mg̃a dumagsâng galo, ay
pawàng mg̃a binibining masindakin lamang na nang̃agugulat sa haráp
ng̃ larawan ng̃ mg̃a ipis. Pagkatapos at upang magíng kaibayó, ay
ang larawan ng̃ magnanakaw: takot, kabaliwán, dî pagkakangtututo,
ting̃íng mabalasik, anyông gulát at ¡lakás ng̃ kataasan ng̃ urì
sa kabaitan ng̃ lipì! ang kaniyáng paggalang nang makita roong
nang̃akalimpî ang gayong katataás na tao! At kapit na kapit ng̃âng
isunód doon ang isáng mahabàng parirala, isá ng̃ paghikayat, isáng
talumpatìng laban sa pagkasirà ng̃ mg̃a mabubuting kaugalìan, at
yaón ang sanhî ng̃ pang̃ang̃ailang̃an ng̃ isáng lagìng hukumang
kawal, “ang pagtatatag ng̃ _estado de sitio_ sa loob ng̃ tatág nang
_estado de sitio_, isáng tang̃ìng kautusán, na makapipigil, matindí,
sapagkâ’t lubhâng kailang̃ang dalîdalîin ang pagpapakita sa mg̃a
masasamâ at mg̃a salarín, na kung sakalì mang ang pusò’y mahabagin
at maling̃ap sa mg̃a mapang̃ayupapà’t masunurin sa kautusán, ay
malakás namán ang kamáy, matatág, walâng pagmamaliw, matuwid at
matindí sa mg̃a lumálabág sa kaniyá ng̃ walâng kakatuwikatuwiran
at humahalay sa mg̃a banál na kapalakarán ng̃ Inángbayan! Oo, mg̃a
ginoo, itó’y kailang̃an nang dî lamang ng̃ ikabubuti ng̃ kapulùang
itó, hindî lamang ng̃ ikabubuti ng̃ boong sangkatauhan, kundî ikabuti
ng̃ pang̃alan ng̃ España, ng̃ karang̃alan ng̃ pang̃alang kastilà,
ng̃ karang̃alan ng̃ bayang ibero, sapagkâ’t sa ibabaw ng̃ lahát ng̃
bagay ay mg̃a kastilà tayo at ang bandilà ng̃ España” ibp.
At dinuluhan ang sulatín sa ganitóng pangtapós:
“Matahimik na yumao ang matapang na bayani, na humawak sa kapalaran
ng̃ bayang itó sa kapanahunang lubhâng maligalig! Matahimik na yumao
upáng lumang̃áp ng̃ malunas na simuy ng̃ Manzanares! Kamí rito’y
maiiwan na warì’y matatapát na talibà upang dalang̃inan ang kaniyang
ala-ala, hang̃àan ang kaniyang matatalinong kapasiyahan, at igantí
ang kataksiláng ginawâ sa kaniyang mainam na handóg, na mákukuha
rin namin sukdâng kailang̃aning patuyûín ang mg̃a dagat! Ang gayóng
maalindóg na relikia ay magíging isáng walâng pagkapawìng tandâ sa
bayang itó ng̃ kaniyang karilagán, kalamigáng loob at katapang̃an.”
Ganiyán niya tinapos ang sinulat na may kauntîng kadilimán, at bago
mag-umagá ay ipinadalá sa pásulatan, na may tagláy nang kapahintulután
ng̃ tagasurì. At natulog na warì’y si Napoleon nang matapos maitakdâ
ang paraan ng̃ labanán sa Jena.
Ginísing siya nang nag-uumagá, na ang mg̃a _cuartilla_ ay ibinábalîk
at may isáng sulat ng̃ namamahalà, na sinasabing ipinagbawal na
mahigpít ng̃ General na pag-usapan ang nangyari at ipinagbilin na
pabulaanan ang kahì’t anóng sabisabihan at usap-usapang kumalat, na,
ang lahát ay ipalagáy na salísalitâ lamang, mg̃a palanghâ at mg̃a
pakápakanâ.
Sa ganáng kay Ben-Zayb, ang gayón, ay pagpatáy sa isá niyang anák
na nápakagandá’t nápakatapang, na inianák at inalagàan nang lubhâng
malakí ang paghihirap at pagpapagál at ¿saán niya iuukol ng̃ayón ang
mainam na pagtatatakáp, ang magandáng paghahayag ng̃ mg̃a paghahandâng
may katapang̃an at pagpaparusa? At alalahanin, na sa loob ng̃ isá
ó dalawáng buwan ay iiwan niya ang Pilipinas, at ang sinulat na
iyon ay hindî mangyayaring lumabás sa España, sapagkâ’t ¿papano ang
pagsasabi noon sa mg̃a salarín sa Madrid, sa ang naghaharì doón ay
ibáng pagkukurò, humahanap ng̃ mg̃a pangyayaring nakapagpapagaán ng̃
sala, tinítimbáng ang mg̃a pangyayari, may mg̃a _jurado_, ibp.? Ang
mg̃a sulat na gaya ng̃ kaniyá ay kawang̃is ng̃ iláng aguardienteng
may lason na ginágawâ sa Europa, na mabuting ipagbilí lamang sa mg̃a
taong itím, _good for negroes_, na ang kaibhán lamang ay ang kung
hindî máinóm ng̃ mg̃a maiitím ay hindî nang̃asisirà, samantaláng ang
mg̃a sulat ni Ben-Zayb, basahin man ó hindî ng̃ mg̃a pilipino, ay
nagkakaroon din ng̃ bisà.
--¡Kung bukas ó makalawá man lamang sana ay may mangyayaring ibáng
pagkakasala!--aniyá.
At sa haráp ng̃ pag-aalala doón sa anák niyáng namatáy bago málimbág,
mg̃a bukong nababad sa lamíg, at sa pagkakaramdám na ang kaniyáng
mg̃a matá’y nababasâ ng̃ luhà, ay nagbihis upang makipagkita sa
namamahalà. Kinibít ng̃ namamahalà ang balikat: ipinagbawal ng̃
General, sapagkâ’t kung mapag-alamán na pitóng malalakíng mg̃a
dioses ay nagpabayàng mapagnakawan ng̃ isáng balà na, samantalang
ikinúkumpáy ang mg̃a _tenedor_ at _cuchillo_, ay mápapang̃anib ang
tibay ng̃ Ináng-bayan! At gayón ding ipinagbiling huwág paghanapin
ni ang lámpara ni ang magnanakaw at ipinagbibilin sa mg̃a súsunód
sa kaniyá na huwág mang̃ahás na kumain sa alin mang bahay ng̃ ibáng
tao nang hindî nalilibid ng̃ mg̃a alabardero at mg̃a bantáy. At sa
dahiláng ang mg̃a nakaalám ng̃ kauntì, sa mg̃a nangyari sa bahay ni
D. Timoteo ng̃ gabíng iyón, ay mg̃a kawaní at mg̃a kawal ay hindî
maliwag ang pabulàanan ang pangyayari sa haráp ng̃ madlâ: nátutukoy
sa katibayan ng̃ ináng-bayan. Sa haráp ng̃ pang̃alang itó’y itinung̃ó
na punô ng̃ kagiting̃an ni Ben-Zayb ang kaniyáng ulo, na iniisip si
Abraham, si Guzman el Bueno ó, si Brutus man lamang at ang ibá pang
matatandâng magitíng na nasa kasaysayan.
Ang gayóng karaming paghihirap ay hindî mangyayaring hindî magkákaroón
ng̃ gantíng palà. Ang Dios ng̃ mg̃a mámamahayag ay nasiyahán kay
Abraham-Ben-Zayb.
Halos kasabáy noon ay dumatíng ang anghel na tagá-balità na tagláy
ang tupa, na, anyông isáng pangloloob sa isáng bahay liwaliwan sa
baybáy ng̃ ilog Pasig, bahay na tinítirahán ng̃ iláng prayle kung
tag-inít! ¡Yaón ang panahón, at si Abraham-Ben-Zayb ay nagpuri sa
kaniyáng dios!
--Ang mg̃a tulisán ay nakakuha ng̃ mahigít sa dalawáng libong piso,
sinugatan nang malubhâ ang isáng parì at dalawáng alilà.... Ang
kura ay nagtanggól sa likurán ng̃ isáng silla, na nagkásirâsirâ sa
kaniyáng mg̃a kamáy......
--¡Hintáy, hintáy!--aní Ben-Zayb na nagtátalâ;--apat ó limangpûng
tulisáng sa paraang taksíl.... mg̃a rebolber, iták, escopeta,
pistola.... leong nanánandata, silla.... putólputól.... sinugatan
nang walâng kaawà-awà... sampûng libong piso......
At sa kagalakán, at dahil sa hindî pa lubós na nasisiyahán sa mg̃a
balità, ay tumung̃o sa pook na pinangyarihan, na, sa daan ay binabalak
ang salaysáy ng̃ paglalaban. ¿Isáng muntîng bigkás na tinuran ng̃
namumunò? ¿Isáng salitâng paalipustâng galing sa bibíg ng̃ parì? Lahát
ng̃ pagpaparis at talinghagà, na iniukol sa General, kay P. Irene
at kay P. Salvi ay mákakapit sa parìng nasugatan, at ang salaysáy
na ukol sa magnanakaw ay sa bawà’t isáng tulisán. Sa pagmumurá ay
maaarìng lumawig pa, maaarìng banggitín ang pananampalataya, ang
pananalig, ang kaawàan, ang tugtóg ng̃ mg̃a kampanà, ang utang
ng̃ mg̃a indio sa mg̃a prayle, malungkót sa sarili at gumamit ng̃
maraming banggít at mg̃a himig na ayos Castelar. Bábasin yaon ng̃
mg̃a dalaga sa siyudad at sásabihing:
--Si Ben-Zayb ay mabang̃ís na gaya ng̃ león at masuyò na gaya ng̃
isáng tupa!
Nang dumatíng sa pook na pinangyarihan, ay napamanghâ siya nang
mákita na ang nasugatan, ay dilì ibá’t si P. Camorra, na tinakdâán
ng̃ kaniyáng _provincial_ na magdusa sa bahay liwaliwan, sa baybáy
ng̃ ilog Pasig, dahil sa kaniyáng pinaggagawâ sa Tianì. May isáng
muntîng sugat sa kamáy, isáng bukol sa ulo dahil sa kaniyáng
pagkakátiwangwáng; ang mg̃a tulisán ay tatló at ang mg̃a sandata’y
pawàng iták; ang halagáng nánakaw ay limang pûng piso.
--¡Hindî mangyayari!--ani Ben-Zayb;--magtigil kayó.... hindî ninyó
alám ang inyóng sinasabi!
--¡Hindî ko malalaman, _puñales_!
--¡Huwag kayóng hang̃ál!.... ang mg̃a tulisán ay mahigít kay sa
sinabi ninyó....
--¡Abá! ang manghihitit na itó ng̃ tintá....
Nagkaroon silá ng̃ isáng malakíng pagtatalo. Ang mahalagá kay Ben-Zayb
ay ang huwag masirà ang isinulat, palakihín ang mg̃a pangyayari
upang kumapit ang kaniyáng mg̃a pinagturán.
Isáng aling̃awng̃áw ang pumutol sa pagtatalo. Ang mg̃a tulisáng
nang̃áhuli ay nang̃agpahayag ng̃ malalakíng bagay. Isá sa mg̃a
tulisán ni _Matanglawin_ (si kabisang Tales) ay tinipán silá sa
Santamesa upang makisama sa kaniyáng pulutóng at looban ang mg̃a
kombento at ang mg̃a bahay ng̃ mg̃a mayayaman.... Ang mang̃ung̃ulo
sa kanilá’y isáng kastílàng mataas, kayumanggí, maputî ang buhók, na
ang sabi’y gágawâ nang gayón sa utos ng̃ General na matalik niyáng
kaibigan, pinatibayan pa rin sa kanilá na ang _artillería_ at iláng
regimiento ay makikisama sa kanilá, kayâ’t walâ siláng dapat ikatakot.
Ang mg̃a tulisán ay patatawarin at ang isáng katlông bahagi ng̃
másamsám ay ibíbigáy sa kanilá. Ang palatandâan ay isáng putók ng̃
kanyón, at sa dahiláng hindî dumatíngdatíng ang kaniláng inaantáy
na hudyát, ay inakalà ng̃ mg̃a tulisán na silá’y binirò, ang ilá’y
nang̃agsiuwî, ang ilán ay nang̃agsibalîk sa kaníkaniláng bundók at
nang̃akòng paghigantihán ang kastilà, na makalawá nang nagkulang sa
kaniyáng salitâ. Sa gayón, siláng mg̃a náhuli ay nagnasàng gumawâ,
kahì’t sa kaniláng sarili, at linooban ang isáng bahay liwaliwan na
nasumpung̃án, at ipinang̃ang̃akòng ibigáy na walâng kakulangkulang
ang dalawáng katlông bahagi ng̃ nasamsám kung paghahabulin ng̃
kastilàng maputî ang buhók.
Sa pagkakawangkî sa anyô ni Simoun ng̃ mg̃a tinurang ayos ay ipinalagáy
na hindî katotohanan ang mg̃a pahayag na iyon, kayâ’t binigyán ng̃
katakottakot na pahirap ang magnanakaw, sampû ng̃ mákina eléctrica,
dahil sa gayóng kahalayhalay na tung̃ayaw. Dátapwâ’t ang balitàng
pagkawalâ ng̃ mag-aalahás na nápuná ng̃ lahát ng̃ taga Escolta, at
dahil sa pagkakatagpô ng̃ mg̃a bayóng ng̃ pulburá at maraming punlô
sa kaniyáng bahay, ay nagkaroon ng̃ warì’y katotohanan ang pahayag
ng̃ tulisán at untîuntîng kumalat ang lihim, na nababalot ng̃ ulap,
nang̃agbulóng-bulung̃an, umuubó, na ang ting̃í’y nang̃ang̃anib, mg̃a
_puntos suspensivos_ at maraming salitâng pinalalakí na ukol sa mg̃a
gayóng mg̃a pangyayari. Ang mg̃a nakabatíd ng̃ lihim ay hindî matapos
tapos sa pagkakamanghâ, inihahabà ang mg̃a mukhâ, nang̃amumutlâ at
kuntì nang nasiràan ng̃ isip ang marami nang mapag-alamán ang iláng
bagaybagay na hindî nápuná.
--Mabuti’t nakaligtás tayo! ¿Sino ang makapagsasabi....?
Nang kináhapunan, si Ben-Zayb, na punông punô ng̃ mg̃a rebolber
at bala ang mg̃a bulsá, ay dumalaw kay D. Custodio, na natagpûang
masigasig na gumagawâ ng̃ isáng panukalà na laban sa mg̃a mag-aalahás
na amerikano. Bumulóng na marahang marahan sa taing̃a ng̃ mámamahayag
ng̃ mg̃a mahiwagàng salitâ sa pag-itan ng̃ dalawáng palad na
pinagtaklóp.
--¿Tunay ba?--ang tanóng ni Ben-Zayb na idinukot ang kamáy sa bulsá,
samantalang namumutlâ ng̃ bahagyâ.
--At kahì’t saán mátagpûan....
Tinapos ang salitâ sa isáng galáw na makahulugán. Itinaás ang dalawáng
kamáy hanggáng pantáy mukhâ, na ang kanan ay lalò pang baluktót kay
sa kaliwâ, ang mg̃a palad ay tung̃o sa ibabâ, ipinikít ang isáng
matá at makálawang gumaláw ng̃ papasulóng.
--¡Psst, psst!--ang kaniyáng sipol.
--¿At ang mg̃a brillante?--ang tanóng ni Ben-Zayb.
--Kung mátatagpûan....
At gumawâ ng̃ isá pang kilos sa pamagitan ng̃ mg̃a dalirì ng̃ kanang
kamáy, na pinaikit-ikit mulâ sa haráp hanggáng sa likód at mulâ sa
labás na papaloób, na warì kilos ng̃ pamaypáy na nátitiklóp, warìng
may iniipon, mg̃a labayang umiikit na pumapalís nang patung̃o sa
kaniyá, na malinis ang pagkakapangdukot. Sinagót ni Ben-Zayb ng̃ isá
ring kilos, na pinapangdilat na mabuti ang mg̃a matá, binalantók
ang mg̃a kilay at malakás na lumang̃áp ng̃ hang̃in, na warìng ang
hang̃ing nakabubusóg ay nátuklasán na.
--Jhs!!!