ANG PISTÁ

“Danzar sobre un volcán.”

Nang iká pitó ng̃ gabí’y nagdatíngdating̃an na ang mg̃a inangyayahan:

una, ang mg̃a mumuntîng diosdiosan, mg̃a kawaníng may mababàng

katungkulan, mg̃a pang̃ulo sa kagawarán, mg̃a máng̃ang̃alakal, at

ibp., na tagláy ang mg̃a pagbatìng lubós na magalang at ang mg̃a

kilos na tuwíd na tuwíd, sa mg̃a unang sandalî, na warìng noón

lamang natutuhan: ang gayóng karaming ilaw, tabing at mg̃a kristal

ay nakapagpapang̃aníng̃aní ng̃ kauntî. Pagkatapos ay nawawalâ na

ang gayóng ayos at palihím na nagtutumbukan, tampalan sa tiyán

at ang ilán ay umabót sa pagkukutusan. Tunay ng̃âng ang ilán ay

umaayos ng̃ anyông pagwawalâng bahalà upang ipakilala na silá’y

dagí sa mg̃a bagay na higít pa sa roón, ¡at sadyâ ng̃âng gayón! May

diosa na naghikáb dahil sa ang lahát nang iyón, sa palagáy niya, ay

tiwalî at sinabing may _gazuza_; isá pa’y nagalit sa kaniyang dios,

ikinumpáy ang kamáy upang tampalín. Si D. Timoteo ay payukôyukô sa

lahát ng̃ pook; nagtatapon ng̃ isáng ng̃itî, igagaláw ang baywáng,

uurong, bibigáy ng̃ kalahatìng ikit, boong ikit, ibp., kayâ’t ang

isá pang diosa ay nakapagsabi tulóy sa kaniyáng kalapít, sa tulong

ng̃ pagkákanlóng sa pamaypáy, na:

--_¡Chica, que filadelfio está el tío! Mía que paese un fantoche._

Pagkatapos ay dumatíng ang mg̃a bagong kasál, na kaakbáy si

aling Victorina at ang lahát ng̃ kaang̃ay. Mg̃a maligayang batì,

kámayan, mg̃a tapík na warìng pag-aampón sa lalaking bagong kasál,

mg̃a ting̃íng patitíg, malansá, masurì ng̃ mg̃a lalaki sa binibining

bagong kasál; sa dako ng̃ mg̃a babai ay pagsisiyasat ng̃ kagayakan,

ng̃ hiyás, pag taya ng̃ lakás, ng̃ buti ng̃ katawán, ibp.

--¡Si Psiquis at si Cupido na dumatíng sa Olimpo!--ang binuko sa

sarili ni Ben-Zayb at itinalâ niyang mabuti sa pag-iisip ang pag-aanyô

upang bitiwan sa lalòng katampatang sandalî.

Ang lalaking bagong kasál ng̃â’y may tagláy ng̃ mukhâng palabirô

ng̃ dios ng̃ pag-ibig, at kung ipagpapaumanhin ng̃ kauntî ay

mapagkákamalang lalagyán ng̃ panà ang kaniyang kakubàang napakaumbók,

na hindî maikanlong sa suot niyang _frac_.

Si D. Timoteo ay nagdáramdam na ng̃ pananakít ng̃ baywang, ang mg̃a

kalyo ng̃ kaniyáng paa ay untîuntîng nananakít, ang kaniyang liig ay

nang̃ang̃awit at ¡walâ pa ang Capitán General! Ang mg̃a malalakíng

dioses, na sa kanilá’y kabilang si P. Irene at si P. Salvi, ay

nang̃agsidatíng na ng̃â ng̃unì’t walâ pa ang malakíng kulóg. Hindî

siya mápalagáy, nang̃ang̃anib, ang kaniyang pusò’y tumítibók nang

malakás, sinusumpóng siya ng̃ isáng kailang̃an, ng̃unì’t dapat

munang unahin ang pagbatì, pagng̃itî, at pagkatapos ay paparoon,

ng̃unì’t hindî mangyari, uupô’t titindíg, hindî nádiding̃íg ang sa

kaniyá’y sinasabi, hindî masabi ang ibig sabihin. At samantala’y

isáng malulugdíng dios ang nagsabi sa kaniyá ng̃ iláng punáng ukol

sa mg̃a cromo, ná tinútuligsâ’t sinasabing nakadudung̃is sa mg̃a

dingdíng.

--¡Nakadudung̃is sa mg̃a dingdíng!--ang ulit ni D. Timoteo na

nakang̃itî ng̃unì’t ng̃alíng̃alíng labnutín ang nagsasalitâ:--datapuwâ’y

yarì iyan sa Europa at siyang mg̃a pinakamahál na nátagpûan ko sa

Maynilà! ¡Nakadudung̃is sa mg̃a dingdíng!

At isinúsumpâ sa sarili ni D. Timoteo na kinabukasan ay ipasising̃íl

ang lahát ng̃ utang ng̃ mánunuligsâ sa tindahan niya.

Nakáding̃íg ng̃ mg̃a pasuwít, takbuhan ng̃ mg̃a kabayo, dumatíng dín!

--¡Ang General!--¡Ang Capitan General!

Namumutlâ sa pagkagulumihanan, ay tumindíg si D. Timoteo na dî

ipinahahalatâ ang sakít ng̃ kaniyáng mg̃a kalyo, at kasama ng̃

kaniyáng anák at iláng malalakíng dios, ay pumanaog upang salubung̃in

ang _Magnum Jovem_. Nawalâ ang sakít ng̃ kaniyáng baywang dahil sa

pag-aalinlang̃ang pumasok sa kaniyáng kalooban ¿dapat siyang ng̃umitî

ó magpakita ng̃ mukhâng walâng katawatawa? ¿dapat niyang iabót

ang kaniyáng kamáy ó antabayanang iabót sa kaniyá ang sa General?

¡Putris! ¿bakit kayâ hindî niya naalaala ang ukol sa bagay na iyon

at nang naitanóng sana sa kaibigan niyang si Simoun? Upang huwag

mápuná ang kaniyáng pagkagulumihanan ay itinanóng nang marahan at

sirâ ang boses sa kaniyáng anák:

--¿Naghandâ ka ba ng̃ talumpatì?

--Hindî na ginagamit ang mg̃a talumpatì, tatay, at dito ay lalò pa!

Dumatíng si Jupiter na kasama si Juno, na warì’y isáng kastilyong

sususuhan: may brillante sa ulo, may brillante sa liig, sa mg̃a

bisig, mg̃a balikat, sa boông katawán! Ang suot ay isáng mainam na

kagayakang sutlâ; mahabà ang _cola_, na may burdáng bulaklák na

namumukód sa ibabaw.

Tunay ng̃âng inarì ng̃ General ang kaniyáng bahay, gaya ng̃

ipinamanhík na búbulóngbulóng ni D. Timoteo. Ang orkesta ay tumugtóg

ng̃ _marcha real_ at ang mag-asawang Dios ay tuwíd na tuwíd na

umakyát sa hagdanang may sapíng alpombra.

Ang katigasan ng̃ anyô ng̃ General ay hindî gawâ-gawâ lamang;

marahil noon lamang siyá nagdamdám lungkót, sapól nang dumatíng sa

Pilipinas; muntîng pighatî ang namamahay sa kaniyáng dilidili. Yaón

ang hulíng tagumpáy, sa kaniyáng tatlóng taóng paghaharì, at sa loob

ng̃ dalawáng araw, ay iiwan na niyá ang gayóng kataás na kalagayan.

¿Anó ang iiwan sa kaniyáng likurán? Hindî ibinabaling ng̃ General ang

kaniyáng ulo at ibig pa niyá ang tumanáw sa hináharáp, sa dáratíng!

Dadalhín niyá ang isáng kayamanan, malalakíng halagáng nálalagáy sa

mg̃a Banko sa Europa ang nag-áantáy sa kaniyá, mayroón siyáng mg̃a

hotel, ng̃unì’t marami siyáng sinaktán, marami siyáng kalaban sa

Corte, ináantáy siyá roon ng̃ mataás na kawaní! Ang ibáng general

ay yumamang madalî na gaya niyá at ng̃ayó’y mg̃a hiráp na hiráp.

¿Bakit hindî siyá magpalumagák ng̃ kauntì pang panahón na gaya ng̃

payo ni Simoun? Hindî, bago ang lahát ay ang kahihiyán muna. Sa isáng

dako’y hindî na lubhâng payukô ang mg̃a batì sa kaniyá na gaya ng̃

dati; nakápupuná siyá ng̃ mg̃a ting̃íng patitíg, at pagkainíp; at

sinásagót niyáng magiliw at tinátangká niyáng ng̃umitî.

--¡Napagkíkilalang papalubóg na ang araw!--ang bulóng ni P. Irene,

sa taing̃a ni Ben-Zayb,--¡marami na ang tumititig sa kaniyá ng̃

haráp harapan!

¡Putris na kura! yaón pa namán sana ang kaniyáng sásabihin.

--Inéng--ang bulóng sa taing̃a ng̃ kalapít ng̃ babaing nagpang̃anláng

_fantoche_ kay D. Timoteo--¿Nakita mo ba kung anó ang saya?

--Uy! ang mg̃a tabing sa palasyo!

--¡Hantáy! at siyá ng̃â palá! Dádalhíng lahát kung gayón. Tingnán

mo’t pag hindî ginawâng _abrigo_ ang mg̃a alpombra!

--¡Ang gayó’y walâng ibáng ipinakikilala kundî may katalinuhan at

mabuting mamilì!--ang paklí ng̃ asawa na kinagalitan ang kabiyak

niya sa pamag-itan ng̃ isáng ting̃ín,--ang mg̃a babai’y dapat magíng

masinop!

Dináramdám pa ng̃ kaawàawàng dios ang sining̃íl ng̃ modista.

--¡Anák ko! dî bigyán mo akó ng̃ mg̃a panabing na tig lalabíng

dalawáng piso ang isáng bara at tingnán mo kung isusuot ko ang mg̃a

basahang itó!--ang paklí ng̃ namuhîng diosa;--¡Jesús! sakâ ka na

magsalitâ kapag nagkaroon ka nang magaràng sinundán!

Samantala’y si Basilio, na nasa tapát ng̃ bahay, ay kahalobilo ng̃

mg̃a nanonood, at binibilang ang mg̃a taong pumapanaog sa mg̃a

karuahe. Nang mákita ang gayóng karaming taong masasayá at tiwalà,

nang mákita ang dalawáng bagong kasál, na sinusundán ng̃ mg̃a kaang̃ay

niyang mg̃a dalagindíng na mg̃a walâng malay at walâng agam-agam,

at naisip na mátatagpûán doón ang kakilakilabot na kamatayan, ay

naawà siyá at náramdamáng nagbawa ang kaniyáng galit.

Nagtagláy siyá ng̃ nasàng iligtás ang gayóng karaming mg̃a walâng

sala, inísip na sumulat at magbigáy alám sa mg̃a may kapangyarihan;

ng̃unì’t dumatíng ang isáng karuahe at nagsibabâ si P. Salvi at si

P. Irene, na kapuwâ may kasiyahang loób, at warìng ulap na dumaán,

ay napawì ang kaniyáng mabubuting hang̃ád.

--Anó ang mayroon sa akin?--aniyá sa sarili--¡magbayad ang mabubuti

na kasama ng̃ masasamâ!

At idinagdág pagkatapos upáng panahimikin ang kaniyáng mg̃a

pagkabalisa:

--Hindî akó mánunuplóng, hindî ko dapat pang̃ahasán ang pagtitiwalà

sa akin. Ang utang ko sa _kaniyá_ ay higít kay sa lahát nang _iyan_;

siyá ang humukay ng̃ pinaglibing̃án sa aking iná; ang mg̃a taong iyán

ang pumatáy! ¿Anó ang mayroón nilá sa akin? Ginawâ ko ang lahát upang

magíng mabuti, magkaroón ng̃ halagá; pinagsikapan ko ang lumimot at

magpatawad; tiniís ko ang lahát ng̃ pataw at walâ akóng hining̃î

kundî ang bayàan lamang akóng mátiwasáy! Akó’y hindî nakasasagabal

sa kanino man.... ¿Anó ang ginawâ sa akin? ¡Umilandáng sa hang̃in

ang kaniláng luráy na katawán! Labis na ang tiniís namin!

Pagkatapos ay nakitang pumasok si Simoun na dalá sa kamáy ang

kakilakilabót na lámpara, nakitang binagtás na dahandahan ang silong,

ang ulo’y nakatung̃ó at warìng nag-íisíp. Naramdamán ni Basilio na ang

kaniyáng pusò’y tumítibók ng̃ mahinàngmahinà, na ang kaniyáng mg̃a

paá’t kamáy ay nanglálamíg at ang maitím na anino ng̃ mag-aalahás ay

nagkákaroón ng̃ anyông nakapang̃ing̃ilabot na nalilibid ng̃ lagábláb.

Sa tabí ng̃ hagdán ay tumigil si Simoun na warì’y nag-aalinlang̃an; si

Basilio’y hindî humíhing̃á. Ang pag-aalinlang̃an ay hindî nagluwát:

itinaás ni Simoun ang kaniyáng ulo, patuloy na umakyát sa hagdanan

at nawalâ.

Sa warì ng̃ nag-aaral ay sasabog na ang bahay at ang mg̃a dingdíng,

mg̃a lámpara, mg̃a panaohin, bubung̃án, mg̃a durung̃awan, orkesta,

ay umíilandáng sa hang̃in na warìng isáng dakót na baga sa gitnâ

ng̃ isáng kasindáksindák na putók; tuming̃ín sa kaniyáng paligid at

inakalàng ang mg̃a nanónoód na nároon ay pawàng bangkáy; nakikita

niyáng luráyluráy, sa warì niya’y napúpunô ng̃ apoy ang hang̃in,

ng̃unì’t ang kalamigang loób ng̃ kaniyáng pagkukurò ay nanagumpáy

sa pag-uulap na iyóng dumaán na tinulung̃an ng̃ gutom, at aniyá sa

sarili:

--Samantalang hindî pumápanaog, ay walâng pang̃anib. Hindî pa

dumáratíng ang Capitán General!

At pinilit na mag-anyô siyáng panatag at pinipigil ang pang̃ang̃aykáy

ng̃ kaniyáng mg̃a paa, at tinangkâng malibáng sa pag-iisíp ng̃ ukol

sa ibáng bagay. Mayroong warì’y kumúkutyâ sa kaniyá sa sariling

kalooban at sinasabi sa kaniyáng:

--Kung nang̃ing̃iníg ka ng̃ayóng hindî pa sumasapit ang sandalîng

takdâ ¿anó ang aasalin mo kapag iyóng nakitang bumábahâ ang dugô,

nag-aalab ang mg̃a bahay at sumásagitsít ang mg̃a punlô!

Dumatíng ang General, ng̃unì’t hindî siyá nápuná ng̃ binatà;

minámataan ang mukhâ ni Simoun na isá sa mg̃a pumanaog upang

sumalubong, at nákilala niyá sa walâng awàng anyông iyón ang hatol

na kamatayan sa lahát ng̃ taong nároon, at sa gayón ay pumasok sa

kaniyá ang mulîng pagkasindák. Siya’y nanglamíg, sumandíg sa pader

ng̃ bahay, at nakatitig sa mg̃a durung̃awan at tinalasan ang mg̃a

pangding̃íg, tinangkâng hulàan ang mangyayari. Nakita sa salas ang

maraming taong nakaligid kay Simoun at pinagmamasdán ang lámpara;

nakáding̃íg ng̃ mg̃a maliligayang batì, mg̃a bulalás na paghang̃à;

ang mg̃a salitâng “comedor estreno” ay náulit-ulit; nákitang ng̃umitî

ang General at kinuròkurò niyáng sa gabíng iyón gagawín ang unang

paggamit, alinsunod sa itinakdâ ng̃ mag-aalahás, at tunay ng̃âng sa

dulang na hahapunan ng̃ General. Si Simoun ay nawalâng sinusundán

ng̃ maraming humahang̃à.

Nang mg̃a katang̃ìtang̃ìng sandalîng iyón ay nagtagumpáy ang kaniyáng

magandáng pusò, linimot ang lahát ng̃ kaniyáng pagtataním, linimot si

Hulî, tinangkâng iligtás ang mg̃a walâng sala, at humandâ, mangyari

na ang mangyayari, tinawíd ang daán at nagtangkâng pumasok. Ng̃unì’t

nalimot ni Basilio na nápakadukhâ ang kaniyáng suot; pinígil siya ng̃

bantáy-pintô, at nang mákita ang kaniyáng pagpupumilit ay binantâán

siyáng tatawag ng̃ dalawang _Veterana_.

Nang mg̃a sandalîng iyón ay pumapanaog si Simoun na namumutlâ nang

kauntî. Binayàan ng̃ bantáy si Basilio upang yumukô sa mag-aalahás

na warì’y nagdaán ang isáng santó. Nàhalatâ ni Basilio sa anyó ng̃

mukhâ na lilisanin nang pátuluyan ang sawîng bahay na iyón at ang

làmpara ay may ilaw na. _Alea jacta est._ Dalá ng̃ pag-íing̃at sa

sarili, ay náisip ang lumigtás. Maaarìng másumpung̃án ng̃ kahì’t

sino na galawín ang ilawán, alisín ang timtím at sa gayón ay puputók

at ang lahát ay matatabunan. Náding̃íg pa si Simoun na nagsabi sa

kotsero na:

--¡Sa Escolta, tulinan mo!

Gulilát at sa takot na mading̃íg ang kakilákilabot na putók, ay

lumayô si Basilio nang boông tulin sa sawîng poók na iyón: sa warì

niya’y walâ ang liksíng kailang̃an ng̃ kaniyáng mg̃a hità, ang

kaniyáng mg̃a paa’y nádudulás sa mg̃a bangketa na warìng lumalakad

at hindî kumikilos, ang mg̃a taong nakakasalubong ay humáhadláng sa

kaniyáng lakad, at bago makadalawang pûng hakbáng ay warìng hindî

lamang limáng minuto na ang nakaraán. Sa malayô layô’y nátagpûán ang

isáng binatàng nakatayô, na ang ulo’y nakataás, nakatitig sa bahay.

Nakilala ni Basilio si Isagani.

--¿Anó ang ginagawâ mo rito?--ang tanóng.--¡Halika!

Tiningnán siyá ng̃ malamlám na ting̃ín ni Isagani, ng̃umitî nang

malungkót at mulîng tuming̃ín sa mg̃a bukás na durung̃awán, na sa

puwang nilá’y nátatanáw ang maputîng anyô ng̃ binibining ikinasál,

na nakapigil sa bisig ng̃ nagíng asawa, na dahandahang lumalayô.

--Halika, Isagani! Lumayô tayo sa bahay na iyan, halika!--ang sabi

ni Basilio na ang boses ay paós at piniglán sa bisig ang kausap.

Inilálayô siyang banayad ni Isagani at patuloy ding nakatanáw na

tagláy sa labì ang malungkót na ng̃itî.

--¡Alang-alang sa Dios lumayô tayo!

--¿Bakit akó lálayô? Bukas ay hindî na siya!

Nápakalakíng lungkót ang tagláy ng̃ mg̃a pang̃ung̃usap na iyon, na,

nalimot sandalî ni Basilio ang kaniyáng sindák.

--¿Ibig mo bang mamatáy?--ang tanóng.

Ikinibít ni Isagani ang balikat at nagpatuloy sa pagting̃ín.

Mulîng tinangkâ ni Basilio ang siya’y kaladkarín.

--¡Isagani, Isagani, pakingán mo akó, huwag tayong mag-aksayá ng̃

panahón! Ang bahay na iyan ay punô ng̃ pulbura, sasabog na, dahil sa

isáng kapang̃ahasan, sa isáng pagsisiyasat...... Isagani ang lahát

ay mamámatáy sa ilalim ng̃ kaniyáng duróg na labí.

--¿Sa kaniyáng labí?--ang ulit ni Isagani na inuunawà mandín ang

ibig turan, ng̃unì’t hindî rin inilálayô sa durung̃awan ang ting̃ín.

--Oo, sa ilalim ng̃ kaniyáng labí, oo, Isagani! alang-alang sa Dios,

halika! sakâ ko na isásalaysáy sa iyó, halika! isáng lalò pang sawî

kay sa ating dalawá ang humatol sa kanilá.... ¿Nákikita mo ang ilaw

na putîng iyán, maliwanag, na warìng ilaw eléktriko, na nanggagaling

sa _azotea_? Iyán ang ilaw ng̃ kamatayan! Isáng lámpara na may lamáng

dinamita, sa isáng kakainang may baóng pulbura.... púputók at walâng

makaliligtás na buháy ni isáng dagâ man lamang, halika!

--¡Huwág!--ang sagót ni Isagani na iniilíng na malungkót ang

ulo--ibig kong lumagì rito, ibig ko siyáng makita pang mulî na bilang

pahimakás.... bukas ay ibá na!

--¡Masunód ang nátatakdâ!--ang bulalás ni Basilio nang mákita ang

gayón at matuling lumayô.

Nakita ni Isagani na ang kaniyáng kaibigan ay matuling lumalayô

na tagláy ang pagmamadalîng nagpapakilala ng̃ tunay na takot at

nagpatuloy din nang pagting̃ín sa nakaaakit na mg̃a bintanà, gaya ng̃

_caballero de Toggenburg_ na nag-aantáy na dumung̃aw ang iniibig,

na sinabi ni Schiller. Nang mg̃a sandalîng yaón ay walâng tao sa

salas; ang lahát ay tumung̃o sa mg̃a kakainán. Náisip ni Isagani na

mangyayaring may katunayan ang ikinatatakot ni Basilio. Náalaala

ang mukhâ niyáng gulilát, siyá na hindî napapawìan ng̃ kalamigang

loób, at nagsimulâ na sa paghuhulòhulò. Isáng bagay ang maliwanag

na bumábakás sa kaniyáng pag-iisip: ang bahay ay sasabog at si

Paulita ay naroroón, si Paulita’y mamámatáy sa isáng kakilákilabot

na pagkamatáy....

Sa haráp ng̃ pagkabatíd na itó ay nalimot ang lahát: panibughô,

pagtitiís, mg̃a samâ ng̃ loób; ang maawàíng binatà’y walâng naalaala

kun dî ang kaniyáng pag-ibig. Hindî na inalala ang sarili, walâng

kagatól-gatól, tinung̃o ang bahay, at salamat sa kaniyáng makisig

na kagayakan at kaniyáng anyông walâng alinlang̃an, ay madalîng

nakaraán sa pintûan.

Samantalang ang mg̃a bagay na itó’y nangyayari sa daán, sa kakainan

ng̃ mg̃a malalakíng dios, ay nagpatawidtawid sa mg̃a kamáy ang isáng

pergamino na kinababasahan ng̃ mg̃a salitâng itó, na tintáng pulá

ang ipinangsulat:

_Mane Thecel Phares._

_Juan Crisóstomo Ibarra._

--Juan Crisóstomo Ibarra? ¿Sino iyan?--ang tanóng ng̃ General na

iniabót sa kalapít ang papel.

--¡Isáng masamâng birò!--ang tugón ni D. Custodio;--lagdâán ang papel

ng̃ pang̃alan ng̃ isáng _filibusterillo_, na may sampûng taón nang

patáy.

--¡Filibusterillo!

--¡Iya’y isáng biròng magigiging sanhî ng̃ kaguluhan!

--May mg̃a babai pa namán....

Hinahanap ni P. Irene ang nagbirô at ang nákita ay si P. Salvi, na

nakaupô sa kanan ng̃ kondesa, na namutlâ nang kasingputî ng̃ kaniyang

servilleta samantalang minamasdáng nangdididilat ang matá ang mg̃a

mahiwagàng pang̃ung̃usap. Ang nangyari sa espinghe ay kaniyáng

náalaala!

--¿Anó, P. Salvi?--ang tanóng--¿nákikilala bagá ninyó ang lagdâ ng̃

inyóng kaibigan?

Si P. Salvi ay hindî sumagót; umanyông mang̃ung̃usap, at hindî

alumana ang ginágawâ’y ipinahid sa noo ang serbilyeta.

--¿Anó ang nangyari sa inyó?

--¡Iyan ang kaniyang sulat!--ang mahinàng sagót, na halos hindî

máding̃íg;--iyan ang tunay na sulat ni Ibarra!

At matapos makasandíg sa sandalan ng̃ luklukan ay binayàang mábitin

ang kaniyáng mg̃a kamáy na warìng kinulang ng̃ lakás.

Ang dî kapalagayang loob ay nagíng sindák; nang̃agkáting̃inan

silásilá nang walâng kahumáhumá. Tinangkâ ng̃ General ang tumindíg,

ng̃unì’t sa pang̃ing̃ilag na bakâ ipalagáy na pagkatakot ang gayón,

ay nagpigil at luming̃ap sa kaniyáng paligid. Walâng mg̃a sundalo:

ang mg̃a alilàng naglilinkód ay hindî niya nákikilala.

--Magpatuloy tayo ng̃ pagkain, mg̃a ginoo,--aniya--at huwag natin

bigyáng halagá ang isáng birò!

Ng̃unì’t ang kaniyáng boses ay hindî nakapagbigáy katiwasayán kundî

bagkús pa ng̃âng nagpalalò nang dî kapalagayang loob. Ang boses ay

nang̃ing̃iníg.

--Ipinalálagáy kong hindî ibig sabihin ng̃ _Mane thecel phares_ na

iyan, na tayo’y pápatayín ng̃ayóng gabí?--ani D. Custodio.

Ang lahát ay nápahintô.

--Ng̃unì’t mangyayaring tayo’y malason....

Binitiwan ang kaniláng mg̃a _cubiertos_.

Samantala’y untîuntî nang nagkukulimlím ang ilaw.

--Ang lámpara ay nang̃ung̃ulimlím,--ang sabi ng̃ General na hindî

mapalagáy;--ibig bagá ninyóng itaás ang timtím, P. Irene?

Nang sandalîng yaón, matulíng warì’y lintík, ay pumasok ang isáng

anino na nagbuwal ng̃ isáng uupán at sinagasà ang isáng alilà, at

sa gitnâ ng̃ pagkakagitlá ng̃ lahát, ay sinunggabán ang lámpara,

tumakbó sa asotea at inihagis sa ilog. Ang lahát nang itó’y nangyari

sa isáng kisáp-matá, ang kakainán ay nagdilím.

Ang lámpara ay lumagpák na sa ilog nang ang mg̃a utusán ay nakasigáw

nang:--¡magnanakaw, magnanakaw! at patakbó ring tumung̃o sa asotea.

--¡Isáng rebolber!--ang sigáw ng̃ isá;--¡madalî ang isáng rebolber!

Habulin ang magnanakaw!

Ng̃unì’t ang anino, lalò pang maliksí ay nakapang̃ibabaw na sa

babaháng ladrilyo, at bago dumatíng ang isáng ilaw ay nakalundág na

sa ilog at nagpading̃íg ng̃ isáng alaguwák sa pagbagsák sa tubig.

Ang "Filibusterismo" (Karugtóng ng Noli Me Tangere) · 第 71 / 78 题